You are on page 1of 2

Ngayong buwan ng Agosto, ang Golden Achievers Academy, Departamento ng Senior High School ay

kasama ng buong bansa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino at mga
Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”.

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021
Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuón sa mahahalagang
pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taón partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na
mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na
nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdámin ng
pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga
sining, at ibá pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at
halagáhan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at Kalayaan.

Bakit nga ba tayo naghahangad ng dekolonisasyon ng pag-iisip ng mga Pilipino? Ang sabi nga ng iilan,
“Hindi ka tunay na Malaya, mahaba lang ang tanikala”. Hindi natin maipagkakailang ang ating kultura,
wika, at mga sining ay higit na naimpluwensiyahan ng mga dayuhang nanakop sa atin ng napakahabang
panahon. Magpahanggang ngayon ay nakikita, naririnig, at nararamdaman natin ang bakas ng
kolonisasyon ng mga dayuhan sa atin, samakatuwid hindi pa rin tayo lubusang malaya sa mga
impluwensiyang ito at hindi natin alam kung tuluyan ba tayong makakawala.

Ano nga ba ang gustong iparating ng ating tema sa pagdiriwang na ito? Ayon kay Renato Constantino sa
kanyang akda na pinamagatang Ang Lisyang Edukasyon bg Pilipino ang ating kaisipan ay binihag ng mga
dayuhan , sapagkat ito ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa. Bakit nga ba ito
pinakamabisa? Sapagkat sa paglupig ng kaisipan ay maaari mong malupig ang pagkakakilanlan ng
anumang bansa. Hindi lamang ito nagsimula sa mga Amerikano, maging ang mga Espanyol ay ginawa rin
ito sa atin. Isa na rito ay ang pagtayo nila ng mga paaralan at pagpapatupad ng isang sistema ng
pamahalaan. Dahil dito at dahil na rin sa haba ng panahon ng pagkakasakop sa atin ay halos nawala ang
ating pagkakakilanlan.

Ano nga ba ang koneksiyon at kahalagahan ng mga katutubong wika sa dekolonisasyon ng ating pag-
iisip? Alam nating lahat na ang Pilipinas ay binubuo ng samu’t saring lenggwahe at dayalekto na
sinasalita sa iba’t ibang parte ng bansa. Ang mga wikang ito ay nagsisilbing kaluluwa at pagkakakilanlan
ng mamayan sa mga rehiyon kung saan ito ginagamit. Napakahalaga ng mga wikang ito upang mahubog
at mapasa sa mga susunod pa nilang henerasyon ang kanilang kultura at iba pang mga tradisyon at ang
paggamit ng mga wikang ito at isa sa paraan upang mapatibay ang pundasyon ng kanilang
pagkakakilanlan. Hindi lamang ito paraan ng pagpapatibay, isa rin itong paaran pagkawala sa
kolonisadong isipan.

Ano ba ang halimbawa ng kolonisadong pag-iisip? Hindi lamang ito limitado sa paggamit ng ibang wika
pati na rin ang mababang tingin ng ilan sa atin sa sarili nating kultura. Malimit ay mas mataas ang tingin
natin sa mga tao, kultura, at sining ng mga dayuhan kesa sa sariling atin. Palagi nating naririnig o
nababasa sa social media ang termino na “proud to be pinoy” ngunity marami sa atin ay sumasalungat
dito sapagkat marami sa atin ang minamaliit at pinagtatawanan ang sariling atin. Marami sa atin ang
nagmamalaki lamang sa tuwing ito may bahid ng dayuhang kultura. Masyado tayong nahuhumaling sa
kultura at sining ng mga dayuhan kaya naman halos makalimutan na natin ang ating sariling yaman.
Marami sa atin ang nahuumaling sa Kdram, kpop, anime, at iba pang likhang sining ng mga dayuhan.
Wala naman masama rito, nagiging masama lamang ito sa oras na kinakalimutan, kinukutya, at
ikinakahiya natin ang likhang sining sa ating bansa.

Nawa sa hinarap ay matutunan nating tanggapin ng buo ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino at
buo natin itong maipagmamalaki, hindi man madali ang proseso ng paglaya sa tanikalang nakatali sa atin
naway lubos nating pagtibayin at ipairal ang paggamit at pagpapayabong natin sa ating mga wika upang
sa ganon ay magkaroon tayo ng iisa at hindi ikinakahiyang bansa.

You might also like