You are on page 1of 7

Kabanata 19

NIERE, IMAURENE A.

I. INIHANDOG SA GOM-BUR-ZA

A. DEDIKASYON

> Sa haba ng nilakbay at naging mga gawain ni Rizal, kailanma'y hindi niya nalimutan ang
kabayanihan ng tatlong pari na naikwento ni Paciano. Ito ay sina Padre Gomez, Burgos, at Zamora.

> Nakalathala sa dedikasyon ng kaniyang aklat na El Filibusterismo ang paghahandog niya nito sa
tatlong pari na namatay sa edad na 82, 30, at 35 taong gulang. Kapwa sila ibinitay sa Bagumbayan
noong ika-28 ng Pebrero, 1872.

> Nakasaad din dito ang katotohanan ukol sa hindi makatuwid na sistema ng hustisiyang
ipinapatupad ng pamahalaan na naging dahilan ng pagkamatay ng tatlong pari. Binanggit ni Rizal ang
kanilang kadakilaan na kaniyang lubos na kinikilala bilang sila ay biktima lamang ng kalupitan at hindi
makatuwirang paglilitis.

> Ang aklat na ito ay kaniyang inialay sa mga paring naakusahan nang walang malinaw na patunay
upang magsilbing pagkilala sa kanilang pagtitiis at ang pagmamalinis na ginagawa ng simbahan at
pamahalaan sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay ay maunawaan ng iba pa.

B. PAGWAWASTO

> Upang matuwid ang mga makasaysayang ulat, kailangang maiwasto ang mga pagkakamali ni Rizal
sa kaniyang dedikasyon.

1. Ang pagkamartir ng Gom-Bur-Za ay naganap noong ika-17 ng Pebrero, 1872.

2. Si Padre Gomez ay 73 taong gulang nang mga panahong iyon.

3. Si Padre Burgos ay 35 taong gulang.

4. Si Padre Zamora ay nasa edad na 37.

II. ANG MANUSKRITO AT ANG AKLAT

> Ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo na nasa sulat-kamay ni Rizal ay iniingatan sa


Filipiniana Division ng Bureau of Public Libraries sa Maynila.

> Nabili ito ng Pamahalaang Pilipino kay Valentin Ventura sa halagang P10, 000.00

> Mayroon itong 279 pahina ng mahabang piraso nang papel.

> Dalawang bahagi ng manuskrito na hindi makikita sa inilimbag na aklat:

a. PAUNANG SALITA

- makikita bago ang pahina ng dedikasyon

b. BABALA
- makikita sa kabilang bahagi ng dedikasyon

III. INSKRIPSIYON SA PAHINA NG PAMAGAT

> Ang pahina ng pamagat ay may inskripsiyon na isinulat ni Ferdinand Blumentritt.

> Hindi ito matatagpuan sa maraming edisyong salin sa Ingles.

> Nakasaad rito kung paanong tawagin na isang "pilibustero" ang sinumang magtangka na punahin
ang hindi kaaya-ayang patakaran upang hindi mag-alinlangan ang mga Pilipino na sumunod sa kung
ano ang layunin ng mga dayuhan hanggang sa tuluyan nang makalimutan ang sariling
pagkakakilanlan.

IV.. BUOD NG EL FILIBUSTERISMO

A. ANG AKLAT NG FILI

> karugtong ito ng Noli

> mas kaunti ang katatawanan

> di gaanong idealismo at di nasyadong romantiko

> mas rebolusiyonaryo at kalunos-lunos

> Gaya ng sa Noli, may mga tauhan sa Fili na hango ni Rizal sa totong buhay. Halimbawa, si Padre
Florentino ay si Padre Leoncio Lopez, kaibigan ni Rizal at kura ng Calamba. Ganun din si Isagani na
katulad ng makatang Vicente Ilustre na isang Batanguenong kaibigani ni Rizal sa Madrid. Si Leonor
Rivera naman ay maitutulad kay Paulita Gomez na nagmahal kay Isagani ngunit nagpakasal kay
Juanito Pelaez.

B. MGA TAUHAN

• Simoun - ang mayamang mag-aalahas, na nakasalaming may kulay, na umano'y tagapayo ng


Kapitan Heneral ngunit siya ay si Juan Crisostomo Ibarra na nagbalik upang maghiganti sa kanyang
mga kaaway.

- siya ay makapangyarihang tao dahil siya ay mabuting kaibigan at tagapayo ng gobernador-heneral

- sa panlabas na katauhan ay kakampi siya ng Espanya ngunit lihim siyang nagnanais ng paghihiganti
sa mga ito

- ang kaniyang mga dakilang mithiin ay:

i. maitakas si Maria Clara

ii. mapasimulan ang inang rebolusyon

• Isagani - ang makatang kasintahan ni Paulita, pamangkin ni Padre Florentino.

