You are on page 1of 8

LOBAT

LOBAT
NI JELSON ESTRALLA CAPILOS

Mula sa Sawikaan 2006: Mga Salita ng Taon, Roberto T. Añonuevo at Galileo S. Zafra, (mga
ed.). Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2006, p. 1-13.

Slang is the plain man’s poetry.


- Earie Welby

INBOX

K aso Blg. 1. Nagkaroon ng alítan ang magkasintahang sina Bruno at Criselda ilang
araw bago ang nakatakdang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. Dahil dito,
hindi na muna nakipagkíta ang dalaga sa kaniyang nobyo nang sumapit ang araw na
iyon. Napagpasiyahan ni Bruno na magpakumbaba at makipagbati na kay Criselda.
Hinanap niya sa memory ng kaniyang cellphone ang entri ng kaniyang Honey, sabay
pindot sa “call”button. Wala siyáng narinig na ring sa kabilâng linya. Tiningnan niya
ang iskrin at nanghina sa nakíta.
Kaso Blg. 2. Kanina pa nakatutok sa telebisyon si Inday. Hindi siyá kumukurap
hábang pinapanood ang paborito niyang programa tuwing tanghali. Inaabangan
niyang banggitin ng host ang numerong puwede niyang tawagan para makamit
ang isang milyong piso na ipinamimigay ng programa. Hindi man niya makuha ang
jakpat, umaasa siyáng kahit papaano ay makakuha ng isa sa ipinamimigay na mga
consolation prize. Pagkabanggit na pagkabanggit ng host sa numero, mabilis na nag-
dial si Inday. Itinutok niya agad sa tainga ang cellphone. Nagtaka siyá dahil walang
ring sa kabilâng linya; kung sakali ma’t naunahan siyá, tiyak na tunog na busy sana
ang maririnig niya. Tiningnan niya ang iskrin, at napailing na lámang siyá sa nakíta.
Kaso Blg. 3. Nakidnap si Gloria. Paglabas niya ng opisina, bigla siyáng sinunggaban
ng tatlong lalaki at isinakay agad sa van. Pagdatíng sa kuta, agad siyáng tinalian ng

193
SANGGUNIANG AKLAT | BABASAHÍN SA KULTURAL NA MALAYUNING KOMUNIKASYON

mga suspek at iniwan sa isang silid. Dahil maparaan siyá, nagawa niyang palayain
ang kanang kamay at agad niyang kinuha ang cellphone na nakasukbit sa kaniyang
baywang. Umaasa siyáng makatawag sa kaniyang pamilya o kaibigan para makahingi
ng tulong, o di kayâ’y matunton ng mga ito ang kaniyang kinaroroonan sa pamamagitan
ng high tech na track finder program na nakainstall sa kaniyang cellphone. Hahanapin
pa lámang niya sa kaniyang phonebook memory ang numero ng kaniyang kakilála
nang may nakíta siyá sa iskrin. Napayuko na lámang si Gloria at nawalan ng pag-asa.
Higit sa mga mensaheng “message sending failed,” “check balance inquiry,”
at “message not sent, try again later,” malaking pag-aalala para sa sinumang may
cellphone ang paglitaw sa iskrin ng babalang “battery low,” lalo pa kung susumpungin
ang cellphone sa mga alanganing lugar, at walang matatagpuang charger. Gaya ng
mga ibinigay na halimbawa, malaking abála ang ganitong pangyayari sa mga tao
na may mahahalagang gagawin sa tulong ng kanilang cellphone. Sa mga panahong
nakasalalay ang búhay, suwerte, o di kayâ’y ang mga ugnayang personal o propesyonal
sa isang tawag o text, maituturing na sumpa ang paglitaw ng naturang mensahe, na
may kasáma pang imahen ng baterya na may aalon-along likido sa loob, tila ba lalong
nangungutya. Sadyang kataka-takang katawanin ng nasabing pagkilos ang malapit
nang maubos na enerhiya ng baterya, ang napipintong kamatayan ng cellphone.
Mula sa babalang “battery low,” naimbento ng mga Filipino ang lobat upang
tukuyin ang baterya ng cellphone na malapit nang maubusan ng enerhiya. Ginagámit
din ito bílang balbal na salitâng tumutukoy sa kawalan ng gana o lakas; o sa matinding
pagod o panghihina ng isang indibidwal, lalo na pagkatápos ng mabigat na gawain,
o di kayâ’y pagdanas ng isang mahirap na sitwasyon. Tatalakayin sa papel na ito
ang pinag-ugatan ng salitâ, ang paggámit nitó sa konteksto ng Filipinas, at ang
implikasyon ng salitâ sa pangkalahatang impluwensiya ng cellphone sa pang-araw-
araw na karanasan ng mga Filipino.

