You are on page 1of 1

Trip To Jerusalem

Matindi ang laban na kinakaharap ng bawat politiko makaupo lamang sa kanilang


minimithing posisyon; kasama rito ang kamatayan na maaari nilang kaharapin kung ang kanilang
katunggali ay handang gawin ang lahat manalo lamang. Ngunit sa panahon ngayon, ang
ganitong pangyayari ay hindi lang tuwing eleksyon masasaksihan. Noong ika-4 ng Marso ng
kasalukuyang taon, nasawi ang Gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo matapos
paulanan ng bala ang kanilang bahay habang siya ay namimigay ng ayuda sa kanyang
nasasakupan. Ang insidenteng ito ay maituturing na hindi makatao. Labag ito sa ating batas at
dinudungisan nito ang reputasyon ng politika ng ating bansa.
Kung gagamitan ng dahas ng isa makuha lamang ang upuan at makaupo sa posisyon na
ninanais niya, hindi lang ang kanyang kalaban ang papatahimikin niya, pinapatahimik niya rin
ang mga Pilipinong may karapatan na iluklok ang taong sa tingin nila ay nararapat sa posisyon.
Sa artikulo bilang lima ng 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas nakasaad ang
kapangyarihan ng bawat Pilipino na bumoto. Ang Pilipinas ay isang demorkatikong bansa. Sa
demokratikong pamamahala, may awtoridad ang mamamayan na piliin ang kanilang
namamahalang lehislasyon. Sa Pilipinas, sa pamamagitan ng ating karapatan na bumoto,
inihahalal natin ang mga kinatawan upang pag-usapan at pagpasiyahan ang lehislatura. Kung
patuloy na papatayin ang mga politikong iniluklok ng masa ng mga taong gahaman sa posisyon,
maituturing pa ba itong demokrasya? Hindi ba’t taliwas ito sa batas?
Ang mas nakakabahala, kung ang malalaking politiko ay napapaslang sa kabila ng mga
bantay na nakapalibot sa kanila, hindi imposible na gawin din ito sa isang normal na sibilyan.
Gawin nating halimbawa ang nangyari kay Degamo. Bukod sa kanya, walo rin sa kanyang mga
tauhan ang nasawi samantlang labingpito ang sugatan. Totoo ngang nakakabulag ang kasakiman
dahil sa inidenteng nagyari, walang pakielam ang mga nasa likod ng pagpasalang kung may
madamay. Kumbaga, bumaril lang sila nang bumaril, hindi tumigil hannga’t hindi namatay ang
kanilang punterya. Hindi inisip na gaya nila, may mga pamilya ring naghihintay sa mga taong
iyon. Hindi inisip na kada kasa at baril ay may batang mawawalan ng ama o ina. Iba talaga ang
nagagawa kapag kapangyarihan na ang pinag-uusapan.
Ang nangyari kay Degamo ay isa lamang sa naiulat ng pulisya na 945 na politikong
pinaslang na may kaugnayan sa politika. Marami sa mga kasong ito ang hanggang ngayon ay
hindi pa rin nakakamit ang hustisya na nararapat. Ang mga katanungang sino at bakit na
bagamat alam na ang sagot ay malabo at hanggang ngayon ay hindi pa rin mabigyang linaw.
Mananatili na lamang bang ganito ang Pilipinas? Bukod sa kurapsyon, hahayaan din ba natin ang
mga may kapangyarihan na ilagay sa kanilang kamay ang batas? Habang buhay na lamang ba
tayong manonood habang sila ay nag-aagawan ng upuan at naglalaro ng trip to Jerusalem?

You might also like