You are on page 1of 7

KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO

ARALIN 1
KONSEPTONG PANGWIKA

A. Wika, Katuturan, at Katangian

WIKA
Ang wika ang pinakamahalagang instrumento na taglay ng tao. Tayo ang lumilikha nito upang
magamit natin sa pakikipagtalastasan sa lahat ng pagkakataon.

Ang wika ay binubuo ng mga sagisag; mga sagisag na may angking tunog na siya nating
binibigkas o sinasalita at mga simbolo na siya naman nating isinusulat. Mahalaga ang wika
upang maipahayag natin ang ating iniisip, nararamdaman at nais na sabihin sa iba. Ito ang
nagbibigkis hindi lamang sa pakikipag-ugnayan natin sa ating kapuwa, kundi maging sa
pagkilala ng kultura ng iba’t ibang lipunan.

May isang lingguwista na nagbigay-kahulugan sa wika. Ayon kay Henry Allan Gleason
(Austero, Bandril, at De Castro 1999, 3) ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang
tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong may isang
kultura.

Batay sa ibinigay na kahulugang ito, ating mahihinuha na maraming katangian ang wika. Ito ang
tatalakayin natin sa sumusunod na bilang:
1. Ang wika ay masistemang balangkas. Ito ay nangangahulugan na may prosesong
pinagdaraanan ang wika at nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Ito ay nagsisimula sa mga
payak na tunog, susundan ng pagkakabuo ng mga salita at sa huli ang makabuluhang ugnayan ng
mga salita upang makabuo ng isang makatuturang pangungusap tungo sa pagbuo ng talata.

2. Ang wika ay pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo. Ano nga ba ang ibig sabihin nito?
Ito ay nangangahulugan na ang mga sinasalitang tunog na tinatawag na ponema (pinakamaliit na
yunit ng tunog) ay pinili sa pamamaraang napagkasunduan ng mga taong gumagamit ng wika
para sa kanilang pang-araw- araw na pamumuhay at upang sila ay maunawaan ng kanilang
kausap.

Nakabubuo ng kaniyang sariling pagkakakilanlan ang bawat komunidad sa iba pang komunidad
kung ang pag-uusapan ay ang wika na kanilang ginagamit. Gayundin, ang bawat tao ay
nakabubuo ng sariling pagkakakilanlan sa kaniyang pagsasalita at wikang ginagamit na ikinaiba
niya sa iba pang indibidwal sapagkat ang bawat tao ay may sariling kaalaman, kakayahan at
katangian na hindi maaaring katulad ng sa iba pa.
3. Ang wika ay ginagamit ng mga taong may isang kultura. Ang wika ay nalikha upang
magkaunawaan ang mga taong gumagamit nito. Ang bawat bansa ay may sariling kultura
gayundin ang wika na kanilang ginagamit. Isang patunay na ang wika at kultura ay magkabuhol
at hindi maaaring paghiwalayin.

4. Ang wika ay buhay at daynamiko. Ito ay nangangahulugan na patuloy itong nagbabago at


sumasabay sa pagbabagong dulot ng panahon. Kaya naman may mga wikang namamatay
sapagkat hindi na ito ginagamit sa paglipas ng panahon at mayroon namang wika na isinisilang
at dumaragdag sa ating bokabularyo.
Isang halimbawa nito ang mga bagong salita na idinagdag ng Merriam Webster sa kanilang
diksyunaryo noong Abril 2020. Ilan sa mga nadagdag ang salitang self-isolate, physical
distancing, contactless, PPE (personal protective equipment), at WFH (work from home).

5. Ang lahat ng wika ay pantay-pantay. Bagamat sinasabing mayroong mahigit 5,000 wika na
sinasalita sa buong mundo at mga wikang pinakagamitin sa daigdig, hindi ito nangangahulugan
na may nakatataas nang wika sa iba. Ang lahat ng wika at pantay-pantay sapagkat may
kaniya-kaniyang gamit at kabuluhan ang bawat isa na nakabatay sa taong gumagamit nito. Isang
halimbawa ang paggamit ng wika sa iba’t ibang disiplina kung saan may tiyak na
wikang ginagamit sa partikular na propesyon.

Wikang Pambansa

Nadama ni Pangulong Quezon kung gaano kahirap sa isang bansa ang hindi pagkakaroon ng
isang wikang pambansa. Ang pangangailangang ito ang nagbunsod sa kaniya upang sikaping
magkaroon tayo ng isang wikang pambansa na gagamitin ng lahat ng mga Pilipino. Gumawa
siya ng hakbang tungo sa pagkakaroon ng pambansang wika sa paniniwalang ito ay
makapangyarihang sandata sa pagtataguyod ng pagkakaunawaan ng lahat ng mamamayan ng
bansa.

Ano nga ba ang kahulugan ng wikang pambansa? Ang wikang pambansa ay kinakailangang nasa
estado ng tinatawag na lingua franca at dapat na sumailalim sa pagkilala ng batas. Kapag
sinabing lingua franca, ito ang pangunahing wika na ginagamit at nauunawaan ng nakararaming
bilang ng mamamayan sa isang bansa (Aguilar et al, 2016, 21).

