You are on page 1of 6

Ang modyul na ito ay inihanda upang magkaroon ka ng kabatiran kung

paano nabuo ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal, ang El


Filibusterismo. Matutunghayan mo rin ang mga paghihirap at
sakripisyong kaniyang pinagdaanan upang maisulat, matapos, at
maipalimbag ang obra maestrang sinasabing gumising sa diwang
makabayan ng mga Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga
Kastila. Inaasahan ding magkakaroon ka ng inspirasyon mula sa araling
ito upang higit mo pang malinang ang iyong pagmamahal para sa
sariling bayan.
Sa pagtatapos ng modyul na ito, ikaw ay inaasahang malilinang ang
sumusunod na kasanayan:
1. nasusuri at naisasalaysay ang pagkakaugnay ng mga pangyayaring
napakinggan tungkol sa kaligirang pangkasaysayan ng El
Filibusterismo
(F10PN-IVa-b-83, F10PS-IVa-b-85);
2. natitiyak ang kaligirang pangkasaysayan ng akda sa pamamagitan
ng:
- pag-uugnay sa kahulugan ng salita
- pagtukoy sa mga kondisyon sa panahong isinulat ang akda
- pagpapatunay ng pag-iral ng mga kondisyong ito sa kabuoan o ilang
bahagi ng akda
- pagtukoy sa layunin ng may-akda sa pagsulat ng akda
(F10PB-IVa-b-86, F10PT-IVa-b-82);
3. napahahalagahan ang napanood na pagpapaliwanag ng kaligirang
pangkasaysayan ng pagkakasulat ng El Filibusterismo sa
pamamagitan ng pagsulat ng buod nito gamit ang timeline
(F10PD-IVa-b-81, F10PU-IVa-b-85); at
4. naitatala ang mahahalagang impormasyong nasaliksik mula sa iba’t
ibang pinagkukunang sanggunian/reperensiya/batis ng
impormasyon
(F10WG-IVa-b-78, F10EP-IIf-33)

