You are on page 1of 42

Saliksik E-Journal

Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Artikulo

SI FERDINAND MARCOS, ANG “EKSTRAORDINARYO”:


BIOGRAPIKAL NA PAGLIKHA SA ISANG DIKTADOR
Roderick C. Javar, Ph.D.
Departamento ng Agham Panlipunan
University of the Philippines - Los Baños, Laguna

Abstrak

Mabisang instrumentong pulitikal ang pananalambuhay. Bukod sa bisa nitong tugunan ang
mga postkolonyal na adhikaing pambansa, tumutugon ang mga manipulatibong hakbang sa
paglikha ng mga kahanga-hangang buhay ng mga héroe, lalo’t higit sa mga personal na
interes—partikular sa mga motibong pulitikal—ng malalaki at makapangyarihang
indibidwal sa kasaysayan. Sa maraming pagkakataon, ang mga retokadong talambuhay na
nagtanghal sa mga kahanga-hanga at tila walang kapintasang buhay ng ilan sa mga lider ng
bansa ay tumayong mahahalagang instrumentong pulitikal—hindi lamang upang matamo
ang kapangyarihan, kundi para sa lehitimisasyon ng kanilang panunungkulan at kalauna’y
pagpapalawig ng kanilang mga sarili sa poder. Sa kaso ni Ferdinand Marcos, kinasangkapan
nito ang rebisyunismong biograpikal sa paglikha ng imaheng pulitikal na naghatid sa kanya
sa palasyo ng Malacañang. Gamit ang makinarya ng gobyerno, iniakyat ni Marcos sa mataas
na antas ang pagkasangkapan sa pananalambuhay para sa kanyang mga pithayang
pampulitika mula 1965 hanggang maging pagkaraang maideklara nito ang Batas Militar
noong 1972.

About the only thing in [Marcos’] official biography that


is real is his date of birth—September 1, 1917.
The rest of it is a cleverly woven tale of myth
mixed with a few facts
— Charles McDougald (1987, 3).

15 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

PAMBUNGAD

Bunga ang pagtahak ni Ferdinand Marcos tungo sa pagkapresidente ng Republika ng


Pilipinas at sa pagpapasailalim nito sa buong bansa sa diktadura ng matagal, maingat, at
kalkuladong mga plano. Bahagi ng nakabalangkas na mga planong ito ang sadyang
pagkasangkapan niya sa bisang pulitikal ng pananalambuhay para sa propaganda at
pangangampanya.

Landas Tungo sa Diktadura

Noong Setyembre 21, 1972, nilagdaan ni Marcos ang Presidential Decree (PD) 1081 na
nagpapasailalim sa bansa sa Batas Militar. Ang tiyempo ng deklarasyon ay hindi
sapalaran, biglaan o bunga ng pagkakataon lamang. Nakapaloob ito sa kabuuang
balangkas ng kanyang mga planong pulitikal. Ayon sa inamyendahang probisyon ng
Saligang Batas ng 1935, ang isang Presidente ay may apat na taong termino at
kwalipikadong tumakbo para sa ikalawang termino (Javar 2015, 96-99). Unang umakyat
ng palasyo ng Malacañang si Marcos noong 1965 nang magwagi siya sa halalang
pampanguluhan laban kay Diosdado Macapagal. Nang matapos ang unang termino
noong 1969, muli siyang tumakbo at nagwagi kontra Sergio Osmeña Sr. para sa ikalawang
termino. Ngunit ilang buwan bago tuluyang matapos ang ikalawa at huling termino
noong 1973, kalkuladong idineklara ni Marcos ang Batas Militar nang sa gayo’y mapanatili
ang sarili sa kapangyarihan (Mijares 1976, 427; Javar 2015, 225).

Matagal nang pinangarap ni Marcos na ipasailalim ang bansa sa diktadura. Noong nag-
aaral pa lamang ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang kanyang legal thesis ay
hinggil sa konstitusyunalidad at lohika ng imposisyon ng constitutional
authoritarianism—eupemismo sa diktadura, sa buong bansa (Mijares 1976, 131-132; Javar
2015, 230). “The President himself did repeatedly explain to me that a martial law regime
for the Philippines was virtually a lifetime ambition for him,” pagbabalik-tanaw ni
Primitivo Mijares (1976, 130) nang naglilingkod pa siya sa diktador. Isa sa mga inisyal na
hakbang ni Marcos para rito ang palihim na pagpapadala ng mga pensionado—mga mag-
aaral na pinalabas na mga iskolar ng pamahalaan, sa ibayong dagat upang pag-aralan ang
iba’t ibang “crisis government” (mga bansang nakaranas ng diktadura) sa buong mundo.
Partikular sa kanilang mandato ang pag-aralan ang istruktura ng mga umiral na
awtoritaryanismo sa mga bansang ito upang maging gabay ni Marcos sa pagbalangkas
niya ng sariling bersyon ng diktadura sa Pilipinas (Mijares 1976, 140-141; Javar 2015, 230-
231).

Maging ang landas tungong Malacañang ay nakabalangkas at kalkuladong hinakbang ni


Marcos. “Ihalal ninyo ako bilang kongresista ngayon, ipinangangako kong magkakaroon

16 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

kayo ng isa pang Presidenteng Ilokano sa loob ng dalawampung taon,” pangako niya
habang nangangampanya noong 1948 sa pagkakongresista ng ika-2 distrito ng Ilocos
Norte (Dizon 1976, 241). Hawak ni Marcos ang nasabing posisyon sa loob ng 10 taon.
Pagsapit ng 1959, nahalal siya bilang batambatang miyembro ng Senado. Naluklok siyang
Minority Floor Leader ng Senado noong 1961 at Presidente ng Senado noong 1963 (Spence
1964, 299; Spence 1969, 299; Dizon 1976, 266, 271). Sa taon ding ito—labimpitong taon
pagkaraan ng digmaan, nagsulputan ang mga medalyang natanggap diumano ni Marcos
mula sa ipinamalas nitong “kagitingan” laban sa mga Hapones. Ang mga medalyang ito,
kalauna’y napatunayang huwad at gawa-gawa lamang (McDougald 1987, 97-107; Javar
2015, 190-208; Javar 2016b, 38-48). Sadyang nakadisenyo ang kapuna-punang pagsulputan
ng mga huwad na medalya upang tumayong “katibayang” materyal para sa salaysay ng
diumano’y “kagitingan” ni Marcos sa panahon ng digmaan na noo’y sinusulat ni Hartzell
Spence. Ang komisyunadong talambuhay na ito na pinamagatang For Every Tear a
Victory ay nalathala noong 1964—isang taon bago ang pampanguluhang halalan noong
1965 (Javar 2015, 207-208). Ginamit ito ni Marcos bilang pangampanyang materyal para sa
nasabing halalan.

Hindi siya nabigo sa layuning ito. Ang popularidad at paghanga ng bayan na ibinunga ng
nalikhang heroikong imahen nito mula sa akda ang isa sa mga itinurong dahilan ng
pagkapanalo ni Marcos noong 1965 (McDougald 1987, 118). Hindi kung gayon
nakapagtatakang muli siyang namuhunan sa paglathala ng panibagong edisyon ng akda,
sa bagong pamagat na Marcos of the Philippines: A Biography, noong 1969 nang tumakbo
siya para sa ikalawang termino (Javar 2015, 168; Javar 2016a, 30-34; Javar 2016b, 47).
Lumabas ang ikalawang edisyon anim na buwan bago ang halalang pampanguluhan ng
nasabing taon. Itinampok sa magkasunod na edisyon ang mga naratibong nilikha sa
banghay ng “pambihira, namumukod-tangi, at angat sa ibang” kakayahan ni Marcos.
Itinanghal ang mga salaysay na ito bilang bahagi ng kanyang “nakatadhanang
kadakilaan.” Hinangaan at kinagiliwan ng mga botante ang mga kuwentong ito.

Hindi malinaw kung nakuha o natutunan ni Marcos ang taktika ng manipulasyong


biograpikal mula sa mga sinundang lider-pulitikal ng bansa. Ang tanging tiyak, hindi siya
ang unang lider na kumasangkapan at nakinabang sa ganitong dulog. Una nang
napatunayan ni Manuel Quezon ang bisa nito para sa kanyang mga motibong
pampulitika (Javar 2014, 68-71; Javar 2015, 296-298). Noong 1933, ginamit na ni Quezon
(nasa Gwekoh 1948) ang unang bersyon ng kanyang manipuladong awtobiograpiya upang
idepensa ang sarili laban sa mga paratang ng katiwalian at pagpapayamanan sa poder
(Javar 2015, 296). Naging mabisang instrumento rin ito ng pagpapakilala niya ng kanyang
sarili sa publiko para sa pagtakbo niya sa pagkapresidente ng Komonwelt noong 1935
laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Ang kahanga-hangang kuwento
ng kanyang “pag-angat mula sa kahirapan bunga ng pagsisikap” ay naglapit kay Quezon
sa puso ng mga botanteng Pilipino, lalo na sa mahihirap (Javar 2015, 296).

17 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Mga Tema at Heuristikong Instrumento ng Pag-aaral

Mapanuring ilalahad ng artikulong ito ang biograpikal na paglikha sa imahen ni Marcos


na sadyang kinasangkapan nito para sa kanyang mga planong pulitikal—mula pagtamo
ng kapangyarihan hanggang sa lehitimisasyon at pagpapalawig ng sarili sa poder. Umikot
ang komparatibong paglalahad at pagsusuri sa apat na magkakaugnay na paksa at/o
yugto ng kanyang talambuhay: 1) kapanganakan at panahon ng kabataan at iba pang
detalye hinggil sa kanyang pamilya, 2) edukasyon, 3) mga detalye hinggil sa kaso ng
kanyang ama kay Julio Nalundasan, at 4) ang diumano’y “kagitingan” nito sa panahon ng
digmaan.

Ginamit na mga instrumentong heuristika ng pag-aaral ang mga opisyal at alternatibong


talambuhay ng dating diktador. Ang una’y tumutukoy sa mga akdang nagsulong ng
opisyal na bersyon ng kanyang talambuhay. Kabilang dito ang mga komisyunadong
talambuhay, mga akdang sinulat ng malalapit na kaibigan at mga opisyal ng diktadura, at
mga nalathala bunga ng pondong mula sa gobyerno. Ang kabuuang pananaw, dulog, at
banghay ng mga akdang ito’y ayon sa dikta at nais ni Marcos at ng kanyang pamilya.
Sinulat, nilathala, at pinakalat ang mga akdang ito sa Pilipinas sa panahon ng diktadura.

Pangunahin sa mga opisyal na talambuhay ni Marcos ang komisyunadong akda ni Spence


noong 1964. Tulad ng una nang nabanggit, muli itong nilathala noong 1969. Ang
Amerikanong nobelistang si Spence ay mamamahayag ng United Press at naging patnugot
ng Yank at Stars and Stripes, ang lingguhang pahayagan ng US Army kung kaya’t matunog
ang kanyang pangalan sa Pentagon. Pinili siya ni Marcos dahil dito upang bigyan ng
kinakailangang “kredibilidad” ang akda at nang magkaroon siya ng direktang ugnayan sa
matataas na opisyal ng Estados Unidos sa pamamagitan ni Spence (Hamilton-Paterson
1998, 87; Javar 2015, 168). Bago pa man ang paglathala sa ikalawang edisyon ng akda ni
Spence (1969), ginastusan na ng pamilyang Marcos ang publikasyon ng hiwalay na
komisyunadong akda ni Benjamin Gray noong 1968 bilang paghahanda sa nalalapit na
halalan ng 1969. Pinamagatang Rendezvous with Destiny (Gray 1968), layunin ng hakbang
na gawing “lehitimo” ang mga heroikong salaysay na nauna nang isinalaysay ni Spence
noong 1964 (Javar 2015, 166).

Dalawa pang opisyal na talambuhay ang magkasunod na lumabas noong 1969 na sinulat
para a) “patotohanan” ang mga naunang bersyon ng talambuhay ng Presidente at b) para
gamiting materyal na pangampanya sa parating na halalan. Ito ang taludturang Marcos:
Man of the Hour! na kinatha ng makatang si Alfonso Santos (1969) at ang Ferdinand
Edralin Marcos—akdang nasa wikang Ilokano at sinulat ni Placido Real Jr. (1969; Javar
2015, 176). Si Santos ay isang loyalistang manunulat mula Zambales. Si Real nama’y
kababayang Ilokano ni Marcos at kolumnista ng magasing Bannawag—tanyag na
babasahin sa Ilokos at hilagang Luzon. Siya rin ang sumulat sa Ti Maymaysa ken

18 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Kakaisuna a Ferdinand Marcos (Ang Nag-iisa at Natatanging Ferdinand Marcos) (1968)


(Javar 2015, 176). Bago ideklara ang Batas Militar noong 1972, nilathala naman ang
nagpupuring akdang Hamon sa Kagitingan (Marcos ng Silangan) ni Leticia Gagelonia
(1970). Ang makatang si Gagelonia rin ang sumulat ng Imelda, ang Ulirang Unang
Ginang: Talambuhay ni Gng. Imelda Romualdez Marcos noong 1973, kinomisyong
talambuhay ng Unang Ginang, at Mga Pangulo ng Bansa noong 1976 (Javar 2015, 176).

Pagsapit ng 1974, lumabas ang Ferdinand E. Marcos: An Epic—taludturang talambuhay ni


Marcos na sinulat ni Guillermo “Gimo” de Vega, isa sa pinakamalapit na kaibigan ng
diktador. Siya ang Presidential Assistant ni Marcos sa mahabang panahon (Javar 2015,
176). Kasunod nito ang publikasyon ng Ferdinand E. Marcos: Itinadhana sa Kadakilaan ni
Anacleto Dizon (1976). Nalathala ito sa tulong ni Doña Josefa Edralin-Marcos, ina ni
Ferdinand, at kanyang mga kapatid na sina Pacifico Marcos at Elizabeth Marcos-Keon
(Javar 2015, 166).

Tatlo pang nagpupuring akda ang magkakasunod na nalathala mula 1979 hanggang 1983:
ang The Young Marcos ni Victor Nituda (1979), Marcos: The War Years ni Cesar Mella
(1981), at Valor: World War II Saga of Ferdinand E. Marcos nina Jose Crisol at Uldarico
Baclagon (1983) (Javar 2015, 167, 176, 192). Si Nituda noon ay komisyuner ng Komisyon ng
Imigrasyon ng diktadurang Marcos. Bukod naman sa pagiging direktor ng pelikula at
kolumnista ng Mabuhay at New Record, naglingkod si Mella bilang editorial consultant ni
Gimo de Vega, ang Presidential Assistant ni Marcos (Javar 2015, 167, 176). Samantala, si
Baclagon ay isang kolonel sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at kinilala sa akda bilang
“Philippine military historian” habang si Crisol ay isang dating Central Intelligence Agency
(CIA) secret agent ng mga Amerikano sa Pilipinas sa panahon ng administrasyong
Magsaysay. Sa utos ni Marcos, nilathala ang kanilang aklat sa tangkang gawing lehitimo
ang mga salaysay hinggil sa mga hinuwad na medalya ng diktador (Javar 2015, 192).

Tumutukoy naman ang mga alternatibong talambuhay, sa kabilang dako, sa mga akdang
nagsiwalat at/o nagwasto sa mga detalyeng sadyang binura at/o niretoke ng mga opisyal
na talambuhay. Marami sa mga ito ay nalathala lamang pagkaraan ng 1986 nang
mapatalsik sa Malacañang ang pamilyang Marcos. Marami rin ang sinulat at nilathala sa
labas ng bansa bunga ng mahigpit na kontrol at sensura ng diktadura sa mga balita at
akda sa Pilipinas. Kabilang sa mga alternatibong talambuhay ni Marcos ang Conjugal
Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo “Tibo” Mijares (1976).
Nalathala ito sa San Francisco, Estados Unidos habang nasa eksilo siya pagkaraang
talikuran ang diktadurang Marcos. Ang manunulat at patnugot na si Mijares ay
naglingkod sa Daily Express, pahayagang kontrolado ng diktadura, at naging Presidente
ng National Press Club of the Philippines (NPC). Bunga ng pagiging malapit nito kay
Marcos, ginawa siyang hepe ng Media Advisory Council ng diktadura at tumayong punong
propagandista ng diktador. Marami sa nilalaman ng mapangahas niyang akda ay batay sa

19 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

mga impormasyong aktwal at direktang nalaman nito habang naglilingkod siya kay
Marcos. Nilisan ni Mijares ang bansa noong 1975 at nagkanlong sa Estados Unidos nang
masira ang dating maayos na relasyon nito kay Marcos. Pagsapit ng 1977, dinukot si
Mijares ng mga ahenteng militar sa Amerika. Pinaniniwalaang tinortyur at pinatay siya
ng mga militar. Bahagi ng libo-libong biktimang desaparecido ng diktadura, hindi na siya
muling nakita pa ng kanyang pamilya. Maging ang batang anak nitong si Boyet ay
dinukot, tinortyur, at pinatay rin ng mga salarin (Mijares 2017, pabalat; Javar 2015, 172).
Muling nilimbag ang akda sa Pilipinas ng kanyang mga kaanak noong 1986 at 2017.

