You are on page 1of 4

Ramos, Joan H.

Panitikang Panlipunan

BSED 1-1 Bb. Gerleen Berjamin

“Tarabaho✓”

Isa sa mga kinahaharap nating mga tao lalo na sa panahon ngayon ay ang kawalan ng trabaho. May kasabihan
ako na ang “tao ay nabubuhay para magtrabaho”. Mas mahaba ang oras na iginugugol natin sa paggising at
pagtatrabaho kaysa sa pagpapahinga. Sa bawat araw mayroon tayong gawain na kinakailangan nating tapusin.
Trabaho rin ang nagiging dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Sa panahon ngayon, pera na ang pangunahing
pangangailangan dahil halos lahat ng bagay ay binibili gamit ang pera at sa tulong ng trabaho kaya tayo kumikita at
nagkakaroon ng pera. Napakalaki ng naiaambag sa atin ng trabaho katulad ng pagkakaroon ng bagong karanasan na
magagamit natin sa susunod pa nating sitwasyon, pera na pambili ng mga pangangailangan natin, bagong kakilala
na makakasama natin, mga bagong bagay na magagamit natin at madidiskubre at ang pinakamahalaga sa lahat mas
natutulungan tayo nito na magkaroon ng mas magandang personalidad dahil dito mas natutuklasan pa natin ang mga
bagay na dapat pa nating malaman at natutuklasan natin na kaya rin pala nating gawin ang hindi pa natin nagagawa
noon.

Isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang mga tao ay ang kawalan nila ng trabaho o hindi sapat
na kita na tutugon sa pang-araw-araw nilang gastusin. Marami sa mga kapit-bahay ko ngayon ang nawalan ng trabaho
dahil sa sa mga nagsasarang mga pabrika dulot ng pandemya. Dahil dito lalo pang naghihirap ang mga tao at
nagugutuman. Kaya ang iba ay patuloy na umaasa sa ibinibigay na ayuda ng gobyerno. Sa pamilya ko, naranasan na
rin namin na umasa na lamang sa ayuda ng pamahalaan dahil sa pagsasara ng mga trabaho ng mama, papa at mga
kapatid ko nang dalawang buwan. Ang hirap ng buhay namin ng mga panahong iyon dahil wala kaming
mapagkukunan ng pera. Sapat lamang ang kinikita ng pamilya ko sa gastusin namin sa bahay at eskuwelahan kaya
nahihirapan kaming makapag-ipon. Nagpasiya ako na tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagpasok ko sa trabaho
ng mama ko tuwing sabado o tuwing wala akong pasok. Nagkaroon kami ng utang dahil sa wala kaming
mapagkukunan ng pera nang dalawang buwan na iyon. Masaya ang magpahinga muna galing sa eskuwela kahit ilang
linggo lamang ngunit hindi na bale na lamang na huwag kong hilingin iyon kung malaki naman ang epekto nito sa
atin.

Ayon sa ABS-CBN News. (2021). Ang unemployment rate, umakyat sa 18.2 na porsiyento noong Pebrero mula
sa 16 na porsiyento noong Enero. Katumbas ito ng 7.9 milyong tao. Sa kabuuan, mas dumami ngayon ang bilang ng
mga taong nawalan ng trabaho. Tumaas ang bilang ng mga taong walang trabaho dahil sa pandemya. Ang sitwasyong
ito ay hamon sa atin na maghanap ng panibagong mapagkakakitaan.

