You are on page 1of 16

UNANG PAMANAHONG

PAGSUSULIT

SINESOSYEDAD/PELIKULANG PANLIPUNAN
FILSOS 1115

PANUNURING PAMPELIKULA
GAMIT ANG MGA ELEMENTO
NG ISANG PELIKULA

PAGSUSURI SA PELIKULANG

RAINBOW’S SUNSET

Ni

NONA MAE G. DELA CRUZ


DVM_2-2

JACKSON A. PARCHAMENTO
GURO

GAWAING PANGKLASE
Unang Semestre 2022-2023
Oktubre 2022
1
I. PANIMULA

Ang Rainbow’s Sunset ay isang melodrama na


tumatalakay sa pagtanggap at pagbigay ng
unawa sa mga taong parte ng LGBTQ community.

Ang pelikula ay sumesentro sa iba’t ibang klase ng


pagmamahal: sa magkaparehong kasarian, sa
pamilya, at sa kaibigan. Tumukoy rin sa ilang mga
suliranin sa lipunan na hanggang sa makabagong
panahon ay hindi na gumaling-galing.

Ang pelikulang Raibow’s Sunset ay bahagi ng Metro Manila Film Festival noong
taong 2018. Ito ay unang naipalabas sa sinehan noong Disyembre 25, 2018. Kasunod
ding taon, naipalabas ito sa bansang Netherlands (Marso 8) at sa USA (Hunyo 14). Isa
ito sa mga obra ng direktor na si Joel Lamangan, ito ang pelikulang naging kaniyang
pagbabalik sa MMFF mula noong huli niyang likha na Blue Moon (2006).
Kasama ni Joel sa pagbuo ng pelikula sina Ferdinand Lapuz (story) at Enrique
Ramos (story, screenplay) na nagbigay kulay at tagumpay sa obra. Ang ilang mga
beteranong mga aktor at aktres katulad nina Eddie Garcia, Tony Mabesa, at Gloria
Romero ay nakatulong din sa pagbibigay ng hustisya sa pelikula. Ang mga taong ito ang
nasa likod ng matagumpay na pelikula at nagresulta sa iba’t ibang mga parangal mula sa
iba’t ibang Awards for Movies at Film Festival Awards na may kabuuang 18 na bilang—
Best Picture, Best Director, Best Actress (Gloria Romero), Best Supporting Actor and
Actress (Tony Mabesa, Aiko Melendez), Best Screenplay ilan lamang ito sa kanilang mga
inuwing parangal mula sa MMFF Award.

2
Ang Rainbow’s Sunset ay sumasalamin sa mga nangyayari sa lipunan, isa rito
ang pagtanggap at pagkakaroon ng pang-unawa sa mga taong bahagi ng LGBTQ+
community. Ang pelikula ay sumesentro sa homosekswal na relasyon nina Ramon at
Fredo, na nagkaroon ng pagkakataon na maihantad ang kanilang pagmamahalan sa edad
na 84. Saklaw rin nito ang nagagawa ng isang pagmamahal sa loob ng pamilya. Makikita
sa pelikula ang pagsasakripisyo, pagtanggap, at pagpapatawad sa kaibigan at kapamilya.
Sa kabuuan, ang pelikula ay naglalayon na ipakita sa madla ang perspektibo ng
mga tao na bahagi ng LGBTQ+ community lalo pa’t hindi pa lubusang tanggap noong
mga panahong ito; hindi gaanong kabukas ang ganitong talakayan, hindi katulad ngayon
na mas malaya at mas komportable na silang ipakita ang kanilang mga sarili sa mundo.

II. PAGBUBUOD

Nagsimula ang tagpo sa dating paaralan ni Ramon Estrella dahil sa Grand Alumni
Homecoming na siya ay naparangalan at nagpahayag ng kaunting salita ng
pagpapasalamat. Una niyang sinariwa ang karanasan kasama ang kababatang si Fredo,
kasunod lamang ang kanya pagbanggit sa asawang si Sylvia.

Ang kaibigan at ninong ng mga anak nina Ramon at Sylvia na si Fredo ay may sakit na
cancer na siyang naging dahilan upang humiwalay ng tahanan si Ramon kay Sylvia at
samahan ang kanyang matalik na kaibigan. Makikita sa mga mata ni Sylvia ang lungkot
sa pahayag na ito ni Ramon ngunit wala siyang nagawa kung hindi suportahan ang
asawa.

