Mindanao State University-Iligan Institute of Technology
SCHOOL OF GRADUATE STUDIES
Departamento ng Filipino at Ibang Wika Ground Floor, CSM Bldg., Andres Bonifacio Avenue, Tibanga, 9200
PAGSULAT NG KOMPOSISYON: PAGSUSURI SA KASANAYAN NG MGA
PILING MAG-AARAL SA IKAPITONG BAITANG NG DUMALINAO NATIONAL HIGH SCHOOL John Mark C. Lloren Introduksyon Ang pagsulat ay isa sa mga makrong kasanayan na dapat malinang ng isang indibidwal. Mahalaga ang pagsulat dahil ito ay tinatawag na lundayan ng lahat ng iniisip, nadarama, nilalayon at pinapangarap ng tao. Hindi man kayang ipadama ang nais sabihin sa isang tao ngunit maaari naman itong gawin sa pagsulat. Ito ang kakayahan ng pagsulat na wala ang ibang makrong kasanayan. Sa pang-araw-araw na gawain sa paaralan, isa ang pagsulat sa mabisang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral maliban sa pakikinig, pagsasalita, pagbabasa at panunuod. Gayundin naman ang isang manunulat, sila ay nagsusulat tungkol sa kanilang karanasan sa buhay. Gamit ang pagsusulat, naibabahagi nila ang kanilang talambuhay. Ang pagsulat ay may antas ng kasanayan: kasanayang pampag-iisip at kasanayan sa pagbuo ng talata. Kasanayang pampag-iisip ay tumutukoy sa analisis, organisasyon ng ideya at imahinasyon. Ang kasanayan sa pagbuo ng talata ay tumutukoy naman sa palugit at indensyon, pagbabaybay, pagbabantas at paggamit ng malalaki at maliliit na titik. Kung wala ang tulad nila, walang pahayagan na magtatala ng mga nagaganap sa lahat ng sulok ng daigdig. Wala ring libro na magpapalawak sa kaalaman at magbibigay paliwanag sa tama at mali na gagabay sa tulad ng mga bantas at walang magasin na madalas paglibangan. Ang pagsulat ay isang epektibong larangan upang maipakita ang karunungan ng isang tao sa pamamagitan ng salita. Ang pagsulat ay may iba’t ibang uri: pagsulat ng akademik, teknikal, journalistic, referential, propesyonal at malikhain. Ang pagsulat ng isang sulatin ay nakaangkla sa uri ng malikhaing pagsulat. Maihahanay rin sa uring ito ang pagsulat ng tula, nobela, dula at sanaysay. Ang sulatin ay tinatawag na pinakapayak na paraan ng pagsulat ng mga natatanging karanasan, pagbibigay ng interpretasyon sa mga pangyayari sa kapaligiran at puna sa mga nababasang akda o napapanood na pagtatanghal. Dahil dito, isinagawa ang papel na ito upang matukoy ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsulat at matugunan kahit papaano ang suliranin na kinakaharap ng nakararaming guro. Nakasentro sa papel na ito ang pagtataya sa kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng mga sulatin. Paglalahad ng Layunin at Suliranin ng Pag-aaral May layunin ang papel na ito na tuklasin at alamin ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang ng Dumalinao National High School. Ang mga sumusunod na katanungan ay sinikap na masagot: 1. Ano ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral batay sa mga sumusunod na baryabol: 1.1 Kasanayang Pampag-iisip: 1.1.1 Analisis 1.1.2 Organisasyon ng Ideya 1.1.3 Imahinasyon 1.2 Kasanayan sa Pagbuo ng talata: 1.2.1 Palugit at Indensyon 1.2.2 Pagbabaybay 1.2.3 Pagbabantas 1.2.4 Paggamit ng malalaki at maliliit na titik 2. May pagkakaiba ba ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa sulatin batay sa mga nabanggit na baryabol? Kaugnay na Konsepto