• Basilio - ang mag-aarál ng medisina at kasintahan ni Juli.

• Kabesang Tales - ang naghahangad ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka na inaangkin


ng mga prayle.
• Tandang Selo - ama ni Kabesang Tales na nabaril ng kaniyang sariling apo.

• Senyor Pasta - Ang tagapayo ng mga prayle sa mga suliraning legal.

• Ben Zayb - ang mamamahayag sa pahayagan na si Ibañez.

• Placido Penitente - ang mag-aaral na nawalan ng ganang mag-aral sanhi ng suliraning


pampaaralan.

• Padre Camorra - ang mukhang artilyerong pari.

• Padre Fernandez - ang paring Dominikong may malayang paninindigan.

• Padre Salvi - ang paring Franciscanong dating kura ng bayan ng San Diego.

• Padre Florentino - ang amain ni Isagani

• Don Custodio - ang kilalá sa tawag na Buena Tinta

• Padre Irene - ang kaanib ng mga kabataan sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila

• Juanito Pelaez - ang mag-aarál na kinagigiliwan ng mga propesor; nabibilang sa kilalang angkang
may dugóng Kastila

• Macaraig/Makaraig - ang mayamang mag-aaral na masigasig na nakikipaglaban para sa pagtatatag


ng Akademya ng Wikang Kastila ngunit biglang nawala sa oras ng kagipitan.

• Sandoval - ang kawaning Kastila na sang-ayon o panig sa ipinaglalaban ng mga mag-aaral

• Donya Victorina - ang mapagpanggap na isang Europea ngunit isa namang Pilipina; tiyahin ni
Paulita.

• Paulita Gomez - kasintahan ni Isagani ngunit nagpakasal kay Juanito Pelaez.

• Quiroga - isang mangangalakal na Intsik na nais magkaroon ng konsulado sa Pilipinas.

• Juli - anak ni Kabesang Tales at katipan ni Basilio.

• Hermana Bali - naghimok kay Juli upang humingi ng tulong kay Padre Camorra.

• Hermana Penchang - ang mayaman at madasaling babae na pinaglilingkuran ni Juli.

• Ginoong Leeds - ang misteryosong Amerikanong nagtatanghal sa perya.

• Imuthis - ang mahiwagang ulo sa palabas ni Ginoong Leeds

• Pepay - ang mananayaw na sinasabing matalik na kaibígan daw ni Don Custodio.

• Camaroncocido - isang espanyol na ikinahihiya ng kanyang mga kalahi dahil sa kanyang panlabas
na anyo.

• Tiyo Kiko - matalik na kaibígan ni Camaroncocido.

• Gertrude - mang-aawit sa palabas.

• Paciano Gomez - kapatid ni Paulita.

• Don Tiburcio - asawa ni Donya Victorina.


C. MGA PANGYAYARI

> Nagsimula ito sa isang paglalakbay ng bapor sa pagitan ng Maynila at Laguna. Kabilang sa mga
pasahero ang mag-aalahas na si Simoun, si Isagani, at si Basilio. Labintatlong taon na ang nakalipas
mula nang mamatay si Elias at si Sisa.

> Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagtatagpo ay nakita niya si Simoun
na pagdalaw sa libingan ng kanyang ina sa loob ng libingan ng mga Ibarra. Nakilala niyang si Simoun
ay si Ibarra na nagbabalatkayo; Upang maitago ang ganitong lihim, ay tinangka ni Simoun na patayin
si Basilio. Nang hindi ito naituloy ay hinikayat niya ang binata na makiisa sa kanyang layuning
maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Si Basilio ay tumanggi dahil gusto niyang matapos ang kanyang
pag-aaral.

> Habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga estudyanteng Pilipino ay
naghain ng isang kahilingan sa Kanya upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Ang
kahilingang ito ay di napagtibay sapagkat napag-alamang ang mamamahala sa akademyang ito ay
mga prayle. Sa gayon, sila'y di magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad
ng nasabing akademya.

> Samantala, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang binatang umanib sa
binabalak niyang paghihimagsik at manggulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa
kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Subalit hindi naibunsod ang ganitong gawain
dahil sa si Maria Clara'y namatay na nang hápong yaon.

> Ang mga estudyante naman, upang makapaglubag ang kanilang samâ ng loob ukol sa kabiguang
natamo, ay nagdaos ng isang salusalo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Sa mga talumpating
binigkas habang sila'y nagsisikain ay tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay
nalaman ng mga Prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa mga pinto
ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala, pagtuligsa, at paghihimagsik.
Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil
dito ay ipinadakip sila at naparamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na
kanyang kasintahan.

> Ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang mapawalang-sala
sila, si Basilio ay naiwang nakakulong dahil wala siyang tagapagmagitan. Sa isang dako naman ay
ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra na tulungan siya upang mapalaya nguni't sa halip na
makatulong ang paring ito ay siya pang nagging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag
nito sa durungawan ng kumbento.
> Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay nakipagsama siya sa negosyo
kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo
ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral.
Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos, ang mga may matatas na katungkulan sa
Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod.

> Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Kaagad
siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik. Sinamantala ni Simoun ang ganitong
pagkakataon upang ipakita sa binata ang bomba na kanyang ginawa. Ito ay isang lampara na may
hugis-granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa mga
ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito sa gitna ng isang
kiyoskong kakanan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang ilawán ay magbibigay ng isang
maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas
ang mitsa upang paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang granada
ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan — at walang
sinumang maliligtas sa mga naroroon. Sa isang dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa
lampara ay siyang magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun.

> Mag-iikapito pa lámang ng gabí ng araw ng kasal, at si Basilio ay palakad-lakad sa tapat ng bahay ng
pinagdarausan ng handaan. Di-kawasa'y nanaog si Simoun upang lisanin niya ang bahay na yaong di
malulutawan ng pagsabog. Ang nanlulumong si Basilio ay sisinod sana ngunit namalas niyang
dumating si Isagani, ang naging katipan at iniirog ni Paulita. Pinagsabihan niya itong tumakas ngunit
di siya pinansin kaya't napilitan si Basilio na ipagtapat kay Isagani ang lihim na pakana subalit hindi
rin napatinag ang binatang ito.

>  "Nanlalamlam ang lampara," ang pansin na di mapalagay na Kapitan Heneral. "Utang na loob,
ipakitaas ninyo, Pari Irene, ang mitsa."

> Kinuha ni Isagani ang lampara, tumakbo sa azotea at inihagis ito sa ilog. Sa gayon ay nawalan ng
bisa ang pakana ni Simoun para sa isang paghihimagsik sa sandatahan. Tumakas sya sa bahay ni Pari
Florentino, sa baybáyin ng karagatang Pasipiko. Nang malapit nang mapagabot ng mga alagad ng
batas ang mag-aalahas, uminom siya ng lason upang huwag pahúli nang buháy. Ipinagtapat niya sa
pari ang tunay niyang pagkatao at isinalaysay niya dito ang malungkot na kasaysayan ng kanyang
búhay. Mula nang siya ay bumalik sa Pilipinas buhat sa Europa, labintatlong taon na ang nakalipas,
ang pag-iibigan nila ni Maria Clara at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na maiguho ang
Pamahalaan at makipaghiganti sa pamamagitan ng isang paghihimagsik. Pagkatapos na
mangungumpisal ay namatay si Simoun.

> Sa nais na maiwaksi ang napakalaking kayamanang naiwan ng mag-aalahas, kayamanang naging
kasangkapan nito sa pagtatanim ng mga buktot na gawain ay itinapon ni Pari Florentino sa karagatan
ang kahong asero na kinatataguan ng di-matatayang kayamanan ni Simoun.
NIERE, IMAURENE A.

MGA TANONG:

1. Nasaan ang orihinal na manuskrito ng aklat na El Filibusterismo?

A. National Library

B. National Museum

C. Bureau of Public Libraries

D. Rizal Park

2. Sino ang sumulat ng inskripsiyon sa pahina ng pamagat ng Fili?

A. Paciano

B. Ferdinand Blumentritt

C. Padre Leoncio Lopez

D. Vicente Ilustre

3. Sa magkanong halaga ipinagbili ni Valentin Ventura ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo


na nasa sulat-kamay ni Rizal?

A. P 10, 000

B. P 20, 000

C. P 30, 000

D. P 40, 000

4. Sinong tauhan sa El Filibusterismo ang naghahangad ng karapatan sa pagmamay-ari ng lupang


sinasaka na inaangkin ng mga prayle?

A. Placido Penitente

B. Kabesang Tales

C. Pecson

D. Tandang Selo

5. Sa aklat na El Filibusterismo, sino si Sandoval?


A. Isang kawaning Kastila na nakikipaglaban para sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila
ngunit biglang nawala sa oras ng kagipitan.

B. Ang mag-aarál na kinagigiliwan ng mga propesor; nabibilang sa kilalang angkang may dugóng
Kastila

C. Isang espanyol na ikinahihiya ng kanyang mga kalahi dahil sa kanyang panlabas na anyo.

D. Isang kawaning Kastila na sang-ayon o panig sa ipinaglalaban ng mga mag-aaral.

MGA SAGOT:

1. C

2. B

3. A

4. B

5. D

You might also like