Nakita ni Marife ang ama, ang bunsong anak ng mag-asawa na kasama nilang
naninirahan sa isang bahay, at sinubukan nitong pigilan dahil ayaw niyang maiwan ng
mag-isa ang ina, ngunit si Ramon ay hindi nagpaawat at tumuloy pa rin.

Nang makarating sa tahanan ni Fredo si Ramon, makikitang tuwang-tuwa ang dalawang

3
matanda sa kanilang pagkikita at pagsasama sa isang tahanan. Ipinakita rin ang pagsilip
ni Ben (ang pamangkin ni Fredo na siyang asawa ni Nena) sa dalawang matanda na may
mapanghusgang mga mata.

Sa sunod na tagpo, ang magkakapatid na Estrella na sina Emman, Georgina, at Fe ay


nagtipon upang kausapin ang ama patungkol sa desisyon na ginawa niya. Ang
ikinababahala ni Fe ay ang ina nila na mukhang dehado sa sitwasyon, ngunit ang
dalawang nakatatandang kapatid ay ang kanilang pangalan ang inaalala. Ang pangalan
nila sa San Martin ang kanilang pinakainaalala dahil si Georgina ay isang Mayor at ang
ama nito ay dating senador.

Pinuntahan ng magkakapatid si Ramon kina Fredo at kinumbinsing pauwiin at dalawin na


lamang araw-araw ang kanilang ninong, ngunit nagmatigas ang ama. Dito rin sa tagpong
ito umamin si Ramon na mahal niya si Fredo na kaparehong pagmamahal kay Sylvia,
samakatuwid ay isa siyang bakla. Tutol ang mga anak sa pahayag na ito kaya naman
nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang pagitan.

Nang manggaling sa ama, dumeretso ang magkakapatid sa ina at kinumbinsi na kausapin


ang ama na ayusin ang mga naging biglaang desisyon ng kanilang ama. Sa pag-uusap,
pinaliwanagan na lamang ni Sylvia ang magkakapatid sa naging desisyon ng ama. Ngunit,
kahit na may ganitong senaryo na hindi pagkakaintindihan ay natuwa si Sylvia sa nakita
niyang pagtutulungan ng kanyang mga anak at nagkaroon pa nang kaunting bonding sa
maikling pag-uusap.

Nang paalis na ang magkakapatid upang pumunta sa kanilang trabaho, nakita ni Emman
ang kanyang panganay na anak na babae na may naghatid sa kanya na isang lesbian at
hindi ito nagustuhan ni Emman.

Pinag-usapan agad ito ng magkakapatid sa loob ng sasakyan. Makikita mo sa kanilang


tatlo ang pinakatutol sa pagiging parte ng LGBTQ+, si Emman at Georgina. Si Fe naman

4
ay iniintindi ang kanilang sitwasyon dahil yun din ang nangyayari sa kanyang ama at
ninong.

Kasunod na tagpo ay ang masigasig na pag-aalaga at pagbabantay ni Ramon kay Fredo.

Sunod na tagpo ay ipinakita ang buhay ng panganay na si Emman at bunsong si Fe. Si


Emman ay isang assistant sa isang kompanya na may intern na si Cathy, mapang-akit at
maganda. Ipinakita rin dito sa tagpo na may iniaalok ang bayaw niyang si Andy, asawa
ni Georgina, na hindi kaaya-ayang transaksyon. Ang bunsong si Fe naman ay isang head
ng NGO na sumusuporta at nakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga kababaihan.
Si Fe ay katulad din ng kanyang mga kapatid na hindi perpekto at may takot sa mga
sasabihin ng ibang tao, katulad ng pakikipagrelasyon niya sa isang binatang si Jonel na
malayo ang kanilang agwat. Ito ay patagong relasyon kaya hindi maiwasan ni Jonel ang
pagmamahal na ibinibigay ni Fe sa kanya.

Sa kasunod na tagpo ay ang pagbabalik tanaw sa nakaraan nina Ramon at Fredo nang
sila ay mga bata pa lamang. Magkasama silang lumaki hanggang sa pagpasok ng
kolehiyo. Isang anak-mayaman si Fredo na may malawak na lupain, si Ramon naman ay
isang hamak lamang na magsasaka, ngunit hindi ito hadlang sa kanilang pagkakaibigan.
Sa pagtuntong nila sa kolehiyo, doon nakita ang tagpo na may lihim na pagtingin si Fredo
sa kanyang kaibigan.

