You are on page 1of 13

YUNIT 6: FILIPINO SA AGHAM, TEKNOLOHIYA.

INHINYERIYA, MATEMATIKA, AT
IBA PANG KAUGNAY NA LARANGAN
Ang siyentipiko at teknikal na larangan bilang akademiko o applied na disiplina
ay mga terminong madalas pinagpapalit lamang dahil itinuturing na iisa at di magkaiba.
Sa ganitong pagtanaw, ang mga siyentipikong larangan, tulad halimbawa ng medisina,
ay tinitignan din bilang isang teknikal na larangan sapgkat ang iba’t iba nitong sangay
ay maituturing na espesyalisado. Siyentipiko naman ito sapagkat ang mga proseso na
nagluluwal ng mga baging kaalaman at konsepto ay dumaan sa makaagham na
pamamaraan at mga imbestigasyon. Kung gayon, nagkakaroon ng pagtinging kapuwa
siyentipiko at teknikal ang larangang ito.
Sa loob ng pagtalakay na ito, nais din nitong sipatin ang pagtatangkang pag-
ibahin ang dalawang naturang larangan, bagama’t kinikilala pa rin ang di-mapaghiwalay
na katangian ng iba’t ibang disiplina upang ituring na siyentipiko-teknikal. Ang mga
larangan sa siyensiya ay kabibilangan ngunit di limitado sa mga kilalang sangay nito
tulad ng pisika, kkemistri, biolohiya at iba pa; kasama rin ditto ang parmasyutika,
medisina, nursing at mga kaugnay na disiplina. Samantala, itinuturing namang mga
larangan sa teknolohiya ang inhinyera, agham kompyuter, impormasyong
panteknolohiya at iba pa. kasama naman sa tekniko-bokasyonal ang mga gawaing
pangteknisyan tulad ng sa mga aplayans, gadget, pagwewelding, at iba pang
espesyalisadong gawain na hindi nangangailangan ng digring pangkolehiyo.
Sa mga larangan nabanggit, may kani-kaniyang panlipunang gampanin ang
bawat isa. Magkakaugnay ang mga ito para sa iisang layuning maibigay ang serbisyong
inaasahan sa isang maunlad na lipunan. Bagama’t tila ang mga tao, proseso, at
produkto ng bawat larangan ang sentro nito, ang wika sa larangan bilang instrumento
ng pagdaloy ng impormasyon ay napakalaking gampanin upang lalong umunlad ang
larangan at higit na magsilbi ito sa kapakinabangan ng lipunan kung saan ito umiiral.
Sa kaso ng Pilipinas, bagama’t nagagamit ang Filipino sa iba’t ibang larangang
siyentipiko-teknikal, makitid ang espasyo nito kumpara sa nagahhari pa ring kolonyak
na wika ang Ingles. Bunga ang kalagayang ito ng pagsakop ng United States sa bansa
sa nakalipas na panahin at ng tindi ng kolonisadong ideolohiyang ibinunsod ng
pagsakop na ito. Pinatindi rin ito ng kolonyak na sistemang edukasyon na
magpahanggang ngayon ay siya pa ring natatamasa ng kabataang Pilipino.
Gayunpaman, unti-unting lumalakas at nagkakaespasyo ang wikang Filipino sa
mga larangang siyentipiko-teknikal. Bunga ito ng patuloy na pakikibaka at pagtataguyod
ng makabayang edukasyon ng mga akademiko, iskolar, propesyonal, at praktisioner na
tunay na nagmamahal sa wika at bayan. Sa kalagayanng ito umuusbong, kahit paunti-
unti , ang tanaw na tuluyan nang mangibabaw at magamit ang wikang Filipino bilang
midyum ng siyentipiko at teknikal na diskurso sa iba’t ibang larangan na lalo pang
magpapahusay sa mga larangang ito para sa kapakinabangan ng mamamayang
Pilipino.
INTELEKTWALISASYON NG WIKANG FILIPINO SA LARANGANNG SIYENTIPIKO-
TEKNIKAL
Ang intelektwalisasyon ay ang “pagpaksa ng mga ideya sa pinakamataas na
level sa akademiya” ayon sa linggwistang si Gonzales (2005). Dinagdag pa ni Gonzales
na sa pamamagitan nito ay hindi lamang nagagamit ang wika sa pang-araw-araw na
ordinaryong talastasan kung hindi sa matatalinong diskurso sa paaralan. Dahil ditto,
ayon sa kaniya ay nagkakaroon ng pagkatuto sa isang paksa para magamit sa mataas
na lebel ng intelektuwal na paggagamitan nito at maging sa mga abstraksyon ng
kongkretong realidad.
Sa paglalarawan ni Constantino (2005), ang intelektwalisasyon ay:
…sakop ng tungkulin ng estado ng sining ng disiplinang iyon sa lipunan at sa
akademikong komunidad na gumagamit ng wika. Hangga’t hindi nagkaugat ang
intelektuwal na disiplina sa isang lipunan, ang paggamit ng espesipikong disipplina ay
maaaring hindi magkaroon ng kultibasyon sa lipunang iyon.
