You are on page 1of 6

LEARNERS ACTIVITY SHEETS IN FILIPINO 10

EL FILIBUSTERISMO
Ikaapat na Markahan – Linggo 1

Pangalan:___________________________________ Grade/Lebel:_______________

Guro:______________________________________ Petsa:_____________________

Paaralan:____________________________________ Iskor:______________________

I. Paksa: Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo

II. KASANAYANG PAMPAGKATUTO/LAYUNING PAMPAGKATUTO


1. Nasusuri ang pagkakaugnay ng mga pangyayaring nabasa tungkol sa kaligirang
pangkasaysayan ng El Filibusterismo (F10PN-Iva-b-83
2. Natitiyak ang kaligirang pangkasaysayan ng akda sa pamamagitan ng: (F10PB-Iva-b-86)
a. pagtukoy sa mga kondisyon sa panahong isinulat ang akda.
b.pagpapahayag ng pag-iral ng mga kondisyong ito sa kabuuan o ilang bahagi na akda.
c. pagtukoy sa layunin ng may akda sa pagsulat ng akda.

III. Panuto: Ang mga sumusunod na gawain ay nakapagpapalawak ng kaisipang ng mga mag-
aaral tungkol sa Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo.

IV. Mga Gawain

Gawain 1: ARALIN MO AKO!

Basahin at unawain ang nilalaman ng akda

Ang Kaligirang Kasaysayan ng El Filibusterismo


Ang El Filibusterismo ay isang nobelang pulitikal na isinulat ni Dr. Jose P. Rizal. Ayon sa
kasaysayan kung ikukumpara ito sa naunang nobela ni Rizal na Noli Me Tangere, mas malaki
ang naitutulong ng El Filibusterismo sa mga Pilipino, partikular sa mga katipunero sapagkat
ang akdang ito ang nag-udyok at nagbigay ng lakas ng loob sa mga Pilipino upang lumaban
sa mga Kastila. Ito rin ang nagturo sa mga Pilipino na maging bihasa sa pagkamit ng
tagumpay at matamo ang kaligtasan sa sariling pagsisikap.

Kasaysayan
Taong 1891 nang unang mailimbag ang El Filibusterismo, ngunit bago ito manyari ay
maraming pagsubok na dinanas si Rizal. Marami sa mga paghihirap na ito ay dahilan ng
pagkakalathala ng Noli Me Tangere noong Marso 1887. Katakottakot na pagbabanta ang
natanggap ni Rizal mula sa pamahalaang Kastila sa Pilipinas nang unang lumabas ang
naturang nobela. Maging ang kanyang naiwang pamilya, kaibigan, at kababayan ay giniyagis
ng panggigipit. Kahit na anim na buwan pa lamang niyang muling nakakasama ang pamilya
matapos ang ilang taong pagkakawalay, nagpasiya si Rizal na muling mangibang-bansa
upang mailayo ang mga mahal sa buhay sa kapahamakan.
Tumulak si Rizal patungong Hong Kong noong Pebrero 1888, at mula roon ay naglakbay siya
patungong Japan , Estados Unidos at Inglatera hanggang marating niya ang Europa. Subalit
kahit na malayo na siya sa Pilipinas ay hindi lingid sa kanya ang tunay na kalagayan ng
pamilya at mga kababayan. Habang naglalakbay ay nakatanggap si Rizal ng mga ulat tungkol
sa pag-uusig at matinding pagpapahirap na dinanas ng kanyang pamilya sa kamay ng mga
Kastila. Ang mga ganitong balita ay lubhang nagpahirap sa kalooban ni Rizal. Nadagdagan pa
ang kanyang kalungkutan nang mabalitaang ikinasal sa iba ang kanyang minamahal, dahil
ayaw ng mga magulang nito kay Rizal, na binansagang subersibo at kalaban ng Espanya ng
pamahalaang Kastila. Ang mga pangyayaring ito ang nagpagupo sa diwa at damdamin ni
Rizal kung kaya’t tuwing may pagtitipon ang mga Pilipino sa Madrid, ang kalimitang paksa
niya ay tungkol sa paghihimagsik sa isang mapayapang paraan.
Sa kabila ng mga kasawian sa buhay ay ipinagpatuloy pa rin ni Rizal ang pagsulat sa
ikalawang nobela, na kanyang sinimulang buuin sa tahanan ng kanyang pamilya sa Calamba,
Laguna. Sa London, kung saan siya nanirahan mula Mayo hanggang Setyembre 1888,
pinagpatuloy niya ang pagsusulat, pagrerebisa, at pagwawasto sa manuskrito. Gayon din
ang ginawa niya sa Paris, Madrid at Bruselas, Belgica, kung saan niya isinulat ang malaking
bahagi ng akda.
Natapos ni Rizal ang kabuuan ng nobela noong Marso 21, 1891. Ayon sa talambuhay
ni Rizal na isinulat nina Russel at Rodriguez, naisip nang ipalimbag ni Rizal ang El
Filibusterismo sa pag-asang may sapat na salaping igugugol dito, subalit nabigo siya nang
hindi dumating ang inaasahang pondo. Maging ang mga mayayamang Pilipinong nangako ng
suportang pinansyal ay nangagkalimot sa kanilang salita. Nagsanla si Rizal ng mga alahas,
ngunit hindi rin sapat ang perang kanyang nakuha mula rito. Dahil sa kawalan ng salapi ,
napilitan si Rizal na ipatigil ang pagpapalimbag sa aklat, na noo’y mayroon nang 112
pahinang naiimprenta.
Kalagitnaan ng Setyembre 1891 nang maganap ang isang hindi inaasahang
pangyayari. Dumating buhat sa Paris ang perang padala ng matalik na kaibigan ni Rizal na si
Valentin Ventura. Sa pangyayaring ito, naligtas si Rizal sa pagkakagipit at ang El
Filibusterismo, ay natapos ipalimbag noong Setyembre 22, 1891.
Bilang pagtanaw ng utang-na-loob, inialay ni Rizal kay Ventura ang orihinal na manuskrito
ng El Filibusterismo, at ipinadala ito sa huli kalakip ng isang nilimbag at nilagdaang sipi ng
nobela. Nagpadala rin si Rizal ng mga sipi ng nobela sa matatalik na kaibigan gaya nina
Ferdinand Blumentritt, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena at Juan Luna. Ang
karamihan ng mga nailimbag na kopya ng aklat ay kanyang ipinadala sa Hong Kong,
samantalang ang natitirang bahagi naman ay sa Pilipinas. Ang pagpapadala ni Rizal sa
Pilipinas ng mga sipi ng nobela ay nagpapatunay na sinulat niya ang El Filibusterismo upang
basahin ng mga kababayan at di lamang ng mga taga-Europa.
Sa kasamaaang-palad, nasamsam ang halos lahat ng sipi ng El Fiibusterismo na ipinadala
ni Rizal sa Hong Kong. Maging ang ilang kopyang nakarating sa Iloilo ay ipinasira ng
pamahalaang Kastila. Gayon pa man, may ilang kopya pa rin ng nobela na nakarating at
nabasa sa ilang bahagi ng Pilipinas, at lumikha ng malaking kasiglahan sa kilusang nauukol sa
paghihimagsik.

