You are on page 1of 10

JENILYN MANZON OKTUBRE 2, 2017

ABF 4-1 MULTIKULTURAL FILI 3283

KAMPUHAN: PANSAMANTALANG TAHANAN

Hindi pa man nag-aatas ang aming guro na si Prop. Lai na magpunta sa kampuhan

ng mga katutubo ay nagpupunta na ako roon. Simula nang dumating sila noong Agosto

31, pumupunta na ko kasama ang KM64 sa C.P Garcia, Stud Farm ng UP Diliman kung

saan nagkakampuhan ang iba’t ibang mga katutubo na nagmula pa sa iba’t ibang sulok

ng Pilipinas. Madalas din kaming tumutula sa bawat cultural night. Nag-i-immersion

partikular sa mga katutubo ng Central Luzon.

Noong Setyembre 20, 2017, huling gabi nang pananatili nila sa kampuhan ay

nagdesisyon kami magpunta doon kasama sina Diana Grace Taala, Joanna Kilapkilap,

Hearty Balakid, at Criselle Crisostomo. Pagkapasok nila, batid kong namangha sila sa

mga nasa paligid. May bukas na museo sa gawing kanan. May mga nagbebenta ng mga

katutubong produkto sa harap nito. Mayroon ding nag-eensayo sa pagtugtog, pagkanta

at pagsayaw. Lalo na sa iba’t ibang mga panawagan na nakapaskil sa bawat bahagi ng

kampuhan.

Ang lugar na ito ay panandaliang kanlungan ng kanilang kultura, ng kanilang

kasaysayan at ng kanilang pakikibaka. Lahat ng katutubo ay iisa ang ipinaglalaban, ang

kanilang mga lupang ninuno na kinahaharap nila sa iba’t ibang anyo ng mga dayuhang

proyekto.
Maging noong nakaraang taon 2016 sa unang Lakbayan, dumayo ang 3,000

Moro at mga mamamayang katutubo sa Maynila upang maiparating ang kanilang

panawagan. Sa praymer ng Lakbayan inilahad ang kanilang mga sumusunod na layunin:

 Itigil ang militarisasyon.at itigil ang pandarambong sa kanilang lupain at teritoryo

 Itigil ang ehersisyong militar ng US sa Pilipinas

 Itinataguyod ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas

(GPH) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang prosesong

pangkapayapaan tulad ng peace dialogue.

 Patuloy na papanagutin ang dating rehimen ni Benigno S. Aquino sa pagpaslang

nito sa mga pambansang minorya at iba pang paglabag sa kanilang mga

karapatan.

 Ipanawagan ang pagbasura sa mga tratadong pinirmahan ng Pilipinas ngunit mas

pabor sa US, ang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano at mga pasilidad nito,

ang pagpapanagot sa imperyalismong US para sa makasaysayang inhustisya

laban sa mga Moro at katutubong mamamayan.

 Ibukas sa kamalayan ng publiko ang kalagayan ng mga pambansang minorya at

magbuo ng lokal at internasyunal na suportang nakikiisa sa pakikibaka ng mga

Moro at katutubong mamamayan.

Nasaksihan ng nagsasagawa ng artikulo na kung paano iparating ng mga

Lumad na maipatigil ang walang habas na pamamaslang sa kanilang mga lider dahil sa

ipinagtatanggol lamang ang kanilang lupain mula sa mga malalaking korporasyon na

sapilitang inaangkin at kinakamkam ang kanilang mga lupa at mga paramilitary group

tulad ng Mahagat Bagani na nangunguna sa operasyon na ito. Sila rin ang nangunguna
sa pagkitil sa mga lider na tumutuligsa sa paggamit ng kanilang lupain bilang minahan.

Hustisya ang kanilang sigaw at pagpaparating sa pamahalaan ng kanilang pagnanais na

makawala sa pang-aabuso sa kanilang mga tribo.

