You are on page 1of 14

Jenilyn C.

Manzon ABF 3-1

Panunuring Pampanitikan

LUPA BILANG BUHAY AT KAMATAYAN: ISANG PAGSUSURI SA AKDANG

‘TATA SELO’ NI ROGELIO SIKAT

PANIMULA

Isinulat ang akda na Tata Selo ni Rogelio Sicat. Isang manunulat na mas kilala bilang

Rogelio Sikat. Nakilala siya sa kanyang akda na Impeng Negro na nagwagi sa Palanca Awards

noong 1962. Sinagi ng akdang ito ang mga kritikal na isyung panlipunan lalo na ang panghahamak

sa kulay ng balat o diskriminsyon at bullying. Isa pang akda na nakilala sa panulat ni Sikat ay ang

Moses, Moses na tinalakay ang kawalang hustisya at opresibong panggigipit ng mga pulitiko

(Wikipedia, 2014).

Dahil sa umuusbong ang panitikan ng Pilipinas mahalagang magawi ito sa tamang

direksiyon.

Ayon kay Plato, ang panitikan daw ay dapat na maging “utile”. Naniniwala si Plato na ang

pagbabasa ay dapat na magbunga ng kasagutan upang mabigyang linaw ang mg kalituhan. Para sa

kanya, ang panitikan ay may tungkuling magbigay ng kaalaman.

Ayon naman sa kanyang paboritong estudyanteng si Aristotle, ang panitikan ay dapat na

maging “dulce”. Naniniwala si Aristotle na ang pagbabasa ay dapat na magbunga ng kasiyahan at

kaaliwan sa mga mambabasa. Makatutulong ito upang lalong mahalin ang panitikan. Para sa

kanya, ang panitikan ay may layuning magbigay giliw at aliw.


Pinagsama naman ni Horatio ang “ulce” at “dulce”. Kasabay ng pagkatuto at pagdaragdag

ng kaalaman, hindi rin dapat mawala ang kaaliwan sa panitikan. Magkasama ang dalawang ito

dahil kapag hindi ka naaliw sa pagbabasa mahihirapan din ang pagkatuto.

Habang binabasa, lumitaw ang Formalisikong pananaw na ginagamit upang maipakita ang

nais ihayag ng may-akda walang-labis, walang kulang.

 TEORYA

Sa Formalistikong pananaw, nagawang suriin ang akda sa nilalaman, kaanyuan o kayarian

at paraan ng pagkakasulat sa akda (Ranieili, n.d.).

Ayon kay Kennedy at Gioia (1995),

“This approach regards literature as “a unique form of human

knowledge that needs to be examined on its own terms.” All the elements

necessary for understanding the work are contained within the work itself. Of

particular interest to the formalist critic are the elements of form—style,

structure, tone, imagery, etc.—that are found within the text. A primary goal

for formalist critics is to determine how such elements work together with the

text’s content to shape its effects upon readers.”

Ibig sabihin, sinisiyasat ang isang akda sa mismong anyo nito Hinihiwalay ang kasaysayan

ng akda, boses ng may-akda at iba pang panlabas na mga impluwensiya na maaaring makaapekto

sa kahulugan ng akda. Dagdag pa rito ang kapangyarihan ng akda bilang isang teksto na lumalabas

ang kahulugan bilang isa. Ang tinutunton ng Pormalistiko ay madetermina kung paano

nagtutulungan ang mga elemento katulong ang nilalaman ng teksto upang palutangin ang epekto

sa mga mambabasa.
PAGSUSURI:

 NILALAMAN

Nakasentro ang nilalaman ng akda sa pagpapaalis sa matandang magsasaka na si Tata Selo

sa kanyang dating pinagmamay-ariang lupa na natubos ni Kabesang Tano nang minsan maisangla.