Dito, inihahayag ang konsepto ng intelektwalisasyon na karaniwang binibigyan
kahulugan bilang paggamit ng wika sa mas mataas na antas kaysa ordinaryong
paggamit na karaniwan ay sa akademya. Pangunahing, tinutukoy ng intelektwalisasyon
ang pagbuo ng register ng wika sa iba’t ibang intelektwal na disiplina at larang ng
espesyalisasyon, kung kaya’t makatutulong sap ag-unawa sa intelektwalisasyon ang
konsepto ng tatlong uri ng language domain o larang ng wika. Kabilang ditto ang non-
controlling domain o karaniwang larang ng wika, semi-controlling domain o mahalagang
larang ng wika, at controlling domain o napakahalagang larang ng wika.
Sa pagpapaliwanag ni Zafra (2003), sinabi niyang:
Nakatuon ang intelektwalisasyon ng wika sa controlling domain o
nakapakahalagang larang ng paggamit ng wika. Sinasabing ang wika, upang magamit
sa napakahalagang larang ay dapat na magiging intelektwalisado. Ito ang paliwanag
kung bakit baluktot ang katuwiran ng mga kontra-Filipino sa pagsasabing hindi na dapat
ituro ang wikang pambansa lalo’t malaganap na ito’t nauunawaan ng marami. Ang
dapat linawin, magkakaiba ang gamit ng wika sa bawat larang. Sa paliwanag ng mga
lingguwista, may natatangi at sariling register-terminolohiya, retorika, kumbensiyon ang
wikang ginagamit sa napakahalagang larangan tulad ng akademya.
Ayon pa rin sa pagpapaliwanag ni Gonzalez (2002), may dalawang proseso sa
intelektwalisasyon ng wika sa larangan ng akademiy: linggwistiko at ekstra-
lingguwistiko. Sa prosesong lingguwistiko, kabilang ang pagebelop ng isang
estandardisadong anyo ng wika na magagamit naman sa pagdebelop ng akademikong
diskurso; pagdedebelop ng corpora o lawas ng teksto sa iba’t ibang akademikong
larang; at pagbuo ng register na wika o ang tangi at tiyak na gamit ng wika sa isang
larang.
Samantala, kabilang naman sa mga ekstra-lingguwistikong proseso ang pagbuo
ng creative minority o significant others o ang mga intelektwal na disipulo na
magsisimulabg gumamit ng mga teknikal na bokabularyo, terminolohiya, at ng estilo o
retorika, at magpapalaganap nito sa pamamagitan ng pagsulat, paglathala, at
pagtuturo. Ang pagbuo ng isang patakarang pangwika ay tunay ring makabuluhan at
malaking tulong sa intelektwalisasyon ng wika. (Zafra, 2003)
Bilang mahalagang proseso ng intelektwalisasyon, binibigyang-tuon din ang
pagsasalin, midyum ng pagtuturo, at pagdedebelop ng mga kasangkapan.
Sa pagsasalin ng mga akda mula sa ibat ibang wika patungong Filipino,
naiintelektuwalisa ang wika. Sa prosesong ito, dapat isaalang-alang ng tagasalin. Isang
maayang niallang na hindi nakakulong ang diwa at kamalayan sa personal at limitadong
konteksto lamang. Ang pagsasalin ay di lamang pangkaraniwang pagtutumbas ng mga
salita sa isang wika patungo sa isa pang wika, kundi, ito ay higit pa tinitignan hindi
lamang ang literal na kahulugan ng mga salita o mga pahayag na ito, kundi ang mas
malalim na ibinabahagi ng mga ito batay sa konteksto o maging sa kultura.
Samantala, may mga naitala nang aktwal na paggamit ng Filipino sa klase sa
mga siyentipiko at teknikal na kurso. Nakapagtala ng mga hamon ang mga propesor na
sumubok gamitin ito ngunit naitala rin nila ang magandang epekto ng paggamit ng
Filipino sa pagkatutuo ng mga mag-aaral. ilan sa kanila ang sina Fortunato Sevilla ng
UST para sa kemistri, John Pellas ng UP at Lea Soriano ng DLSU sa Matematika.
Nathaniel Oco ng NU, at Elimar Ravine ng QCPU at AMA para sa Araling Kompyuter, at
Rosemary Serva ng UP sa Inhinyeriya.
Sa kaso ng pagbuo ng mga kasangkapan sa pagtuturo, ilang mga aklat sa mga
larangang ito ang nailimbag sa Filipino. Halimbawa sa matematika, na riyan ang
Matematika Para sa Pangkalahatang Edukasyon nina Jaime Caro, et al, at nina Jesusa
Tangco et. al. Batayang Alhebra nina Myrna Bernardo et. al, at Heometriya nina
Ronaldo San Jose et, al.
Sa larangan ng kompyuter, nailathala ang mga aklat na Introduksyon sa
Organisasyon ng Computer at Low-Level Programming nina Joel at Leonila
Macatangay, Agham Computer nina Anthony Ocampo et. al, at Introduksyon sa Agham
Computer nina Santiago Alviar at Rachel Roxas. Kabilang naman sa mga nailathalang
pang-inhinyerya ang Mga Disenyo sa Logic at Digital Computer Circuit nina Emmanuel
Conorado at Jessie Joseph Gotengco, at Tumbasang Differential: May Aplikasyong
Pang-Inhinyeriya ni Edwin Tapang.
May ilang mga aklat din ang tumatalakay sa biolohiya, pisika, at kemistri ng mga
nailimbag ng
Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas. Gayundin, marami sa mga
kasalukuyang ginagamit ng TESDA bilang modyul sa kanilang teknikal at bokasyonal
na kurso ay naisalin rin sa Filipino.