Basahing mabuti ang timeline ng mga ipinatupad na batas tungo sa pagkakaroon


natin ng wikang pambansa.

1935
“Ang Kongreso ay gagawa ng hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa na
ibabatay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika sa Pilipinas. Hangga’t walang itinatadhana
ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy na mga wikang opisyal.
Sek. 3, Art. XIV,
Saligang Batas ng 1935

1936
Pinagtibay ang Batas Komonwelt Blg. 184, ang pagtatakda ng lupon, kapangyarihan at tungkulin
tungo sa pagbuo ng wikang pambansa batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika sa bansa.

1937
Nagpalabas ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagsasabing ang wikang pambansa ng
Pilipinas ay ibabatay sa Tagalog alinsunod sa rekomendasyon ng Surian ng Wikang Pambansa.

1940
Sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, sinimulang ituro ang wikang pambansa na
batay sa Tagalog sa mga paaralan.

1946
Pinagtibay ang Batas Komonwelt Blg. 570 na nagtatadhana na ang Tagalog ay magiging isa sa
mga wikang opisyal ng Pilipinas.

1959
Nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kautusan
Pangkagawaran Blg. 7 kung saan mula Tagalog ay naging Pilipino ang tawag sa ating wikang
Pambansa.

1987
“Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat na
payabungin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba mga pang wika.” Sek. 6, Art. XIV,
Saligang Batas ng 1987

1991
Nilikha ang Batas Republlika Blg. 7104 kung saan nabuo ang Komisyon sa Wikang Filipino na
may tungkuling magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa
pagpapaunlad ng Filipino

Malinaw na isinasaad ng Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Saligang Batas ng 1987 na ang wikang
pambansa ng Pilipinas ay Filipino at ito ay mapauunlad pa sa tulong ng mga umiiral na
katutubong wika sa bansa at iba pang mga banyagang wika
WIKANG OPISYAL
Ang wika na itinadhana ng batas na maging opisyal na wika sa komunikasyon, transaksiyon o
pakikipag-ugnayan ng mamamayan sa pamahalaan; sa pasalita at higit na lalo sa pasulat na
paraan ay tinatawag na wikang opisyal. Sakop nito ang mga dokumento sa korte, lehislatura, at
pangkalahatang pamamahala ng ating gobyerno, maging sa sistema ng ating edukasyon. Isang
halimbawa nito ang araw-araw na pagsasagawa ng virtual presser ng Kagawaran ng Kalusugan
at ng Laging Handa PH kung saan ginagamit nila ang wikang Filipino upang maipabatid ang
mga bagong impormasyon sa mamamayan kaugnay ng COVID-19.

Sa ating bansa, may dalawang ginagamit na opisyal na wika; ang Filipino at Ingles. Ito ay batay
sa nakasaad sa Seksyon 7, Artikulo XIV ng Saligang Batas ng 1987 kung saan
sinasabing:
“Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon
ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang
panturo roon.”

WIKANG PANTURO
Ang wikang panturo ay ang wikang opisyal na ginagamit bilang midyum ng pag- aaral sa
sistema ng edukasyon. Wikang panturo ang tawag sa wikang ginagamit ng guro sa pagtuturo sa
paaralan gayundin sa pagsulat ng mga aklat, modyul, at iba pang materyal na panturo. Dito
nakasalalay ang pagkatuto ng mga mag-aaral na tulad mo.
Ang wikang panturong gagamitin o ginagamit sa Pilipinas ay nakasaad din sa itinatadhana ng
Saligang Batas ng 1987, Artikulo XVI, Sekiyon 7 kung saan sinasabi na ang wikang panturo na
gagamitin sa paaralan ay Filipino at Ingles. Samantala, ang mga wikang panrehiyon ay
magsisilbing mga pantulong na wikang opisyal sa mga rehiyon at magiging pantulong na wikang
panturo.

Noong Hulyo 14, 2014, inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon ang Department Order No. 74
series 2014 kung saan gagamitin ang unang wika bilang midyum ng pagtuturo sa mga mag-aaral
ng Kinder hanggang Baitang Tatlo na makikita sa implementasyon ng K to 12 Curriculum. Hindi
maitatanggi na malayo na ang narating ng wikang Filipino sa pagiging wikang pambansa nito.
Buhay na buhay ang wikang ito at patuloy na umuunlad sa tulong na rin ng mga bagong salita na
nadaragdag sa ating bokabularyo, patuloy na paggamit nito sa pakikipagtalastasan at sa iba’t
ibang larangan.

BILINGGUWALISMO
- Ito ay tumutukoy sa kakayahan ng isang taong makapagsalita ng dalawang wika.

MULTILINGGUWALISMO
- Tumutukoy ito sa kakayahan ng isang indibidwal na makapagsalita at makaunawa ng
iba’t-ibang wika.

