You are on page 1of 16

C1.

Ang Wikang Katutubo at ang Kamalayang Filipino*


Bienvenido Lumbera
Isang kundiman mula sa panahon ng Rebolusyong 1896 ang naghahandog sa ating pagtitipon ng
kabalintunaang nakalakip sa aking paksain ngayong hapon. Kung susuriin ang bawat salita sa awit na sisipiin,
walang makapagsasabi na ang mga ito ay may pinupukaw na diwa ng paglaban. Pero ang katunayan ay
tinawag itong “Kundiman ng Himagsikan,” hindi ng mga taong pinag-aralan ito matapos ang 1896 kundi ng
mga mamamayan mismo na umangkin sa awit bilang awit ng kanilang kilusan. Ang tinutukoy ko ay akdang
natitiyak kong pamilyar na sa marami, ang “Jocelynang Baliwag.”
Pinopoong sinta niring kaluluwa,
Nakakawangis mo’y mabangong sampaga;
Dalisay sa linis, dakila sa ganda, Matimyas na bukal ng madlang ligaya.
Edeng masanghayang kinaluluklukan
Ng galak at tuwang katamistamisan;
Hada kang maningning na ang matunghaya’y Masamyong bulaklak agad sumisikal.
Ganito ang literal na sinasabi ng unang dalawang taludturan ng awit: ikaw na mahal ko, katulad ka ng
sampaga, malinis, maganda, bukal na ang daloy ay nagpapaligaya; paraiso kang tirahan ng galak at tuwa,
hadang kapag nagsabog ng liwanag sa bulaklak ay agad nakapagpapahalimuyak.
Sinasabing isang dalagang nagngangalang Pepita Tiongson y Lara ng bayan ng Baliwag, Bulacan, ang pinag-
ukulan ng kundiman. Paano kaya ito naging “kundiman ng himagsikan?” Kung ang ating panghahawakan
lamang ay ang literal na kahulugan ng mga salita, mahirap paniwalaan na may kinalaman ito kahit bahagya sa
marahas na pagbangga ng mga Filipino noon sa kolonyal na paniniil ng mga Espanyol. Pero hindi inimbento
lamang ng isang romantikong iskolar ang pagpapakahulugan na ang “Jocelynang Baliwag” ay awit ng mga
rebolusyonaryo. Kailangan natin, samakatwid, na kapain ang himalang nagbigay sa awit sa isang dalaga ng
kakayahang pumukaw sa paglaban ng mga Filipino noong panahon ng himagsikan.
Magsimula tayo sa isang katunayang tanggap na ngayon ng mga nagtiteorya tungkol sa malikhaing paggamit
sa wika sa panitikan. Ang akdang pamapanitikan ay walang sariling kapangyarihang pumukaw sa kamalayan
ng mambabasa o tagapakinig. “Walang sariling kapangyarihan.” Ibig sabihin, hindi likas sa salita ang
kakayahang kumatok sa kamalayan ng isang tao upang mapalabas ang damdamin o kaisipang naroon lamang
at naghihintay sa sugong salita. Ang salita ay isa lamang kumbinasyon ng mga tunog na walang katapat na
damdamin o kaisipan sa kamalayan ng makaririnig. Sa maikling sabi wala sa salita ang himala.
Kung wala sa salita ang himala, ang manunulat ba ang may kapangyarihang pumukaw sa kamalayan? Siya
ang namimili ng mga salita, kanya ang diwang naglalatag ng mga ugnayang nagbibigay sa mga salita ng
kakayahang makapagpalabas ng damdamin o kaisipan sa kamalayan ng mambabasa o tagapakinig. Mula sa
kanyang sariling kamalayan, hinahango ng manunulat ang mga danas na pinagdaanan niya at inangkin, at
hinuhugisan niya ang mga ito hanggang maging mensaheng ipararating niya sa mambabasa at tagapakinig.
Balikan natin ang “Jocelynang Baliwag.” Nang buuin ng makata ang mga taludtod ng awit, sinadya ba niyang
tawaging “sinta” o “Eden” o “bukal ng madlang ligaya” ang bayang Pilipinas? Bakit tila kinailangan pa niyang
itago sa mga talinghaga ang kanyang mensahe?
Hindi pa rin natutugunan ng ating pagsusuri ang katanungang pinagsimulan natin. Kung wala sa salita ang
kapangyarihan, saan ito mahahanap? Manunulat nga ang namithili ng mga salita, at manunulat din ang
nagpapahiram ng laman ng kanyang kamalayan sa mga salita upang magkaroon ng kahulugan ang mga ito.
Pero hindi pa rin natin natutukoy ang dahilan kung bakit nagkabisa ang isang tulang gaya ng “Jocelynang
Baliwag” bilang kundimang pumukaw sa paghihimagsik ng mga mamamayan noon.
Kailangang isali natin ang publiko, ang audience, sa ating pag-uusisa. Madalas na isinasantabi ang publiko
kapag pinag-uusapan ang likhang pampanitikan. May panahon sa kasaysayan ng kritisimo sa Kanluran na
elitista ang nangibabaw na pananaw sa panitikan. Di umano, ang manunulat ang natatanging tao na may
mahiwagang kakayahang bumuo ng tula, kuwento at anupamang akdang pampanitikan mula sa wala. Sang-
ayon sa ganyang pagpapalagay, ang paglikha ng akda ay sa pagitan lamang ng awtor at ng mga salita. Sa
ganitong paraan nakikilala ang kahusayan ng manlilikha.
Sa kabilang dako, sa ganyan ding paraan naisantabi ang madla. Itinuring itong sisidlang naghihintay lamang
lagyan ng laman, mga taong nakaabang na datnan ng akda, na kanilang papupurihan at mamahalin kung sila
ay tunay na karapat-dapat bigyangkasiyahan ng alay ng awtor.
Sa kabutihang palad, iginigiit ng madla na sila ay buhay, may sariling pandama at pag-iisip at may kakayahang
mamili kung alin ang akdang kanilang pahahalagahan. Maaaring ang kanilang pamimili ay hindi umaayon sa
panlasa ng awtor at ng kanyang mga kaututangdila, dahil may sarili silang pamantayan kung alin ang
makabuluhan at makabubuti sa kanila. Ang mahalaga ay aktibo sila sa pakikipamuhay sa kanilang kapwa sa
lipunan, at sa ganoong paraan yumayaman ang kanilang kamalayan bilang mga indibidwal. Ang kamalayang
iyan ay may buhay na hiwalay sa awtor at akda, ngunit sa pagkakataong magtugma ang nakapaloob sa
kamalayan at ang mga salita ng akda, may nagaganap na pagpukaw na nagiging sanhi ng pagkilos. Ang
pagkapukaw na iyan ang himala na ating hinahanap.
Muli nating balikan ang “Jocelynang Baliwag.” Paano nito napukaw ang damdamin at diwang mapanghimagsik
sa panahon ng Rebolusyong 1896? Alalahanin nating bago pa man nalikha ang awit, may naganap nang
pagmumulat sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga Katipunero hinggil sa paninikil ng mga Espanyol, ng
paghingi ng mga Propagandista ng mga repormang makapagpapagaan sa paghahari ng mga prayle at
opisyal, at ng marahas na pagtugon ng mga may-kapangyarihan tulad ng pagbitay, pagpapatapon o
pagkabilanggo. Ang “pinopoong sinta” sa kundiman ay patungkol kay Pepita Tiongson, isang tiyak na taong
bagamat bantog ang kagandahan sa bayan ng Baliwag ay nagiging isa na lamang sagisag habang naglipat-
lipat ang awit sa iba-ibang tao at iba-ibang lugar. Subalit may iisang “sinta” ang maraming kasapi ng Katipunan
at ang maraming mamamayang nakiisa sa kanilang simulain- iyan ay ang Inang Bayan, ang “mabangong
sampaga,” ang “matimyas na bukal.” Habang naglalaho ang personalidad ng dalagang pinag-alayan ng tula,
nagiging mabisang talinghaga ang “Edeng kinaluluklukan ng galak at tuwa” para sa bayang Pilipinas. At ang
“hada[ng] maningning” na nagpapabukadkad sa mga bulaklak ay hindi na si Pepita kundi ang Inang Bayan.
Tunay, hindi natin maigigiit na ganyan mismo ang naging pagpapakahulugan ng mga nakarinig sa awit. Pero
walang pasubaling maigigiit na sa kamalayan ng mga mamamayang nakarinig ng awit, may nakaimbak nang
mga danas at diwang dulot ng mga kagipitan at kahirapang kanilang tiniis sa ilalim ng kalupitan ng mga prayle
at sundalong Espanyol. Ang mga danas at diwang iyan ay di-sasalang nagpagitaw ng panghihinayang sa
panahon bago dumating ang mga dayuhan at pag-asam sa malayang hinaharap. Ang mga ito ang laman ng
kamalayang tumugon sa mga salita ng awit at sa mga talinghagang hinabi ng makata.
Samakatwid, ang “Jocelynang Baliwag” ay umigpaw mula sa pagiging papuri sa isang partikular na babae at
naging hibik ng panghihinayang sa panahong “dalisay sa linis” at “dakila sa ganda” ang bayang “pinopoong
