You are on page 1of 7

Usok ng Mapupusok na Araw (1983)

ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Si Ruth Elynia S. Mabanglo, ipinanganak noong Marso 30,1949 ay isang professor sa


University of Hawii sa Manoa. Siya ay ang coordinator para sa Kagawaran ng Hawaiian at
Indo-Pacific wika at literatures pati na rin ang Filipino at Literatura Philippine Program. Ang
kanyang pinaka-kamakailang mga pahayagan ay “Balada ni Lola Amonita” at “Ang balad ng
Lola Amolita” sa Babaylan: Ang isang antolohiya ng Filipina at Filipina Amerikano
Manunulat, ini-edit ni Nick Carbo at Eileen Tablos at na publish sa pamamagitan ng tiyahin
Lute Books sa taong 2000.

Ipinanganak sa Manila papuntang Fortunato at Miguela Mabanglo, siya ay


nakatanggap ng isang degree sa Pilipino mula sa University of East, ang isang Pilipino sa wika
at panitikan master degree mula sa Philippine Normal College, at sa Unibersidad ng Silangan,
Manuel L. Quezon University, Philippine Normal College, at De La Salle University, siya ay
isang mamamahayag sa Taliba at Abante para sa isang habang mga nagawa.

Takot na takot si Lucing nang sumakay sa taksing nakaparada sa harap ng bahay. Parang
tinatambol ang dibdib niya. Alam niyang paglapat ng pinto ng taksi pagkaupo niya sa likmuang
nasa likod ng drayber ay sisibad na ang sasakyan patungo sa di niya natitiyak na layunin.

Ilang beses na siyang nakasakay sa taksi na iisang pook ang tinuturol ano mang oras o
araw siayng sumakay. Bibigyan lamang niya ng direksyon ang tsuper at waring ang mga daan,
gusali, bahay, lawak ng mga bakanteng lote o laksang mukha ng mga taong nararaanan at
nagdaraan, o kahit na ang ilaw-trapiko nagbitin sa mga sagandaa’y parang dagitab na
magsisibaran sa mga mata niya’t kaagad agad ay naroon na siya, sa pulang gate na magluluwa ng
isang binatilyong boy na magbabayad ng kanyang taksi. Ni hindi niya namamalayan ang tagal o
ikli ng oras. Ni hindi siya mag-aabalang tanungin kung magkano ang kunsumo ng taksi mula
Pandacan hanggang Project 8. Ang pananabik niyang makarating sa destinasyo’y tila agad-agad
ding pinasusukdol ng pagbubukas ng pulang geyt, tila pinagtitiim ng paglalapat ng pintong
isinasara pagkapasok niya.

Ngayo’y kaiba ang araw at panahon. Kaiba ang pakiramdam niya. Kaiba rin ang layon ng
pagsakay sa taksi. Kakatwang wala ang dating siglang umaahon sa mga hakbang niya patungo sa
nakaparadang taksi. Sa halip, isang nakapanlulumong katamalayan ang gumagapang sa mga paa
niya, gumugupo sa kanyang isip.

Totoong iisang destinasyon pa rin ang lalakbayin ng taksi. Dadaan pa rin ito sa mga
dating lansangang halos memoryado na niya saw along buwan pagtugaygay niya sa rutang
nagwawakas sa isang ‘di kabaguhang tsalet na may pulang geyt sa isang kalye sa Project 8.
Mahinay na naupo si Lucing. Matamlay na inilapat ang pinto ng taksi. At sa mababa, tila
nanginginig na tinig ay nagsabi: “Sa Project 8 tayo, mama!

Walang imik na ibinaba ng tsuper ang plag ng metro. Kinabig nito ang manibela at
tinapakan ang gasolina. “Sa Nagtahan tayo daraan,“ narinig niyang nagmamando ang boses.

Walong buwan na rin nga palang nagpapayao dito sa Pandakan at Project 8 si Lucing.
Karaniwang Biyernes ng hapon, Sabado ng tanghali (kung may pasok sa opisina) o dili kaya’y
umaga ng mga araw na pista opisyal o walang pasok. Iyo’y tila isang ritwal na sinusunod niya
matapos tawagan si Nasser sa telepono. Pagkababa nga ng awditibo’y magpapalit na siya ng
damit, magpapatawag ng taksi sa katulong niyang si Elay at saka sisisbad na nang alis.