Kaligirang Kasaysayan ng El Filibusterismo


Kung ang Noli Me Tangere ay siyang gumising at nagpaalab sa diwa at
damdamin ng mga Pilipino ukol sa kanilang mga karapatang pambansa, ang
El Filibusterismo naman ang nakatulong nang malaki kay Andres Bonifacio at
sa Katipunan upang maiwaksi ang mga balakid na nakasasagabal sa
paghihimagsik noong 1896.
Ang mga simulain sa nobelang ito (El Filibusterismo) ay siyang nagpasigla at
nagpatibay ng loob ng mga Pilipino sa pakikidigma laban sa Espanya, at siya
rin namang nagtaguyod sa kanila sa mahabang panahong ginugol sa
pagtuklas ng kasarinlan. Ang El Filibusterismo ang siyang nagturo sa
kapilipinuhan ng pagkabihasa, ng pagbabagumbuhay, at ng landas tungo sa
kaligtasan―kaligtasang matatamo lamang sa pamamagitan ng sariling
pagsisikap.
Bagama’t binalangkas ni Dr. Rizal ang pagkatha sa El Filibusterismo noong
ginagawa niya ang Noli Me Tangere, ay may mga limang taon ang nakalipas o
dili kaya’y noong 1890, bago niya sinimulan ang nasabing aklat, ang El
Filibusterismo.
Ang kalagayan sa pamumuhay ni Dr. Rizal nang isinusulat niya ang El
Filibusterismo ay katulad, kung ’di man lalong mabalakid, nang pasimulan at
matapos niya ang Noli Me Tangere. Suson-susong mga kahirapan ang
kaniyang dinanas―nagtipid siya nang ’di gagaano, at kung minsa’y makalawa
lamang siyang kumain maghapon; napilitang isanla ang lahat ng kaniyang
alahas; ang mga kapanalig niya sa La Solidaridad ay nakipaglayo sa kaniya;
ang mga magulang niya at mga kapatid ay pinag-usig at pinasakitan ng
pamahalaang Kastila; ipinakasal sa iba ang kaniyang binibining katipan ng
mga magulang nito―anupa’t lahat ng pangyayari noon ay tila nagtulongtulong
upang maigupo ang diwa at kalooban ng bayani.
Nguni’t ang ganitong mga kasawian ay ’di nakapigil sa kapasiyahan at
katibayan ng loob ni Dr. Rizal upang ipagpatuloy at tapusin ang pagsulat ng
11
El Filibusterismo. Sinimulan ang nobelang ito sa Londres, Inglatera noong
1890 ngunit ’di naglaon ay lumipat sa Bruselas, Belgica at dito sa huling
lungsod niya isinulat ang malaking bahagi ng nobela hanggang sa matapos
ang aklat noong ika-29 ng Marso, 1891. May ilang talang nagsasabing may
bahagi rin ng El Filibusterismo na isinulat sa Gante, Belgica lalong-lalo na ang
bandang huli at ang pagrerebisa ng manuskrito.
Ayon sa pahayag ng may-katha sa isang liham kay Jose Basa, makabayang
kaibigan ng bayani, ang manuskrito ng nobela ay ibinigay nito sa isang
palimbagan sa Gante nang nagtatapos ang buwan ng Mayo, 1891. Sa isang
banggit sa The Hero of the Filipinos, talambuhay na isinulat nina Russell at
Rodriguez, ay mahuhulo na ipinalimbag ni Dr. Rizal ang El Filibusterismo sa
pag-asang may sapat na kuwaltang pantustos na matatanggap siya na
manggagaling sa Pilipinas.
Nguni’t binigo siya ng mga pangyayari: naibayad na lahat ang kuwaltang
kaniyang natipid; ang kuwaltang hinihintay ay hindi dumating; ang ilang
mayayamang Pilipinong nangakong aabuloy ng halagang kakailanganin sa
pagpapalimbag ay pawang nangakalimot―anupa’t halos nawalan na ng pag-
asa si Dr. Rizal na maipatapos ang kaniyang paggawa. Dahil dito’y itinigil ang
pagpapalimbag sa El Filibusterismo na noo’y nasa pahina 112 pa lamang.
Nangangalahati ang buwan ng Setyembre, 1891, isang pangyayari ang nag-
iwas kay Dr. Rizal sa pagkabigo sa kaniyang layunin―ito’y ang halos himalang
pagdating buhat sa Paris ng kuwaltang padala ng matalik niyang kaibigang si
Valentin Ventura. Sa bagay na ito ay naligtas ang ating bayani sa pagkagipit at
ang El Filibusterismo ay natapos ipalimbag humigitkumulang noong ika-22 ng
Setyembre, 1891.
Bilang pagkilala ni Dr. Rizal sa malaking utang na loob ay inialay niya kay G.
Ventura ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo kalakip ng isang
inilimbag at nilagdaang sipi ng nobelang ito.
Matapos mapadalhan ni Dr. Rizal ng mga sipi ng El Filibusterimo ang mga
tapat niyang kaibigan, gaya nina Dr. Ferdinand Blumentritt, Marcelo H. Del
Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Juan Luna, ay ipinalagay niya sa mga kahon
ang halos lahat ng mga aklat na ipinalimbag. Ang karamihan ay ipinadala niya
sa Hongkong at ang natirang bahagi ay sa Pilipinas naman. Ang ginawang ito
ni Dr. Rizal ay nagpapatunay na isinulat niya ang El Filibusterismo upang
basahin sa Pilipinas at ’di sa Espanya, Pransya, Alemanya, at iba pang bansa
sa Europa.
12
Sa masamang kapalaran, lahat halos ng mga sipi ng El Filibusterismo ay
nasamsam sa Hongkong at lahat naman ng dumating sa Iloilo ay natutop at
ipinasira ng pamahalaang Kastila. May iilan-ilan ding sipi ang nakarating at
nabasa sa Pilipinas, nguni’t sapat na ito upang makalikha ng malaking sigla sa
kilusang nauukol sa paghihimagsik.