sinta.” Humulagpos ito mula sa pagiging awit ng pamimintuho at naging pagsasatinig ng pag-asang ang
darating na panahon ay kinabukasang puno ng “galak at tuwang katamistamisan.” Tunay, nangyari ang ganito
dahil may mga salitang pinaglangkap-langkap at may makatang humango sa kanyang kamalayan ng mga
damdamin at kaisipang nagbigay-anyo sa mga taludtod. Pero ang pinakasentral na katunayan ay ang ambag
ng mga nakarinig sa “Jocelynang Baliwag” pagkat ang kamalayan nila ang nagpalaman sa awit ng
mapanghimagsik na damdamin at kaisipan bunga ng kanilang karanasan sa malupit na pamamalakad ng mga
kolonyalista.
Hindi nag-iisa ang kaso ng “Jocelynang Baliwag.” Nauna pa rito ang naging pagyaman ng kahulugan ng
Florante at Laura ni Balagtas. Sa unang hati ng siglo 19, nang sulatin ni Balagtas ang kanyang mahabang tula,
naniniwala ako na hindi niya nilayon na sa pamamagitan ng kanyang sariling “cuadro historico,” tuligsain ang
kolonyal na paghahari ng mga Espanyol. Mas kapani-paniwala na nilayon niyang ipamalay sa mga
kolonyalista na kung siya man ay makatang indio, kaya niyang gumawa ng pasalaysay na tulang maihahanay
sa mga romance ng mga makatang Peninsular. Ang Florante at Laura, na kinilala ng prayleng si Padre
Minguella bilang pinakamahusay sa mga awit ng mga indio na kanyang nabasa na, ay katibayan ng tagumpay
ni Balagtas. Ang kanyang salaysay tungkol sa magkasintahang hinangad paghiwalayin ng isang mang-aagaw
ng korona sa kaharian ng Albania ay tunay namang hindi ikahihiya kung itatabi sa mga romance na siyang
karaniwang ginagawang batayan ng mga awit na Tagalog. Tigib ito ng madulang panaghoy ng pangunahing
tauhan, maraming aral na pinalitaw ang mga pangyayaring isinalaysay, at lubhang kaakit-akit ang mga
talinghagang bunga ng imahinasyon ng awtor.
Sa huling hati ng siglo, nang magsilitaw na ang mga ilustradong gaya nina Rizal at ng mga kasama niya sa
Kilusang Propaganda, hindi na lamang itinuturing na isang mainam na awit ang tula ni Balagtas. Kung
gugunitain nating ipinagkapuri ni Rizal ang mag-ari ng kopya ng Florante at Laura sa panahong naninirahan
siya sa Europa, mahihiwatigan nating nag-iba na ang kahulugan ng awit. Para sa politikalisadong kamalayan
ni Rizal, ang tula ng kanyang kababayan ay may pahiwatig ng pagtutol sa sistemang tinututulan din niya at ng
kanyang mga kasamang ilustrado.
Paano kaya nangyari na ang isang tulang nag-ambisyong pantayan ang mga likha ng mga kolonyalista ay
magtaglay ng kahulugang sumasanib sa mga paninindigan ng mga bumabaka sa lisyang pamamahala ng mga
Espanyol sa Pilipinas? Tulad ng nasabi na tungkol sa “Jocelynang Baliwag,” may hiwalay na buhay ang
orihinal na akda ni Balagtas, hiwalay sa kamalayan ng mga mamamayan ng Pilipinas sa panahong
sumakabilang buhay na ang awtor.
Ang mga salita ni Balagtas na bumubuo sa salaysay ng Florante at Laura ay hindi nagbago gaano man karami
ang taong nakarinig at nakabasa sa awit. Pero habang naglilipat-lipat sa iba-ibang tao at lugar ang tula, ang
kamalayan ng mga Tagalog ay tinitigib ng pangaagaw ng kabuhayan, pandarahas sa mga mangmang at
mahina, panghuhuthot sa walang lakas tumutol, at pangungutya at panghahamak sa mga katutubo.
Sa paglipas ng mga taon, ang kamalayang tumatanggap sa mga salita ni Balagtas ay maagap na tumutugon
sa daing ng nilinlang at inapi, sa pagngingitngit ng pinagkaitan ng katarungan, sa pagsasakdal ng inagawan ng
kapangyarihan, na bahagi ng isinasalaysay na mga kasawian sa buhay ng mga tauhang Florante, Aladin,
Laura at Flerida. Nagbago na ang kamalayan ng mga katutubo, at ang kahulugang nahahango sa mga
pangyayari sa tula ni Balagtas ay umayon sa pagbabago ng kamalayan ng mga mamamayang sa panahon ng
himagsikan ay tatawaging “mga anak ng bayan.” Ang Florante at Laura nina Rizal at Mabini ay hindi na ang
Florante at Laura ni Balagtas.
Upang lalo pang maunawaan ang dayalekta ng akda at kamalayan, tumalon tayo mula sa kahapon tungo sa
ating panahon. Ngayon, isang tula naman mula sa panahon ng kolonyalismong Amerikano ang ating suriin.
Nakita na natin kung paanong nagkalaman ang makabayang adhikain ang isang tula ng pag-ibig, at nagawa
nitong pukawin ang mapanghimagsik na paglaban ng mga rebolusyonaryong bumangga sa kolonyal na
paniniil ng mga Espanyol. Nakita na natin kung paano ang isang tulang sa simula’y pagsasalaysay lamang ng
mga pakikipagsapalaran ng isang anak ng duke ay naging tulang naglalahad ng kasaysayan ng pagdurusa ng
bayan sa ilalim ng mga prayle at militar ng Espanya.
Agosto 13, araw na binansagan ng mga Amerikanong “Occupation Day” upang ipagunita sa mga Filipino na
sila’y kinubkob ng mga puwersa ni Admiral Dewey. Taong 1930, at ang batang makata-peryodistang si Amado
V. Hernandez ay naglabas sa kanyang kolum ng isang tulang buong kalumbayang nagngingitngit na ang
bayang Pilipinas ay “lukob ng dayong bandila.” Aniya:
Lumuha ka, aking bayan: buong lungkot mong iluha ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa: ang
bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila, pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika; ganito ring
araw noon nang agawan ka ng laya, labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.
Sa panahong ang pamamahala ng mga Amerikano ay maluwag nang tinatanggap ng maraming Filipino, ang
paggunita ni Hernandez sa pagbagsak ng Maynila sa kamay ng mga Amerikanong nagpapaniwala sa
pamunuan ng Unang Republika na sila’y mga kaibigan ay muling pagpukaw sa diwa ng Rebolusyong 1896.
Kung ano ang naging bisa ng isang tulang ito sa kamalayan ng mga lider na Filipinong nanunungkulan sa
administrasyong kolonyal noong 1930 ay hindi na natin kayang alamin. Bilang kolonya ng mga Amerikano, ang
Pilipinas ay dumaranas noon ng mga kaalwanang nagbigay ng ilusyong tunay na kapatid ng mga “brown
brothers” ang mga puting mananakop. Sinalungat ng tula ni Hernandez ang umiiral na katiwasayan ng loob ng
mga taong nakalimot na sa Republikang saglit lamang ang naging buhay. Aniya:
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang, sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan; katulad mo
ay si Huh, naaliping bayad-utang, katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan; walang lakas na magtanggol,
walang tapang na lumaban, tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung nakawan!
Nagdaan ang panahon ng Komonwelt, dumating ang mga Hapon sa Pilipinas, nagbalik ang mga puwersa ni
MacArthur at, di-naglaon, naganap ang di-umano’y “pagbibigay” ng kasarinlan ng mga Filipino. Natabunan ng
iba pang tula ni Hernandez ang “Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan.” Natabunan din ang tula ng mga
katha sa wikang Ingles ng mga manunulat ng administrasyong Quirino noong 1950, lalo na at kinulong siya sa
akusasyong bahagi siya ng pag-aalsang Hukbalahap.
Pansamantalang nakalaya si Hernandez noong 1956, at naipalimbag niya ang kanyang mga tula sa ilalim ng
pamagat na Isang Dipang Langit noong 1961. Kasama sa mga tula sa koleksiyon ang “Kung Tuyo Na ang
Luha Mo, Aking Bayan.” At sa panahong muling mababasa ang pagtutol ni Hernandez sa pagdiriwang ng
“Occupation Day,” nagsimulang mabuo ang isang kilusang makabayan, na pinamunuan ng mga kabataang
mag-aaral. Aktibong nangalap ng mga kasapi ang Kabataang Makabayan (KM). Puspusan ang ginanap na
pag-aaral ng mga estudyanteng buong siglang yumakap sa mga kaisipang pambansa-demokrasya. Sa mga
