Tinatalakay sa artikulong ito ang isyu ng wikang Filipino bilang midyum ng
intelektuwalisadong wika. Mula rito, nagkaroon ng diskusyon sa problema. Binigyang diin ang mga pananaw na ang wikang Filipino ay isang wikang hindi kayang maipahayag ang mga kaisipan. Dagdag pa rito, sinabi rin na ang dahilan nito ay ang kanluraning kaisipan. Mula rito, sinabi na ang mga may pribilehiyo at nakapapasok sa mga unibersidad lamang ang nakaiintindi sa mga kaalaman; nahiwalay ang unibersidad sa taong bayan. Ang pagkakabuo ng "Sikolohiyang Pilipino"- koleksiyon ng mga masteral na tesis at disertasyon ng Unibersidad ng Pilipinas mula 1974 hanggang sa kasalukuyan ang naging dahilan sa pagsulat sa wikang Filipino, na nakapagpalaya sa kanila mula sa dayuhang teorya at nakapag- isip ng orihinal na ideya sa pagsusuri sa lipunang Pilipino. Mula rito, binigyang diin ang tungkulin ng unibersidad at ng mga intelektuwal. Sinabi na ang unibersidad ang may tungkulin sa pagpapalaganap, pagsulong at pagpapayaman ng wikang Filipino upang magkaroon ng oportunidad ang masang Pilipino na makalahok sa mga intelektuwal na diskurso. Tungkulin naman ng mga intelektuwal ang pagwasak sa alyenasyon ng unibersidad, ang pagpapalaganap ng kaalaman at pagtulong sa paghasa ng isipan ng masang Pilipino sa pagiging kritikal at malikhain.