You are on page 1of 10

1

Aralin Filipino 10-Q2-W7


7 Pagpapahayag ng Opinyon
sa Kaisipan ng Sanaysay

Mga Inaasahan
Sa araling ito, babasahin mo ang isang sanaysay na mula sa Germany.
Aalamin mo ang mga kaisipang nakapaloob sa isang anyo ng sanaysay at iyong
ipapahayag ang iyong pananaw o opinyon ukol dito.

Inaasahan na sa pagtatapos ng aralin ay malilinang sa iyo ang sumusunod na


kasanayan:

1. Naiuugnay nang may panunuri sa sariling saloobin at damdamin ang narinig na


balita, komentaryo, talumpati, at iba pa (F10PN-IIg-h-69)
2. Naiuugnay ang mga argumentong nakuha sa mga artikulo sa pahayagan, magasin,
at iba pa sa nakasulat na akda (F10PN-IIg-h-69)
3. Naibibigay ang sariling pananaw o opinyon batay sa binasang anyo ng sanaysay
(talumpati o editoryal) ( F10PB-IIi-j-71)
4. Nabibigyang-kahulugan ang mga salitang di lantad ang kahulugan sa tulong ng
word association (F10PT-IIg-h-69)
5. Nasusuri ang napanood na pagbabalita batay sa paksa, paraan ng pagbabalita at
iba pa (F10PD-IIg-h-68)
6. Naipapahayag ang sariling kaalaman at opinyon tungkol sa isang paksa sa isang
talumpati (F10PS-IIg-71)
Bago tayo magsimula, sagutan mo muna ang paunang pagsusulit upang
masukat ko ang iyong kaalaman sa paksang pag-aaralan.

Paunang Pagsubok

Basahin at unawain ang nilalaman ng sanaysay. Pagkatapos ay sagutin ang


mga tanong. Piliin ang letra ng tamang sagot at ilagay sa sagutang papel.
Kahirapan ay Hindi Isang Hadlang
ni: Len Dolleno
Naghangad na magkaroon ng pakpak ngunit hindi nakalipad dahil sa maigting
na pagkakagapos sa isang kadena ng kawalan. Sinubukang makawala subalit walang
sapat na lakas upang takasan ang buhay na kinagisnan, ang buhay na tinawag na
kalbaryo ng karamihan.

Sa mundong ito, hindi natin malalaman ang buhay na ating mararanasan,


kung mamumulat ba tayo sa buhay na puno ng karangyaan o buhay na isang kahig
isang tuka lamang. Mapalad ka, kung ang buhay na iyong tinatamasa ay marangya,
ngunit, paano kung sa pagmulat ng iyong mga mata sa mundong ito ay puro anino
lamang ng mga mithiin ang iyong nakikita?

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
2

Marami ang naghangad, nagnais at nangarap ng maginhawang buhay, ngunit


nahadlangan ito ng isang bangungot na kay hirap talikuran, ang bangungot ng buhay
na kahit sino ay ayaw pagdaanan, buhay na puno ng kakulangan o kakapusan. Ito'y
maituturing na salot sa ating buhay dahil ito ang sumisira sa ating mga pangarap at
hadlang sa ninanais na tagumpay. Ngunit ang karanasang ito ay hindi sinasabing
hindi sinasadya, dahil sa buhay ng tao ang kahirapan ay hindi isang sumpa kundi
ito'y bunga ng katamaran at kapabayaan sa buhay. Ang kahirapan ay madaling
lagpasan kung ika'y masigasig at maging masipag sa lahat ng bagay, ito'y isang
simpleng bangungot ng buhay na puwedeng takasan sa pamamagitan ng paggising na
may pangarap at buong lakas ng loob na ito'y tapusin. Ang edukasyon ay isang
pangunahing sandata para makawala sa kadena ng kawalan, lumikha ng pangarap at
abutin ito ng buong tapat upang makamtan at malasap ang buhay na hinahangad ng
sangkatauhan.
Sa buhay, hindi hadlang ang kahirapan upang ang mga pangarap ay
makamtan, magtiwala kalang sa iyong sariling kakayahan at huwag sumuko o mag
alinlangan na tapusin ang pangarap na iyong nasimulan dahil ang kagustuhang
mapasaibabaw ay isang tulay patungo sa buhay na punong kariktan at kaginhawaan,
huwag magpaapi sa buhay ng kawalan dahil ito ang magiging rason na matambak ka
sa ilalim at hindi na makakabangon pang muli, huwag hayaang makulong ka ng
kahirapan, maging matapang at tahakin ang tamang daan patungo sa tagumpay at sa
malayo sa kasarinlan na tinatawag nating kahirapan.
http://leneana15.blogspot.com/2015/02/sanaysay.html