Nalathala naman sa Los Angeles, California ang Marcos’ Lovey Dovie ni Hermie Rotea
(1983) habang eksilo siya sa Estados Unidos. Nakatuon ang akda sa mga kontrobersyal na
salaysay ng ekstramarital na relasyon ni Marcos sa Amerikanang aktres na si Dovie
Beams. Pagsisiwalat ni Rotea (1983, 8), napilitan siyang magpalipat-lipat ng lugar habang
sinusulat ang akda sapagkat ilang ulit siyang tinangkang ipadukot ng diktador upang
mapigilan ang paglalathala. Kabi-kabilang intimidasyon at panliligalig din ang naranasan
ni Rotea mula sa diktadura bunga ng nauna nitong akdang Behind the Barricades: I Saw
Them Aim and Fire (1970) na tumalakay sa marahas na pagtugon ni Marcos laban sa mga
mga protesta’t pagkilos ng mga mag-aaral (Rotea 1983, 8). Si Rotea, bago magkanlong sa
iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos, ay mamamahayag sa Pilipinas na dating malayang
nakakapasok sa Malacañang at direktang nakikipag-ugnayan sa matataas na opisyal ng
gobyerno kung kaya’t malalim ang kaalaman sa mga lihim ng diktador. Ang aklat ay batay
sa panayam niya kay Dovie Beams sa Estados Unidos (Javar 2015, 174).

Kabilang din sa mga nagsisiwalat na mga akda hinggil sa buhay ni Marcos ang Marcos
File: Was He a Philippine Hero or Corrupt Tyrant? ni Charles McDougald (1987) na
nalathala sa San Francisco, California pagkaraang mapatalsik sa Malacañang ang
pamilyang Marcos ng Rebolusyong People Power. Ilang ulit itong tinangkang ilathala sa
bansa sa panahon ng diktadura ngunit nabigo bunga ng mahigpit na sensura at
intimidasyon ng gobyerno. Ayon kay McDougald (1987, v), tumulong sa kanya sa
pananaliksik at pagsasabuo ng aklat ang ilang Pilipinong eksilo sa Estados Unidos sa
panahon ng Batas Militar. Siya rin ang sumulat ng Asian Loot: Unearthing the Secrets of
Marcos na nalathala noong 1993 (Javar 2015, 177).

Noong 1998 ay nalathala naman ang America’s Boy: A Century of Colonialism in the
Philippines ni James Hamilton-Paterson. Hindi ito tipikal na talambuhay ngunit malaking
bahagi ng akda ay tumalakay hinggil sa buhay ng dating diktador. Si Hamilton-Paterson
ay isang nobelistang Briton na regular nang nagparoo’t parito sa Pilipinas simula noong
1979. Noong 1994, nilathala niya ang nobelang Ghosts of Manila kung saan inilarawan
nito ang Pilipinas sa konteksto ng kaguluhan sa panahon ng diktadura (Javar 2015, 172).

20 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

PANAHON NG KABATAAN SA SARRAT


AT MGA DETALYE HINGGIL SA KANYANG PAMILYA

Kabilang sa mga biograpikong detalye hinggil kay Marcos na isinailalim sa pagretoke at


manipulasyon ng kanyang mga opisyal na biograpo ang kanyang kabataan at mga detalye
hinggil sa kanyang pamilya. Ang mga detalyeng ito—sa magkakaibang antas at paraan,
ay sadyang nilapatan ng eksaherasyon, sanitisasyon o paglilinis, omisyon o pagbura,
presentistang pagsasalaysay, at pag-imbento ng sari-saring anekdota.

Mga Salaysay ng “Nakatadhanang” Kabataan

Para sa kanyang mga komisyunado at nagpupuring talambuhay, bawat yugto ng buhay ni


Marcos ay bahagi at naaayon sa nakabalangkas na kapalaran nito—isang “tadhanang”
nakalatag na noon pa man para sa kanyang “nakatakdang kadakilaan.” Nakabatay at
umiinog ang kabuuang banghay ng mga akdang ito sa “impluwensya at dikta ng tadhana”
sa buhay ng dating diktador (Javar 2015, 166). Halimbawa, ayon kay Gray (1968, 3),
nagsimula ang lahat sa nakatadhanang pagtatagpo ng kanyang mga magulang. Aniya,
nagmula ang inang si Josefa sa aristokratang pamilyang Edralin ng Sarrat, Ilocos Norte
habang bahagi naman ang kanyang amang si Mariano ng prominenteng angkan ng mga
Marcos sa karatig bayan ng Batac. Batay sa mga opisyal na salaysay, tadhana rin ang
nagbunsod sa maaga at sikretong pag-iisang dibdib nina Josefa at Mariano noong Abril 13,
1916 (Spence 1964, 3, 18; Gray 1968, 6; Spence 1969, 3, 18). Maging ang kapanganakan ni
Ferdinand ay tila nakapaloob sa banal na interbensyon. Ayon sa kuwento, hatinggabi
nang humilab ang tiyan ni Josefa habang bumabagyo ng napakalakas. “Umaangil ang
hangin at parang ibinubuhos na tubig ang ulan,” paglalarawan ni Dizon (1976, 8). Hindi
anila tumigil ang paghilab ng tiyan ng ginang kasabay ng magdamag na pagsusungit ng
panahon (Spence 1964, 18; Gray 1968, 6; Spence 1969, 18; Real 1969, 5; Dizon 1976, 8-9;
Nituda 1979, 53-54). Ang kalagayan ng panahon ay kagyat at mahimalang nagbago nang
sumilang na ang sanggol nang ika-7:00 ng umaga noong Setyembre 11, 1917. “Then the
rain stopped and the winds slept suddenly. A daybreak of calm and serenity reposed in the
once turbulent sky,” salaysay ni Nituda (1979, 54). Kahanga-hanga rin, dagdag ng kanyang
mga biograpo, sapagkat si Mariano lamang ang “mag-isang nagpaanak sa kanyang
maybahay” (Spence 1964, 3, 18; Gray 1968, 6; Spence 1969, 3, 18; Nituda 1979, 54).

Sa mga salaysay nina Gray (1968), Dizon (1976), at Nituda (1979), nakatadhana ring
ipangalan ang sanggol sa malalaking tao sa kasaysayan. Ang una niyang pangala’y
isinunod, paliwanag nina Dizon (1976, 9) at Nituda (1979, 55), sa pangalan ni Haring
Ferdinand ng España at ng kanyang ninong, si Fernando Quiaoit—tiyuhin ng kanyang
ama at Hukom Tagapamayapa ng Batac. Ang “Emmanuel,” sa kabilang dako, dagdag ni
Gray (1968, 6) ay isinunod naman mula sa biblikal na pangalan ng “Hari ng mga Hari.”

21 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Pagkaraan ng tatlong buwan, bininyagan si Ferdinand sa simbahang Aglipayano. Muli


siyang bininyagan—sa pagkakataong ito, sa simbahang Katoliko, pagsapit niya sa edad na
tatlo (Real 1969, 7; Dizon 1976, 11; Nituda 1979, 55). “These dual baptisms, although
unheard of during those fanatical days,” paliwanag ni Nituda (1979, 55) “symbolized a
union of religious faiths, an ecumenical philosophy of the boy’s parents...” Upang patibayin
ang ganitong salaysay, iginiit ni Dizon (1976, 17), na “malimit magsimba si Ferdinand sa
simbahang Katoliko sa Sarrat kasama ng kanyang ina at ang kanyang ama naman ang
kasa-kasama nito sa pangingilin sa simbahang Aglipayano sa Batac.” Gayumpaman, ang
lahat ng ito’y kapansin-pansing presentistang tangka lamang ng kanyang mga opisyal na
biograpo na tugunan sa pamamagitan ng “iwinastong salaysay” ang ilan sa mga
kontrobersyal na yugto sa buhay ni Marcos. Malinaw sa mga tala ng simbahang Katoliko
na hindi nagawaran ng Katolikong binyag si Ferdinand bago ang 1954. Ito ang dahilan
kung bakit kasalang-sibil muna ang naganap sa pagitan nina Ferdinand at Imelda
Romualdez sa La Trinidad, Benguet noong Abril 1954 pagkaraan ng labin-isang araw na
ligawan nila sa Baguio. Binigyan lamang ng Katolikong kasal ang dalawa sa Prokatedral
ng Maynila nang makabalik na sila ng Maynila at pagkaraan ng minadaling binyag-
Katoliko sa noo’y kongresista nang si Marcos (Javar 2015, 254).

Anu’t ano pa man, ayon kay Spence (1964, 3; 1969, 3), maraming matitibay na palatandaan
ang nakatadhanang kapalaran ng batang si Ferdinand. Pangunahin dito ang aniya’y
pagmamadali ng sanggol na gumawa ng mga bagay na hindi pa akma sa kanyang murang
edad. Kabilang sa mga pambihirang pagmamadali ni Ferdinand upang matamo ang
kanyang tadhana, dagdag nina Dizon (1976, 12) at Nituda (1979, 58, 133), ang kahanga-
hangang “pag-inom nito ng gatas mula sa baso sa halip na sa tsupon” noong siya’y 11
buwang gulang pa lamang at ang “hindi na inaalalayan at tuwid nang paglalakad” nang
bata bago pa ito mag-isang taong gulang. Upang ipakita ang namumukod-tangi at
pambihirang kakayahan ni Ferdinand, naghahambing na binigyang-diin ni Nituda (1979,
133) na “[ang nakababatang niyang kapatid na] si Pacifico ay nakapaglakad lamang noong
ito’y isang taon at kalahati na.”

Ang tadhana ni Ferdinand ay batid na ng kanyang “Lola Meren” (Emerenciana Edralin)


noon pa man, ayon kina Dizon (1976) at Nituda (1979). Ayon sa kuwento, minsa’y
lumahok diumano ang kanyang lola sa palarong Game of the Oracle noong pista sa
kanilang bayan. Sa kanyang nabunot ay may nakasulat na: “Ang iyong apo ay magiging
Presidente.” Ang unang pumasok sa kanyang isip ay si Ferdinand (Dizon 1976, 18; Nituda
1979, 45). Tanda rin ng nakatadhanang kadakilaan ng bata, pagpapatuloy ni Nituda
(1979), ang hilig ni Ferdinand na magtampisaw sa tubig sa tuwing katatapos umulan. Ang
relasyon ni Marcos sa tubig, ani Nituda, ay “propetiko.” Paliwanag niya (Nituda 1979, 59-
60), “old folks in the town as well as prophets of antiquity often said that men who love rain
are destined for greatness. For, according to the, rain symbolizes growth, fertility.”

22 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Sa kabuuan, pilit ipinakita ng mga opisyal na salaysay ang “namumukod-tangi at mga


pambihirang kakayahan” ni Marcos at iniugnay ito sa anila’y “nakatadhanang kadakilaan”
nito (Javar 2015, 16). “He was born in the right place, of the best racial stock, and of a
combination of genes well-suited to the job in hand. The timing was a bit off. But the
Ilocanos say that this also may have been predetermined, for none but a youth could have
survived young Marcos’ preparations for leadership” diin ni Spence (1964, 10; 1964, 10). Sa
ganitong banghay ng pagsasalaysay, pinalabas na ang lahat ng mga gawain at tagumpay
ng dating diktador ay aktwal na pagsasakatuparan niya sa kanyang kapalarang
binalangkas at itinakda ng Diyos. Ang kanyang mga opisyal na talambuhay—kung gayo’y
hindi lamang naging salansanan ng mga positibo at kapupuring salaysay, kundi nagbigay-
diin at nagtanghal din sa kanyang pagiging angat at pamumukod-tangi—kabuuang
pananaw at dulog na nagdomina sa mga pahina ng mga talambuhay na ito (Javar 2015,
170).

Mga Detalye Hinggil sa Kanyang mga Magulang at Kapatid

Samantala, kapansin-pansing nawawala sa mga pahina ng mga opisyal na talambuhay ang


ilang kontrobersyal na detalye hinggil sa mga magulang at iba pang kapatid ni Ferdinand.
Pangunahin sa mga detalyeng ito ang hinggil sa diumano’y “tunay na ama” ni Marcos.
Batay sa impormasyon mula sa akda ni Sterling Seagrave (1988), binanggit ni Hamilton-
Paterson (1998, 71-73) ang teorya na hindi si Mariano ang tunay na ama ni Ferdinand
kundi isang Tsinong mag-aaral ng abogasya sa UP na nagngangalang Ferdinand Chua.
Diumano, nang matuklasan ng mga magulang ni Chua na nabuntis nito si Josefa Edralin,
agad siyang pinabalik ng Tsina. Dahil dito, ani Hamilton-Paterson (1998, 72), batay sa
impormasyon ni Seagrave, agad inayos ng pamilyang Edralin ang pakikipag-isang-dibdib
ng nagdadalang-taong si Josefa sa kaklase at kababayan niyang si Mariano Marcos.
Ganito ang salaysay ni Sterling (1988) hinggil dito na sinipi ni Hamilton-Paterson:

If this version is accurate, and the essential details have been confirmed
repeatedly by various independent sources, it would help to explain many
peculiarities and inconsistencies in the official Marcos story. Such as the fact
that Josefa was seven years older than Mariano, the fact that he spent little
time with her and the children over the years, that he mistreated and abused
Ferdinand as a boy, but was affectionate toward her second son Pacifico, and
that Mariano’s career advanced in ways that can only be explained by the
intervention of a powerful but invisible patron. This would also explain why
Ferdinand Marcos seriously considered himself to be a direct descendant of
the Chinese pirate Li Ma-hong. There was no Chinese blood in Mariano’s
family, and only a little in Josefa’s (Hamilton-Paterson 1998, 72-73).

23 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Sa katunayan, pinuna na ni Mijares (1976, 238) ang hindi pagkakahawig ng katangiang


pisikal ni Ferdinand sa itsura ng mga kapatid nito. Sa konteksto ng di-pangkaraniwang
interes ni Mahistrado Jose P. Laurel sa kasong pagpatay ni Marcos, ganito ang puna ni
Mijares (1976) sa di-pagkakahawig ni Ferdinand sa kanyang mga kapatid:

After all, did not young Marcos present features similar to Justice Laurel, in
height, shape of the nose, and eyes? The President had distinctive facial
features, similar to old man Laurel, and yet not found among his sisters,
Elizabeth M. Keon, and Fortuna M. Barba, nor in his brother Pacifico, of half-
brother, Mayor Rubio of Pasuquin (Mijares 1976, 238).

Dalawang bagay ang mahalagang bigyang-diin sa pahayag na ito: 1) ang obserbasyon ni


Mijares (1976) sa di-pagkakahawig ng pisikal na katangian ni Ferdinand sa kanyang mga
kapatid ay maaaring iugnay sa pahayag ni Seagrave (1988), at lumabas na 2) may kapatid
sa labas (half-brother) ang magkakapatid na Marcos sa katauhan ng isang “Mayor Rubio
ng Pasuquin.” Bagama’t hindi malinaw mula sa mga akda kung kanino sa kanilang mga
magulang naging kapatid nina Ferdinand ang alkalde, kapuna-punang binura ang
detalyeng ito sa kanyang mga komisyunado at opisyal na talambuhay (Javar 2015, 174).
Ang akda ni Nituda (1979, 118) ang nagbigay ng kumpletong pangalan ng alkalde—Irineo
Rubio, bagama’t wala itong binanggit hinggil sa kaugnayan ng huli sa pamilyang Marcos.
Hindi ito ang unang pagkakataong may nabanggit ang mga alternatibong talambuhay
hinggil sa mga kapatid sa labas ni Ferdinand. Batay sa hiwalay na mga salaysay ni Rotea
(1983), isa pang lalaki ang kanyang tinukoy bilang “half-brother” ng dating diktador. Sa
konteksto ng tangkang asasinasyon kay Dovie Beams sa Hongkong sa utos ni Imelda,
tinukoy ni Rotea (1983, 137, 138, 142) ang suspek na si Delfin Fred Cueto—ang tinaguriang
“hatchet man of Marcos,” bilang “kapatid sa labas ng dating Presidente.” Ang relasyon ni
Cueto sa mga Marcos—bukod sa pagiging tirador niya ng diktadura, ay binanggit din at
kinumpirma ni Mijares (1976, 274). Ngunit tulad ng akda ni Nituda (1979) na nabigong
maglinaw kung sino sa mga Marcos ang magulang ni Rubio, hindi rin nabanggit o nilinaw
ni Rotea (1983) kung kanino kina Mariano at Josefa naging kapatid sa labas nina
Ferdinand si Cueto.

EDUKASYON MULA SARRAT HANGGANG U.P.

Nalantad din sa manipulasyong biograpikal ang mga detalye ng pag-aaral at di-pormal na


edukasyon ng batang si Marcos. Sa tangkang maipakita at maitanghal ang kakaiba at
namumukod-tangi niyang talino at kakayahan, sanga-sangang imbensyon at
eksaherasyon ng mga salaysay ang inilapat sa pagretoke ng kanyang mga opisyal na
talambuhay.

24 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Mga Salaysay ng “Namumukod-tanging Katalinuhan”

Bahagi ng mga kakulangan at kahinaan ng mga akda nina Mijares (1976), Rotea (1983), at
McDougald (1987) ang kawalan ng at/o limitadong pagtalakay nito sa mga detalye hinggil
sa edukasyon ng batang si Ferdinand. Dahil dito, bahagdang nalimitahan ang
paghahambing sa mga detalye ng mga opisyal at alternatibong talambuhay hinggil sa
yugtong ito ng buhay ng dating diktador. Hindi nangangahulugan, gayumpaman, na
ligtas at malinis na mula sa anumang isyung historiograpiko ang mga salaysay ng mga
komisyunado at nagpupuring biograpo ni Marcos na nagtanghal sa mga kahanga-
hangang detalye ng pag-aaral nito mula elementarya sa Sarrat hanggang kolehiyo sa UP
sa Maynila.

