You are on page 1of 3

Alamat ng Rosaryo

Ni: Elgene Mae Baring

Noong unang panahon sa malayong nayon, may batang naninirahan na nagngangalang Rosaryo.
Siya ay isang magandang babae at nag-iisang anak nina Rosa at Pelario. Halos lahat sa kanilang
nayon ay nahuhumaling sa kaniya sapagkat siya'y may kutis porselana, may magandang kislap
ng mga mata, bibig na kulay rosas na kung siya'y iyong tititigang maigi maihahawig mo ang
kaniyang mukha kay Birheng Maria. Kilala din ang kanilang pamilya sa nayon sapagkat sila'y
mayaman at sila rin ay matulungin. Marami silang lupang ari-arian, samu't-saring mga pananim
gaya na lamang ng palay at iba pa. Sila ang naging sandalan ng mga tao sa kanilang nayon. At
higit sa lahat, kilala din ang kanilang pamilya dahil tuwing Linggo sila ay tumutungo sa simbahan
para magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang kanilang natatanggap mula dito.

Isang araw, ang ama ni Rosaryo ay nagkaroon ng malubhang sakit. At sa kagustuhan nila na
gumaling ito, agad nilang dinala si Pelario sa ospital para ito'y maipagamot. Hindi malaman
kahit pa nang mga Doktor ang sakit na mayroon si Pelario. Mag-iisang buwan na itong
nakaratay sa ospital at iniinda ang sakit na nararamdaman. Pero sa kabila ng lahat, tahimik din
itong nagdadasal sa Diyos na pagalingin na siya Nito. Gayundin ang ginagawa ng mag-inang
Rosa at Rosaryo. Ang iilan din sa kanilang mga ari-arian ay naibenta na nila para magkaroon sila
ng pambayad sa ospital.

Lumabas muna ng kwarto si Rosaryo at pumuntang kapilya ng ospital. Doon, siya ay taimtim na
nanalangin at hinihingi sa Diyos na bigyan pa ng lakas ang kaniyang Ama at huwag munang
kunin sa kanila ito. Pero habang taimtim na nagdadasal si Rosaryo ay nakaramdam siya ng
matinding kaba. Dali-daling tumayo si Rosaryo mula sa pagkakaluhod at mabilis na tumakbo
pabalik sa kuwarto kung saan nakaratay ang kaniyang ama. Naabutan na lamang niya itong pilit
na inililigtas ng Doktor pero wala na itong nagawa pa. Hinarap nito sina Rosa at Rosaryo na
mukhang dismayado dahil hindi niya nagawang iligtas ang buhay ni Pelario.
"Patawarin niyo ho ako, Misis. Ginawa ko na ang aking makakaya pero wala na talaga. Hindi na
kinaya ng pasyente. Nakikiramay ho ako sa inyo.", ang pahayag ng Doktor sa kanila.
"Hindi maaari ito." umiiyak na sambit ng ina ni Rosaryo at lumapit silang dalawa kay Pelario.

Hindi matanggap ng ina ni Rosaryo ang nangyari sa kaniyang ama. Agad nitong kinuwestiyon
ang Diyos. Araw-araw din itong nagluluksa. Pero hindi nawalan ng pag-asa si Rosaryo. Sa Diyos
parin siya ay kumakapit at humihingi ng lakas para patuloy na lumaban sa agos ng kaniyang
buhay. Araw-araw siyang nagdadasal dito at ipinapanalanging sana magbalik-loob na rin dito
ang kaniyang ina.

Isang gabi, bukas ang pintuan ni Rosaryo habang siya ay nagdadasal. Nang makita siya ng
kaniyang ina na nakaharap sa altar niyang mataimtim na nagdadasal, pumasok ito.
"Walang Diyos, Rosaryo! Inaaksaya mo lang ang oras mo sa pagdadasal. Walang sinuman ang
nakikinig sa iyo.", salita ng kaniyang ina habang papasok ito sa kuwarto niya.
"Ma? Ano po bang pinagsasabi niyo? Nakikinig ang Diyos. Anong nangyayari sa iyo?", sagot
naman ni Rosaryo dito.
"Bakit nasaan ba ang Diyos mo? Kung mayroon man bakit hindi niya tayo pinakinggan nuong
hilingin natin sa kaniya na huwag niyang kunin sa atin ang ama mo? Itigil mo na ang
kahibangang iyan, Rosaryo. HINDI TOTOO ANG DIYOS. WALANG DIYOS ANG MUNDONG ITO.",
galit na galit na sigaw ng kaniyang ina sa kaniya sabay talikod at alis sa kuwarto niya.

Walang nagawa si Rosaryo kundi umiyak ng umiyak nang gabing iyon. At biglang binalot ng
kadiliman ang kanilang nayon. Puro malalakas na pagkulog at pagkidlat ang tanging maririnig sa
kanilang paligid, kasabay din nito ang pagbuhos ng malakas na unos. Takot na takot na lumabas
ang ina ni Rosaryo sa kuwarto nito. Tinahak niya ang daan papuntang kuwarto nito. Kinatok
niya ang pinto ni Rosaryo pero walang sumasagot. Sa pag-iisip na baka kung ano na ang
nangyari sa kaniyang anak, ay nakaramdam siya ng matinding pagsisisi at pagkataranta.
"Rosaryo! Paki-usap, anak ko! Buksan mo ang pinto mo. Anaaaaak!", pakikiusap ni Rosa sa anak.
Ngunit nang tumagal ay wala parin.
Tinawag na ni Rosa ang isa sa kanilang mga trabahador para tulungan siyang sapilitang buksan
ang pinto ni Rosaryo.
"Rosaryo, anak ko? Anak? Okay kalang ba? Rosaryo!", bungad ni Rosa ng mabuksan ang pinto
ng kuwarto ng kaniyang anak.
"Ma'am, wala naman ho dito si Miss Rosaryo.", nagtatakang sabi ng kanilang trabahador.
"Rosaryo, anak ko. Rosaryo.", ang panaghoy ni Rosa.

Naglakad si Rosa papalapit sa higaan ni Rosaryo at sa ibabaw nito ay nakakita siya ng isang
kuwintas na gawa sa maputing perlas at sa dulo nito ay mayroong nakalagay na krus kung saan
nakaukit ang imahe ng Diyos. Dinampot niya ito at siya'y napaluhod at mas lalo pang umiyak.
"Diyos ko, ang anak ko. Rosaryo. Patawarin mo po ako, Diyos ko. Ibalik niyo lang ang anak ko
Pagkatapos ng pangyayaring ito, natahimik ang kanilang nayon. At simulan 'non ay tinawag
nang Rosaryo ni Rosa ang nakitang kuwintas dahil sa tuwing ito'y kaniyang nakikita naaalala
niya ang kaniyang munting prinsesa. Gayun nalang din ang tawag ng mga tao sa kanilang nayon.
Tuwing siya'y nalulungkot o nakakaramdam ng labis na pangungulila sa anak at namayapang
asawa ay kinukuha niya ito at mataimtim na nananalangin, ito narin ang kaniyang gamit sa
pagdadasal. At dahil din sa pangyayaring 'yon ay nagbalik-loob na si Rosa sa Diyos at mas lalo
pang umigting ang kaniyang pananampalataya dito.

GINTONG ARAL: Kahit na anuman ang mangyari sa buhay mo, huwag mong kukuwestiyonin ang
Diyos. Huwag mawawalan ng pananampalataya dahil Siya parin ang pupuntahan mo. Tumalikod
kaman sa Diyos, pero hinding-hinding ka Niya tatalikuran.

You might also like