OPENING…
Hango ang salitâng lobat sa “battery low,” ang paalalang lumalabas sa iskrin ng cellphone
kapag kailangan na itong muling kargahan ng boltahe. Ang baterya ay tumutukoy
sa maliit na aparatong nagbibigay enerhiya sa cellphone para mapakinabangan ang
ibá’t ibáng katangian nitó, at ang low naman ay nangangahulugang malapit nang
maubos, o kulang na.1
Sa konteksto ng Filipinas, ginagámit ang lobat upang tukuyin ang baterya ng
cellphone na kailangan nang kargahan ng boltahe. Bukod pa rito, ginagámit na rin ang
salitâ para ilarawan ang kawalan ng gana o lakas, at ang pakiramdam na matinding
pagod o pagkahapo pagkatápos ng mahirap na gawain.

194
LOBAT

SENDING…
Ayon sa talâ ng National Telecommunications Commision (NTC), para sa mga unang
buwan ng 2006, tinatáyang 42.5 milyong Filipino ang nagmamay-ari ng cellphone,
at lagpas sa kalahati ng buong populasyon. Sa ganitong kaso, hindi maikakaila ang
impluwensiya ng cellphone sa pang-araw-araw nating pamumuhay: sa pakikipag-
ugnayan sa ibáng tao; sa paglahok sa ibá’t ibáng timpalak o pagboto sa ilang pilîng
palabas sa telebisyon; at sa larang ng politika, mula sa simpleng pagpapahiwatig ng
reklamo sa mga sangay ng pamahalaan hanggang sa paglulunsad ng mga kilos protesta.
Ilan lámang ito sa nakagawiang paggámit sa cellphone. Dahil sa kahalagahan nitó
sa ating pang-araw-araw na karanasan, hindi na lámang ito nagsisilbing instrumento
ng komunikasyon, bagkus isang parte na rin ng maituturing nating kulturang popular,
ginagámit at pinakikinabangan sa ibá’t ibáng paraan, depende sa pangangailangan ng
tao. Ayon nga kay Jean Baudrillard:

A single function of an object may in turn become specific in a variety


of forms–which brings us into that realm of “personalization,”
of formal connotation, where the inessential [kung ano ang
nangyayari sa bagay sa tuwing ginagamit ito upang tugunan ang mga
pangangailangang sosyolohiko at sikolohiko] holds sway.2

Dahil dito, nagbabago ang pagpapahalaga sa mga bagay mula sa simpleng


teknolohikong aspekto nitó patúngo sa mga pangkulturang aspekto. Sa pananalitâ
nga niya:

Each of our practical objects…is in perpetual flight from technical


structure towards their secondary meanings, from the technolgical
system towards a cultural system.3

Samakatwid, ginagámit natin ang cellphone alinsunod sa kung paano natin ito
nais gamitin, túngo sa mga tiyak na layunin, kahit pa hindi na ito ang orihinal na silbi.
Ayon kay Michel de Certeau:

Users make innumerable and infinitesimal transformations of and


within the dominant cultural economy in orde to adapt [an object]
to their own interests and their own rules.4

Mapatutunayan ito sa mismong SMS (short messaging service) o text. Kilalá ang
Filipinas bílang “texting capital of the world” dahil sa tinatáyang 150 hanggang 200

195
SANGGUNIANG AKLAT | BABASAHÍN SA KULTURAL NA MALAYUNING KOMUNIKASYON

milyong mensahe na ipinadadala sa pamamagitan ng text. Ito na ang madalas gamítin