Sa pamamagitan ng tatlong prosesong ito: ang pagsasalin, pagtuturo gamit ang
Filipino, at pagbuo ng mga aklat, napapadali ang proseso ng intelektwalisasyon ng
Filipino sa akademya na tumutulay na rin sa mga ispesipikong larangan.
Halimbawa, sa larangan ng agham, nailathala sa Filipino at maging sa iba pang
mga wika sa Pilipinas ang mga polyetong pangkalusugan ng Kagawaran ng Kalusugan.
Nakasalin din sa Filipino at maging sa ibang mga wika ang mga ordinansang nabubuo
sa mga bayan at lalawigan. Maging ang world wide web ay may salin, mula Ingles, sa
iba’t ibang mga wika kasama na ang Filipino. Mayroon ding opsyon sa mga automated
teller machine na gawing Filipino/Tagalog ang wika sa transaksiyon ditto.
Bilang patunay sa tumataas na antas ng intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa
iba’t ibang larangan, ang akademya ay nagsasagawa ng mga pananaliksik na may tuon
sa iba’t ibang larangan kasama na ang siyensiya, matematika, teknolohiya, at iba pa na
pangunahing gamit na wika ang Filipino. Ang mga journal tulad ng Malay, Hasaan, at
DAluyan ay ilan lamang sa mga interdisiplinang journal na anglalathala ng mga
pananaliksik sa Filipino. Inaasahan din kung gayon na kahit ang mga diskurso at
transaksyonng propesyunal sa mga larang ito ay naisasagawa na rin sa Filipino.

FILIPINO BILANG WIKA NG PAGTUTURO AT PANANALIKSIK


Isinasaad ng Artikulo XIV ng Konstitusyon 1987 ng Pilipinas sa Seksiyon 6 na,
“ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat
payabungin at pagyamanin pa salig sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang mga
wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na ipasya ng
Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at
puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na
komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon. Dagdag pa
sa Seksiyon 7, “ukol naman sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang wikang
opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hanggang walang itinatadhana ang batas, Ingles.”
Sa pahayag na ito, hindi na dapat pagdebatihan pa kung ano ang isinasaad ng
Konstitusyon ng Pilipinas ukol sa dapat na wikang panturo. Malinaw ang panig ng batas
na dapat magsagawa ng hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at pusposang
itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo at sa sistemang pang-
edukasyon. Samantala, sa patakarang bilingguwal, itinakda ang pagtuturo ng Filipino at
Ingles at paggamit sa mga ito bilang midyum sa pagtuturo sa lahat ng antas. Ngunit
isang masaklap na katotohanan na ang mga probisyong ito ng batas ay hindi pabor sa
wikang pambansa. Sa akdemya, mas malawak pa rin ang paggamit ng Ingles sa
pagtuturo.
May tatlong mahahalagang bagay ang maiuugnay sa makabuluhang pagtuturo
anumang kaalaman. Ito ay ang mga:
1. kaalaman ng guro kung ano ang itinuturo
2. kaalaman niya kung paano sasabihin at
3. kung maiintindihan ng mga estudyante ang kaniyang sinasabi (Hornedo,
2001).
Kung susuriing mabuti, napakalaki ng papel na ginagampanan ng wika sa
mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa huling dalawang nabanggit na salik, hindi
maitatatwa ang malaking gampanin ng wika. Ang pamamaraan ng guro kung paano
niya ibabahagi ang kaalaman ay idinidikta ng mabisang paggamit sa midyum. Sa
kasong ito, bilang mga Pilipino may mas mabisa pa ba kaysa unang wika- mga wika sa
Pilipinas at/o Filipino? Sa kabilang banda, sa katanungang maiintindihan kaya ng mga
estudyante ang sinasabi ng guro, wika rin ang direktang maiuugnay rito. Kung
gumagamit ang guro ng isang wikang hindi gaanong naiintindihan ng mga mag-aaral,
ang pagkaunawa sa kaalamang nais iparating ay hindi ganap. Lalo pang nagiging
malala ang sitwasyon kapag ang nilalaman ng aralin ay komplikado’t mahirap din.
Dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, marami ng mga pag-aaral na
nagpapatunay ng pagiging epektibo ng paggamit ng unang wika sa pagtuturo. Sa
lumabas na pag-aaral, halimbawa ng Third International Math and Science Study at sa
mga sumunod pang pagkakataon, lumabas na nanguna sa matematika at agham ang
mga bansang gaya sa ng Singapore, Hongkong, South Korea, Japan, Belgium,
Netherlands at iba pang bansa. Ito ang mga bansang sariling wika ang ginagamit na
wikang panturo. Nasa dulo naman ng listahan ang South Africa at iba pa kabilang na
ang Pilipinas sa mga bansang gamit sa pagtuturo ay Ingles.
Sa ganitong kalagayan nagkakaroon ng higit na pagpupursigi ang ilang mga
tagapagpataguyod ng wika sa akademya. Tulad ng mga naunang nabanggit sa
nakalipas na pagtalakay, ilang mga guro sa iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad ang
nanguna sa paggamit ng Filipino sakanilang mga klase upang itulay nang mas mabisa
ang kaalaman sa disiplina. Nakapagprodyus din ng ilang mga aklat at pananaliksik na
nasa wikang Filipino. Patunay ito na wala sa wika ang problema kung hindi nasa
kakayahan ng taong gamitin ang wika sa intelektwal na antas anomang disiplina ito
kabilang. Binibigyang diin din nito na may puwang at kapaki-pakinabang ang Filipino sa
mga larangang siyentipiko-teknikal.
