Si Damian ay isang binatilyo na miyembro ng isang tribong Aeta. Sa Sitio
Mabalang, siya lamang ang tanging mag-aaral na nakatuntong sa kolehiyo. Pangarap niya na maging isang guro. Si Damian ay isang mahusay na mag-aaral, natapos niya ang elementarya at sekondarya ng may mataas na karangalan. Sa unang taon ng kolehiyo ay walang nagbago, siya ay nangunguna parin sa klase, ngunit nag-iba ang lahat sa pagsapit ng ikalawang taon; nagkaroon ng pandemya at nagbago ang takbo ng pamumuhay ng bawat isa. “Inay, ayon sa aming guro ay hindi daw po muna kami tutungo sa paaralan upang pumasok. Sa pamamagitan daw po ng telepono o kompyuter ipapadala ang aming mga aralin. Paano po kaya ako? Wala naman pong mahusay na signal ditto sa ating sitio at wala rin po tayong internet,” nag-aalalang wika ni Damian. “Naku anak, problema nga iyan. Huwag kang mag-alala, magdodoble kayod kami ng iyong ama upang makabili ka ng bagong telepono na iyong magagamit at magkaroon tayo ng kung ano man iyang internet na sinasabi mo,” sambit ni Flor, ina ni Damian. Dumaan ang ilang linggo at nahihirapan na si Damian sa bagong pamamaraan ng pagkaklase. Paputol-putol ang kaniyang naririnig sa klase dahil mahina ang signal at madalas din namamatay ang kaniyang teleponong ginagamit sapagkat ito ay luma na. Napapadalas din ang pagliban niya ng klase dahil malimit na walang kuryente sa kanilang sitio. Isang araw, dumating si Flor mula sa trabaho galling bayan. Agad itong sinalubong ni Damian sa pag-asang sumahod na ang kaniyang ina upang ito ay makabili ng bagong telepono. “Anak, kumusta ang pag-aaral? Nahihirapan ka ba? Sana ay ayos ka lamang,” ika ni Flor “Medyo nahihirapan po ako inay, madalas po akong nahuhuli sa aming mga aralin. Siya nga po pala, sumahod na po ba kayo? Parati na po kasing namamatay ang aking lumang telepono,” tanong ni Damian. “Pasensya ka na anak, natagkal kami ng iyong ama sa trabaho, nagbabawas ng mga emplayado ang aming pinagtatrabahuhang kumpanya. Pero wag kang mangamba, naiwan sa bayan ang iyong ama upang maghanap ng trabaho,” nanlulumong sagot ni Flor. “Ayos lang po iyon inay, marami pa pong paraan para makahabol ako sa aming mga aralin,” sabi ni Damian. Isang araw, habang nangangahoy sa mataas na bahagi ng burol sa kanilang sitio si Damian, napansin niya sa kaniyang telepono na malakas ang signal doon. Simula ng araw na iyon, umaakyat palagi ng burol si Damian upang hindi maantala ang kaniyang pagkaklase. Umulan man o umaraw, hindi siya lumiliban sa pag-akyat ng burol upang hindi siya mahuli sa kanilang mga aralin. “Damian! Damian! Nasaan ka ba? Kakain na tayo,” sigaw ni Flor na naghahanap kay Damian. “Naku Aleng Flor, naroon sa burol si Damian nagkaklase. Nadaanan namin siya kanina pauwi galing sa pangangahoy,” wika ng kanilang kapit-bahay. “Ah, ganun ba. Sige, maraming salamat,” sagot ni Flor. “Hanga ako sa pinapakitang determinasyon ng aking anak, nawa’y matupad niya ang kaniyang munting pangarap,” bulong ni Flor sa kaniyang sarili. Lumipas ang panahon at parehas paring walang trabaho ang mga magulang ni Damian. Umabot na sa puntong naputulan sila ng kuryente dahil hindi sila nakapagbayad. Ang kawalan ng kuryente na ito ay isa nanamang dagdag sa mga balakit na kinakaharap ni Damian sa kaniyang pag-aaral. “Anak, pagpasensyahan mo na kami ng iyong ama. Hindi pa rin kami nakakakuha ng trabaho hanggang ngayon. Walang nais tumanggap sa amin dahil ayon sa kanila ay hindi raw pinapayagan ng pamahalaan ang mga establisyemento na magkaroon ng maraming trabahador. Patawad kung nahihirapan ka na,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Flor. “Naiintindihan ko po inay, huwag niyo pong sisihin ang inyong sarili, wala pong may gusto sa nangyayari. Hayaan niyo po at tutulong po ako sa pagtatrabaho,” ika ni Damian. Kinabukasan ay agad na naghanap ng trabaho si Damian. Natanggap