Ayon kay Nituda (1979, 57), ginugol ng batang si Ferdinand ang kanyang unang pitong
taon sa bayan ng Sarrat. Una siyang ipinatala ng kanyang inang gurong si Josefa sa
Paaralang Elementarya ng Sarrat kung saan ito nagtuturo noon sa unang baitang (Spence
1964, 28; Spence 1969, 28). Hindi nagtutugma ang mga akda hinggil sa edad ni Ferdinand
nang una itong tumapak sa elementarya. Ayon kina Gray (1968, 8) at Dizon (1976, 24),
nasa edad na lima (5) ang bata nang ipatala ng kanyang ina sa paaralan. Paliwanag ni
Gray (1968, 8), sa ganitong edad ay kasa-kasama na ni Josefa si Ferdinand sa pagpasok sa
paaralan na noong una’y nagmamasid (“observer”) lamang sa pagtuturo ng ina. Diumano,
napansin ni Josefa, sa kabila ng murang edad ng anak, na “si Ferdinand ang
pinakamatalino sa buong klase.” Dahil dito, ginawan ng paraan ng kanyang ina na
pormal na maipatala sa unang baitang si Ferdinand bagama’t mas bata ito ng dalawang
taon sa nakatakdang gulang (pitong taon) para sa nasabing baitang. Giit ni Nituda (1979,
57), gayumpaman, nasa edad na anim si Ferdinand nang unang ipatala sa paaralan noong
1923.

Tuluyang nagkabuhol-buhol ang salungatan nang banggitin ni Spence (1964, 24; 1969, 24)
na “pagsapit ng 1921,” lumipat ang pamilyang Marcos sa Laoag bunga ng promosyon ni
Mariano bilang schoolmaster ng nasabing bayan. Dahil sa promosyon ng asawa,
napilitang iwan ni Josefa ang pagtuturo sa Sarrat at nanirahan ang pamilya sa Laoag nang
taon ding iyon. Inilipat din si Ferdinand sa Paaralang Elementarya ng Shamrock sa
nasabing bayan “para sa kanyang ikalawang baitang.” Hindi kung gayon tumutugma ang
pahayag na ito ni Spence (1964; 1969) sa alinman sa mga detalye nina Gray (1968) at
Dizon (1976) o ng datos mula sa akda ni Nituda (1979). Kung isinilang si Ferdinand
noong 1917 tulad ng nagkakasundong pahayag ng kanyang mga biograpo at kung nasa
edad na limang taon ang bata nang unang ipatala sa Paaralang Elementarya ng Sarrat
gaya ng giit nina Gray at Dizon, nagsimulang mag-aral si Ferdinand sa unang baitang sa
Sarrat noong 1922. Paano kung gayon nanirahan sa Laoag at lumipat ng Paaralang
Elementarya ng Shamrock para sa kanyang ikalawang baitang noong 1921 ang batang
estudyante na nag-aaral pa sa Sarrat sa unang baitang noong 1922 (batay sa mga detalye

25 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

nina Gray at Dizon) o 1923 (batay sa datos ni Nituda)? Dalawang bagay ang malinaw sa
puntong ito: 1) hindi nagtutugma ang mga detalye nina Gray (1968), Dizon (1976), at
Nituda (1979) hinggil sa edad ni Ferdinand nang ipatala siya sa unang baitang sa
Paaralang Elementarya ng Sarrat, at 2) anakronista ang pahayag ni Spence (1964; 1969)
hinggil sa promosyon ni Mariano, paglipat ng kanyang pamilya sa Laoag at pagpapatala ni
Ferdinand sa Paaralang Elementarya ng Shamrock (Javar 2015, 182).

Kung paniniwalaan ang mga datos ni Spence (1964; 1969), lumalabas na tatlong taon pa
lamang ay nag-aaral na sa unang baitang sa Sarrat si Ferdinand. Batay ito sa detalye na
nagsabing isinilang ang bata noong 1917. Kung ipinatala siya sa Shamrock para sa
ikalawang baitang noong 1921, nangangahulugang naka-isang taon na siyang pag-aaral sa
Sarrat. Ang datos na ito kung gayo’y maglalagay sa unang pagtapak ni Ferdinand sa
unang baitang noong “1920”—tatlong taon mula nang isilang siya (Javar 2015, 182).

Sa kabila ng lahat, ani Nituda (1979, 79), larawan ng malaking sakripisyo ang pag-aaral ni
Ferdinand sa Laoag. Malayo sa kanyang bagong paaralan ang inupahang tahanan ng
pamilya sa bayan kung kaya’t “milya-milya ang araw-araw na nilalakad” ni Ferdinand
patungo at pauwi mula sa Shamrock. “His parents, of course, could afford the calesa,”
paliwanag ni Nituda (1979, 79), “but that would soften the boy: education was a premium
and he had to earn it the hard way.”

Hindi naglaon, muling lumipat ang pamilyang Marcos—sa pagkakataong ito, sa


Maynila—bunga ng pagkapanalo ni Mariano bilang kinatawan ng ika-2 distrito ng Ilocos
Norte sa Asambleyang Pambansa. Hindi malinaw mula sa mga salaysay kung kailan ito
nangyari bagama’t ayon kay Nituda (1979, 134), sa Maynila na “nag-aral si Ferdinand mula
ika-4 hanggang ika-7 baitang bunga ng kanilang paglipat sa lunsod.” Ayon kina Nituda
(1979, 93) at Real (1969, 12), ipinagpatuloy ni Ferdinand ang kanyang pag-aaral hanggang
makapagtapos sa ika-7 baitang sa Paaralang Elementarya ng Ermita kung saan nagturo
din ang kanyang ina. Giit ni Gray (1968, 9), gayumpaman, nagtapos si Ferdinand sa
Paaralang Elementarya ng Malate. Pagkaraang makapagtapos sa elementarya, ipinatala si
Ferdinand ng kanyang mga magulang sa UP High School. Bagama’t nahilig sa mga
asignatura tulad ng pisika at algebra (Dizon 1976, 26), nagsimula nang mabuo ang
“maalab na pangarap” ni Marcos na maging abugado habang nag-aaral sa UP, ayon kay
Nituda (1979, 97).

Dinomina ang mga pahina ng kanyang mga opisyal na talambuhay ng iba’t-ibang salaysay
ng mga kakatwa, nakamamangha, at pambihirang kakayahan ng batang si Ferdinand
habang nag-aaral. Ayon sa kanyang mga biograpo, sa napakamurang edad, “marami nang
bagay na kayang gawin si Ferdinand” kumpara sa ibang bata—bahagi ng kabuuang
tangkang lumikha ng imahen ni Marcos na “namumukod-tangi, pambihira, at angat sa
iba” sa konteksto ng kanyang “nakatadhanang kadakilaan.” Ayon kay Nituda (1979, 58),

26 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

bago mag-isang taon (11 buwan) pa lamang si Ferdinand, matatas na siyang nakakabigkas
ng ilang salita at parirala tulad ng “ba-bye Mommy” sa tuwing umaalis ng kanilang
tahanan ang kanyang ina. Bahagi rin ng ekstraordinaryong husay ng sanggol ang anila
Nituda (1979, 58) at Real (1969, 8) ay kakayahan nitong “uminom ng gatas direkta mula sa
baso sa halip na sa tsupon” nang siya’y “wala pang isang taon.”

Pagtatanghal ni Nituda (1979, 59, 135), sa napakamurang edad ay si Ferdinand lamang ang
nagturo sa kanyang sarili ng alpabetong Ingles—karaniwa’y sa tuwing pinanood nito ang
kanyang ina habang nagtuturo sa paaralan. Ang inang si Josefa, ani Gagelonia (1970, 8),
ang unang nagturo sa anak. Sa edad na apat, dagdag ni Gray (1968, 1), ay bihasa na sa
pagbabasa si Ferdinand. Sa katunayan, isang anekdota ang pinalutang ng mga akda nina
Nituda (1979, 59) at Dizon (1976, 19) hinggil sa maagang husay sa pagbabasa ng bata.
Ayon sa nakamamanghang kuwento, lumapit si Ferdinand sa ina habang gumagawa ng
liham si Josefa para kay Mariano na noo’y nag-aaral ng abogasya sa Maynila. Ganito ang
sumunod na nangyari ayon sa salaysay ni Nituda (1979, 59): “‘Mommy, what did you tell
Daddy about me?’ ‘Why do you ask that?,’ the mother was surprised. ‘Because I saw you
writing my name,” replied the boy.”

Bagama’t si Ferdinand ang pinakamaliit, ani Nituda (1979, 63, 91) at Dizon (1976, 25), siya
ang pinakamahusay sa kanyang buong klase. Angat din si Ferdinand sa kanyang mga
kamag-aaral, dagdag ni Spence (1964, 30; 1969, 30), bunga ng mabilis at matalas niyang
pag-iisip. Sa katunayan, pagmamalaki ni Nituda (1979, 57), si Ferdinand ang “huling pag-
asa” ng kanyang mga guro sa tuwing hindi makasagot sa mga tanong ang kanyang mga
kamag-aaral.

[W]hen nobody could tackle a question, he did; when everybody had forgotten
a line or two of a favorite poem, he spoke. His star rose; his teacher was
impressed by his remarkable grasp of all subjects, his classmates, his mind
that could capture things, events and details like the eye of a camera. Add to
this his prowess in physical competition which he had shown to advantage
when he humbled bigger and taller classmates in front of others outside the
school. Without seeking it, for he was humble in victory, young Ferdinand
became the leader of his class (Nituda 1979, 79-80).

Dagdag pa ni Nituda (1979, 57), mundo ang pagitan sa husay ni Ferdinand sa anumang
aspekto kumpara sa kanyang mga kaklase. Ang mga kaklase ni Marcos, gayumpaman,
diin ni Spence (1964, 30; 1969, 30), ay matatalino rin ngunit higit na nangibabaw ang
ekstraordinaryong husay ni Ferdinand. Sa ganitong paraan, hindi lamang iniangat ni
Spence (1964; 1969) ang antas ng katalinuhan ni Ferdinand sa buong klase kundi iniangat
din nito ang antas ng talino ng kanyang mga kamag-aaral. Sa gayon, hindi lamang siya
lumikha ng larawan ng pagiging “numero uno” ni Marcos sa buong klase, kundi nagbigay-

27 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

diin sa pagiging “numero uno” nito sa klase ng matatalinong mag-aaral. Ayon kina
Spence (1964, 18, 29; 1969, 18, 29) at Gray (1968, 1, 18), taglay ni Ferdinand ang matalas at
“potograpikong memorya” at kahanga-hangang husay sa apat na wika—Español, Ingles,
Latin, at Ilokano.

Pagmamalaki nina Gray (1968, 9) at Dizon (1976, 30), mga aklat pangkolehiyo at iba pang
babasahing mas mataas ang antas sa kanyang edad ang binabasa ni Ferdinand noong bata
pa lamang ito. Ang hilig niya sa pagbabasa, ayon sa kanyang mga biograpo, ay nakuha ni
Ferdinand mula sa kanyang mga magulang (Spence 1964, 27; 1969, 27; Real 1969, 9; Nituda
1979, 89). Inilarawan niya bilang “voracious searcher for knowledge,” karaniwa’y aklat ang
hawak ni Ferdinand bago ito matulog sa gabi, ani Nituda (1979, 59, 77), at madalas abutin
hanggang ika-10 ng gabi sa aklatan ng UP sa pagbabasa ng mga aklat. Pagtatanghal ni
Nituda (1979, 118), “every word that he didn’t understand, he would look up in the
dictionary, and he referred every footnote to other books and traced its history.” Inilarawan
ni de Vega (1974, 44) bilang nagtataglay ng talinong “precise and perfect” at utak na tila
“well-oiled machine,” si Ferdinand ang pinakamatalino sa kanyang klase. Ayon kay Dizon
(1976, 30), siya ang laging nakakakuha ng pinakamataas na marka sa eksamen sa lahat ng
kanyang asignatura. Walang sinalihang patimpalak sa paaralan, dagdag ni Gray (1968, 1),
hindi napanalunan ng bata.

Kataka-taka, gayumpaman, na hindi siya naging balediktoryan nang magtapos ito sa


elementarya at hayskul. Mahalagang bigyang-diing walang tala o rekord na tumanggap si
Ferdinand ng pinakamataas na karangalan nang magtapos. Ipinagtanggol siya ng
kanyang mga biograpo. Isinisi ni Gray (1968, 13) sa suliraning pinansyal ng pamilya ni
Mariano ang diskwalipikasyon ni Ferdinand sa pinakamataas na karangalan nang
magtapos siya sa elementarya bunga ng kakulangan ng pambayad sa matrikula. Ganito
rin aniya ang sitwasyon nang hindi makapasok si Ferdinand ng dalawa hanggang tatlong
buwan noong nasa ikatlong taon siya sa hayskul bunga ng kawalan ng pangmatrikula.
Paliwanag nina Gray (1968, 9) at Dizon (1976, 30), nakaapekto sa tsansa ni Ferdinand ang
ilang ulit na pagpapalipat-lipat ng kanyang pamilya mula Sarrat hanggang Maynila.
Itinuro ring dahilan nito ang “tadhana” ni Marcos. Katwiran ni Nituda (1979, 90), ang
pag-aaral ng batang si Ferdinand ay katulad ng tadhana ng mga “kagaya niyang dakila sa
kasaysayan.” Inihambing niya si Marcos kay Winston Chuchill na “inisyal na hindi
nagkainteres sa pag-aaral at mas piniling maglaro at magsaya sa kanyang kabataan”
ngunit kalauna’y naging tanyag at dakila. Malinaw sa kanyang mga opisyal na
talambuhay na si Ferdinand ay may talinong natatangi, pambihira, at angat sa iba.
Pagtatanghal ni de Vega (1974, 44), ang talino ni Marcos ay “itinitibok ng bawat pasilyo ng
paaralan” at ang “husay nito sa wangis ni Lam-ang ay inaawit ng mga ibon.”

28 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Edukasyong Praktikal Mula sa Ama

Samantala, ayon kay Spence (1964, 28; 1969, 28), tiniyak ng amang si Mariano na ang
konsentrasyon ng pagtuturo ni Josefa ng iskolarsyip at pormal na edukasyon sa kanyang
mga anak ay “hindi magpapalambot” sa mga ito. Kaya nga sa tulong ng biyenang si
Fructuoso Edralin—bukod sa aktibong pagsali nina Ferdinand at Pacifico sa Boy Scout—
ipinasailalim ni Mariano ang magkapatid sa mala-militar na pagsasanay at pagdidisiplina.
Ayon kina Spence (1964, 26-27, 28; 1969, 26-27, 28), Gray (1968, 12, 16), Dizon (1976, 22-
23), at Nituda (1979, 59, 94), tinuruan at sinanay ang magkapatid ng kanilang istrikto at
perpeksyunistang ama (batay sa deskripsyon nina Spence at Gray) ng pangangabayo
(horseback riding), eskrima (fencing), pakikipagbuno (wrestling), weightlifting, boksing, at
pagbaril.

Ganito ang patulang salaysay ni Gagelonia sa pisikal na pagsasanay ni Ferdinand sa ilalim


ng ama:

I. Anumang aralin ang kanyang tunghayan,


O kahit na laro na kanyang salihan,
Hindi nangyayaring napag-iiwanan,
Laging nagwawagi at nagtatagumpay.

II. At dahil may hilig din sa palakasan,


Naging matipuno ang kanyang katawan,
Sa tulong ng Ama siya’y nagsasanay,
Upang manatili kanyang kalusugan (Gagelonia 1970, 8-9).

Partikular na tuon ang ibinigay ni Mariano sa pagsasanay sa mga anak na lalaki sa


pagbaril (Spence 1964, 25-26; Gray 1968, 14-15; Spence 1969, 25-26; Real 1969, 15). Ayon sa
kanyang mga biograpo, tuluyang nahasa ang kakayahan ni Ferdinand bilang asintado sa
pagbaril bunga ng mahahalagang karanasan niya sa Davao nang dalhin siya rito ng ama
na hinirang noon ni Presidente Manuel Quezon bilang Gobernador ng Davao (Spence
1964, 25-26; Gray 1968, 14-15; Spence 1969, 25-26; Real 1969, 15). Ganito ang kahanga-
hanga ngunit kapuna-punang eksaheradong salaysay ni Dizon (1976) sa kakayahan sa
pagbaril ng mag-aama:

Eksperto sa pistol ang ama ni Ferdinand at ang kapatid nitong si Pacifico.


Ang alas sa baraha ay napatatamaan ni Don Mariano sa layong 15
talampakan. Nalalaglag naman ang bunga ng niyog sa pagpapatama ni
Pacifico sa tangkay. Ngunit higit na eksperto si Ferdinand sa riple kaysa sa
kanyang ama at kapatid. Kahit sa layong 300 yarda ay tiyak na
napatatamaan niya ang isang gumagalaw na target (Dizon 1976, 20).

29 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Sa katunayan, pagmamalaki nina Spence (1964, 21, 33; 1969, 21, 33), Gray (1968, 15), at Real
(1969, 16), si Ferdinand ang kapitan ng UP Rifle and Pistol Team at siya rin ang
pambansang kampeon sa small-bore at rifle competition. Bahagi ito, gayumpaman, ng
napakaraming biograpikong kasinungalingang hinabi ni Marcos hinggil sa kanyang sarili,
giit ni McDougald (1987). Aniya (McDougald 1987, 7), ang kasinungalingang ito ng
kanyang mga biograpo ay tinangkang bigyang-lehitimisasyon ni Marcos nang banggitin
niya sa isang panayam na nalathala sa Sports Illustrated noong Setyembre 29, 1975 na
“siya nga ang itinanghal na kampeon sa nasabing pambansang kumpetisyon.” Paliwanag
ni McDougald (1987):

However, then Senator Ambrosio Padilla, who was vice-president and then
president of the Philippine Amateur Athletic Federation from 1972 to 1974,
stated that there was no record of his ever competing or winning such a
championship, and that Teddy [Teodoro] Kalaw had actually won that title.
Padilla also stated that there was no record at the University of the
Philippines Physical Education Department of Marcos lettering in any sport
(McDougald 1987, 7).