ng mga Filipino dahil higit na matipid ito sa tawag, kahit na noong una, nilayon lámang
ang katangiang ito para sa mga pipi at bingi. Ayon muli kay De Certeau: “Everyday life
invents itself by poaching in countless ways on the property of others.”5
Bukod pa rito, maaaring sabihin na naiangkop na sa pang-araw-araw na karanasan
ang mga bagay na may kinalaman sa cellphone, kabílang na ang mga terminolohiyang
may kaugnayan dito. Halimbawa, kitikitext ang tawag sa táong text nang text (para
bang kitikiti na hindi mapalagay, pero sa kasong ito’y mga daliri lámang ang aktibo).
Sa mga sinehan o teatro, bago magsimula ang palabas pinaaalalahanan ang mga
manonood na “observe phonethics” (pinagsamang “phone” at “ethics,” tumutukoy sa
wastong paggámit ng cellphone nang hindi nakaaabala sa kapuwa). Kung dati, “Don’t
drink and drive” lang ang paalala sa mga motorista, ngayon mayroon na ring “Don’t
text and drive.” Ngayong panahon ng krisis, maaari na ring bumili ng patingi-tinging
cellphone load sa pamamagitan ng “autoload,” “e-load,” “x-press load,” “pasaload,” at
“share-a-load.” Bukod sa nabanggit, iisang paraan din ng pagtitipid ang pagtangkilik
sa mga promong “unlimitxt” o “unlimited call” (mga text o tawag na mas mura ang
halaga kompara sa ibá kayâ mapagkakamalang sadyang mas maaaring ipadala o
tawagan sa parehong halaga ng karaniwang load).
Gaya ng mga naunang halimbawa, wala pa rin sa diksiyonaryo ang salitâng lobat.
Sa mga diksiyonaryong balbal na Ingles at idyomatikong pahayag, may “lowbrow,”
“low blow,” “lie low,” “low comedy,” “low class,” “low down,” atbp, ngunit walang lobat.
Ganito rin sa mga diksiyonaryong balbal na online,6 maliban na lang sa klockworx.
com, na itinalâ ang lo batna inilahok ng isang tao na nagngangalang “KX” noong 25
Abril 2003, at binigyang kahulugan na “pagód o mahina na.”
Bílang salitâng balbal, hango ang salitâng lobat sa “battery low,” pinaikli lámang
at nilapatan ng tinatawag ni Harold Conklin na pagbaligtad, o ang pagpapalit ng
baybay o pantig bílang bahagi ng tinagurian niyang “Tagalog speech disguise.”7
Sang-ayon dito si Herminia Meñez nang tukuyin niya sa isang sanaysay na ang
“transposition of syllables” ang isa sa mga paboritong paraan ng paglalaro ng salitâ o
paglikha ng salitâng balbal sa Filipinas, gaya na lámang ng mababásang mga mensahe
sa loob ng dyipni.8
Maaaring ituring na sariling atin ang lobat bílang balbal dahil kapansin-pansin
dito ang praktis ng Filipino kung pagbabatayan ang mga unang nabanggit: Inuna
ang salitâng “low” mula sa “battery low,” at ipinanatíli lámang ang unang pantig ng
salitâng “battery.” Dahil dito, naging kaibáng-kaibá na at halos hindi na makilála
ang mensaheng hango sa Ingles. Kung sakali mang gawing “low battery” ang
buong pahayag, maituturing na atin pa rin ito sapagkat sa Ingles, “flat battery” ang
katanggap-tanggap na katumbas ng baterya na nangangailangan nang kargahan.9

196
LOBAT

Para naman tukuyin ang pakiramdam ng kawalan ng gana o lakas, o ang pakiramdam
ng matinding pagod, sapát na ang salitâng “low” sa Ingles na balbal o idyomatikong
pahayag.10
Paano at bakit nga ba nabubuo ang ganitong uri ng mga pahayag? Ang balbal ay
isang uri ng “personal mode of speech…whose popularity has increased until a large
number of the general public uses or understands them.”11 Nagmumula ito sa mga tiyak
na sitwasyon, galing sa:

[a] group that must either be very large and in constant contact with
the dominant culture, or be small, closely knit, and removed enough
from the dominant culture to evolve an extensive, highly personal,
and vivid vocabulary.12