Sa pagbalik sa kasalukuyan, makikita ang dalawang matanda sa labas na nagpapahangin


at mayroon ding mga mapanghusgang mata na sumusulyap-sulyap sa kanila.
Sunod, ipinakita sa tagpo ang pamilya ni Georgina. Kumakalat na sa internet at sa mga
paaralan ng kanilang mga anak ang pagiging bakla ng kanilang lolo. Sa pagputok ng
balitang ito, ang imahe na naman ng kanilang pamilya ang iniisip ni Georgina.

Katulad ng pagbabalik tanaw kanina, ang sunod na tagpo ay nagbalik tanaw si Sylvia at
ikinuwento ang nakaraan kay Fe. Sinabi ni Sylvia na matagal na silang tatlo ang

5
magkakasama, para bang noong pinakasalan niya si Ramon ay kakabit na nito si Fredo.
Sa lahat ng pangyayari sa buhay nilang mag-asawa ay nando’n si Fredo hanggang sa
may natuklasan si Sylvia na ikinalungkot niya ng sobra. Nahuli niya ang asawa at kaibigan
na naghahalikan. Subalit, nagkaroon din ng pag-uusap si Sylvia at Fredo nang ganapin
ang 10th anniversary nilang mag-asawa. Naintidihan niya ang pahayag ni Fredo at
pinatawad.

Ang sumunod ng tagpo ay ang hindi na pagkakaunawaan ng mga magkakapatid ng


Estrella. Umusbong na ang iba’t ibang problema na katulad kay Emman na nagkaroon ng
sex scandal at nakipaghiwalay na rin ang kanyang asawa nang makita ang scandal. Tila
nalimutan nila ang isyu ng ama dahil sa mga nangyayari.

Sa kabilang banda, ang dalawang matanda ay nag-uusap. Si Fredo ay tanggap na malapit


na ang kanyang wakas, ngunit hindi ito matanggap ni Ramon. Ipinakita rito na may
nararamdaman na rin pala si Ramon na sakit, tila ito ay may sakit sa puso.

Ang problema naman ni Emman ay nadagdagan nang magsampa ng kaso ang panig ni
Cathy (kasama sa sex scandal), ngunit dahil sa pera madali na lamang ito na areglo at
dahil na rin ang pangalan nilang Estrella ay kilala at may kapangyarihan.

Sa hindi pagkakaintindihan ng magkakapatid, humingi na ng tulong si Sylvia kay Ramon


na pag-ayusin ang kanilang mga anak. Kinausap nila bawat anak at ipinaintindi na sila ay
nagkamali at dapat patawarin ang kanilang mga kapatid.

Sa pagkakaayos-ayos ng magkakapatid, nagsama-sama ang mag-anak sa kaarawan ni


Georgina. Nang dumating sina Ramon at Sylvia kasama si Fredo, ang imahe ang una na
namang naisip ni Georgina at pinaghiwalay ang ama at ninong. Hindi ito nagustuhan ni
Ramon kaya naman agaran silang lumisan sa selebrasyon.

Kinabukasan, isang nakalulungkot na balita ang natanggap ni Sylvia kay Fredo na si

6
Ramon ay nauna pang mawakasan ng buhay kaysa sa kanya na may malalang sakit. Sa
pagkamatay ni Ramon, ito ang nag-udyok sa magkakapatid na humingi ng kapatawaran
sa kanilang ninong Fredo, samantalang si Sylvia ay sinamahan at itinuloy ang pag-aalaga
sa kaibigang si Fredo.

Nagtapos ang pelikula sa nakaupong dalawang matanda, Sylvia at Fredo, na nakatanaw


sa bintana na tila ay nalulumbay pa rin sa pagkawala ng kanilang minamahal na si Ramon.

(- Wakas ng Buod)

III. PAGSUSURI

Sa bahaging ito, ipamamalas kung naging epektibo ba ang pelikula sa manonood


na katulad ko.