pag-aaral ng mga kasapi ng KM, binalikan nila ang kasaysayan ng Pilipinas at binuhay ang mga anti-piyudal at
anti-kolonyal na mga kaisipang nasa mga akda ng nakaraan. Dito nila natuklasan ang palabang tula ni
Hernandez, na sinimulan na nilang tawaging “Ka Amado.”
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog: ang
lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos, ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na naubos; masdan
mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod, masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Nasa kamalayan na ng kabataan ang mga kaisipan ni Claro M. Recto, na sa dekada 50 ay siyang mataginting
na tinig na naglantad sa palasunod na patakarang panlabas ng gobyernong Filipino at humimok sa mga
mamamayang itayo ang dangal ng Pilipinas sa pamamagitan ng paggigiit ng pagsasarili ng Republika. Nasa
kamalayan na ng kabataan ang palalong pag-angkin ng mga pinunong Amerikano sa mga base nila sa
Pilipinas bilang bahagi ng teritoryo ng Estados Unidos. Nasa kamalayan na rin ng kabataan ang pagbulusok
ng ekonomiya ng bayan habang humahakot ng katakot-takot na tubo ang mga empresang dayuhan sa
Pilipinas. Nasa tula ni Ka Amado ang mga salita at mga talinghaga na makapupukaw sa kamalayang
mapanghimagsik ng kabataan.
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon, kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong, kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man
umuungol, kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon, lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y
nakaburol.
Ang “Jocelynang Baliwag” ay walang tuwirang pagtukoy sa paghihimagsik. Naging kundiman ito ng
himagsikan dahil ang karanasan ng mga naglalayong humiwalay sa Espanya ay naroon na at naghihintay
pukawin ng mga salita at talinghaga ng awit. Ang Florante at Laura ay tulang dumadakila sa mangingibig na
nag-akalang pinagtaksilan siya ng kanyang minamahal. Naging kasaysayan ito ng paglaban ng mga katutubo
sa mga dayuhang pinunong nagsamantala sa kamangmangan at kahinaan ng mga mamamayang niyurakan
ng kolonyalismong Espanyol. Unang nalathala ang tula ni Ka Amado noong dekada 30, sa panahong
pinahimbing ng kolonyal na pang-aakit ang kamalayang makabayan ng mga Filipino. Naging maapoy na tula
ito ng paglaban sa imperyalismong Amerikano’t katutubong piyudalismo nang ang mga kabataan ay bumalik
sa kasaysayan at pinag-aralang bakahin ang mga katiwalian sa lipunang nakakabit pa rin sa kolonyalismong
may bagong anyo ng mga Amerikano.
Pakinggan natin ang panawagan at hula ni Ka Amado sa huling taludturan ng kanyang tula:
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo, may araw ding di na luha sa mata mong namumugto ang
dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo, samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo; sisigaw kang
buong giting sa liyab ng libong sulo at ang lumang tanikala’y talagutin mo ng punlo!
Panayam, Kongreso ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino, Philippine Columbian, 14 Agosto 1997.
C.2 Pamamahayag, ekonomiya at wika
Danilo Arao
Konteksto • Pinoy Weekly • Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007
Hindi kita masisisi kung sa tingin mo’y tabloid lang ang kababagsakan ng mga mamamahayag na gustong
magsulat sa Filipino. At kapag sinabing “pamamahayag” na pang-tabloid, maraming may opinyong ito ay ang
sensasyonal na pagbabalita ng mga krimen at tsismis sa showbiz.
Kahit ang karamihan sa mga programa sa radyo at telebisyon na gumagamit ng Filipino ay mas nagbibigay ng
atensiyon sa krimen at tsismis, pati na rin sa trivia at press release. Mayroon mang seryosong mga balita sa
pulitika, ekonomiya at kultura, walang sapat na oras para magpalalim sa pagbibigay ng mga datos at
pagsusuri sa maiinit na isyung kinakaharap ng ating bansa.
Sa madaling salita, nakikita rin natin ang tinatawag na tabloidization ng radyo at telebisyon, at minsa’y isinisisi
ito sa paggamit ng sariling wika sa paghahatid ng balita.
Ang ganitong mababang pagtingin sa paggamit ng Filipino sa pamamahayag ay mauugat hindi lang sa klase
ng karamihan sa mga tabloid at mga programa sa radyo at telebisyon na natutunghayan natin araw-araw. Sa
konteksto ng kultura, ang paggamit ng wika ay depende sa uring kinabibilangan – Filipino para sa karamihan,
Ingles naman para sa iilan. Ang una ay para sa pinagkakaitan, ang huli ay para sa mga nasa kapangyarihan.
Dahil ang mga nagkapag-aral sa ating bansa ay produkto ng isang klase ng edukasyong ipinamana ng EU
(Estados Unidos), may malaking pagtatangi sa mga taong kayang magsalita at magsulat sa wikang Ingles.
Noong nasa elementarya pa ako, pinagmumulta kami kapag nahuling nagsasalita ng wikang Filipino kahit oras
ng recess. Para sa mga titser namin noon, isa raw itong epektibong paraan para matuto kaming magsalita ng
wikang Ingles. Sa mura naming edad, idiniin ang pangangailangang maging mahusay sa Ingles para sa aming
personal na pag-unlad.
Sa ngayon, may mga tinatawag na English-speaking zone sa ilang eskuwelahan sa elementarya, hayskul at
kolehiyo. At dahil ang administrasyong Macapagal-Arroyo ay idineklara nang Ingles ang dapat na midyum ng
pagtuturo sa mga eskuwelahan, asahan nating mas bibigyang pansin pa ang pagpapataas ng English
proficiency sa mga estudyante. Hindi man tinanggal ang pagtuturo ng wikang Filipino, malinaw namang mas
tinututukan ngayon ang pagpapahusay sa pagsusulat at pagsasalita sa wikang Ingles.
May direktang kaugnayan ang polisiyang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa pang-ekonomiyang direksiyon
ng ating bansa. Hindi ba’t kailangan ang kahusayan sa wikang Ingles kung ang ating ekonomiya ay nakatutok
sa pagpapaunlad ng eksport at dayuhang pamumuhunan? Ang outward-looking na oryentasyon ng ekonomiya
ay mangangailangan ng mga Pilipinong may kaalaman sa Ingles, ang tinaguriang wika ng pandaigdigang
negosyo.
Tandaan nating ang ineeksport ng Pilipinas ay hindi lang mga produkto, kundi mga tao mismo. Ayon sa datos
ng pamahalaan, tinatayang 3,000 Pilipino ang umaalis araw-araw para makipagsapalaran sa ibang bansa.
Para sa mga gustong manatili sa Pilipinas, napipilitan silang pumasok bilang call center agents dahil sa hindi
hamak na mataas na kita kahit na ang oras ng kanilang trabaho ay sa panahong tulog ang karamihan sa
populasyon. Sa ganitong klaseng trabaho – mula sa tinaguriang umuunlad na industriya sa ating bansa –
malaking bentahe ang pagiging matatas sa wikang Ingles.
Sa okasyon ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, kailangang suriin hindi lang ang kahalagahan ng wikang
Filipino kundi ang mga polisiya’t programa ng pamahalaan na sa halip na palakasin ang lokal na ekonomiya ay
patuloy na umaasa sa labas para sa minimithing pag-unlad. May direktang kaugnayan ang pagpapalakas ng
wikang Ingles sa nasabing mga polisiya’t programa dahil mas mahalaga, para sa mga nasa kapangyarihan,
ang komunikasyon sa pagitan ng mga Pilipino’t dayuhan sa halip na sa pagitan ng mga Pilipino mismo.
Totoo mang ang klase ng pamamahayag sa wikang Filipino ay maiuugat sa ating kultura, tandaan sana nating
hindi lahat ng tabloid sa kasalukuyan ay sensasyonal ang pagbabalita. May ilang babasahing para sa masa na
pinipilit na pataasin ang antas ng diskusyon ng mga isyung kinakaharap natin ngayon. Kasama sa iilang ito
ang binabasa mo ngayon!