Pagsulat. Isa sa pinakagamiting makrong kasanayang pangwika ay ang pagsulat. Ayon kay Lazaro (2004), ang makrong kasanayang pagsulat ay ang paraan ng pagsasalin ng mga letra o salita sa simbolong pasulat. Ang pagsulat ay nahahanay sa di-berbal na komunikasyon kung saan ginagamitan ng papel, lapis o ballpen. Ang ideya o salitang pinagtagpi-tagpi hanggang sa makabuo ng isang makabuluhang pangungusap o talata na naipapabatid sa pagsulat na paraan. Sinabi naman ni Bernales (2006), ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o ano mang kasangkapang maaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layuning maipahayag ang kaniyang/kanilang kaisipan. Ito ay kapwa isang pisikal at mental na aktibiti na ginagawa para sa iba’t ibang layunin. Ito ay pisikal na aktibiti sapagkat ginagamit dito ang kamay at mental. Mental na aktibiti rin ito sapagkat hindi maaaring hindi gamitin ang utak sa pagsusulat. Kasanayang Pampag-iisip. Binanggit ni Austero (2006), ang pagsulat ay nakapagdaragdag sa talino ng isang tao dahil sa ginagawang analisis at sintesis sa mga nakuhang impormasyon. Analisis. Ang kalidad ng pagsulat ay hindi matatamo kung walang kalidad ng pag-iisip. Ang pag-iisip ng mabuti ay maaring hindi sapat na kondisyon para makasulat nang maganda subalit tiyak na lilitaw pa rin ang kinakailangang kondisyon. Ang pagsulat din ay isang instrumento para mag-isip ang isang tao tungkol sa kanyang paksa. Ayon kay Ricafrente (2009), ang pag-iisip ay kasama ng set ng mga kasanayang pampag-iisip na lumikha, magpanimula at makipagtalastasan sa iba ng personal na simbolo ng isip. Ito ang pag-iisip bilang ng set ng proseso, ang mga tao ay bumubuo, gumagamit at nagbabago ng panloob na simbolikong modelo. Binanggit pa ni Ricafrente na ang pag-iisip at pagsusulat ay kakambal ng utak. Ayon naman kay Gonzales (2005), ang kakayahang makapagpahayag nang malinaw sa pamamagitan ng panulat ay maituturing na isa sa pinakaimportanteng kasanayang dapat matamo ng tao at nilinaw niya na isa sa pinakamahirap na makrong kasanayan ang pagsulat. Organisasyon ng Ideya. Sinabi ni Tunawan (2003), ang balarila o grammar ay tumutukoy sa pag-aaral ng anyo, uri ng mga salita, tamang gamit, at tamang pagkakaugnay-ugnay ng mga salita sa isang pahayag upang makabuo ng malinaw na kaisipan o diwa. Samakatuwid, ang grammar ay tumatalakay sa kawastuhan ng kayarian ng wika sa kasanayan sa pagsulat at pasalita. Ayon naman kay Espiritu (2001), nararapat na malinang ang kognitibong kasanayang pangwika, maaari ring ipasok ang pagsulat ng istruktura ng gramatika ng wika sa antas na ito sapagkat may kakayahang malinaw, magsuri at magbuod ang mga mag-aaral ng kanilang natuklasan. Imahinasyon. Ayon kay San Juan (2008), sinabi niya na ang pagsulat ay may sining. Ito ay tumutukoy sa maayos, malinaw at wastong pagpapahayag ng kaisipang may pakinabang. Ang masining na pagsulat ay hindi lamang nakalilibang kundi nagpapayaman din ng kaalaman ng mambabasa. Kasanayan sa Pagbuo ng Talata. Ang talata ay binubuo ng isang pangungusap o lipon ng pangungusap na ang dapat inihahayag na kaisipan ay nafofokus sa pagbuo ng iisang diwa o talata. Ang dapat tandaan sa pagbuo ng isang talata ay: sinimulang makatawag-pansin ang talata; may isang paksang pangungusap dapat sa bawat talata; at bawat