You are on page 1of 1

Ang Nagbabagong Disiplina ng Narkopolitiko

Ang diskurso, halaw kay Michel Foucault, ay isang naratibo ng relasyong pangkapangyarihan. Kaya ito nagiging
diskurso ay nabibigyang-ugnayan ang tila di-magkakaugnay na bagay-bagay. Ang diskurso ay isang uri ng kritisismo
na ayon kay Foucault ay may gamit "to show that things are not As self-evident as one believed, to see that what is
accepted as self-evident will no longer be accepted as such." Para sa kanya, ang ibig sabihin ng critical practice ay
ginagawang mahirap at masalimuot ang tila napakadaling mga bagay. Ganitong uri ng kritisismo ang nagbunsod ng
pag-aaral ng narkotiko.

Hindi iisang bagay ang ipinahihiwatig nito, masalimuot at magkakasanga ang mga isyung kinapapalooban ng
narkotiko. Ang pagtukoy at pag-uugnay ng mga bagay at isyu hinggil sa relasyong pangkapangyarihan sa narkotiko'y
nagbibigay-puwang sa reartikulasyon ng transformasyon sa lipunan.

Sa katapusang kabanata ng Noli Me Tangere, ang obra ng pambansang bayaning Jose Rizal, matatagpuan ang
matrahedyang pigura ni Kapitan Tiago:

Ang sinuman sa aming mga mambabasa ay hindi na makakikilala kay kapitang Tiago kung siya'y makikita. Ilang
linggo bago magmoha si Maria Clara ay nanglupaypay ang kaniyang kalooban, nangayayat na at nalungkot, naging
mapag-isip at walang tiwala sa kaninuman, na gaya ng kaniyang naging kaibigang si Kapitang Tinong. Nang
maglapat ang mga pinto ng kumbento ay ipinag-utos sa kaniyang naghihinagpis na pinsang si tia Isabel, na
pumaroon sa Malabon o sa S. Diego, sapagkat ibig na niyang mamuhay na mag-isa. Inatupag ang liampo at sabong
at sinimulan ang paghitit ng apyan. Hindi na pumaroon sa Antipolo, ni hindi na nagpapamisa; ang kaniyang
matandang katunggali na si aling Patrocinio ay nagpapasalamat dahil sa siya'y dinaig sa pamamagitan ng pagtulog
samantalang nakikinig ng sermon. Kung mapaparaan kayong minsan, kung magdadapit-hapon, sa daang Sto.
Cristo, ay makikita ninyong nakaupo sa tindahan ng isang insik ang isang taong maliit, naninilaw, payat, ang mga
mata'y nakalubog at wari'y nag-aantok, ang mga labi at kuko ay marumi, at nakatanaw sa mga tao na wari'y hindi
nakikita. Pagsapit ng gabi ay makikita ninyong hirap na titindig, at nagtutungkod na tutungo sa isang marungis na
bahay na sa itaas ng pinto ay may malaking titik na pula na ang sinasabi’y: FUMADERO PUBLICO DE ANFION
(Pangmadlang pahititan ng apyan). Ito ay iyong kapitang Tiago na lubhang nabantog, ngayo'y walang nakaaalaala
sa kaniya, sampu ng sakristan- mayor.

You might also like