You are on page 1of 7

Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina

Aralin 6: PAGBUO NG
KONSEPTONG PAPEL

Mahalagang magsimula ang paggawa ng pananaliksik sa pagbuo ng isang


konseptong papel o concept paper. Sa konseptong papel nakasaad ang pangkalahatang
balak sa isasagawang pananaliksik. Nakalahad din dito ang pangkalahatang larangan ng
paksaing nais talakayin, ang tulak o rasyonal ng papel na nais isagawa, ang layuning
nais tugunan ng pagtalakay, ang pamamaraan o metodolohiya ng pagsisiyasat na nais
isagawa, ang inaasahang maging resulta ng isasagawang pananaliksik at panimulang
sarbey ng sanggunian at kaugnay na pag-aaral. Maikli lamang ito, maaaring dalawa
hanggang tatlong pahina lamang.

Bahagi ng konseptong papel:

1. Tiyak na Paksa. Isa sa mga tinitiyak sa pagbubuo ng akademikong papel ay


ang pagpili at pagtitiyak ng paksa o larangan ng pagsisiyasat na nais isagawa.
Pinipili ng isang nagsasaliksik ang larangan ng kaalamang nais niyang
siyasatin. Bukod pa rito, higit pang ginagawang partikular ang paksain upang
higit na maging masinop ang isasagawang pagsisiyasat.

Paanong tinitiyak ang isang paksa?

Bawat paksain ay may isang pangkalahatang larangang


kinabibilangan. Halimbawa nito ay ang larangan ng agham, pilosopiya,
panitikan, kasarian, etnisidad. Sa mga larangang ito, kinakailangang
tumukoy ng mga partikular na usapin o paksaing nais talakayin. Maaaring
limitahan ang mga paksain sa pamamagitan ng pagbibigay- diin sa mga
usaping may kinalaman sa panahon, lugar o espasyong pinangyarihan,
heyograpiya, proseso ng paglikha o pag-iral, wika at ibang salik ng buhay at
kulturang nakaaafekto sa isang paksain.

Pansinin ang kasunod na halimbawa:

Larangan - Dula sa Pilipinas


Tiyak na Paksa - Kasaysayan ng Dula sa Pilipinas
Lalong tiyak na paksa - Kasaysayan at Pagpapakahulugan sa Salitang Dulat

Sa pagtitiyak ng paksa, makatutulong ang panimulang pagbabasa ukol sa


larangang nais tuklasin. Ang pagbabasang ito ng mga kaugnay na paksa ay
nakapagbibigay ng pagkakataon sa isang mananaliksik na masarbey ang lawak ng
larangang nais talakayin. Nakapagbibigay din ito ng pagkakataong makatukoy at
makaisip ng mga paksang nais saliksikin (areas of inquiry). Makakatulong ang
pagbabasa ng mga introduksyon ng mga aklat na may kaugnay na paksa at ang
paggawa ng panimulang katanungan mula sa mga nabasa. Maaari ding gumawa ng
anotasyon ng mga nabasang aklat ukol sa paksa bilang pagsasanay sa pagsarbey ng
mga kaugnay na pag-aaral ukol sa paksang sasaliksikin. Ang tawag dito ay annotated
bibliography. Maaari itong gawin habang nagsasarvey pa lamang ng paksa para sa
pananaliksik. Maaari rin itong gawin kapag nakapili na ng tiyak na paksa bilang simula
sa pagsisiyasat ng mga sanggunian ukol sa paksa.

2. Rasyonal. Sa pagtitiyak ng mga paksang nais talakayin at sa larangang


kinabibilangan ng paksaing nais siyasatin, mangyayaring maihanay ang mga
motibasyon at inspirasyong nagtulak sa pagtatangi ng napiling paksain. Ano
ang dahilan at napili ang paksain? Anong mga karanasan at pangyayari ang
nagtulak sa pagpili ng paksaing ito?

