You are on page 1of 20

MODYUL SA FILIPINO 1

RETORIKA: MASINING NA PAGPAPAHAYAG


(Modyul 2)

Raquel R. Alaman, PhD


Asst. Prof. 4

PAMANTASAN NG SILANGANING PILIPINAS


Pamantasang Bayan, Hilagang Samar
Linggo Ang Paggamit ng mga Talinghaga: Salawikain, Kasabihan, Kawikaan,
3-5 Idyoma at mga Uri ng Tayutay

Binabati kita sapagkat maluwalhati mong natapos ang nakaraang modyul. Ngayon naman,
panibagong modyul ang iyong haharapin na siyang gagabay sa iyong pagkatuto. Makababasa
ka ng mga tekstong hahamon sa iyong kakayahang mag-isip at magsuri kasama rin dito ang
paggamit ng matatalinhagang salita/pahayag. Sa madaling salita, tutulungan ka ng modyul na
ito na magsuri at gumamit ng mga salitang malalalim o matalinghaga o mga salitang hindi literal.
Lilinangin din ng modyul na ito ang iyong kasanayang magsuri ng mga salawikain, kasabihan,
kawikaan at idyoma. Tatalakayin at susuriin din ang mga uri ng tayutay. Huwag kang mabahala
sapagkat ang modyul na ito ay sadyang inihanda para sa iyong pagkatuto kaya simulan mo na!

Ano ang matututunan mo?

Game ka na ba?
Magkasama na naman tayo sa modyul na ito! Pumalakpak
ka muna ng 3 beses bago magsimula. Ngayon ay handa ka
na sa mga bagong aralin. Sa modyul na ito inaasahang:
1. Makikilala ang salawikain, kasabihan, kawikaan,
idyoma at tayutay.
2. Matukoy ang pagkakaiba ng salawikain, kasabihan,
kawikaan, idyoma at tayutay.
3. Makasusuri sa mga uri ng tayutay.
4. Naipamamalas ang kahusayan sa pagbubuo ng isang
sulatin gamit ang mga matatalinhagang pahayag.

Paano gagamitin ang modyul na ito?

 Tulad ng sinabi ko sa iyo mahal kong mag-aaral, marami akong


ihahandog na mga bagong kaalaman sa iyo na makikita mo sa modyul
na ito. Magiging madali at matagumpay ang paggamit mo nito kung
susundin mo ang mga tuntunin sa ibaba na magsisilbing gabay mo sa
iyong pag-aaral. Basahin mo ang mga ito at unawaing mabuti.

1. Una sa lahat, ingatan mo ang modyul na ito. Huwag mo itong


dudumihan at susulatan. Gumamit ka ng hiwalay na sagutan/sulatang
papel para sa pagsagot sa mga pagsusulit.
2. Sagutin mo at huwag lalaktawan ang Panimulang Pagsusulit. Ito ang panimulang
hakbang upang masukat at matiyak ang dati mo nang kaalaman sa paksang
tatalakayin sa modyul na ito.
3. Kunin mo sa iyong guro ang susi sa pagwawasto. Iwasto mo ang iyong sagot.
Maging matapat ka lamang sa pagwawasto, ha? Huwag kang mag-aalala kung
mababa ang markang nakuha mo. May inihanda akong mga gawain at iba pang
pagsasanay na tiyak na makatutulong sa iyo.

4. Basahin at unawain mong mabuti ang mga teksto bago mo sagutin ang mga
gawaing kaugnay nito. Unawain mo ring mabuti ang mga panuto dahil malaki ang
maitutulong nito upang maging madali sa iyo ang pagsagot sa mga gawain.

5. Sagutin mo agad ang Pangwakas na Pagsusulit upang matiyak mo kung


natutunan mo ang aralin, kunin mong muli ang susi sa pagwawasto sa iyong guro.
Muli, maging matapat ka sa pagwawasto.

6. Bigyang-halaga mo sana ang modyul na ito, mag-aaral. Sikapin mong sagutin ang
mga gawaing inihanda ko katulad ng pagsisikap kong matulungan kang matuto.

Ngunit bago mo simulan ang mga gawain sa modyul na ito, gusto ko munang alamin
ang iyong kaalaman sa pamamagitan ng pang-unang pagsusulit. Huwag kang mag-
alala kung mababa man ang iyong makuha. Ang layunin ko lamang ay masukat ang
iyong kaalaman sa mga araling iyong kakaharapin sa modyul na ito. Kaya‟t maging
matapat ka sana sa iyong pagsagot.
Maaari ka nang magsimula.

Ano ang alam mo na?

Panuto: A. Tukuyin ang mga sumusunod na pahayag. Piliin mula sa kahon ang tamang
kasagutan. Isulat ang sagot bago ang bilang.
Salawikain Kasabihan Kawikaan Pahayag Idyomatiko Tayutay

______________1. Magbiro ka na lang sa lasing, huwag lang sa bagong gising.


______________2. Anak na di paluhain, ina ang patatangisin.
______________3. Pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw.
______________4. Pili nang pili nauwi sa bungi.
______________5. Maraming buwaya sa ating lipunan.
______________6. Ang musika ay hagdan ng kaluluwa patungo sa langit.
______________7. Minsan, lason ang sobrang pagmamahal.
______________9. Ang baboy bihisan man, baboy pa rin.
_____________10. Kahoy mang babad sa tubig kapag sa apoy inilapit sapilitang magdirikit.

B. Bilugan ang titik ng pinakaangkop na kahulugan ng mga idyomang nakasulat nang


pahilig sa loob ng mga sumusunod na pangungusap.