Ang Akda
Tulad ng nabanggit, ang El Filibusterismo ang pangalawang nobela ni Rizal. Ang
pamagat ng akda ay literal na nangangahulugang “ang pilibustero” o “ ang rebelde,” na
nagpapatungkol sa paglaban sa pamahalaan at sa simbahan. Maaari rin itong
mangahulugang “ paghahari ng kasakiman”.
Sa dalawang nobelang kanyang isinulat, higit na pinagtuunan ng pansin ni Rizal ang El
Filibusterismo. Ninais niyang gawin itong mas mahaba kaysa sa Noli Me Tangere, ngunit
napaiksi ito dahil sa kasalatan sa salapi.
Sa kasalukuyan , makikita ang orihinal na manuskrito ng El Filibusterismo sa National
Library sa Maynila. Ito ay nasa sulat-kamay ni Rizal at binubuo ng 279 na pahina ng
mahabang pirasong papel a kanyang binili kay Ventura sa halagang 10,000.00

Tema
Sa pamagat pa lamang ay mababatid na ang nilalaman ng nobela at isa itong
nobelang pulitikal. Tumatalakay ito sa mga maling gawi at pamamalakad ng pamahalaan at
ng simbahan. Inilalarawan din dito ang kapaitan ng buhay, ang agwat ng mayaman at
mahirap, at ang pangingibabaw ng galit sa puso ng bawat tauhan, na nagsilbing udyok sa
mga mamamayang Pilipino na maghimagsik upang makamit ang hinihinging pagbabago sa
mapayapang paraan.

Tagpuan
Nabanggit sa nobela ang ilang makatotohanang lugar sa Pilipinas tulad ng Ilog Pasig,
kung saan naglayag ang luma’t mabilog na barkong binanggit sa akda; ang Laguna de Bay;
ang Quiapo at iba pang lugar sa Maynila at mga karatigpook nito.

Tauhan
Mula sa pananamit, pagkilos, pananalita, pag-iisip at pakikitungo ng mga tauhan ng
nobela, mababakas ang tunay na pagkatao ng bawat isa. Makikita ang kahinaan at
kalakasan, ang pagiging mapagkunwari, ang paghihimagsik at ang pag-aalinlangan, na pare-
parehong nagbigay linaw sa tunay na layunin at mithiin ng may- akda.

