You are on page 1of 4

HILATA

Isinulat Ni: Rizza

Malinaw pa ang mga pangarap at mga kagustuhan bago dumating ang di inaasahang

pangyayari na kukwestyon sa aking kagustuhan, pagkatao at mga pananaw. 

Ang pandemya. Nakahahawang sakit na walang nakakaalam ng lunas. Hindi ko akalain

na babaguhin nito ang buhay ng nakararami. Mula sa negosyo, trabaho, kaugalian at pati na rin

ang pagtrato sa kapwa. Napakaraming negatibong epekto nito ngunit mas nakilala natin ang

kaugalian ng bawat isa. Gobyerno na ating pinagkakatiwalaan, ngayon ay kinamumuhian dahil

sa kakulangan ng aksiyon at ‘urgency’ laban sa pandemyang ito.

Mga mag-aaral na tulad ko ay araw-araw na naghahanap ng motibasyon upang

magpatuloy dahil sa hirap ng sitwasyon sa online class. Hindi lamang dahil sa nakakatamad ang

dahilan ngunit madalas ay napapabayaan na rin ang sarili at kalusugan dahil sa buong araw na

babad sa screen ng computer at cellphone. Laging naririnig ang mga salitang “laban lang” ngunit

parati rin akong naghahanap ng dahilan at paraan kung paano magpatuloy.

Napakarami ko nang nagawa dahil sa paulit-ulit na quarantine sa ating bansa. Sino ba ang

naniniwala na ito ang solusyon sa pandemya? Dahil sa kaburyohan ay dumami rin ang kagamitan

na nais kong makamit. Araw-araw na patuloy na naghahanap ng sasagip sa aking kalungkutan.

Nagsimula akong mangolekta ng mga KPOP items. Noon ay hinahangaan ko lamang ngunit

ngayon ay nais ko na mahagkan at pag-ipunan.


Napakaraming kaganapan sa loob ng isang taon na may pandemya, mga masasaya at

masasakit na alaala. Sa sobrang buryo ay nauso ang dalgona coffee at kung ano-anong resipe,

natagpuan ng mga matatanda at mga nanay na masaya at nakakawala ng stress pala ang mag-

alaga ng halaman at mga bulaklak. Nauso na ang mga tinatawag na “plantita”. Nasubukan ko na

rin ang iba’t ibang klase ng style ng buhok, ibang kulay, mahabang buhok at maiksi. Naging isa

sa mga nagpapasaya rin sa akin ang pangangalikot ng aking buhok.

Dahil sa paghahanap ng sarili habang pandemya ay nasubukan ko na ring ma-scam sa

iba’t ibang aspeto. Sa trabaho, negosyo at kahit sa pag-oorder ng kagamitan. Sa kagustuhan kong

kumita at malaman kung ano ba talaga nag tunay kong kagustuhan ay sinubukan kong mag-

business na walang tulong ng kahit sino. Mula sa paghahanap ng supplier, pagrerecord ng mga

stocks, pagsagot ng inquiries at pati na rin ang pagbabalot ng parcel.

Hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy ko ang business na ito ngunit naghahanap pa rin

ako ng motibasyon upang magpatuloy. Sa totoo lang, napakahirap pa lang magnegosyo, lagi

mong maiisip na “itutuloy ko pa ba ito?” kadalasan nama’y tanong ko sa sarili na “worth it pa ba

yung pagod ko?” Napakahirap sumugal sa mga bagay na umaasa kang magkakaroon ng

magandang resulta, tila ba minamadali mo ang gusto mong makamit dahil natatakot kang maging

talunan at mapahiya sa pamilya mo. Iilan lamang sa realisasyon na aking naiisip sa pandemyang

ito.

Nasubukan ko rin ang magtrabaho ng matagal. Nagsimula ang quarantine sa bansa noong

Marso 2020 at inalok ako ng pinagtrabahuhan kong kompanya noong 2019 na muling
magtrabaho para sa isang seasonal account sa call center noong April 2020. Ang aking

pagtatrabaho ay sa una lamang maligaya, lalo na kapag nagtatrabaho ka lang para sa pera at hindi

ka masaya.

Lagi kong sinasambit na “ayoko na, pagod na ako”, walang gana at parating iritado dahil

sa oras ng pasok ko. Kapag puyat pala talaga ay magbabago ang mood at pakikitungo mo sa

kapwa mo.

May mga bagay na di inaasahang mangyari. Mga pagkakataon na akala mong masama ay

mayroon din palang mabuti. Lahat ng bagay ay nakadepende sa kung paano mo tatanggapin at

paano ka uusad mula sa pagkakadapa. Hindi ko inaasahang sa oras ng pandemya pa ako

magiging mas produktibo at mas lalawak ang kaisipan dahil sa pressure na ako ay mapag-

iwanan.

Napakaraming araw na gusto ko na lang humilata sa aking kama. Nakatulala, hindi

namamalayan ang oras at nag-iisip ng mga bagay na maaaring mangyari sa kinabukasan. Mga

imahinasyong tumatakbo sa aking isipan habang ako ay nakahiga, mga pangarap na aking nais

abutin ngunit laging sinasambit ang “paano ako magsisimula”. Sa panahon ng pandemya ko

napagtanto na kailangan ng matinding tiyaga upang matagal na makahilata.

You might also like