You are on page 1of 2

Arvin Gae D.

Calunsag Mga Pagdulog at Teorya ng Panitikan

MALT-Filipino

*Mga Pananalig/Teoryang Pampanitikan*

Romantisismo

Sumibol ang Romantisismo noong bahagi ng siglo 1800 at pagpasok ng siglo 1900.
Ibinabandila ng Romantisismo ang indibidwalismo kaysa kolektibismo, ang rebolusyon
kaysa konserbatismo, ang inobasyon kaysa tradisyon, imahinasyon kaysa katwiran at likas
kaysa pagpipigil. Dahil dito, itinuturing ang Romantisismo bilang isang pagtatakwil sa
pagpapahalagang Klasismo tulad ng kaayusan, kapayapaan, pag-uugnay, ideya at
rasyunal.
Ilan pang katangian ng Romantisismo ay ang malalim na pagpapahalaga ng
kagandahan ng kalikasan; ng pagpapalutang ng damdamin kaysa isipan; ng pagkaabala sa
mga henyo, bayani at pambihirang katauhan, ng pagkahirati sa internal na tunggalian, at
ng mahiwaga at kababalaghan.
Ang terminong romantiko (maromantiko) ay unang lumitaw noong ika-18 siglo na
ang ibig sabihin ay nahahawig sa malapantasyang katangian ng midyebal na romansa.
Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na
pilosopong si Jean Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johan Wolfgang Van
Goethe.
Tumagal mula 1750 hanggang 1870 ang Romantisismong kilusan sa literatura sa
halos lahat ng bansa: Europa, Estados Unidos at Latin Amerika. Makikita sa panitikan ng
panahon ng pagkahilig nito sa imahinasyon at sabdyektib na pamamaraan, kalayaan sa
pagpapahayag at kalikasan.
Ang literaturang ito ay nagbibigay-diin sa pleksibilidad ng nilalaman, nanghihikayat
sa pagbubuo ng kumplikado at mabilis na pangyayari sa mga kwento at pinapayagan ang
pagsasanib ng iba't ibang uri at paksa (halimbawa: trahedya at komedya, kapangitan at
inspirasyunal) at malayang estilo.
Masasabing may dalawang uri ang romantisismo: ang tradisyunal at ang
rebolusyunaryo. Ang tradisyunal na romantisismo ay humihilig sa makasaysayan at
pagpapanatili o pagbabalik sa mga katutubo at tradisyunal na pagpapahalaga tulad ng
nasyunalismo, pagkamaginoo at pagka-Kristyano.
Ang rebolusyunaryong romantisismo naman ay bumabaling sa pagtatatag ng bagong
kultura na may pagpupumiglas, kapusukan at pagkamakasarili.
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga akdang pumapaksa ng diwang
Romantisismo:
 Pagtatapat ni Lope K. Santos
 Pakikidigma ni Jose Corazon de Jesus
 Ang Ulap ni Ildefonso Santos
Moralistiko
Itinuturing na ang mga akdang pampanitikan ay may layuning magbigay-aral sa mga
mambabasa. Masasabing ang pagdulog na ito ay ekstensyon ng pagdulog-humanismo dahil
sa pagbibigay-halaga ng mga humanista sa pagpapanatili ng integridad at dignidad ng tao
bilang nilalang na may isip. Isa sa mga impluwensyal na kritiko na nagbigay ng malaking
pagpapahalaga sa pagdulog-moralistiko ay si Horace. Ayon sa kanya, may dalawang bagay
na naibibigay ang tula (akda) – ang dulce o ang aliw at kaligayahang naipadarama ng akda;
at utile o ang aral at kaalamang naibibigay ng akda. Masasabi, kung gayon, na
pangunahing tungkuling dapat gampanan ng mga manunulat sa pagdulog-moralistiko ay
ang magbigay-aliw, magsilbing guro at tagapangaral sa kanyang lipunan.
Dito ang tao ay makatwiran, nilikha na may malawak na pag-iisip at kusang-loob.
Gagabay sa atin kung ano ang mabuti, tumpak at katwiran batay sa batas ng Diyos at tao.
Ito’y nakatuon sa bisa ng panitikan sa kaasalan, isipan at damdamin ng tao.
Ipinalalagay ng mga tagapagtaguyod nito na ang manunulat ay isang nilalang na
balon ng maraming kaalaman. Ginagamit ng manunulat ang kanyang akda bilang
instrumentong maaaring paghanguan ng mga aral na gagabay sa pang-araw-araw na
buhay at sa pagdedesisyon ng kanyang mambabasa. Kung gayon, maaari niyang dalhin
ang kanyang mambabasa sa mabuti o masamang landas.
Sa panahon ng katutubo, maituturing na mga akdang moralistiko ang mga
salawikain, kasabihan, pabula, ilang alamat at iba pang mga kwentong bayan. Sa panahon
ng Kastila, naglitawan ang mga akdang tungkol sa buhay ng mga santo’t santa.
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga akdang pumapaksa ng diwang
Moralistiko:
 Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto
 Ibig kong Makita ni Benigno Ramos
 Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal
 Florante at Laura ni Francisco Balagtas

Sanggunian:

Villafuerte, Patrocinio at Rolando A. Bernales.  2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya
at Praktika.  Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.
http://siningngfilipino.blogspot.com/2013/06/romantisismo.html
https://www.slideshare.net/FloredithAnnTan/filipino-presentation-26988415
http://www.answers.com/Q/What_is_teoryang_moralistikohttp://tl.answers.com/Q/Ano_
ang_ibig_sabihin_ng_pagdulog_na_moralistiko
http://rosiefilipino10.weebly.com/teorya_ng_pampanitikan.html
http://www.facebook.com/panitikangpinoy/post/323596454404778
http://akdaniemiliojacinto.blogspot.com/2008/10/liwanag-at-dilim-ika-2-paksa.html

You might also like