1. Napakatamis ng dila ni Noel kaya naakit niya si Elma.


a. nanloloko b. napakatapat c. may diabetes d. magaling mangusap
2. Parang pinipit na luya si Ara nang Makita niya si Arnel.
a. nangulubot b. di-nakapagsalita c. nanlaki ang mata d. nagtago
3. Nahalata ni Bb. Basiloy na sila‟y naglulubid ng buhangin lamang kaya hindi na sila
pinapasok.
a. nagpapakitang-tao b. nagsisinungaling c. naglalakwatsa d. nagbibiro
4. Kitang-kita ko nang tumakas ang kulay sa kaniyang mukha nang hulihin siya ng mga
pulis.
a. nangitim b. namutla c. namula d. nangintab
5. Ang taong may krus sa dibdib ay pinagpapala ng Diyos.
a. may sakit sa puso b. mapagpatawad c. masakit ang kalooban d. maawain

C. Uriin ang tayutay na ginamit sa mga sumusunod na pahayag. Bilugan ang titik ng iyong
Sagot.

1. Humahalakhak ang alon sa UEP White Beach.


a. Pagsasatao b. Pagwawangis c. Pagpapalit-tawag d. Pagmamalabis
2. Abalang-abala sa gawain ang haligi ng tahanan.
a. Pagpapalit-tawag b. Pagpapalit-saklaw c. Pagtawag d. Pagmamalabis
3. Sinaksak mo ang puso ko nang sabihin mong ako‟y wala nang pag-asa sayo.
a. Pagtutulad b. pagwawangis c. Pagsasatao d. Pagmamalabis
4. Ang buhay ng tao ay parang talinghaga.
a. Pagtutulad b. Pagwawangis c. Pagpapalit-saklaw d. Pag-uyam
5. Sampung nanlilisik na mata ang nakatitig sa lalaking kriminal.
a. Pagmamalabis b. Pagpapalit-saklaw c. Pag-uyam d. Pagtawag

D. Hanapin sa hanay B ang mga kahulugan ng mga idyomang nasa hanay A. Isulat ang
titik ng tamang sagot sa nakalaang patlang bago ang bilang.

Hanay A Hanay B

_____1. ilista sa tubig a. nailibing na


_____2. nakikipagbulungan sa bullate b. kalimutan
_____3. kahiramang-suklay c. kararating lang
_____4. bagong-ahon d. kaibigan
_____5. alimuom e. tsismis
f. mabahong amoy
Paggamit ng mga Alusyon: Salawikain,
ARALIN 1 Kasabihan, Kawikaan, Idyoma

ARALIN 1.1 ALUSYON

Ang alusyon ayon kina Bisa at Sayas (Retorikang Filipino,1966), ay isang pamamaraang
panretorika na gumagamit ng “pagtukoy sa isang tao, pook, katotohanan, kaisipan o
pangyayari na iniingatan sa pinakatagong sulok ng alaala ng isang taong may pinag-aralan.

May apat na uri ang alusyon. Ito ang mga sumusunod at mga halimbawa:

1. Alusyon sa Heograpiya
Ang Mt. Apo ang itinuturing na pinakamataas na bundok sa ating bayan kung kaya ito
ang Mt. Everest ng Pilipinas.
2. Alusyon sa Bibliya
Nagsisilbi siyang Moises ng kaniyang lipi upang iligtas ang mga ito sa kamay ng mga
mapang-aliping nais na sakupin ang kanilang bayan
3. Alusyon sa Mitolohiya
Sa unang saknong ng tulang Felicitacion (Maligayang Bati) ni Dr. Jose Rizal, ganito
ang mababasa:

“Kung si Filomena ang sa dila‟y may tamis


ang sa kay Apolo, sa kanyang pagsilip,
sa may kabukira‟t bundok na masungit,
ang may dalang awit.”
4. Alusyon sa Literatura
Walang alinlangang isa siyang Ibarra na puno ng pag-asang kanyang maililigtas ang
kanyang bayan sa isang ideyal na paraan.

Ayon kay Rolando A. Bernales et al. (2002), ang alusyon ay mga karunungang-bayan
na minana pa natin sa ating mga ninuno. Kinapupulutan ang mga ito ng aral. Nagdaragdag
ito ng kasiningan sa pagpapahayag tulad ng mga sumusunod:

Salawikain- isa sa mga karunungang napag-aralan ng tao, hindi sa mga kasulatan na


nailimbag kundi sa mga aklat ng karanasang nabatid mula sa bibig ng matatanda (Lope K.
Santos).
▪Ito ay karaniwang nasusulat sa paraang patula na may sukat at tugma. Matalinghaga
ang salawikain at karaniwang kapupulutan ng aral hinggil sa buhay at pakikipamuhay.
▪Ito ay gintong butil ng karunungan na nagsisilbing gabay sa pang-araw-araw na buhay.
▪Ito ay mga kaisipang parang parabulang patalinghaga at nagbibigay ng aral na
nagsisilbing batas at tuntunin ng kagandahang-asal.

Halimbawa:
1. Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.
2. Hamak mang basahan, may panahong kailangan.
3. May mga malalaking puno, ngunit walang lilim.
4. Hanggang maiksi ang kumot, magtiis mamaluktot.
5. May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
6. Aanhin ko ang bahay na bato kung ang nakatira ay kuwago.
7. Kapag may tiyaga, may nilaga.
8. Sa paghahangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
9. Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng luha.
10. Ang ugat ng karunungan ay mapait ngunit ang bunga nito ay matamis.
11. Ang oras ay ginto.
12. Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan
13. Ang pulot ay lalong tumatamis kung nakatitikim ng mapait.
14. Bawat palayok ay may katapat na suklob.
15. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.

Kasabihan-Ito ay bukambibig o sabi-sabing hinango sa karanasan ng buhay na


nagsisilbing patnubay sa mga dapat ugaliin na tinanggap ng bayan sa pagdaraan ng
panahon.
▪Ito rin ay mga paalala na may halong panunukso at nagtataglay ng payak na kahulugan.
Ito ay mga sabi-sabing naging palasak na at tinanggap ng bayan sa pagdaan ng panahon.
kakikitaan ang kasabihan ng mga kilos, gawi, at ugali ng tao at ng lipunan. Ang mga ito ay
bukambibig na hinango mula sa karanasan ng buhay na nagsisilbing patnubay sa mga
dapat ugaliin ng tao. Kinapapalooban din ito ng kasabihan ng mga kaisipang
nagpapahayag ng mga katotohanan na sadyang may pagkakaugnay ang buhay sa
kaasalan ng tao.

