You are on page 1of 24

6

Republic of the Philippines


Department of Education
Region III
SCHOOLS DIVISION OF ZAMBALES

FILIPINO
Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto
Pagsagot sa Tanong Batay sa Ulat
o Tekstong Nabasa o Napakinggan
Ikatlong Markahan - Unang Linggo
(Aralin 1)
FILIPINO – Ikaanim na Baitang
Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
Pagsagot sa Tanong Batay sa Ulat o Tekstong Nabasa o Napakinggan
Ikatlong Markahan - Unang Linggo (Aralin 1)

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon
ng karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung
ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan
ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito
ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito
upang makuha ang pahintulot sa paggamit ng kagamitan. Hindi inaangkin ng mga
tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa
modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.
Walang anomang parte nito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang paraan nang
walang pahintulot sa Kagawaran.

Bumuo sa Pagsulat ng Kagamitan


sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto

Manunulat: Ethel J. Paje


Editor: Joel D. Orcino
Tagasuri: Ma. Ann C. Ligsay PhD
Divine Grace D. Esteban
Albin Lee A. Arabe
Tagaguhit at Taga-anyo: Richard A. Monta
Tagapamahala: Leonardo D. Zapanta EdD, CESO V
Michelle A. Mejica EdD
Manolito B. Basilio EdD
Ma. Lilybeth M. Bacolor EdD
Garry M. Achacoso
Rachelle C. Diviva

Inilimbag sa Republika ng Pilipinas ng Kagawaran ng Edukasyon


Rehiyon III
Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales
Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph
Pagsagot ng Tanong Batay
sa Ulat o Tekstong Nabasa
o Napakinggan

Panimula

Madalas ka bang makinig sa radyo o manood ng telebisyon para makakuha


ng mga mahahalagang balita o impormasyon? Kung oo, mahusay! Ikaw ay isang
batang huwaran sa iba.

Malimit ka rin bang magbasa ng mga aklat o kahit na anong mga babasahin
na iyong nakikita? Alam mo bang puwede kang maglakbay sa buong mundo dahil
sa pagbabasa. Maaari mo ring mapuntahan ang mga panahon na ilang siglo nang
lumipas. Ilan lamang ito sa mga makukuha, gamit ang pagbabasa at wastong
pakikinig.

Sa pagbabasa ng mga aklat o pakikinig ng mga balita, paano mo ito


inuunawa? Ganap mo bang naiintindihan ang mga ito?

Ang pagbabasa o pakikinig ay may kaakibat na malalim na pag-unawa. Sa


pamamagitan ng pag-unawa sa bawat detalye ng nababasa at napakikinggan,
madali mong nasasagot ang mga katanungan tungkol dito.

Sa araling ito, matututuhan mo kung paano higit na mauunawaan ang mga


napakikinggang/nabasang ulat o teksto sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong
tungkol dito.

Kasanayang Pampagkatuto

Nasasagot ang mga tanong tungkol sa napakinggang/binasang ulat at


tekstong pang-impormasyon. (F6PB-IIId-3.1.2/F6PB-IIIc-3.2.2)

1|Pahina
Mga Layunin

Sa pagtatapos ng Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto


na ito, ikaw ay inaasahang:

1. nakatutukoy ng mga impormasyon tungkol sa ulat o tekstong


napakinggan/binasa;
2. nakatatala ng mahahalagang datos o impormasyon tungkol sa ulat o
tekstong napakinggan/binasa; at
3. nakasasagot ng mga tanong tungkol sa napakinggang/binasang ulat at
tekstong pang-impormasyon.

Balik Aral

Noong nakaraang mga linggo ay napag-aralan mo ang paraan ng pagtatala ng


datos sa binasang teksto. Ito ang tumulong sa iyo upang lubos na maintindihan ang
kuwentong nabasa.

Subukan muli na alamin kung lubos mong naintindihan ang huling napag-
aralang aralin.

Basahing mabuti ang kuwento, itala ang mahahalagang detalye, at sagutin


ang mga tanong tungkol dito. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

Ang Bilin
ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

Ang magkakapatid na Anton, Ethan, at Adong ay namasyal sa tabing ilog.


Nagdala sila ng pagkaing niluto ng kanilang ina na kakanin at maiinom mula sa
pinitas na bunga ng kalamansi. Naglatag sila ng munting banig sa ilalim ng puno
ng kawayan. Abot tanaw ang napakalinis na ilog. Sariwang hangin, payapang
paligid, at awitin ng mga ibon ang tanging naririnig.

Una ay nagkuwentuhan ang magkakapatid tungkol sa nakaraang pagpunta


nila sa tabing dagat na kung saan ay sumakay sila sa de-motor na bangka.

2|Pahina
Nang maubos ang dalang kakanin, nagsimula nang magtampisaw sa tabing
ilog ang bunsong kapatid na si Adong kasama ang nakatatandang kapatid na si
Ethan. Masaya silang nagtakbuhan at naghiyawan sa tabing ilog.