Naantala lamang ang nagmamadaling paglabas niya na waring may kung ano o sinong
hinahabol kung bubuntot ang boses ni Elay. “Kailan ka uuwi, ate?” o “Ano ang sasabihin ko ‘pag
me tumawag?” at mariirinig niya ang sariling nagbibilin , nagmamatuwid o nag-aatubili.

“E bakit ba hindi pa si Nasser ang papuntahin mo sa apartment mo?”, tanong ni Aida na


siyang tanging katapatan niya sa opisina. “Mahirap din naman ‘yang ginagawa mong ikaw pa
ang pumupunta sa kanya.”

“Ano, nakakaloka? E di binigyan ko pa ng pag-uusapan ang mga kapitbahay ko! Hindi


na!”

“Kung sabagay, hindi mo naman kakilala ang neighborhood ni Nasser sa Project 8 ,”


ayon

Ni Aida

“ Mas mabuti na ‘yon, walang hassle. Pa’no kund di kami magkatuluyan?” ani Lucing

“ ‘Wag mong sabihing inihahanda mo na ang sarili sa pag-i-isplit niniyo.” Parang


nanunukso ang tinig ni Aida

“Hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari. Alam mo naming dayuhan ‘yong tao,”
buo ang tinig ni Lucing at matapang.

Iranian si Nasser. Nagkakilala sila sa isang party ng kaibigan niyang nagtuturo ng Math
sa isang unibersidad sa Sampalok. Madali siyang naakit dito dahil kaiba sa karaniwang Iranian
na nakilala niya, si Nasser ay walang masasamang amoy, hindi gaanong rugged manamit at
matalas magsalita ng Ingles. Nalaman niyang nasa ikatlong taon na ito ng Civil Engineering,
isang die-hard anti-Khomeini, dating sundalo at may amang namamahala ng mga konstruksyon
publiko sa Iran.

“So you live alone?” ani Nasser nang malamang naninirahan siyang mag-isa sa isang
studio apartment, nagtatrabaho at nagmamaneho ng sariling buhay. “ Strange.”
“Why do you say so?” ani Lucing na namangha sa reakyon ng Iranian.

“We do not allow our women to be that independent.” Anitong walang gatol. At inilahad
nito kung paano nila binibigyang-kabuluhan ang virginity at kung anong papel lamang ang
maaring ipagampan dito sa lipunan at sa tahanan.

Walang tinig sa larangan ng pulitika o kabuhayan ang mga babae sa Iran. At sa tingin
niya’y wala itong kabuluhan kung hindi ang maging palamuti, tagapagsilbi o palahian lamang.
Bagaman minsa’y sa kanila iniaasa ang tungkulin ng pagtuturo, patuloy silang naiiwan sa
background.

“ Parang dekorasyon lang pala!” mariing sabi niya matapos marinig ang paliwanag ni
Nasser. Noo’y nakalimutan niyang isang dayuhan ang kausap niya. Nagaitla pa siya nang
marinig itong magtanong.

“ What did you say?”

“I’m sorry,” saglit siyang nag-apuhap ng sasabihin. “I was just thinking aloud.I told
myself that you were treating your women like someone ornament or something.”

“On the contrary,” tutol ni Nasser. “We are able to protect our women more. Iranian
women enjoys some privilege and prestige than other Asian women…”

“And just what do you mean by that?” agaw ni Lucing.

Nagtawa nang malakas si Nasser. Nanahimik siya. Nakiramdam. Nang makita nitong
nawalan siya ng kibo’y nagbago ang kulay ng mukha. Naging pormal.

“I’m sorry. I understand how you feel.” Hinawakan ni Nasser ang kamay niya. “You
sounded as though we were quarreling.”

Napatawa siya. Nagkatawanan sila. Nang humupa ang alingawngaw ng halakhak nila’y
saka niya namalayang magkahawak-kamay sila. Nag-init ang tainga niya sa pagkahiya sa sarili
nang bawiin niya ang palad na gagap ng dayuhan.