Ngayon namang taon, 2017, sa Lakbayan, sama-sama ang mga katutubo mula sa

iba’t ibang bahagi ng bansa ang dumayo dito sa Maynila upang ilapit at matambol ang

mga isyung may kinalaman sa lupang ninuno, sariling pagpapasya at usaping

pangkapayapaan.

Una kong nakilala si Datu Tungig, isang chieftain mula sa mga Lumad ng

Mindanao. Nilahad niya sa amin na ang kanilang komunidad ay binibisita ng mga

paramilitary group partikular na ang Mahat Bagani kung saan ay may mga dala-dala

silang mga listahan ng mga lider sa kanilang komunidad na nangunguna sa

pakikipaglaban para sa kanilang lupa. Binobomba ang kanilang lugar dahilan para

lumikas sa isang simbahan na kumupkop sa kanilang komunidad. Doon ay pinalibutan

sila ng mga armadong lalaki at tinatakot. Minsan pa ay may mga armado ang pumupunta

sa paaralan ng mga batang Lumad o ALCADEV at doon ay tinututukan ng baril ang guro

maging ang mga bata. Inaakusahan ang paaralan bilang nagpapalaki at nagtuturo ng

pagiging NPA. Subalit ang mga paaralan na ito ayon ay Datu ay nakarehistro sa kanilang

rehiyon.

Sinalaysay rin niya sa amin na ang kultura ng mga Lumad sa Mindanao ay patuloy

na umuusbong, umuunlad at lumalago. Mula sa kanilang kasuotan, mga dekorasyon sa

katawan na mga gawang kamay at sa mga pagtatanghal na mga kanta at mga sayaw.

Malaki ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang kultura. At batid nilang kapag inagaw

ang kanilang lupa mula sa kanila, dito mag-uumpisa ang pagkamatay ng kanilang kultura.
Pangalawa kong nakilala si Ka Johnny, isang ayta na nagmula sa tribong Abeling.

Siya at ang kanyang komunidad ay matatagpuan sa bulubundukin ng San Jose, Tarlac.

Nasa pagitan ng 35-40 ang edad at tumatayo bilang chieftain ng kanyang sitio. Kaiba sa

mga kasamahang Ayta sa Central Luzon na matatagpuan sa kampuhan, makikita mo

siyang masigla, maliksi at palaging nakangingiti. Hindi batid ang hirap at peligro na para’t

parating sinusuong sa tuwing hahawak ng mikropono. Magsasalita sa mga pagtitipon,

protesta, at immersion. Lagi’t lagi niya kong sasalubungin nang nakangiti at bukas palad

na iaalok ang espasyo sa kanilang kubol para mayroon kaming mapaglagian sa bawat

araw na binibisita at sinusuportahan namin sila sa kanilang laban. Taas noo niyang

binabanggit na ang kanilang lugar ay mayaman sa mineral, iba’t ibang klase ng mga

hayop at mga ibon. Kabisado niya ang bawat halaman at ibon sa kanilang lugar. Pinag-

aaralan na rin niya ang mga scientific name ng mga ito. Sa yaman ng mga bundok, sa

tuwing may mga nagpupunta sa kanilang lugar para siyasatin at pag-aralan ang mga ito

ay hinaharang nila at tinututulan sapagkat alam niya sampu ng kanyang mga kasama

ang hangarin ng mga korporasyon na ito na kalbuhin ang mga bundok at kunin ang mga

yamang lupa at mineral hanggang sa wala nang matira. Dagdag pa niya, sa kanyang

pagmamahal sa kanyang sitio at kapwa Ayta, nang matutong magsulat ay sinulat niya

ang kasaysayan ng Tribong Abeling maging ang sarili nilang kultura. Isa sa kanyang mga

ibinahagi ay ang pagsubok bago ikasal. Ang piniling babae na nais pakasalan ay

maglalagay ng suha sa kanyang kinikili na dapat tamaan ng palaso. At sa likod ng lalaking

magpapalaso sa suha ay may kamag-anak ng babae sa likod nito upang kung sakaling

masaktan o mamatay ang babae ay iitakin sa likod dahil sabi nga ni Ka Johnny “Sa palaso

bubuhayin ang magiging asawa”. Nangangahulugan na sa palaso manggagaling ang


hanapbuhay na bubuhay sa asawa at sa palaso mabubuhay ang babae oras na hindi ito

matamaan kundi ang suha sa kilikili nito.