“Kuya Ethan,
tanggalin mo na ang iyong
damit at maligo tayo,” sabi
ni Adong.

“Magpaalam muna
tayo kay Kuya Anton,”
sagot ni Ethan sa
nakababatang kapatid.

“Kuya, puwede ba
kaming maligo ni Adong
dito sa ilog?” paalam ni
Ethan sa panganay na kapatid.

“Hindi puwede, bilin ni Inay na huwag tayong maligo dito sa ilog kung wala
tayong kasamang mas nakatatanda sa atin,” patuloy na paliwanag ng kanilang
nakatatandang kapatid.

“Oo, nga pala,” sambit ni Ethan pagkatapos maalala ang bilin sa kanila ng
kanilang ina.

Kaya, nakuntento na lamang ang magkapatid sa pagtampisaw sa gilid ng ilog.

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong mula sa tekstong binasa. Isulat
ang letra ng tamang sagot sa iyong sagutang papel.

1. Sino-sino ang mga magkakapatid sa kuwento?


A. Ethan, Jonov, at ina
B. Anton, Ethan, at Adong
C. Anton, Ethan, Adong, at ina
D. panganay, nakatatandang kapatid, at bunso

2. Saan nagpunta ang mga magkakapatid?


A. sa ilog C. sa bundok
B. sa lawa D. sa ilalim ng mangga

3|Pahina
3. Ano-ano ang kanilang mga dalang pagkain?
A. tinapay at tubig
B. kakanin at tubig
C. tinapay at inumin mula sa katas ng kalamansi
D. kakanin at inumin mula sa katas ng kalamansi

4. Ano ang ginawa ng magkapatid pagkatapos kumain ng dalang kakanin?


A. naligo sa ilog
B. kumain ng mangga
C. nanghuli ng isda sa ilog
D. nagtampisaw sa tabing ilog

5. Paano naglaro ang magkapatid sa tabing ilog?


A. nagsigawan
B. nagtakbuhan at naghiyawan
C. kumakain habang nagtatakbuhan
D. masayang nagtakbuhan at naghiyawan

6. Bakit hindi naligo ang magkapatid sa ilog?


A. malamig ang tubig
B. wala silang damit pamalit
C. pinagbawalan ng kanilang panganay na kapatid
D. bilin ng ina na huwag maligo kung walang kasamang mas nakatatanda

7. Sa iyong palagay, kailan nagpunta ang magkakapatid sa tabing ilog?


A. tag-araw C. a at b
B. tag-ulan D. wala sa nabanggit

8. Kung ikaw si Ethan, susundin mo ba ang bilin ng iyong ina?


A. Hindi po, dahil gusto kong maligo sa ilog.
B. Hindi po, dahil hindi naman niya nakikita.
C. Opo, kahit masama ang loob ko sa aking ina.
D. Opo, dahil iginagalang ko ang salita ng aking ina.

9. Bilang nakatatandang kapatid, paano mo ipaliliwanag sa iyong kapatid ang bilin


ng inyong ina?
A. Sasabihin kong batas sa bahay ang bilin ng aming ina.
B. Hindi ko ipaliliwanag ang bilin ng aming ina sa aking mga kapatid.
C. Pasigaw kong ipaliliwanag sa aking mga kapatid ang bilin ng aming ina.
D. Mahinahon kong ipaliliwanag na may kaakibat na pagtitiwala sa aming
magkakapatid ang bilin ng aming ina.

4|Pahina
10. Ano ang nais ipabatid ng kuwento na iyong nabasa?
A. Ang pagkalimot sa bilin ng ina ay nakatutuwa.
B. Ang pagsunod sa sariling kagustuhan ay tama.
C. Ang pagiging makulit na bata ay kinagigiliwan ng lahat.
D. Ang pagpapahalaga ng mga anak sa bilin ng ina ay kahangahanga.

Mahusay! Matagumpay mong naipasa ang gawain tungkol sa nagdaang


aralin.

Pagtalakay sa Paksa

Basahin at unawaing mabuti ang kuwento. Itala ang mahahalagang detalye


upang masagot ang mga sumusunod na katanungan.

Pagsunod sa Batas Pangkapaligiran


ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

“Halikayo, magtanim na tayo,” yaya ni Aling Thea sa kanyang mga anak,


Sabado ng umaga.

“Inay, anong itatanim natin?” tanong ng bunsong anak.

“Magtatamin tayo ng mga gulay. Pechay sa gilid ng bahay, sitaw sa likod at


talong sa harapan,” wika ng ina.

“Nagbungkal na ang itay ninyo. Inihanda na niya kahapon ang lupang


tatamnan ng gulay. Magtatanim na lang tayo, pandagdag sa ulam,” dagdag ng ina.

“Inay, kapag maraming bunga ay magtitinda tayo ha, katulad ng dati,”


mungkahi ng pangalawang anak.

“Siyempre naman anak, pambili ng meryenda,” ngiti ng ina.