Kaisipan
Punong-puno ng matatayog na kaisipan at gintong aral ang nobelang El
Filibusterismo. Nasa mambabasa kung paano bibigyan ng kahulugan at kongklusyon ang
mga ito, kung kaya’t kailangan ang masusing pagsusuri upang maunawaan ito nang lubos.
Gawain 2:
PANUTO: Basahing mabuti ang mga sumusunod na pahayag at piliin ang letra ng
pinakatamang sagot.Isulat sa patlang ang letra.
_______1. Nakatulong nang malaki ang El Filibusterismo sa mga katipunero sapagkat,
A. ito ang naging dahilan upang matakot ang mga Kastila sa mga Pilipino
B. ito ang naging dahilan upang matutong magbasa ang mga Pilipino
C. ito ang naging dahilan upang maging maayos ang buhay ng mga Pilipino
D. ito ang nag-udyok at nagbigay ng lakas ng loob sa mga Pilipino upang lumaban sa mga
kastila
_______2. Iniwang muli ni Dr. Jose Rizal ang kanyang pamilya kahit anim na buwan pa lang
niyang nakakasama, matapos ang matagal na pagkakawalay upang,
A. mailayo ang mga mahal sa buhay sa kapahamakan
B. balikan ang kasintahang iniwan sa ibang bansa
C. sumulat na muli ng isa pang nobela
D.pasyalan ang iba pang magagandnag bansa

______3. Ang pangyayaring nakapagupo sa diwa at damdamin ni Dr. Jose Rizal ay ang
balitang A. ikinasal sa iba ang kanyang minamahal B. pinag-uusig ng mga Kastila ang
kanyang pamilya C. matinding pagpapahirap ang dinanas ng kanyang pamilya sa kamay
ng mga Kastila.
D. lahat nang nabanggit
_______4. Bilang pagtanaw ng utang na loob, inalay ni Dr. Jose Rizal ang orihinal na
maniskrito ng El Filibusterismo kay A. Ferdinand Blumintritt B. Graciano
Lopez Jaena C. Maximo Viola D. Valentin Ventura
_______5. Ang pagpapadala ni Dr. Jose Rizal ng mga sipi ng nobela sa Pilipinas ay
nagpapatunay na sinulat niya ang El Filibusterismo upang
A. kumita nang malaki sa mapagbibintahan ng nobela
B. makilala siya bilang mahusay na manunulat
C. basahin ng mga kababayan at di lamang ng mga taga Europa
D. Wala sa nabanggit

Gawain 3
PANUTO: Isulat sa patlang ang Tama kung nagsasaad ng katotohanan at Mali kung hindi
batay sa nilalaman ng akda
____1. Maraming pagsubok na dinanas si Dr. Jose Rizal bago nailimbag ang nobelang El
Filibusterismo.
____2. Maging ang kanyang pamilya, kaibigan at kababayan ay nakaranas nang
panggigipit mula sa mga Kastila.
____3. Dahil sa kakulangan ng salapi noong una, napilitan si Dr. Jose Rizal na
ipatigil ang pagpapalimbag ng nobela.
____4. Ang kaibigang si Ferdinand Blumintritt ang tumulong upang mailimbag ang El
Filibuserismo.
____5. Ang mga magulang ng kasintahan ni Dr. Jose Rizal ay ayaw sa kanya, dahil
binansagan siyang subersibo at kalaban ng Espanya
____6. Ang nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal ay tumatalakay sa usaping
pampulitikal
____7. Taong 1891 nang unang malimbag ang El Filibusterismo
___ 8. Inalay ni Dr. Jose Rizal sa GOMBURZA ang El Filibusterismo
____9. Si Maximo Viola ay tumulong upang mailimbag ang akda.
____ 10. Punong-puno ng mga mataatyog na kaisipan at gintong aral ang El Filibusterismo.

V. Panapos na Gawain

1. Dapat pahalagahan ang ginawang pagsasakripisyo ng ating mga bayani para sa bansa?
Bakit?
2. Kailangan bang bigyang- parangal ang mga kababayang nagsakripisyo para sa bayan, lalo
na sa kasalukuyan? Bakit?

SANGGUNIAN
Tudla 10 Binagong Edisyon “Panitikan” “Gramatika” “ El Filibusterismo”
https://prezi.com/l0elprxysfly/mga-tauhan-ng-noli-me-tangere/

SUSI SA PAGWAWASTO MODYUL 1


ARALIN 4.1(Kaligirang Kasaysayan ng El Filibusterismo)
Gawain 1 Gawain 2 Gawain 3
1. A 1. TAMA (ANG MGA MAG-AARAL ANG MAGBIBIGAY NG
2. A 2.TAMA KASAGUTAN)
3.D 3.TAMA 6.TAMA 9.MALI
4.A 4.MALI 7.TAMA 10.TAMA
5. D 5. MALI 8.TAMA

Inihanda ni:
ALEX SHIERNA D. GEMENEZ
Teacher III
LIBERTAD NATIONAL HIGH SCHOOL

You might also like