FILIPINO SA AGHAM
Kilalang-kilala sa larangan ng pagsulat ng kuwentong pambata si Luis
Gatmaitan, isang doctor ng medisina. Subalit siya ay hindi ordinaryong doctor at
kuwentista. Ang mga aklat-pambatang kaniyang isinisulat ay tumatalakay at nagtuturo
ng mga konseptong pang-agham, ngunit orihinal na nasulat ang mga kuwentong ito sa
Filipino at may salin sa wikang Ingles. Binabasag ng katotohanang ito ang mga haka-
hakang hindi kailan man mabisang magagamit ang Filipino bilang wika ng mga
intelektwal na diskurso sa Agham.
Ilan sa mga kuwento ni Dr. Gatmaitan ang Nang Maghasik ng Lagim si Lolit
Lamok (Lolit Mosquito Brings Terror, 1999), Ay! May Bukbok ang Ngipin ni Ani! (2000),
Aray, Nasugatan Ako! (Ouch, I Cut my Fingers!, 2001), Aba, May Baby sa Loob ng
Tiyan ni Mommy! (Wow, There’s a Baby in Mommy’s Tummy!, 2001), Naku, Ang Pula
ng Mata Ko! (Oh No, My Eye is Red! 2002), Aha! May Allergy Ka Pala! (Aha! So You
Have an Allergy!, 2010), at Dyaran! Ang Kambal na Hebigat! (Tada! The Heavyweight
Twins!, 2017).
Ang kaniyang piyesang Aba, May Baby sa Loob ng Tiyan ni Mommy! (Wow,
there’s a baby in mommy’s tummy!, 2001) na tumatalakay sa yugto ng pagbubuntis ay
ginawaran din ng Best Short Story for Children ng Catholic Mass Media Awards.
Malinaw at simpleng tinatalakay nito ang mga pangyayari sa loob ng sinapupunan ng
nagbubuntis tulad na lamang ng posisyon ng bata, ang pagdedebelop nito, paggalaw,
at kung paano ito kumakain o nakakakuha ng sustansiya. Kapuwa impormatibo sa mga
bata at matatanda ang pagtalakay nito.
Isang magandang halimbawa naman ng pananaliksik na naisulat sa Filipino ang
Epektong Biolohikal ng Ekstrakto ng Dahon ng Atis sa Bilig ng Pato (A.C Butay & A. A.
Herrera, 2004) na lathala sa iskolarling journal na Daluyan ng Unibersidad ng Pilipinas.
Bagamat napakateknikal at siyentipiko ang pag-aaral, mahusay na nailahad ang
kaligiran ng pag-aaral, ang mga gamit at metodolohiya sa paghahanda ng ekstrakto,
ang pagsusuri ng teratogenicity at angiogenecity, at pagtalakay sa resulta ng
eksperimento. Pinatutunayan lamamng nito na maging sa biolohiya, kung talagang
puspusang gamitin ang Filipino kahit sa anyong pasulat ay mabisa ito. Ilan pang di
nailathalang pananaliksik sa Agham ang Ang Plebotomi sa Mata ng mg bata: Isang
Analisi ( Ong et al,2016), Mga salik na nakaapekto sa preferens sa pagkain ng mga
estudyanteng lalaki at babae sa unang taon ng medical teknoloji (Cabral et al, 2016) at
Salik sa Paggamit ng Alternatibong Medisina (Repato, et al., 2016).
Sa maraming kuwento ng paggamit ng Filipino sa pagtuturo, tumatak si Dr.
Fortunato Sevilla ng Unibersidad ng Santo Tomas. Dahil sa kaniyang galing sa
pagtuturo ng Kemistri madalas siyang maimbitahang tagapagsalita sa mga
pambansang forum ukol sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng Agham.
Nakapaglathala rin siya ng ilang pananaliksik na tumatalakay sa pagiging epektibo ng
paggamit ng Filipino sa mga kursong pang-agham sa kolehiyo at gayundin sa mga
estratehiya at pamamaraan sa pagsalin sa Filipino sa mga terminong siyentipiko.
Bukod kay Dr. Sevila, nakilala rin si Prop. Earl Sumile ng Kolehiyo ng Narsing sa
UST bilang isang tagapagtaguyod ng Filipino at gumagamit nito sa kaniyang pagtuturo.
Ayon sa kaniyang panayam noong 2016 sa Pambansang Kongreso sa
Intelektwalisasyon ng Filipino sa iba’t ibang disiplina, patuloy niyang nagagamit ang
Filipino sa kaniyang mga lektura sa mga kurso sa nursing. Dito, napatunayan niyang
kasing epektibo lamang ng Ingles ang Filipino sa pagtuturo ng Agham Pangkalikasan.