Ipinakita rin kung paanong ipagdiinan siya ng isang binatang tinawag na Presidente na

kabilang sa isa sa mayamang pamilya sa lugar ng San Roque. Maging ang ginagawang panggigipit

ng mga pulis lalo na ang hepe na nakuha ang posisyon dahil sa rekomendasyon na nagmula kay

Kabesang Tano.

Inilarawan din ang hindi makatarungang pagtrato sa mga nakukulong.na tulad ni Tata Selo.

Mapapansin ang paglalarawan sa unang tagpuan, ang iskated, na may hindi kanais-nais na itsura

at pagpapabaya.

Lalo na ang pang-aabuso ng kapangyarihan ng alkalde sa kanyang tungkulin. Ang pang-

aabuso at pagsasamantala sa nag-iisang anak ng matandang magsasaka na si Saling ng Kabesa at

ng alkalde. Isa itong sikreto na piniling itago ng matanda nang nagkatulong ang anak niya sa

pamilya ng Kabesa dahil sa kahihiyan na maaaring matanggap ng kanyang dalaga. Kaya inunahan

na siya ng pagpapaalis sa lupang sinasaka.

 KAANYUAN

Isinulat ang akda na hindi sinundan ang karaniwang anyo ng balangkas na Simula-Gitna-

Wakas. Inumpisahan ang akda sa anyong Gitna-Simula-Wakas. Unang ipinakita ang kinalabasan

ng paglaban ng magsasaka. Ang pagkapiit sa bilangguan. Sumunod ang pagbalik sa umpisa kung

saan ipinalahad ang dahilan ng kaganapan sa kabila ng kabatiran ng mga posibleng kalalabasan.

Nagtapos ito sa paraang ang interes ng mga namamayani at makapangyarihan ay natugunan


habang ang matandang magsasaka ay hindi nabigyan ng karampatang hustisya sa kanyang

sinasakang lupa at sa anak na pinagsamantalahan.

Isinulat ang akda sa paraang naglalarawan. Maingat na inilalarawan ang kapaligiran ng

tauhan. Ang kilos at galaw ng mga tao na nakapaligid sa kanya. Ang kalunos-lunos na anyo at

sinasapit ng tauhan. Maging ang posibleng iniisip ng mga tauhan ay bahagyang naipakita.

Mapapansin din ang paggamit ng malalalim na mga salita sa akda. Tumutulong ito upang

lalong pagyabungin ang mensaheng nakapaloob dito.

Kababakasan din ito ng impluwensiya ng panahon kung kailan ito naisulat dahilan para

makaapekto sa pagkaunawa ng diwang umuusbong dito.

 PARAAN NG PAGKAKASULAT

Mapapansin din na may mga pangungusap na hindi hayag ang kahulugan. Ilan sa mga

piling pangungusgap ang nangibabaw sa kuwentong Tata Selo ay ang mga:

‘Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo,

ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si

Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.’

Pinapakita ang kultura ng mga Pilipino na sa probinsiya ang lahat ay magkakakilala dahil

dito ay mabilis nagkapapalitan ng impormasyon sa mga nagaganap sa kanilang lugar. Malayo man

ang pagitan ng mga bahay, alam ng bawat pamilya ang kanilang kasama sa lugar. Konti ang mga

tao sa probinsiya kung kaya’t marami ang panahon para makilala at masagap ang anumang balita.

‘Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad

makalapit sa istaked.’

Ang mga tao sa lugar na ito ay nagitla at hindi makapaniwala sa nangyari

dahilan para mag-unahan sila na patotohanan ito at kumpirmahin mismo sa matanda.


Mahihinuhang nanggaling sa isang respetadong pamilya ang matanda kung

kaya’t malabong magawa nito ang nasabing karahasan.

‘Mahigpit na nakahawak sa rehas.’

Karaniwang inilalarawan sa mga palabas sa telebisyon o sa mga pelikula ang mga bilanggo

na nakahawak sa rehas ay mga inosente. Ipinapakita nito ang mahigpit na paniniwala sa hustisya

at paniniwalang sila’y biktima ng umiiral na sistema. Ito’y pagsilip ng tauhan mula sa loob pa-

labas ng lipunan.