Pinasinungalingan din ng hiwalay na datos ni Mijares (1976, 237-238, 255-256) na si


Marcos ang kapitan ng UP Rifle and Pistol Team nang linawin nitong si Teodoro Kalaw
ang tunay na kapitan ng nasabing koponan.

Anu’t ano pa man, ani Nituda (1979, 58; akin ang diin), nasa edad na tatlo pa lamang
noon si Ferdinand ay bihasa na ito sa pangangaso sa paanan ng kabundukan ng
Kordilyera dahil sa mahusay na pagtuturo ng kanyang lolo Fructuoso. Umakyat pa nga sa
panibagong eksaherasyon ang salaysay ni Dizon (1976, 21) nang banggitin niyang ang
pakikipagsapalaran ng batang si Ferdinand sa kabundukan, kasama ng kanyang
nakababatang kapatid na si Pacifico, ay “tumatagal ng 25 araw hanggang isang buwan.”
Aniya, umuuwi lamang ang magkapatid “kapag ubos na ang kanilang baong pagkain at
iba pang pangangailangan.”

Sa mga pagsasanay na ito, bukod sa diumano’y taglay na anting-anting ni Marcos, inugat


ng kanyang mga biograpo ang “pambihira at di-mapapantayang kagitingan, husay, at
tapang” na ipinamalas nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon kay Spence
(1964, 7-9; 1969, 7-9), ang anting-anting ay ibinigay sa kanya ni Gregorio Aglipay, kapwa
Ilokano at isa sa mga tagapagtatag ng Iglesia Filipina Independiente (IFI). “[H]e could not
have survived [the war],” paliwanag ni Spence (1964, 9; 1969, 9), “without the anting-anting
of Aglipay.” Ang “anting-anting ni Marcos,” paliwanag ni Mijares (1976, 253), ay isa
lamang sa maraming inimbentong kuwento ng mga bayarang biograpo ng dating
diktador.

30 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

PAGPASLANG NI FERDINAND MARCOS KAY JULIO NALUNDASAN

Isa sa pinakamadilim na detalye ng buhay ni Marcos ang napatunayang pagpaslang niya


kay Julio Nalundasan noong 1935 at pagkakulong niya dahil dito. Hindi kung gayon
nakapagtataka ang kapuna-punang pagsisikap ng kanyang mga opisyal na biograpo na
linisin ang mga kaugnay na detalye at baluktutin ang tunay na nangyari. Gamit ang
magkakaibang dulog ng sanitisasyon, selektibong pananalaysay, at pagpapalabnaw ng
konteksto, tumayong tagapaglinis at apolohista ni Marcos ang mga biograpong ito.

Ang Away-Pulitika sa Ilocos Norte

Nag-ugat ang kasong kinasangkutan ni Marcos sa halalang naganap noong 1935 kung
kailan nagharap para sa posisyon ng pagiging Kinatawan ng ika-2 distrito ng Ilocos Norte
sina Nalundasan, na tumakbo sa ilalim ng partido ni Quezon; at ng ama ni Ferdinand na
si Mariano Marcos na siya namang kandidato ng partido ni Aglipay (Spence 1964, 38; Gray
1968, 21; Spence 1969, 38; Real 1969, 23; Dizon 1976, 37; Mijares 1976, 237; McDougald 1987,
7). Nagwagi sa halalan si Nalundasan na pagkaraa’y nagdiwang sa pamamagitan ng isang
paradang umikot sa buong bayan. Isang kabaong ang isinakay ng kanyang mga
tagasuporta sa ibabaw ng isang sasakyan upang ipakitang “patay na ang karerang
pulitikal” nang natalong si Mariano (Real 1969, 23-24; Dizon 1976, 37-38; Mijares 1976,
236-237; McDougald 1987, 8). Ang parada, ayon sa mga komisyunadong akda nina Spence
(1964, 38-39; 1969, 38-39) at Gray (1968, 22), ay sadyang tumigil sa tapat ng tahanan ng
mga Marcos upang lalo pang kutyain si Mariano sa kanyang pagkatalo.

Naging mabilis ang paghihiganti, ayon kay Mijares (1976, 236), sapagkat pagsapit ng
Setyembre 21, 1935, binaril si Nalundasan habang nagsisipilyo sa kanilang batalan. Ang
insidente, giit nina Spence (1964, 40; 1969, 40) at Gray (1968, 22), ay naganap noong ika-
20 ng nasabing buwan. Pagkaraan lamang ng apat na taon, noong 1939, saka dinakip at
ikinulong ng Konstabularya sa panlalawigang piitan ang mga akusado sa pagpatay
(Spence 1964, 47; Gray 1968, 34; Spence 1969, 47; Dizon 1976, 46; Mijares 1976, 237;
McDougald 1987, 8). Pangunahing akusado sa pagpatay si Ferdinand, habang ang
kanyang amang si Mariano at mga tiyuhing sina Pio Marcos (kapatid ni Mariano) at
Quirino Lizardo (bayaw ni Mariano) ay isinakdal bilang kasabwat sa krimen (Spence 1964,
47-48; Gray 1968, 38-39; Spence 1969, 47-48; Mijares 1976, 237). Nagkakasundong
binanggit ng mga opisyal at alternatibong talambuhay na isang Atty. Vicente Francisco
ang tumayong tagapagtanggol ng mga akusado (Spence 1964, 52; Gray 1968, 40; Spence
1969, 52; Real 1969, 32; Dizon 1976, 50-51; Mijares 1976, 237). Kapuna-puna, gayumpaman,
na binura ng mga opisyal na akda sa salaysay ang paglilingkod ng dalawang bagitong
abugadong sina Estanislao Fernandez at Arsenio Lacson bilang mga katuwang na
manananggol ni Francisco. Si Lacson ang kalaunang naging Alkalde ng Maynila at

31 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

pinaniwalaang naging Presidente ng bansa kundi sa maaga niyang pagpanaw dahil sa


atake sa puso. Higit sa lahat, si Lacson ang naunang kasintahan ni Imelda at kalauna’y
naging mahigpit na kalaban at kritiko ni Ferdinand sa pulitika. Siya rin ang nagsiwalat sa
publiko, pagkaraang kumalas kalaunan sa grupo ng depensa, na si Ferdinand mismo ang
pumatay kay Nalundasan batay sa mga impormasyong inamin nito sa kanya (Mijares
1976, 235).

Tumayong pangunahing saksi ng prosekusyon si Calixto Aguinaldo—ang badigard ni


Quirino Lizardo. Ayon sa kanyang sinumpang salaysay, kasama siya sa isang lihim na
pulong sa pagitan nina Mariano, Pio, Ferdinand, at Lizardo isang araw bago naganap ang
pamamaslang kay Nalundasan kung saan inisyal nilang inilatag ang plano upang
“ipaghiganti ang pagkatalo [sa halalan] at pangungutya kay Mariano.” Ayon pa sa
kanyang salaysay, sa isang hiwalay na pag-uusap ay inako ni Ferdinand ang tungkuling
barilin si Nalundasan sapagkat siya ang pinaka-asintado sa lahat ng naroroon. Bahagi rin
ng plano ang paglisan ni Mariano sa Batac patungong Laoag bago ang pamamaril upang
hindi siya pagsuspetsahang utak ng krimen (Javar 2015, 216).

Tatlong pangunahing argumento ang iniharap ng depensa, na pagkaraan ng tatlumpu o


higit pang taon matapos ang paglilitis, duplikadong inilatag sa mga pahina ng mga opisyal
na talambuhay ni Marcos: Una, binigyang-diin sa mga opisyal na akda na mahina ang
mga ebidensyang iniharap laban kay Ferdinand, partikular ang baril na ginamit sa
pagpatay. Taliwas diumano sa ebidensya ng prosekusyon, iginiit ni Spence (1964, 48, 92;
1969, 48, 92) na wala sa mga baril na opisyal na nakatalaga kay Marcos ang nawawala sa
armoriya ng UP Reverve Officers’ Training Corps (ROTC). Pangalawa, kinwestyon at
tinangkang paguhuin ng kanyang mga biograpo—tulad ng kahawig na taktika ng depensa
sa paglilitis noong 1939, ang kredibilidad ng saksing si Calixto Aguinaldo. Giit nina
Spence (1964, 71, 73-74, 82; 1969, 71, 73-74, 82) at Gray (1968, 96-97), si Aguinaldo ay isang
“propesyunal na saksi” na “binayaran at naging bahagi ng sabwatan upang umimbento at
magsaulo ng mga testimonya” laban sa mga Marcos. At pangatlo, pinalutang ng mga
biograpo ni Marcos ang anggulo ng sabwatan mula sa Malacañang at ang diumano’y
direktang panghihimasok ni Quezon sa pagdidiin sa mga Marcos sa kaso. Walang
malinaw na paliwanag hinggil sa posibleng motibo o kaugnayan ni Quezon sa “sabwatan
sa kaso” maliban sa ganitong pahayag ni Spence (1964; 1969):

Marcos campaigned vigorously, but his only result was to gain enmity of
President Quezon. He lost the election to Nalundasan. Quezon though
winning the presidency, polled fewer votes than did Osmena. Quezon blamed
Marcos for the humiliation, a rancor which later nearly cost young Ferdinand
his life (Spence 1964, 38; 1969, 38).

32 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Ibang dahilan naman ang itinuro ni Gray (1968) sa motibong pulitikal ni Quezon laban
kay Ferdinand. Pangunahin dito, aniya (Gray 1968, 33-34), ang pangunguna ni Marcos sa
kanyang mga kamag-aaral sa pagbatikos kay Quezon, lalo na sa desisyon nitong ilipat ang
kampus ng UP mula Maynila patungong Diliman. Ang kaso, aniya, ay isinampa laban kay
Marcos “upang patahimikin ang protesta ng mga mag-aaral laban sa tendensyang
diktatoryal [ng Presidente]” at upang “gantihan at patahimikin ito.” Giit ni Spence (1964;
1969), ang mga katibayan laban kay Ferdinand at kanyang mga akusadong kaanak ay
bunga ng pabrikasyon ng Konstabularya at Department of Investigation (DI):

They had schooled witnesses in perjury, altered documents so brazenly that


the erasures and amendments were overt; they had hidden or destroyed
documents needed by the defense, even after Judge Cruz had ordered them to
produce the evidence. That President Quezon had demended a conviction
was common knowledge, openly stated in the press and on the radio (Spence
1964, 101-102; Spence 1969, 101-102).

Ayon sa kanyang mga biograpo, paglaon, pinagbigyan ng lokal na korte ng Batac ang
kahilingang makapagpyansa ang mga akusado (Spence 1964, 51; Gray 1968, 44; Spence
1969, 51; Dizon 1976, 48; Mijares 1976, 238; McDougald 1987, 8). Nang pansamantalang
makalaya, agad na naghanda si Ferdinand para sa nalalapit na eksaminasyong bar.
Lumabas ang resulta ng pagsusulit noong Nobyembre 29, 1939 at si Marcos ang
idineklarang bar topnotcher (Spence 1964, 99-100; Gray 1968, 124; Spence 1969, 99-100;
Real 1969, 48; Dizon 1976, 74-75; Mijares 1976, 238; McDougald 1987, 8). Ang tagumpay
na ito, pagtatanghal nina Spence (1964, 101; 1969, 101), Gray (1968, 125), at Dizon (1976, 77)
ay katibayan ng “namumukod-tanging husay” ni Marcos at sa “kahanga-hangang
kakayahan niyang magtagumpay sa harap ng mga pagsubok.” Ang pagpasa bilang
abogado at pangunguna sa pagsusulit, dagdag ni Gray (1986, 126), ay pagsasakatuparan sa
“nakatadhanang kadakilaan” ni Ferdinand Marcos.

Anu’t ano pa man, paglaon, inilabas ni Hukom Roman Cruz ang desisyong nagsasaad na
napatunayang nagkasala si Marcos sa pagpatay kay Nalundasan. Ayon sa mga
komisyunadong akda nina Spence (1964, 103; 1969, 103) at Gray (1968, 128), si Ferdinand
ay pinatawan ng kabuuang 17 taon at 4 na buwan na pagkakulong. Paglilinaw ni Mijares
(1976, 238), gayumpaman, habambuhay na pagkakabilanggo ang parusang ipinataw rito.

Agad naghain ng apela si Ferdinand ng pansamantalang kalayaan upang maiakyat at


maidepensa niya sa Korte Suprema ang kanyang kaso sa paniniwalang nahatulan siya sa
pamamagitan ng mga “gawa-gawang” ebidensya (Spence 1964, 104; Spence 1969, 104).
Lumutang sa mga opisyal na salaysay ang “alon ng suporta ng mga mamamayan” para kay
Marcos. Dahil dito, ani Spence (1964, 109-110; 1969, 109-110), napilitang ikunsidera ni Cruz
ang nasabing apela. Kalaunan, aniya (Spence 1964, 110, 119-120; Spence 1969, 110, 119-120),

33 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

“dahil sa presyur ng taumbayan” ay “napilitang mag-alok ng pardon” si Quezon kay


Marcos. Inalok din diumano siya ng Presidente ng trabaho sa DI (Spence 1964, 119-120;
Spence 1969, 119-120). Ang mga nasabing “alok” diumano’y hindi tinanggap ng
nanindigang si Ferdinand at sa halip, pinanindigan nitong iapela at ipagtanggol ang sarili
sa harap ng Korte Suprema. Ang pahayag na ito ni Spence (1964; 1969) hinggil sa “alok” ni
Quezon at “pagtanggi” dito ni Marcos, gayumpaman, ay hindi nasuportahan ng anumang
rekord mula sa hukuman o ng anumang dokumento.

Sa bandang huli, pagpapatuloy nina Spence (1964, 112; 1969, 112) at Gray (1968, 137),
pinahintulutan si Marcos na maiharap sa mga mahistrado ng Korte Suprema ang kanyang
mga argumento para sa depensa ng kanyang sarili noong Oktubre 12, 1940. Pagkaraan ng
dalawang linggo, lumabas ang desisyon ng korte na bumaliktad sa desisyon ng lokal na
korte sa Batac at nagpawalang-sala kay Marcos sa pagpatay kay Nalundasan (Spence 1964,
114, 117; Gray 1968, 146-147; Spence 1969, 114, 117; Real 1969, 56-57; Dizon 1976, 100;
McDougald 1987, 8). Ang pambihira at kahanga-hangang tagumpay na ito, ayon sa mga
nagpupuring biograpo, ay nagdambana kay Marcos bilang “bayani ng publiko at
inspirasyon sa lahat ng mga mag-aaral ng abogasya sa buong bansa” (Javar 2015, 220).

Sa kabuuan, ipinakita at binigyang-diin ng mga opisyal na akda ang husay at tibay ng


argumento ng depensa. Ang mga nagpupuring biograpo ay hindi lamang nagtanggol kay
Marcos sa mga pahina ng kani-kanilang akda kundi nagbigay rin ng lehitimisasyon sa
mga argumentong inilatag na depensa para sa kaso ni Marcos noong 1939-1940 (Javar
2015, 220). Isang panibagong “depensa,” kung gayon, ang inilunsad ng kanyang mga
opisyal na biograpo. Sa pagkakataong ito, ang pagdepensa ay hindi na sa harap ng korte
kundi sa harap ng mga mambabasa—lalo’t higit, sa mga botante sa mga halalan ng 1964
at 1969. Ang mga akdang ito ay tumayong instrumento ng propaganda upang paniwalain
ang taumbayan na “inosente si Marcos” sa nasabing kaso.

Kapuna-puna ang paggamit ng mga nagpupuring biograpo ng mga datos na eksakto


hanggang sa pinakamaliit na detalye (minutiae). Halimbawa, ani Spence (1964, 43; 1969,
36), ika-6:55 ng umaga nang lisanin ng tren na sinakyan ni Ferdinand ang istasyon ng
Tutuban patungong San Fernando, La Union nang umuwi ito ng Ilocos Norte para
ikampanya at bumoto pa sa kanyang ama. Sa hiwalay na petsa, si Ferdinand diumano ay
nasa tahanan ni Alkalde Leon Verano nang 10:15 ng gabi (Spence 1964, 43; Spence 1969,
43). Ang impresibong rekoleksyon sa mga eksaktong detalyeng ito ay ginamit ng
komisyunadong akda ni Spence (at muling ginamit ng iba pang biograpo ni Marcos), sa
kabila ng “pagkalimot” sa ibang malalaking detalye ng kaso, upang patibayin at gawing
lehitimo ang mga teknikal na detalyeng inilatag ng depensa noong 1939-1940.

Gumamit din ang mga komisyunadong akda ni Spence (1964; 1969) ng isang transkrip ng
paglilitis sa korte na hindi malinaw kung saan nagmula sapagkat bigo niyang kilalanin o

34 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

tukuyin ang mga sangguniang ginamit. Dahil dito, kaduda-duda ang awtentisidad ng
nasabing transkrip na ilang ulit niyang sinipi sa kanyang mga salaysay (Javar 2015, 221).
Kung ito ba’y bahagi ng napatunayang pabrikasyon ng mga dokumento hinggil kay
Marcos at ng nakahiratihang dulog ni Spence na maglagay ng mga inimbentong pahayag
sa bibig ng mga indibidwal sa kanyang mga akda ay hindi pa malinaw. Ang tanging
malinaw, selektibong sinipi ni Spence mula sa nasabing “transkrip” ang mga bahaging
paborable para sa depensa ni Marcos at nagpapaguho naman, sa kabilang dako, sa mga
argumento ng prosekusyon noong 1939.