At iyo’y waring kuryenteng gumapang sa katauhan ni Lucing, umakyat sa kanyang


dibdib, nagbukas ng kanyang isip sa isang landasing minsang natahak na niya. Natatandaan pa
niya ang karaniwan at ‘di karaniwang liko ng landas na iyon, ang patag at bako, ang lugod at
kirot. Ang karanasan kayang iyo ang nagpatapang sa kanya? Ano’t hindi siya natatakot na
muling mabigo.

Sa simula’y puro pamamasyal, pagkain sa labas, panunuod ng sine, pagdalo sa kung saan
saang party. Nang lumao’y hinanap-hanap nila ang pagkakataong mapag-isa, malayo sa paningin
at pandinig ng karamihan. Sa katagala’y nalulong sila sa pagkukulong sa mga lugar na ang oras
at liwanag ay hindi namamalayang lumilipas. Hanggang mauwi sila sa pagpapasiyang magsama
kung weekend o araw na walang pasok sa bahay na inuupahan ni Nasser.

Walang takot ang pag-ibig sa simula. Tila lahat ng tao’y nakababatid nito. Sinusuong ang
nakapangangamba’t nakaliligalig. Matapang sa mga banta ng krisis, matatag sa mga kapusukan
at karahasan. Para bang walang makatitigatig. Kahit kamatayan. Ngunit kapag sumusupling na
ang suliranin, kapag ang hiwatig ng kasalimuota’y sumusulpot na, naglalaho ang kawalang
bahala’t sumasalit ang pagkabalisa. Para bang kayhahaba ng gabi ang lahat ng pangyayari
kasumangan ng hangarin. Agad-agad, nagtatalusaling ang puso, nagsisisi ang isip.

“So that’s it!” pasya ni Nasser.Pinag-uusapan nila noon ang ‘di binalak na bunga ng
madalas na pagkikita. “Either you go on with it and be alone . . . or have it aborted and . . . ‘tuloy
ang ligaya!” Pagaril ang pagkakabigkas nito ng Tagalog na tila ibig magpatawa. Marami-rami na
rin naming parirala ang naituro ni Lucing dito sa ilang panahon ng kanilang pagsasama. Tuwang-
tuwa siya, madalas na mapabunghalit nang tawa tuwing tatangkain ni Nasser na managalog.
Kung bakit ang unang natutuna’y mga salita’t usapang pribado, at ang siste’y sa mga
pagkakatong pribado rin kung nangungusap. Iniisip ba niyang pakakasalan siya ni Nasser sa
harap ng kagipitang tulad nito. Hindi! Nakaligtaan na niya ang bagay na ito. Ipinagwalang
bahala. Tunay na nagiging makitid at maikli ang pananaw ng taong haling sa ligaya.

Ilang gabi ring hindi pinatulog ng pag-aalala si Lucing. Kaya ba niyang maging dalagang
ina? Kaya ba niyang magpalaglag ng bata? Tila siya Bernardo Carpiong nakaipit sa nag-
uumpugang bato. Tinimbang niya ang paninindigan. Hinalughog niya ang kaluluwa. Samu’t
saring pangitain at alaala ang sumusurot sa isip niya. Gaya ng nasabi niyang minsang kumalat sa
opisina ang tungkol sa isang binigting sanggol na nakita ng dyanitor sa palikuran ng mga babae
sa ikatlong palapag ng kanilang gusali. Ang sanggol ay nakabalot sa isang bag na plastik at
isiniksik sa ilalim ng flush tank ng kubeta.

Nakita niya ang pagdating ng mga pulis para imbestigahan ang pangyayaring iyon.
Bagaman hindi niya aktwal na nakita ang bata’y ilang deskripsyon ang umabot sa pandinig niya.
Maputi raw ang bata, alon-alon ang buhok. Marahil daw ay dayuhan ang ama. Marahil daw ay
abandonado ang ina. Ngunit maliwanag na pinatay ang bata. Nakalagay sa leeg nito ang kordong
nylon na ginamit sa pagbigti. “Napakasamang ina!” Parang inuukilkil ng sariling tinig si Lucing.

O ang nasasambit niya kapag nakababasa ng mga balitang tungkol sa mga sanggol na
itinatapon sa basurahan. “Mabuti pa ang pusa, marunong maging ina.”