“Yehey! Tara mag-ehersisyo na tayo. Magtanim ng gulay!” sigaw ng


pangalawang anak.

5|Pahina
“Inay, malapit na
rin ang pagsusuri sa
mga gulayan sa
barangay, di ba?” tanong
ng panganay na anak.

“Ah, oo naman,
kaya pinaghahandaan
na rin natin. Kailangan
nating maiuwi ngayon
ang Best Household
Implementer ng Solid
Waste Ecological
Management Program ng
ating barangay,” dugtong ng ina.

“Inay, kasama ba sa titingnan ang tamang paghihiwalay ng mga basura at


nakataling mga aso?” tanong ng pangalawang anak.

“Oo, kaya nakatali ang mga aso natin. May mga sako tayo na ginagamit sa
paghihiwalay ng mga nabubulok, di- nabubulok, at puwede pang pakinabangang
mga basura. Nagpagawa na rin ako sa itay ninyo ng Compost Pit at Material Recovery
Facility (MRF) doon (sabay turo sa nagawang MRF),” patuloy ng ina.

“Sa MRF nilalagay ang mga nahiwalay na mga basura katulad ng nareresiklo
na bote, papel, lata, plastik, at mga gamit na nakalalason o special waste. Makikita
rin dito ang mga patapong bagay na ginawang kapaki-pakinabang,” dagdag pa ng
ina.

“At siyempre para manalo tayo, kailangang malinis at maganda ang ating
paligid o bakuran, di ba Inay?” sabi ng pangalawang anak.

“Oo naman, kaya huwag mong kalimutang magwalis ng bakuran at magdilig


ng mga halaman ha, anak,” paalala ng ina sa pangalawang anak.

“Siyempre naman po Inay,” sabay kindat sa ina.

“Bakit kailangan ang lahat ng yan, Inay?” tanong ng bunsong anak.

“Kailangan nating sumunod sa batas mga anak. Matagal na iyan pero ngayon
lang natin lubos nauunawaan ang batas na iyan. Napakalaking tulong ito upang

6|Pahina
mapangalagaan ang kapaligiran sa pagkasira nito. Tingnan mo naman ang
barangay natin, dinarayo ng mga turista mula sa ibang lugar,” paliwanag ng ina.

“Nasabi rin inay ng aming guro sa paaralan na nanalo na ang ating barangay
ng unang puwesto bilang Best Implementer ng buong bayan. At nanalo rin sa buong
probinsiya ng Zambales. Lumahok na rin sa Rehiyon-III at noong isang taon ay
nakasama sa paligsahan sa buong Pilipinas sa Nasyonal na Kategorya,” pahayag ng
panganay na anak.

“Tama ka diyan, kaya nga kung napapansin ninyo ay bawal magkalat sa


kalsada, bawal magsunog at siyempre bawal ang tamad. Kasi kailangang palaging
malinis ang buong barangay para makasunod sa nasabing batas,” muling paliwanag
ng ina.

“Kaya halina, magtanim na tayo,” sabi ng ina sa tatlong magkakapatid.

Panuto: Isulat ang letra ng tamang sagot sa iyong sagutang papel.

1. Sino-sino ang mga tauhan sa kuwento?


A. inay, itay, at panganay na anak
B. ina, panganay na anak, at bunsong anak
C. ina, panganay na anak, pangalawang anak, at bunsong anak
D. inay, itay, panganay na anak, pangalawang anak, at bunsong anak

2. Ano-ano ang kanilang gulay na itatanim at saan?


A. sitaw sa likod bahay at talong sa harapan
B. pechay sa gilid, sitaw sa likod, at talong sa harapan ng bahay
C. sitaw sa harapan, pechay sa likod, at talong sa gilid ng bahay
D. pechay sa gilid, talong sa likod, at sitaw sa harapan ng bahay

3. Patungkol saan ang kanilang pinag-uusapang patimpalak?


A. Best Household ng barangay
B. Best Household Implementer ng Gulayan sa Barangay
C. Best Solid Waste Ecological Management ng Barangay
D. Best Household Implementer ng Solid Waste Ecological Management
Program ng Barangay

7|Pahina
4. Ano-ano ang mga kailangang ihanda para sa ebalwasyon ng barangay tungkol sa
Solid Waste Ecological Management?
A. Gulayan at Material Recovery Facility
B. Gulayan, kalinisan at pagandahan
C. Material Recovery Facility, Compost Pit at Gulayan
D. Gulayan, Material Recovery Facility, Compost Pit, sako para sa
paghihiwalay ng mga basura, kalinisan at kagandahan, at nakataling aso

5. Maliban sa pagsali sa patimpalak, bakit nagtatanim ng gulay ang buong pamilya?


A. pambili ng meryenda
B. pampaganda ng kanilang bakuran
C. pandagdag ulam at kita ng pamilya
D. pandagdag ulam, kita ng pamilya, at isang uri ng ehersisyo

6. Kung ikaw ay isa sa mga miyembro ng pamilya, susunod ka ba sa iyong ina?


A. Hindi po, magdadahilan ako na pagod ako.
B. Hindi po, dahil wala akong pakialam sa pagtatanim.
C. Opo, dahil ito ay isang batas at nakiusap ang aking ina.
D. Opo, para ang batas ay masunod kahit paminsan-minsan lang.