Halimbawa:
1. Kuwalta na, naging bato pa.
2. Pili nang pili, nauwi sa bungi.
3. Ang araw bago sumikat nakikita muna‟y banaag.
4. Sa taong may hiya, ang salita ay panunumpa.
5. Sa taong gutom, masarap pati tutong.
6. Magbiro ka na lang sa lasing, huwag lang sa bagong gising.
7. Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.
8. Tulak ng bibig, kabig ng dibdib.
9. Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.
10. Ang hipong tulog, tinatangay ng agos.
11. Ang sinungaling at bulaan ay kapatid ng magnanakaw.
12. Ang taong duling walang gawang magaling.
13. Kung ano ang gawa ay siyang hinala.

▪May mga kasabihan din na kadalasan ay ginagamit sa panunukso o pagpuna sa kilos ng


isang tao.

Halimbawa:
Putak, putak Tiririt ng maya, Ubos ubos biyaya
Batang duwag Tiririt ng ibon Bukas nakatunganga
Matapang ka‟t Ibig mag-asawa‟y
Nasa pugad! Walang ipalamon.
Kawikaan- Ito ay mga paalala na may dalang mahalagang mensahe at aral na kadalasan
ay hango sa bibliya. Ito rin ay kalipunan ng mga turong pangmoral at panrelihiyon.
Karamihan ay tumatalakay sa mga praktikal na bagay sa buhay.
▪Ang ilan sa mga ito ay may kinalaman sa ugnayang pampamilya, pakikitungo sa kapwa, at
maging sa pangangalakal. Ang iba naman ay tungkol sa kagandahang-asal, tulad ng
pagpapakumbaba, pagtitiyaga, paglingap sa mahihirap, at pagiging tapat sa mga kaibigan.
▪Ito ay nagsisilbing tagapagpaalala ng mabubuting kaasalan at kaugalian.

Halimbawa:
1. Pagkataas-taas man ng lipad, siyang lagapak kung bumagsak.
2. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
3. Ang nagpapakababa ay itataas; ang nagpapakataas ay ibaba.
4. Ang panahon ay samantalahin sapagkat ginto ang kahambing.
5. Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan, at wala sa kasaganaan.
6. Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo.
7. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw.
8. Ang katamaran ay kapatid ng kagutuman.
9. ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.
10. Pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw.
11. Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
12. Ibigay ninyo ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.
13. Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.
14. Bago mo pahirin ang uling ng iba, pahirin mo muna ang sariling uling sa mukha.
15. Huwag makikipagkaibigan sa taong marahas, ni lalakad sa masama niyang landas.

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa kahulugan at mga halimbawa ng salawikain,


kasabihan at kawikaan handa ka na bang sagutin ang susunod na gawain? Isaalang-alang
mo ang iyong natutunan. Masasagot mo iyan. Suriin mo.

ARALIN 1.1 Mga Pagsasanay


Gawain 1

Gumawa ng isang sariling salawikain at isang kasabihan.

Salawikain: ______________________________________________________________

Kasabihan: ______________________________________________________________

Gawain 2

Isulat sa patlang kung ito ay salawikain, kasabihan o kawikaan.

_________1. Matalino man ang matsing, napaglalamangan din.


_________2. Ang buhay ng tao‟y gulong ang kapara; minsan ay nasa itaas, minsan ay
nasa ibaba.
_________3. Laging nasa huli ang pagsisisi.
_________4. Kung ano ang bukambibig, siyang laman ng dibdib.
_________5. Ang hindi mo gustong mangyari sa iyo, huwag mong gagawin sa kapwa mo.
_________6. Kapag may hirap, may ginhawa.
_________7. Ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat.
_________9. Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.
_________10. Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
_________11. Malakas ang loob, mahina ang tuhod.
_________12. Pag madaling tinipon, madali ring matatapon.
_________13. Kapag may tiyaga may nilaga.
_________14. Auman ang tibay ng piling abaka ay wala ring silbi kapag nag-iisa.
_________15. Pag ang bata‟y barumbado, tumatanda‟y tarantado.

Nasagot mo ba ang mga katanungan sa gawain? Ikaw ang magwawasto nito. Pumunta sa
pahina na may susing sagot. Iwasto kung tama ang iyong sagot. Kung hindi nakuha ang
lahat
ng sagot, pakaisipin na kahit mababa ang iskor ay „‟ok lang‟‟ bumawi na lamang sa sunod na
gawain. Kaya mo yan!