Karagdagang kaalaman tungkol sa nobela


Ang El Filibusterismo ay binigyan ng iba’t ibang saling-pamagat. Sa wikang
Ingles, ito ay isinalin bilang “The Filibustering”. May salin din ito sa wikang Ingles
na ang pamagat ay “The Reign of Greed” na tinumbasan naman sa wikang
Tagalog ng “Ang Paghahari ng Kasakiman”. Sa ibang aklat sa wikang Ingles, ito
ay “The Subversive” na ang salin naman sa wikang Filipino ay “Ang Subersibo”.
Anoman ang pamagat, ang salitang filibusterismo ay nanggaling sa salitang
Kastilang “filibustero” na hiniram naman sa salitang Pranses na “filibustier” na
tumutukoy sa sumusunod na mga kahulugan: pirata (pirate), isang taong
mangingikil ng buwis o pag-aari ng iba (plunderer), at isang taong may
kinalaman sa rebolusyon o pumupunta pa sa ibang bayan upang suportahan
ang isang pag-aaklas (freebooter).
Ayon mismo kay Dr. Jose Rizal, na mababasa rin sa ginawang introduksiyon
ng kaibigan niyang si Ferdinand Blumentritt para sa kaniyang ikalawang
nobela, ang “filibustero” ay nangangahulugang “mapanganib na taong
(makabayan) mamamatay kahit na anong oras”. Ito ang kontekstuwal na
pagpapakahulugan ng mga Espanyol at ilang Pilipino noon na nakaaalam ng
salitang ito. Unang pagkakataong narinig ito ni Dr. Rizal ay noong binitay ang
tatlong paring martir dahil sa pagkakadawit sa Cavite Mutiny. Labis-labis na
pagkabalisa ang idinulot ng salitang ito sa mga Pilipino maging sa mga
nakapag-aral dahil ito ay tila parusang bigla na lamang ipapataw ng mga
Espanyol sa kung sinomang Pilipinong nais nilang mamatay. Dahil dito,
ipinagbawal mismo ni Francisco Mercado, ama ni Dr. Rizal, ang pagbanggit sa
mapanganib na salitang ito, maging ng mga salitang “Cavite” at “Burgos” (isa
sa tatlong paring martir na kaibigan ng kapatid ni Dr. Rizal na si Paciano),
dahilan kaya kakaunti lamang ang nakaalam ng salitang ito.
Labing-isang taong gulang pa lamang noon si Dr. Rizal nang masaksihan niya
ang kalunos-lunos na pagbitay sa tatlong paring martir, ang GomBurZa, na
sina Mariano Gomez de los Angeles, Jose Apolonio Burgos y Garcia, at Jacinto
Zamora y del Rosario. Marami ang nalungkot at marami ang nagalit dahil
pinatay ang tatlong paring inosente na idinawit lamang sa Cavite Mutiny. Ang
Cavite Mutiny ay ang pag-aaklas noon sa Cavite ng tinatayang 200 pinagsama-
samang manggagawang Pilipino at lokal na mga sundalo dahil sa sapilitang
paggawa o polo y servicio at pagkakaltas ng buwis
13
ng mga Espanyol sa natatanggap nilang bayad. Gayunman, ang pag-aaklas na
ito ay hindi naging matagumpay dahil lahat ng nagsipag-aklas ay hinuli,
pinarusahan, at pinatay. Sinoman ang sumubok na sumuporta at tumulong sa
pag-aaklas ay parehong kapalaran ang sinasapit.
Dahil sa maraming Espanyol lalong-lalo na ang mga prayle ang galit at
naiinggit sa GomBurZa, idinawit nila ang mga pangalan ng tatlong pari bilang
mga filibustero. Sila ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan
(ngayon ay Rizal Park) noong ika-17 ng Pebrero, 1872. Ang karumal-dumal na
pangyayaring iyon, kahit maraming taon na ang lumipas, ay kumintal sa
isipan at bumiyak sa puso ni Dr. Rizal kaya ang GomBurZa ang kaniyang
pinag-alayan ng pagsusulat ng nobelang El Filibusterismo.
Tulad sa nabanggit sa unang bahagi ng tekstong ito, nirebisa ni Dr. Rizal sa
London ang halos lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela noong 1888.
Ito ay may kinalaman mismo sa kaniyang naging mga inspirasyon sa
pagsusulat; ngunit naiiba sa mga inspirasyon ng ibang manunulat―ang
kaniyang masasakit na karanasan sa totoong buhay―dahilan para maging
mabigat ang mga emosyon at mga pangyayaring mayroon sa El Filibusterismo.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod: (1) ang pagmamalupit ng mga paring
Dominiko sa mga magsasaka sa Calamba at sa kaniyang
pamilya―matutunghayan sa Kabanata 4; (2) ang pagkamatay ng dalawang
Pilipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose
Maria Panganiban; (3) ang away nilang dalawa ni [Heneral] Antonio Luna dahil
sa isang babae, si Nelly Bousted; (4) ang tunggalian sa pagitan nila ni Marcelo
H. del Pilar sa pamumuno ng samahan ng mga Kastila at mga Pilipino sa
Espanya―mababasa sa unang mga bahagi ng nobela ukol sa pagpapatayo ng
Akademya ng Wikang Kastila; at (5) ang pagpapakasal ng kaniyang
kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Ingles na si Henry C.
Kipping―matutunghayan sa huling mga bahagi ng nobela, sa kabanata kung
saan nagpakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez.
Tulad sa Noli Me Tangere, ang ilang tauhan sa nobelang ito ay hinango mismo
ni Dr. Rizal sa tunay na buhay. Ang iginagalang na paring Pilipino na si Padre
Florentino ay walang iba kundi si Padre Leoncio Lopez na malapit na kaibigang
pari ni Dr. Rizal. Si Isagani ay si Vicente Ilustre na isang makata. Si Paulita
Gomez ay si Leonor Rivera, ang pinsan ni Dr. Rizal na naging kasintahan niya.
Si Leonor Rivera din si Maria Clara sa Noli Me Tangere, mapapansing
magkaiba ang mga katangian nina Maria Clara at Paulita Gomez subalit
pareho lamang hinalaw sa iisang tao. Si Simoun, ang pangunahing tauhan, ay
walang iba kundi si Simon Bolivar, ang tagapagpalaya ng Katimugang Amerika
mula sa pananakop ng Espanya. Si
14
Padre Salvi ay si Padre Antonio Piernavieja; si Donya Victorina ay si Donya
Agustina Medel; at si Kapitan Tiago ay si Kapitan Hilario Sunico.
Ngayong batid mo na ang mahahalagang pangyayaring naging daan upang
maisulat ang El Filibusterismo, halina’t basahin mo ang ilan pang kaalamang
magagamit mo upang lubos na maunawaan ang araling ito

