Ang Rebolusyong Siyentipiko ay ang yugto sa kasaysayan kung kailan nagkaroon ng malawakang pagbabago sa pag-iisip at panininiwala ng mga kanluranin noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo. Pinangunahan ng mga griyego ang pag-aaral ng scientia, na nangangahulugang “kaalaman” subalit hindi nila ito pinagtuunan ng pansin sa kanilang mga unibersidad. Ang Rebolusyong Siyentipiko ay nagpaunlad sa sistema ng pag-aaral, sa pamamagitan ng pagtakda ng mga eksperimento mula sa pagmamasid sa kapaligiran. Napalitan nito ang lumang kaisipan ng mga Europeo tungkol sa mundo at sansinukob na batay naman sa mga pag-aaral ng mga Kristiyanong teologo at pilosopo, gaya ni Aristotle. Sa panahong ito, nagsimulang magtanong ang mga tao tungkol sa kahiwagaan ng mundo at sansinukob na nagdulot ng pagkakatuklas ng mga bagay sa iba’t ibang larangan o aspeto ng siyensya. Ang bagong kaisipang siyentipiko ay nagbibigay ng panibagong pananaw sa kaalaman at paniniwala ng mga Europeo. Dahil dito, humina at nabawasan ang impluwensiya ng simbahan sa pamumuhay at kaisipan ng mga tao. Naging daan ang Panahon ng Kaliwanagan upang magkaroon ng bagong pananaw sa paglalarawan ng lipunan. Samakatuwid, ito ang resulta ng Siyentipikong Rebolusyon na umusbong sa panahong iyon. Isa si Nicolaus Copernicus sa mga hindi naniniwala sa ilan sa mga ideyang itinuro ng simbahan, lalong lalo na sa paniniwalang ang mundo ang sentro ng sansinukob. Batay sa kaniyang masusing pag-aaral at pag-oobserba sa kalawakan, inilahad niya na ang mundo ay umiikot sa sarili nitong aksis habang umiikot sa araw bawat taon. Ang teoryang ito ay tinawag niyang Heliocentrism. Ipinapaliwanag nito na ang araw, at hindi ang mundo, ang sentro ng Solar System. Ang Teoryang “Heliocentrism” (mula sa salitang Greek na helios – araw, at centrism – sentro) ay hindi nagtagumpay sa pagbago sa kamalayan ng mga tao sa panahon ni Copernicus. Maging ang kaniyang aklat na naglalahad ng ideyang ito ay hindi nailimbag. Gaya ng iba pang mga siyentipiko, nakaranas si Copernicus ng persekusiyon mula sa simbahan, sa pamamagitan ng inquisition. Ang inquisition ay ang tawag sa hukuman na itinatag noong Middle Ages upang parusahan ang mga taong ayaw sumunod sa kautusan ng simbahan. Batay sa desisyon ng husgado si Copernicus ay pinarusahan ng ekskomunikasyon at lantarang itinawalag ng Simbahang Katoliko. Namatay si Copernicus na hindi man lang nabigyan ng parangal mula sa kaniyang nagawa. Subalit ang kaniyang naging ambag sa pag-aaral ng Astronomiya ay nananatili hanggang sa kasalukuyan. Mga Bagong Teorya Ukol sa Sansinukuban (Universe) Ang hindi magandang karanasan ni Copernicus sa pagsulong ng siyensya ay hindi nagpatinag sa mga sumunod na siyentipiko na isulong ang kanilang mga ideya. Sa katunayan, pinangunahan ni Johannes Kepler, isang Aleman na astronomer at mahusay na matematisyan, ang pagbuo ng isang pormula na nagpapaliwanag sa posibleng pag-ikot ng mga planeta sa isang parabilog, na tinawag na ellipse, batay sa paggalaw ng mga ito sa kalawakan. Ayon sa kaniyang paniniwala, ang mga planeta ay mayroong magkakaibang bilis sa kanilang paggalaw. Dito ipinapaliwanag na mas mabilis ang paggalaw ng planeta kung ito ay malapit sa araw ngunit mabagal naman kung ito ay malayo. Ang ideyang ito ang nagsulong ng paraan ng pag-aaral sa kalawakan gamit ang siyentipikong pamamaraan. Sa kabila ng takot, ang ilan sa mga dalubhasa sa siyensya ay hindi nag- alinglangan na isulong ang kanilang mga siyentipikong ideya. Sa katunayan, nagtatag pa sila ng mga kilusang naglalayong maiwasto ang mga maling pananaw ng simbahan. Mas lalong lumakas ang siyentipikong ideyang sumuporta sa pananaw ng mga dalubhasa sa siyensya noong maimbento ang iba’t ibang uri ng instrumento na mayroong mahahalagang papel sa