You are on page 1of 3

Senakulo: Sa Nobena ng Sining

Ni: Mark Vincent D. Lapis

Ama namin, sumalangit nawa ang iyong kaluluwa;


Sa hudas mong kapitan, sa serdoteng walang kahihiyan;
Hudyong lapastangan ang lumitis sa krus ng kasalanan;
Danak ng dugo’y umagos sa kamay ng mga Poncio Pilato;
Rosaryo sa dasal ng heswita, latigo sa hukuman ng hudeo;
Tinik sa korona ng haring inalay sa krus ng kalbaryo;
Sinamba ang iyong ngalan sa kutya’t kuro-kuro ;
Aba Ginoong Maria, hindi na siya napupuno ng grasya;
Ang mga luha sa mata’y peklat ng kaniyang pagkakapako;
Oh, Magdalena ang makasalanang babae sa bibliya;
Kaniyang luha ay dugo, yapos ang paa ni Hesus.

“Ang aking hahalikan ay dakpin niyo.”


Tulad ng malamig na rehas ang halik ng pagkalunlo;
Sa ostiya’t alak ang huling handaan, si satanas ang magtatapos ng hapunan;
Tiris ang estolang marka ng taksil, iginapos sa leeg hanggang masupil;
Saan aabot ang pilak ng iyong suhol kapalit ng sukab at udyok?
Habag sa budhi at naaagnas na lupa’y kusing ng kalapastanganan;
Agua-Benditang kumukulo sa nagbabanal-banalan na tila aswang sa gabing malagim;
Tiris! Dumaplis sa sugatang katawan ng kaawa-awang nilalang
Sa sarong na nagpapahid sa kales ng dugo sa gasgas nilang pagkatao;
Dios misericordioso! Sa dilim kumakaripas ang kanilang kaluluwang ibinibenta!
Hindi matiis, hindi matiris ang kanilang nobenang nagmumura;
Santong kabayong uhaw sa salbasiyon ng banal na templo.
Hindi nakakakilala ng tao, sa rebultong Diyos ang puri;
Sa ngalan ng Ama, marami na silang kumandidato sa pagkasanto;
Ang kanilang kapilya’y napapaligiran ng diyamante’t ginto;
Batingaw na patuloy sa kaniyang alingawngaw ng basbas at kamatayan
At ng anak, sa ugoy ng kanilang uhaw na walang hanggang pag arko ng katawan
Tabernakulong tirahan ng papuri’t kantiyaw ng mga walang kapintasan;
Sa siboryong sisidlan ng tigang na lamang lupang bayaran sa ilalim ng bilog na buwan
At ng espiritung hindi santo sa kanilang huning kumukuliglig sa pariwara;
Gumagabay sa bawat kasakimang hindi mabantayan kahit anino man.
Sa pagkadungis ng estola;
Sa may bahid na dugo ng mitra;
Oremus! Bumubula ang bibig na ang bukambibig ay pag-ibig ng isang puta!
Ng pentecosteng naging kapistahan ng diyos-diyosan sa lupa;
Alay sa kuwaresmang magnilay-nilay, huwad na langit ang kusang sumilay;
Binigti ng rosaryo, sinaksak ng pektoral;
Tumulo ang dugo sa balabal ng paring buwaya;
Sa obispong walang ulong nagmumulto sa simbahang katoliko;
Nasaan ang bukang-liwayway?
Sa sining ng kaniyang kamataya’y hudyat ang muling pagkabuhay!
Nasaan ang mesiya ng kaniyang bayan?
Datapwa’t sinasamba ang tunay na sariling pagkakalilanlan;
Ang sining ng kaniyang huling hapunan;
Saan siya hinantong ng kaniyang mga disipulo?
Sa kuwebang libingan, ni hindi binigyan ng misa ang kaniyang bangkay.

Hindi isinulat ang bibliya;


Sapagkat ang waring gapos ng suliranin naipinta sa kasalukuyan;
Kumukudlit ang brotsa sa manipis na sedang pilit tinitiris ng kasakiman;
At ang dalisa’y binalot ng palma at tanikala ng mga unos sa bansa;
Sapagkat hindi isinulat ang bibliya;
Bukod ang luklukang garing ay binalot ng taganas na ginto;
Umaalulong na tila’y trumpeta ng sakdal at dusa;
Sa pandemyang nagpako sa atin sa krus ng pagkapipi;
Namutawi ang liriko ng Pariseong may busal ang bibig;
Umaatungal ang kubyertos sa pagpag ng laspag na laman;
Tigang sa kapangyarihan, hayok sa orong upuan;
Sapagkat ipininta ang bibliya;
Sa obra ng kanilang huling hapunan;
Larawan ng kaniyang huling hantungan
Sa pagdibuho ng nobelang pumukaw sa bulahaw ng langaw;
Ang hiyaw na umaalingawngaw upang mapukaw ang galawgaw ng mga uhaw
Nasaan ang retrato ng liwayway?
Naging alamat na nga ba katulad ng panday?
O isinulat bilang isang sanaysay, ibinaon sa hukay at doon humimlay;
Parang lamay na ibinibitay at nawalan na ng kulay;

Sa senakulo na ipininta ng bibliya’y salamin ang kasalukuyan;


Pintor ang mamamaya’y sa sariling kaganapan;
Maniniyot sa isyu ng ordo sa oratoryo;
Sila ang buhay na bukang-liwayway!
Mga kerubing pumapagaspas ng makulay na pinta sa balangaw;
Kalapating sumasayaw sa entablado ng langit;
Kampanilya’y umaawit ng kundiman;
Sa kumpas ng maestro’y kandili ang pag-asa at bagong simula;
Banhaw! Bumangon sila’t binuhay ng esperansa!
Banyuhay sa muling pagkabuhay mirasol ang handog.

You might also like