You are on page 1of 1

DALITA SA PANDEMYA

concepcion, francis adrian c.

Para sa mga taong mapalad dahil nakakaya nilang manatili sa kanilang mga
tahanan, ang mga araw man ay tila mahahaba at walang kabuluhan, ngunit ibang
labanan naman ang kinakaharap ng mga frontliner kung saan sa bawat araw na
kanilang nakakasalamuha ay nagsasabi ng panibagong trahedyang kailangan nilang
paghandaan.
Ang masaksihan ang mga doctor at nars na tumutulong sa may sakit ay hindi
nakakabahala sa nakararami, subalit lingid sa kaalaman ng masa ang sagabal na buhat
ng pandemya sa kanilang pagkabalisa lalo pa’t sila’y nakataya sa panganib ng COVID-
19 virus. Ang pagiging isang frontliner ay naglalantad sa kanilang kaligtasan sa mga
agarang mga peligro, kaya’t hindi nila maiwasang umasa sa bawat isa. Ngunit sa tuwing
sila’y nag-iisa, patuloy pa rin silang kinikilabutan sa takot at hirap na lunukin ang
katotohanang nanganganib ang kanilang buhay.
Ang walang humpay na pagtatrabaho ay tiyak na may kaakibat na hirap at
sakripisyo, ngunit bilang mga frontliner kinakailangan ang patuloy na pagtitiis sa mga
pagkabalisa’t pagkabahala mula sa krisis. Parte man ito ng kanilang ginagampanang
trabaho, subalit ang serbisyong ito ay itinuturing na isang matinding pagsasakripisyo sa
kanilang oras, buhay, at lalong-lalo na ang kanilang kaligtasan ngayong pandemya.
Katulad natin sila na araw-araw nangangamba sa bawat patak ng oras sa isang
araw, ngunit hindi dapat natin ibaon sa kawalan ang mga naging kontribusyon ng
kanilang mga abilidad at dedikasyong mapadali ang pagligtas sa mga naapektuhang
buhay. Hindi dapat natin kinukutya, inaapi, at minamaliit ang kanilang mga sari-sariling
pagsubok pagka’t hindi natin kalianman alam kung gaano kalubha ang sitwasyong
kanilang nasasaksihan sa bawat paggising ng araw.
Samakatuwid, sa panahon kung saan ang pag-asa ay nababalisa, nararapat
lamang na buksan ang mga mata sa kanilang lantarang pakikibaka upang mabuhay, at
dinggin ng mga tainga ang mga boses na humihiyaw sa lumbay pagka’t sila rin ay mga
biktimang dalita sa pandemya.

You might also like