C.3 Ang Wika ay kasangkapan ng maykapangyarihan:Ang Wika Bilang Instrumentong Politikal


Bienvenido Lumbera
National Artist
Panayam, Seryeng Filipinolohiya DLSU
29 Oktubre 2003

Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at
may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay
gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang kailangan natin - kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung
nasugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila, humahanap ng kausap na
makapapawi sa kalungkutan.

Subalit kaiba sa hininga, hindi likas na bahagi ng pisikal na buhay natin ang wika. Isa itong instrumentong
hiwalay sa ating katawan, isang konstruksiyong panlipunan na kinagisnan nating "nariyan" na. Natutunan natin
ito sa magulang, pamilya, paaralan at komunidad, at pagdating sa atin, kargado na ng mga kahulugan at
pagpapahalaga na galing sa ibang tao, ibang lugar, at ibang panahon. Sa pagtanggap natin sa wika,
pumapaloob tayo sa isang lipunan at nakikiisa sa mga taong naroon. Samakatwid, ang kamalayan natin bilang
indibidwal ay karugtong ng kamalayan ng iba sa lipunan. Kapag may kapangyarihang sumakop sa kamalayan
ng kapwa natin sa lipunan, kasama tayong napapailalim sa nasabing kapangyarihan.

Mula sa paksaing "Wika at Politika," humango ako para sa panayam na ito ng buod na nakasaad sa pamagat:
"Ang wika ay kasangkapan ng maykapangyarihan." Ihahanap ko sa ating kasaysayan ng mga halimbawa ang
nasabing buod. Sa aking pakahulugan, ang "maykapangyarihan" ay sinuman at alinman na may lakas na
pinanghahawakan na nagpapasunod sa tao o nagpapatupad ng balak at layunin. Ang "instrumentong politikal
naman" ay mekanismo na kumukuha ng pagsang-ayon ng maraming tao sa mga espesipikong gawaing
itinatakda ng maykapangyarihan.

Ang wikang Filipino (sa anyo nitong Tagalog sa maagang yugto ng ating kasaysayan) ay naging instrumentong
politikal nang sakupin tayo ng dayuhan noong siglo 16. Ang dumating na mga kolonyalista ay alagad ng
dalawang panginoon, ang Monarkiyang Espanyol at ang Simbahang Katoliko. Nauna nang sinakop ng mga
kolonyalista ang Amerika Latina, at doon ay natuto sila sa naging karanasan nila sa pagpapasuko ng mga
katutubo. Naging madugo ang walang-habas na pagpapasuko nila roon, kaya't nang dumating sila sa Filipinas,
ay handa nilang subukin ang "mahinahong" pagpapasuko, lalo pa't maliit lamang ang pangkat nila kung
ikukumpara sa mga mamamayang dinatnan nila.
Sa panig ng mga misyonerong kasama ng mga sundalo, ang misyon nila ay ang pagpapalaganap ng
relihiyong Katoliko. May pag-aalangan sa hanay nila kung paano ibabahagi sa mga katutubo ang doktrina ng
Simbahan - ayon sa paniniwala na naipalaman na ng Simbahan sa Peninsula ang mga banal na aral ng
Katolisismo sa kanilang wika, tila wikang Espanyol ang kailangang gamitin sa pagsasalin ng relihiyon sa mga
bagong binyagan. Subalit iilan lamang ang mga misyonero at lubhang marami ang mga paganong kailangang
agawin sa demonyo sa lalong madaling panahon. Sa isang pagpupulong ng mga pinuno ng mga orden
relihiyoso, naipasyang sa mga wikang katutubo gagawin ang pagtuturo ng pananampalataya. Sa kapasyahang
iyon, naging instrumentong politikal ang mga wika ng mga katutubo. Ang bawat orden ay nagtalaga ng mga
misyonero na ang tutungkulin ay ang pag-aaral ng mga wikang katutubo, at dito lumitaw ang mga pangalang
ngayon ay kinikilala bilang mga tagapagpauna sa pag-aaral ng wika ng mga Tagalog -- Francisco Blancas de
San Jose, Gaspar de San Agustin, Juan de Plasencia, Pedro de San Buenaventura, Francisco de San
Antonio, Domingo de los Santos, Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar.

Ang pagsasalin ng mga tekstong Espanyol ay masasabi nating siyang panimulang hakbang sa pag-angkin ng
mga misyonero sa Tagalog. Noong 1593, lumabas ang uang librong limbag sa Filipinas, ang Doctrina
Christiana. Nasa librong ito ang mga batayang dasal ng Simbahan na isinalin sa Tagalog: Padre Nuestro, Ave
Maria Purissima, Credo, Salve Regina atbp. Mahalagang banggitin na ang librong ito ay nilimbag hindi para sa
mga katutubo kundi para sa mga misyonerong magpapalaganap ng pananampalataya. Matututunan ng mga
katutubo ang mga dasal sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas. Ibig sabihin, sa simbahan sa oras ng
katesismo, isinasaulo ang mga dasal at paulit-ulit na bibigkasin hanggang ang mga ito ay maging bahagi na ng
kamalayan ng mga binyagan.

Sa unang hati ng siglo 17, isang misyonerong nagngangalang Pedro de Herrera ang nagsalin ng mga
pagninilay tuwing may Santo Exercicio, na nalimbag bilang Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay na
sadia sa Santong pag Eexercicios (1645). Nasa anyong patula ang mga pagninilay, dalit ang tawag ng mga
Tagalog, at ito ay nagpapakilala sa bisa ng tradisyong pabigkas na inangkin na rin ng mga misyonero upang
mapadulas ang pagkatuto ng mga katutubo.

Sa pagsisimula ng siglo 18, isang manlilimbag na layko ng mga Heswita, si Gaspar Aquino de Belen, ang
magsasalin ng Recomendacion del Alma ni Tomas de Villacastin at ilalabas ito bilang Mga panalanging
pagtatagobilin sa caloloua ng tauong naghihingalo (1703). Ang saling ito ni Aquino de Belen ay katibayan ng
masinsinang pagsakop sa kamalayan ng mga katutubo na hanggang sa hukay ay inaakay sa
pananampalataya ng mga misyonerong armado ng wikang katutubo.

Nakita natin sa halimbawa ng Meditaciones ni Pedro de Herrera kung paano inangkin ang anyong pabigkas
upang maihatid sa mga bagong binyagan ang mga kapaniwalaang Kristiyano. Ang lumang anyo ng tulang dalit
ay pinasukan ng bagong nilalaman. Upang ang mga paganong tulang pasalaysay, marahil ay kabilang dito
ang nawalang epiko ng mga Tagalog, ay magamit sa ikasusulong ng Kristiyanismo, ang salaysay ng pagsakop
ni Kristo sa kasalanan ng sangkatauhan ay iginawa ni Gaspar Aquino de Belen ng mahabang tula na aawitin
ayon sa tradisyon ng mga Tagalog. Ito ay ang Mahal na Passion ni Jesu Christong P. Natin na Tola (1703),
ang akdang pagsusumundan ng Pasyong Pilapil na hanggang sa kasalukuyan ay inaawit ng mga Filipino
tuwing sasapit ang Mahal na Araw.

May mahabang kasaysayan ang tula sa Filipinas, na ang pinagsimulan ay hindi na natin matutunton
palibhasa'y kasintanda ito ng tradisyong pabigkas. Subalit ang unang akdang nakasulat sa prosa ay tila
nalikha lamang noong siglo 17 at ito ay pamanang kolonyal ng prayleng Francisco Blancas de San Jose.
Memorial de la vida cristiana en lengua tagala (1605) ang pamagat na Espanyol ng libro subalit ito ay kinatha
sa wikang Tagalog. Nilalaman ng Memorial de la vida cristiana ang mala-sermong pagpapaliwanag sa bawat
isa sa Sampung Utos ng Diyos sa prosang batbat ng talinghaga at nagpapamalas ng galing ni San Jose sa
paghuli sa estilo ng mga Tagalog. Totoo na ang sinaunang mga Tagalog ay nagsasalita ng prosa sa kanilang
pang-araw-araw na pakikipag-usap sa kanilang mga kabaranggay, kaya lamang ang kanilang prosa ay hindi
pa isang anyo ng pagpapahayag dahil wala silang imprenta. Si San Jose ang siyang naging unang prosista
dahil ang ordeng Dominiko ay nag-aari noong mga unang taon ng siglo 17 ng tanging imprenta sa Filipinas.