Ang kawalan ng trabaho lalo na sa panahon ngayon ay nakatulong din upang magbukas tayo ng panibagong
oportunidad, ang makapaghanap ng panibagong mapagkakakitaan. Hindi tayo dapat tumunganga lamang kaya ang
iba sa atin ay gumawa ng paraan upang makahanap ng mapagkakakitaan, ito ay ang online selling. Ayon sa
transportify. (2021). Dahil sa iba’t-ibang klase ng teknolohiya, napadadali na ang pagkalat ng impormasyon sa iba
pang mga tao na magagamit upang kumita ng pera. Mas mapadadali ang pagtitinda at paghahanap ng mga mamimili
sa pamamagitan ng iba’t-ibang social media platforms na nakatutulong sa atin upang kumita at upang mayroong
pumasok na pera. Samakatuwid, ito ay nagbibigay ng magandang pagkakataon upang kumita lalo, na para sa mga
magulang natin. Magagawa na nila nang sabay ang gawaing bahay habang nagtitinda sa tulong ng online. Nawalan
man ng trabaho, mayroong pa ring pag-asa dahil mayroon pa ring pumapasok na pera at nadidiskubre rin tayo sa
tulong ng social media. Maaari rin nila tayong makilala sa tulong ng ating mga paninda.

Natuto tayong maging multi-tasker na tao. Gumagawa tayo ng gawaing bahay at nagtatrabaho. Ako, bilang
isang working student ay nakatutulong sa akin ng malaki ang online class. Napagsasabay ko na ang pag-aaral at ang
trabaho. Mas nabibigyan ako ng oras upang tapusin ang mga gawain sa tamang oras.

Mahirap ang magtrabaho ngunit mas mahirap ang pagsabayin ang pag-aaral at trabaho. Hindi mailalarawan ang
hirap ng mga mag-aaral na pamahalaan ang kanilang oras upang parehong mabigyan ng atensiyon ang dalawa. Sa
panahon ngayon, kinikilala ang isang tao kapag may trabaho siya. Mas binibigyan ng importansiya ang mga taong
nakatutulong sa pamilya. Madaling isipin na masipag tayo kapag may trabaho dahil may naiaambag tayo sa lipunan
lalo na sa pamilya natin.

Ngunit madali rin ang magtanggal ng mga empleyado, ang maaaring maging dahilan ay mahina ang kita ng
negosyo lalo na ngayong may pandemya, tapos babayaran lamang ng maliit ang isang empleyado mula sa serbisyo
nito. May mga boss na ang nasa isip ang madaling palitan ang mga manggagawa dahil madali naman silang matuto,
may mga ganung klase ng may-ari. Kaya dapat ang manggagawa ay magpakita ng kasipagan at hindi madalas lumiban
sa trabaho upang hindi madaling mawalan ng trabaho. Sa dami ng mga taong naghahanap ng trabaho, malaking
kawalan sa atin kapag hindi natin sineryoso ang trabaho, sabi nga ng iba “kung wala kang halaga, madali ka na
lamang palitan”. Para hindi mangyari ang ganitong pangyayari dapat tayong magseryoso at pahalagahan natin ang
trabaho.

Ayon din sa workabroad.ph. (2021). Sa kabila ng pandemya, marami pa ring mga Filipino OFW’s ang
nagtatrabaho. Ito ang patunay na kailangan talaga natin ng trabaho. Ang mga Pilipino ay hindi lamang sa Pilipinas
naghahanap ng oportunidad sa trabaho kundi pati na rin sa iba’t-ibang bansa. Ang trabaho ang tumutulong sa atin
upang matustusan natin ang ating mga pangangailangan at kagustuhan. Tayong mga Pilipino ay sanay na magbanat
ng buto upang makaahon sa kahirapan at makatulong sa pamilya. Malaki ang magagawa ng may trabaho. Hindi rin
tayo basta-basta mamaliitin dahil may naiaambag tayo. May kapangyarihan tayo sa bahay dahil may trabaho tayo.
Kaya nga sinasabi nila na ang panganay daw ang makapangyarihan sa magkakapatid dahil sila ang unang
nakakapagtrabaho at sila ang nakatutulong sa ating mga magulang. Isa rin sa dahilan noon kung bakit inaapi ang
mga babae ay dahil wala silang trabaho, ang tanging nagsusustento lamang sa kanila at ang naghahanap ng makakain
ay ang mga kalalakihan at ang mga babae ay sa bahay lamang. Wala tayong pagkakakilanlan noon dahil na rin sa
konseptong ito.