7. Bakit kailangang sumunod sa batas para sa kapaligiran, katulad nito?


A. dahil walang magawa
B. para masabing masipag
C. para mapangalagaan ang kapaligiran
D. para hangaan ng ibang tao na makakikita

8. Ano ang mensaheng nais ipabatid ng may akda?


A. pagsunod sa batas pangkapaligiran
B. pagtatanim ng mga puno sa bakuran
C. pag-eehersisyo at pagbubungkal ng lupa
D. pag-aalaga ng mga gulay sa paligid ng bahay

9. Akma ba ang pamagat ng kuwento sa binasang teksto?


A. Opo, dahil maganda ang katapusan ng kuwento.
B. Opo, dahil napasusunod ng ina ang magkakapatid.
C. Opo, dahil ginagawa lamang ang pagtatanim para manalo sa paligsahan.
D. Opo, dahil sinunod ng mag-iina ang batas na pinapatupad sa kanilang
barangay.

8|Pahina
10. Bilang isang mag-aaral, paano mo maipakikita ang iyong pangangalaga sa
kapaligiran?
A. pagtatapon ng basura sa kalsada
B. pagbubunot ng damo sa bakuran
C. pagtatago ng balot o plastik ng kendi sa bulsa ng damit
D. pagsusunog ng mga tuyong dahon sa tabi ng kalsada araw-araw

Mahalagang tandaan na ang mga impormasyon ay karaniwan nang


nakukuha sa mga ulat mula sa radyo o telebisyon, o nababasa sa mga teksto mula
sa mga aklat, pahayagan, magasin, patalastas, larawan, o narinig sa ibang tao. Ang
mga impormasyong mapupulot ay kailangang makasasagot sa mga katanungang
nagsisimula sa ano, sino, kailan, saan, ilan, paano at iba pang kailangang masagot.
Maaaring makakuha ng impormasyon sa pamamagitan ng pagbabasa, pakikinig at
pagtatanong.

Sa pakikinig o pagbabasa ng isang ulat o teksto nararapat na pagtuonan ng


pansin ang mga importanteng detalye tungkol dito katulad ng mga tauhan o
gumanap sa kuwento, lugar na pinangyarihan, banghay o wastong pagkakasunod-
sunod ng mga pangyayari, mensaheng nais ipabatid, at paksang diwa nito.

Gawain

Pinatnubayang Pagsasanay 1

Panuto: Basahin ang akda upang mabuo ang impormasyon tungkol sa teksto.
Tukuyin ang mga impormasyong nakasaad sa kuwento sa ibaba nito.

Pagiging Handa
ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

Nakikinig ng awitin sa radyo si Poldo nang dumating ang kanyang ama na


galing sa bukid.

“Poldo, anak maaari mo bang ilipat sa ibang istayon ang radyo, may
nabalitaan ako sa labas na may darating daw na bagyo,” pakiusap ng ama na si
Mang Situr sa anak.

9|Pahina
“Opo, Itay,” sagot ni Poldo at dali-daling inilipat nito ang istasyon ng
pinapakinggang awitin sa pagbabalita. “Itay, tamang-tama po, ulat na ng panahon,”
sabi ng anak sa ama.

“Sa ating mga


tagapakinig, huwag po
tayong magpakampante
dahil ang binabantayang
sama ng panahon na nasa
silangang bahagi ng Luzon
ay papasok na sa
Philippine Area of
Responsibility o PAR sa
susunod na linggo. Ito ay
may lakas na 70 kilometro
bawat oras at bugsong
aabot sa 83 kilometro
bawat oras malapit sa
gitna. Ito ay inaasahang hihina pagtama sa kalupaan. Sa kasalukuyan ito ay
nagbabadyang papasok sa Gitnang Luzon sa bilis na 15 kilometro bawat oras. Kaya
pinaghahanda po ang lahat, lalo na sa maaaring direktang tatamaan ng bagyo.”

“Sa mga sariwang balita tungkol dito, huwag kalimutang makinig sa ating
pinagkakatiwalaang istasyon… ang istasyon ng bayan... ang...” (Klik).

“Poldo, bakit nawala?” tanong ng ama.

“Itay, wala na namang ilaw,” sagot ng anak.

“Hay naku, walang pang bagyo, wala ng ilaw,” buntong-hininga ng ama.


“Halika na Poldo, ayusin na natin ang bubungan. Paghandaan natin ang bagyo
habang malayo pa ito,” yaya ng ama sa anak.

Panuto: Tukuyin kung ang pangungusap ay impormasyon o pangyayari mula sa


kuwento. Isulat sa sagutang papel ang tsek (√) kung nagsasaad ng impormasyon o
pangyayari at ekis (x) kung hindi.

