Professional Documents
Culture Documents
Filipino Bilang Wika at Larangan
Filipino Bilang Wika at Larangan
Napakahalaga ng
papel na ginagampanan nito sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Ito ang susi ng pagkakaisa at
tagumpay ng isang bayan. Sa mga nakalipas na panahon, wika ang naging sandata upang pag-
isahin ang mga nag-aalab na puso ng mamamayang Pilipino laban sa mga mapang-aping
dayuhan na gustong angkinin ang kariktan at kayamanan nitong ating bayan.
Sa deskripsyon ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang wikang Filipino ay buháy
o matatawag na dinamiko. Dumaan ito sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng
panghihiram sa mga wika sa Pilipinas at mga di-katutubong wika. Ang wikang Filipino ay
nagkaroon ng ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba’t ibang saligang sosyal at
para sa mga paksa ng talakayan ng iskolarling pagpapahayag.
Sa modyul na isinulat ni Gonzales (n.d.) may apat na facets ang sistema ng paglinang ng
wika ayon kina Haugen (1972) at Ferguson (1971). Ang paglinang na ito ay binubuo ng
kodipikasyon, o pagpili ng wika o sistema ng pagsulat na gagamitin, istandardisasyon,
diseminasyon o pagpapalaganap at elaborasyon o pagpapayabong nito. Bahagi ng
pagpapayabong ng wika ang paggamit nito bilang isang wikang panturo at higit sa lahat ay
Filipino bilang isang disiplina o larangan. Dumaraan man ito sa mga pagsubok sa kasalukuyan,
mananatili pa rin itong bahagi ng paglago at pag-unlad ng sistema ng edukasyon.
Maraming gampanin ang wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik sa agham/siyensya,
medisina, komersyo, politika, matematika, musika at sining. Bagama’t marami pang walang
katumbas na wika sa Filipino, patuloy pa rin ang pag-unlad sa larangang ito upang
mapagyaman at mapanatili ang ating wika tungo sa umuunlad na panahon.
FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA
Isang baliktanaw sa kasaysayan ng wikang Filipino bago pa man ito tanghalin na opisyal
na wika ng Pilipinas hango sa lathalain ni Dir. Hen. Roberto Anonuevo. Disyembre 30, 1937
ipinoroklama ang wikang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. Ito ay ayon sa Saligang
Batas ng 1935 kung saan ang Kongreso ay gagawa ng hakbang sa pagpapaunlad at pagpapayaman
ng wikang pambansa batay sa mga umiiral na katutubong wika. Subalit ang proklamasyon ay
magkakabisa lamang dalawang taon matapos ang pagpapatibay nito.
Noong 1940, ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa ikaapat na taon sa lahat
ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. Sinundan ito ng pagkakaroon ng bisa ng
Batas Komonwelt Blg. 570 noong Hunyo 4, 1946 na pinagtibay ng Pambansang Asambleya noong
Hunyo 7, 1940 kung saan ang wikang opisyal ng bansa ay tatawaging Wikang Pambansang
Pilipino. Noong 1959, ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 ay ibinaba ni Kalihim Jose B.
Romero, Kalihim ng Edukasyon, kung saan ito ay nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay
tatawaging Pilipino upang mailagan ang mahabang katawagang “Wikang Pambansang Pilipino”
o Wikang batay sa Tagalog.”
Noong 1987, alinsunod sa Konstitusyon, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay tatawaging
Filipino. Ito ay hindi batay sa pinaghalo-halong sangkap ng katutubong wika na umiiral sa bansa
bagkus ito ay nucleus ng Pilipino at Tagalog.
Isinasaad ng Artikulo XIV Konstitusyong 1987, ang legal na batayan ng konsepto ng
Filipino bilang wikang Pambansa at ang magkarugtong na gampanin nito bilang wika ng opisyal
na komunikasyon, at bilang wikang panturo sa Pilipinas.