Sa nasabi pa ring unibersidad kung saan nagmula ang mga nabanggit na
propesor, taunang isinasagawa ang Forum pang-agham na nilalahukan ng mga
propesor sa ibat ibang mga kolehiyo para ilahad ang kanilang mga pananaliksik na
nakasulat o salin sa Filipino. Dito naipapakita na kahit sa mga larang ng inhinyera,
nursing parmasyutika, teknolohiyang medical, medisina, arkitektura, pisika at iba pa ay
magagamit ang Filipino kung intensiyonal itong gagawin. Sa loob ng ilang taong
pagsasagawa nito, matagumpay ang mga forum na nilahukan ng mga propesor at
espesyalista sa iba’t ibang larangan.

FILIPINO SA TEKNOLOHIYA AT AGHAM KOMPYUTER


Sa pag-aaral ni Ravina (2006), detalyado niyang tinalakay ang sitwasyong
pangwikang Filipino sa araling kompyuter. Ayon sa kaniya, may mga instructor at
propesor na gumagamit ng Filipino sa pagtuturo ng computer science at information
technology. Sa mga kursong tulad ng programming, ssytems analysis and design,
software engineering, data communication, automata and computability theory at iba ay
malayang nagagamit ng ilang mga propesor ag Filipino sakanilang lektura. Sa kaniyang
paglalahad, inisa-isa niya nag akademikong sitwasyon kung saan ginagamit ang Filipino
sa araling kompyuter. Kabilang ditto, ang mga oral na diskurso gaya ng mga talajayan
sa klase, presentasyon ng mga proyekto, at may mga ekspiremental na gawain kung
saan isusulat g ilang ilag propesor ang kanilang eksaminasyon gamit ang Filipino.
Sa ganitong gawain, napapatunayan na ang paggamit ng Filipino sa mga
teknikal na kursong ito ay nakapagpahusay sa mga estudyante hindi lamang sa
pakikipagtalakayang intelektwal kundi sa pagkaunawa sa mga konsepto at sa
pagtatamo ng mga kakayahang kaugnay ng disiplina. Binanggit din niya na sa patuloy
na pagsasagawa ng mga naturang inisyatiba, mag-uumpisang maintelektuwalisa ang
Filipino sa larangan at kalauna’y makapagluwal ng mamayamang korpus ng mga
pedagogical idiom na sa mga hadlang sa lubusang paggamit sa Filipino sa ibat ibang
larangan.
Maliban sa mga nailathalang aklat na may kaugnayan sa larangan, ilang
pananaliksik ang nilathala sa Malay journal ng Unibersidad ng Dela Salle na may
paksain sa araling kompyuter. Ang pag-aaral na Paggamit ng Natural Language
Processing Bilang Gabay sa Pagtuklas at Pagsisiyasat sa mga Tweet Tuwing Halalan
ay tumatalakay sa paggamit ng natural language processing sa pagtuklas at
pagsisiyasat sa tema ng mga tweet (Roxas et al., 2015). Tinitignan naman ang
pagkakatulad at pagkakaiba ng mga wikang pinag-aralan gamit ang trigram ranking sa
Ang Paggamit ng Trigram Ranking Bilang Panukat sa Pagkakahalintulad o
Pagpapangkat ng mga Wika (Oco, et al., 2014).
Nagagamit din, bagaman hindi madalas pinipili, ang opisyong Filipino/Tagalog
bilang wika ng mga gadget tulad ng cellphone, ng automated teller machine, at ng world
wide web. Sa kaso ng gadget at ng atm, maaaring piliin ang Filipino/Tagalog o sa
language setting upang maiprograma ito sa naturang wika. Sa katotohanan, hindi
eklusibo sa Ingles ang mga ito sapagkat ilan pang posibleng opsyon para sa language
setting. Kabilang ditto ang Japanese, Deutsch, Espanol, Bahasa, at iba pa. Ganoon din
ang sitwasyon sa mga website na nabibisita sa Internet. Kadalasan, may mga opsyon
na nais na gamiting wika. Ginagawang ingklusibo ng ganitong mga opsiyon ang
paggamit ng teknolohiya. Sa pagiging ingklusibo, hindi na lamang sa kagaanan ng
paggamit, halimbawa sa mga may kapansanan, ang nasasagot kung hindi ang suliranin
din sa pag-unawa sa mga nakasulat sa web, isang isyung pangwika.
FILIPINO SA INHINYERIYA AT MATEMATIKA
Ang karanasan ni Rosemary Seva (2018) ay isang patunay na maging sa
inhinyeriya ay magagamit din ang Filipino. Sa kaniyang karanasan, tanging sa mga
pagtalakay lamang sa loob ng klase niya ginamit ang Filipino at dito nabigyang-buhay
ang klase at tumaas ang interes ng mga estudyante. Mas nagiging mahusay rin ang
mga estudyante ayon sa kaniyang mga pagtataya. Subalit maliban ditto, nakapag-
ambag siya ng mahahalagang mungkahi upnag lalo pang lumawak at mapaigting ang
paggamit ng Filipino sa larangan. Una, upang hindi na mahirapan pa habang wala pang
salin sa Filipino ang mga termino, angkinin na lamang ito nang buo. Ikalawa, kailangan
sanang may magsulat ng mga aklat sa inhnyeriya na naka-Filipino. Ikatlo, hikayatin ang
mga guro na humawa ng pananaliksik sa wikang Filipino. Sa pamamagitan ng mga
mungkahing ito, lumalalim ang uganyan ng wika at disiplina at kung paano ito nagsilbu
para sa mas kapakinabanagan ng mga taong kabilang ditto.