pangungusap sa talata ay tumutulong sa pagpapaliwanag sa paksang pangungusap. Binanggit nina Lazaro at Liwanag (2006), kinakailangang maging maingat ang mga manunulat sa pagsulat, pagbabaybay, pagbabantas, paggamit ng maliit at malaking titik at paggamit ng mga salita. Palugit at Indensyon. Ayon kay Casanova (2001), ang indensyon ay pagpapalugit ng espasyo at karaniwang sa unang linya ng talata. Samakatuwid ito ay tumutukoy sa pagpasok ng unang salita sa pagsisimula ng talata na karaniwang nagsisilbing marka o yupi. Pagbabaybay. Ang pagbabaybay ay ang pagsulat ng salita o mga salita sa pamamagitan ng tamang pagkakasunod-sunod ng titik. Ito ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng wika. Sa sistema ng pagbabaybay sa Filipino, sinusunod ang panuntunan na kung ano ang bigkas ay ito ring sulat at kung ano ang sulat ito rin ang basa, ito ay nakapaloob sa kautusang pangkagawarang bilang 81, 1987 ng Kagawaran ng Edukasyon. Ang pagbabaybay sa Filipino ay isa-isang pagsasabi o pagsulat sa maayos na pagkakasunod-sunod ng mga titik na bumubuo sa isang salita, pantig, daglat, akronim, inisyal, at simbolong pang-agham (Santiago at Tiangco 2003). Pagbabantas. Ang paggamit ng tuldok, kuwit at tandang pananong, tandang pandamdam, tuldok kuwit, tutuldok, kudlit, panipi, panaklong, gatlang at gitling ay makatutulong sa pagbuo ng sulatin. Sa pagbabantas, sinabi ni Bernales (2006), mahalaga ang bantas dahil sandigan ito ng wastong pagsulat. Ang wastong diwa ng pangungusap ay naipapakita sa pamamagitan ng mga bantas. Nakatutulong din ang mga bantas sa pagkakaroon ng kaliwanagan, kaugnayan at kaisahan sa mga pasulat na pahayag. Ang bantas ay mahalaga sa pag-aaral ng wika. Madaling mauunawaan ng babasa kung nagagamit ng wasto ang bantas. Mababasa ng maayos at madaling malalaman ang mensaheng ipapahayag ng mambabasa. Paggamit ng Malalaki at Maliliit na Titik. Ayon kay Casanova (2001), isa sa dapat pagtuunan ng pansin ay ang paggamit ng malaki at maliliit na titik. Dapat tandaan na ang ginagamit lamang ang malaking titik sa pag-uumpisa ng pangungusap at pagpapakilala sa ngalan ng tao, lugar o pook at pangyayari. Samakatuwid, pinagtutuunan din ng pansin ang paggamit ng malaki at maliit na titik sa kasanayan sa pagsulat lalo na sa pagsulat ng sulatin na kung saan ay maaari rin gamitin ito sa mga pang-uring makangalan na mula sa pangngalang pantangi, sa akronim, sa pamagat, titulo ng mga tao at bating panimula at pangwakas sa mga liham. Batay sa pag-aaral ni Lucero (2007) na pinamagatang “Kasanayan sa Pagbasa at Pagsulat ng mga Mag-aaral sa Unang Taon sa Kolehiyo,” nagkatulad ang pananaliksik ni Lucero sa isinagawang pag-aaral ng mga mananaliksik sa taon nito, ang kasanayan sa pagsulat. Ang kinalabasan ng pag-aaral nila ay may makabuluhang relasyon sa antas ng kasanayan sa pagbasa at antas ng kasanayan sa pagsulat. Batay naman sa pag-aaral ni Dimanarig (2002) na pinamagatang “Mga Tamang Pamamaraan sa Pagsulat ng Malikhaing Komposisyon sa Asignaturang Filipino ng Mag-aaral ng Rizal Technological University Lab High School,” kinakailangan sa pagsulat ay alamin ang mga tamang pamamaraan sa pagsulat ng malikhaing komposisyon upang magkaroon ng isang kawili-wiling sulatin. Ayon sa pag-aaral ni Visitacion (2008) na pinamagatang “Ang Bisa ng Pamamaraang