You are on page 1of 2

Pundasyong nakalihis kapalit ng siyeteng bigkis

Ni:

“Baka sa pasko, mag-lugaw na lang kami ng pamilya ko. Hindi ko alam kung anong gagawin,
kung sasali na ba ako ng NPA o magpapakamatay na lang.” ani ng isang magsasaka mula sa
Nueva Ecija.

Sa mga isyung sinasantabi ang mga mapapait na katotohanan, paano nga ba magkakapuwang
ang hibik ng mga magsasaka ayon sa kanilang kahilingan? Naturingan pa namang
agrikulturang bansa ngunit sariling magsasaka ay lugmok sa kahirapan. Kailangan pa bang
paabutin ito sa ganitong sitwasyon?

Nang matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang Batas Republika bilang 11203 o ang Rice
Tariffication Act, mabilis na bumagsak at sumayad sa halagang P7 bawat kilo ang bilihan ng
palay na hindi hihigit sa P12. Kung susuriing mabuti sa presyong ito, hindi kailanman nito
matutumbasan ang palo ng init sa paghihikaos ng magsasakang salat sa yaman. Butil ng pawis
ay tumatagaktak sa ilang buwang paghihintay ng pag-ani kapalit ng kapirasong kita sa bawat
kilong bigkis na hinagpis ng sistema. Nasaan nga ba ang tamang kapalit ng hirap nilang
pinagsikapan?

Kasabay nito ang walang retriksiyon sa pag-angkat ng bigas sa 35 porsyentong ipinapataw


bawat kilo kung galing ito sa kasapi ng ASEAN. Hinahangad naman ng nasabing batas na
magkaroon ng abot-kayang supply ng pagkain. Mapapansin mo na pabor at di kamahalan ang
mga imported na bigas sa mga konsyumer kumpara sa lokal kaya mas nauubos ito sa
pamilihan.

Maraming magsasaka ang tuluyang naghihirap maghanapbuhay lalo na sa mga may maliliit na
sakahan. Sa kabila ng kapirasong salaping kinikita, hindi nababawi ng mga magsasaka ang
mga nagastos sa abuno, kemikal, gas at iba pa. Sa halip, napipilitan na lamang silang magpalit
ng pananim, ibenta ang lupa, at umutang para matustosan ang pamilya sa mga nagtataas na
presyong bilihin at gastosin.

Isinabatas ito upang asahang bababa ang presyo ng bigas. Ang nasabing pagbaba ay katumbas
ng 1% inflation rate na kung iisipin ay malaking tulong ito para sa mga Pilipinong mamimili.
Ang kikitain ng gobyerno mula sa rice tarrification ay gagastusin para suportahan ang mga
maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Taliwas naman ito sa nasabing posibleng hinaharap ayon sa datos ng Philippine Statistics
Authority, nasa 0.2% lamang ang paglago ng sektor noong 2nd quarter ng 2018.
Nangangahulugan lamang ito na hindi pa handa o kulang ang suporta ng gobyerno sa sektor
na pang-agrikultura sa bansa kaya’t pahirapan ang pagsunod sa nasabing layunin.

Dehado na ang ating mga magsasaka sa biglaang paglagda at kulang-kulang na paghahanda.


Hindi mangyayari ito kung una pa lamang natutotukan nang ating gobyerno ang kalagayan ng
agrikultura sa bansa. 10B ang pangako ng Rice Tariffication Law upang mapabuti ang
industriya ng lokal rice pero hindi sapat ang nasabing bilyones dahil sa daming
pangangailangan ng mga magsasaka sa ating bansa. Kailangan ng sektor ng agrikultura ang
dagdag pa na mga makabagong makinarya, irigasyon, programa, at iba pang imprastraktura
para mapaunlad ang kalagayang pang-agrikultura.

Simulan nating bigyan ng pansin ang matinding suliranin na haharapin. Patuloy pa rin ba
tayong aasa sa ibang bansa? Kung mayroon naman sa atin, sama-sama natin itong tangkilikin
at payayabongin. Pundasyon ng bayan huwag iwaglit at bigyan ng suportang dapat iginigiit.
Kulang pa ba ang pagsusumikap ng ating mga magsasaka upang maihaon ang bansa sa
pagkaing salat?

You might also like