A. SENARYO
Magaan ang panimulang mga tagpo dahil ito ay nasa paaralan kung saan
nagbibigay ng maikling talumpati si Ramon. Ang bawat senaryo ng pelikula ay maayos at
ang mga dayalogo ng mga tauhan ay wasto at tugma sa mga tagpo. Katulad ng pag-
uusap ng mag-aama sa tahanan ni Fredo, ang pag-amin niya sa mga anak na isa siyang
bakla. Makikita na wasto at tugma kanilang mga emosyon at dayalogo, lalo si Georgina
na nagalit dahil sa nalaman.
Ang tema o tunggalian sa pelikula ay tao laban sa tao at tao laban sa kanyang
sarili. Ang unang tunggalian ay makikita na sina Fredo at ang pamilyang Estrella ay
kinakalaban ang mga mapanghusga at diskriminasyon patungkol sa kanilang ama at
ninong. Ikalawa ay ang tao laban sa sarili dahil maraming pangyayari na ang kanilang
mga sarili lamang ang kalaban nila, katulad ng magkakapatid. Minsan sinisisi natin ang
ibang tao sa mga nangyayari sa atin ngunit hindi natin nakikita na mismong tayo ang

7
gumagawa ng problema at nagsasanhi rin nang hindi pagbibigay ng pang-unawa sa
kapwa.
May ilang mga tagpo o senaryo na pinakapaborito ko dahil ito ay mga aral na
umukil talaga sa aking isipan noong nakita ko ang mga senaryong ito. Unang senaryo ay
ang pag-uusap ng tatlong magkakapatid sa loob ng sasakyan patungkol sa anak ni
Emman na may nakitang kasamang lesbian.

Emman: Ah basta, hindi ako naniniwala

Fe: Kuya, ano ba kasing masama kung magiging lesbian ang anak mo.

Georgina: Fe, alam naman natin kung ano ang normal sa hindi. Alam mo, wala
naman akong problema diyan sa LGBTXYZ na ‘yan dahil maraming productive
member ang society ang kagay nila, pero sa akin, alam mo yung, alam mo na...

Fe: Anong alam ko na?

Georgina: Na huwag sana silang loud o garapal.

Fe: you see, ate that’s not acceptance, that’s condescension and you just being
self-righteous.

Emman: Kayo kasi alam niyo, inaassume niyo na lessbiana ang panganay kong
anak, ‘di ako naniniwala do’n. Tsaka ano yan eh, yan yung sinasabing “it’s just a
phase”, lilipas din yan.

Sa pag-uusap na ito, makikita ang iba’t ibang perspektibo ng mga tao. Si Emman
nagrerepresenta sa matatandang hindi makaintindi at hindi matanggap ang mga taong
umaamin. Ang tangi nilang palaging sinasabi ay lilipas din yan, na pinangungunahan pa
nila ang desisyon ng mga tao. Gayundin si Georgina na parang ito ang lipunan, nakikita
lamang ang mga nagagawa ng mga LGBTQ+ community, ngunit hindi pa rin tanggap
ang mga ito. At ang huli, si Fe na maihahalintulad sa mga taong sumusuporta at
hinahayaan ang mga LGBT community na gawin kung ano ang kanilang nais dahil
kapareho lang din sila ng mga kinalakhan na mga kasarian.

Kasunod na senaryo ay ang pagtatalo nina Georgina at Fe.

8
Fe: Ang sabi mo kanina, masyadong pang bata yung mga anak natin para
maintindihan yung sitwasyon. Alam mo tamaa ka do’n, kaya obligasyon nating
mga magulang na ipaintindi at ipamulat sa kanila yo’n.

Georgina: Ako ang ina ni Rufus, ako magpapaliwanag sa kanya!

Dito sa pag-uusap na ito makikita ang dalawang klase ng magulang. Isang


maunawain at isang sarado ang isip sa mga ganitong sitwasyon.

Sa kabuuan ng mga senaryo, naging maayos at sunod-sunod ang pagkakalapat


nito, ngunit sa dulong parte ay tila ito ay namadali na. Maraming mga tanong ang hindi
nasagot, katulad ng Ano ang ilegal na transaksyon nina Emman at Andy? Bakit hindi
naipakita ng maayos ang pagkamatay ni Ramon? Nagbago ba talaga si Georgina? Bakit
ang bilis maayos ng mga gusot at walang sapat na mga senaryo para maipakita ang
pagbuo ng emosyon? Ilan lamang ito sa mga naging katanungan ko nang matapos ko
ang pelikula. Sa kabila nito, nasiyahan at natuto ako sa punong tema ng pelikula. Ipinakita
nito ang mga perspektibo na akala ko dati’y alam ko na ngunit hindi pa pala.