_____1. Ang mag-amang Poldo at Mang Situr ay nakatira sa bukid.


_____2. Hinihingal na umuwi ng bahay si Mang Situr mula sa ilog.
_____3. Tiniyak ni Mang Situr na tama ang narinig na balita sa labas mula sa radyo.
_____4. Ang bagyo ay may lakas na 70 kilometro bawat oras at bugsong aabot sa 83
kilometro bawat oras.

10 | P a h i n a
_____5. Biglang tumigil ang pakikinig ng balita sa radyo ang mag-ama dahil nakinig
sila ng mga awiting pamasko.
_____6. Pinapasok ni Mang Situr ang anak sa loob ng bahay upang magkantahan.
_____7. Ang bagyo ay higit pang lalakas pagtama sa kalupaan ng Gitnang Luzon.
_____8. Inayos ng mag-ama ang kanilang bubungan bago dumating ang bagyo.
_____9. Magaling na mang-aawit si Poldo.
_____10. Nawala ang ilaw dahil sa malakas na bagyo.

Pinatnubayang Pagsasanay 2

Paalala: Gabayan ang bata sa pagbabasa ng teksto.

Panuto: Pakinggang mabuti ang babasahing akda at unawain ang nilalaman ng


teksto. Sagutin ang mga katanungan pagkatapos nito.

Paglalakbay sa Pinatag ng Kalikasan


ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

Ilang kilometro ang layo mula sa sentro ng bayan ay may isang maliit na
bundok na pinapaniwalaang natutulog na bulkan.

Ito ay nagtataglay ng isang napakagandang hugis, hugis- bulkan na kung


saan ang tuktok nito ay parang pinatag ng kalikasan.

Sa pag-akyat sa bundok na
ito ay matutunghayan ang mga
taniman ng gulay at punong-
kahoy na hitik sa bunga. Ang
batis na nag-aanyayang maligo at
ang malamig na hangin na
humahaplos sa pisngi. Makikita
rito ang iba’t ibang uri ng halaman
na kumakapit sa naglalakihang
mga puno. Mga bato at yungib na
pinanday ng panahon na naging
matatag na taguan noong
Ikalawang Digmaang Pandaigdig
ng ating mga ninuno.

Sa napakasariwang
hanging sasalubong sa iyo sa
tuktok ng bundok ay agad

11 | P a h i n a
mapapawi ang iyong pagod sa pag-akyat. Mapupuno ng galak ang iyong puso dahil
sa matagumpay na pag-akyat sa bundok na ito.

Ano nga ba ang makikita sa itaas ng bundok na ito? Isang katanungan na


aking nabigyan ng kasagutan nang minsan ako’y umakyat kasama ang ilan.

Sa silangang bahagi ay masisilayan ang buong barangay ng Sinamar, lumang


pangalan ng Barangay Aglao na ngayon ay lubog sa tubig. Ang mahabang
kabundukan ay pumapalibot sa bantog na Lawa ng Mapanuepe, ang nag-iisang lawa
na matatagpuan sa silangang kabundukan ng bayan. Sa lawa na ito matatagpuan
ang ipinagmamalaking Floating Restaurant ng Barangay Aglao at ang Sta. Barbara
Sunken Church ng katabing barangay, ang Barangay Buhawen.

Sa pagtingin sa gitnang bahagi ay makikita ang napakalawak na lupain na


natabunan ng lahar. Sa ngayon, ito ay naging pastulan ng mga hayop katulad ng
mga baka, kalabaw, kabayo, at kambing. Ang lupaing ito ay nagiging ilog kapag
rumaragasa ang napakalakas na tubig ulan mula sa paanan ng mga bundok malapit
sa Bulkang Pinatubo.

At higit sa lahat, makikita sa kanlurang bahagi ang paglubog ng araw na


nakabibighani.

12 | P a h i n a
Panuto: Gamit ang Graphic Organizer, sagutin ang mga tanong sa bawat kahon.
Isulat sa iyong sagutang papel.

Paglalakbay sa Pinatag ng
Kalikasan

Tanong Sagot

1. Sino ang nagsasalaysay sa


teksto na iyong napakinggan?

2. Ano ang naging paglalarawan ng


may-akda sa tuktok ng bundok?

3. Bakit pinapaniwalaang ito ay


isang natutulog na bulkan?

4. Kailan ginawang taguan ng mga


ninuno ang mga bato at yungib ng
bundok?

5. Saan kumakapit ang mga


halaman na nakikita pag-akyat sa
bundok?

6. Ano-ano ang mga makikita kapag


humarap sa silangang bahagi ng
bundok? Magbigay ng 2
halimbawa.

7. Bakit napapawi ang pagod kapag


nararating ang tuktok ng
bundok?

8. Ano ang nararamdaman kapag


nakarating ang tuktok ng
bundok?

9. Ayon sa akdang binasa, saan


makikita ang bundok na ito?