Sa karagdagan, nagkakaroon ng diskriminasyon sa kasarian kapag dating sa trabaho. Mas pinipili nila ang mga
kalalakihan dahil mas malakas sila kaysa sa mga babae. Sa pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay, sa
pagkukumpuni sa pabrika at sa marami pang bagay. Ganun din sa LGBT, sa mga bakla kadalasan sinasabi na sila ay
lalamya-lamya, ginagaya ang kilos at pagsasalita nila at mahinhin kumilos. Lalo na, sa mga PWD kapag nakita nila
na may kapansanan ang isang tao pinauuwi na nila kaagad at hindi na binibigyan pa ng konsiderasyon. Hindi pantay
ang pagtingin sa kanila ng mundo kaya nahihirapan silang makahanap ng trabaho. Isa pa ang teknolohiya, dahil
nagiging modernisado na tayo kaya hindi na masyadong kailangan ng mga manggagawa dahil dito nababawasan ang
mga tao na nagtatrabaho. Isa pa, hindi lahat kayang tangkilikin ang teknolohiya, may mga tao pa rin na hindi alam
kung paano gamitin ang teknolohiya dahil sa hindi pa sila nakasubok gumamit nito. Sa trabaho, uso na ang paggamit
ng teknolohiya katulad ng sa trabaho namin, isa sa mga tinitingnan ko ay ang Biometric.

Hindi madali ang maghanap ng maayos na trabaho. Ang trabaho ay isa sa pinakamahirap na gawin. Ito ay
nilalapatan ng seryosong kilos bilang isang indibidwal. Iba-iba tayong mga tao kaya iba-iba rin tayo ng gustong
pasukan na trabaho. Sa umpisa mahirap talagang makahanap ng trabaho ngunit tandaan natin na hindi lamang rito
nagtatapos ang lahat. Makakamit rin natin ang hinahangad nating trabaho. Sinikap kong maging working student
upang sa aktuwal na trabaho ko ay mayroon akong ideya kung paano nga ba magtrabaho at kung ano nga ba ang
mayroon dito. Karanasan at kita ang pumapasok ngayon sa akin na nakatutulong upang maging isa akong mas mabuti
pang indibidwal. Hindi man ako magtatrabaho sa isang kumpanya balang araw, naranasan ko namang mgtrabaho
rito ngayon. Naranasan ko ang mga hirap sa trabaho ko at kung paano dapat ang tamang galawan doon. Nagkaroon
ako ng tips kung paano ba magtrabaho ng maayos. Lalo pa, sa panahon ngayon na kadalasan ang magiging boss
natin ay isang tsino.

Mas mabuti pa rin ang magtrabaho na may dignidad kaysa ang trabaho na may intensiyong masama sa kapwa.
Mas mainam na wala kang trabaho kung ganoon lamang din. Mas mabuti na ipakita natin na kaya nating magtrabaho
ano man nag ating kasarian, may kapansanan man tayo o wala. At ipakita natin kung gaano natin pinahahalagahan
ang ating trabaho. Magsumikap sa buhay, ito ang susi sa kaularan. May trabaho, may kita at may ipon. Kapag mas
malaki ang kita mas malaki ang ipon.
SANGGUNIAN

ABS-CBN News. (2021). Mga Pinoy na walang trabaho o kulang ang kita, lumobo muli dahil sa
pandemya. Retrieved from https://news.abs-cbn.com/business/03/30/21/mga-pinoy-na-walang
-trabaho-o-kulang-ang-kita-lumobo-muli-dahil-sa-pandemya

Transportify. (2021). Patok na online negosyo at padala service sa Pinas (2021). Retrieved from
https://www.transportify.com.ph/patok-na-online-negosyo-at-padala-service-sa-pinas/

Workabroad.ph. (2021). Catch your next seaferer talent with our new tools. Retrieved from https://
www.workabroad.ph/blog

You might also like