Ang pagtukoy ng pinagmulang motibasyon o inspirasyon ng


pagsisiyasat ang pagtukoy ng tinatawag na rasyonal ng pag-aaral. Ang
rasyonal o pinagmumulang tulak ng pagsisiyasat ay maaaring maging isang
karanasang tuwirang nasaksihan ng nagsasagawa ng pag-aaral o di kaya ay
isang konsepto, bagay o ideya na nakapukaw ng kanyang pansin at nakapag-
iwan ng malalim na bakas ng pagtuklas na nais tuntunin ng nagsusulat ng
akademikong papel.
3. Layunin. Sa pagtiyak ng paksa, halos kasunod na rin ang pagtitiyak ng
layunin ng pagsisiyasat at pananaliksik. Ang pagtukoy ng layunin ng
pagsisiyasat ay maaaring maihayag sa pamamagitan ng isang katanungang
nagbubukas ng pinto ng pagsisiyasat. Halimbawa ay ang mga katanungang
ano, sino, saan, kailan at bakit. Bawat isang katanungan ay nagtatakda na rin
ng isang antas ng lalim ng pagsusuring nais isagawa ng nagsisiyasat.
Halimbawa, maaaring ang pagtatanong ay nasa antas ng ano kung ang nais
siyasatin ay ang mga larangang may kinalaman sa paglalahad ng isang
bagay o pangyayari. Sa antas ng pagsisiyasat na ito, nasasakop ang mga
pagsisiyasat na may kinalaman sa paghahantad ng depinisyon at pagbibigay-
linaw ukol sa isang bagay o pangyayari.

Pansinin ang kasunod na halimbawa.

Target na Paksain

Kasaysayan at Pagpapakahulugan ng Salitang Dula sa Pilipinas

Rasyonal

Matagal na akong nahihirati sa halinang dulot ng panonood ng mga dula


sa tanghalan. Sa mga pagkakataong nakakapanood ako ng mga dula, lagi kong
naiisip kung paano nga bang nagsimula ang dula sa Pilipinas. Paano ba ito
umunlad? Saan ba nakuha ang salitang dula samantalang ang salitang ito ay
katulad din ng salitang Cebuano na ang ibig sabihin ay laro? Mayroon kayang
natatanging pagpapakilala sa dula sa Pilipinas na iba sa karanasan ng ibang
bansa?

Suliranin

Ano ang salitang ugat at mga kaugnay na salita ng katuringang dula sa


Pilipinas? Sino ang unang gumamit ng salitang dula bilang katuringan ng dula
sa Pilipinas? Saan itinanghal ang mga unang dula sa Maynila? Kailan nagsimula
ang gamit ng tiket sa mga pagtatanghal ng dula sa Pilipinas? Paanong sumikat
ang dula noong panahon ng Hapon? Bakit naging sikat ang gamit ng dula noong
panahon ng Batas-Militar?

Pansining malawak at marami ang maaaring mabuong mga suliranin mula lamang
sa isang partikular na paksa. Ito rin ang dahilan kung bakit kinakailangang maging tiyak
at matalas ang suliranin upang maging masinop din ang pagsisiyasat ukol sa paksain.

Maaari ding umabot sa sino (na tumutukoy sa pagsisiyasat ng tao), saan (na
tumutukoy sa espasyo o lugar na kinabibilangan o pinagyarihan o espasyong tinitiyak ng
pagsusuri). Ang kailan naman ay nakatutok sa pagsisiyasat ng panahon o oras, ang
paano ay may diin sa pagsisivasat ng prosesong pinagdaanan at ang bakit ay
pagsisiyasat ng sanhi at kinalabasan ng isang karanasan. Sa lahat ng ito, pinipili ng isang
bumubuo ng konseptong papel kung anong antas ng pagsisiyasat ang nais niyang abutin
upang matugunan ang kanyang nais tuklasin. Ang lawak at sakop ng pagsisiyasat na
nais niyang isagawa ang makapagtatakda ng magiging pormulasyon ng suliraning
tutuntunin ng kanyang pag-aaral.

Bukod sa pagtukoy ng mga panimulang tunguhin ng pagsisiyasat, mahalagang


isaalang-alang ang pagbuo ng katanungan bilang pangunahing gabay sa simula,
patutunguhan, at tutuntunin ng pagsisiyasat.

