You are on page 1of 2

CHRISTIAN JAY SANTIAGO

BS MARe

BINHI NG PAGSISIKAP
Sa ating bansa may kasabihan tayong “Ang iyong tinanim ay siya ring aanihin”.
Kasipagan ang isa sa natatanging katangian ng bawat magsasakang Pilipino. Hindi lumilipas
ang isang araw na wala silang ginagawa. Bagaman parehong nakalubog ang ating mga paa sa
marahas na lipunang ating ginagalawan, sadyang mas maputik ang kanilang nilulubugan.
Ang maging magsasaka ay hindi biro, maghapong nakayuko at hindi iniinda ang bawat sinag
ng araw na tumatama sa kanilang mga balat. Pawis ay tumatagaktak ngunit hindi nila
magawang punasan pagkat ayaw nilang masayang ang bawat minutong nakapaloob sa isang
buong araw. Umulan man o umaraw, anuman ang panahon hindi sila nagpapatinag at patuloy
na nagtatanim dahil ito ang kanilang pangunahing hanapbuhay. Ang manatili sa ilalim ng
araw ay hindi biro kung tayo nga’y nakasilong na nagrereklamo parin sa init ng panahon,
paano naman sila, naisip niyo ba, nakapagpapahinga lamang sila pagkatapos nilang
mananghalian. Laman sa mga balita at social media ang mga larawan ng magsasakang
binawian ng buhay sa gitna ng kanilang pagtatanim sa ilalim ng sikat ng araw kung saan ang
bawat isa’y nakasilong samantalang sila’y naroon nagbabanat ng buto. May pumasin ba sa
kanila? Wala!
Hindi na ako naniniwala sa kasabihang sinambit ko sa umpisa kung pagbabasehan
natin ang sitwasyon ng ating mga magsasaka. Kung inyong napanuod sa telebisyon, ang
presyo ng isang kilong palay na dating dalawamput isa naging labing apat na lang. Labis na
hirap ang pinagdadaanan ng mga magsasaka ngunit hindi naibibigay sa kanila ang tamang
katumbas ng kanilang sakripisyo. Sabi nila mas malakas pa nga daw ang mga magsasaka
kumpara sa kalabaw ngunit buti pa ang kalabaw kinikilala bilang pambansang hayop
samantalang ang mga magsasaka tingin sa kanila’y aliping dukha.
Pakiramdam ko nawawalan na ng pag-asa ang ating mga magsasaka pagkat ang mga
nakaupo sa kinauukulan ay para bang mga may kapansanan na dinaig pa ang bulag at pipi.
Hindi ko maintindihan kung bakit ipinagkakait nila sa mga magsasaka ang hustisyang
kanilang hinihingi samantalang ng kumalat ang isyu tungkol sa isang transwoman na hindi
pinayagang umihi sa pampublikong palikuran ng mga babae ay para silang nagkukumahog na
masolusyunan ang problemang ito samantalang ang panawagan ng magsasaka ayon
nakatengga. Oo, gumawa sila ng batas, ang Rice Tarrification Law, tinatanggal ng batas ang
restriksiyon sa importasyon ng bigas, na inaasahang magpapataas sa supply ng bigas at
magpapababa naman sa presyo nito. Isa sa layunin ng batas na ito ay protektahan ang mga
magsasaka na maapektuhan ng mababang presyo dahil sa mas mura ang imported rice. Sabi
nila ang perang makukuha mula sa rice tarrification ay para sa mga magsasaka at sa
pagpapabuti ng industriya ng bigas. Batay sa aking obserbasyon hindi naman natutupad ang
layuning ito. Mga magsasaka ay lalong nag-ingay dahil sa negatibong epekto nito. Isa na rito
ang pagbagsak ng presyo ng mga palay sa ating bansa na siyang nagpababa sa kanilang kita.
Narinig ko rin ang balita na magpapautang daw ang pamahalaan para sa puhunan ng mga
magsasaka ngunit naniniwala ako na hindi ito ang solusyon pagkat utang ito at kailangang
bayaran. Tulong ang kailangan nila hindi panibagong problema.
CHRISTIAN JAY SANTIAGO
BS MARe

Ibigay ang nararapat sa ating magsasaka pagkat sila ang tunay na bayani, ang
pundasyon ng bansa, inspirasyon ng bawat Pilipino at salamin ng kasipigan. Ang magsasaka
ang siyang natatanging binhi ng pagsisikap.

You might also like