You are on page 1of 2

Tigdas

September 21, 2016

By: Keysie Gomez

Kalakip ng hangin ay ang malagkit na pasakit at delubyo,

isang hindi maunawaang karamdaman ng tao at estado.

Unang dapo sa balat, tiyak ang mabilis nitong paglaganap,

samahan pa ng ihip ng Amihan at Habagat.

Sugat-sugat na ang talukap ng matang dati ay mulat,

Ngayo’y nagsusumikap, hindi magawa ang dumilat.

Natatakpan ng hapdi at kati ang dati’y makinis na kasarinlan,

sa isang iglap ay naglaho na ang kaaya-ayang kamalayan.

Dumating ang inakalang lunas, dali-daling pumila,

Ang sabi-sabing botika, iyon pala ay selda.

Naniwala sa salitang binitawan ng Doktor,

ngunit ang manggagamot pala’y kaibigan din ng traydor.

Sino ang papaniwalaan, ng mga taong may Tigdas?

Ang hangin? Ang tubig? Ang tinatapakang batas?

Tigdas ng lipuna’y matagal nang iniinda,


Ngunit ni isang lunas ay walang makakabura.

(In the wake of the EJK and the shitty senate and house hearings)

You might also like