ARALIN 1.2 IDYOMA

Idyoma- Pagpapahayag ito ng mga saloobin at kaisipan na hindi tuwiran at ang kahulugan
ay nasa pagitan ng mga salita.
▪Ito ay isang pangkat ng salita na ang kahulugan ay iba kaysa sa literal na kahulugan ng
mga indibidwal na salita.
▪Ayon kay Santiago (1994), ang idyoma ay ang pinakapuso ng lahat ng salita. Kapag inalis
ang mga idyoma ng isang wika, nasisira ang komunikasyon ng mga taong gumagamit nito.
▪Ang idyoma ay nagpapahayag ng di-tuwirang kahulugan ng bawat salita; sa halip, ang
kaisipan o kahulugan ay ipinahihiwatig ng pangkat ng mga salita.
▪Nakatutulong sa mabisa, makulay at makahulugang pagpapahayag ang paggamit ng
idyoma.
▪Yumayaman at yumayabong ang isang pahayag kung ginagamitan ng idyoma, na minana
pa natin sa ating mga ninuno.
▪Ito ay nagmula sa likas na katalinuhan at kabang yaman ng lahing Pilipino.
▪Ito‟y isang ekspresyon na kung matamang susuriin ang kahulugan ng bawat salita ay
waring mali at lihis sat untuning pambalarila.
▪Ayon kay David Minsberg, ang kahulugan ng idyoma ay maaaring malaman sa
pamamagitan ng:
1. pag-unawa sa kaugnayan nito sa ibang bagay.
2. pagsuri sa kaugnayan nito sa ibang salita sa loob ng pangungusap.
3. paggamit nito nang malimit hanggang sa ito‟y maging bahagi na ng sariling
Bokabularyo.
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng idyoma:
1. mababaw ang luha madaling umiyak
2. nagtaingang-kawali nagbingi-bingihan
3. magmamahabang dulang mag-aasawa, pakakasal
4. pabalat-bunga pakunwari, hindi totoong paanyaya
5. ilista sa tubig kalimutan o ituring na wala
6. nagpuputok ang butse galit na galit
7. nasusian ang mga labi nasuhulan, napatahimik
8. parang nilubugan ng araw nawalan ng pag-asa
9. may gatas pa sa labi bata pa, musmos pa
10. itinulak sa bangin ibinuyo, ibinulid sa kapahamakan
11. magdildil ng asin maghirap
12. nakahiga sa salapi mayaman, mariwasa
13. kaututang-dila isang taong katapatan ng mga lihim
14. kahiramang-suklay kaibigan
15. balat-sibuyas iyakin, madaling umiyak
16. nagsusunog ng kilay nagsisikap sa pag-aaral
17. bugtong na anak kaisa-isang anak
18. bulang-gugo laging handang gumasta
19. balitang kutsero balitang walang katotohanan
20. magsagap ng alimuom tsismis
21. kaibigang-putik hindi tunay na kaibigan
22. amoy lupa matanda na
23. alog na ang baba matanda na
24. di na makasampa sa bakod matanda na
25. laylay ang balikat bigo
26. ilaw ng tahanan ina
27. haligi ng tahanan ama
28. anghel ng tahanan anak
29. di-mahulugang karayom maraming tao
30. alilang-kanin utusang walang sweldo
31. kusang palo sariling sipag
32. mabigat ang kamay/walang kamay tamad magtrabaho
33. magaan ang kamay madaling manakit
34. mabilis ang kamay mandurukot
35. hampaslupa lagalag, busabos
36. di-makabasag pinggan mahinhin
37. namamangka sa dalawang ilog salawahan
38. nagmumurang kamyas o kamatis matandang nag-aayos binata o dalaga
39. kaibigang-putik hindi tunay na kaibigan
40. isip-lamok mahina ang isip

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa pagkakilanlan sa mga idyoma, handa ka na bang


sagutin ang susunod na gawain? Isaalang-alang mo ang iyong natutunan. Masasagot mo
iyan. Suriin mo.
Aralin 1.2 Mga Pagsasanay

Gawain 1

Isulat sa patlang ang titik ng tamang kahulugan ng mga sumusunod na idyoma.

___1. naglulubid ng buhangin a. nawalan ng kibo


___2. naglalako ng asin b. duwag
___3. naniningalang- pugad c. hindi totoo
___4. balitang-kutsero d. sunud-sunuran
___5. anghel ng tahanan e. anak
___6. basag ang pula f. mahigpit ang hawak
___7. butiking Pasay g. nagsisinungaling
___8. kapit-tuko h. nanliligaw
___9. kapilas ng buhay i. nagyayabang
___10. dupong j. payat na payat
___11. itaga sa bato k. asawa
___12. hawak sa leeg l. gahaman
___13. makati ang dila m. tandaan
___14.may Santo Cristo sa dibdib n. tsismosa
___15. pinipit na luya o. matiisin
p. walang kayamanan

Gawain 2

Isulat sa patlang ang kahulugan ng mga idyoma batay sa pagkakagamit sa pangungusap.

1. paa‟t kamay_______________________________________________________
Hindi siya sumasama sa mga lakad ng kanyang mga kaibigan dahil siya ang paa
at kamay sa kanilang tahahan.
2. binuksan ang dibdib__________________________________________________
Binuksan ni Mara ang kanyang dibdib sa pinagkakatiwalaang guro.
3. di-mahapayang gatang_______________________________________________
Di-mahapayang gatang kung umasta ang asawa ng ilang pulitiko.
4. babaha ng dugo_____________________________________________________
Kailan kaya hihinto ang pagbaha ng dugo sa Mindanao?
5. sapin ng baul_______________________________________________________
Sapin ng baul ang perang pinahiram niya sa kanyang kaibigan.
6. halang ang bituka___________________________________________________
Halang ang bituka ng taong iyan kaya‟t nakakatakot.
7. bagong-ahon_______________________________________________________
Kinakapanayam ng mga kadete ang mga bagong-ahon mula sa PNPA.
8. asal-hudas_________________________________________________________
Hindi pinagkakatiwalaan ang taong asal-hudas.
9. alog na ang baba
Alog na ang baba ni Mang Jose subalit malandi pa siyang sumayaw.
10. may gintong kutsara sa bibig___________________________________________
Napakaswerte ng mga taong isinilang na may gintong kutsara sa bibig.

Aralin 2 Tayutay (figure of speech):


▪Ito ay buhat sa salitang taytay (bamboo plank or bridge); tulay o andamyo. Sa kolokyal ay
itinatayong tulay. Sa salita, na ang layunin ay maging maganda ang pagpapahayag
pasalita
man o pasulat.
▪Tinatawag din itong patalinhagang pagpapahayag. Sa pagtatayutay, sadyang lumalayo
ang nagpapahayag sa karaniwang paraan ng pagsasalita upang magawang higit na
maganda at kaakit-akit ang kanyang sinasabi. Ginagamitan ng talinghaga at di-karaniwang
salita o paraan ng pagpapahayag upang maging kawili-wiling pakinggan ang patayutay na
pananalita.
▪Ito ay ang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita. Sa paggamit ng mga tayutay ay
magkakaroon ng sining at magiging mabisa ang mga pahayag. Ito ay kaakit-akit sa mga
tagapakinig.
▪Dapat linawin sa puntong ito ng pag-aaral na ang talinhagang binabanggit ay ang
mismong tayutay rin naman sa ibang librong mababasa, lalo na sa larangan ng panitikan.
Para kay Bisa, sa kanyang librong Retorika (1999), ang mga ito ay mga kasangkapang
panretorika na nahahati sa dalawa: kasangkapan sa paglikha ng tunog o musika, at
kasangkapan sa pagpapasidhi ng guniguni at damdamin.

