Ang aming bahay ay nabuo noong dekada 80. Hindi man
kalakihan, hindi din kaliitan. Noong panahon pa ng aking mga ninuno, wala pang halos nakatira sa paligid, may mga kagubatan pa sa hindi kalayuan at makikita mo ang susunod na bahay na lalakarin pa ng isang kilometro. Isang hapon, ang aming ninuno ay masayang naglalaro sa labas ng kanilang bahay nang nakita niya ang isang napakagandang nilalang na ngayon lang niya nakita. Tumakbo siya ng mabilis papunta sa kanyang ina at ikinuwento niya ang nangyari ngunit sinabihan lang siya na nasa guni-guni niya lang iyon. Hindi makapaniwala ang aming ninuno at kaya naman, kinabukasan ay naglaro siya ulit sa labas ng kanilang bahay. Lumapit siya ng konti sa papasok sa kagubatan sa hiling na makita niya ulit ang nilalang at hindi nagtagal ay lumabas ito ulit. Inilarawan ng aming ninuno na ito ang pinakamaganda at pinakamahiwagang nilalang na kanyang nakita na may isang perpektong sungay at ito ay pinangalanang niya ng Usa. Usa dahil ito lang ang nag-iisa na kanyang nakita. Kinaibigan niya ito, at sa loob ng maraming taon palagi silang masayang naglalaro sa loob ng kagubatan at minsan ay kinakausap niya ito. Lumipas ang panahon, naging binata na ang aming ninuno at sa edad na labinwalo, nagkasakit ang kanyang ina. Sa sakit na naramdaman nito, pumunta siya sa gubat at kinausap niya si Usa. Nang di kalaunan ay lumayo ng konti si Usa, nagtaka ang aming ninuno at doon niya nakita ang pinakamaringal na babae na kanyang nakita. Si Usa ay naging isang babae, hindi nakagalaw ang aming ninuno at doon ay kinausap ni Usa, ipinaliwanag ng malinaw ni Usa at naintindihan din ng aming ninuno. Sinabi ni Usa na may paraan para mas mapahaba pa ang buhay ng ina ng aming ninuno, kinakailangan lang ang isang dahon na makikita malapit sa isang lawa at lalagaan lang ito at ipainom sa ina. Sinunod ng ninuno ang sinabi ni Usa at nakikita niya na gumagaling ang pakiramdam ng nanay. Isang gabi, hindi mapalagay ang aming ninuno at bumalik siya sa loob ng kagubatan habang dala dala ang lamparilya sa kamay. Tinawag niya si Usa ngunit hindi ito nagpapakita. Hindi siya umuwi hanggang naghating-gabi nalang nang makita niya si Usa sa tabi ng tanim sa kinukuhaan ng dahon ng aming ninuno. Agad niya itong nilapitan, hinawakan ng marahan at agad itong kinausap. Halos magkawalang malay na si Usa at ipinaliwanag nito na ang kanyang huling tungkulin ay ilipat lahat ng kanyang kapangyarihan na makapagpagaling sa kahit ano mang sakit sa kanyang perpektong sungay. Ipahawak ito sa ina isang beses sa isang araw hanggang sa tuluyang gumaling. Pinigilan ng aming ninuno na umiyak hanggang sa naglaho si Usa at hawak-hawak nalang ng aming ninuno ang sungay ni Usa. Ginawa ng aming ninuno ang bilin ni Usa hanggang sa gumaling ang kanyang ina. Bawat gabi, hindi pa rin nakakalimutan ng aming ninuno na bisitahin ang kagubatan sa hiling na makita man si Usa ulit. Nagtagal ay umibig ang ninuno namin at nagkaroon ng pamilya. Nang siya ay tumanda na, ipinasa niya ang sungay ni Usa, at kaniyang ibinilin na ang kanyang mga huling kahilingan ay alagaan ang sungay at siya ay ilibing sa kung saan siya ay umupo hawak-hawak si Usa.