‘Kumumpas ang batang mayaman.’

Paghahayag ng pagtutol at pagsasawalang bahala sa kung ano mang paliwanag na binigay

ng pangunahing tauhan.

‘Namuti ang mga kamao sa pagkahawak sa rehas.’

Pagkawala ng gana at kawalang gana sa paglaban dahil batid niyang siya’y nagkasala.

‘Napadukmo sa balikat’

Nagpapahiwatig ng pagiging guilty sa krimeng nagawa.

‘Abut-abot ang busina.’

Ginamit ang malakas at paulit-ulit na pagbusina upang maghatid ng mensahe. Ito ang

paghawi sa mga taong nakikipagsiksikan at naggigiriang makalapit kay Tata Selo. Nagpapahayag

ng pamamayagpag ng otoridad sa lugar.

‘Lumunok si Tata Selo.’


Ang paglunok ay hindi lang para sa laway kundi maging paglunok sa kaba na kung ano

ang maaaring mangyari sa kanya lalo na sa kanyang dalagang anak na si Saling.

‘hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa’

Nagpapakita na kagagaling lang sa bukid si Tata Selo nang hulihin dahil sa pagtaga sa

Kabesa. Inilalarawan din nito ang pagiging masigasig at masipag ng matanda sa kabila ng edad

nito. Sa kaila nito ay ang takot sa kanyang nagawa.

‘Lahat ay kinuha na sa kanila.’

Hindi na lamang lupa ang inagaw kay Tata Selo. Kasabay ng pagkuha sa kanyang lupa at

pagpapaalis bilang kasama sa sariling lupa na sinasaka ay ang pagnakaw sa dangal at puri ng

kanyang anak ng alkalde at hepe ng mga pulis.

 TEORYA

Sa malalim na pagsisiyasat at pag-unawa sa akda, lumitaw din ang Historikal/Sosyolohikal na

pananaw.

Ang pangkahalatang layunin ng pagsusuri ay upang maipaliwanag kung paanong

nagsasanib ang mga prosesong historikal at sosyolohikal sa paglikha ng isang nobela, dula o tula,

at kung paanong nakatutulong ang mga puwersang ito sa pagbibigay-buhay sa mga tauhan at

sitwasyon sa akda (Reyes, 1992).

Tinitingnan din sa sosyolohikal na pananaw ang pangkalahatang pattern na mayroon sa

pagitan ng indibidwal at lipunan. Kinikilatis paanong nakaaapekto ang lipunan sa pag-iisip ng

isang indibidwal. Dahil malaki ang gampanin ng lipunan sa pag-iimpluwensiya at pagtatakda ng


kaisipan na lalabas sa kanyang mga kilos at galaw. Maingat ding nagsusuri sa pamamagitan ng

paggamit ng sariling kultura sa pagsukat ng ibang kultura.

Makikita din sa sosyolohikal ang panahon kung saan nasulat ang akda. Maging ang uri ng

buhay ng mga tao sa bayan ngayon. Sa pananaw din na ito ay posibleng idugtong ang Marxismo

dahil tinatampok ang kahinaan at kapangyariha ng tauhan sa akda.

Tungkulin din nito na palutangin ang suliraning panlipnan at ipakita ang pamamaraan o

solusyon na gagawin ng tauhan upang ito’y magapi.

Naniniwala din ang mga kritiko na ang panitikan ay hindi hiwalay sa lipunan. Ito ay saksing

nilikha upang matnghayan ang mga pagbabago sa lipunan. Ito rin ay aktibong nakikilahok sa mga

isyung panlipunan dahil maaaring siya ang makaimpluwensiya o siya ang maimpluwensiyahan.