Ang mga nailathala namang aklat pang-inhinyeriya tulad ng Mga Disenyo sa
Logic at Digital Computer Circuit na kinukuhang kurso ng mga estudyante ng computer
engineering at electronic and communications engineering ay naglalaman ng masinsing
pagtalakay sa lohika at circuitry ng kompyuter. Napapaloob dito ang pagdaloy ng
kuryente at kung paano nito napagagana ang makina. Mahalaga ang araling ito sa mga
magiging inhinyero dahil naipapaliwanag at naipapaunawa nito sa kanila ang detalye ng
mga elektronikong proseso na magagamit nila sa mga kaugnay na pagsusuri at
disenyo.
Kinukuha naman ng lahat ng estudyante ng inhinyeriya, maging anoman ang
espesyalisasyon, ang Tumbasang Differential: May Aplikasyong Pang-inhinyeriya. Ito
ay isa sa mga higher mathematics na kakailanganin sa mga programang pang-
inhinyera. Inilalahad ng aklat na ito ang mga teorem at konsepto at ang aktwal nitong
aplikasyon sa mundo ng inhinyeriya.
Samantala, pangkaraniwan na ang pagtuturo ng matematika gamit ang Filipino
sa elementarya at sekundarya. Ang mga konsepto sa ingles ay pinanatili, subalit
madalas nagiging ppangunahing wika na at hindi lamang pantulong Filipino sa loob ng
klasrum. Ngunit hindi pangkaraniwan ang ganitong senaryo sa mga pamantasan kung
saan ingles ang wika ng pagtuturo. Sa ilang kaso sa UP at DLSU, itinuturo ang
matematika gamit ang Filipino. Sa UP, nagturo si Prop. Danilo Yanga ng matematika
gamit ang Filipino. Kamakailan lamang naimbitahan sa isang kongreso ang isa pang
batang propesor ng UP na si John Pellas upang talakayin ang kaniyang adbokasyon sa
pagtuturo ng matematika gamit ang Filipino. Nagpakitang-turo rin siya sa kursong
Calculus, at tunay ngang intelektwalisado ang Filipino sa matematika. Sa DLSU,
itinuturo naman ni Prop. Lea Soriano ang Matematika ng Pamumuhunan sa Filipino.
Bagama’t maraming hamon, naiposisyon ng mga propesor na ito ang Filipino bilang
ntelektuwal na wika sa matematika.
Ang mga halimbawang ito ay mangilan-ngilan lamang sa mga naitatalang
paggamit ng Filipino sa larangan ng Inhinyeriya at matematika , subalit hinuhugis nito
ang hinaharap ng Filipino sa larangan. Patunay ang mga ganitong pagkakataon na
kanyang itawid ang mga kaalaman sa inhinyeriya at matematika gamit ang Filipino at
produkto lamang ng kolonyal na pag-iisip at ng di-siyentipikong datos ang pagsasabing
sa Ingles lamang maituturo ang mga naturang kurso sa sistemang pang-edukasyon.
Gayundin, nagsisilbi itong hamon at paalala sa bawat guro at estudyante na nasa
kanilang mga kamay ang patuloy na pagpapaunlad sa Filipino bilang wikang intelektwal.

FILIPINO SA LARANG NA TEKNIKO-BOKASYONAL


Bago pa man ipatupad ang K-12 kurikulum, marami nang mga eskuwelahan para
sa kursong tekniko-bokasyonal. Sa katunayan, ito ang kinuha ng mga walang balak
pang magkolehiyo o ng mga estudyanteng di kayang tustusan ang pag-aaral. Dumami
rin ang mga ganitong eskwelahan sapagkat inendorso ng TESDA ang technical skill
advancement para anila sa madaling paghahanap ng trabaho at mas mataas ang kita
sa loob man o sa labas ng bansa. Sa sistemang K-12, isa nang tiyak na strand ang
pag-aaral ng tekniko-bokasyonal. Sagot daw ito para sa lumalalang kalagayan ng kawal
ng trabaho ng maraming mga Pilipino.
Sa katulad na mga kurso, dahil karaniwang di nakatapos ng sekundarya o
katatapos lamang ang mga kumukuha nito, ang wika sa lugar ng eskwelahan ang
ginagamit bilang wikang panturo. Nagiging mas natural kasi ang ganitong set-up at mas
madaling nauunawaan at nasasanay ang mga estudyante sa mga kasanyang dapat
matutunan. Upang puspusang maisulong ang mga ganitong tunguhin, nagkaroon din ng
proyekto ang TESDA na isalin sa Filipino ang mga manwal na ginagamit sa pagtuturo
ng mga kursong tekniko-bokasyonal.
Sa maraming pagkakataon, nakitaan ng laganap at matagumpay na paggamit ng
Filipino sa mga pagsasanay sa pagkabarista, hotel and restaurant services, welding,
computer repair and servicing, cookery, housekeeping at iba pa. At dahil ditto, madaling
nagkaroon ng kasanayan sa napiling larangan ang mga estudyante. Senyales ito ng
isang epektibong paggamit ng akmang wika upang mas lubos ang pagkatuto ng isang
kasanayan.