10. Masasabi mo ba na ang bundok


ay isang natutulog na bulkan?
Bakit?
13 | P a h i n a
Pang-isahang Pagsasanay

Panuto: Basahing mabuti ang pag-uulat at pagkatapos ay sagutin ang mga


katanungang nasa ibaba.

Ang Munting Taga-ulat


ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

Ang mga bata sa ikaanim na baitang ay may pag-uulat na gawain tungkol sa


mga proyektong nagawa ng kanilang pamayanan. Sila ay nahati sa tatlong grupo na
may iba’t ibang proyektong kailangang iulat sa buong klase.

Pakinggan natin ang pag-


uulat ng unang grupo sa
pamumuno ni Shella.

“Magandang umaga sa
ating lahat. Ang unang grupo ay
naatasang mangalap ng
impormasyon tungkol sa taunang
Pista ng Barangay. Noong
nakaraang taon, ang pagdiriwang
ay idinaos ng simple,” pasimula
ni Shella.

“Sa bisperas ng Araw ng Kapistahan, ika-7 ng Disyembre, ang barangay ay


nagdaos ng Pagpuputong ng Korona sa mga nanalo bilang Bb. Barangay 2019. Ito
ay nagsimula sa ganap ng ika-7:00 ng gabi. Dito isinabay ang Gabi ng Parangal sa
mga batang mag-aaral at mga guro na nagkamit ng karangalan sa distrito at
probinsiya,” pag-uulat ni Shella.

“Sa Araw ng Kapistahan ng Barangay, ika-8 ng Disyembre ay nagkaroon ng


Banal na Misa na ginanap sa ika-8 ng umaga at sinundan ng binyagan sa ika-11:00
ng umaga,” pagpapatuloy ng pinuno ng grupo.

“Pagdating ng ika-1:00 ng hapon ay ang mga palaro na idinaos sa plasa ng


barangay. Ito ay para sa lahat ng mga bata, kabataan, at matatanda. Sa pagsapit ng
ika-5:00 ng hapon ay ginawa ang taunang prusisyon ng Inang Birhen na nagsimula
sa simbahan. Dito nagtapos ang pagdiriwang ng kapistahan ng ating barangay,”
pagtatapos ni Shella.

14 | P a h i n a
“Maraming salamat po, ito ang pag-uulat ng unang grupo,” huling sambit ng
pinuno.

“Maraming salamat Shella sa iyong pagbabalita tungkol sa kapistahan ng


barangay. Bigyan natin ng sampung palakpak ang unang grupo,” pahayag ng guro.

Pag-unawa sa binasa: Sagutin ng buong pangungusap ang mga tanong. Isulat sa


iyong sagutang papel.

1. Sino ang pinuno ng unang grupo? ______________________________________________


2. Ano ang naiatas na iuulat ng unang grupo? _____________________________________
3. Kailan ang kapistahan ng barangay? ___________________________________________
4. Sino-sino ang mga pinarangalan sa Gabi ng Parangal? __________________________
5. Ano-ano ang mga mahahalagang impormasyon sa pag-uulat ni Shella? Magbigay
ng tatlong (3) halimbawa.
_________________________________________________________________________________
6. Maayos ba ang pagkasunod-sunod ng pag-uulat ni Shella? Bakit?
_________________________________________________________________________________
7. Sa iyong palagay, bakit binigyan ng guro ng sampung palakpak ang unang grupo?
_________________________________________________________________________________
8. Anong mga katangian ang taglay ni Shella sa pag-uulat niya sa harapan ng klase?
_________________________________________________________________________________
9. Kung ikaw si Shella, tatanggapin mo rin ba ang tungkuling mag-ulat sa harap ng
klase? Bakit? _________________________________________________________________
10. Bilang mga tagapakinig sa pag-uulat, ano ang gagawin mo upang maintindihan
ang mga mahahalagang impormasyon tungkol dito? ___________________________

Pagsusulit

Panuto: Basahin at unawain ang tekstong pang-impormasyon. Sagutin ang mga


katanungan sa ibaba.

Kalesa
ni Ethel J. Paje, Aglao Elementary School

Ang kalesa ay isang uri ng sasakyan na hinihila ng isa o higit pang kabayo.
Ito ay ipinakilala sa ating bansa ng mga Kastila, sa mga panahon na tayo’y kanilang
sinakop. Noong panahong iyon, mayayamang Espanyol o opisyal ng pamahalaan
ang tanging nakasasakay sa mga naggagandahang kalesa.

15 | P a h i n a
Sa ngayon, nakakikita pa rin tayo ng mga kalesa sa iba’t ibang lugar at sa
ibat’ ibang pagdiriwang bilang espesyal na sasakyan.

Sa Maynila,
partikular na sa loob ng
Intramuros ay nagsisilbing
sasakyan ito ng mga turista
upang libutin ang
magagandang pasyalan dito.
Ito ang nagsisilbing
panghikayat sa mga
dayuhan upang puntahan
ang magagandang pook
pasyalan sa Maynila. Sa
Vigan, Ilocos Sur ay makakikita pa rin tayo ng mga kalesa na lumilibot sa lugar
sakay ang mga dayuhang namamasyal dito.