Ang kapangyarihan ng mga prayle sa unang yugto ng kolonyalismong Espanyol ay sinisimbolo ng imprenta. Ito
ay bagong teknolohiya na ipinasok sa kultura ng mga Tagalog sa pamamagitan ng mga misyonero. Hindi nito
nahalinhan ang tradisyong pabigkas ng mga Tagalog kahit pa sa panahon ng Rebolusyong 1896, pero dahil
kamangha-manghang teknolohiya ang magsatitik sa papel ng mga salitang dati'y mga tunog lamang, ang
imprenta ay nangyaring maging bukal ng lakas ng kulturang dayuhan na ipinatanggap sa mga katutubo.

Magsisimulang bawiin ng mga Filipino sa siglo 19 ang kapangyarihang kalakip ng wikang Tagalog na inagaw
ng mga prayle. Sa bagong siglo, ang imprenta ay hindi na esklusibong pag-aari ng mga orden relihiyoso. May
naitayo na noong mga imprentang komersiyal, at ang produksiyon ng mga libro ay nakapagpalitaw na ng mga
akdang sinulat ng mga katutubo. Ang Florante at Laura (ca. 1838) ni Francisco Baltazar ay isa sa mga akdang
iyon. Iilan pa sa panahong iyon ang marunong bumasa kaya't lumaganap ang tula sa pamamagitan ng
tradisyong pabigkas at paawit. Sa bawat pagkakataong ito ay bigkasin/awitin sa mga pagtitipon ng mga
Tagalog, ang karanasang nilalaman ng tula ay namamahay sa kamalayan ng mga nakikinig at doon ay
nagkakaanyong personal at umuungkat sa mga danas at alaala ng indibidwal sa kanyang pakikipamuhay sa
ilalim ng kolonyal na pamahalaan. Nag-iba na ang nilalaman ng wikang naririnig at isinasaloob ng mga
katutubo na dati'y ang danas na dala ng mga salita ay limitado lamang sa mga sermon at pagninilay. Ngayo'y
may pagsusuyuan, pagbabaka at pagtutol sa pagtataksil at pang-aapi. At hindi nag-iisa ang tula ni Baltazar sa
paghahatid ng bagong karanasan; may iba pang mga awit na kapanahon ng Florante at Laura.

Ang pagsilay ng Florante at Laura sa lipunang kolonyal ay naghatid ng kapangyarihan sa wikang Tagalog.
Gumamit ito ng tradisyonal na himig at ng ritmong pamilyar ng pagtulang Tagalog. Isinunod ni Baltazar ang
daloy ng naratibo sa naratibo ng mga romance na mula sa Espanya. Ang mga tauhan ay isinunod rin sa
padron ng mga tauhan sa mga romance. Subalit sariling imbento ng imahinasyon ni Baltazar ang kanyang
salaysay. Samakatwid, tila gustong ipakita ni Baltazar na kaya rin ng isang indio ang humabi ng tulang
maihahanay sa mga tulang pasalaysay na dala ng mga Espanyol. At habang lumalawak ang madlang
nakarinig at tinablan ng bisa ng naratibo ni Baltazar, sa pagsasanib ng karanasan ng iba't ibang indibidwal na
umangkin sa tula, nagsimulang ituring na isinasatinig ng tula ang hinaing ng mga mamamayang nahihirapan
sa pamamahala ng mga dayuhan. Sa ganitong transpormadong anyo tatanggapin ng mga edukadong indio at
mestisong tulad nina Rizal at Mabini ang tula ni Baltazar.

Ang kapangyarihang ibinalik ni Baltazar sa wikang Tagalog ay magbubunsod ng hayagang pagtutol sa pagtula
ni Marcelo H. del Pilar. Ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ay hindi na lamang naghahandog ng
isang kawiliwiling salaysay at mga pahiwatig. Ang diyalogong nakapalikod sa tula sa pagitan ng Ina at Anak ay
umungkat sa mga isyu laban sa mga prayle. May pagtalakay sa tula sa relasyon ng Monarkiya, Simbahan at
mga mamamayan. Ito ay tahasang pag-angkin sa kapangyarihan ng wikang Tagalog upang maipaabot sa
Monarkiya ang paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan. Sa dakong hulihan ng tula, ipinahihiwatig ng
Inang Espanya na pulutin ng Filipinas ang mga aral sa isinalaysay na kinahantungan ng mga prayle sa Europa
nang maganap ang Repormasyon ni Martin Luther.
Ang Rebolusyong 1896 ay pinasabog ng mitsang sinindihan ng Kilusang Propaganda nina Rizal at Del Pilar.
Ang pag-angkin ng kapangyarihan ng wika ay lalong titingkad kung gugunitain ang prosa ng misyonerong
Francisco Blancas de San Jose sa Memorial (1605) at itatabi ito sa prosa ni Emilio Jacinto sa Liwanag at Dilim
(ca. 1896). Kapwa prosang matalinghaga ang dalawang akda. Ang una ay pagpapaliwanag sa mga
kapaniwalaang Kristiyano na ipinatanggap ng mga misyonero, ang ikalawa ay paglilinaw sa mga kaisipang
mapagpalaya na ang tinatanaw ay ang pagsasarili ng mga Filipino.
Ang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" (1896) ay isang pagninilay gaya ng mga pagninilay sa Meditaciones
(1645) ni Pedro de Herrera. Ang inihaharap ni Andres Bonifacio sa kanyang madla ay ang kalagayan ng
bayang lugmok sa mga kahirapang dulot ng kolonyal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga ispesipikong
halimbawa ng pagkaapi at pagkaduhagi, hinahalukay ng tula ang kalooban ng kanyang mga tagapakinig
upang ang mga ito ay makiisa sa paghihimagsik ng Katipunan. Taglay pa rin ng wikang binawi sa mga
misyonero ang mga konotasyon ng pagsisisi at pagtangis sa naging bunga ng pagpapabaya ng Kristiyano kay
Hesukristo na pamana ng kasaysayan ng wika. Ngayo'y nagiging instrumento ang wika para maihiwalay ang
mga Filipino sa mga taliba ng kolonyal na pananakop.

Pagsapit ng 1898, nang ang Filipinas ay sakupin ng mga Amerikano, ang wikang Tagalog ay humakot sa
Rebolusyon ng matinding lakas at ito ay ginamit ng mga rebolusyonaryong manunulat sa pagsisikap na
maitaboy ang mga bagong kolonyalista. Ang panitikan, ang teatro at ang peryodismo ay nagpamalas ng
tapang at giting na nagpasigla sa paglabang gerilya sa kanayunan. Ang unang dekada ng siglo 20 ay
kinatampukan ng mga nobelistang Inigo Ed. Regalado at Faustino Aguilar, ng mga makatang Pedro Gatmaitan
at Albino Dimayuga, ng mga mandudulang Aurelio Tolentino, Juan Abad at Juan Matapang Cruz, at ng mga
peryodistang Lope K. Santos at Pascual Poblete.

Mananatiling sandigan ng lakas ng wikang Tagalog ang Rebolusyon at ang pakikidigma sa mga Amerikano.
Hanggang sa kasalukuyan ay pinasisigla ng pinagdaanang kasaysayan ng wika ang paggamit sa wikang
Tagalog ng mga manunulat. Subalit sa pagkatatag ng sistema ng edukasyong sa Ingles tinuturuan ang mga
kabataang Filipino, may ilang panahon ding naliliman ng wika ng mga bagong kolonyalista ang wikang
Tagalog. Ang bagong instrumentong politikal ng mga mananakop ay ang school, paaralang publiko sa simula,
at di naglaon, pati na ang mga pribadong paaralan na tumanggap sa wikang panturong dala ng dayuhan. Dahil
ito ay nasantabi sa labas ng paaralan, walang institusyong masilungan ang wikang Tagalog. Hindi ito inagaw
ng bagong mananakop, itinulak lamang sa laylayan ng lipunang kolonyal. Sa larangan ng paglalathala,
nasadlak ang wikang Tagalog sa mga babasahing popular na inaba-aba ng mga edukadong sa Ingles
nagbabasa at nakikipagusap. Sa kabutihang palad, pinulot ito ng bagong teknolohiya ng pelikula at sa
pamamagitan ng kamangha-manghang sining ng tinawag na "aninong gumagalaw," pinalakas ito sa hanay ng
nakararaming mamamayan hindi lamang sa Katagalugan kundi pati sa iba pang bahagi ng bansa. Subalit ang
lingguhang magasin at ang pelikulang Tagalog ay mga anyong popular na sa panahon ng pananakop ng mga
Amerikano ay itinuring na mababang uri ng libangan, kaya't sa kabila ng malaganap ng pagtanggap sa wikang
Tagalog sa iba't ibang dako ng Filipinas, nanatili itong walang prestihiyo.