Mahalaga ring pansinin ang preemptibo o maagap na paglalatag ni Spence (1964; 1969) sa
maraming detalye hinggil sa kaso bago pa man nito tuluyang tinalakay ang mga
argumento at merito ng depensa ni Marcos. Halimbawa, magkakahiwalay niyang inilatag
sa ika-2 kabanata ng kanyang akda ang ilang mahahalagang detalye hinggil sa kaso—
tulad ng lokasyon ng tahanan ni Nalundasan, mga alagang asong nagbabantay sa bahay,
malamlam na ilaw mula sa pinakamalapit na poste, pagpapalipas ng gabi ni Ferdinand sa
bahay ng kanyang kaibigan (nang maganap ang pagpatay kay Nalundasan), at iba pa—na
siyang ginamit na batayan ng mga argumento ng depensa sa aktwal na paglilitis noong
1939. Ang ganitong dulog ay pagkukondisyon sa isipan ng mga mambabasa ng kanyang
mga akda. Kung kaya nga pagsapit ng ika-3 at ika-4 na kabanata kung saan tuluyang
tinalakay ni Spence (1964; 1969) ang mga argumento ng depensa, mas madali na nitong
napatibay ang anumang punto o katwirang kaugnay ng mga detalyeng nauna na niyang
natalakay sa sinundang kabanata (Javar 2015, 221-222).

Sa kahawig na preemptibong dulog, ikinondisyon din ni Spence (1964; 1969) ang isipan ng
mga mambabasa upang maipakita ang disbentaheng sitwasyon ni Marcos laban sa kaso
bago pa man ang desisyon ng lokal na korte ng Batac. Binigyang-diin niya (Spence 1964,
60; Spence 1969, 60) sa mga akda ang di-paborableng sitwasyon ng “pagharap ng isang
David laban sa [mga] Goliath” na aniya’y nasa likod ng “pulitikal na panliligalig” laban sa
mga Marcos. “Betting on the trial concerned only the weight of the sentence. An acquittal,
under the political circumstance, was impossible,” paliwanag ni Spence (1964, 59; 1969, 59).
Dagdag niya (Spence 1964, 60; Spence 1969, 60), “Whatever the merits of the case, a guilty
decision was ineveitable.” Sa ganitong paraan, ipinakita nito sa mga mambabasa na
“imposibleng” manalo sa kaso ang mga akusado. Pagkaraa’y presentista niyang
pinalutang ang “namumukod-tangi at kakaibang talino” ni Ferdinand nang personal itong
humarap sa Korte Suprema para ipagtanggol ang kanyang sarili (Javar 2015, 222).
Matagumpay na napalutang kung gayon ang salaysay ng “pambihirang husay at talino” ni
Marcos na siyang nagsalba sa kanya mula sa kaso “gaano man kaimposible” ang
pinagdaang kalagayan.

35 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Mga Detalye sa Likod ng Pagpapawalang-sala

Samantala, bagama’t limitado ang mga detalye ng akda ni Mijares (1976) hinggil sa kaso,
mahalaga at nagsisiwalat ang mga ito. Una, nilinaw niya na bagama’t ang baril na
nakatalaga/naka-isyu kay Marcos ay natagpuang nakasalansan sa armoriya ng UP ROTC
gaya ng argumento ng depensa, ang baril ng kapitan ng UP Rifle Team na si Kalaw ay
nawawala nang mga panahong iyon at napatunayan ng “National Bureau of Investigation
(NBI)” (tinatawag noong DI) na siyang ginamit sa pagbaril kay Nalundasan. “Among the
accused,” diin niya (Mijares 1976, 237-238), “only young Ferdinand Marcos had access to
the UP Armory.” Pangalawa, ginamit ni Mijares (1976) ang binitiwang pahayag noon ni
Lacson hinggil sa pamamaslang ni Marcos kay Nalundasan. Ayon sa hinalaw niyang
pahayag ni Lacson: “That bastard [Marcos] is crazy, if he thinks that people have forgotten
that he killed Nalundasan. I know that he did, and 10 angels and 10 fatherly Laurels telling
me that Ferdinand Marcos did not do it would not change my mind. I know it, I was part of
his defense panel” (Mijares 1976, 235).

Pangatlo at pinakamahalaga, binigyang-diin ni Mijares (1976) na ang pagpapawalang-sala


ng Korte Suprema kay Marcos ay hindi bunga ng mahihinang ebidensya laban sa kanya at
sa husay ng argumento nito sa harap ng mga mahistrado—tulad ng giit ng kanyang mga
opisyal na talambuhay. Sa halip, ang paglaya ni Marcos ay direktang nakaugnay sa di-
pangkaraniwang interes ni Mahistrado Jose P. Laurel sa kanyang kaso. Ani Mijares (1976,
239) at McDougald (1987, 8), nasangkot din si Laurel sa kahawig na kaso sa panahon ng
kanyang kabataan sa Tanauan, Batangas. Ang kasong homicide na isinampa kay Laurel ay
bunga ng pananaksak at pagkapatay niya sa isang lalaking naging karibal nito sa
panliligaw sa isang dalaga sa kanilang lugar. Ipinagpilitan ni Laurel ang sarili sa dalaga
bagama’t ang karibal ang piniling mahalin ng huli (Mijares 1976, 239). Minsa’y pataksil na
niyapos ni Laurel ang dalaga habang naglalakad ito sa liwasan ng bayan. Nang magkita
pagkaraan ng isang linggo, kinumpronta ng lalaki si Laurel sa ginawa nitong kahalayan sa
kanyang kasintahan. Sa kaguluhan, sinaksak ni Laurel ng balisong ang lalaki na agad
nasawi. Nilitis at napatunayan ng lokal na korte na nagkasala si Laurel ng kasong
homicide. Ang hatol ay inapela niya sa Korte Suprema. Pagpapatuloy ni Mijares (1976):

At the time, an American jurist, George Malcolm, dean of the College of Law,
University of the Philippines, had just been appointed to the Supreme Court.
Malcolm knew Laurel to be a bright young man, having been his student at
the UP College of Law, and notwithstanding the evidence, urged his
colleagues to acquit young Laurel. Laurel had always acknowledged his debt
to society in this respect, and when the Marcos case came before him on
appeal at the Supreme Court, he saw the opportunity to repay his debt—
privately to Marcos. Laurel saw also in Marcos not just his own physical
features, but a very promising man, perhaps a mirror of himself. Laurel thus

36 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

went individually to all members of the Supreme Court and pleaded in


tears for the acquittal of young Ferdinand. Laurel succeeded and thus
Marcos was also acquitted by a benevolent Supreme Court and in the
same way that Laurel was given a chance by society, Marcos was given
his (Mijares 1976, 239) (akin ang diin).

Hindi nakapagtatakang burahin ang nagsisiwalat na mga detalyeng ito sa mga pahina ng
mga opisyal na talambuhay ni Marcos (Javar 2015, 225). Sa halip, itinampok sa mga
salaysay na ito ang mga manipuladong detalye hinggil sa husay ng pagdepensa ni Marcos
sa kanyang sarili sa harap ng mga mahistrado ng Korte Suprema at sa “kawalan ng
matibay na ebidensya” sa kanyang kaso.

KABAYANIHANG LIKHANG-ISIP:
MGA HINUWAD NA MEDALYA AT PEKENG PANGKAT-GERILYA

Ang paglikha sa imahen ni Marcos bilang “pinakamagiting na bayani ng bansa” noong


Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang rurok ng tahasang pagretoke sa kasaysayan na
inilunsad ng mga opisyal na talambuhay ng dating diktador (Javar 2015, 190; Javar 2016b,
38). Umakyat sa panibagong hakbang ang manipulasyong biograpikal sa pamamagitan ng
sistematikong pabrikasyon ng mga dokumentong militar at pamemeke ng mga medalya
ni Marcos. Ang mga gawa-gawang salaysay na nalikha mula at/o batay sa mga huwad na
“katibayang” materyal na ito, higit sa lahat, ang napakinabangan at inabuso ni Marcos
para sa kanyang mga motibong pulitikal, lalo na sa kanyang pagtakbo’t pagkapanalo sa
halalang pampanguluhan noong 1965.

Mga Kontrobersyal na Medalya ng Kagitingan

Ayon kay Spence (1964, 122; 1969, 122), nasa Maynila noon si Marcos nang sumiklab ang
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagtungo siya sa lunsod upang maglingkod bilang
abugado pagkaraang mapawalang-sala sa kaso ni Nalundasan. Bagama’t hindi nito
inasahan ang pagsiklab ng kaguluhan, ayon sa kanyang mga biograpo, “matapang at
handang hinarap” ni Marcos ang panibagong hamon ng kanyang panahon. Tulad ng
maraming kabataang Pilipino, tumugon diumano si Marcos sa tawag ng bayan ng may
kahandaan, katapatan, at marubdob na patriyotismo (Agpalo 1993, 2). Ani de Vega (1974,
57), nagpamalas si Marcos ng tapang tulad ng isang kabalyerong may hindi
mapapantayang tibay ng loob.

Tampok at nangunguna sa maraming salaysay ng kanyang “kabayanihan” ang kagitingang


ipinamalas ni Marcos sa labanan sa Bundok Natib sa Bataan (Javar 2015, 191-193; Javar

37 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

2016b, 41). Ayon sa mga akda nina Spence (1964, 134; 1969, 134) at Gray (1968, 162),
napalibutan ng bata-batalyong puwersang Hapones ang posisyon ng hukbo ni Hen.
Jonathan Wainwright sa Bataan. Diin ng kanyang mga biograpo, dahil sa kanilang
agrabyadong posisyon at disbentahe sa lakas ng puwersa, napipinto noon ang tiyak na
pagkatalo ng hukbong Pilipino-Amerikano at nalalapit na ang pagbagsak ng Bataan.
Isang “mahusay na plano ng kontra-opensiba”—“na siya mismo ang bumalangkas at
hinangaan ng kanyang mga opisyal na heneral,” ang inilunsad ni Lt. Ferdinand Marcos.
Kasama ang tatlong bagitong kawal, palihim na pinasok nina Marcos ang posisyon ng
mga Hapones sa Bundok Natib. Ayon sa kuwento, unang napatay ng asintadong si
Marcos ang opisyal ng mga Hapones at nang magkagulo ay “pinaulanan nito ng bala ang
mga sundalong kalaban.” Limampung Hapones, kabilang ang 8 matataas na opisyal, ang
kanyang napatay (Spence 1964, 136-137; Gray 1968, 169; Spence 1969, 136-137; Real 1969, 69;
Dizon 1976, 128; Mella 1981, 60). Dahil sa kahanga-hangang tagumpay, nabasag ni Marcos
ang opensibang Hapones at “nasagip ang Bataan sa tiyak na pagbagsak.” Dalawang
medalya—Silver Star at Distinguished Service Cross—ayon sa kanyang mga biograpo
(Spence 1964, 137; Spence 1969, 137; Dizon 1976, 131) ang kalauna’y ipinagkaloob kay
Marcos bilang pagkilala sa ipinakitang kabayanihan.

Pagpupuri nina Crisol at Baclagon (1983), “kinilala’t pinapurihan ni Hen. MacArthur” ang
kagitingang ito ni Marcos. Giit nila (Crisol at Baclagon 1983, 13), binigyang-diin ng
heneral na kundi dahil sa kagitingan ni Marcos laban sa mga Hapones sa Bundok Natib,
bumagsak ang Bataan ng tatlong buwang mas maaga. Ang pahayag na ito ay
nagtatanghal ding binanggit ng iba pang nagpupuring biograpo tulad nina Spence (1964,
123; 1969, 123), Gray (1968, 174), Gagelonia (1970, 59), at Mella (1981, 59). Sa katunayan,
nagtatanghal na wika ni Spence (1964, 123; 1969, 123), hindi lamang ang Bataan ang
nasagip mula sa kapahamakan ng kahanga-hangang kagitingang iyon ni Marcos kundi
nagligtas din sa Australia at New Zealand.

Military historians concede that the heroic stand at Bataan upset the
Japanese timetable of conquest, gave the allies time to defend the South
Pacific, and thus saved Australia and New Zealand. In a very real sense,
therefore, the refusal of Ferdinand Marcos to admit he was beaten made a
contribution to the war that was of enormous consequence to the world
(Spence 1964, 123; Spence 1969, 123).

Itinampok din nina Crisol at Baclagon (1986, 11) ang diumano’y ulat-pahayag ni Maj.
Emigdio Cruz kay Quezon sa New York na “sa lahat ng mga sundalong [Pilipinong]
nakipaglaban ay si Tnyt. Ferdinand E. Marcos ang nararapat para sa pinakamataas na
parangal.” Si Cruz ay personal na manggagamot ni Quezon na kasama nitong lumikas
mula Corregidor noong 1943 patungong Estados Unidos sa pamamagitan ng Australia.
Mula Washington D.C. kung saan itinayo ni Quezon ang eksilong pamahalaang

38 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Komonwelt, inutusan niya si Cruz na bumalik ng Pilipinas upang obserbahan at tasahin


ang lalim ng kolaborasyon ng mga Pilipinong opisyal sa mga Hapones. Pagkaraan ng
mapanganib na misyon sa Pilipinas, muli siyang nagbalik sa Estados Unidos noong 1944
upang iulat kay Quezon ang after-mission report ng kanyang misyon. Ang pangalan ni
Marcos, gayumpaman—taliwas sa salaysay nina Crisol at Baclagon (1986, 11) ay hindi
lumabas at hindi nabanggit sa nasabing ulat (McDougald 1986, 17). Higit sa lahat, walang
anumang tala ang makapagpapatunay sa pahayag na ikinabit nina Crisol at Baclagon
(1983) kay MacArthur. “There [was] no any record of Marcos being decorated by
MacArthur,” paliwanag ni McDougald (1987, 17), “or even mentioned by MacArthur in any
of his writings.”

Hindi rin nagtutugma ang magkahiwalay na pahayag ng dalawang komisyunadong


talambuhay ng dating diktador hinggil sa diumano’y pagsasabit ni MacArthur ng
Distinguished Service Cross kay Marcos. Ayon kay Gray (1968, 174), madalas maalala ni
Marcos ang pambihirang sandali nang “igiit ni MacArthur” na sabitan siya ng medalya sa
kanilang trinsera (foxhole) sa kalagitnaan ng labanan sa Bataan para sa “kahanga-hangang
kagitingang ipinamalas nito.” Samantala, nang isabit ng heneral kay Marcos ang
Distinguished Service Cross, ani Spence (1964, 123; 1969, 123), ay binigyang-diin ng una sa
huli na kundi dahil sa “kabayanihan” nito ay “bumagsak [sana] ang Bataan ng tatlong
buwang mas maaga.” Ngunit paano, sa unang banda, iniugnay ni MacArthur ang
pagkaantala ng pagbagsak ng Bataan sa “kagitingang” ito kung “nasa trinsera” pa sina
Marcos at “nakikipaglaban pa sa Bataan”?

Ang “kabayanihan” ni Marcos sa Bundok Natib ay walang katibayan maliban sa affidavit


after-the-fact ng isang Maj. Aurelio Lucero “na nagpatotoo sa pangyayari,” paglilinaw ni
McDougald (1986, 27). Lumabas din sa opisyal na ulat ng Army Department ng Estados
Unidos mula sa isinagawa nitong pagsusuri noong 1985 na: “there are no General Orders or
Special Orders from USAFFE confirming Marcos’ entitlement to the Silver Star and
Distinguished Service Cross” (McDougald 1986, 28). Dagdag pa ni McDougald (1986):

[John] Sharkey’s research found two official lists of 120 American and Filipino
soldiers who were awarded the Distinguished Service Cross, which had been
transmitted to the War Department in Washington D.C., by General
Wainwright on 11 and 12 April 1942, before he surrendered. Marcos’ name
does not appear. Also, after the war the machine records unit of General
MacArthur’s headquarters in Tokyo compiled a “List of Recipients of Awards
and Decorations Issued Between Dec. 7, 1941, through June 30, 1945.”
Marcos’ name does not appear (McDougald 1986, 28) (akin ang diin).

Isa pang hiwalay na affidavit after-the fact mula kay Lucero ang “nagpatotoo sa tapang at
kagitingan ni Marcos sa labanan sa sangang-ilog ng Salian at Abo-Abo [sa Bataan]” (Javar

39 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

2015, 193-194; Javar 2016b, 42). Naganap ito ani Spence (1964, 137-138; 1969, 137-138) sa
nasabing sangang-ilog kung saan nagkusang pinamunuan ni Marcos ang depensa laban sa
umaabanteng puwersa ng mga Hapones. Nagpakita ng “ekstraordinaryong giting at
kabayanihan” ang “mapangahas at matapang” na si Marcos sa pagtatanggol ng kanilang
posisyon at “buong gilas na hinikayat ang kanyang mga demoralisadong kasama na buong
giting na makipaglaban” sa mga kaaway (Spence 1964, 138-139; Spence 1969, 138-139).
Pagpupuri ng kanyang mga biograpo, kundi dahil kay Marcos ay nalipol ang buong 2nd
Corps at mas napaaga ang pagbagsak ng Bataan (Spence 1964, 139; Gray 1968, 174; Spence
1969, 139; Real 1969, 73). Dahil dito, inirekomenda diumano ni Wainwright si Marcos
para sa Congressional Medal of Honor—ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng
US Army sa mga opisyal at kawal nito sa panahon ng digmaan. Ang mga dokumento para
sa nasabing rekomendasyon, gayumpaman, paliwanag ng kanyang mga biograpo ay
sinawimpalad na “nawala noong digmaan.” Magkasaliw na ipinagmalaki nina Spence
(1964, 139; 1969, 139) at Gray (1968, 175) kung gayon na “kundi nawala ang mga
dokumento” ay “si Marcos sana ang tanging Pilipinong nakatanggap ng ganito uri ng
parangal mula sa Estados Unidos.”

