You are on page 1of 3

Pagsulat ng Lathalain (Sekondarya)

Paksa: Sa kasalukuyang panahon, maraming mga lider at pulitiko ang nasasakdal sa iba’t ibang kaso
hinggil sa di umano’y kanilang pagnanakaw ng pera sa kaban ng bayan. Sa katunayan, ang mga taong ito
ay mismong mga tao na siyang pinili at inihalal ng taong-bayan. Tuluyan na kayang natutunan ng mga
tao ang leksyon ng kasaysayan? Gaano na ba kamabusisi ang mga Pilipino sa pagpili ng mga lider ng
bayan? Ano ang magagawa ng pampaaralang pamamahayag para masolusyunan ang problemang ito ?

Responsableng Pluma

Sa Panulat ni Marvin N. Pamisa, Region X- Mis. Or. Division, MOGCHS

Sulat.

Bura.

Sulat.

Bura.

Sa patuloy na pag-inog ng mundo, patuloy rin ang pangungukilkil ng kaisipang “ang pluma ay higit na
makapangyarihan kaysa anumang sandata.” Isang kasabihang totoo at hindi na bago para sa akin bilang
isang mamamahayag.

Sa pang araw-araw na pagsusulat at paghahanap ng solusyon sa pang araw-araw na mga suliranin, may
mga bagay na mismong ako ay aking nakaliligtaan. Mga isyung hindi lang ikaw at ako ang may
kinalaman, kundi pati ang bansang tinubuan. Ito ang di mapiglas-piglas na isyu ng tanikala ng kahirapan.

Isa lamang akong simpleng manunulat ng aming paaralan sa Cagayan de oro at inaamin kong wala sa
akin ang lahat ng solusyon sa lahat ng problema. Subalit nagbago ang lahat ng ito nang aking
kapanayamin ang aming guro sa Araling Panlipunan na si Gng. Naildred Suan.

Sa edad niyang 55, agad na mababanaag ang kanyang pagiging seryoso sa buhay. Bantad na bantad ang
kanyang pagiging desente at respetadong guro at indibidwal na kahit sa simpleng pakikipag-usap sa
kanya ay sandamakmak na impormasyon at kaalaman ang matutuhuhan—bagay na siyang naghatak sa
akin para siya’y kapanayamin.

“Ma’am, gaano na po kataas ang antas at lebel ng kahirapan sa Pilipinas?“ Ito ang linyang bumulalas
mula sa aking nangungusap na bibig. Sa puso’t damdamin ko’y nagsalimbayan ang samu’t saring
emosyon at palaisipan—mga katanungang nag-aapuhap ng mga kasagutan.

Wala akong narinig na sagot mula sa kanya sa loob ng ilang segundo. Katahimikan ang tanging bumalot
sa silid na aming kinaroroonan. Nakabibinging katahimikan na tumutulig sa munting mga tainga na
siyang lagusan tungo sa pahat na isipang puno ng katanungan.
“Hindi ko alam kung gaano. Tanging alam ko ay kung ano.“ Tanging linyang bumasag sa nakabibinging
katahimikan. Linyang lalong nagpagulumi sa aking isipan. Wala akong nadarama kundi ang bugso ng
pagkalito na dulot ng kanyang sinabi.

“Tanging alam ko ay kung ano—kung ano ang dahilan ng kahirapang ating dinaranas. Ang dahilan ay ang
korupsyon na kagagawan ng mga opisyales ng pamahalaan na nagnakaw, nagtaksil at nanlinlang.
Kanilang ninakaw ang perang galing sa kaban ng bayan na nakalaan para sa mga proyekto at hakbanging
pangkaunlaran. Sila’y nagtaksil sa ating mga mata at nanlinlang gamit ang kanilang mga maiitim na
kasinungalingang hindi naikubli ng huwad na katotohanan. Sa katunayan, ang mga taong ito ay ang mga
binoto at iniluklok ng sambayanan sa posisyong kanilang kinalalagyan. Walang awa nilang nilustay ang
tiwala ng masa—sila ang mga taong may pusong walang pag-ibig para sa bayang tinubuan.“ Patuloy ni
Gng. Suan na medyo lumamlam pa ang kanyang bilugang mga mata. Kapansin-pansin ang kanyang
pagsasalita na puno ng konbiksyon na hindi naitago ng kanyang suot na salamin.