B. PAGDIDIREHE
Ang pelikula ay itinuturing na isang pagbabalik ni Joel Lamangan sa MMFF. Ito ay
pagpapakita ng pagsuporta sa mga kabahagi ng LGBTQ+ pride. Ito ang isa sa mga
dahilan ni Joel Lamangan sa pagbuo ng pelikula, ang suportahan at ipamalas sa madla
na kailangan tanggapin at hindi panghuhusga ang kanilang danasin. Nabanggit din ng
direktor na siya mismo ay nakaka-relate sa pelikula dahil siya rin ay naranasang
makipagrelasyon sa isang lalaking may asawa na.
Isang mahusay na direktor si Joel Lamangan sa larangan ng industriya na ito.
Tinatawag rin siya award-winning dahil sa mga nagawa niyang pelikula na may tema rin
LGBT na katulad ng “Lihis”, “Pusong Mamon”, at “So Happy Together”. Maihahalintulad
ang Lihis sa Rainbow’s Sunset dahil parehas na nagkaroon ng karelasyon ang dalawang
mga lalaki kahit pa ay may mga asawa na sila at anak. Ayon din sa aking nabasa, ang

9
tagpo ng “Lihis” ay noong taong 1970 na halos kapareho ng pagsisimula nina Ramon at
Fredo sa Rainbow’s Sunset. Tumatalakay rin ito sa iba’t ibang isyung panlipunan lalo na’t
ang mga panahong ito ay ang pangyayari sa Martial Law.
Kapansin-pansin din ang pagiging masigasig na pumili si Joel Lamangan ng mga
artistang gaganap sa kanyang pelikula at hindi lamang ito basta-basta. Halimbawa sa
Lihis na pinagbibidahan nina Jake Cuenca at Joem Bascon ay isa sa mga mahuhusay sa
industriya ng pag-arte. At sa iba pa niyang mga pelikula, mga beteranong mga aktor at
aktress ang kanyang nakakatrabaho.
Sa kabuuan nito, si Joel Lamangan ay makikita ring epektibong direktor dahil hindi
lamang siya nagpopokus sa isang isyu; ang kanyang mga pelikula ay tunay na
kinapupulutan ng aral.

C. PAG-ARTE
Ang mga artistang gumaganap ang siyang nagbibigay ng kulay at buhay sa pelikula
lalo kapag naihayag nila ito ng maayos. Sa pelikulang ito, ang mga beteranong mga aktor
at aktres ang mga gumanap kaya naman nabigyan ng hustisya ang bawat tauhan.

Mga Tauhan Mga Artistang Gumanap

Eddie Garcia — bilang isang beteranong aktor, hindi na nakagugulat na


naipahayag ng mabuti ni Eddie Garcia ang kanya papel sa pelikula.
Ramon Estrella
Naihayag niya ang mga emosyon na kailangan sa kanyang role, ang
pagmamahal na makikita sa mga mata niya habang nakatingin sa co-
actor na si Tony, ang galit niya sa mga anak at mga tao dahil sa kanilang
mga mapanghusgang mga mata, ilan lamang sa mga emosyon na
inihayag ni Eddie. Ang husay rin na naipakita ang saglit na paghalik nila
sa isa’t isa, hindi makikitaan ng awkwadness sa kanila ni Toni.

Shido Roxas — gumanap bilang batang Ramon, isang batang aktor. Sa


maikling oras na exposure, naipakita naman nito ang mga emosyon na

10
dapat ipakita, ngunit medyo nakulangan ako at hindi sapat para
maramdaman mismo ng manonood na katulad ko.

Tony Mabesa — isa ring beterenong aktor na nakasama ni Eddie Garcia.


Tunay ring mabisa ang kanya paglalahad ng mga emosyon, ngunit
Fredo
nakulangan ako sa dulong bahagi kung saan ibinalita niyang namatay na
si Ramon (Eddie). Hindi ko naramdaman yung sakit nang ibalita niya kay
Sylvia.

Ross Pesigan — kapareho ng gumanap na batang Ramon, siya rin ay


isang batang aktor. Naihatid niya ang mga emosyon katulad ng lihim
niyang pagtingin kay Ramon, ang mga mata niyang puno ng
pagmamahal habang nakatingin kay Ramon, at ang komprontasyon na
nangyari sa kanila ni Sylvia.