Sa amin pang pag-uusap, isinentro niya ang mga kinahaharap ng mga Ayta

sa Tarlac. Ito ang tatlong naglalakihang proyekto na sinisimulan nang bungkalin ang

kanilang lupang ninuno. Apektado sila sa pagpapatayo ng Balog-Balog Dam na halos

2600 hektarya ang sasakupin. Hindi umano ito ang magsusuplay ng tubig at kuryente sa

tinatayong Clark Green City na 9,500 hektarya ng mga sakahan ang papatagin na

sinasabing magbibigay solusyon sa lumalalang trapik sa Kamaynilaan dahil sa umaapaw

nitong populasyon. Maging ang Crow Valley Military Complex na itatayo sa Sta. Juliana

na nakaaabala sa hanapbuhay ng mga katutubo at naglalagay sa kanila sa peligro dahil

sa mga ligaw na bala sa tuwing may balikatan exercises ang mga sundalong Pilipino at

Amerikano.

Sa likod ng mga ganitong proyekto, libo-libong katutubong Ayta ang pinapaalis

sa kanilang lupain. Sapilitang binabayaran at binabakuran sila ng mga militar upang

matakot at hindi manlaban. Ayon sa nakuhang datos ng EcoHumans at Kamandag o ng

Kaisahan ng mga Manunulat na Ayaw sa Development Aggression (Agression, 2016)

bibigyan ang mga katutubo ng malilipatan ngunit halos 26 hectares lang ang ibibigay sa

kanila. Magsisiksikan ang mga katutubo sa ganito kaliit na mga lupa at dahil sa dami nila

wala ring binigay na lupang pagsasakahan malayo sa kanilang kinagisnan at kulturang

kinalakhan. Walang pagkukuhaan ng kabuhayan at pagkain panlaman tiyan. Liban pa

rito, ang bahay na ibibigay sa kanila ay parang kahon ng posporo mas maliit pa sa

kanilang mga orihinal na tahanan at wala man lang pundasyon na nakabaon sa lupa. Tila

ipinatong na lamang nang basta-basta sa lupa. Ayon sa inhinyero na gumawa nito,


kamakailan ay umurong ang mga bahay na ito nang halos 5 metro dahil sa paggalaw at

pagguho ng lupa lalo na’t patapos pa lang ang panahon ng tag-ulan. Kung kaya’t

nalalagay sa alanganin at peligro ang kanilang buhay.

Sa isa namang komunidad, ang Sitio Kalikasan, ay bahagi rin ng sasagasaan sa

ipapatayong Balog-Balog Dam. Kasabay nito, ay ang suliranin din na kinahaharap dahil

sa ginagawang landfill ang kanilang lugar. Mga tone-toneladang basura ng ospital mula

Canada ang tinatapon sa kanilang lugar dahilan para magkasakit sa baga, madumihan

ang tubig na iniinom na nagdudulot ng diarrhea sa mga bata at matatanda.

Sa pangalawang panayam, si Mayeth Corpuz, mula sa katutubong Dumagat ng

Tribong Alta na may edad na 50 anyos sinalaysay sa amin na sa kanilang pamumuhay

ay mayroon din silang sinasambang Diyos na may pangalan na Makijapat. Sa kanya sila

humihingi ng gabay sa araw-araw, nagpapasalamat sa biyaya nito at sa marami pang

ritwal. Papunta sa kanilang komunidad sa Aurora Province galing Maynila ay inaabot ng

walong (8) oras. Lalo na ang probinsiya ng Aurora ay nalalatagan ng mga bundok at sa

mga bundok na ito ay nakakalat ang iba’t ibang tribo ng mga Dumagat.

