You are on page 1of 1

‘Di patas na batas

Ipinatutupad na ang Rice Tariffication Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at naging
ligal na basehan upang makapag-angkat ang Pilipinas ng bigas sa ibang bansa. Hindi naging maganda ang
epekto nito sa mga magsasakang nakaranas ng biglang pagbaba ng presyo ng sariling aning bigas kaya
naman nararapat na susugan ng mga mambabatas ang ilang parte ng nasabing batas upang maiwasan
na ang paglala ng peligrong ito sa mga magsasaka na hindi na sapat ang ani upang matustusan ang
pangangailangan ng pamilyang sobrang baon na sa utang.

Mas tinatangkilik na ng mamamayan ang imported na bigas dahil na rin sa murang presyo nito.
Kaya naman, patuloy na nilalangaw ang aning bigas ng mga magsasakang Pinoy na naging dahilan upang
bumaba nang sobra ang presyo ng palay sa merkado. Nakakalungkot kasi tama naman na tangkilin natin
ang sariling atin, pero sa mga pamilyang hirap na hirap sa buhay, mas bibilhin nila ang bigas galing ibang
bansa na mas mura ang presyo. Dahil wala naman silang magawa, napipilitan tuloy ang mga pobreng
magsasaka na ibenta ng mura ang mga palay kahit alam nilang luging-lugi sila.

Sinabi ni Sen. Cynthia Villar sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isama
na ang mga magsasaka sa Pangtawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang kahit papano ay may
maibili man lang ng pangunahing pangangailangan ang mga magsasaka. Ang tanong, diretso ba sa mga
magsasaka ang tulong ng 4Ps o katulad lamang ng ibang programa ng gobyerno na nauuwi sa bulsa ng
mga kurap na opisyal? Sana naman maramdaman ang kamay na bakal ni Duterte sa panukalang ito
sakaling magkatotoo man.

Kapag tuluyang nalugi ang mga palayan, mag-iisip ng ibang paraan ang mga magsasaka para
kumita ng pera. Maaaring ibenta na lang nila ang kanilang mga lupang sinasaka sa mga subdivision
developers. Maaaring gumawa sila ng mga paraang iligal upang mapakain lamang ang mga bibig na
umaasa sa kanila. Huwag naman sana… pero isa lang ang sigurado, tuluyang magbabago ang buhay ng
mga magsasakang dekada ng nagtatanim ng palay.

Nararapat na susugan na ang ‘di patas na batas na ito. Pwede namang idagdag sa batas ang
seguridad sa kabuhayan ng ating mga magsasaka. Lalo pang dapat palakasin ang sektor ng agrikultura
upang hindi na muli tayo umangkat ng bigas.

Batas ang dapat nagbibigay ng proteksyon sa lahat ng mamamayan pero sa panahong ito hindi
matatawag na proteksyon ang ibinibigay nito dahil iilan lang ang nakikinabang. Sila na nga ang
nagtatanim, sila pa ang hindi maayos ang kain. #

You might also like