PROSESO, LAYON, AT HALAGA NG PAGSASALING SIYENTIPIKO AT TEKNIKAL
Ayon sa mga iskolar, ang erya ng pagsasalin ay may dalwang uri: ang
pagsasaling teknikal at siyentipiko at ang pagsasaling pampanitikan. Sa unang
nabanggit na uri, kasama ditto ang mga pagsasalin ng pormal na sanaysay, feature
articles, agham panlipunan, tekstong pambatas, disiplinang akademiko at mga katulad
na larang. Sinasabi naman na karaniwang ang siyensiyang pangkalikasan, at
teknolohiya ang isinasalin sa mga siyentipiko at teknikal na pagsasalin.
Ang pagsasaling siyentipiko at teknikal ay maaaring makita sa mga inisyatibong
pagsasalin sa ibat ibang larangan. Espesyalisado ang pagsasaling ito sapagkat isang
tiyak na disiplina ang pinagtutuunan ng pansin. Masalimuot ang mga proseso sa
ganitong uri na gawin hindi lamang dahil kinakailangan ang katatasan ng nagsasalita sa
dalawang kasangkot na wika, ang simulang wika (SL) at ang tunguhang wika (TL),
kundi dahil hinihingi ng gawaing ito ang teknikal na kaalaman ng nagsasalin ukol sa
disiplina.
Ayon kay Almario (1997), inilahad ang ganitong paliwanag hinggil sa pagsasalin:
Alinman sa tatlong modelo ay puwedeng gamitin sa pagsasalin. Gayunpaman
dapat tayong matuto sa kasaysayan. Nanatol ng matagal ang pagpapayaman sa
talasalitaang pag-agham at panteknnolohiya ng Filipino dahil may kani-kaniyang pili
ang mga pangkat na aktibo sa gawaing ito.
Samakatuwid nawalan ng tinatawag na konsistensi at istandard at dahil doon
hindi umunlad at nagamit ng tuluyan ang mga katawang nabuo. Sakaniyang
pagpapaliwanag, upang tunay na mapabilis ang pagsasalin, hindi dapat pumili lamang
ng isang modelo. Sa halip, kailangang isipin na maaaring gamiting ang alin man sa
tatlong modelo. Sa halip, kailangang isipin na maaaring gamiting ang alin man sa
tatlong modelo at sa gayo’y dapat gamiting lahat.
Sa ganitong pasiya, higit na makabuluhang problema ay tukuyin kung kailan
gagamitin ag alinman sa tatlong modelo. Pangunahing gabay siyempre sa pagtukoy
ang praktikalidadd pangwika. Ngunit hindi ito dapat maging permanente at
pangunahing prinsipyo.
…Bukod sa praktikalidad ay ibig pairalin ng ikatatlong modelo ang lingguwistika.
Isinasaad naman ng huling nabanggit ang pagkiling sa paabakadang ortograpiya at
pagsunod sa prinsipiyong kung anong bigkas ay siyang sulat. Binibigyang diin rin nyan
na dapat pabukarin ang layunin at silbi ng paglikha (p. 96). Ito ay upang hindi tayo
maikahon sa kaisipang praktikalidad lamang ang batayan sa pagpili ng salita at
siyempre bilang pagtugon na rin sa isinasaad ng Konstitusyon 1987 sang-ayon sa
Seksiyon 6 ng Artikulo XIV na “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.
Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral ng
mga wika sa Pilipinas at sa iba pang wika.”
Inilalahad din ni Almario (1997) ang mga panukalang hakbang sa pagsasalita na
ayon sa praktika ng Unibersidad ng Pilipinas. Isinasaad ito sa gabay na inilabas ng UP
Sentro ng Wikang Filipino.
Kabilang ditto ang:
1. Pagtutumbas mula Tagalog/ Pilipino o mula sa katutubong wika ng Pilipinas
2. Panghihiram sa Espanol
3. Panghihiram sa Ingles: pagbabago sa baybay o pananatili ng orihinal na
baybay sa Ingles
4. Paglikha
Ang unang hakbang na nailahad ay konstitusyonal at makabayang tungkulin sa
pagpapayaman ng wikang pambansa (p. 97). Kung magaang isulat ang pagaabakada o
higit na magaang isulat ang salitang Espanol , makatuwiran ang pagpili sa mga ito kahit
na palasak na ang paggamit sa terminong Ingles. Ipinaliwanag din ni Almario ang
dalawang punto na maaaring gamitin sa pagsasaling teknikal at siyentipiko. Una, dapat
asahan sa panahong ito na habang tumataas ang usapan at dumadako sa mga bagay
na espesyalisado ang pag-aaral ay higit na praktikal na madaling hiramin ang salitang
ingles at impraktikal ang paghiram sa Espanol. Ikalawa, sa ngayon, at tungo sa
malawakang panghihiram sa Ingles para sa agham at iba pang makabagong disiplina ,
mainam ang tuntunin ng Sanggunian sa Filipino (SANGFIL) na baybayin muna sa
orihinal na anyo ang bagong hiram na salita sa Ingles.