Binigyang kahulugan din niya na sa pananaw ng mga katutubo, ang “kaunlaran”

ay para sa pakinabangan ng lahat at hindi sa iilan. Hindi sa pamamagitan ng matataas

na gusali nasusukat ang pag-unlad. Para sa kanila ito ay patuloy na maayos at hindi

pagsagad sa yamang ibinibigay ng kalikasan kung kaya nasa kultura ng mga Dumagat

ang paglilipat-lipat ng matitirhan ang komunidad sapagkat hindi nila ugaling sagarin ang

yamang likas sa partikular na lugar na kanilang tinitirhan. Hinahayaan muna nila itong

maibalik ang dating sigla saka babalik dito. Para sa kanila ang walang habas na paggamit

ng yamang likas ay pananamantala sa kalikasan kung kaya ito ang kanilang iniiwasan.
Binahagi rin ni Nanay Mayeth ang pagkakaroon nila ng anito na nagbabantay sa kanilang

mga pananim maging sa kanilang komunidad. Inilarawan din niya na sa kanilang

komunidad ay walang diskriminasyon sa pagitan ng mga babae at lalaki. Kapwa ang mga

ito ay gumagawa ng mga gawaing bahay at lumalahok sa pangangaso. Kapag

nakakukuha ng baboy ramo, paghahati-hatian ito ng buong komunidad nang sa gayon

ay walang mapag-iwanan. Dagdag pa niya, ang mga ilog sa Aurora ay katutubo ang

nagpapangalan kaya’t ang mga ilog ay nagsisimula sa letrang “D” dahil sila ang

nangangalaga sa mga ito. Habang ang kanilang kinabubuhay ay ang pagtatanim subalit

nakaamba ang mga naglalakihang minahan na butasin ang bundok na tinitirhan at

patagin ang mga palayan. Itinatayo sa probinsiya ng Aurora ang Aurora Pacific Economic

Operation na sakop na nito ang EcoZone na hindi na dapat pakielamanan. Ang

proyektong ito ay 12,500 Hectares and laki. Naitayo ito sa bayan ng Casiguran malapit

sa Pacific Ocean na pagtatayuan din ng International Freeport at Internatiol Airport. Isa

pa ang Benham Rise na sasagasaan din ang bayan ng Casiguran at bayan ng Dilasay.

Mayroon ding mga logging concessions kasabwat ang Integrated Forest Management na

nagpapatanim sa mga katutubo ng mga puno at halaman subalit mga korporasyon din

ang mag-aani sa mga ito. Isang uri ng panloloko sa mga katutubo. Samantalang si Gov.

Angara ay nagpatayo ng isang mansiyon sa isang bundok na may helipad at dito ay

bumababa ang mga kongresista na tumutuloy sa nasabing mansiyon. Sila rin ay

nakikipagsabwatan umano sa mga LGU at Korporasyon para sa kikitain sa mga proyekto

sa Aurora na kumukuha ng mga nagpapanggap na katutubo na kunyari’y nirerepresenta

ang mga katutubong Dumagat subalit napag-alaman na hindi naman talaga katutubo.

Maging ang Batas IPRA ay ginagamit ng NCIP o National Commision of Indigenous


People laban sa mga totoong katutubo sa pamamgitan ng panloloko sa mga katutubo na

magpapapirma ng attendance matapos bigyan ng pagkain yun pala ay pagkuha ng

consent na pumapayag na silang ibigay ang kanilang lupang ninuno sa mga dayo.