Mga Karaniwang Uri ng Tayutay

1. Simile o Pagtutulad- Ito‟y paghahambing ng dalawang magkaiba o di magkauring


bagay, tao, kaisipan, pangyayari at iba pa sa hayagang pamamaraan. Makikilala sa mga
salitang naghahambing na ginagamit tulad ng parang, kawangis, animo‟y, gaya ng,
mistula,tulad, tila, wari at iba pa.
Halimbawa:
a. Balahibuhing animo‟y lobo ang mga braso niya‟t binti.
b. Parang pulburang madaling magsiklab ang pulis.
c. Kawangis ni Gelita ang isang talang nagniningning sa kalangitan.
d. Ang buhay ay tulad ng larong dama – may mga urong at sulong, may mga hakbang na
dapat pakaingatan.
e. Ang mga pananalita mo ay tila balaraw na tumatarak sa aking puso.

2. Metapora o Pagwawangis- Paghahambing din ito gaya ng pagtutulad, nagkakaiba na


lamang sa hindi paggamit ng mga salita o pariralang pantulad sapagkat direkta nang
ipinaaangkin ang katangian ng tinutularan.
▪Ito ay tuwirang paghahambing at hindi ginagamitan ng mga salitang tulad ng sa simile o
pagtutulad.
Halimbawa:
a. Ang musika ay hagdan ng kaluluwa paakyat sa langit
b. Minsan, lason ang sobrang pagmamahal.
c. Bato ang puso ng inyong ama.
d. Ang pag-ibig ay isang kendi…matamis kung pakaiisipin.
e. Musika sa aking pandinig ang iyong tinig.
3. Apostrope o Pagtawag/Panawagan- Isang anyo ito ng panawagan o pakiusap sa isang
taong hindi kaharap, nasa malayo o kaya‟y patay na o sa kaisipan at mga bagay na
binibigyang katauhan na parang kaharap na kinakausap.
Halimbawa:
a. Pag-asa, maawa ka, huwag mo akong iiwan, mahabag ka sa kaluluwang nadidimlan.
b.Tukso, iwan mo ako dahil gusto kong makalayo!
c. Maglagablab ka o pag-asa, buhayin ang apoy na sa puso‟y nagniningas.
d. Bayan ko, nasan ka? Ako ngayo‟y nag-iisa.
e. O, giliw ko miss na miss kita.

4. Tanong-Retorikal- Ito‟y katanungang hindi nangangailangan ng kasagutan dahil nasa


mga pahayag na rin ang katugunan ng mga pahayag.
Halimbawa:
a. Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pag-ibig sa tinubuang lupa?
b. Itinulad kita sa santang dinambana at sinanta
Ano‟t bumaba ka sa altar ng aking pagtitiwala?
c. Ano pang kahilingan ang hindi pa natin nahihiling sa Diyos?
d. Ano nga ba ang gamit ng teknolohiya kung ang buhay ay wala na?
e. Mahihigitan kaya ng anuman ang kadakilaan ng pag-aalay ng buhay para sa bayan?

5. Pag-uyam o Ironya- Sa pagpapahayag ng pagpuri ay may paglibak o pagtudyo.


▪Ito ay nangungutya sa tao o bagay ngunit gumagamit ng magandang pananalita. ▪
▪Ang pagpapahayag na ito ay ginagamitan ng pananalitang nangungutya sa tao o bagay
sa pamamagitan ng mga salita na kung pakikinggan ay tila kapuri-puring mga
pangungusap. Ang tunay na kahulugan ng pahayag ay nauunawaan ayon sa paraan ng
pagsasalita ng taong nagsasalita.
Halimbawa:
a. Maganda at kahali-halina ang kanyang katawan na hubog bariles.
b. Talagang matalino ka, lamang bumagsak ka sa pagsusulit na iyong kinuha.
c. Napakabango ng iyong hininga, lahat ng nakaaamoy ay nahihilo.
d. Sa lambing ng pag-iibigan ay hindi nila ikinahiya sa harap ng maraming tao ang
kanilang pagbabangayan.
e. Kayganda mo, mukha kang Christmas tree.

6. Personipikasyon o Pagbibigay-katauhan/Pagsasatao- Ang mga walang buhay


ay pinagtataglay ng katangiang pantao, sa pamamagitan ng mga salitang nagsasaad ng
kilos o mga PANDIWA.
Halimbawa:
a. Nagluluksa ang langit sa dami ng nagpositibo sa Covid sa bayan ng Catarman.
b. Ngumiti ang halaman nang siya ay aking kausapin at diligan.
c. Mabilis na tumatakbo ang oras patungo sa kanyang malagim na wakas.
d. Humahalakhak ang musika sa saliw ng aking gitara.
e. Pinagpapawisan na ang mga bintana sa lamig ng gabi.
7. Paglilipat-wika (Transferred Epithets)- Ang mga kilos, talino, at katangian ng tao ay
isinasalin at ipinagagawa sa mga hindi tao sa pamamagitan ng paggamit ng PANG-URI.
▪Katulad ito ng pagbibigay-katauhan subalit sa tayutay na ito ay hindi lamang pandiwa
ang nagbibigay buhay kundi ginagamitan din ng PANG-URI.
Halimbawa:
a. Maaga pa lamang ay bukas na ang maingay na palengke.
b. Nagbunyag ng lihim ang tahimik na silid-aklatan.
c. Ang mapaglingkod na payong ay lagi kong kasama.
d. Sabik na akong makapiling muli ang aking mapagkandiling kama.
e. Batid ko ang kalungkutan ng masungit na panahon.

8. Pagpapalit-tawag o Metonomiya- Pinapalitan ang katawagan ng ibang katawagan na


may kaugnayan sa salitang pinapalitan.
▪Ayon kay Sebastian, ang panlaping “meto-“ay nangangahulugan ng pagpapalit o pag-
halili. Dahil dito, nagpapalit ito ng katawagano ngalan sa bagay na tinutukoy.
Halimbawa:
a. Binato niya ng tinapay ang kaniyang kaaway.
b. Kinagigiliwan ng pamilya ang bagong anghel sa kanilang tahanan.
c. Dumating na ang ahas sa ating grupo.
d. Napakasipag ng kanilang ilaw ng tahanan.
e. Nagsusunog ng kilay ang aking kapatid u pang makapagtapos agad.

