You are on page 1of 27

Kabanata XVIII

Nagdurusang Kaluluwa
1. Tatlo ang misang karaniwang iniaalay sa
mga Kaluluwa ng mga Yumao. Mag-iikapito
ng umaga nang si Padre Salvi ay makatapos
ng kanyang huling misa. Kapansin-pansin
ang kanyang pananamlay.
2. “Ang kura ay maysakit,” ang puna ng
mga manang. “Siya’y walang sigla di-
tulad ng dati.”
3. Naghubad siya ng kanyang damit pangmisa
nang walang imik. Lumabas ng sakristiya at
saka umakyat sa kumbento. Naraanan niya
bago umakyat ng kumbento ang pito o
walong babae at isang lalaki na nakaupo sa
bangko. Ang mga manang at manong na ito
ay naghihintay sa kanya para humalik
ngunit hindi niya pinansin.
4. May mahalagang sadya ang mga taong
naghihintay na ito sa kanya. Gusto nilang
ipaalam kay Padre Salvi kung sino ang nais
nilang magsermon sa araw ng kapistahan ng
San Diego. Tatlo ang pinagpipilian nila: Sina
Padre Damaso, Padre Martin o ang
coadjuator (ang Coadjuator ay katulong na
pari ni Padre Salvi.).
5. Habang naghihintay silang ipatawag ni
Padre Salvi ay masaya silang naguusap. Ang
paksa ng kanilang pag-uusap ay kung paano
magkakamit ng pinakamaraming
indulgencia plenaria. Ang indulgencia
plenaria ay siyang kailangan ng mga
kaluluwa sa purgatoryo para mahango sila
rito.
6. Nagpaparamihan sila ng mga nakamit na
indulgencia. Nagpapaligsahan kung sino ang
may mabisang paraan para makamit ito.
Para sa mga madasalin noon, isa lamang
indulgencia ay katumbas na ng pagkabawas
ng mahigit na isang libong taon na
nakatakdang paghihirap sa purgatoryo.
7. Matagal-tagal na rin silang nag-uusap
nang dumating si Sisa na may sunong
na isang bakol. Matapos magbigay-
galang sa mga dinatnan tuluy-tuloy
siyang umakyat sa Kumbento.
8. Madaling-araw pa lamang ng araw na iyon ay
nagtungo na si Sisa sa kanyang halamanan. Pinili
niya ang pinakamagagandang gulay at saka inayos
sa isang bakol na nasasapnan ng mga dahon ng
saging at pinalamutian niya ito ng mga sariwang
bulaklak. Nanguha siya sa pampang ng ilog ng
pako, dahil alam niya na paborito ng kura ang
ensaladang pako. Nagbihis siya ng pinakamahusay
niyang kasuotan at nanaog na sunong ng isang
bakol. Hindi niya ginising si Basilio.
9. Habang paakyat ng hagdan ng
kumbento, biglang kinabahan si Sisa.
Iniisip niya kung ano ang kanyang
sasabihin sa pari para maalis ang galit
nito at paano niya ipagtatanggol si
Crispin.
10. Dahan-dahan siyang umakyat,
nakiramdam baka marinig ang tinig ni
Crispin. Nasaan na kaya ang aking
Bunso?
11. Subalit walang nakitang sinuman si
Sisa. Ni hindi niya narinig ang tinig ni
Crispin. Kaya nagtuloy na siya sa
kusina. Nakita niya rito ang mga
katulong at sakristan ngunit hindi siya
pinansin.
12. “Saan ko ilalagay ang mga gulay
na ito?” tanong ni Sisa.
13. “Kahit saan diyan!” sagot ng kusinero
na hindi man pinansin ang kanyang
dala-dala. Kasalukuyang inaalisan ng
kusinero ng balahibo ang isang manok.
14. Maayos na hinilera ni Sisa sa lamesa
ang tatlong ampalaya, patola, sarsalida
at mga talbos ng pako at pagkatapos
nilagyan niya ito ng mga bulaklak.
Nilapitan niya ang isa sa mga utusan na
inaakalang mas mabuting kausapin
kaysa sa kusinero.
15. “Maaari po bang makausap ang
Kura?”
16. Halos pabulong ang sagot,
“Maysakit.”
17. “Si Crispin po nasaan?”
18. Tiningnan siyang waring
nagtataka, “Wala ba siya sa bahay
ninyo?”
19. “Si Basilio lang po ang nasa
bahay namin. Pero si Crispin ay
naiwan dito,” sagot ni Sisa.
20. “Naiwan nga siya rito pero
pagkatapos magnakaw ay tumakas din.
Maaga nga akong nagpunta sa kwartel
para isuplong ang inyong anak. Siguro’y
nasa bahay na ninyo ang mga
guwardiya sibil para dakpin sila.”
21. Napatunganga si Sisa at hindi siya
nakapagsalita. Nagtakip ng tenga nang
parang wala sa sarili.
22. “Malas kayo sa inyong mga anak!”
wika ng Kusinero. “Balitang mabuti
kayong maybahay ngunit ang inyong
mga anak ay nagmana sa kanilang ama.
Lalo na iyong bunso baka lumabas na
masahol pa siya sa kanyang ama.”
23. Napahagulgol si Sisa at parang
pagod na pagod na sumalampak sa
isang bangkong naroon.
24. “Huwag kayo rito manangis!”
bulyaw ng kusinero. “Maysakit ang
kura. Doon kayo sa kalye
magpalahaw ng iyak.”
25. Halos ipagtulakan si Sisa ng mga
naroroon habang nanaog ng
umiyak.
26. Sa kalye, nagpalinga-linga ang
kahabag-habag. Pagkatapos
matuling lumakad na waring may
pagpapasyang gagawin.

You might also like