Masasabing ang pangunahing layon ng pagsasaling teknikal at siyentipiko ay
komunikasyon. Ito rin ay may layong magbahagi ng impormasyon sa mas nakararaming
mamamayan na hindi lubusang nakauunawa sa simulang lengguwahe, na karaniwan ay
Ingles, ayon sa banggit ng prominenteng tagasalin na si Dr. Aurora E. Batnag et al.,
2009. Inilahad naman nina Antonio at Iniego Jr. 2006 na hindi matatawaran ang halaga
ng ganitong uri ng pagsasalin sa pagpapalaganap ng impormasyon sa iba’t ibang
sangay at institusyon ng bansa, at ikinokonsidera rin nilang isa itong mahalagang paktor
sa paglilipat , pag-iimbak at muling pagpapanumbalik ng mga karunungan saan mang
dako ng mundo.
Sa pag-aaral ng batikang linggwista at tagasalin na si A. R.A. Al-Hassnawi
(2003), binigyang-diin ang katangian ng tekstong siyentipiko na siya rin dapat tandaan
kapag nagsasalin ng katulad na teksto. Ayon sa kaniya, ang tekstong siyentipiko ay
nagpapakita ng pagiging makatuwiran; katiyakan; katotohanan sa partikular na realidad;
heneralisasyon; kahulugang reperenisyal; detonasyon; leksikal na paglalapi; madalang
ang mga idyomatikong pahayag;paggamit ng terminolohiyang siyentipiko,
espesyalisadong item at pormula; at hindi gumagamit ng matatalinghagang salita 2006.
Ang mga ito ay taliwas sa mga katangian ng isang pampanitikang akda.
Ukol naman sa mga tagasalin ng mga akdang teknikal at siyentipiko, kailangan
na ang mga ito ay may angking katatasan at kahusayan sa dalawang kasangkot na
wika ang SL (simulang lenggwahe) at TL (tunguhang lenggwahe), may sapat na
kahandaan sa pagsasalin at may malalim na kaalaman sa paksang isinasalin. Lahat ng
mga ito ay mga tampok na katangian upang masiguro ang kalidad ng salin sa mga
ganitong uri ng akda.
Nagtala ang London Institute of Linguistics (LIL) ng mga katangiang dapat
taglayin ng isang tagasalin ng mga tekstong siyentipiko at teknikal (sinipi mula kay
Batnag et al.,).
Kabilang ditto ang mga sumusunod:
1. malawak na kaalaman sa tekstong isasalin;
2. mayamang imahinasyon upang mailarawan sa isipan ang mga kasangkapan o
prosesong tinatalakay;
3. katalinuhan upang mapunan ang mga nawawala at/o maalabong bahagi sa
orihinal na teksto;
4. kakayahang makapili at makapagpasya sa pinakaangkop na terminong
katumbas mula sa literature ng mismong larangan o sa
diksiyonaryo;
5. kasanayang gamitin ang pinagsasalinang wika nang may kalinawan,
katiyakan, at bisa; at
6. karanasan sa pagsasalin sa mga kaugnay na larangan o disiplina.
Madalas sa hindi, nakakaranas ang isang tagasalin ng mga suliraning sa kung
paano isalin ang mga konspeto at salitang di-likas sa tunguhang lenggwahe. Narito ang
mga ilang pamamaraan sa pagsasaling siyentipiko at tenikal na halaw sap ag-aaral nina
Enriquez at Protacio- Marcelino (1984) na may pamagat na “Neocolonial Politics and
Language Struggles in the Philippines”:
1. saling-angkat (direct borrowing)
2. saling-paimbabaw (surface assimilation)
3. saling-panggramatika (grammatical translation);
4. saling-hiram (loan translation)
5. saling-likha (word invention)
6. saling-daglat (abbreviated word)
7. saling-tapat (parallel translation)
8. saling-taal (indigenous-concept oriented translation); at
9. saling-sanib (amalgamated translation)
Maliban sa isyu sa mga suliranin sa pagsasalin, malaking isyu rin ang halaga ng
pagsasalin, ang kalidad ng mga ginagawang pagsasalin, at gayundin ang kakulangan
ng mga tagasalin ng mga teknikal at siyentipikong akda. Sinasabi na mataas ang
pangangailangan sa mga tagasalin kung kaya nangunguhulugan lamang na kakaunti
ang may mataas na kakayahan sa ganitong uri ng trabaho. Unang dahilan ng
kakulangan nito ay ang katotohanang hindi lahat ng eksperto o maalam sa mga larang
na teknikal at siyentipiko ay marunong magsalin. Ikalawa, kung malalim naman sa
pagsasalin ang isang tao, maaaring kulang naman ang kaniyang kakayahan sa teknikal
na larangan. Kakaunti lamang ang parehong may mataas na kaalaman kapuwa sa
pagsasalin at sa disiplinang isinasalin o yaong tinatawag na technician translator o
scientist translator. Ikatlo, ang kaalaman sa isang teknikal na larang ay hindi
nangangahulugang marunong na rin sa ibang larang, dahil ditto, dapat na may kani-
kaniyang mga tagasalin ang bawat larangan. Tunay ngang espesyalisado ang
larangang ito.
Kung maisasalin lamang sa wikang mas mauunawaan ng mga mamamayan ang
mga teknikal at siyentipikong dokumento upang magamit sa pag-aaral ng iba’t ibang
kaalaman, mas mataas ang antas ng kasanayan ng mga estudyante at higit na
magiging maunlad abg disiplinang kanilang kinabibilangan. Mangyayari ito kung ang
mga propesyunal at espesyalista, kasama ang mga akademista, ay magpapatuloy sa
paggamit ng Filipino bilang wika ng kani-kanilang mga larangan.

You might also like