You are on page 1of 2

POVERTY PORN: Bukas-Palad-Sarado

“Isa… dalawa… tatlo… Sige, bibilangan ko kayo, ang titibay ng mga bungo
nitong mga abusado, nilamon ng kalayawan, wala kayong pakealam, sinasamantala
ninyo kahinaan ng iilan, mga walang katuturan, importante makalamang”.

Ilan sa mga linya mula sa rap na pinamagatang “mapagsamantala” na


sumasalamin sa isang reyalidad sa Pilipinas, ang paglaganap ng poverty porn.
Nakakadismaya at nakakadurog ng puso, nakakapagtaka at nakakabahala na may mga
taong tuso at mapagsamantala sa kapwa nila tao. Maging mga taong laki sa hirap ay
ginagamit, makaraos lamang sa katayuan sa lipunan.

Poverty porn o pornography of poverty ang katawagan sa kahit anong


media na ginagamit ang mahihirap para sa pera o magkaroon lamang ng pangalan sa
lipunan. Ito ay litaw na litaw sa Pilipinas kasabay ng pag-usbong ng pandemya dahil sa
tulong ng teknolohiya. Isang gawaing tila ba ay normal at makatarungan sa ilang mga
mayroong kakayahan tulad na lamang ng mga artista, vloggers, influencers, at maging
ilan sa politika. Ang isip at ang mga mata ay hindi maalis-alis sa mahihirap na sa tingin
nila ay susi sa kanilang pag-angat. Ang susi ay para dapat sa ikabubuti ng lahat. Ang
nararapat ay bukal sa puso na tumulong at may magandang hangarin para sa
mahihirap. Hindi ang tumulong dahil may kapalit at may nakikitang daan tungo sa
magandang kinabukasan.

Ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA), mula 16.7% noong 2018 ay


naging 18.1% noong nakaraang taon ang populasyon ng mahihirap sa Pilipinas dahil sa
bagsik ng pandemya. Marahil ito ang tumulak sa ilan na gawing paksa ang mahihirap
dahil sa kaisipang magbebenta ito at sa kagustuhang makatamo ng karangalan, puri at
maging kasikatan.

Isang malaking salik din sa pagpasok ng isang tao sa poverty porn ay ang
pag-usbong ng internet at ng mga makabagong teknolohiya. Hindi maisasantabi na
labis ang naibibigay na tulong ng mga ito katulad na lamang ng mga social media’s
lalong-lalo na ang Facebook sa pagpapakalat ng impormasyon. Halimbawa rito ay ang
mga Facebook content creators na sina Ivana Alawi, The Hungry Syrian Wanderer at
Jose Hallorina. Ayon kay Atty. Ranny Randolf Libayan, firm’s founder sa Pilipinas,
ginagamit nila ang mahihirap para makahakot ng milyong-milyong views at magkita
mula rito. Ayon din sa kaniya, nakakababa ito ng dignidad bilang isang Pilipino na
kailangan pang pasukin ang poverty porn para lamang kumita ng pera at sumikat.
Napakarami pang mga content creators tulad ni Donalyn Bartolome na nabigyang
pansin ng Philstar global dahil sa kaniyang kanto-style birthday party content na
ikinagalit ng maraming manonood dahil sa paghanda ng mga karaniwang pagkain ng
mahihirap. Sa politika naman ay si Mark Villar na ginamit ang mga madudungis at
pobreng batang Pilipino sa kaniyang patalastas para sa nalalapit na halalan noong
2015. Bukod sa Facebook , ginagamit din ang mga sites, Youtube Instagram, Twitter, at
iba pa sa pagpapalaganap ng poverty porn.

Maraming masamang dulot ang poverty porn na hindi kapansin-pansin.


Una, hindi patas ang nagiging trato sa mahihirap. Ang mahihirap ang nasa luging
posisyon dito at ang nagmumukha pang desperado na makatanggap ng tulong mula sa
iba. Ikalawa, ang pagkawala at ang pag-atake sa privacy ng isang indibidwal. Isang
kakulangan ang paghingi ng permiso sa mahihirap na ipapakita sa marami ang
kondisyon nila sa social media na maaaring isang video o larawan. Wala silang
kamalay-malay na sila na pala ang magiging sentro ng atraksyon. Panghuli at ang
pinakanegatibong epekto ng Poverty Porn ay gumagana ito. Nalilinlang ang mga
manonood sapagkat mas nabibigyan ng pokus at karangalan ang mga namamanantala
kaysa sa mas malalalim na problema na kinakalaban ng mahihirap. Dahil dito,
nagkakaroon sila ng pribilehiyo na masungkit ang mga luhosong bagay na inaalok ng
mundong ito habang ang mahihirap ay nananatiling naghihirap.

Kahit saang banda tumingin ay walang makikitang kagandahang dulot ang


poverty porn. Hindi ito katanggap-tanggap na gawain sa kadahilanang ang mahihirap
ang pinaka apektado rito na sa una pa lamang ay dapat tratuhin na ng tama at igabay
sa tamang landas. Hindi na natin kinakailangan pang ipangalandakan sa social media
ang pagtulong sa ibang tao upang makilala at mabigyan ng balidasyon sapagkat sa
bawat kilos at desisyon natin ay nanonood ang Poong Maykapal. Siya na ang bahala na
ibalik ang kabutihang ginawa natin sa iba. Masarap mapasakamay ang mga ginintuang
bagay at karangalan. Sino ba naman ang tatanggi rito? Ngunit, wala nang mas sasarap
pa sa purong intensyong tumulong sa kapwa at masilayan ang sukli nilang mga ngiti na
kasing tamis ng tagumpay.

You might also like