Sa huling hati ng dekada 60, isang kilusang politikal ang pinasilang ng mga kondisyong inihanap ng mga
kabataang nasa kolehiyo at unibersidad ng kalutasan. Ayon sa pagsusuri ng bagong kilusan, ang mga
kagipitan sa pamumuhay sa bansa ay bunga ng kontrol ng mga dayuhan sa ekonomiya at ng paghahari ng
mga mayayamang nagmamay-ari ng malalawak na lupain. Mula sa hanay ng mga lider na naninilbihan sa mga
kapitalistang dayuhan at sa mga panginoong maylupa nanggagaling ang humahawak sa gobyerno, at ang
mga ito ay nagpapayaman sa pamamagitan ng mga opisinang kanilang inuupan. Hindi sa mga datihan nang
naglilider manggagaling ang pagkilos na maglalapat ng lunas sa sakit ng lipunan. Ayon sa mga aktibista ng
kilusang makabayan, ang babago sa lipunan ay ang nakararami sa lipunan. May bagong salitang pumasok sa
wika, ang salitang "masa," na tumutukoy sa nakararaming hindi isinasali sa paghawak ng kapangyarihan. Ang
"masang" iyan na isinisentro ng kilusan ang panggagalingan ng panibagong lakas ng wikang Tagalog bilang
instrumentong politikal.

Nakita ng mga lider-estudyanteng naglalayong baguhin ang lipunan na kailangan nilang maka-ugnay sa
nakararami, at ang Ingles ay nagiging sagwil sa halip na kawing sa kanilang pakikiisa sa masa. Sa mga
kolehiyo at unibersidad, magsisimulang igiit ng mga aktibista na sila ay bigyan ng kakayahang umugnay sa
mga mamamayang ang karamiha'y hanggang paaralang primarya lamang ang naabot. Iyon, sa kanilang
paningin, ay magaganap lamang kung magkakaroon sila ng kasanayan, kung kindi man katatasan, sa
pagsasalita ng wika ng masa. Wala mang patakaran ang mga paaralan para pagbigyan ang hinihingi ng mga
estudyante, nagkaroon ng pagbubukas ang mga ito sa pagtuturo na gumagamit sa wikang Tagalog (na noo'y
nasimulan nang tawaging "Pilipino").

Sa kasalukuyan, nagkapuwang na ang wikang Filipino sa kurikulum. Hindi pa ito ang kinikilalang wikang
panturo, pero may lugar na ito sa school. Nakapasok na sa Akademya ang wika ng "masa." Bagamat ang
marami sa mga maykapangyrihan ay nagmamatigas pa rin na sa Ingles lamang magaganap ang tunay na
edukasyon ng kabataang Filipino, hindi na naigigiit ang ganyang delusyon nang walang sumasalungat.
Napanghawakan na ng kilusang makabayan ang wika ng masa, at wala nang esklusibong kapangyarihan ang
mga maykapangyarihan sa wikang inangkin ng kabataan.

C.4 WIKA NG HALALAN


Para kay Rowie, manunulat at guro ng Filipino sa De La Salle. Salamat sa mungkahing magsulat ako hinggil
sa paksang ito….
Sa Pilipinas may tatlong panahon: wet season, dry season, at election season. Pero para sa ibang pulitiko,
dalawang panahon lang yan: eleksiyon at paghahanda sa eleksiyon. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na
umusbong sa bansa ang paggamit ng mga salitang may kinalaman lamang sa halalan. Anu-ano ang mga
salitang ito? Ano ang gamit at katangian ng wika ng halalan?

Maaari nating ikategorya ang wika ng halalan sa tatlo:

1. Mga salita ukol sa proseso ng halalan;


2. Mga salita ng pangangampanya; at
3. Mga salita na ginagamit ng kandidato para sa name recall.

Kadalasan mga Pilipino lamang ang nagkakaintindihan kapag ginagamit ang wika ng halalan. Ito ay mga
salitang tumutukoy sa partikular na karanasan ng mga Pilipino sa halalan. Minsan ang mga hiniram na salita
mula sa ibang bansa ay nagkakaroon ng bagong gamit. Halimbawa: Presidentiable. Hindi ito salita sa wikang
ingles pero ginamit ng mga Pilipino para tukuyin ang mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Gayundin ang
salitang senatoriable para naman sa mga nais maging senador. Ang salitang sortie sa wikang ingles ay may
kinalaman sa operasyon ng militar. Sa Pilipinas, ang sortie ay tumutukoy sa kampanya ng mga kandidato o
partido.
Noong 2004 naging salita ng tao ang canvass na minungkahi ng iskolar na si Randy David. Eto ang ilang
bahagi ng kanyang paliwanag:
“Sa kasalukuyang takbo ng ating politika, mapapansin ang unti-unting paglalaho ng isang kahulugan ng
canvass na dati nang bahagi ng lumang gamit nito: ang masusing pagsisiyasat at pagtatalo ukol sa
katotohanan ng mga dokumento ng botohan. Ang kahulugang pumalit at nangibabaw ay pagsusuma,
pagtatala, o paghahanay ng mga boto, na dati nang wala sa mga kahulugan ng salitang ito.
“Nitong nakaraang eleksiyon, pagkatapos tingnan kung kompleto ang mga pirma at kung malinaw ang
pagkakasulat ng mga resulta sa “certificates of canvass,” isa sa mga miyembro ng Congressional o National
Canvassing Committee ay nagsabing, “I move to canvass.” Malinaw sa ganitong gamit na ang katumbas ng
salitang canvass para sa kanila ay pagtabulate o pagsusuma.”

Mali ba na binigyan ng bagong kahulugan ng mga Pilipino ang ilang salita ng wikang ingles?
Hindi. Dahil ang wika ay dinamiko at patuloy itong nagiging makabuluhan hangga’t ginagamit ng tao. Kaya sa
tingin ko mali ang Xerox nang ito’y magreklamo kung bakit xerox ang ginagamit na salita ng mga Pilipino
imbes na photocopy. Ang Xerox na pangalan ng isang kumpanya ay naging xerox na tumutukoy sa photocopy
dahil sa malawak na pagangkin ng salita ng komunidad. Hindi dapat magalit ang Xerox, dapat pa nga itong
matuwa.
Isa pang katangian ng wika ng halalan ay ang karaniwang paggamit ng acronym. Nagiging mas mabilis ang
usapan kapag may gamit na acronym. Minsan nakakabuti rin ito sa seguridad ng mga kandidato o partido.
Para sa media, nakakatipid ito ng espasyo o air time.
Imbes na Operation Dikit (ng mga poster), OD na lang ang ginagamit. Bukal para sa
Provincial Board Member. ACOR ay area coordinator samantalang BACOR para sa Barangay Coordinator.
Acronym din ang gamit para sa pangalan ng mga kandidato o pulitiko o partido: PGMA, FVR, LAKAS-NUCD,
FM, JPE, NPC.
Lumalabas din ang ugaling mapagpatawa ng mga Pilipino sa wika ng halalan. Ang Partido Lakas Kampi ay
naging PALAKA. Trapo (basahan) ang tawag sa tradisyunal na pulitiko. Ang kontrobersiyal na recording sa
pagitan ng isang taga-Comelec at kandidato ay binansagang Hello Garci scandal noong 2005. Naging ringtone
pa nga ito. Nagagamit ang text jokes para batikusin ang mga kilalang personalidad. Nagpapatawa pero nag-
iiwan din ng kirot o pitik ang wika ng halalan. Hindi ba, Ben’s Burjer?