Pansinin ang isang katanungan: Ano ang hinaharap ng dula sa Pilipinas?

Sa unang tingin, malinaw naman ang nais siyasatin ng suliraning ito. Nais niyang
alamin kung ano ang maaaring maging hinaharap ng Pilipinas. Kaya lang ang ganitong
uri ng suliranin ay lubhang malawak. Maaari din mangahulugan ng iba't ibang bagay ang
katuringang hinaharap kung kaya't magiging higit na malinaw ang pagtunton sa layunin
ng pagsisiyasat kung gagawing higit na tiyak ang sakop na panahong nais siyasatin at
lalagyan ng partikular na aspekto ng buhay-lipunan na nais alamin. Halimbawa, sa halip
na Ano ang hinaharap ng dula sa Pilipinas?, maaaring maging Ano ang hinaharap ng
Pilipinas sa susunod na dalawampung taon sa larangan ng pagpapaunlad ng dula? Sa
ganitong uri ng pormulasyon, tiyak ang usaping nais siyasatin, malinaw ang panahong
sakop at may partikular na larangan ng buhay-lipunan na nais bigyan ng pansin.

Mahalaga ang pagpapatalas ng suliraning nais siyasatin sapagkat ito ang magiging
gabay ng mananaliksik. Kailangang ang suliranin ay may sapat na lawak, tiyak na sakop
ng pagsisiyasat upang makapagbigay ng pagkakataon sa isang mananaliksik na
makagawa ng hustong pagkakataon upang mausisa ang pangkalahatang usaping
nakaumang sa kanyang pag-aaral tulad ng pagbibigay-depinisyon sa mga susing salita
at konseptong sinisiyasat, ang kasaysayan at kasalukuyang kalagayan at pag-iral ng
paksain, ang mga suliranin at hamong hinaharap.

Ang lalim ng pagtalakay sa mga usaping ito ay nasusukat din sa uri ng pagsisiyasat
na nais isagawa - ang ano, sino, paano, kailan, saan at bakit ng mga katanungan. Ang
mga usaping ito ay mahahanap sa mga susing salitang nakasaad sa suliranin kaya't ito
na rin ang magiging gabay sa pagsisiyasat.

Balikan natin ang halimbawang katanungan, Ano ang hinaharap ng dula sa Pilipinas
sa susunod na dalawampung taon?

Pansinin natin ang mga susing salita ng suliranin.

Kaagad na ituturo ng pormulasyon ng suliranin na naghahanap ng pagtaya sa


kalagayan ang pagsisiyasat dahil sa susing katanungang ano. Ang pagtukoy sa
hinaharap ng Pilipinas ay nagtuturo din ng pagbibigay-kahulugan sa hinaharap na
kalagayan na batay sa kalagayang pangkasalukuyan sa Pilipinas kaya't matutukoy na isa
rin itong usaping dapat bigyan ng pansin sa pagsisiyasat. Bukod rito, ang takdang
panahon na sa sumusunod na dalawampung taon ay nangangailangan din ng pagtaya
ng kalagayan na siyang tiyak na larangan ng pagsisiyasat para sa pananaliksik na ito.

Batay sa nakalatag na suliraning ito, maihahanay na kaagad ang usapin ng


pagkilala sa depinisyon ng larangang sinisiyasat, ang dula, ang kasalukuyang kalagayan
ng dula bilang batayan ng tinatayang kalagayan sa susunod na dalawampung taon. May
pagtukoy kung gayon sa kasaysayan, kasalukuyan at mga sangkap na makaaapekto sa
kalagayang hinaharap nito.