Tatlong mahalagang bagay gayumpaman ang marapat bigyang-diin: Una, kwestyunable


ang awtentisidad ng mga affidavit “ni Lucero” at may malaking katibayang ito ay
pabrikado at hinuwad (Javar 2015, 193; Javar 2016b, 40). Ganito ang lumabas na resulta sa
pagsusuri ni McDougald (1986) sa marami at kapuna-punang hindi pagtutugma ng mga
detalye sa hinggil kay “Lucero”:

According to the book, “Documents on the Marcos War Medals,” Lucero


actually made two sworn statements regarding this action—one on 14 June
1946 and another on 15 June 1946. Both state basically the same thing.
However, the affidavits he signed on 1 February 1946, attesting to the Silver
Star and Distinguished Service Cross actions, are signed by “Major Aurelio
Lucero, ASN o-45818.” The affidavits he signed four months later, on 14 and
15 June 1946, attesting to the Medal of Honor recommendation, are signed
“Colonel Aurelio Lucero,” and one of these gives his serial number as o-2081.
Lucero’s serial number wasn’t changed from a five-digit reserve number to a
four-digit regular army number until 7 May 1950, and he wasn’t promoted to
lieutenant colonel until 1955. Not only that, he signed another affidavit three
months later, entitled “Affidavit For Philippines Army Personnel,” on 7
September 1946, as “Major, 0-45818” (McDougald 1986, 33-34) (akin ang
diin).

Pangalawa, dagdag ni McDougald (1986, 34), ayon kay Kol. John Vance—dating finance
officer ni McArthur at naglingkod sa Awards and Decorations Board, dalawa o tatlong
sundalo lamang ang tanging inirekomenda para sa prestihiyosong Medal of Honor noong

40 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Ikalawang Digmaang Pandaigdig at hindi kasama rito si Marcos. “He [Vance] couldn’t
recall Marcos’ name ever being recommended for any award,” paglilinaw ni McDougald
(1986, 34).

At pangatlo, sumulpot lamang ang pahayag hinggil sa diumano’y “utos ni Hen.


Wainwright para sa rekomendasyon kay Marcos para sa Medal of Honor” sa panahong
pumanaw na ang heneral. Bigo ring kunin ni Marcos ang opisyal na patotoo ni
Wainwright hinggil sa kanyang “kagitingan” sa labanan sa Salian at Abo-Abo nang
nabubuhay pa ang heneral. Mahusay na nilagom ni Mijares (1976) ang puntong ito:

Even if it were true that the Medal of Honor papers were lost in the last days
of Bataan, [Gen.] Wainwright, who was supposed to have had the citation
prepared, survived the war and lived long after that. He could have confirmed
Marcos’ supposed world-shaking contribution in the war. Marcos, by his own
admission was such an expert on the gathering and preparation of affidavits,
could have had his greatest claim verified by going to Wainwright as he
indeed went to great lengths and trouble in obtaining sworn statements even
for obscure Philippine war decorations (Mijares 1976, 249).

“Pagkakulong” sa Fort Santiago at “Mga Tagumpay” bilang Gerilya

Nang bumagsak si Marcos sa kamay ng mga kaaway, ayon sa kanyang mga biograpo
(Spence 1964, 146-154; Gray 1968, 180-193; Spence 1969, 146-154; Real 1969, 77-81; Gagelonia
1970, 61, 65; Dizon 1976, 144-155, 168; Agpalo 1993, 2), napasama siya sa marahas na Death
March at pagkaraa’y matagal na napiit sa Camp O’Donell sa Tarlac. Muli siyang nakabalik
sa Maynila nang palayain siya ng mga Hapones noong Agosto 4, 1942. Ngunit hindi
naglaon, muli siya diumanong dinakip at ikinulong ng Kempei Tai sa Fort Santiago (Javar
2015, 195-196). Ayon sa kuwento, dito ipinasailalim si Marcos sa iba’t ibang uri ng tortyur
ng mga Hapones (Spence 1964, 155-159; Gray 1968, 194-198; Spence 1969, 155-159; Real
1969, 81; Gagelonia 1970, 66; Dizon 1976, 169-174; Agpalo 1993, 2).

Ngunit marami ang kumwestyon kung tunay ngang nakulong at tinortyur si Marcos sa
Fort Santiago. Kabilang dito ang dating Senador Raul Manglapus na ipiniit at pinahirapan
ng mga Hapones sa nasabing kulungan mula 1942 hanggang 1944. Ayon kay McDougald
(1986, 57), bilang dating bilanggo at kasapi ng Association of Survivors of Japanese Prisons,
palihim noong gumawa si Manglapus ng talaan ng mga bilanggong nilitis at
sinentensyahan ng mga Hapones sa Fort Santiago. Wala ang pangalan ni Marcos sa
talaang ito (McDougald 1986, 57). Isa pang dating bilanggo—si Padre Jaime Neri, ang
pamilyar at nakakakilala sa halos lahat ng mga kapwa bilanggong ipinasok at inilabas—
buhay man o patay, sa Fort Santiago ngunit hindi nakakaalala ng anumang detalye

41 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

hinggil kay Marcos o sa diumano’y pagkakulong at malupit na pagtortyur sa kanya sa


nasabing piitan (McDougald 1986, 57-58).

Bahagi rin ng salaysay ng kanyang mga biograpo (Spence 1964, 161; Gray 1968, 199-200;
Spence 1969, 161; Real 1969, 83; Gagelonia 1970, 67; Dizon 1976, 176-178; Mella 1981, 61),
ang pagkaligtas sa kanyang ng pangkat-gerilyang pinamunuan nina Vicente Umali,
Primitivo San Agustin, at Leonilo Ocampo sa Candelaria, Tayabas. Ayon sa kuwento,
nilinlang ni Marcos ang mga Hapones na dalhin siya sa Tayabas upang maituro niya sa
mga kalaban ang kuta ni Umali—dating Alkalde ng Sariaya at lider ng mga gerilyang
kumikilos sa katimugang Luzon (Javar 2015, 196). Sina Umali, San Agustin, at Ocampo,
ani Spence (1964, 162; 1969, 162) ang nagtatag sa President Quezon’s Own Guerillas
(PQOG) na kumilos sa katimugang Luzon laban sa mga Hapones. Humakbang
gayumpaman sa panibagong antas ang pagtatanghal ni Gray (1968, 201-202) sa dating
diktador nang ipahayag nito na “bagaman si [Kol.] Umali ang naging lider ng pangkat, si
Marcos ang naging utak sa pagbuo [sa PQOG].”

Samantala, anila Spence (1964, 163; 1969, 163) at Mella (1981, 61), inalok ni Umali ang
ranggong “Heneral” kay Marcos ngunit magalang niya itong tinanggihan sapagkat “ang
lehitimong ranggo [ko] ay Kapitan.” Dalawang mahalagang bagay ang marapat bigyang-
diin sa puntong ito: 1) ang diumano’y pag-anib ni Marcos sa PQOG, lalo na ang
kakatwang ranggong inialok sa kanya ni Umali, ay malinaw na hindi nabanggit ni Tnyt.
Kol. Charles Willoughby na sumulat ng kanyang aklat na The Guerilla Resistance
Movement in the Philippines: 1941-1945 pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig
(McDougald 1986, 59). Ang aklat ay detalyadong salaysay ng mga aktwal na karanasan at
primaryang kaalaman ni Willoughby hinggil sa mga kilusang gerilya sa bansa, kabilang na
ang PQOG, sa panahon ng digmaan. 2) Ang detalye hinggil sa “alok na ranggong
Heneral,” batay sa nagsisiwalat na paliwanag ni McDougald (1987), ay isang
makatotohanan ngunit hiwalay na insidente na inangkin at inilapat ni Marcos para sa
kanyang sarili.

The prestigious incident of Marcos being offered the rank of general may have
been borrowed from another real-life situation. Lieutenant Colonel Wendell
Fertig, a guerrilla leader in Mindanao, was offered the rank of general by Luis
Morgan, another guerrilla leader who had been a former policeman in the
area and had formed his own guerrilla unit. Morgan thought he could add
prestige to his unit by having an American general as the head, with him as
chief of staff (McDougald 1986, 60).

Samantala, ayon sa kanyang mga komisyunadong talambuhay (Spence 1964, 188-189; Gray
1968, 223-224; Spence 1969, 188-189) at iba pang nagpupuring akda (Real 1969, 99-101;
Dizon 1976, 216-217), natamo ni Marcos ang ikalawang Silver Star medal nang muli siyang

42 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

magpakita ng kagitingan noong Abril 5, 1944 sa Panupdupan, Kiangan, Ifugao. Ayon sa


kuwento, bahagi si Marcos ng isang maliit na pangkat na nagtatanod sa paligid ng
kanilang kampo nang tinatayang limampung (50) sundalong Hapones ang di-inasahang
sumalakay. Diumano, kagyat niyang pinabalik ang mga kasama sa kanilang kuwartel
(headquarters) upang ipabatid sa kanilang mga opisyal ang pag-atake ng mga kalaban.
Naiwan si Marcos, sa kabilang dako, sa bungad ng makipot na daan kung saan niya
sinalubong at mag-isang sinagupa ang mga Hapones (Javar 2015, 198; Javar 2016b, 43).
Ganito ang mala-pelikulang eksena ayon sa salaysay ni Spence (1964; 1969):

At a point blank fifty yards, he began to shoot, killing the commanding officer
with the first burst. Disorganized, the [Japanese] detachment regrouped and
attacked, but Marcos repulsed it. For half an hour the skirmish continued,
with grenades and automatic rifle fire, but Marcos was well protected. The
Japanese decided that the defense was too strong, and fell back. Still
unsupported, Major Marcos counterattacked. He had pursued the Japanese
nearly two kilometres down the trail before reinforcements reached him
(Spence 1964, 189; Spence 1969, 189).

Naiiba ang mas dramatiko at mas heroikong bersyon ni Mella (1981, 66) sa nangyari.
Ganito ang dulog ng eksaheradong dramatisasyon niya: lumikha ng mas malubhang
sitwasyon at dito ilagay ang nakahiratihang banghay ng “mag-isang pakikipaglaban” ni
Marcos. Aniya, nakaratay noon si Marcos dahil sa mataas na lagnat bunga ng malarya
ngunit nangibabaw ang kanyang magiting na determinasyong labanan ang mga
sumalakay na kaaway. “Despite the biting cold and the strong rain outside,” eksaheradong
pagtatanghal ni Mella (1981, 66), “he dressed up, slung his Thompson submachine gun on
his shoulder and rushed out to meet the enemy.” Anu’t ano pa man, ipinakita ng mga
nagdadambanang salaysay nina Spence (1964, 189; 1969, 189) at Mella (1981, 67) na dahil
sa ipinamalas na kabayanihan, mag-isang iniligtas ni Marcos ang buong rehimento mula
sa kapahamakan.

Muli, gayumpaman, ang kuwentong ito’y napatunayang bahagi ng malawakang


paglulubid ng mga kasinungalingan ni Marcos (Javar 2015, 43-44, 199). Iginiit ni Kapt.
Vicente Rivera (ang pinakamataas na opisyal ng rehimento maliban kay Maj. Romulo
Manriquez) sa pamamagitan ng isang liham-salaysay na hindi kailanman naganap ang
ganitong insidente sa Panupdupan bagama’t inamin niyang nagpaputok noon si Marcos
ng kanyang baril. Ganito ang bahagi ng salaysay ni Rivera sa nangyari:

At about three o’clock in the morning we heard indiscriminate shooting, the


firing of the Thompson sub-machine gun. The personnel in the regiment ran
to the creek nearby and sent Major Dingcong to investigate the cause of the
shootings. It was found that Marcos shot with his Thompson moving

43 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

leaves. Marcos thought they were Japanese while in fact only moving
leaves... (McDougald 1986, 91) (akin ang diin).

Ang Mga Maharlika: Ang Gawa-Gawang Pangkat-Gerilya ni Marcos

Ayon sa kanyang mga biograpo, pagkaraan ng paglilingkod ni Marcos sa katimugang


Luzon at bago siya tuluyang tumulak ng hilaga ay nagtungo muna siya sa Maynila kung
saan niya inorganisa ang Ang Mga Maharlika—isang yunit-gerilya na nakabase sa
nasabing lunsod at binuo ng mga pinagkakatiwalaang kaibigan, kamag-aaral sa abogasya,
kaklase sa ROTC, at kasama ni Marcos sa rifle team at debate squad ng UP (Spence 1964,
168; Gray 1968, 206-207; Spence 1969, 168; Dizon 1976, 192; Agpalo 1993, 3). “The chief
concern of the Maharlika was to gather, coordinate, and pass on to [Gen.] MacArthur via
[Lt. Col.] Fertig a mass of intelligence on the enemy and the strength of guerrilla bands
throughout the islands,” ayon kay Spence (1964, 169; 1969, 169).

Nagsagawa rin diumano ang pangkat ng mga misyon ng pananabotahe laban sa mga
Hapones sa Maynila at umabot hanggang sa Pangasinan at Tarlac (Spence 1964, 169;
Spence 1969, 169). Isa sa mga tanyag na pananabotaheng ginawa ng Ang Mga Maharlika,
ayon sa mga biograpo ni Marcos, ang pagpapasabog nila sa dalawang barkong Hapones
na nakadaong sa Pier 7, Maynila. Ayon sa kuwento, ilang botelya ng nitroglycerine ang
matagumpay na naipuslit papasok sa mga barko ng mga ahente ng pangkat na siyang
nagpasabog sa mga sasakyang-pandagat ng mga kalaban (Spence 1964, 176; Gray 1968, 211;
Spence 1969, 176; Real 1969, 90; Gagelonia 1970, 72; Dizon 1976, 203; Mella 1981, 62). Ang
tagumpay na ito ng Maharlika, ayon kay Spence (1964, 176; 1969, 176), ay ipinagbunyi ng
mga mamamayan ng Maynila.

Hindi nagtutugma gayumpaman ang mga detalye ng magkakaibang dokumentong


ipinasa ni Marcos sa US Army bilang katibayan ng “matagumpay na misyon.” Batay sa
nilalaman ng military citation para sa Distinguished Service Star, ani McDougald (1986,
81), “dalawang barkong nakadaong sa Pier 7 ang matagumpay na pinasabog ng mga
kasapi ng Maharlika noong Agosto 1944.” Taliwas ito sa mismong liham ni Marcos para
sa Guerilla Affairs Division noong Disyembre 2, 1947 na nagsabing naganap ang
“pagpapasabog sa tatlong barko noong Hulyo 1944” (Javar 2015, 200; Javar 2016b, 44).

His Maharlika history also claimed responsibility for blowing up three


Japanese ships in Manila harbor on 16 July 1944, burning another ship in the
Pasig River a week later, and for setting fires in shipyards, lumberyards, and
supply dumps, and sabotaging telephone lines. These claims were
investigated by the US Army, which reported that “extensive sabotage is

44 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

claimed in 1944 but no evidence is presented to substantiate these


claims” (McDougald 1986, 82) (akin ang diin).

Sa halip, ayon kay McDougald (1986, 82), kaso ito ng panibagong pag-angkin at
paglalapat ni Marcos ng makatotohanang insidente para sa kanyang sarili. Bukod sa
kwestyon sa katotohanan hinggil sa mismong yunit-gerilya ni Marcos, walang katibayang
makapagpapatunay na naganap (at kung ang Maharlika ang nagsagawa sa) ang
pagpapasabog. Sa halip, ang ganitong mga kahawig na tagumpay—batay sa mga opisyal
na dokumento ng US Army—ay gawa ng “LOD Sabotage Unit” ng pangkat ni Fertig at
East Central Luzon Guerillas (ECLG) Sabotage Unit sa ilalim ng isang Maj. Edwin Ramsey
(McDougald 1986, 82).

Kapuna-puna rin ang paggamit ng mga biograpo ni Marcos, lalo na nina Spence at Gray,
sa pangalan ng mga Amerikano at Pilipinong opisyal tulad nina McArthur at Fertig upang
bigyang-kredibilidad ang kanilang mga salaysay (Javar 2015, 201; Javar 2016b, 45). Sa
katunayan, giit ni Real (1969), opisyal na kinilala diumano ni McArthur ang mahalagang
papel na ginampanan ng Ang Mga Maharlika sa panahon ng digmaan. Aniya:

Binigbig ni Heneral Douglas MacArthur ti naitulong ti Ang mga Maharlika


kadagiti simmaganad a tawen (Kinilala ni Heneral Douglas McArthur ang
papel na ginampanan ng Ang Mga Maharlika nang mga sumunod na taon)
(Real 1969, 86) (akin ang malayang salin).

Malinaw gayumpaman na walang katibayan sa diumano’y pag-uusap nina McArthur at


Marcos lalo na ang “pagkakaloob/pagsasabit ng una ng medalya sa huli.” Higit sa lahat,
hindi lumabas ang pangalan ni Marcos sa anumang pahina ng mga sulatin at memoir ng
heneral. “There is no mention of Marcos by MacArthur in any writing, article, paper, or
book which would be anomalous if indeed Marcos is to be taken at his word,” paliwanag ni
Mijares (1976, 248). Hindi rin lumabas ang pangalan ni Marcos sa talaan ng mga
pinunong opisyal ng bawat kinikilalang yunit-gerilya ng Southwest Pacific Area (SWPA)
na binigyan ng code name noong Disyembre 16, 1943 para sa kanilang ligtas na
komunikasyon. Hindi rin kabilang ang Ang Mga Maharlika sa mga yunit-gerilyang
kinilala ni Fertig o ng Free Philippines sa mensaheng ipinadala nito sa SWPA noong
Pebrero 16, 1944 (Javar 2015, 202).