Sa kasalukuyan, ang kalesa ay makikita rin sa iba`t ibang mga okasyon


katulad sa kasalan na kung saan ay dito sumasakay ang mga ikinasal. Sa mga araw
ng pista ng bayan, may mga ilang opisyal ng pamahalaan na sumasakay sa kalesa
sa pagsama sa parada.

Tunay ngang nagbabago ang panahon pero ang pagsakay sa kalesa ay hindi
pa rin nakakalimutan bilang sasakyang kapakipakinabang at kinagigiliwan.

Panuto: Piliin ang letra ng tamang sagot. Isulat sa sagutang papel.

1. Ito ang sasakyang hinihila ng kabayo noong panahon ng mga Kastila.


A. kalesa C. padyak
B. kariton D. traysikel

2. Sino ang nagpakilala ng kalesa sa ating bansa?


A. Amerikano C. Kastila
B. Hapon D. Pilipino

3. Kailan ipinakilala ang kalesa sa ating bansa?


A. panahon ng digmaan
B. panahon ng rebolusyon
C. panahon ng pananakop
D. panahon ng pagdiriwang

16 | P a h i n a
4. Sino-sino ang mga sumasakay sa kalesa noong panahon ng mga Espanyol?
A. mga mayayaman
B. mga bagong kasal
C. mayayaman at opisyal ng pamahalaan na mga Espanyol
D. mga opisyal ng pamahalaan na sumasama sa mga parada

5. Bakit ginagamit ang kalesa sa loob ng Intramuros?


A. dahil pangmayaman lang ito
B. dahil nakakapagod maglakad
C. dahil bawal ang mga dyip sa loob ng Intramuros
D. panghikayat ng mga turista upang libutin ang lugar

6. Ayon sa akda, sa panahon ngayon, saan nakikitang ginagamit ang kalesa?


A. sa bukid C. sa pamilihan
B. sa lansangan D. sa loob ng Intramuros at Vigan, Ilocos Sur

7. Sa ano-anong okasyon ginagamit ang kalesa sa panahong ito?


A. sa binyagan C. sa bagong taon
B. sa kaarawan D. sa kasalan at parada ng pista

8. Ayon sa akda, bakit kapakipakinabang at kinagigiliwan ang pagsakay sa kalesa


sa panahong ito?
A. dahil kakaiba ito
B. dahil mga mayayaman ang gumagamit nito
C. dahil ginagamit ito sa mga espesyal na okasyon o pamamasyal
D. dahil sinasakyan ito ng mga turista na nais maglibot sa probinsiya

9. Sa iyong palagay, bakit hindi na palaging ginagamit ang kalesa bilang sasakyang
pangtransportasyon?
A. mahal ang pamasahe dito
B. kaunti na lang ang may kalesa
C. wala nang gumagawa ng kalesa
D. marami nang sasakyang may makina

10. Bilang isang mag-aaral na Pilipino, maipagmamalaki mo ba ang pagsakay sa


kalesa? Bakit?
A. Hindi po, dahil galing sa ibang bansa ito.
B. Hindi po, dahil nakakatakot sumakay dito.
C. Opo, dahil kinagigiliwan ito ng mga Pilipino.
D. Opo, dahil ginagamit ito sa mga espesyal na okasyon o pamamasyal na
nagbibigay ng kakaibang karanasan.

17 | P a h i n a
Pangwakas

Panuto: Punan ang patlang batay sa iyong natutuhan sa aralin. Isulat ito sa
sagutang papel.

Tandaan na ang mga impormasyon ay karaniwang nakukuha sa mga ulat


mula sa _____ o telebisyon, o nababasa sa mga teksto mula sa mga _____, ______,
______, patalastas, larawan, o narinig sa ibang tao. Ang mga impormasyong
mapupulot ay kailangang makasasagot sa mga katanungan nagsisimula sa _____,
_____, _____, saan, ilan, ____ at iba pang kailangang masagot. Maaaring makakuha
ng impormasyon sa pamamagitan ng _____, _____ at pagtatanong.

18 | P a h i n a
Sanggunian

Cordero, Aurora S. 1996. Likha 6 Filipino…Wikang Pangkomunikatibo.


Valenzuela, Metro Manila. JO-ES Publishing & printing House, Inc.

K to 12 Most Essential Learning Competencies with Corresponding CG


codes/Suggested LR. 2020. E-book. Pasig City: Department of
Education Curriculum and Standard

Marasigan, Emily V., Tesalona, Louie C. 2017. Pinagyamang Pluma 6 Wika at


Pagbasa para sa Elementarya. Quezon City. Phoenix Publishing House.