Ano ang nobela?


Ang nobela ay akdang pampanitikang nasa anyong tuluyan, kadalasang halos
pang-aklat ang haba na ang banghay ay inilalahad sa pamamagitan ng mga
tauhan at diyalogo. Ito ay naglalahad ng isang kawil ng mga kawili-wiling
pangyayaring hinabi sa isang mahusay na pagbabalangkas. Ito ay itinuturing
na makulay, mayaman, at makabuluhang anyo ng panitikang tuluyan.
Binubuo ito ng mga yugtong nagsasalaysay ng mga kawing-kawing na
pangyayari sa buhay ng mga tao na bukod sa nagbibigay-aliw ay nagpapakilos
at pumupukaw sa damdamin at kamalayan ng mambabasa.
Ano ang timeline?
Ang timeline o talatakdaan ay talaan ng mga gawaing dapat gampanan sa tama o
takdang oras o panahon. Sa madaling kahulugan, ito ay talahanayan ng mga
mahalagang kaganapan sa mga nakaraang taon, maaari din namang mga
partikular na kaganapang lumipas na.
Ano ang pagbubuod?
Ang pagbubuod ay isang mahalagang kasanayan sa pag–aaral. Ang buod ay
siksik at pinaikling bersiyon ng tekstong maaaring nakasulat, pinanood o
napakinggan. Pinipili sa buod ang pinakamahalagang ideya at sumusuportang
ideyang isinusulat sa sariling salita o pangungusap. (Mexus Education)
Mga hakbang sa pagbubuod
1. Basahin, panoorin, o pakinggang mabuti ang teksto o akda.
2. Guhitan ang pangunahing ideya habang binabasa ang akda at kung
pakikinig at panonood, isulat ang pangunahing ideya.
3. Tukuyin ang paksang pangungusap o pinakatema at ang mga susing
salita (key words).
4. Pag-ugnay–ugnayin ang mga ideya upang mabuo ang pangkalahatang
kaisipan.
5. Isulat ang mga sariling kaisipan gamit ang sariling salita o
pangungusap.
6. Huwag maglagay ng mga detalye, halimbawa, at ebidensiya.
7. Makatutulong ang paggamit ng signal words o salitang transisyon tulad
ng gayon pa man, kung gayon, bilang pangwakas, at iba pa sa mga
ideya.

You might also like