Proseso
Ngayong taon unang beses magkakaroon ng AES o Automated Election System sa buong bansa. Smartmatic
ang partner ng Comelec kaya ang biro Commission on Smartmatic na ang bagong pangalan ng Comelec o
Cosmetic. Hindi pa nasusubukan sa bansa ang PCOS o Precint Count Optical Scan, ang makinang gagamitin
sa halalan kaya marami ang nangangamba kung magtatagumpay ba ang poll automation. Tapos ayaw pang
ilabas sa publiko ang source code na gagamitin sa halalan. Baka ang Hello Garci ay maging Cyber Garci.
Baka ang dagdag-bawas ay maging Automated Cheating.
Hindi na isusulat ang pangalan ng kandidato kundi lalagyan na lang ng shade ang oval sa gilid ng pangalan ng
kandidato. Pero mas pinasikat ng Sexbomb ang paalalang lagyan ng shade ang bilog na hugis itlog. Kaya may
mga pilyong kandidato na kung mangampanya ay sinasabing “bilugan ang itlog ni ___________”
Umaasa ang marami na mababawasan ang dayaan dahil hi-tech na ang pagboto. Tapos na ba ang career ng
mga lansadera – ang pagsusulat sa balota ng ibang botante. Hindi na ba makakalipad ang mga flying voter?
Pero buhay na buhay pa rin ang mga zombie voter. Tiyak tuloy pa rin ang vote buying. May tinatawag na
technical vote buying: ang pag-upa ng sobra-sobrang bilang ng mga pollwatcher para makuha ang boto ng
pamilya ng pollwatcher.
Sino ang mas kapani-paniwala: SWS o Pulse Asia? Patuloy na nag-aaway ang Namfrel at PPCRV; buti na
lang matatag ang Kontra Daya. At mahigpit ang pagbabantay ng Cenpeg.

Kampanya
Kapag may OD, dapat banig o dikit-dikit ang mga poster. May isang pulitiko ang tawag niya sa postering ay
plastering. Uso ngayon ang mga tarpaulin. Mag-ingat sa operasyon baklas ng MMDA, Comelec, at ng mga
katunggaling kandidato.
MPT o rekorida ang pag-iikot ng sasakyan na may malakas na sound system para sa pagtugtog ng
(plagiarized) jingle ng kandidato. Mahalaga ang motorcade para maabot ang maraming botante. Mainam din
ang tricycle caravan o padyak. Pinakamabisang paraan ng pangangampanya ang House-to-House kasi may
pagkakataong makausap at makumbinsi ang mga botante. Dapat maraming volunteers para sa leafleteering at
gift-giving.
Kapag nag-uusap ang kandidato kasama ang kanyang campaign team, natatalakay ang candidate awareness,
vote conversion, single voting, bloc voting, flock voting (lalo na ang boto ng Iglesia), solid votes, at nego votes
(negotiated votes). May administration vote, opposition vote, protest vote, at sympathy vote. Ang single voting
ay katumbas yan ng junking. Nakukumpirma ang junking kapag lumabas na ang sample ballot ng mga partido.
Kadalasan lumalaro ang mga kandidato: nakikipag-usap kahit sa mga kalabang partido. Kadalasan din hindi
nag-eendorso ang kandidato para maging free zone ang lugar at hindi siya pag-initan ng mga bigating pulitiko.
May dirty tricks department ang mga partido. Dito niluluto ang black prop na gagamitin laban sa kalaban.
Bahagi nito ang guns, goons, gold. Marami kasing pulitiko, lalo na sa probinsiya, ang may sariling private
army. Mga warlord, landlord, druglord at jueteng lord na mahilig manindak ng botante. Mag-ingat sa
pagtanggap ng pekeng pera, nagkalat yan ngayong halalan.

Hindi naluluma o nawawala sa uso ang Miting de Avanse. Pagkakataon ito upang magpakita ng lakas at gilas
ang kandidato at partido. Napapatibay din ang loob ng mga taga-suporta.

Kandidato
Huwag maliitin ang mga islogan. Kahit minsan corny, may epekto ito sa pag-iisip ng mga botante. Hindi tanga
ang mga kandidato. May balak silang likhaing opinyon o emosyon sa publiko.
Noong 1993 ang islogan ni Bill Clinto ay “It’s the economy, stupid!” Naging epektibo ito upang isipin ng tao na
ekonomiya ang isyu na dapat pag-usapan sa halalan at hindi gera sa Iraq. Nanalo si Clinton. Epektibo rin ang
“Erap para sa Mahirap” na ginamit ni Estrada noong 1998. Ramdam noon ang hagupit ng 1997 Asian Financial
Crisis.
Ngayong patuloy na sumisirit ang ekonomiya dulot ng 2008 Global Financial Crisis, magiging matagumpay pa
rin kaya ang “Erap para sa Mahirap” o mas matunog ba ang “Tatapusin ang kahirapan” ni Villar, o “Kung
walang corrupt, walang mahirap” ni Noynoy, o
“Mabilis na pag-ahon” ni Gibo?
Dahil tumatakbo rin sa pambansang lebel ang mga senatoriable, susi rin sa kanilang tagumpay ang
matalinong pagpili ng islogan. “Kapag bad ka, lagot ka” ni Joker. “Huwag matakot, stop kurakot” ni Lacson.
“Ang gara ng buhay” ni Angara. Ngayon ang sabi ni Enrile, “Gusto ko happy ka” – wasto ito para makalimutan
ng tao na siya ay 86 taong gulang na.
Para sa name recall, mahalaga ang tagline. Amigo ng bayan si Zubiri. Tol si Mike Defensor. Pro-Pinoy si
Pichay. Justice Man si Bello. Mr. Palengke si Mar. Korekto si Recto. Captain
Barbell si Bong Revilla noong 2004 ngayon siya ay Panday. Anak ng Masa si Jinggoy. Dirty Harry si Lim.
Magdalo si Trillanes. Gabriela ng bagong panahon si Liza Maza. Transformers si Gordon at Bayani.
Nang tinanong si Budget Secretary Rolando Andaya kung bakit ayaw niyang tumakbong senador, ang sabi
niya ay wala naman siyang sikat na apelyido tulad ng Recto, Osmeña, Legarda, Roxas o Macapagal. Tama
siya. Noong unang tumakbong senador si Ramon
Revilla Sr., hindi Revilla ang ginamit niyang apelyido kundi Bautista. Natalo siya. Mula noon, pinalitan niya na
ang kanyang apelyido. Eto siguro ang dahilan kung bakit posibleng manalo ang mga kandidatong may kilalang
apelyido tulad ng Pimentel, Biazon, Mitra, Lozada, Roco, Guingona, De Venecia, at Lacson.
Sa lokal na halalan, ramdam na ramdam ang sobra-sobrang pagmamahal ng mga kandidato sa kanilang
pangalan. Bawat pampublikong programa o serbisyo ay may katumbas na inisyal batay sa pangalan ng
kandidato. Pilit na tinutugma ang lahat ng greeting materials sa pangalan ng pulitiko. Halimbawa, SB sa
Quezon City, LIM at Atin Siya sa Maynila, BF sa Marikina. Kakaiba si Mayor Rekom ng Caloocan dahil ang
kanyang logo ay smiley na may bigote.
Dahil sa poll automation, hindi lang apelyido ang nakalagay sa mga poster. Mahalaga ngayon ang mga
numero. Halimbawa, si Satur Ocampo ay number 37 sa balota at number 152 naman ang Kabataan Partylist.
Ang sistemang partylist, nakakalungkot mang isipin, ay labanan sa pagiging una sa balota. Kaya imbes na
pagandahan ng plataporma, nagiging pagandahan ng pangalan. Kaya karamihan ng partylist, nagsisimula ang
kanilang pangalan sa 1 o A.

Wika at halalan
Ano ang silbi ng wika sa halalan? Pwede itong magbuklod sa komunidad (“Tama na, Sobra na, Palitan na”
noong 1986). Pwede itong magtakda ng pambansang adyenda (People Power Coalition laban sa Puwersa ng
Masa noong 2001). Pwede itong mangalap ng boto
(Boses ng Masa ni Kabayan Noli). Pwede itong magamit sa negatibong pangangampanya (Villaroyo,
Arroyoquino, C5 at tiyaga, Mama at Papa). At kadalasan, pwedeng magamit upang linlangin ang publiko. Sa
halalan at sa pulitika, ang katotohanan at kasinungalingan ay mahirap pag-ibahin.
Ang wika ng halalan ay pulitikal. Mula pagpaparehistro hanggang pagboto, pulitikal agad ang bisa ng mga
salitang may kinalaman sa halalan. Dahil ito’y pulitikal, lagi itong may paganib sa isang puwersa, pabor man o
hindi sa dominanteng partido o uri sa bansa.
Dapat gamitin ang wika upang patingkarin ang pag-asam ng taong bayan sa tunay na pagbabago. Kaso mas
madalas, ginagamit ng mga reaksiyunaryo ang wika para sa kanilang pansariling interes. Kahit ang radikal na
konsepto ng pagbabago ay nauuwi lamang sa pagbabago ng lider tuwing halalan. Dapat hamunin ang
dominasyon ng mga malalaking partido at makapangyarihang mga pulitiko sa pagtakda ng mga salitang
gagamitin sa halalan. Dapat lagyan ng progresibong nilalaman ang mga palamuting salita na ginagamit sa
halalan.
Hindi pangarap. Hindi simpleng panata. Hindi nostalgia. Hindi TV soundbytes. Pagbabago.
Pag-asa. Pakikibaka. Rebolusyon. Makabayan. Makamasa.