Sa kaso ng lobat, mahihiwatigang nagmula ito sa nangingibabaw na kultura ng


nagmamay-ari ng cellphone, batay na rin sa nabanggit na talâ mula sa NTC. Dahil
nga bahagi na ito ng pang-araw-araw na karanasan ng mga tao, hindi maiiwasang
maiangkop na sa pang-araw-araw na gawain hindi lámang ang mismong cellphone,
kundi maging ang mga bagay na may kaugnayan dito. Mula sa tiyak na sitwasyon (ang
pagmamay-ari at paggámit ng cellphone), umuusbong ang balbal sa pagbabago ng
kahulugan ng mga salitâ, o di kayâ’y sa paggámit ng mga ito sa ibáng paraan.13
Kung gayon, hindi na lámang ang mismong baterya ang tinutukoy ng lobat,
bagkus maging ang tao na wala nang lakas o enerhiya matápos gampanan ang
isang mabigat na gawain. Kung magkokomentaryo ang isang tao na lobat na ako,
maaaring mangahulugan ng dalawang bagay ang kaniyang pahayag: una, posibleng
tinutukoy ng tagapagsalitâ na malapit nang mamatay ang kaniyang cellphone;
o pangalawa, puwedeng inilalarawan na niya ang nararamdamang págod o
panghihina.
Sa pangalawang gámit, napakalaki ng implikasyon nitó sa kung paano
tinitingnan ng indibidwal ang kaniyang sarili. Sa tuwing lobat ang cellphone, may
mga katangian na hindi muna mapakikinabangan pansamantala, dahil nga kulang
ang enerhiyang maibibigay ng baterya kung ikokompara sa kakailanganin ng mga
nabanggit na katangian. Mahirap magpadala ng text kapag lobat ang cellphone.
Hindi ka makatatawag kung kailangan nang kargahan ang iyong baterya. Lagyan
mo man ng headphone ang iyong cellphone, hindi ka makakapakinig ng FM o mp3
kung lobat ka. Kung tao ang tutukuyin, tíla inihahambing na niya ang kaniyang
sarili sa isang makina sa pagsasabing lobat na ako. Kung paanong napaparalisa
pansamantala ang ilang katangian ng cellphone, gayundin ang pagkaparalisa ng tao
tuwing nakadarama siyá ng matinding pagod.

197
SANGGUNIANG AKLAT | BABASAHÍN SA KULTURAL NA MALAYUNING KOMUNIKASYON

Nagdurusa ang indibidwal (bukod sa kalusugan, napapabayaan na rin niya ang


kaniyang itsura) gayundin ang kaniyang mga mahal sa búhay at kaibigan. Ilang
patalastas na rin sa midya ang tumutukoy rito, kayâ nga usong-uso sa kasalukuyan
ang mga bitamina, suplementong pagkain, at inuming pampalakas bílang lunas sa
pagiging lobat ng mga indibidwal. Hindi maiiwasan ang ganitong paghahambing ng
indibidwal sa kaniyang sarili sa isang makina dahil hindi maikakailang ganito naman
talaga ang kaniyang ginagampanang tungkulin sa lipunan sa kasalukuyang panahon.
Para sa mga sociologist at behavioral scientist, deshumanisasyon ang tawag sa
ganitong pananaw ng tao sa kaniyang sarili, dulot na rin ng kasalimuotan ng búhay sa
pagsisimula ng modernong panahon.14
Ayon sa mga mananaliksik, ang pag-usbong ng sibilisasyon ay may kaakibat na
mga suliranin. Kabílang na rito ang pagkakaroon ng dibisyon sa paggawa, at ang
pagsisimula ng makina sa larang ng produksiyon noong panahon ng Rebolusyong
Pang-industriya. Nagdulot ito ng trauma sa mga tao. Kung dati, kalikásan at panahon
ang batayan ng búhay ng tao, ngayon ay mga makina na may malinaw na orasan sa
mga liwasan sa Europa. Ayon kay Lewis Mumford:

[the appearance of the clock] commenced its inexorable regulation


of the cycles of life and labor, in direct conflict with the natural
and immemorial rhythms of the seasons and of the earth’s own
movement around the sun – the obsolete imperatives of the agrarian
world.15

Dagdag ni De Certeau, “the status of the individual…diminishes in proportion


to the technocratic expansion of [technological] systems.”16 Tinawag nina Montagu
at Matson na “technilogical dehumanization” ang ganitong kalagayan kung kailan
nagiging robot na sa pagkilos ang mga tao, sanhi na rin ng mga kahingian ng isang
lipunang kapitalista at industriyalisado.17
Dahil sa ganitong kasalimuotan ng modernong pamumuhay nagiging mahalaga
ang balbal na lobat. Oo, ang paggámit nitó ay sintomas ng mga suliraning dulot ng
modernisasyon sapagkat inihahambing na ng tao ang kaniyang sarili sa isang makina.
Ngunit kung susuriin, sa paulit-ulit na gawain ng indibidwal sa kaniyang trabaho,
makatutulong ang balbal. Sabi nga:

[T]o escape the dull familiarity of standard words, to suggest


an escape from the established routine of everyday life…The
sheer newness and informality of certain slang words produces a
pleasure.18