Higit sa lahat, nilinaw ni Fertig sa isang mensahe sa radyo para sa SWPA na wala siyang
ibinibigay na awtorisasyon sa Ang Mga Maharlika at hindi kaylanman napasailalim at
naging bahagi ng kanyang hukbo ang nasabing yunit (McDougald 1986, 70). Taliwas ito
sa isang dokumentong ginamit ni Marcos bilang katibayan sa kalauna’y paghingi niya ng
opisyal na pagkilala mula sa mga Amerikano sa Maharlika bilang tunay na yunit.

45 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Nakalagay sa dokumentong ito ang “pagbati ni Fertig sa intelligence report na inihatid [ng
Maharlika]” (Javar 2015, 202).

Napatunayan ding hindi wasto ang pahayag ng mga biograpo ni Marcos sa diumano’y
pakikipagsanib-puwersa ng Ang Mga Maharlika sa 14th Division na nasa ilalim ng
pamumuno ni Kol. Russell Volckmann (Javar 2015, 202-203). Ayon sa kanyang mga
biograpo, ipinanukala ni Marcos kay Volckmann ang pagsasanib para sa ikalalakas ng
puwersa at kakayahang makipaglaban ng US Armed Forces in the Philippines Northern
Luzon (USAFIP NL). Kahanga-hanga ang naging hakbang na ito ni Marcos, papuri nina
Spence (1964, 181; 1969, 181), Gray (1968, 221), at Dizon (1976 213), sapagkat “isinakripisyo
niya ang posisyon ng pamumuno sa hukbo at hindi siya humingi ng kapangyarihan
(command) para sa kanyang sarili.” Ayon kay Gray (1968, 221), humanga si Volckmann sa
sakripisyo ni Marcos kung kaya’t tinanggap niya ang alok na pagsasanib-puwersa na
naisapinal noong Disyembre 12, 1944. Dagdag pa nina Spence (1964, 179; 1969, 179) at
Gray (1968, 221) “an official report shows that when American forces reached Lingayen Gulf
in January 1945, the Maharlika greeted them with 3,450 men in Northern Luzon, 3,800 in
Pangasinan, 1,650 in Zambales and Manila, and 300 in various scattered espionage cells.”

Muli, mahalagang bigyang-pansin ang dalawang bagay: Una, walang katibayang


nagkausap sina Volckmann at Marcos, lalo’t higit sa diumano’y panukala ng pagsasanib-
puwersa. Ayon kay McDougald (1986, 77-78), isinulat ni Volckmann ang kanyang war
memoir pagkaraan ng digmaan ngunit wala siyang binanggit dito na anumang detalye
hinggil kay Marcos o sa Ang Mga Maharlika. Katwiran ni McDougald (1986, 88), kung
totoo ang mga salaysay ng kabayanihan ni Marcos, hindi maaring makaligtaang banggitin
ni Volckmann ang hinggil dito sa kanyang publikasyon. Dagdag pa, tinukoy ni
Willoughby sa sarili niyang memoir pagkaraan ng digmaan ang 64 opisyal na may
direktang papel sa mga yunit-gerilya sa buong Pilipinas. Kabilang sa mga nabanggit sina
Fertig, San Agustin, Kapt. Jesus Villamor, at Cruz. Muli, hindi lumabas dito ang pangalan
ni Marcos o anumang detalye hinggil sa Ang Mga Maharlika (McDougald 1986, 80).

Pangalawa, mahalaga ring linawin na ang “official report” na binanggit nina Spence (1964;
1969) at Gray (1968) ay detalyeng nagmula sa akda ni Willoughby kung saan nilinaw nito
na marami sa mga diumano’y kasapi ng Maharlika ay sa katunaya’y bahagi ng hukbo ni
Volckmann. Isa sa mga halimbawa nito si Manriquez na itinala ni Marcos bilang
komandante ng ikatlong distrito ng Maharlika. Itinanggi ni Manriquez na naging bahagi
siya ng pangkat at nilinaw na nagkita lamang sila ni Marcos sa unang pagkakataon nang
umanib ito sa 14th Division noong Disyembre 1944 (McDougald 1986, 80). Sa katunayan,
ani McDougald (1986, 88)—batay sa inilathalang akda ni Rivera pagkaraan ng digmaan,
isang Srht. Ventura lamang ang kasama ni Marcos nang makipagtipan siya sa kanilang
dibisyon upang umanib. Nilinaw ni Rivera na walang kasamang yunit-Maharlika si

46 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Marcos at binigyang-diin na malala ang karamdaman nito nang sila ay dumating ni


Ventura (Javar 2015, 204).

Sa kabuuan, nilinaw at binigyang-diin ng National Historical Commission of the


Philippines (NHCP) (2016, 20-21) sa pag-aaral nito na a) ang Ang Mga Maharlika ay gawa-
gawang yunit-gerilya lamang bunga ng mga hinuwad na dokumento, at b) ang mga
“kasapi” nito’y kabilang sa tinaguriang “paper guerillas” ng digmaan. Ang paper guerillas
ay mga indibidwal na nagtaglay ng mga “dokumentong patunay na bahagi sila ng mga
organisasyong gerilya” bagama’t hindi sila humawak ng baril at hindi aktwal na lumaban
(NHCP 2016, 21). Tinawag naman silang “Escolta guerillas” ni Bonifacio Gillego (nasa
McDougald 1987, 97) batay sa pangalan ng isang kalye sa Maynila kung saan talamak ang
pamemeke ng mga dokumento. Marami sa mga “gerilyang” ito ang sadyang nanghuwad
ng mga papeles sa tangkang makakuha ng gantimpalang pinansyal at pensyon mula sa
Estados Unidos (McDougald 1987, 97) o di kaya’y mga dating kolaborador ng mga
Hapones na nangabilang-bakod pagkaraan ng digmaan upang maitago at pagtakpan ang
kanilang pagtataksil sa bayan (NHCP 2016, 21).

Mga Gawaing Pro-Hapones

Sa kabila ng kabi-kabilang pabrikasyon ng mga dokumento at pag-imbento ng iba’t ibang


salaysay ng “magiting na kabayanihan” ni Marcos, ikinubli naman—at sa ilang
pagkakatao’y binaluktot—ng marami sa kanyang mga biograpo ang mga detalye hinggil
sa kanyang mga gawaing pro-Hapones sa panahon ng digmaan.

Ayon kina Mijares (1976) at McDougald (1986), maraming ebidensyang


makakapagpatunay sa katapatan at paglilingkod ni Marcos sa mga Hapones sa panahon
ng digmaan. Kabilang dito, ayon kay McDougald (1986, 71), ang isang mensahe sa
pamamagitan ng radyo na ipinadala ni Fertig sa SWPA kung saan nakatala ang pangalan
ng mga opisyal ng Philippine Constabulary at Philippine Army na sumuko sa mga kaaway
at nakipagkasundong maglingkod sa Bureau of Constabulary (BC) ng mga Hapones.
Kasama sa tala ang pangalang “P.V. Marcos.” “There were many typographical errors,”
paliwanag niya (McDougald 1986, 71), “and several names were misspelled but that name
was there.”

Ilang ulit ding nakita ng taumbayan noong Agosto 1944 ang paglalakad ni Marcos sa
bayan ng Malolos habang nakasuot ng uniporme ng mga Hapones (McDougald 1986, 85).
Sa katunayan, kakatwang binanggit ng komisyunadong akda ni Spence (1964, 178; 1969,
178) at Gray (1968, 213) ang pagpasok ni Marcos at mga kasama sa loob ng himpilan ng
mga Hapones sa bayan. “There he spread his gear in a Japanese barracks and made himself
at home,” ayon kay Spence (1964, 178; 1969, 178). Depensa ng kanyang mga nagpupuring

47 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

biograpo, “ginawa lamang ito ni Marcos bilang ‘cover’ habang nagpapagaling siya ng
kanyang karamdaman.”

Nagtutugmang binigyang-diin nina Mijares (1976) at McDougald (1986), gayumpaman,


ang matibay na relasyon sa pagitan nina Marcos at Laurel—ang Presidente ng
pamahalaang papet sa ilalim ng mga Hapones at mahistradong nagpawalang-sala sa
kanya sa kaso ng pagpatay kay Nalundasan. Sa katunayan, si Laurel ang nag-utos na
dalhin si Marcos sa pagamutang nasa kontrol ng mga Hapones nang magkasakit ito ng
blackwater fever (Mijares 1976, 239, 247). Sa panahong ito, dagdag ni McDougald (1986,
85), ang dating komandante ni Marcos bago bumagsak ang Bataan na si Brig. Hen. Mateo
Capinpin ay siya nang tagapayong-militar ni Laurel.

Hindi lamang si Ferdinand kundi maging ang kapatid niyang si Pacifico ang nakipag-
ugnayan sa mga Hapones, ayon kay Mijares (1976, 247). Sa katunayan, kalauna’y naging
mahusay at matatas si Pacifico sa pagsasalita ng Nihonggo bunga ng madalas na
pakikipagtalastasan nito sa mga mananakop. Dahil sa ugnayan niya at kanyang pamilya
sa mga kalaban at sa hinalang naglilingkod siya bilang espiya ng mga Hapones, ilang ulit
tinugis at tinangkang ilikida ng mga gerilyang Pilipino si Marcos. Ayon kay Mijares (1976,
247), si Marcos mismo ang umamin hinggil dito sa isyu ng Philippine Daily Express noong
Pebrero 28, 1976 kung saan niya sinabi na “hindi naniwala ang kanyang mga kasama na
isa siyang tunay na gerilya, at sa halip ay nagsuspetsang naglilingkod [siya] bilang
infiltrator ng mga Hapones.”

Katapatan ng Kanyang Pamilya sa mga Hapones

Kabilang din sa mga detalyeng binura at/o niretoke ng kanyang mga komisyunado at
nagpupuring mga biograpo ang hinggil sa katapatan at kolaborasyon ng pamilyang
Marcos—lalo na ni Mariano, sa mga Hapones sa panahon ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Naging mabisang hakbang ng mga biograpong ito ang tambalang dulog ng
omisyon sa mga negatibong detalye at distorsyon ng ilang di-maitatangging datos hinggil
sa aktibong partisipasyon ng ama ni Ferdinand sa mga gawaing pro-Hapones sa panahon
ng digmaan (Javar 2015, 174-175).

Ganito ang bersyon ng komisyunadong akda ni Spence (1964; 1969) hinggil sa “pagpatay
ng mga Hapones” sa ama ni Ferdinand bunga ng “matibay na paninindigan nitong hindi
makipagtulungan sa mga dayuhan”: Nang makabalik sa kanilang himpilan “pagkaraan ng
ilang linggong pakikipaglaban sa mga Hapones sa Nueva Vizcaya at Ifugao,” nakarating
diumano sa kaalaman ni Ferdinand ang napipintong likidasyon ng mga Hapones sa
kanyang amang si Mariano na “ilang buwan nang ipiniit ng mga kalaban sa San Fernando,
La Union.” Isang maliit na pangkat ng mga piling kawal mula sa Ang Mga Maharlika ang

48 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

diumano’y ipinadala ni Ferdinand para itakas si Mariano mula sa kanyang piitan. Ayon sa
plano, ang nasabing pangkat pagkaraang maitakas si Mariano mula sa kamay ng mga
Hapones sa San Fernando ay makikipagtagpo sa panibagong pangkat na ipinadala ni
Ferdinand bilang ayuda (Javar 2015, 174-175).

Ang nasabing plano, ayon kay Spence (1964, 187; 1969, 187) ay natunugan ng mga
Hapones kung kaya’t hinayaan nilang patakasin si Mariano upang masundan at nang sa
gayo’y malaman kung saan nagkakampo ang “hukbo ni Ferdinand.” Pagsapit sa Baguio,
gayumpaman, nagkamaling lumiko pakanluran ang “nakatakas” na si Mariano sa isang
sangandaan, sa halip na tumahak pasilangan. Tumulak at nakarating siya kung gayon sa
isang grupo ng mga gerilyang hindi nakaugnay sa “hukbo ni Marcos.” Gayumpaman,
ayon sa kuwento, agad ding pinakawalan si Mariano ng mga gerilya sa pangambang
espiya ito ng mga Hapones. Dahil dito, muli diumanong napasakamay ng mga Hapones
ang ama ni Ferdinand. Pagpapatuloy ni Spence (1964; 1969):

[F]erdinand Marcos’ father Mariano was bayoneted and left hanging from a
tree by the Japanese. The bitterest irony was that Mariano Marcos could
have been saved by a band of guerrillas who refused to aid him because he was
not a member of their own little group (Spence 1964, 6; Spence 1969, 6) (akin
ang diin).

Samantala, kakatwang walang binanggit na anuman hinggil kay Mariano ang mga akda
ng mga nagpupuring biograpo ni Marcos tulad nina Gray (1968), Real (1969), Santos
(1969), Gagelonia (1970), de Vega (1974), at Dizon (1976). Marahil napagtanto nila ang
hindi pagtutugma ng bersyon ni Spence (1964; 1969) sa tunay na detalye ng mga aktibidad
ni Mariano sa panahon ng digmaan. Tanging si Mella (1981, 100) at Nituda (1979, 41-42)
lamang ang gumamit at muling bumanggit sa nasabing salaysay. Diin pa nga ni Nituda
(1979, 42), “When the Japanese realized that neither coercion nor water cure could break his
indomitable spirit, they bayoneted him and hanged his body from a tree.”

Ilang mahalagang bagay ang marapat pansinin sa puntong ito: 1) pilit ipinakita ng bersyon
ni Spence (1964; 1969) ang “paninindigan ni Mariano laban sa mga Hapones,” at 2) ang
binigyang-diin na “mga Hapones ang pumaslang” sa ama ni Ferdinand. Nakatuon ang
ganitong pananaw at dulog sa mapanlinlang na paglikha sa imahen ni Mariano bilang
“martir” na “pinaslang ng mga dayuhan bunga ng nasyonalistang paninindigan nito laban
sa mga Hapones” (Javar 2015, 176-177).

Sa kabalintunaan, gayumpaman, paglilinaw ni Mijares (1976, 254), mga gerilyang Pilipino


ang lumitis at pumaslang kay Mariano bunga ng pataksil na paglilingkod nito bilang
kolaborador at espiya ng mga Hapones. Ayon kay McDougald (1987, 88-89), dinakip ng
mga gerilya si Mariano noong unang bahagi ng 1945. Pagkaraang litisin dahil sa tahasang

49 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

kolaborasyon sa mga kaaway, pinatawan ng parusang kamatayan ang ama ni Ferdinand.


Isinabit ang kanyang labi sa isang puno upang tumayong babala sa iba pang kolaborador
(McDougald 1987, 89). Nagbigay ang akda ni Hamilton-Paterson (1998) ng karagdagang
detalye hinggil sa pagdakip at pamamaslang kay Mariano. Aniya (Hamilton-Paterson
1998, 98), inaresto ng pangkat-gerilya sa ilalim ni Maj. George Barnett ang ama ni
Ferdinand. “Even more unfortunately for him, Barnett’s unit included several friends and
relatives of the late Julio Nalundasan,” paliwanag ni Hamilton-Paterson (1998, 98), “the
man who had beaten Mariano in the 1935 election and whom Ferdinand was convicted of
having shot.” Kinumpirma ito ng impormasyon ni McDougald (1987, 88-89) na nagsabing
kaya hindi piniling salihan ni Ferdinand ang 121st Division noong digmaan ay dahil
binubuo ito ng marami sa mga kaibigan at kamag-anak ni Nalundasan. Pagpapatuloy ni
Hamilton-Paterson (1998):

Under interrogation, Mariano confessed that it was Ferdinand who had put
his name forward to the Kempei Tai, the secret police. (This probably
explains how Ferdinand had obtained his release from Camp O’Donnell.)
After a month or two as the unwilling guest of Major Barnett, Mariano was
tried for war crimes and sentenced to death for having worked for the
Japanese from start to finish (it was now early 1945). The wretched Mariano
might well have wished for a simple bayoneting. The man whose custom it
had been in his middle twenties’ at six each evening to put on a tan military
uniform with a Sam Browne belt, holstered sidearm, riding breeches and
boots, and strut around [Sarrat] village square cracking a riding crop on his
thigh made a very unmilitary death, though a traditional one. He was hitched
to four water buffaloes and torn apart, his shredded limbs and torso then
being hung, dripping, on a tree. A similar fate would probably have awaited
his son had not Roxas intervened in the nick of time (Hamilton-Paterson
1998, 98).

Bago ang insidente, ani McDougald (1987, 89), ilang ulit nakita ng taumbayan ang
pagbisita at paglilibot ni Mariano sa iba’t ibang pamayanan sa Hilagang Luzon kasama
ang mga Hapones. Bahagi aniya sa mga tungkulin ng ama ni Ferdinand para sa mga
mananakop na hikayatin ang mga mamamayan na makipagtulungan sa mga Hapones at
sa pamahalaang papet na kanilang itinatag sa Pilipinas. Ang gawaing ito ng kanyang ama
ay matagal nang batid ni Ferdinand ngunit inilihim nito sa kaalaman ng inang si Josefa.
Sa halip, ayon sa kuwento, ipinabatid ni Ferdinand sa kanyang ina, nang sunduin siya nito
mula sa kanyang paglaya sa Tarlac, na si Mariano ay “nasa ilalim ng house arrest sa Batac
bunga ng pagtanggi nitong makipagtulungan sa mga Hapones.” Gayumpaman, giit ni
Hamilton-Paterson (1998, 85) batay sa intelligence report ng US Army nang mga
panahong iyon, si Mariano sa katunayan—taliwas sa pahayag ni Ferdinand sa kanyang
ina, ay abalang naglilingkod para sa mga dayuhan tulad pakikibahagi nito sa isang

50 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

seremonya sa Laoag na sumalubong at tumanggap sa pagdating ng mga Hapones sa


kabisera. “Then on 17 July, barely a fortnight before Ferdinand’s release [in Tarlac],
Mariano had spoken eloquently at a pro-Japanese rally in Batac,” dagdag ni Hamilton-
Paterson (1998, 86). “This being so, the conclusion seems unavoidable that the Japanese
released the son from the PoW camp because the father was cooperating.”

