Professional Documents
Culture Documents
Ayon kay Monde (hango kay Johnston, 2000), ang pagbabasa ay “isang kompleks o
masalimuot na gawain na nangangailangan ng konsyu at di-konsyu na paggamit ng mga
estratehiya o kasanayan sa paglutas ng suliranin upang makabuo ng kahulugang ninanais ipahatid
ng awtor. Bilang isang kompleks na prosesong pangkaisipan, ang mambabasa ay aktibong
nagpaplano, nagdedesisyon at nag-uugnay ng mga kasanayan at estratehiyang nakatutulong sa
pag-unawa.”
Bukod pa dito, inihayag naman ni Saucer (mula kay Ranco, 2002) na ang kasanayan sa
pagbasa ay isang batayan upang ang mga mag-aaral ay magtagumpay sa kanilang pag-aaral. Ang
pagbasa bilang kasangkapan sa pagtuturo ay siyang susi, kaya dapat maging layunin na
matulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng kakayahang bumasa, na ito ay maging kawili-
wili at sila ay matututo. Dagdag pa ni Perez et. al (2019), ang isang mag-aaral na taglay ang
kasanayan sa pagbasa ay madaling matuto sa iba’t ibang aralin at nakatitiyak na siya’y matalas sa
pagsusulat at pagsasalita na siyang pangunahing layunin at mithiin ng guro sa kanyang pagtuturo,
na makabuo ng isang mamamayan na nakakabasa at nakakasulat na magiging saligan ng isang
mabuting lipunan. Gayunpaman, sa kabila ng pagsisikap ng mga guro sa Filipino na maturuan ang
mga mag-aaral sa pagbasang may pag-unawa, mayroon pa ring mga mag-aaral na hindi matamo
ang mataas na antas ng pag-unawa. Patunay dito ang resulta ng National Achievement Test (NAT)
na natamo ng paaralan sa asignaturang Filipino sa tatlong magkakasunod na taon 53.34 MPS sa
taong 2013, 51.32 MPS noong 2014 at 52.81 MPS noong 2015 kung saan kasalukuyang nagtuturo
ang mananaliksik, natuklasan sa nasabing pagsusulit na mahina at walang kasanayan sa
pagbasang may pag-unawa ang mga mag-aaral.
Kaya upang mas malinang ng mag-aaral ang pagpapaunlad sa pagbabasa at mga mabuting
maidudulot nito, ang tanging pagsasanay sa kakayahang ito ay siyang magbasa. Ukol ni Francisco
(2021), ang pagbabasa sa lahat ng oras at sa lahat ng edad, ay isang mahusay na mapagkukunan
ng kaalaman. Gayunpaman, ang pagbasa ay isa ring kognitibong proseso ng pag-unawa sa
mensaheng nakalimbag o ng anumang wikang nakasulat. May kaugnayan ito sa pagsulat,
sapagkat anuman ang binabasa natin ay maaaring isulat at ang anuman ang naisusulat ng kamay
ay nababasa ng mata na kakambal ng pagpapakahulugan gayundin sa pagkatuto sapagkat ang
kakayahan sa pagbasa ay daan tungo sa kaalaman. Ayon naman kay Baltazar (2017), ang pagbasa
ay kasangkapan sa pagkatuto ng mga kabatiran ukol sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay. Sa
katunayan, 90% sa napag-aralan ng tao ay mula sa kanyang karanasan sa pagbasa. Kung kaya, ang
pagbabasa ay isa sa mga kasanayan na siyang kailangan ng tao para mabuhay, tulad ng isang
pagkain ay hindi mabubuhay ang tao kung walang impormasyon. Ito ay proseso ng pag-unawa sa
mga mensaheng nais ibahagi ng may-akda sa babasahing kanyang isinulat. Ito ay bahagi ng
komunikasyon. Ito ay haluang pag-unawa ng mga salita at ng diwang nais ipahayag ng nagsulat.
Maliban pa rito, ang pagbabasa ng mga kasanayan ay mahalaga upang magtagumpay sa lipunan.
Yaong mga mahusay bumasa ay may posibilidad na magpakita ng mga kasanayang progresibo sa
lipunan. Ang isang tao na nakakabasa ng malawak na mga basahin ay madaliang makihalubilo sa
iba. Siya ay isang mas mahusay pagdating sa pagsasalita kumpara sa mga taong hindi napalarang
makapagbasa. Ang isang mahusay na mambabasa ay maaaring makipag-ugnayan sa iba tungo sa
isang mas mabuting paraan dahil pinapalawak nito ang kanyang paningin at pananaw. Kaya ang
isang taong malawak ang pananaw sa pagbabasa ay isang siyang mas mahusay sa pakikipag-
usapan at may magagawang pag-unawa upang makita ang iba pang mga bahagi ng pananaw.