 PAGSUSURI:

Sa akdang Tata Selo, nakita ang tatlong pwersang panlipunan. Una, kapulisan. Pangalawa,

estado. Huli, ang batas.

Ayon sa konsepto ng Pranses na Marxistang pilosopo na si Louis Althusser na kilala sa

kontemporaryong diskursong political bilang ‘hard power’ (anyo ng kapangyarihan na gumagamit

ng dahas). Ito ay kadalasang sinasamahan ng tinawag ni Louis Althusser na Ideological State

Apparatuses na tinaguri sa konsepto ng ‘soft power’. Ang Repressive State Apparatuses ay binubuo

ng mga sundalo, pulis, hudisyal at Sistema ng pagkakakulong. Ito ay pinapatupad sa pamamagitan

ng pang-aapi o pang-aabusong mental at pisikal. (Buchan, 2010)


 Kapulisan

“Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura.

Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng

hepe.

Dahil ang sosyolohikal na pananaw ay nakatuon na ang indibidwal ay naiimpluwensiyahan

ng lipunan, makikita na sa talatang nasa itaas ay nagpapakita ng maling paggamit ng

kapangyarihan ng kapulisan. Inaabuso ng mga ito ang batas. Sa tunay na buhay, ganito rin ang

eksena. Isa na nga rito ay madahas na pagdidisperse sa Embahada ng US sa mga Katutubong

Lumad na may kaparehas na hiling tulad ni Tata Selo. Ito ang mabawi ang kanilang lupain na

kinakamkam ng mga naglalakihang korporasyon upang magamit sa pagmimina o pagtatayuan ng

mga mapagukunyaring pangkaunlaran na mga proyekto o hindi kaya’y pagmomonopolyo sa mga

produko at negosyo.

Isa pang halimbawa ng paggamit ng dahas ng mga pulis o sundalo ay ang marahas na

Hacienda Luisita Massacre kung saan labing apat na mga magsasaka ang namatay. Ninanais

lamang nila na mabigyan ng lupa dahil sa pangangamkam ng mga Aquino.

Isa pang insidente ay pagpapakain ng bala sa mga magsasaka ng Kidapawan na nanghihingi

lamang ng bigas sa lokal na gobyerno.

Isa pang halimbawa ay ang pagpunta ng mga sundalo sa mga sitio ng mga Ayta kung saan

binabantayan sila. Nitong kamakailan lang ay nabalitaan kasabay ng pagpunta ng

mga sundalo doon ay pagwasak sa mga bahay ng Ayta at pagbabawal sa kanila kumuha ng

materyales sa bayan upang itayo muli. Kasabay nito ang pananakot at sapilitang pagpapaalis sa iba

pang magsasaka. Pinapatag ang kanilang palayan gamit ang mga naglalakihang mga bulldozer. Ito
ay sa kadahilanang inaangkin ang lupang ninuno ng mga ayta sa Tarlac at lupa ng mga magsasaka

dahil pagtatayuan ng tatlong mapagkunyaring pangkaunlaran na proyekto. Ito ay ang mga Clark

Green City, Military Complex at Balog-Balog Dam.

 ESTADO

‘Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama

ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na

kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.

“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang

dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod

hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”

“Lintik na matanda!”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng

batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa

kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.


Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap

ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.’

Ayon kay Karl Marx


“… the State is explicitly conceived as a repressive apparatus. The State is a

‘machine’ of repression, which enables the ruling classes (in the nineteenth

century the bourgeois class and the ‘class’ of big landowners) to ensure their

domination over the working class, thus enabling the former to subject the

latter to the process of surplus-value extortion (i.e. to capitalist exploitation)

(Althusser, 1971).”

Sa Tata Selo malinaw na ipinakita na ginagamit ng alkalde ang estado upang madiin ang

matandang magsasaka. Ginagamit nila ang kapangyarihan nito upang magkaroon din ng

kapangyarihan sa pagbibigay ng desisyon sa kung ano mang mangyayari sa matanda. Ginamit din

ng alkalde ang kapangyarihan ng kapulisan upang makontrol ang mga tao sa pamamagitan ng

pandarahas.