paglutas ng mga kalituhan sa mundo at sansinukob. Noong 1609, naimbento ni Galileo ang teleskopyo. Ito ay mayroong mahalagang ambag sa pag-aaral ng Astronomiya. Tinanggap niya ang teorya ni Copernicus na siyang dahilan kung bakit siya napasailalim sa inquisition ng simbahan. Dala ng takot sa maaaring resulta ng paghahatol, binawi niya ang kaniyang ideya upang hindi itiwalag ng simbahan. Subalit, nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral at siyentipikong pagtuklas na naging batayan ng mga sumunod na siyentipiko upang makabuo ng mga unibersal na batas sa aspeto na Pisika. Ang Panahon ng Enlightenment Ang pamamaraang maka-agham ay nagbunga ng rebolusyon sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay, gaya ng sa kabuhayan, politika, relihiyon, at edukasyon. Tinawag itong Panahon ng Kaliwanagan (Enlightenment) na tumutukoy din sa kilusang intelektuwal na nagpaunlad sa pag-aaral ng pilosopiya at agham sa Europe noong ika- 18 siglo. Ang kilusang intelektuwal na ito ay susi sa paggamit ng katwiran, kaalaman, at edukasyon bilang tugon sa mga lumang pananaw dala ng mga pamahiin at paniniwala noong Panahong Medieval. Ang pagtuligsa ng mga pilosopo at mga siyentista sa kawalan ng katarungan at ang pagsuri sa kapangyarihan ng relihiyon ay naging pundasyon ng mga modernong ideya na may kinalaman sa pulitika, sosyolohiya, ekonomika, at kultural na aspeto sa pag-aaral ng lipunan. Ayon sa pagpapaliwang ni Thomas Hobbes tungkol sa pamahalaan na kung saan ibinatay niya sa ideya ng natural law na ang Absolute Monarchy ang pinakamahusay na uri ng pamahalaan. Ayon sa kaniyang paniniwala na ang kaguluhan ay likas sa tao na kung saan kailangan ng isang absolutong pinuno upang walang kaguluhang mangyayari. Bingyang diin din na ang tao ay walang kalayaan kundi sumunod sa kasunduan ng pamahalaan na pangangalagaan at protektahan ng pinuno ang kanyang nasasakupan. Nailalarawan ito sa kaniyang aklat na “Leviathan” na magulo ang isang lipunan kung walang pinuno. Ganoon din ang pahayag ni John Locke isang pilosopo ng England na may kakaiba sa kaniyang paniniwala na ang tao ay may natural na karapatan sa buhay, kalayaan at pag-aari. Si Baron de Montesquieu ay isang pilosopo sa larangan ng politika na naniniwala sa ideya na ang kapangyarihan ng pamahalaan ay dapat paghatiin. Hinati niya ito sa tatlong sangay; lehislatura ang pangunahing gawain ay ang pagbubuo ng batas; ehekutibo ay ang pagpapatupad ng batas; at hukuman tumatayong tagahatol. Ang Rebolusyong Industriyal Naging daan ang Panahon ng Kaliwanagan upang magkaroon ng pagbabago sa siyensya at ang pag-usbong sa aspektong agrikultura at industriyal upang mapaunlad ang sistema ng pangkabuhayan sa lipunan na naging dahilan sa pagsisimula ng Rebolusyong Industriyal. Ang Rebolusyong Industriyal ay isang transisyonal na yugto, mula 1760 hanggang 1840), sa Europa at Amerika na nagdulot ng pagbabago sa mga proseso ng paggawa, mula sa pagbuo ng mga produkto sa pamamagitan ng kamay papunta sa paggamit ng makinarya at awtomisasyon. Una itong sumibol sa Great Britain na matagumpay na binago ang dating sistemang domestiko tungo sa paglikha ng mga produkto at serbisyo gamit ang mga makinarya. Ang sistemang domestiko (domestic system) ay isang paraan ng paglikha ng produkto at serbisyo na ginagawa sa mga tahanan. Ito ay pinamahalaan ng mga namuhunang mangangalakal na mayroong sariling manggagawa na kadalasan ay kinabibilangan ng pamilya. Ang mga kadalasang produkto na ibinenta sa panahong ito ay mga telang gawa sa kamay. Matagal ang proseso ng paggawa sa sistemang domestiko kaya naman mahal at tanging mayayaman lamang ang mga nakabibili ng mga produkto nito. Sa pagka-imbento ni James Hargreaves ng spinning jenny, unti- unting bumilis ang daloy ng produksiyon ng tela