198
LOBAT

Idinagdag nina Alan Dundes at Carl Pagter at siyang binanggit ni Meñez sa


kaniyang sanaysay, “While urban life may produce alienation, it also generates urban
folklore to help make the ills and pressures of modern society just a little bit more
bearable.”19

MESSAGE SENT
Kapansin-pansin ang impluwensiya ng cellphone sa pang-araw-araw na karanasan
ng mga Filipino. Naging mahalagang bahagi ito hindi lámang ng komunikasyon natin
sa isa’t isa, bagkus maging ng napakaraming gawain. Kayâ naman hindi maikakailang
mahalaga ang salitâng lobat sa ating konteksto. Ayon nga sa kasabihan, “Aanhin pa
ang load na sanlibo, kung lobat ang cellphone mo?” Wala na marahil mas gaganda
pang halimbawa ng kahalagahan nitó kundi sa mga nagsusulputang estasyon ng
pagpapakarga ng boltahe sa ilang pilîng mall sa bansa.
Táyo-táyo lámang sa bansa ang nakauunawa ng salitá at kahulugan nitó, lalo na
táyong mga nagmamay-ari ng cellphone. Kayâ maituturing itong talagang atin. Gaya
nga ng mga nailahad, may mga tiyak at mas wastong katumbas sa Ingles na balbal ang
mga tinutukoy ng salitâng lobat. Magiging mali, kung gayon, sa pananaw ng banyaga
ang naimbento nating salitâ. May sinabi si De Certeau tungkol dito:

As unrecognized producers, poets of their own acts, silent


discoverers of their own paths in the jungle of functionalist
rationality, consumers produce through their signifying practices…
“indirect” or “errant” trajectories, obeying their own logic.20

Nagsisilbi mang sintomas ng suliranin ng modernisasyon ang salitâng lobat sa


pagtukoy sa págod o panghihina ng tao, maaari din itong ituring bílang halimbawa ng
pagkamalikhain ng Filipino. Sa ganitong paraan, kahit paano, naiibsan ang págod na
dulot ng ating mga gawain sa araw-araw. Kung muling babalikan ang mga sinabi ni
Baudrillard at ni De Certeau, may mga tiyak na gámit ang cellphone, maging ang mga
salitâng may kaugnayan dito; subalit hindi nangangahulugang hindi natin maaaring
gamítin ang mga termino sang-ayon sa ating nais upang tugunan ang mga tiyak na
layunin, kahit pa lumihis sa orihinal na silbi ng cellphone.

199
SANGGUNIANG AKLAT | BABASAHÍN SA KULTURAL NA MALAYUNING KOMUNIKASYON

MGA TALÂ
1
J.A. Simpson at E.S.C. Weiner, “Low,” sa The Oxford English Dictionary, tomo 9.
2
Jean Baudrillard, The System of Objects, salin ni James Benedict. New York: New
Left Books, 1996, p. 9.
3
Ibid., 8.
4
Michel de Certeau, The Practice of Everyday Life, salin ni Steven Rendall.
California: University of California Press, 1984, p. xiv.
5
Ibid., xii
6
www.pinoyslang.com at www.seasite_niu.edu/tagalog/salitang-kalye.htm.
7
Harold Conklin, “Tagalog Speech Disguise,” sa Language,tomo 32, p.136.
8
Herminia Meñez, “The Art of Language of Manila’s Jeepney Drivers” sa
Explorations of Philippine Folklore. Lungsod Quezon City: Ateneo de Manila
University Press, 1996, p. 6.
9
Jennifer Seidi at W. McMordie, “Flat Battery” sa English Idioms, 5th ed.
10
Harold Wentworth at Stuart Berg Plexner, “Low,” sa Dictionary of American Slang
11
Harold Wentworth at Stuart Berg Plexner, “Introduction,” sa Dictionary of
American Slang.
12
Ibid.
13
Eric Partridge, “Introduction,” sa Slang: Today and Yesterday, 3rd ed.
14
Ashley Montagu at Floyd Matson, The Dehumanization of Man. New York:
McGraw-Hill Book Compnay, 1983, p. xviii.
15
Ibid., xxii.
16
De Certeau, xxiii.
17
The Dehumanization of Man, p. 9.
18
Wentworth at Plexner, “Introduction.”
19
Meñez, p. 11-12.
20
De Certeau, p. xviii.

200

You might also like