Binigay niyang halimbawa ang isa sa mga episodes ng programa ng ABS-CBN na “Failon Ngayon.“ Doon
ay ipinakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng karamihan sa mga pamilyang Pilipino na ang isang kahig
ay isang tuka. Makabagbag damdamin ang kanilang kalagayan habang patagong ninanakaw ng mga
nakaupo sa katungkulan ang perang nakalaan.

“Maraming aral ang patuloy na sinasabog ng isyung ito sa moral at kamalayan ng taong-bayan. Mga aral
ito na hindi dapat mailista lamang sa hanging tiyak na hahawiin ng rumaragasang usok ng kapalaluan.
Kaya’t kailangang mahanapan ng agarang solusyon ang problemang ito. Dahil kung hindi, patuloy at lalo
itong titindi at darating ang araw kung saan tuluyan nang nakalugmok ang bansang Pilipinas sa kumunoy
ng di matibag-tibag na balangkas ng kahirapan. Ikaw, bilang isang kabataang Juan dela Cruz; ano ang
maiaambag mo para sa malutas ang isyung ito?” Ito ang huling linyang mula sa bibig ni Gng. Suan na
umurirat sa lahat ng aspeto ng aking pagkatao. Mundo ko’y tila huminto sa pag-inog nang kanyang
sinambit ang huling pangungusap na nagbadya ng isang napakalaking palaisipan sa akin.

Nangatod ang aking mga kasu-kasuan. Nangirot ang aking litidlitiran. Puso ko’y tumibok—ng malakas na
malakas. Isipan ko’y naglakbay—ng malayong malayo.

Pluma.

Ito ang tanging bagay na sumagi sa aking mumunting isipan. Simpleng salitang binubuo ng limang letra
lamang subalit milyun-milyong bagay ang karugtong. Simpleng bagay na ngayo’y magiging tagapagligtas
ng buhay at tagapagsibol ng pag-asa. Ito ang aking magiging ambag sa lipunang nilagom ng dilim ng
kasamaan. Ito ang magtatayo sa bandera ng mga Juan dela Cruz na patuloy na ipinaglalaban ang
karapatan sa isang mabuting kalidad ng pamumuhay na tungkuling ibigay ng pamahalaan.

Gamit ang plumang aking hawak-hawak na higit na binigyang kapangyarihan at karapatan ng Batas
Republika 7079 o ang “Campus Journalism Act of 1991,” makapagsusulat ako ng mga bagay na
makapagbabago ng buhay at kapupulutan ng mga butil ng pag-asang tiyak na mamumukad sa puso’t
damdamin ng sinuman. Tangan ko ang plumang siyang magiging sandigan ng mundo. Responsableng
plumang akay-akay ang makapilipinong pagpapahalaga. Responsableng plumang sa unti-unti’y magiging
susi sa mundong walang patutunguhan.

Sulat.

Bura.

Sulat.

Bura.

Maraming araw ang lilipas. Maraming dahon ang malalagas. Maraming papel ang maalpas at maraming
tinta ang maipapamalas. Magpapatuloy ang aking pagsusulat at pagbubura. Subalit sa bawat sulat na
aking gagawin at bawat burang aking tatahakin, akay-akay ko na ang bandila ng Pilipinas ng may
responsibilidad. Dahil sa murang gulang ko, ako’y maituturing na isang responsableng Juan dela Cruz na
naniniwalang responsableng pluma ang kailangan tungo sa walang-patid na daloy ng kaunlaran.
#marvin.pamisa@yahoo.com

You might also like