You are on page 1of 1

(Pagtakas sa Mundo)

Anthony Baculbas Gabumpa | gabumpaanthony@gmail.com |Masteral sa Araling Pilipino

Taimtim na pinakikinggan ni Rina ang ikaapat na dasal para sa araw na iyon. Banayad ang usal ng dalangin galing
sa speaker ng moske na nagsasaboy ng gabay na panalangin sa lahat ng maabot nito. Umaalingawngaw ito hanggang sa
maliit na puwang ng liwanag sa kaniyang silid. Ang silid ang sensibilidad ni Rina sa labas, dinig nito ang malalakas na
tunog at nadarama nito ang maalinsangang bansang pinaglingkuran at nilagakan ng kaniyang labing-isang taong pag-iisa.

Matagal ng tinanggap ni Rina ang kamatayan ngunit hindi kailanman ang pagsikmura sa hindi makataong
pagtrato sa tulad niyang nabubuhay ring may karapatan.
...
Sinalubong si Rina ng buhanging humahalo sa maalinsangang hangin sa unang pagkakataong makatuntong sa
bansa ng mga Arabo. Dito siya nanilbihan bilang all around housemaid sa loob ng dalawang taong kontrata. Baon-baon
lamang ang mga itinuro sa kaniya ng kaniyang inang maging matiisin sa ngawit, lagatok ng pagod at gutom na tiyan.
Nalalaman ni Rina na mabigat ang tungkulin ng pangangatulong sa isang maykayang mag-anak ng mga Muslim ngunit
para saan pa’t sinanay na siyang magkaroon ng pagod na kasu-kasuan ng kanyang bayang di man lamang mabigyan ng
maayos na bukas ang kaniyang nag-iisang anak. Kaya’t kahit manhid na ang kaniyang katawan dulot ng paglilinis ng
makakapal na telang pinansasapin sa sahig at pader ng tahanan alam niyang ang katapat nito’y pagkakataong mabahiran
ng riyal ang sikmura at masuklian ng pasulpot-sulpot na mariwasang buhay ang kabuuan ng kanilang mag-anak.

Mapagtiis si Rina, ngunit matalas din ang kaniyang pandama upang malaman na mapang-abuso ang mata ng
among kaniyang pinaglilingkuran. Isang dapithapon, habang nagpapaulan ng buhangin ang disyerto sa lungsod, tulad ng
terorista’y umatake sa tahimik niyang pagtatrabaho ang anak na lalaki ng kaniyang amo. Pumuslit ito sa likod bahay sa
kasagsagan ng huling pagdarasal ng mga Muslim at tangka siyang gahasain. Binusalan siya nito sa bibig at mariing
pinasunod ang katawan sa intensyon nito. Dala ng galit sa di makataong pang-aabuso, pinroteksyonan ni Rina ang
kaniyang sarili gamit ang buong lakas na pagtatanim ng patalim sa lalamunan ng amo. Ang pulang dugo ay kumalas sa
lalamunan at humalo sa mga butil na buhangin ng disyertong inihatid ng hangin. Walang matatakbuhan ang tulad ni
Rina. Ikinulong at nilitis siya sa loob ng siyam na taon ng bansang nagpalamon sa anim niyang kapatid, inang nagturo sa
kaniyang magtiis at anak na di man lamang mapangakuan ng maayos na bukas.

Natapos ang dasal ng mga Muslim at nadama niyang muling marahang kumilos ang mga tao sa paligid. Sinundo
siya ng isang kawani at pinalakad sa pasilyo nang nakapiring ang mga mata at may mahigpit na pagkakasakal ng lubid sa
dalawang kamay. Nadarama ni Rina ang lahat. Dahan-dahan niyang naaninag ang liwananag ng araw mula sa labas kung
saan siya inihahatid. Dito, muling lumapat sa kaniyang balat ang mga buhanging humahalo sa maalinsangang hangin. Sa
paligid, maririnig niya ang mahinang bulungan ng maraming tao habang marahang siyang pinaluluhod sa mainit at
maaligasgas na aspalto. May uusal ng mga hudyat mula sa kanan at maya-maya’y maririnig niya ang pagkamangha at
pinigil na ingay ng mundo.

Maglalatigo nang mabilis ang hangin.


Matagal ng tinanggap ni Rina ang kamatayan at kailanman, hindi niya nagustuhan ang mga buhanging humahalo
sa maalinsangang hangin.
Panitikan ng Pilipinas 222 – Panitikan ng Pilipinas sa Kasalukuyang Panahon (1960 - Kasalukuyan)

Buod ng Kuwento

You might also like