19 | P a h i n a
20 | P a h i n a
Pang-isahang Pagsasanay Balik Aral
1. Shella
2. Pagdiriwang ng Kapistahan ng Barangay ng 1. b
2019 2. a
3. ika-8 ng Disyembre 3. d
4. mga bata at mga guro 4. d
5. a. Sa bisperas ng kapistahan ay ang 5. d
Pagpuputong ng Korona sa mga nanalo bilang 6. d
Bb. Barangay 2019 sa ganap na ika-7:00 ng 7. a
gabi at; 8. d
b. Gabi ng Parangal sa nga batang mag- 9. d
aaral at mga guro na nagkamit ng karangalan 10. d
sa distrito at probinsiya
c. Banal na Misa sa ika-8:00 ng umaga sa Pagtalakay sa Paksa
Araw ng Kapistahan 1. c
d. Binyagan sa ika-11:00 ng umaga sa 2. b
simbahan 3. d
e. Palaro sa ika- 1:00 ng hapon sa plasa 4. d
f. Prusisyon sa ganap na ika-5:00 ng 5. d
hapon 6. c
6. Oo, (ang paliwanag ay magkakaibang sagot) 7. c
7. Magkakaibang sagot 8. a
8. Magkakaibang sagot 9. d
9. Oo, (ang paliwanag ay magkakaibang sagot) 10. c
10. Magkakaibang sagot
Gawain
Pagsusulit Pinatnubayang Pagsasanay 1
1. a 1. /
2. c 2. x
3. c 3. /
4. c 4. /
5. d 5. x
6. d 6. x
7. d 7. x
8. c 8. /
9. d 9. x
10.d 10. x
Pinatnubayang Pagsasanay 2
Pangwakas 1. ang may akda
Ang mga impormasyon ay 2. pinatag ng kalikasan
karaniwang nakukuha sa mga ulat mula 3. dahil hugis bulkan ito
radyo o telebisyon, o nababasa sa mga teksto 4. Ikalawang Digmaang Pandaigdig
mula sa mga aklat, pahayagan, magasin, 5. malalaking puno
6. Lawa ng Mapanuepe, Floating Restaurant,
pamphlet, patalastas, larawan, o narinig sa
Sta. Barbara Sunken Church
ibang tao. Ang impormasyong mapupulot ay 7. dahil sa napakasariwang hangin
kailangang makasasagot sa mga katanungan 8. galak ng puso
nagsisimula sa sino, ano, kailan, saan, ilan, 9. Barangay Aglao
paano at iba pang kailangang sagot. Maaaring 10. Hindi, dahil paniniwala lang ito ng mga
makakuha ng impormasyon sa pamamagitan taga-roon.
ng pagbabasa,pakikinig at pagtatanong.
Susi sa Pagwawasto
Pasasalamat
Ipinaaabot ng Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales ang
taos-pusong pasasalamat sa mga sumusunod, na nakapag-ambag ng tagumpay
para sa paghahanda, pag-unlad, pagtiyak ng kalidad, paglimbag at pamamahagi ng
Ikatlong Markahang Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto sa
lahat ng asignatura sa iba’t ibang antas bilang tugon sa pagbibigay sa mag-aaral ng
naaangkop na kagamitang pampagkatuto hango sa Pinakamahalagang Kasanayang
Pampagkatuto (MELCs) - ayon sa mga pagsasanay na nakabatay sa mga
pamantayan ng pinatnubayang kasanayan at tuwirang pagtuturo:
Una, ang Learning Resource Development Team na binubuo ng mga
manunulat at tagaguhit, sa kanilang iginugol na panahon at kakayahan upang
makabuo ng iba’t ibang kinakailangang kagamitang pampagkatuto.
Ikalawa, ang mga tagapatnugot sa nilalaman, tagasuring pangwika, at mga
tagasuring pandisenyo na maingat na nagwasto at bumuo sa lahat ng Kagamitan sa
Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto upang matiyak ang kawastuhan at
katugunan sa mga pamantayan ng Kagawaran ng Edukasyon;
Ikatlo, ang mga gurong tagapatnubay at mga guro sa bawat asignatura sa
kanilang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga punongguro, sa kanilang
lingguhang pamamahagi at pagbabalik ng mga Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto at sa kanilang madalas na pagsubaybay sa pag-unlad
ng mag-aaral sa lahat ng paraan; at
Panghuli, ang mga magulang at iba pang pantahanang tagapagdaloy sa
kanilang pagbibigay sa mag-aaral ng kinakailangang patnubay at gabay upang
maisagawa ang mga gawain at upang patuloy na matulungan ang bawat mag-aaral
na maging responsableng indibidwal sa hinaharap.
Sa inyong patuloy na paghahatid ng kaalaman sa mapanghamong panahon
ay lubos na makamit ang sama-samang pagpupunyagi at matibay na malasakit na
pagsilbihan ang ating mag-aaral na Zambaleño.
Muli, ang aming walang hanggang pasasalamat!

Tagapamahala
Para sa katanungan o karagdagang puna,
maaaring sumulat o tumawag sa:

Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales


Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph

You might also like