HOMOGENOUS NA WIKA
- Ayon sa Merriam - Webster Dictionary, ang salitang Homogenous ay nagmula sa salitang
Griyego na homogenes mula sa hom- na nangangahulugang uri o klase at genos na
nangangahulugang kaangkan o kalahi, kung gayon ang salitang homugenous ay
nangangahulugang isang klase mula sa iisang lahi o angkan. Kung ilalapat sa wika,
tumutukoy ito sa pagkakaroon ng iisang estandanrd ng paggamit ng isang partikular na
wika.
Halimbawa:
- Makikita ito sa mahigpit na pagtuturo ng mga gramatikal na estruktura at patakaran ng
kung ano ang estandard na Ingles o Filipino sa loob ng mga paaralan.

HETEROGENOUS NA WIKA
- Maaaring magkaiba-iba ang paggamit ng isang wioka batay sa iba’t-ibang salik at
konstekstong pinagmumulan ng nagsasalita nito.
- Dito papasok ang pagiging heterogenous o pagkakaiba-iba ng uri at katangian ng isang
wika.
- Nakapaloob sa palagay na ito ang iba’t-ibang konsepto ng dayalektal na baryasyon sa
wika.
Halimbawa:
- Maaaring magkaroon ng magkakaibang porma at uri ng wikang Ingles batay sa
iba’t-ibang grupo ng taong nagsasalita.
- Ibang-iba ang punto at pagbubuo ng salita ng mga taong nagsasalita ng British English,
American English o kaya ay mga Third World Englishes gaya ng Filish (Filipino-
English), Singlish (Singaporean English) o kaya naman ay Inlish (Indian English)

LINGGUWISTIKONG KOMUNIDAD
- Ay isang termino sa sosyolingguwistiks na tumutukoy sa isang grupo ng mga taong
gumagamit ng iisang uri ng barayti ng wika at nagkakaunawaan sa mga ispesipikong
patakaran o mga alituntunin sa paggamit ng wika.
Halimbawa:
- Ang isang Aleman ay maaaring mag-aral ng wikang tagalog, ngunit hindi kailanman siya
magiging kabilang sa lingguwistikong komunidad ng mga taga tagalog. Ibig sabihin, ang
pagkakaiba-iba ng paraan ng paggamit ng isang wika ay nagtatakda rin ng iba’t-ibang
lingguwistikong komunidad sa loob nito.

UNANG WIKA
- Ay tinatawag ding katutubong wika o sinusong wika (mother tongue) ito ang wikang
natutuhan ng isang tao simula pagkapanganak hanggang sa panahon kung kailan lubos
nang naunawaan at nagagamit ng tao ang nasabing wika.

IKALAWANG WIKA
- Ito ay ang wikang natutuhan at ginagamit ng isang tao labas pa sa kanyang unang wika.
- Ang wikang ito ay hindi taal o katutubong wika para sa tagapagsalita ngunit isang wikang
ginagamit din sa lokalidad ng taong nagsasalita.

B. ANTAS NG WIKA
- Ang antas ng wika ay nahahati sa dalawang kategorya
1. Pormal
2. Impormal

1. PORMAL
A. PAMBANSA
- Ito ang salitang karaniwang ginagamit sa mga aklat pangwika/ pambalarila sa
lahat ng paaralan.
B. PAMPANITIKAN O PANRETORIKA
- Ito naman ang mga salitang gamitin ngm ga mununulat sa kanilang mga akdang
pampanitikan. Ito ang mga salitang karaniwang matatayog, malalalim, makulay at
masining.

2. IMPORMAL
A. LALAWIGANIN
- Ito ang mga bokabularyong dayalektal.
- Gamitin ang mga ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang.

B. KOLOKYAL
- Ito’y mga pang-araw-araw na salita na ginagamit sa mga pagkakataong impormal.
Maaaring may kagaspangan ng kaunti ang mga salitang ito ngunit maaari rin itong
maging repinado ayon sa kung sino ang nagsasalita nito.
Halimbawa:
- Nasa’n (nasaan)
- Pa’no (paano)
- Sa’akin (sa akin)
- Sa’yo (sa iyo)
- Kelan (kailan
- Meron (mayroon)
C. Balbal
- Ito ang tinatawag sa Ingles na Slang.
Halimbawa:
- Ermat
- Erpat
- Praning
- Me toyo

C. BARAYTI AT REHISTRO NG WIKA


Dalawang dimensyon ng baryalidad ng wika
1. Dimensyong Heograpiko
2. Dimensyong Sosyal

1. DAYALEK O DAYALEKTO
- Ang barayti ng wikang nililikha ng dimensyong heograpiko, tinatawag din itong
wikain sa ibang aklat.

2. SOSYOLEK
- Ito ang tawag sa barayting nabubuo batay sa dimensyong sosyal.
Halimbawa:
Wika ng mga estudyante, wika ng mga matatanda, wika ng mga kababaihan, wika ngm ga preso,
wika ng mga bakla at ng iba pang pangkat.

3. JARGON
- Ang tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain

4. PIDGIN
- Ay tinatawag sa ingles na “ nobody’s native language” nagkakaroon nito kapag
ang dalawang tao na nagsasalita ng dalawang magkaibang wika na walang
komong wika ay nagtatangkang magkaroon ng kumbenasyong makeshift.

5. CREOLE
ay isang wikang unang naging pidgin at kalaunan ay naging likas na wika
(nativized)

You might also like