9. Pagpapalit-saklaw o Sinekdoke- Ito‟y pagbanggit sa bahagi ng isang bagay o kaisipan


para sa kabuuan o pagbanggit ng kabuuan para sa bahagi lamang.
▪Ang pagpapahayag na ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng pagbanggit sa bahagi
bilang bilang pagtukoy sa kabuuan. Maaari rin namang ang nag-iisang tao ang kuma-
katawan sa isang pangkat.
Halimbawa:
a. Isang kayumanggi ang pinarangalan sa larangan ng boksing.
Ang kayumanggi ay kumakatawan sa mga Pilipino
b. Isang puti ang aming naging panauhing tagapagsalita.
Ang puti ay kumakatawan sa mga Amerikano.
c. Sampung bibig ang umaasa sa akin.
Ang sampung bibig ay kumakatawan sa sampung tao.
d. Anim na maliliit na paa ang sumalubong sa aking pagdating.
Ang anim na maliliit na paa ay kumakatawan sa tatlong bata.
e. Nais kong hingin ang kamay ng inyong anak.
Ang kamay ay kumakatawan sa babae.

10. Pagmamalabis (Hyperbole)- Isang pahayag na eksaherado o labis na


katotohanan.Nag papahayag ito ng higit sa tunay na kalagayan ng tao, bagay o pangyayari.
Halimbawa:
a. Si Angela ay natunaw sa labis na kahihiyan.
b. Bumabaha na ng dugo sa mahabang pag-ulan ng bala sa sagupaan.
c. Didiliggin ko ng luha ang bangkay ng aking minamahal.
d. Nakababasag ng tainga ang boses ng magandang dalagang si Ana.
e. Sa gayong kakisigan ni Fernando Carillo, patay lamang ang hindi mabibighani.

11. Pagtatambis - Ito ay nagpapahayag ng mga bagay na magkasalungat para


mabigyang bisa ang natatanging kahulugan.
Halimbawa:
a. Ang buhay sa mundo ay tunay na kakatwa: may lungkot at may tuwa, may hirap at
ginhawa, may dusa at may pag-asa.
b. Araw-gabi ay lakad-takbo ang buhay niya sa lansangan.
c. Dito sa ating lupang sagana ay marami pa rin ang maralita.
d. Napaiyak nang malakas si Nimfa sa sobrang ligayang naramdaman.
e. O, ang babae kapag minamahal
May kursunada‟y aayaw-ayaw
Kapag panay ang dalaw ay nayayamot
Huwag mong dalawin, dadabug-dabog.

12. Pagsalungat o Antitesis o Epigram- Gaya ng pagtatambis, pinagsasama rito ang


magkasalungat na salita o kaisipan, nagkakaiba lamang sa paglalaban ng magkasalungat
sa halip na pinag-uugnay.
Halimbawa:
a. Sa kaniyang paghihirap ay nakamit niya ang kaginhawaan ng buhay.
b. Nasa karuwagan ang katapangan.
c. Kung kailan ako mahina ay saka ako lumakas.
d. Sa umuunlad na daigdig ay kitang-kita ang katamaran ng tao.
e. Nasa kaniyang kagandahan ang kanyang kapangitan.

13. Pagtanggi- Ito ay ginagamitan ng salita o panangging hindi upang bigyang-diin ang
makahulugang pagsang-ayon sa isinasaad ng salita.
Halimbawa:
a. Hindi ko sinasabing mahal kita, subalit madalas ang sandaling hindi ako makatulog
sa tuwing hindi kita nasisilayan kahit na saglit man lamang.
b. Hindi ang paglisan mo ang solusyon sa ating hidwaan, subalit makabubuting bigyan
mo muna ako ng espasyo para makahinga.
c. Hindi sa pinangungunahan kita, subalit ang Gawain mong makasarili ay hindi
kaaya-aya.
d. Hindi sa pinagdadamutan kita,subalit alam ko na may pera ka at kaya mong bumili
ng ganito.
e. Hindi mo man maramdaman ang aking presensya ngunit ikaw ang sa buhay ay nag-
papasaya.

14. Pagdaramdam- Ito ay nagmumula sa bulalas ng isang masidhi o pananalitang nagpa-


pahayag ng matinding damdamin.
Halimbawa:
a. Kaawa-awang ina! iniwan ng kaniyang kaisa-isang anak.
b. Kayhirap palang umibig sa di tamang panahon.
c. kaysarap ng may minamahal, ang daigdig ay may kulay at buhay.
d. Kaawa-awa kong kaibigan! gusto kitang puntahan at damayan ngunit ako‟y walang
pera.
e. Hirap, kalungkutan, dalita‟t hinagpis, umiiwang lahat sa aba kong dibdib.

ARALIN 2 Mga Pagsasanay

Gawain 1

Pag-aralan ang mga sumusunod na pahayag. Isulat sa patlang ang uri ng tayutay na
ginamit.
____________1. Ang paalala ng magulang ay liwanag na tumatanglaw sa madilim na
Pamumuhay ng mga anak.
____________2. Nagliliyab ang mga mata ng matanda sa katitingin sa babaeng maganda.
____________3. Apat na mapupulang mata ang bumulaga sa kanya.
____________4. Ang balitang siya‟y dumating ay tulad ng tambuling gumising sa buong
bayan.
____________5. Pinarusahan ng mayor ang nayon.
____________6. Bumubulong na ang pagdating ng Pasko sa malamig na simoy ng hangin.
____________7. Masarap kaulayaw ang mahinhing tubig sa batis.
____________8. Hindi mo man sabihin, sa mga mata mo‟y masisilip ang tunay
na damdamin.
____________9. Malilimot ba kita kung kahit sa tabi ay wala ka na, sa bawat pagpikit
ng mata ay ikaw naman ang nakikita?
___________10. Talagang mabuting makisama ang iyong kaibigan. Pagkatapos naming
alagaan, kami pa ang masama.
___________11. O kaylupit ng kapalaran! laging sawi na lamang. Kayhirap ng umibig
kung masasawi rin.
___________12. Bayan ko, nasan ka? ako ngayo‟y nag-iisa.
___________13. Minana ng panganay na anak ng hari ang korona.
___________14. Ang kawal ay namatay upang siya ay mabuhay sa mahabang panahon.
___________15. Araw-gabi ay lakad-takbo ang buhay niya sa lansangan.