4. Panimulang Haka. Sa paghahanay ng matalas at tiyak na suliranin para sa


paksa, maaaring maghanay ng panimulang haka sa pag-aaral. Ang panimulang
haka ay pagbuo ng panimulang tugon sa suliraning nais tuntunin. Nakabatay ito
sa panimulang sarbey ng mga babasahing isinagawa bago pa man makabuo ng
isang tiyak na suliranin sa pag- aaral. Ang panimulang haka ay hindi dapat na
maging tiyak sapagkat ito ay pagtantiya lamang sa posibleng kahihinatnan ng
pagsisiyasat at pananaliksik. Ang panimulang haka ay paglalatag ng isang
pangkalahatang inaasahang resulta ng pananaliksik kaya't mahalagang batay
sa panimulang pagbabasa at pagsarbey ng mga kaugnay ng babasahin at
paksain. Maaari itong magbago sa bandang huli, matapos makapangalap ng
mga datos at observasyon. Ang panimulang haka ang tantyadong tugon sa
inaasahang resulta ng pagsisiyasat kaya't kailangang bukas sa posibilidad na
mabago, mapatunayang hindi totoo o hindi aplikable o di kaya ay
makapagbukas ng panibagong larangan ng pag-aaral matapos ng pagsisiyasat.

Pansinin ang kasunod na halimbawa:

Suliranin:

Ano ang salitang ugat at mga kaugnay na salita ng katuringang dula sa


Pilipinas?

Panimulang Haka:

Ang salitang dula ay maaaring nagmula sa salitang dula mula sa Cebuano na


ang ibig sabihin ay laro. Ang mga katangian ng dula ay maaaring nahalaw sa mga
salita at katuringang iniuugnay sa salitang dula.
5. Sarbey ng mga Sanggunian. Ang panimulang sarbey ng sanggunian o
kaugnay na pag-aaral ay listahang bibliograpikal ng mga pag-aaral na
makatutulong sa pagpapahusay ng pagsisiyasat. Maaari itong buuin ng lima
hanggang walong babasahing nabasa ng mananaliksik at nakatulong sa
pagsisinop at pagpapatalas ng kanyang suliranin at pananaliksik. Ang
panimulang sarbey na ito ay bahagi ng pagtitiyak na ang isasagawang pag-
aaral at pananaliksik ay nagmumula sa mga nagawa nang pananaliksik at
nakabatay sa mga kaalamang lalong pagyayamanin ng isasagawang
pagsisiyasat at pananaliksik Isinusulat ang mga ito sa akmang anyo ng
sanggunian. Ang mga sangguniang ito ay dapat na madagdagan at mapalawak
habang isinasagawa ang pananaliksik. Maaaring may mga sanggunian na
makikitang hindi na magagamit sa pananaliksik. Mayroon din namang
madadagdag na bago. Maaaring gumamit ng pormat ng APA, MLA, The
Chicago Manual of Style o di kaya ay ang A Manual for Writers ni Kate
Turabian. Alin man ang gamitin, mahalagang maging konsistent sa pormat ma
pipiliing gamitin.

6. Metodolohiya o Pamamaraan ng Pananaliksik. Ang metodolohiya o


pamamaraan ng pagsisiyasat at pananaliksik ang mga balak na hakbang sa
pangangalap ng datos at pag-iimbestiga ukol sa napiling paksa. Sa paglalatag
ng suliranin at panimulang haka sa pagsisiyasat nakabatay ang mabubuong
pamamaraan ng pananaliksik.

Sakop ng pananaliksik sa mga aklatan at arkibya ang paggamit ng nalathala


(aklat, dyornal, dyaryo, magasin, newsletter, at iba pang lathalain) at 'di
nalathalang kasulatan (tisis/disertasyon, manuskrito, katitikan, sulat-ugnayan,
mapa, larawan, guhit at iba pang mga personal na dokumento). Ang mga
dokumentong ito ay maaaring nasa pag-iingat ng mga aklatan o 'di kaya ay nasa
mga pribadong koleksyon ng mga indibidwal. Sakop naman ng pamamaraang
field work ang mga pamamaraang tulad ng pakikipanayam, sarbey gamit ang
mga pormularyo o questionnaire, participant observation, pagmamapa at iba
pang mga pamamaraang mangangailangan ng pagpunta sa isang lugar at
pakikisalamuha sa mga tao. Ang pamamaraan namang nangangailangan ng
eksperimento sa isang laboratoryo o isang kontroladong lugar ay kadalasang
ginagawa sa mga pagsisiyasat sa agham tulad ng mga eksperimento sa
biyolohiya, kimika, at iba pang sangay ng agham.