Sa ating lipunan, hayag ang pananamantala ng estado sa mga api’t magsasaka at

manggagawa dahil ang estado ay kinokontrol o minamanupula ng mga naghaharing uri dahilan

upang hindi umangat ang pamumuhay ng mga magsasaka at manggagawa.

Tulad ng nangyayari sa kasalukuyang rehimen, binobomba ng estado ang Abra at

Compostela Valley katulong ang Armed Forces of the Philippines upang malipol ang mga NPA

subalit buhay ng mga mamamayan na doon nakatira ang nalalagay sa panganib at peligro.
 HUDISYAL AT SISTEMA NG PAGKAKULONG

Sa Tata Selo ipinakita na tanging mga mahihirap lamang ang nanagot sa batas at may

pinapanigan ang mga naghaharing uri.Sa Sistema ng hudikatura, nababayaran ang mga husgado

upang hindi makulong ang mga inaakusang naghaharing uri at kung minsan pa’y ibabaling sa

mahihirap. Walang ngipin ang batas dahil hindi napapatupad nang pantay.

 LUPA BILANG BUHAY AT KAMATAYAN

Malaki ang papel ng lupa sa mga Pilipino dahil kung wala ito ay wala rin kabuhayan ang

mga Pilipino. Wala pa ang mga dayuhan ay meron ng kabuhayan ang kanilang (Pilipino) mga

ninuno. Isa na nga rito ang pagsasaka. Mayaman at matataba ang lupa sa Pilipinas kaya sagana rin

ang mga pagkain na tinatanim. Dito makakakuha ng iba’t ibang uri ng halaman na punong puno

ng mga nutrisyon at mga pangunahing kailangan ng isang tao. Sariwa ang mga halaman at walang

halong kemikal na nakakasira sa katawan at buhay ng tao. Likas ang lahat ng nakukuha rito dahil

likas din ang mga taong nag-mamahal sa lupa ng Pilipinas noon.

Nakikipagkalakalan na rin sila sa mga Tsino na saan ang kanilang mga naaning gulay,

prutas at palay ay pinakikinabangan na rin ng ibang bansa. Ibinabahagi rin ng mga ninunong

Pilipino ang kanilang kayaman na meron sila upang makipagsabayan sa pagpapalago at

pagpapayaman ng agrikultura na kanilang tanging kabuhayan. Hindi malabo kung bakit gusto na

lamang mapasakamay ng Kastila, Hapon at lalo na ng Amerika (ang nangungunang bansa sa buong

mundo) ang kalupaan ng mga Pilipino dahil sa lupa pa lang ay mayaman na sila.

Hindi maipagkakaila kung bakit grabe ang pagpapahalaga ng mga magsasaka sa lupa

sapagkat hindi lamang sila nakakakuha ng makakain dito kundi sa lupa mismo namulat at

nagkaroon ng kamalayan, isip at buhay. Ang pagsasaka ang nagsisilbing unang edukasyon ng mga
ng mga magsasaka. Ito ang kauna-unahang karunungan na kanilang nalaman kaya hindi maiaalis

ang pinag-ugatan sa lupa.

Masasabi na ang lupa ang pinagmulan ng mga Pilipino. Mula sa mga kaalamang bayan,

lahat ay nagmula sa kalupaan. Lahat ng kaalaman ng mga ninuno ay nakaugat sa lupa. Isa itong

simbolo kung maituturing sapagkat dito mismo nagsimula ang lahat. Sa lupa nag-uugat ang lahat

ng kanilang kayaman partikular na ang rito ang mga gulay at prutas lalo na ang palay. Hindi lamang

mga pagkain ang mga nakukuha nila kundi pati rin ang mga likas na gamot na nagpapatibay pa