At ngayo’y siya ang dumaraan sa pagsubok. Makapapasa kaya siya? Ligalig na ligalig
ang isip niya sa maitim na pagninilay. Alin siya sa dalawang kategorya?

“Okay!” Halos ayaw lumabas ang boses sa lalamunan niya. “I’ll abide by your
decision!”Nanginginig ang palad niyang may hawak ng telepono.
“Oh, Lucing . . . I can kiss you !” ani Nasser sa kabilang dulo ng kawad. “When do you
want it done?”

“Just give a moment’s notice.”

“Don’t worry, I’ll arrange that. Take care now. Very soon, our worries are over.”
Nadama niyang walang anuman kay Nasser ang sinabi. Para bang nahulaan na nitong papayag
siya. “I’ll give you a call as soon as I’ve fixed a date for you.”

At hindi naman iyon naglaon. Umagang-umaga nga kanina’y nag-ring ang telepono.
Tinanong siya ni Nasser kung may panahon siya ng hapon ding iyon. Sa bahay nito sa Project 8
idaraos ang operasyon. Bahagya na siyang napa-oo. Pinagpapawisan siya nang malamig.

Sa balintataw, nakita niya ang sarili habang ginagawa ang operasyon. Halos lumuwa ang
mata sa kirot. Halos umigkas ang ugat sa laman habang namimilipit. Alipin siya nang ‘di
magkamayaw na sakit. Butil-butil ang pawis sa noo. Tumutulo ang laway sa pagsigaw. Walang
taros sa pag-agos ang luha. At nakita niya ang sarili sa pagitan ng buhat at kamatayan. Sa pagitan
ng kasalanan at kabayanihan. Naroon siya, animo dayukdok sa paghihirap, isnag nalulunod na
katauhang naghahanap ng makakapitan samnatalang nagpapahirap, ang lumulunod, walang tigil
sa paghalakhak.

Biglang gumuhit sa sulok ng mata ni Lucing ang pulang geyt. “Para!” Napalakas ang
boses niya. Tiim-bagang siyang nagbukas ng kalupi, naghagilap ng pambayad. Sa isnag dako ng
kamalayan niya’y narinig niya ang pagbubukas ng pulang geyt at ang nagmamadaling paglabas
ng binatilyong boy na magbabayad ng taksi. Isang de-beinte ang inabot niya sa tsuper, “Inyo na
ang sukli mama.” BInuksan niya ang pinto ng taksi at saka bumaba. Hustong sinasara na niya
ang pinto nang dumating ang binatilyong boy. “Bayad na!” aniya at walang lingon-likod na
umalis.

Napakamot ng ulo ang boy nang walang anumang lampasan niya ito. Tuloy-tuloy siyang
pumasok hanggang sa kabahayan ng tsalet. Nadatnan niya sa salas si Nasser na kausap ang
tatlong lalaking Iranian at isang dalagitang sa tingin niya’y estudyante. Sinapantaha niyang
kasama ito ng isa sa mga lalaking Iranian.

Tumayo ang tatlong lalaking Iranian upang magpugay nang bumuglaw siya sa salas.
Bukod-tanging nanatiling nakaupo si Nasser. Ang dalagita’y tumayo rin dahil hinila ng katabi.

“Hi!” aniya. “Relax. . .feel at home, I too am a guest here.” Sinulyapan ni Lucing si
Nasser. Inabot nito ang isang basong may lamang beer at saka tumungga.

“You may wait in the room, if you please ,” muli itong nagsalin ng beer sa baso. “The
doctor may arrive in any moment now.” Sinenyasan ni Nasser ang mga lalaki para maupo.
Nagsalita ito sa Persian na sa pakiwari niya’y nangangahulugang huwag siyang intindihin.
Hindi tuminag sa pagkakatayo si Lucing. Walang kurap na tinitigan lamang niya si
Nasser. Ang mga bisita nito’y nagsimula nang mabalisa. Sa kabila ng pagsasabi’y niyong huwag
silang mag-alala’y tila hindi mapakali at waring nangangamba. Inalok ni Nasser ng inumin ang
dalagita na patingin-tingin lamang, halatang takot. Umiling ito. Inabutan ng isang platitong may
lamang mani. Muli ring umiling. Nang mapuna ni Nasser na naroon pa rin siya’t walang kibo’y
pinaupo siya nito. Ngunit hindi siya tuminag sa pagkakatayo.