Gloria Romero — katulad ng dalawang naunang matanda, isa rin si


Gloria sa mga beteranong aktres. Malalaman din natin na naging
Sylvia
matagumpay ang kanyang pagganap sa kanyang role dahil ay nanalo
siya ng Best Actress. Magaling si Gloria, naihayag niya ng maayos ang
role niya bilang asawa ni Ramon na maunawain at mapagpasensya. Ang
emosyon niya ay nagbigay ng buhay kay Sylvia.

Max Collins — katulad ni Gloria, naihayag din ni Max ang emosyon na


hinahanap sa partikular na tagpo. Isa sa mga halimbawa ay ang
komprontasyon niya kay Ross (binatang Fredo), makikita ang emosyon
sa mga mata nitong puno ng galit at sakit.

Sunshine Dizon — ang pagiging malakas na babae rito ni Sunshine


Dizon ay makikita. Ang kanyang role ay isang single parent na mayroong
Marife/Fe
trabaho na nakikipaglaban sa karapatan ng mga kababaihan. Makikita
talaga ang ekspresyon niya na matapang ngunit may malambot na puso

11
sa kapwa at ito ay nabigyan ng hustisya ni Sunshine.

Tirso Cruz III — magaling din na aktor. Sa mukha at sa ekspresyon


niya ay parang matapang, ngunit ang pinagganapan niyang tauhan na si
Emman
Emman ay kabaligtaran nito; isang duwag at failure kung ituring si
Emman. Naipakita ni Tirso ang mga ekspresyon na lubos na siyang
nasasaktan at may kinikimkim na kalungkutan.

Aiko Melendez — isa rin siya sa mga magagaling na artista na nakita


ko. Kayang-kaya niyang dalin ang kanyang role, magaan man o mabigat
Georgina
na eksena. Mararamdaman mo sa kanyang pananalita at sa kanyang
ekspresyon sa mukha ang mga emosyon na kailangan sa eksenang iyon.

Ilang tauhan na nagbigay rin ng kulay sa pelikula at mga nakadagdag ng emosyon sa bawat
eksena na mayroon sila.
Ben at Nena Jim Pebanco at Sue Prado
Jonel, Andy Albie Casiño, Marcus Madrigal
Merly Tanya Gomez
Jairus, Rufus, Adrian Cabido, Noel Comia Jr.,
Lara, Bessie Zeke Jarmento, at Nella Marie Dizon

Sa kabuuan, ang pagpili ni Joel Lamangan ng mga beteranong mga aktor at aktres
ay mahusay na pamamaraan dahil naihatid sa mga manonood ang nais na emosyon at
mensahe.

D. PAGLAPAT NG TUNOG AT MUSIKA


Ang paglalapat ng tunog at musika ay isa sa mga pinakaimportante para
madagdagan ang emosyong ipinapakita ng mga tauhan sa pelikula. Nasa wasto ang
paglalapat sa pelikulang ito dahil mararamdamang tunay ang mga emosyon, lalo sa

12
dulo nang lapatan nila ng musika. Ang kantang “Sa’yo na” sa pangwakas na tagpo ay
nabuo nito ang kalungkutan na naramdaman ng dalawang matanda, Sylvia at Fredo,
na ako ring manonood ay muntik ng maluha.

E. MGA ELEMENTONG VISWAL


Isa sa mga sanhi ang elementong viswal upang mas makadagdag ng aliw at buhay
sa pelikula.
Sa pelikula na may temang LGBTQ+ ay inaasahan na ng ilan na makakakita sila
ng mga kalalakihan na nagsusuot ng mga pambabae, ngunit iba rito sa pelikulang ito.
Makikita pa rin natin na ito ang tema dahil sa damdamin na ipanahatid sa atin at hindi
lamang mismo sa kasuotan. Ang dalawang bida na sina Eddie at Tony, ang mga
kasuotan nila ay normal na kasuotan at akma lamang bilang mga matatanda; ito ay
hindi naging problema para hindi maiparating sa mga manonood ang nais na
mensahe. Ito pa ay nakatulong sapagkat hindi lahat ng mga bakla o lesbian ay
kailangan magsuot ng pambabae o panlalaking kasuotan. Akma rin ang kasuotan ng
pamilya Estrella dahil ipinapakita rito na sila ay kagalang-galang at mula sa
maimpluwensyang pamilya.
Panghuling pagpopokusan ay ang special effects o mga edits sa pelikula. Kapansin-
pansin ang mga shot sa isang senaryo at hindi gaanong pinagpokusan ang magarbong
mga edit na siyang ikinaganda ng pelikula. Isa rin ang pagbabalik tanaw na senaryo
ay nakatulong ang medyo madilim at malakulay-kapeng viswal dahil nakadagdag ito
sa pakiramdam na nasa nakaraan ka.
Sa kabuuan, ang mga elementong viswal sa pelikula ay nakamtan ng maayos at
eksakto na nakatulong upang higit pang makita ang emosyon sa mga tagpo.