Maraming posibleng maging metodo sa pananaliksik. Maaaring gumamit ng isa


o higit pang pamamaraan. Halimbawa, mahalagang sangkap ng pananaliksik
ang pagpunta sa aklatan at pagbabasa ng mga nagawa nang mga pananaliksik
ukol sa napiling paksain kaya't tunay na mahalaga ang pagbabasa sa aklatan
ng mga dokumento. Gayon din, madalas na gumamit din ng pakikipanayam,
pagmamapa at paghahanap ng mga dokumentong nasa pag-iingat ng mga
indibidwal lalo't kung ang paksa ay may kinalaman sa mga usaping
pangkasaysayan, personal na karanasan ng mga indibidwal ukol sa isang
usapin at kapag nais makakuha ng mga palagay mula sa mga eksperto sa
larangang sinisiyasat. Mahalaga rin ang pagsisiyasat ng mga larawan at mapa
sa mga paksaing naghahanap ng datos ukol sa kasaysayang lokal o mga
pagbabagong naganap sa loob ng isang panahon.

Sa madaling sabi, ang metodo o pamamaraan ng pananaliksik ay nalilikha


batay sa kalikasan ng paksang nais siyasatin. Ang disenyong pananaliksik ay
hinuhubog batay sa kalikasang paksain at ang mga pamamaraan ng
pangangalap ng datos ay nililikha upang matiyak na mapalalabas ang mga
datos sa pinakamaayos at pinakabuo nitong anyo. Malaking pagsasaalang-
alang ang ibinibigay sa pagkuha ng mga datos mula sa mga pangunahing batis
ng impormasyon upang matiyak na ang mga datos na nakukuha ay hindi pa
nakukulayan ng mga palagay o obserbasyon ng mga nakapagsulat na rito at
nakapaglatag na ng mga datos sa kanilang mga pananaliksik. Ang mga
pangunahing batis ay ang mga orihinal na dokumentong hindi pa nakukulayan
ng pagsusuri o obserbasyon ng mga mananaliksik. Halimbawa ng mga ito ay
ang mga dokumentong legal tulad ng sertipiko de baptismo/matrimonya,
katitikan ng mga pulong, mga korespondensya at mga talaang buhay ng mga
pangyayari. Ang mga itinuturing na sekundaryong batis ng impormasyon ay ang
mga aklat at publikasyong nagsistematisa na ng mga datos at nabigyan na ng
isang uri ng pagbasa sa pamamagitan ng kanilang pananaliksik. Mainam ang
mga pangunahing batis para sa mga mananaliksik na may kahusayan na sa
pagkilatis ng mga datos at pagtitiyak (validation) ng mga ito kaugnay ng iba
pang datos mula sa ibang batis. Ang mga sekondaryong batis naman ay
mainam para sa mga nagsisimulang manaliksik sapagkat mayroon na itong
panimulang pagbasa na nagiging gabay ng mga nagsisimula pa lamang
manaliksik sa pagtunton ng kanilang layunin sa pagsisiyasat.

Lahat ng batis ng impormasyon ay pawang may taglay ng halaga at ambag sa


kaalaman. Ang mahalaga lamang ay maging malay ang mananaliksik sa
maayos na pagtatala ng mga batis ng impormasyon. maging tiyak at masinop
sa instrumento ng pangangalap ng datos na gagamitin, maging masinop sa
pagtupad sa etika ng pananaliksik, lalo na sa pagkilala ng batis at pinagmulan
ng mga datos na makakalap. Ang tinutukoy na etika sa pananaliksik ay
masusuma sa pagiging matapat sa pagkilala ng batis ng impormasyon at datos
at paggalang sa layuning ang kaalaman ay sinasaliksik upang higit na mapabuti
ang kaalaman at kabuhayan ng tao sa lipunan. Ang ganitong etika ay nasasalin
sa gawain ng pagiging tapat sa pagkilala ng pinagkunan ng datos, tapat sa
pagbibigay-pugay sa ideya at kaalamang nalinang ng mga komunidad at
mamamayan, nakapagpapayaman sa halip na nakapipinsala sa karanasan at
dignidad ng buhay komunidad at mamamayan.

You might also like