Gawain 2

Hamunin pa ang sarili. Gumawa ng sariling halimbawa ng mga tayutay.


1. Simile o Pagtutulad_______________________________________________________
_______________________________________________________________________
2. Metapora o Pagwawangis__________________________________________________
_______________________________________________________________________
3. Pagtawag/Panawagan_____________________________________________________
_______________________________________________________________________
4. Tanong-Retorikal_________________________________________________________
5. Pag-uyam______________________________________________________________
_______________________________________________________________________
6. Pagsasatao_____________________________________________________________
_______________________________________________________________________
7. Paglilipat-wika___________________________________________________________
______________________________________________________________________
8. Pagpapalit-tawag_________________________________________________________
9. Pagpapalit-saklaw________________________________________________________
_______________________________________________________________________
10. Pagmamalabis__________________________________________________________
______________________________________________________________________

Nasagot mo ba ang mga gawain? Pumunta sa pahina na may susing sagot. Iwasto kung
tama ang iyong sagot. Kung hindi nakuha ang lahat ng sagot, pakaisipin na kahit mababa
ang iskor ay „‟ok lang‟‟ bumawi na lamang sa sunod na gawain. Kaya mo yan!

BUOD

Ang alusyon ayon kina Bisa at Sayas (Retorikang Filipino,1966), ay isang pamamaraang
panretorika na gumagamit ng “pagtukoy sa isang tao, pook, katotohanan, kaisipan o
pangyayari na iniingatan sa pinakatagong sulok ng alaala ng isang taong may pinag-aralan.
May apat na uri ang alusyon: Alusyon sa Heograpiya, Alusyon sa Bibliya, at Alusyon sa
Literatura.
Ayon naman kay Rolando A. Bernales et al. (2002), ang alusyon ay mga karunungang-
bayan na minana pa natin sa ating mga ninuno. Kinapupulutan ang mga ito ng aral.
Nagdaragdag ito ng kasiningan sa pagpapahayag tulad ng mga sumusunod: salawikain,
kasabihan, kawikaan at idyoma.
Sa kabilang dako, ang tayutay ay buhat sa salitang taytay (bamboo plank or bridge);
tulay o andamyo. Sa kolokyal ay itinatayong tulay. Sa salita, na ang layunin ay maging
maganda ang pagpapahayag pasalita man o pasulat. Tinatawag din itong patalinhagang
pagpapahayag. Sa pagtatayutay, sadyang lumalayo ang nagpapahayag sa karaniwang
paraan ng pagsasalita upang magawang higit na maganda at kaakit-akit ang kanyang
sinasabi. Ginagamitan ng talinghaga at di-karaniwang salita o paraan ng pagpapahayag
upang maging kawili-wiling pakinggan ang patayutay na pananalita. Ito ay ang paglayo sa
karaniwang paggamit ng mga salita. Sa paggamit ng mga tayutay ay magkakaroon ng
sining at magiging mabisa ang mga pahayag. Ito ay kaakit-akit sa mga tagapakinig. Para
kay Bisa, sa kanyang librong Retorika (1999), ang mga ito ay mga kasangkapang
panretorika na nahahati sa dalawa: kasangkapan sa paglikha ng tunog o musika, at
kasangkapan sa pagpapasidhi ng guniguni at damdamin.

Mga Mungkahing Babasahin

 Arrogante, J. A. RETORIKA (Masining na Pagpapahayag). Mandaluyong City:


National Bookstore, 2008.
 Cantre, M. C. Ang Masining na Pagpapahayag (RETORIKA). Quezon City: Lorimar
Publishing Inc., 2013.
 Cruz, C. J. Pamahayagang Pangkampus sa Bagong Milenyo. Manila: Rex
Bookstore, 2003.
Sanggunian:
 Deogracia DC Santos et.al,2015, Masining na Pagpapahayag Mindshaper Co, INC,
Intramurous Manila
 Bendalan, Nilda, 2018, RETORIKA, Wiseman‟s Book Trading, INC, Quezon City.
 Victoria Vasil, 2015, Masining na Pagpapahayag, Ateneo De Naga University.
 Alejo, Carmelita T. etal. 2005.Pagbasa At Pagsulat Tungo Sa Pananaliksik. C & E
Publishing, Inc.
 Casanova, Arthur P. at Ligaya Tiamson Rubin. 2001. Retorikang Pangkolehiyo. Rex
Bookstore, INC: Quezon City.
 Author, Evelyn B. 2015. Masining na Pagpapahayag.Ateneo De Naga University
Press.Ateneo Ave. Naga City.
 Komisyon sa Wikang Filipino. English-Tagalog Dictionary. Commission on the
Filipino Language. ERH printing. San Mateo, Rizal. 2005
 Villafuerte Pat V. at Bernales Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya
at Praktika. Mutya Publishing House Inc, Balubaran Valenzuela City.

PANGWAKAS NA PAGTAYAYA

I. Panuto: A. Tukuyin ang mga sumusunod na pahayag. Piliin mula sa kahon ang tamang
kasagutan. Isulat ang sagot bago ang bilang.
Salawikain Kasabihan Kawikaan Pahayag Idyomatiko Tayutay

_______1. Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng luha.


_______2. Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan.
_______3. Ang nagmamataas, siyang ibinababa.
_______4. Ang taong duling, walang gawang magaling.
_______5. Nagbukas siya ng dibdib sa akin.
_______6. Kumindat sa akin ang mga bituin.
_______7. Kung ano ang gawa ay siyang hinala.
_______8. Tulak ng bibig, kabig ng dibdib.
_______9. Hubad sa katotohanan ang balitang iyan.
_______10. Ang pulot ay lalong tumatamis kung nakatitikim ng mapait.
_______11. Huwag kang humatol upang huwag kang mahatulan.
_______12. Ang pilak mo man ay isang kaban, ang ginto mo man ay isang tapayan, kung
wala ka namang kaibigan ay wala ka ring kabuluhan.
_______13. Ang nagmamataas ay siyang ibinababa.
_______14. Tayo ay hawak sa leeg noon ng mga Kastila.
_______15. Sa tuwing kita‟y nakikita ako‟y natutunaw.