lalo sa pangangatawan. Ilang oras at araw ang sinakripisyo para sa pangangailangan ng pamilya,

kaya para sa kanila ay mahalaga ang isang butil lamang. Kung mawawalan sila ng lupa na

pinagkukunan ng pangangailangan ay tiyak na mawawalan din tayo ng kakainin na kanin sa araw

araw at aasa na lang sa produkto ng ibang bansa. Na ang mga dayuhang galing ibang bansa na

bumibisita sa atin ay hindi lang ang pagbisita ang habol kundi ang kayamanang meron ang

Pilipinas at dahil sa kawalang kamalayan ay unti unti silang ninanakawan ng kabuhayan at

karapatan.

Ang mga magsasakang ito ay inaapi at pinagsasamantalahan ng luma at bagong tipong mga

panginoong maylupa. Hindi makatarungang pagtaas ng upa sa lupa at mababang sahod. Patuloy

silang inaagawan ng lupa ng mga panginoong maylupa, walang pusong kapitalista at korporasyong

dayuhan.

Ang kanilang teritoryo ay maituturing hindi lamang mapagkukunan ng pamumuhay kundi

isang ligtas na kanlungan ng kanilang mga paniniwala at tradisyon. Sa patuloy na pagiging

kapitalista ng mga pribadong kompanya sa mga lupain lalong mawawalan ang mga kabataang

magsasaka ng kanilang pagkakakilanlan at karapatan. Kapag inalisan natin o sila ng lupa ay parang

inalisan din natin sila nang lahi. Ang lupa ay maituturi nilang buhay.
Kung kaya naman ang Tata Selo ay isang representasyon ng matinding pagpapahalaga sa

lupa. Dito makikita na ang lupa ay buhay at kamatayan. Buhay dahil dito nagmumula ang

kabuhayan at araw-araw na mga pangangailangan.

Kamatayan dahil sa matinding pagpapahalaga umabot sa puntong nakikipaglaban na ang

mga magsasaka para sa kanilang lupa tulad ng ginawa ni Tata Selo kay Kabesang Tano dahil ang

kanilang lupain ang natitira na lamang na pag-aari.

Handa nilang gawin ang lahat para sa kanilang karapatan at para sa kanilang lahi. Kaya

nilang ibuwis ang kanilang buhay para sa lupang kanilang kinabibilangan sapagkat dito na nila

inilaan ang kanilang dugo’t pawis. Sa mga lupaing ito sila tinubuan ng karunungan na likas at higit

pa sa pag-iisip ng mga taong kailanman ay hindi naging parte ng mga magsasakang Pilipino.

Ang pagtaga din na ginawa ni Tata Selo kay Kabesang Tano ang kanyang solusyon sa

nagaganap sa kanyang pang-aapi. Ito ang kanyang tugon sa pagbalikwas sa sistemang mga

panginoong lupa ang naghahari.

Gawang Banggit:

(2014). Retrieved from Wikipedia: https://en.wikipedia.org/wiki/Rogelio_R._Sikat

Althusser, L. (1971). Lenin and Philosophy and Other Essays. La Pensee: Monthly Review Press.

Buchan, I. (2010). A Dictionary of Critical Theory. New York: Oxford University Press.

Gioia, X. K. (1995). Literature: An Introduction to Fiction, Poetry and Drama (sixth ed.). New York: Harper
Collins.

Kadipan. (2010 ). Filipino. Retrieved from Blogspot: http://kadipanvalsci.blogspot.com/2010/07/tata-


selo-ni-regilio-sikat.html
Ranieili. (n.d.). Retrieved from Blogspot: http://ranieili2028.blogspot.com/2011/12/teoryang-
pampanitikan.html

Reyes, S. (1992). Kritisismo : mga teorya at antolohiya para sa epektibong pagtuturo ng panitikan. Pasig:
Anvil Publishing.

You might also like