F. SULIRANING PANLIPUNAN AT ADBOKASIYA


Ang mga suliraning panlipunan sa pelikula ay:
 Ang panghuhusga at hindi pagtanggap sa mga parte ng LGBTQ+ community
Makikita sa pelikula na ito ang tema. Ang pelikula ay isang pagpapakita ng suporta
sa mga kabahagi nito upang mas lumawak pa ang unawa sa mga nasa loob ng

13
homosekswal na relasyon.
Sa simula pa lamang ng pelikula, ipinakita na ang tema dahil kung kaibigan lamang
ni Ramon si Fredo, bakit kailangan niyang iwan ang babaeng pinakasalan at ina ng
kanyang mga anak. Ang ganitong tagpo ay hindi na normal para sa may asawa at
malalaman na may namamagitan sa kanila na higit pa sa magkaibigan. Sa kanilang
paglabas ng kanilang totoong pagkakakilanlan ng kasarian, dito sila nakatanggap ng mga
pagtutol na pinangunahan ng mga anak ni Ramon. Gayundin, ang makatanggap ng mga
mapanuri at mapanghusgang mga mata mula sa lipunan na hanggang ngayon ay
nararanasan ng bahagi nito. Marami pa ring takot sa mga sasabihin sa kanila ng tao kaya
hindi sila umaamin.

 Ang pangangalaga ng imahe, ng pangalan lalo kapag nasa politika; gayundin ang
paggamit ng pera
Ang ganitong tagpo ay nakikita pa rin hanggang ngayong kasalukuyan na nag-
aalala lamang sa kanilang imahe at hindi sa kanilang kapwa. Dito sa pelikula naihatid ng
maayos dahil kitang-kita ang pagnanais ni Georgina na dapat ay walang naririnig o
nakakabit na isyu sa kanilang pamilya, ngunit kabaligtaran nito ang nangyari. Nagalit siya
nang malaman niya na bakla ang kanyang ama at nang lumabas ang sex scandal ng
nakatatandang kapatid. Ganito rin makikita sa realidad, palaging iniiwasan ang mga isyu
o kaya naman may mga tagalinis nito upang hindi na maikabit pa sa kanila lalo ang mga
mayayaman at makakapangyarihang mga tao. Dito pumapasok ang pera, na katulad sa
ginawa ni Emman kay Cathy, upang malusutan ay nagbayad na lamang ng malaking
halaga para hindi pa ito lumala.

 Ang verbal at cyber-bullying


Ang ganitong tagpo ay naging “normal” na sa panahong ito; sa paglaganap ng
social media ay makikita ang iba’t ibang klase ng bullying. Sa pelikula, ipinakita ang cyber-
bullying sa paggawa ng meme o nakakatawang imahe gamit ang mukha ni Ramon. Isa
sa mga malalang suliraning panlipunan ito dahil nasa makabagong mundo na tayo,
malawak ang sakop ng social media kaya naman hindi na maiwasan ang ganitong mga

14
pangyayari.
Bukod sa cyber-bullying, mayroon ding berbal na pambu-bully. Ang mga tauhang
sina Ramon, Fredo, at Emman ang nakatanggap nito. Sa dalawang matanda dahil sila ay
may homosekswal na relasyon; si Emman naman ay ang pangmamaliit ng kanyang
kapatid na si Georgina. Ang mga salita ay may kapangyarihang makasira ng buhay ng
isang tao lalo na’t hindi natin alam kung ano tunay nilang nararamdaman.

 Ilegal na gawain sa kagipitan


Hindi naipakitang mabuti sa pelikula ang suliraning ito na kasangkot si Emman at
Andy. Isa itong suliraning panlipunan na ipinapakita ang nagagawa ng pera, na ito ay
humahantong sa malugod na paggawa ng ilegal na mga gawain.