Isa pang suliranin ay ang pagpasok ng Ominimans Mining Corporation sa kanilang

komunidad ng Dumagat Alta. Nangako ang mga ito na magtatayo ng ospital, paaralan,

highway, livelihood at iba pa sa kanilang komunidad kapalit ng pagmimina sa kanilang

lugar. Dahil sa pangunguna ni Nanay Mayeth naranasan na niyang tambangan ng militar.

Noong nakaraang 2007, hinaharass ng militar ang kanyang asawa at mga anak dahil sa

pagtindig at paglaban sa kagustuhan ng korporasyon. Nagbunga ang pakikipaglaban nila

nang masuspinde ang lisensiya ng nasabing korporasyon ngayong taon. Subalit patuloy

sila sa pagbabantay dahil sa pagbabadya ng pagbabalik ng mga ito.

Ayon pa sa mga katutubong kinapanayam ng KAMANDAG (Agression, 2016)

patuloy silang nangangarap ng tunay na kapayapaan at kaunlaran sa kanilang pamilya

at komunidad sa loob ng lupaing ninuno. Ang kapayapaan para sa kanila ay mamuhay

nang may dignidad, walang takot sa kanilang seguridad, at walang naka-abang na banta

sa pag-agaw ng lupa, at ng lupaing ninuno.

Ang kapayapaan para sa kanila ay may kalayaan na makapaghanapbuhay sa

pamamagitan ng pangangaso, pagpapayaman sa lupain o pagsasaka, pangingisda at

iba pa. Kapayapaan para sa kanila ang makapagsagawa ng mga ritwal na bahagi nan g

kanilang tradisyon at kultura ngunit naglalaho dahil wala nang lupaing pinagsasagawaan

nito. Apektado sila ng mga pangkaunlarang proyekto tulad ng pagmimina, pagkakaingin

at marami pang iba.


Natalakay din na ang kaunlaran para sa mga katutubo ay nagdudulot ng

kasaganahan para sa lahat, at hindi sa iilan lamang, at lalong hindi sa mga ganid na

malalaking korporasyon; kumikilala at gumagalang sa karapatan ng bawat isa sa kanila

– matanda, bata, babae, lalaki; walang taong pinapatay dahil sa kanyang pagtataguyod

ng karapatan; walang batang nagugutom at nauulila sa mga magulang.

Ang kaunlaran para sa mga katutubo ay kumikilala sa kolektibong pamamahala

ng kanilang lupaing ninuno, nililinang ang kanilang malapit na relasyon at ugnayan sa

kalikasan, naglalayon ng pagkakapantay-pantay sa ating lipunan, at matiwasay na

pakikipamuhay ng bawat isa, iba man ang paniniwala, at kasaysayan. Ang ganitong

kaunlaran ay kumikilala ng kanilang sariling pagkakakilanlan, at nagdudulot ng tunay na

kapayapaan.

Naniniwala ang mga katutubo na walang tunay na kapayapaan at hustisyang

panlipunan, kung walang lubos na pagkilala sa karapatan ng mga katutubo. Habang

yakap nila ang pagkakakilanlan, at hawak ang puso at isipan ang pangarap na kaunlaran

na magdudulot ng kasaganahan sa lahat, at di lang sa iilan; at magbubunga ng tunay at

pangmatagalang kapayapaan. Sama-samang nagigiit ng karapatan ng sariling

pagpapasya. Naniniwala rin ang mga katutubo sa pagpapanday ng kasalukuyang

kondisyon ay makakamit ang makatarungan, mapagkalinga, at mapayapang

kinabukasan, para sa kanilang pamilya, sa komunidad, at para sa mga tagapagmana ng

pagkakakilanlan nila bilang katutubo.

Sanggunian:

Agression, K. n. (2016, November 11). KAMANDAG. Retrieved February 20, 2017, from
FACEBOOK: https://www.facebook.com/kamandag.artists/videos/1605115566457778/
MGA LARAWAN:

You might also like