siya bilang tagalinis ng bahay ng isa sa mga may kayang pamilya sa kanilang sitio. Hindi niya ininda ang hirap na dala ng sabay na pagtatrabaho at online class. Sa kabila ng lahat ng ito, nagawa paring matapos ni Damian ang isang taon ng online class ng may karangalan. Sa sumunod na taon ay walang pa ring pagbabago, hindi pa rin bumabalik sa normal ang estado ng kanilang pamumuhay, maging ang paraan ng pag-aaral. “Anak, lubos ka nang namamayat, paano kaya kung tumigil ka muna sa pag- aaral? Saka ka nalang tumuloy kapag bumalik na sa dati ang lahat. Ayaw kong nakikita kang nahihirapan,” malungkot na aniya ni Flor. “Inay, kung titigil ako ngayon, saan mapupunta ang lahat ng sakripisyong ginawa ko at ninyo ni itay? Mahirap po, ngunit kailangan kong tiisin ito dahil may pangarap ako at gusto kong makaahon tayo mula sa hirap ng buhay,” naluluhang ika ni Damian Gaya nang sinabi ni Damian, hindi sya sumuko. May mga panahong nakikituloy siya sa kanilang kapit-bahay na may kuryente upang tapusin ang kaniyang mga gawain sa paaralan. Hindi rin siya tumigil sa pagtatrabaho dahil dito lamang sya kumukuha ng pang load na syang ginagamit niya sa online class. Isang araw, kinailangan ni Damian na pumunta sa kaniyang paaralan sa bayan upang magpasa ng mga papeles. Maaari naman niyang ipasa ang mga papeles online ngunit naubusan na siya ng load at wala na siyang natitirang pera upang mag load muli. Sa kasamaang palad, umulan ng malakas sa nasabing araw. “Inay, itay, aalis na po ako,” paalam ni Damian sa kaniyang mga magulang. “Anak, huwag ka na kayang tumuloy, napaka lakas ng ulan, madulas ang daan at maaring may mga nagliliparang sanga ng puno. Baka mapahamak ka,” wika ni Flor. “Inay, huwag kayong mag-alala, babalik akong ligtas. Mabilis lang po ako,” sagot ni Damian. Nagtungo nga si Damian sa paaralan sa kabila ng panganib na dala ng malakas na ulan. Pagbalik niya sa kanilang bahay, siya ay basang-basa at mukang pagod na pagod dahil sa layo ng distansya na kaniyang nilakad. Pagbukas niya ng pinto ng kanilang tahanan ay bumungad sa kaniya ang kaniyaang inang luhaan “Anak, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. Tanggapin na natin ang ating kapalaran,” samo ni Flor “Inay, hindi po ako sumusuko sa aking pangarap hindi lamang po para sa akin, o para sa inyo ni itay, kundi para sa buong tribo. Wala pa sa ating tribo ang nakapagtatapos ng pag-aaral. Kulang sa edukasyon ang mga bata at nais ko na matulungan sila. Sa mga panahon na nahihirapan ako, binabalikan ko ang dahilan sa likod ng aking pangarap, at ito ang nagtutulak sa akin na magpatuloy. Ang tagumpay ko po ay tagumpay nating lahat. Magtiwala kayo inay, makakaya ko ito,” wika ni Damian Agad na niyakap ni Flor ang kaniyang anak sapagkat naantig ang kaniyang damdamin sa sinabi nito. Napalitan ng pag-asa ang lungkot na kaniyang nararamdaman. Lumipas ang panahon at nagawa nga ni Damian na magtagumpay at makapagtapos ng pag-aaral. Nakapagpatayo siya ng maayos na tirahan para sa kaniyang pamilya at guminhawa ang kanilang buhay. At higit sa lahat, si Damian ay isa nang guro ng mga batang Aeta sa kanilang tribo. “Inay, tingnan niyo po, malayo na ang ating narating. Kung sumuko po ako noon, walang guro ang magtuturo sa mga batang Aeta at marahil ay hindi din po tayo makakaahon sa hirap,” sambit ni Damian. “Oo nga anak, salamat at hindi ka sumuko. Patawad kung hindi ka namin nagawang suportahan sa aspetong pananalapi ng iyong itay,” wika ni Flor “Ayos lang po iyon inay, wala kayong dapat ihingi ng tawad. Ang mahalaga ay nagawa na nating lagpasan ang pagsubok na iyon at pipilitin kong hindi natin ito muling danasin pa,” sagot ni Damian Si Damian ay hinangaan at nagsilbing inspirasyon sa buong tribo. Napatunayan niyang kayang tuparin ang isang pangarap sa kabila ng mga pagsubok kung ikaw ay determinado at buo ang iyong loob.