Ang ikalawa naman ay ang pangunahing adbokasiya ng pelikula. Ito ay ang


ipahiwatig sa lipunan ang pagmamahalan ng mga homosekswal at ang nagagawa ng
pagmamahal ng isang pamilya. Makikitang mabuti kung ano ang mga pinagdaanan nina
Ramon at Fredo sa pagtatago ng kanilang tunay na mga nararamdaman. Ito ang nais ng
pelikula na sa likod ng kanilang mga natatanggap na panghuhusga, pandidiri,
diskriminasyon, at hindi pagtanggap ay mga nag-iibigan lamang na tao at gusto lamang
nila na maging malaya sa paghahayag ng kanilang pagmamahal. Sila rin ay katulad
magmahal ng isang babae at lalaki. Ipinakita rin dito ang mga perspektibo ng ibang mga
tao sa mga bahagi ng LGBTQ+, katulad ni Georgina at Emman. Si Emman naniniwala na
mababago pa rin sila dahil ito ay isa lamang phase ng kanilang buhay. Ang kay Georgina
naman ay wala raw problema sa kanya dahil sa mga nagagawa ng LGBTQ+, ngunit sinabi
rin niya na huwag silang maging maingay at garapal sa paglantad ng kanilang mga
saloobin. Ito ang ilan sa perspektibo na naihatid ng pelikula, at nang mapanood ko ang
eksenang ito ay napagtanto ko na ganun din ako kay Georgina dati.
Sa kanilang magkakapatid, si Fe ang may malawak na pang-unawa. Ipinaintindi
ng tauhan na ito sa mga manonood na hindi masama ang pagiging bahagi ng LGBTQ+
at kailangang lamang ipaunawa ito, lalo na rin sa mga bata upang sa kanilang paglaki ay
hindi sila ang maging dahilan kung bakit takot pa rin ang mga nasa LGBTQ+.

15
Ang huli ay ang pagmamahal sa pamilya. Ano mang manyari, ano mang problema
ang dumating, sa pamilya pa rin uuwi. Ang pamilya pa rin ang yayakap sa’yo habang
ikaw ay tumatangis sa mga problemang kinahaharap. Ito ang sumasagisag sa tradisyunal
na pamilyang Pilipino, na sa kabila ng hindi pagkakaintindihan at mga problema, mayroon
ka pa ring uuwiang pamilya.

Sa kabuuan, ang suliraning panlipunan at adbokasiya ay naihatid sa madla ngunit


hindi gaanong kaayos. Sa dulong bahagi ng pelikula ay tila namadali ang ilang mga
suliranin at hindi naipakita ang mga naging bunga nito. Naging magulo sa ito sa dulo at
hindi na naipakita talaga ang mga naging solusyon.

IV. KONKLUSYON
Ang kabuuan ng pelikula ay isang panibagong kaalaman sa katulad kong kabataan.
Alam ko na ang LGBTQ+ community ay mas bukas na sa masa at hindi na sila natatakot
na ipahayag ang kanilang mga saloobin, ngunit bilang hindi bahagi nito, ang pelikula ay
nakatulong para mabigyan pa ako ng kaalaman sa mga sitwasyon na mayroon sila at sa
mga perspektibo ng hindi bahagi nito.
“That’s not acceptance, that’s condescension and you just being self-righteous.”
Isa sa linya mula kay Fe na pinakanagustuhan ko, sapagkat ang linya na iyan ay isang
eye-opener sa mga feeling nila ay tanggap nila ang mga bakla, lesbian, at mga
transgender dahil sa kanilang mga naiaambag sa lipunan pero may lihim naman itong
pagkamuhi. Kaya naman sa panonood nito ay hindi lamang ang LGBTQ+ ang gustong
ipamalas kung hindi pati na rin ang mga nagiging perspektibo ng mga tao partikular sa
mga kabahagi nito.
Masasabi ko na mairerekomenda ko ito dahil ito ay magpapabukas ng isip ng bawat
tao para mas lumawak pa ang kanilang mga pag-intindi sa mga taong bahagi ng LGBTQ+
community. Sana’y gumawa pa sila ng ganitong mga pelikula na may iba’t ibang
perspektibo nang makatulong sa pang-unawa ng mga taong patuloy pa rin na humuhusga
sa kanila at ginagawang katatawanan ang pagiging bahagi nito.

16

You might also like