kolaboratib o sa Pagsulat ng Komposisyon”. Ginamit sa pag-aaral na ito ang disenyong experimental/control group sapagkat inilalarawan ang bias ng kolaboratib bilang pamamaraan sa pagsulat ng komposisyon. Naiba ang pananaliksik na ito dahil sa respondante na ginamit. Ang mga nabanggit na pag-aaral ay may kaugnayan sa papel na ito. Sa pag- aaral na isinagawa nina Lucero, Dimanarig at Visitacion ay may pagkakapareho sa isinagawang papel dahil ang mga nasabing pag-aaral ay nais bigyang pansin ang Lebel ng Kasanayan sa Pagsulat ng Sulatin ng mga mag-aaral sa Ikapitong Baitang. Ang pagkakaiba naman ng mga pag-aaral na nabanggit ay ang mga respondante. Dahil ang mga pag-aaral na iyon ay gumamit ng mga respondante na mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan at pamantasan at nasa iba’t ibang antas. Samantalang ang papel naman na ito ay gumamit ng mga respondante na mula sa mismong paaralan lamang. Nagkaiba din ang pag-aaral na ito sa mga baryabol na ginamit sa naging pag-aaral nila. Pagtatalakay sa Isyu at Resulta ng Papel Ang kasanayan sa pagsulat ng mga piling mag-aaral sa ikapitong baitang ng Dumalinao National High School batay sa analisis, ang nakuhang berbal na interpretasyon ay mahina at sa organisasyon ng ideya at imahinasyon ay nakakuha naman ng berbal na interpretasyon na mahina. Ang kasanayan sa pagsulat ng mga piling mag-aaral sa ikapitong baitang ng Dumalinao National High School batay sa kasanayan sa pagbuo ng talata: batay sa palugit at indensyon, pagbabaybay at paggamit ng malalaki at maliliit na titik, ang nakuhang berbal na interpretasyon ay mahusay. Batay naman sa pagbabantas ang nakuhang berbal na interpretasyon ay mahusay. May pagkakaiba ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa sulatin batay sa mga nabanggit na baryabol, mahina sila sa analisis, organisasyon ng ideya at imahinasyon habang may kahusayan naman sila batay sa indensyon, pagbabaybay at paggamit ng malalaki at maliliit na titik pati ang pagbabantas. Konklusyon Ang mga mag-aaral ay walang sapat na kaalaman sa paggamit ng mga baryabol sa pagsulat ng isang sanaysay batay sa kasanayang pampag-iisip. Subalit, may sapat silang kaalaman batay sa kasanayan sa pagbuo ng talata batay sa mga sumusunod na aspeto: palugit at indensyon, pagbabaybay, pagbabantas at paggamit ng malalaki at maliliit na titik. Malaki ang maitutulong ng modyul sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag- aaral kung ito ay maituturo at magagabayan ng tama. Kailangang pagtuunan ng pansin ang pagsasanay sa mga mag-aaral pagdating sa gawaing pagsulat ng sulatin at nararapat na ikonsiderang mabuti ang kasanayang pampag-iisip. Nararapat na magkaroon ng mas malalim na pagtalakay hinggil dito. Kailangan din bumuo ng mga pagpapayaman na gawain sa pagsulat ng mga mag-aaral. Iba’t ibang kagamitang panturo ay dapat mabuo sa ikauunlad ng kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsulat. Maaaring makabuo ng isang gawain na makatutulong upang mapaunlad ang kasanayan sa pagsulat ng isang sanaysay. Ang gawaing ito ay maaaring kapapalooban ng kasanayan sa pagsulat (Analisis, Organisasyon ng ideya, Palugit at Indensyon, Pagbabaybay, Pagbabantas at Paggamit ng Malaki at Maliit na Titik) na kung saan ang bawat kasanayan sa pagsulat ay may iba’t ibang gawain.