Test II –Panuto: Basahin ang mga sumusunod na pangungusap at piliin ang titik na kumakatawan sa
kahulugan ng mga salita o mga pariralang nakasulat nang pahilig.
A. Mga Idyomatikong Pahayag sa Filipino

1. Tunay ngang may pakpak ang balita.


a. may balahibo c. namamasyal
b. lumilipad d. mabilis kumalat
2. Kaya nagmagandang-loob si Luz ay dahil naghuhugas siya ng kamay. Huwag mo siyang
paniwalaan.
a. malinis sa katawan
b. matampuhin
c. ibig makipagibigan
d. umiiwas magkaroon ng pananagutan sa isang naganap na pangyayari.
3. Ngayon lang ako nakakita ng labanang ngipin sa ngipin.
a. kagatan c. murahan
b. gantihan ng ubos-kaya d. walang sakitan
4. Naku, parang uod ang katawan ni Jong. Umupo ka nga.
a. masyadong malikot c. payat na payat
b. mataba d. siksik na siksik ang laman
5. Dinaramdam kong hindi kita mapautang. Lagot ang pisi ko.
a. nagugutom c. walang tiwala sa kapwa
b. kuripot d. walang salaping panggastos
6. Kung malikot ang kamay ng batang iyan, bakit dinala mo pa siya rito?
a. maraming salapi c. may eksema sa kamay
b. magnanakaw d. mahusay gumuhit
7. Parang apoy na binuhusan ng tubig ang galit ni Aling Flor ng makita niya ang kanyang apo.
a. nagsiklab c. biglang napawi
b. naging mahinahon d. nagtuloy
8. Kalamayin mo ang loob mo, Manang. Lahat tayo ay daraan sa ganyang pagsubok.
a. matuwa c. kalimutan ang sama ng loob
b. maging matatag d. magpakahinahon
9. Kaya hindi ko matanggap ang pag-ibig mo ay dahil ika’y walang dila.
a. bulol c. pipi
10. Kung si Itay ang haligi ng tanahan sino naman ang ilaw ng tahanan?
a. ate c. lolo
b. lola d. Inay
11. Huwag mong pakialaman ang pag-uusap ng mag-asawa. Labas ka sa bakuran.
a. Di dapat bantayan c. di dapat pakinggan
b. di dappat pakialaman d. di dapat ipamalita
12. Iwasan mo ang mga maanghang na biro upang igalang ka ng iyong kapwa.
a. Mabilis maglakad c. masasakit na salita
b. tuloy-tuloy d. birong katotohanan
13. Pababayaan mo ba at itatakwil ang mga bata sa lansangan?
a. batang namamalimos c. taong mahihirap
b. Taong nasisiraan ng bait d. amoy-kalan
14. Nang matuklasan ang kanyang pandaraya sa pagsusulit ay para siyang natunaw na yelo.
a. Ibig umiyak c. ibig mawala sa laki ng kahihiyan
b. ibig masiraan ng bait d. magpapakamatay
15. Sa panahon ngayon na kailangan tayong magtipid, huwag natin tularan ang mga taong
nagtatapon ng kwarta.
a. mayaman c. nag-iipon ng kwarta sa bangko
b. nagbibigay salapi sa kawanggawa d. walang patumanggang gumasta

B. TAYUTAY: Pakasuriin ang mga pahayag at tukuyin kung anong uri ng tayutay ang nakapaloob.
Nasa ibaba ang pagpipiliang sagot.

__________1. Ang panitikan ay salamin ng nakaraan ng isang bansa.


__________2. Madaling isilang ang tao sa mundo, madaling mabuhay ang masamang damo.
__________3. Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa.
__________4. Hindi ko sinasabi na ayaw ko sa kanya pero suklam na suklam ako sa kaniya.
__________5. Kaybait mo talaga. Matapos kitang tulungan ay pagtataksilan mo ako.
__________6. Isa siyang tinik sa aking dibdib.
__________7. Dinilig niya ng luha ang bangkay ng kaniyang minamahal.
__________8. Ginamit niyang muli ang mapagparayang tsinelas.
__________9. Pag-ibig, alipinin mo yaring abang puso.
__________10. Nakaaawa ang sinapit niya. Dahil sa pagtataksil niya ay iniwan siya ng
kaniyang kabiyak.
__________11. Siya ay isang taong napanday na ng panahon. Naranasan niya ang maghirap
at yumaman, nakilala at di pansinin, lapitan ng mga kaibigan sa panahong
mayroon siya at itakwil sa kawalan niya.
__________12. Maganda ang iyong tinig walang iniwan sa pusang naipit.
__________13. Ang mapagkandiling pinggan ay naghain sa kaniya ng pagkain.
__________14. Sumisipol ang hanging amihan.
__________15. Ang mahinang dibdib ng matanda ay hindi na kaya pa ng gulo at away.
__________16. Maliliit na palad ang nagbungkal ng bukirin.
__________17. Naligo na sa hamog ng gabi ang mga bulaklak.
__________18. May pag-ibig pa bang hihigit sa pag-ibig ko sa‟yo bayan ko?
__________19. Kung kailan ako mahina ay saka ako malakas.
__________20. Aliw na aliw ang pamilya Lozada sa bagong anghel ng kanilang tahanan.

PAGPIPILIANG SAGOT:

Pagtutulad Pagwawangis Pagtawag Pagmamalabis


Pagsasatao Paglilipat-wika Pagtatambis Pag-uyam
Pagpapalit-saklaw Pagpapalit-tawag Tanong-retorikal Pagsalungat
Pagdaramdam Pagtanggi

You might also like