C.5 WINIKA NA NATIN ANG DAANG MATUWID


ni Virgilio S. Almario
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan Di makararating sa paroroonan.
ANG IBIG KONG SABIHIN, ang daang matuwid ay matagal nang nakapalaman sa ating wika. Isa itong
katutubong hálagáhan (value) para sa marangal na búhay ng ating mga ninuno, isang dakilang pamantayang
nararapat sundin saanman at kailanman tungo sa wastong pakikipagkapuwa-tao, isang banal na tuntuning
kailangang tupdin upang hindi “maligaw ng landas.” Isang napakahirap itong tungkulin, kayâ itinatanim na
noon sa kalooban ng kabataan ang mga salawikaing tulad ng sumusunod:

Isang daang masikip


Iyang daang matuwid At tigib sa panganib.

Na siyá ring buod ng kasabihang Sebwano na: “Ang masigpit nga dalan maoy dalan nga matarong.” Ang
mahigpit na daan ay daang matuwid. O marahil, ang higit na angkop na diwa kung isasalin ay: Ang
pinakamahigpit na daan ay ang daang matuwid.
“Pinakamahigpit,” sapagkat dito nasusukat ang buong pagkatao ng isang tao. Unang-una, dito
nasusubok ang antas ng kaniyang baít—ang taal na kakayahan niyang malimi kung alin ang tama at kung alin
ang mali. Kung iisipin, ang daang matuwid ay laging nangangahulugan ng tumpak na pasiya. Ang pagpilì kung
alin ang tunay na daang matuwid o kung alin ang daang liko-liko; ang pagpilì kung alin ang daan ng kalinisan o
kung alin ang daan ng kasinungalingan; sa kabilâng dako, para sa mga oportunista, kung alin ang landas ng
korupsiyon na dapat piliin o kung alin ang landas na legal at dapat iwasan; para sa mga politiko, kung alin ang
paraan ng tunay na paglilingkod bayan at dapat layuan o ang paraan para linlangin ang bayan at dapat piliin.
Ngunit tulad ng anumang sinaunang hálagáhan, nagdaan ito sa mahabàng kasaysayan ng Filipinas,
lalo na sa panahon ng mga pananakop, at kayâ dumanas ng mga nagbabagong pananaw. Pinakamalaking
impluwensiya sa pagbago sa oryentasyon ng daang matuwid ang 300 taón ng kolonyalismong Espanyol.
Sa isang bandá, sa bisà ng relihiyong Kristiyano, nanatili ang simbolo ng daang matuwid bilang “landas na
matinik” ngunit naging pagsubok ito upang makaakyat sa Langit. Naging kasabihan ng mga Ilokano ang “Ti
sumina iti dalan ti kinapudno maiturong ti dana ni sipnget.” Sinumang lumihis sa daan ng kawastuan ay
maglalakad sa kadiliman. Isang kasabihan ito na hindi nalalayô sa katutubong pagdalumat sa daang matuwid
bilang “daan ng kawastuan.” Ngunit ang pagbanggit ngayon sa “kadiliman” ay may nakatimo nang
pagpapakilala sa Kristiyanong kawastuan bilang “liwanag” at sa “dilim” bilang kalagayan ng di-Kristiyano at
hindi sibilisado.
Sa kabilâng bandá, sa ilalim ng bighani ng makabagong sibilisasyong Europeo na dulot ng
kolonyalismo, napaukol ang daang matuwid sa paghahanap at paglasap ng materyalistang kaginhawahan.
Nagbago ang katutubong konsepto ng ginhawa—na isang minimithing pilosopiko at sikolohikong antas ng
pagtaas ng pagkatao dahil sa wastong pakikipagkapuwa-tao at kagandahang-loob—at naging isang
pagtatamasa sa yaman at layaw ng katawan. May salawikain hanggang ngayon ang mga Bikolano na:

Mayong pasil na dalan Pasiring sa kaginhawahan.

Walang madalîng daan tungo sa kaginhawahan. Ang “pasil” ay malinaw na bahid ng wikang Espanyol at mula
sa facil na nangangahulugang madalî o hindi mahirap. Ngunit maituturing din itong palatandaan hinggil sa
nagbagong pamantayan ukol sa ginhawa sa ilalim ng kolonyalismo. Ang ibig kong sabihin, ang tinutukoy na
“kaginhawahan” ngayon ay higit na ukol sa prosperidad o kariwasaan—paghahanap ng layaw at pagkakamal
ng salapi, malaking bahay, mamahaling kasangkapan, malawak na lupain, at lahat ng serbisyo.
Malinaw na nagtutunggali ang “daang matinik” ng Kristiyanismo at ang “daan sa kaginhawahan” ng
sibilisasyong Europeo. Ngunit sinikap itong pagtugmain sa Filipinas sa ilalim ng kolonyalismo at edukasyong
Espanyol. Nagbunga ito ng isang kamalayang Filipino na kung hindi nalilito ay lubhang alipin ng kaisipang
Kanluranin noon at hanggang ngayon, isang kaisipang nasasamantala hanggang ngayon ng mariwasa at
makapangyarihan.
Ang daang matuwid bilang landas tungo sa kalayaan ang sinikap namang ipaunawa ng Kilusang
Propaganda at ng Katipunan. Nagsimula ito sa mapagpalayang pagkukuro ni Balagtas sa Florante at Laura
nang ihibik niya ang laganap na paghahari ng kasamaan sa
“loob at labas ng bayan kong sawi.” Wika pa niya:

Kaliluha’t samâ ang ulo’y nagtayô At ang kabaita’y kimi’t nakayuko.


Santong katuwira’y lugami at hapô Ang luha na lamang ang pinatutulo.
Naglaho aniya ang bait dahil naghari ang kaliluhan. Sa gayon, ang “santong katuwiran,” ang pag-iisip na
nagagabayan ng daang matuwid, ay nakayukayok sa isang sulok at lumuluha.
Ang naturang mabagsik na paglitis ni Balagtas laban sa tiwaling kaayusang dulot ng kolonyalismo ang
sinundan ng panahon ng himagsik nina Rizal, Plaridel, at Bonifacio. Ipinilit ng naturang mga bayani ang
pagbalik sa daang matuwid. Napakasigasig ng ideolohiyang Katipunero sa naturang lunggati. Para kay
Bonifacio, ang daang natuwid ay pag-iingat ng puri’t dangal ng mga Filipino, na nawala o nalugmok dahil sa
panlulupig, at kailangang bawiin sa pamamagitan ng himagsikan. Wika niya:

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?


Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?
Higit kailanman, sa Himagsikang 1896 naidiin ang halaga ng sakripisyo ngayon at dito para sa daang matuwid.
Hindi lamang penitensiya ang kailangan. Hindi lamang pag-aabuloy ng pera para sa kawanggawa. Kailangang
maigpawan ang mga personal na kahinaan. Kailangan ang kahit paghahandog ng búhay upang makamit ang
kalayaan at upang makapanunton ang lahat sa daang matuwid. May katulad na hámon ang panawagan sa
kasalukuyan hinggil sa pambansang pagtutulungan tungo sa daang matuwid. Nangangailangan ng katulad na
antas ng sakripisyo at pakikisangkot ang panawagan ngayon sapagkat higit na masalimuot at mapanlinlang
ang kultura ng korupsiyong umiiral sa utak ng kasalukuyang lipunang Filipino. Dahil naman sa mabibigat na
suliranin ng bansa, lalo na ang problema ng malaganap na kahirapan at kamangmangan, ay mahalaga kahit
ang pasiya ng bawat Filipino kung paano siyá maaaring makilahok tungo sa pagbabagong inilalatag ng daang
matuwid. Uyam nga ng isang salawikaing Ilokano:
Nataltalged ti dalan
A kanayon a pagpagnaan.
Ang gasgas na daan/ ang pinakamagaan. Ang ibig sabihin, bakit kailangan nating makisunod-sunod
lamang sa gasgas nang daan at dinaaanan ng marami? Higit nating kailangan ang isipang malikhain at mahilig
makipagsapalaran. Higit nating kailangan ang isipang naghahanap ng bagong daan o magsisikap humawan
ng bagong daan tungo sa kaunlaran.
Tulad ng sabi ko sa unahan, winika na para sa atin ng ating mga ninuno ang dapat nating hanaping daang
matuwid. Matututuhan sana natin ang kanilang tumpak na halimbaw.

You might also like