sa Great Britain. Ang Rebolusyong Industriyal ay lumaganap at umabot sa Amerika. Sa pangunguna ng Amerikanong si Eli Whitney, naimbento ang cotton gin na nakatulong nang malaki sa pagtaas ng produksiyon sa pamamagitan ng pagpapadali ng paghihiwalay ng buto at ibang materyal sa bulak o cotton. Dahil dito, napabilis at lumaki ang produksiyon sa paggawa ng tela sa Amerika. Maliban sa sistema ng paggawa ng tela, nakatulong din ang Rebolusyong Industriyal sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa sistema ng komunikasyon at iba pang uri ng imprastraktura. Ang kaalaman ni Thomas Alva Edison ay mayroong mahalagang kontribusyon sa pagkakatuklas ng lakas ng elektrisidad na dahilan ng pagpapatakbo ng mga makabagong kasangkapan at pagpapailaw sa mga komunidad. Samantala, kilala naman sina Alexander Graham Bell, bilang imbentor ng unang telepono, at Samuel Morse, na nakaimbento ng telegrapo. Ang mga mahahalagang imbensyon na ito ay nakatulong sa pagpapaunlad ng sistema ng komunikasyon sa Amerika. Ang Newcomen steam engine at Watt steam engine naman na naimbento nina Thomas Newcomen at James Watt ay nakatulong sa pagpapaunlad sa sistema ng patubig na nagsilbing pinagkukunan ng hydroelectric na enerhiya na kinakailangan upang mapatakbo ang mga makinarya sa pabrika. Ang makinang pinasisingawan o makinang de-singaw ay isang makina o motor na gumagamit ng mainit na singaw mula sa kumukulong tubig upang umandar ito. Nababago nito ang enerhiyang nasa mainit na hangin upang maging galaw o kilos, na maaaring gamitin upang mapatakbo ang isang pabrika o mapausad ang isang tren o bangka. Ang unang steam-powered locomotive ay naimbento ni Richard Trevithick noong 1804 na nagbigay-daan upang buksan ang mga riles. Sina George Stephenson at ang kanyang anak ay nakabuo ng mas mabuting makina na unang ginamit sa pampublikong riles noong 1830. Maganda ang naidulot nito lalo na sa mga sasakyang pinapatakbo ng steam engine sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon. Epekto ng Industriyalismo Nagdulot ng maraming pagbabago sa lipunan ang Rebolusyong Industriyal. Isa dito ang pagdami ng tao sa lungsod, sa pag-aakalang mayroong magandang oportunidad dito. Lumobo ang populasyon ng mga lungsod sa Europa habang kakaunti lamang ang bakanteng trabaho kaya marami ang naging palaboy dahil sa kawalan ng trabaho. Ang mga bata ay napilitan ding magtrabaho sa murang edad dahil sa hirap ng buhay. Dumami ang bilang ng middle class o gitnang uri ng tao sa lipunan na nagdulot ng hidwaang sosyo-pulitikal sa pagitan ng mga manggagawa at mga kapitalista. Natatag ang unyon ng mga manggagawa subalit nagkaroon ng patuloy na hidwaan na dala ng lumalaking agwat sa pagitan ng mga mahihirap at mga mayayaman. Ang Rebolusyong Industriyal ay nagsilbi ring dahilan ng pagnanais ng mga Kanluranin na manakop at magtatag ng kolonya sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang makakuha ng mga hilaw na sangkap na gagamitin upang makalikha ng mga produkto at serbisyo na makadadagdag sa kita ng bansa. Sa kabila ng suliraning panlipunan na dulot ng Rebolusyong Industriyal, maraming mga bagay ang naiambag nito sa pag- unlad ng pamumuhay ng mga tao. Sa pagkakatuklas ng makabagong teknolohiya sa paggawa na nagpabilis at nagpataas ng bahagdan ng produksiyon, bumaba ang halaga ng mga produkto at serbisyo na dahilan upang matamasa ito ng mga karaniwang tao. Umunlad ang sistema ng komunikasyon na nagpadali sa pagpadala at pagtanggap ng mensahe ng mga tao sa mga malalayong lugar, na mayroong kaugnayan sa komersiyo. Sa pagkatuklas ng steam engine mas napadali ang sistema ng transportasyon na nagdadala ng mga tao at kalakal sa mga karatig-bayan. Ang mga nabanggit ang dahilan kung bakit naging progresibo at maunlad ang mga bansang Kanluranin