Ayon sa mga datos ng akda ni Hamilton-Paterson (1998, 103), si Ferdinand mismo ang
nagrekomenda ng pangalan ng kanyang ama sa mga Hapones habang nakakulong siya sa
Tarlac. Sa katunayan, tulad ng sinundang sipi mula kay Hamilton-Paterson (1998, 86),
ang kolaborasyon ni Mariano ang iturong dahilan sa kalauna’y paglaya ng nakababatang
Marcos mula sa Camp O’Donnell. Taliwas ito sa pahayag ni Spence (1964, 154; 1969, 154)
na lumaya si Ferdinand mula sa kamay ng mga Hapones sa Tarlac sa pamamagitan ng
pagsuhol ni Josefa sa mga guwardiya at ilang opisyal ng kulungan.

Ayon kay Hamilton-Paterson (1998, 85), pagsapit ng Hunyo 1942, maraming bilanggo ng
digmaan (prisoners of war) na may malalang sakit ang pinalaya ng mga Hapones mula sa
pagkakapiit sa mga piitang-kampo sa buong Pilipinas, kabilang na ang Camp O’Donnell sa
Tarlac, upang ipakita ng mga mananakop ang kanilang “konsiderasyon” at “pagiging
kaibigan” sa mga Pilipino. Tumutugma ang nasabing pagpapalaya sa salaysay ng
komisyunadong akda nina Spence (1964; 1969) at Gray (1968) na nagsabing bahagi sa mga
pinalaya si Ferdinand. Ngunit hanggang dito lamang ang pagkakatulad ng kanilang mga
salaysay sa mga nagsisiwalat na mga detalye ng akda ni Hamilton-Paterson (1998). Ang
pangalan ng bawat bilanggong maysakit na pinalaya ng mga Hapones ay itinala at
inilathala nang panahong iyon sa Manila Tribune. Hindi, gayumpaman, lumabas sa
alinmang listahan ang pangalan ni Ferdinand. “Maybe he was not sick but fell instead into
a second category of prisoners the Japanese were releasing...,” paliwanag ni Hamilton-
Paterson (1998, 8), “those whose families had cooperated with the Japanese military
authorities.”

Sa kabuuan, ani Hamilton-Paterson (1998, 106), ang mabigat na konsensyang


bumabagabag sa kanyang kalooban bunga ng pagrerekomenda sa ama sa mga Hapones
na siya nitong ikinasawi sa kamay ng mga gerilya ang pangunahing dahilan sa mariing
tangka ng dating Presidente na gawing “bayani” ang ama sa mata ng mga mambabasa ng
kanyang talambuhay at ipakitang “heroiko” ang pagkamatay nito “sa kamay ng mga
kalabang dayuhan.” Bahagi kung gayon ang distorsyon sa mga detalye hinggil sa kanyang
ama sa malawakang pabrikasyon ni Ferdinand sa mga detalye ng diumano’y kagitingan
niya at ng kanyang pamilya sa panahon ng digmaan.

51 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Pabrikasyon at Panghuhuwad

Ganito nilagom ni McDougald (1986, 106-107) ang mga kakatwa at di-kapani-paniwalang


salaysay ng “kabayanihan at kagitingan” ni Marcos sa panahon ng digmaan: “Marcos the
soldier was an illusion. His claims are so full of discrepancies and inconsistencies that is
difficult to believe he performed any of those alleged deeds.” Sa katunayan, paliwanag ni
Mijares (1976, 245), ang lahat ng mga dokumentong ginamit ni Marcos upang patunayan
ang kanyang mga “kahanga-hangang gawa at tagumpay” ay produkto ng sistematikong
pabrikasyon na pinagpaplanuhan at pinondohan mismo ng dating diktador. Aniya, ang
mga kaduda-dudang affidavit ay inihanda ng isang dating opisyal at beterano ng digmaan
na nakuha ni Marcos ang serbisyo at katapatan sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng
mataas na posisyon sa pambansang organisasyon ng mga beteranong sundalo sa Pilipinas.
Ang hindi pinangalanang taong ito ang naglagay ng mga awtentikong detalye sa mga
huwad na affidavit upang magmukhang tunay ang mga dokumento. Isa naman kilalang
manghuhuwad (forger) na noo’y nakakulong sa Pambansang Piitan ng Bilibid ang
naglapat ng mga pekeng lagda ng mga pumanaw nang opisyal-militar—Pilipino man o
Amerikano, na pinalabas na bago pumanaw ay nagpatunay/nagpatotoo sa magigiting na
kabayanihan ni Marcos (Mijares 1976, 245; Rotea 1983, 69; Javar 2015, 207; Javar 2016b, 40).

Sa kabuuan, tatlong (3) pangunahing butas ang tinukoy ni McDougald (1986) sa


malawakang pabrikasyon at panghuhuwad ng mga medalya’t parangal-militar ni Marcos:

Three things are noteworthy about his awards: first, all are based on
affidavits after-the-fact; second, no source documents of that period can
substantiate his claims; and third, there are people and documentation that
dispute his claims (McDougald 1986, 13).

Bukod dito, binigyang-diin din ni McDougald (1986: 13) na lahat ng medalya’t parangal-
militar ni Marcos ay hindi ipinagkaloob sa kanya sa loob ng dalawang (2) linggo
pagkaraan ng mismong araw ng mga partikular na labanan na siyang standard operating
procedure (SOP) sa sistemang militar sa panahon ng mga digmaan. Sa halip,
napakalaking bahagi ng mga medalya’t parangal na ito’y napasakamay lamang niya noong
1963—labimpitong (17) taon pagkaraan ng digmaan. Sa katunayan, kumbinsido ang
kanyang mga kritiko na ang kapuna-punang pagsulputan ng mga parangal ay sadyang
nakadisenyo upang maging “katibayan” sa salaysay ng mga “kagitingan” ni Marcos sa
panahon ng digmaan na noo’y sinusulat ni Spence para sa kanyang komisyunadong
akdang For Every Tear a Victory na nalathala pagsapit nang 1964—isang taon bago ang
pampanguluhang halalan noong 1965 (Javar 2015, 207-208).

Dagdag pa, ang mga pabrikadong dokumentong “patunay” ng kanyang kabayanihan ay


nagmula sa mga tala ng digmaan (war records) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

52 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Paliwanag ni Bonifacio Gillego, ayon kay McDougald (1986, 14), hindi ito nakapagtataka
para sa isang institusyon na kailangang taunang mag-lobby sa Kongreso para sa budget
appropriation at para sa kumpirmasyon ng lehislatura sa mga nakabinbing promosyon ng
mga opisyal-militar. Dagdag paliwanag ni McDougald (1986, 14), “One unfailing technique
was to give awards to selected members who would champion their cause. Marcos was such
a champion.”

PANGWAKAS

Isang “angat sa iba, pambihira, at namumukod-tangi,” sa madaling salita—


ekstraordinaryong Ferdinand Marcos ang nalikha mula sa kanyang mga opisyal na
talambuhay. Resulta ito ng sadya, binalangka,s at sistematikong pagkasangkapan ng
dating diktador sa pananalambuhay upang makalikha ng mala-perpekto at huwarang
imaheng magagamit niya para sa kanyang mga planong pulitikal. Magkakaugnay na
manipulatibong dulog ang ginawa ng kanyang mga opisyal na biograpo sa paglikhang ito.
Ipinasailalim sa distorsyon ang marami sa mga detalye ng kanyang talambuhay. Ginawa
ito sa pamamagitan ng sadya at tahasang pagbaluktot upang ang mga detalyeng negatibo
at hindi kapuri-puri ay maging positibo’t ideyal. Ganito nilikha ang mga salaysay na “mga
Hapones ang pumaslang” kay Mariano Marcos upang itago ang kolaborasyon nito sa mga
dayuhan at pagtakpan ang kanyang pagtatraydor sa bayan noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Sa ganitong paraan, lumabas na “makabayan at nagbuwis ng buhay para sa
bayan” ang ama ni Ferdinand. Sa katulad na paraan binaluktot ng kanyang mga biograpo
ang detalye hinggil sa hindi agad pagpapabinyag ni Marcos sa Katolisismo. Ang boto ng
mga Katoliko, ang mayoryang populasyon sa bansa, ay mahalaga para sa pagtakbo ni
Marcos bilang Presidente. Upang palabasing “inosente” sa kanyang pagpatay kay
Nalundasan, magkakaibang antas din ng pamamaluktot ng mga detalye ang inilapat sa
mga opisyal na salaysay.

Kapansin-pansin din ang eksaherasyon ng mga salaysay sa pamamagitan ng


pagpapalubha ng mga sitwasyon at/o paglalagay kay Marcos sa salaysay ng mga dehadong
kalagayan. Layunin nitong bigyang-diin ang lalim o tindi ng kanyang mga sakripisyo at
pagpupunyagi. Higit kung gayong “heroiko” ang kanyang mga tagumpay “sa kabila ng
mabibigat at mala-imposibleng hamon at mga balakid.” Sa ganitong dulog itinanghal ng
mga biograpo ni Marcos ang kanyang mga pambihirang husay at kakayahan gaya ng
“pagbabasa ng mga aklat pang-kolehiyo nang ito ay musmos pa lamang.” Sa nabuong
salaysay, ipinakilala si Marcos, sa edad na tatlo, ay “bihasang-bihasa na sa pangangaso sa
mga kabundukan sa loob ng dalawampu’t limang araw hanggang isang buwan.” Ganito
kinatha ang mga pambihirang anekdota ng “mag-isang pakikipaglaban” ni Marcos sa
“bata-batalyong sundalong Hapones.” Resulta rin ng eksaherasyon ang pinalutang na

53 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

konklusyong “hindi lamang ang Bataan” ang kanyang sinagip sa kamay ng mga kalaban
kundi maging ang “New Zealand, Australia, at ang buong mundo.”

Naging paborito ring dulog ng kanyang mga biograpo ang omisyon—pagbura, pagkubli,
pagtago, pagsasantabi, at/o pagpipi—ng maraming detalye ng kanyang buhay. Tanging
ang mga positibo at kapuri-puring detalye ang selektibong itinampok habang ang mga
detalyeng negatibo at hindi angkop sa heroikong pamantayan ay sistematikong inilihim
sa kaalaman ng mga mambabasa. Sa sadyang pagbura sa mga detalye ng unang pag-ibig
ng inang si Josefa (at ang kaugnay na detalye hinggil sa “tunay niyang ama”), at mga anak
sa labas ng mag-asawang Marcos, ang pamilyang Marcos ay nagmukhang “ideyal at
huwaran” sa mata ng mambabasa. Itinago rin sa mga salaysay ang mahahalagang
impormasyon hinggil sa mga gawaing pro-Hapones at kolaborasyon ng pamilyang Marcos
sa mga Hapones, gaya ng sadyang pagpipi sa konteksto ng tulong ni Laurel para
mapawalang-sala si Ferdinand sa kasong pagpatay.

Ang panghuhuwad o pamemeke ang pinakatahasan at pinakamalalang dulog na


isinagawa ng kanyang mga biograpo. Kabilang dito ang a) pabrikasyon ng mga materyal
at salaysay, at b) mapanlinlang na pag-angkin sa mga gawain at tagumpay ng iba. Ang
una’y tahasang dulog na pinerpekto at iniakyat ni Marcos at ng kanyang mga biograpo sa
pinakamataas at pinakamalalang antas. Ang mga nabuong salaysay (at mga kaugnay na
materyal bilang “katibayan” ng mga salaysay na ito) ay maihahanay mula sa mga
kakatwang kuwento hanggang sa mga imposible at hindi kapani-paniwalang naratibo.
Umusbong mula sa mapanlinlang na dulog na ito ang mga pekeng medalya at huwad na
salaysay ng mga gawad-militar na diumano’y “iginawad mismo ni Hen. MacArthur” kay
Marcos para sa kanyang “kagitingan noong digmaan.” Kabilang din sa nilubid na
kasinungalingan ang mga gawa-gawang kuwento hinggil sa pagiging kampeon ni Marcos
sa pambansang paligsahan ng pagbaril.

Bahagi rin ng dulog na ito ang pag-angkin sa mga gawain at tagumpay ng iba. Sa
ganitong paraan, ang mga wasto at makatotohanang gawain o tagumpay ng ibang
indibidwal o grupo ay mapanlinlang na inilapat kay Marcos. Ganito inangkin ng kanyang
mga biograpo ang mga heroikong insidente na sa katunaya’y tagumpay ng ibang tao o
pangkat—mula sa “kapuri-puring pagtanggi ni Marcos” sa “alok na ranggong heneral”
(mula sa tunay na alok noon ni Morgan kay Fertig) hanggang sa “matagumpay na
pananabotahe ng Ang Mga Maharlika” laban sa mga Hapones (batay sa totoong tagumpay
ng mga pangkat-gerilya nina Fertig sa Mindanao at Ramsey sa silangan at Gitnang
Luzon).

Sa kabuuan, ang mga manipulatibong dulog na ito ang lumikha sa ekstraordinaryong


imahen ni Marcos. Nakatuon ang ganitong dulog—hindi lamang sa basta-bastang
paglalapat kay Marcos ng mga kahanga-hangang gawaing likhang-isip, kundi sa

54 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

paglulubid ng mga kahanga-hangang gawain na angat at namumukod-tangi sa iba. Kaya


nga hindi nakapagtatakang marami sa mga nabuong salaysay ay lumagpas na sa mga
hangganan ng kakayahang mortal. “The claims appear to be part of an elaborate hoax
perpetrated by someone who couldn’t settle for just being brave. He had to be the bravest,”
napakaakmang lagom ni McDougald (1987, 107) sa matinding pithaya ng diktador na
iangat at mapabukod-tangi ang sarili sa iba.

Sanggunian

Agpalo, Remigio. 1993. Ferdinand E. Marcos: War Hero, National Leader, and a Great Man
of Peace. Quezon City: JunMan’s Enterprises.

Crisol, Jose at Uldarico Baclagon. 1983. Valor: World War II Saga of Ferdinand E. Marcos.
Quezon City: Development Academy of the Philippines.

De Vega, Guillermo. 1974. Ferdinand E. Marcos: An Epic. Manila: Guillermo C. de Vega.

Dizon, Anacleto. 1976. Ferdinand E. Marcos: Itinadhana sa Kadakilaan. Manila: Malaya


Publishing Corporation.

Gagelonia, Leticia. 1970. Hamon sa Kagitingan (Marcos ng Silangan). Manila: Leticia S.


Gagelonia.

Gray, Benjamin. 1968. Rendezvous with Destiny. Manila: Philippine Education Company.

Gwekoh, Solomon. 1948. Manuel Quezon: His Life and Career. Manila: University
Publishing.

Hamilton-Paterson, James. 1998. America’s Boy: A Century of Colonialism in the


Philippines. New York: Henry Holt and Company.

Javar, Roderick. 2015. Retokadong Talambuhay, Manipuladong Salaysay: Ang


Pananalambuhay kina Manuel M. Quezon at Ferdinand E. Marcos. Ph.D.
disertasyon sa Araling Pilipino, University of the Philippines, Diliman, Quezon
City.

Javar, Roderick. 2016a. Kasaysayang Buhay: Pananaw, Pamamaraan, Pananaliksik.


SALIKSIK E-Journal 5, blg. 2 (Nobyembre): 1-47.

55 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”


Saliksik E-Journal
Tomo 7, Bilang 2 | Mayo 2018

Javar Roderick. 2016b. Medalyang Hinuwad, Kagitingang Nilubid: Biograpikong Paglikha


kay Ferdinand Marcos bilang “Pinakamagiting na Bayani ng Digmaan.” UPLB
Journal 15: 37-48.

McDougald, Charles. 1987. The Marcos File: Was He a Philippine Hero or Corrupt Tyrant?
California: San Francisco Publishing.

Mella, Cesar. 1981. Marcos: The War Years. Quezon City: President’s Center for Special
Studies.

Mijares, Primitivo. 1976. The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos. San
Francisco: Union Square Publishing.

National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 2016. Why Ferdinand E.


Marcos Should Not Be Buried at the Libingan ng mga Bayani. Manila: National
Historical Commission of the Philippines.

Nituda, Victor. 1979. The Young Marcos. Quezon City: Foresight International, Inc.

Real, Placido Jr. 1969. Ferdinand Edralin Marcos. Manila: Lyceum Press, Inc.

Rotea, Hermie. 1983. Marcos’ Lovey Dovie. Los Angeles: Liberty Publishing.

Santos, Alfonso. 1969. Marcos: Man of the Hour! Quezon City: Balfon House.

Seagrave, Sterling. 1988. The Marcos Dynasty. New York: Harper.

Spence, Hartzell. 1964. For Every Tear a Victory: The Story of Ferdinand E. Marcos. New
York: McGraw-Hill.

Spence, Hartzell. 1969. Marcos of the Philippines: A Biography. New York: World
Publising Company.

56 JAVAR: Si Ferdinand Marcos, ang “Ekstraordinaryo”

You might also like