Tumayo ang isang Iranian. Nagpaalam. Sinansala ito ni Nasser. May sinabing hindi niya
maunawaan. Sumagot ang isa na nakatingin sa kanya. Sinulyapan din siya ni Nasser.

“Lucing!” mataas na ang boses ni Nasser, parang galit. “Just what do you mean standing
and starring there? They do not feel all right!”

“I do not feel alright too!” mataas din at galit ang tinig ni Lucing.

“I told you to wait in the room! The doctor will come any minute now. Don’t you
understand that?”

“I don’t need any doctor! It’s you I need.” Nabasag ang tinig ni Lucing. May luha nang
nagsisimulang sumungaw sa sulok ng mata niya.

“I told you to wait in the room! The doctor will come any minute now. Don’t you
understand that?” sumigaw na si Nasser. Tumayo ito upang sugurin si Lucing naagapan ng
dalawang Iranian na katabi. “ Are you trying my patience?”

“What’s this girl doing here?” pinilit ni Lucing na mag-iba ang boses. Hindi nya talagang
tangkang tanungin ang anumang tungkol sa babaing iyon ibig lamang niyang ibahin ang usapan.
Ibig lamang niyang hanapan ng pagkukulang ang kasintahan.

“That’s none of your business!” muling sumigaw si Nasser. Nagwawala ito sa


pagkakapigil ng dalawang bisitang Iranian. “Stupid! Your embarrassing me. . . I have some
guests!” pulang pula ang mukha nito sa pagkalasing o sag alit.

Tinitigan ni Lucing si Nasser. Nanlilisik ang mata nito. Noo’y nakita niya ang katumbalik
ng maginoo, masuyo at mabait na lalaking inibig niya. Isang hayop ang naaaninag niyang pilit
kumakawala upang siya’y sakmalin. Isang nag-aalmang hayop, walang katinuan,walang bait.
Isang hayop, naroo’t gugutay sa kanyang pagkatao sa sanggol na pumipintig sa pusod ng
kanyang pagkababae.

Iisa ang kulay at itsura ng mga dayuhang iyon sa kanyang tingin. Manunulot ng puri.
Maninila ng karangalan. Mamamaslang ng kinabukasan. “You better do as he says,” anang isa sa
dalawang Iranian na may pigil kay Nasser. “We cannot answer for what harm he may do you.”

Naningkit ang mata ni Lucing. Umukyat ang dugo sa kanyang ulo. Hinarap ang dalagita
sa takot ay tinatakasan nan g kulay sa mukha. “Nakita mo na kung anong kahayupang mayroon
sila? Kung ako ikaw ay iiwasan ko na sila. . . mga walang hiya!” napaurong ang dalagita sa
paglapit niya. Sa isang iglap ay mabilis itong nakatakbo palabas ng bahay.

“ What are you trying to do?” anang isang Iranian na nanunuod lamang.

“And you? Just what are you Iranians doing here in the Philippines? Nagsisikip ang
dibdib ni Lucing sa galit.

Humalakhak si Nasser. Malutong ang tawa nito na nanunuot sa pandinig niya.


Nakatutuya. Nakalilibak. Lalong nakagagalit. “You ask why Iranians come here for? Simple!
The woman and the beer are cheap! Very cheap!”

Parang pinilantik ang tainga ni Lucing. “Gano’n ha?” Sa isang iglap di’y nakalapit siya
kay Nasser at inundayan ito ng sampal. Nagitla ang lahat. Natulala.

“That is for harboring a wrong notion towards us. You’ll find that not all women here are
cheap. Neither is the beer! I will see to it that you will realize that!”

Pagkasabi nito’y tuloy-tuloy na lumabas ng bahay si Lucing. Halos tumakbo na siyang


palayo nang mailapat niyang pasara ang pulang geyt . Maputik ang lansangan ngunit may
sumisimoy na hangin.Sarado ang lahat ng pinto ng mga kapitbahay sa daang iyon nang igala niya
ang paningin. Isang buntong-hininga ang pinawalan niya mula sa nagsisikip na dibdib.

Nezrine Ramos

Generose Obsequio

You might also like