You are on page 1of 2

“Emilio Aguinaldo y Famy”

Si Emilio Aguinaldo y Famy (Marso 22, 1869 – Pebrero 6, 1964)


ay isang Pilipinong heneral, estadista, at manghihimagsik na
kinikilala bilang unang pangulo ng Pilipinas, kung saan siya
namahala mula 1899 hanggang 1901. Pinangunahan niya ang
mga puwersang Pilipino laban sa Espanya noong Himagsikang
Pilipino at Digmaang Espanyol–Amerikano, at sa Estados
Unidos noong Digmaang Pilipino–Amerikano.
Siya ay isa sa mga pinakakilalang pinuno ng pakikibaka laban sa
mga Kastila, at nang lumáon laban sa mga Amerikano, tungo
sa kasarinlan ng Pilipinas. Namuno siya sa isang pag-aalsa laban
sa pamahalaang Kastila noong taóng 1896. Namuno rin siya sa
ikalawang pagdigma laban sa sandatahang Kastila noong taóng
1898 habang kakampi ang mga Amerikano, Bilang pinuno ng
himagsikan, isinakatuparan niya ang pagpapahayag ng kalayaan
ng Pilipinas noong 12 Hunyo 1898. Siya ang itinanghal na
unang pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 23 Enero 1899.

Himagsikang Pilipino
Noong 1894, sumali siya sa Katipunan o ang K.K.K., isang lihim na samahang
pinamunuan ni Andres Bonifacio, na naglayong itaboy ang manlulupig na Kastila at
makamit ang kasarinlan ng Pilipinas sa pamamagitan ng dahas. Ginamit niya ang nom
de guerre ("ngalang pandigmaan") na Magdalo, patungkol kay Maria Magdalena. Ang
kaniyang sangay ng Katipunan na pinamumunuan ng pinsan niyang si Baldomero
Aguinaldo ay tinawag ring Magdalo.
Nagsimula ang himagsikan sa bayan ng San Juan del Monte (kasalukuyang lungsod
ng San Juan, Kalakhang Maynila). Ngunit sa simula ay hindi sumali ang sangay ni
Aguinaldo dahil sa kakulangan ng pananandata, na isa sa mga dahilan ng pagkatalo ni
Bonifacio sa Pinaglabanan. Habang napilitan sina Bonifacio na gumamit ng gerilya
para makilaban, nanalo sina Aguinaldo sa iba't ibang laban na nakapagtaboy ng mga
Espanyol ng panandalian.
Noong 17 Pebrero 1897, natalo nina Aguinaldo at ilang Katipunero ang puwersa na
pinamumunuan ni Gobernador-Heneral Camilo de Polavieja sa Labanan sa Tulay ng
Zapote sa Cavite. Si Heneral Edilberto Evangelista, inhinyerong sibil, rebolusyonaryo,
at tagatayo ng trintsera, ay namatay sa labanang ito. Ang probinsiya ng Cavite ay
naging importanteng lokasyon ng Rebolusyon at dito rin nakanalo ang Magdalo ng
marami laban sa Espanya.

Biak-na-Bato
Habang tumitindi ang tensiyon, napilitan sina Aguinaldo na lumikas papunta sa mga
bundok. Dito pinirmahan niya ang Kasunduan ng Biak-na-bato. Isusuko ni Aguinaldo
ang kaniyang gobyerno at itigil ang digmaan kapalit ng $800,000 (Mehikanong salapi)
bilang kapalit. Pinirmahan ito noong Disyembre 14 at 15, 1897. Noong Disyembre 23,
umalis sila sa Pilipinas papuntang Hong Kong para lumikas. Ang dala nilang $400,000
(unang installment) ay dineposito sa mga bangko sa Hong Kong. Dito, inayos ni
Aguinaldo ang gobyerno at tinawag niyang Kataas-taasang Konseho ng Bayan.
Isang rebolusyonaryong heneral, si Francisco Makabulos, ay nagtatag ng Komiteng
Ehekutibong Sentral na siyang naging pamahalaan habang wala sina Aguinaldo. Kahit
pumirma si Aguinaldo, tuloy pa rin ang paghuli ng mga Kastila sa mga Pilipinong
sumama sa rebolusyon. Dahil dito, nagsimula muli ang rebolusyon.
Noong Abril 1898, nagkaroon ng digmaan sa gitna ng Espanya at Estados Unidos. Sa
Labanan sa Look ng Maynila, nanalo ang American Asiatic Squadron na
pinamumunuan ni Commodore George Dewey at nasakop ang Maynila. Si Dewey
ang nagbigay ng transportasyon kay Aguinaldo pabalik ng Pilipinas. Bumalik bigla si
Aguinaldo sa kaniyang posisyon at linusob ang Manila.

Pagpapahayag ng kalayaan, diktadura, at pamahalaang mapaghimagsik


Pagkatapos ng pagsimula ng Digmaang Espanyol-Amerikano, bumalik si Aguinaldo sa
Pilipinas noong 19 Mayo 1898.
Noong Mayo 24, dineklara niya na siya ang pinúnò ng buong militar at nagtatag ng
gobyernong diktaturyal na siya bilang diktador.
Noong Hunyo 12, dineklara ang Kalayaan ng Pilipinas sa bahay ng mga Aguinaldo sa
Cavite el Viejo, at binása ang Batas na Nagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas. Ito ay
sinulat sa baybay-Kastila ni Ambrosio Rianzares Bautista, isang kapamilya ni Jose
Rizal, na siya ring bumása.
Noong Hunyo 18, dineklara niya sa pamamagitan ng dekrito ang opisyal na pagtatag
ng kaniyang diktadurya. Noong Hunyo 23, dineklara naman niya ang gobyerno na
rebolusyonaryo at hindi na diktadurya, siya pa rin bílang pangulo.

You might also like