1. Ano ang kalbaryong tinutukoy napinagdaraanan ng maraming tao ayon sa


binasang teksto?
A. mga salot sa buhay C. kahirapan
B. kapabayaan sa buhay D. katamaran
2. Ang kahirapan ay maituturing na salot sa ating buhay dahil ito ang sumisira
sa ating pangarap at hadlang sa ninanais ng buhay. Ano ang nais na tukuyin
ng salitang salot sa pangungusap?
A. sakit B. epidemiya C. hadlang D. suliranin
3. Ano ang paksang binigyang diin sa sanaysay na binasa?
A. Pag-unlad sa pagsubok sa buhay
B. Pagtatagumpay mula sa kahirapan
C. Kahirapan ay hindi hadlang
D. Pagtupad ng isang pangarap
4. Ayon sa tekstong binasa, ang kahirapan ay madaling maigupo o wakasan
kung ikaw ay .
A. maging masigasig at masipag sa lahat ng bagay
B. may paninindigang baguhin at harapin ang suliranin ng buhay
C. may edukasyong magiging gabay sa pagtupad ng iyong pangarap
D. maging matapang at tahakin ang tamang daan patungo sa tagumpay
5. Paano malalagpasan ang kahirapan upang maging matagumpay sa buhay?
Ito’y malalagpasan sa pamamagitan ng .
A. pagkakaroon ng pag-asang tahakin ang daan patungo sa tagumpay
B. katapangang harapin ang hamon at suliranin ng buhay
C. positibong pananaw sa kabila ng mga suliraning kinahaharap
D. paglikha ng pangarap at abutin ito ng buong tapat

Nais ko muna na ikaw ay magbalik-aral bago mo basahin ang ating


pangunahing aralin.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
3

Balik-tanaw
Basahin ang maikling teksto sa ibaba at piliin ang salitang nagpalitaw sa
bisa ng kahusayan sa pagsusuri ng bawat pangungusap. Isulat sa sagutang papel.

Ang nobelang “Maynila sa Kuko ng Liwanag” ay isang obra ni Edgardo Reyes.


(1.) Totoong may nilalaman ang pagkakasulat akdang ito. Ang alamat ng esterong
walang nagmalasakit na tandaan, na sa kaitiman ay maaaring nagsisimbolo na rin
mismo sa kaibuturan ng lungsod. (2.) Tunay na nahuli ng nobela ang ingay at
kalagayan ng Maynila. (3.) Talagang tugma ang pagsasalarawan nito sa mga lugar,
pangyayari at tauhang mapupuntahan. (4.) Sa tingin ko pa nga, kung may makakaisip
mang gawin muling pelikula ang librong ito, magiging swak pa rin ito sa panlasa ng
masa. Makatotohanan ito sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad
ng lipunang sinasalamin nito. (5.) Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang
pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni Julio at sa kung paano siya kumilos at
tumugon sa mga nangyayari sa kaniya.

Pagpapakilala ng Aralin

Sa bahaging ito, pag-aaralan mo ang isang sanaysay na pinamagatang “Pag-ibig


na Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall.”

Napakaraming karahasang nangyari sa bansang Germany noong kasagsagan


ng digmaan, kasama na dito ang “Cold War” na nakapagdulot ng pagkakahati nito sa
dalawa: Ang Silangang Berlin at Kanlurang Berlin. Dito nabuo ang ideya sa
pagtatatag ng Berlin Wall. Ang Berlin Wall ay itinayo noong Agosto 12, 1961, bilang
pansamantalang bakod na gawa sa barbed wire para mapaghiwalay ang Silangang
Berlin na kontrolado ng mga komunista at ang Kanlurang Berlin naman na
nagtatamasa ng demokrasya , itinuring itong simbolo ng “ColdWar” sa pagitan ng
demokrasya at komunista. Ang dating mapayapang bansa ay nagkahiwalay sa
dalawang magkaibang estado, na may magkaibang paniniwala at damdamin. Ang
“Pag-ibig na Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall” ay isang kuwentong isinalaysay ng
isang babaeng Berliner na si Amelie Bohler na nakaranas ng malaking pagbabago sa
kaniyang buhay ng sakupin ang kanilang bansa. Ang Berlin Wall na isang pader o
estruktura ang nagkulong at humadlang sa paglago ng mga mamamayan ng Silangang
Berlin.

Ngayong nagkaroon ka ng kaalaman tungkol sa akda, maaari mo nang basahin ang


sanaysay na pinamagatang “Ang Pag-ibig na Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall” mula sa
bansang Germany.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
4

“Pag-ibig na Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall”

Totoo nga ang kasabihang sa buhay ng tao’y walang kasiguraduhan. Minsa’y


matutulog ka lang at paggising mo’y iba na ang iyong kalagayan. Napatunayan ko ito at
ng milyon-milyong Alemang tulad kong natulog lang noong gabi ng Agosto 12, 1961 at
paggising kinabukasa’y mistulang naging bilanggo at hindi na makalabas sa bayang
nabakuran.
Ako si Amelie Bohler, isinilang sa lungsod ng Berlin noong 1939. Ang
isasalaysay ko’y nangyari sa akin at sa aming bayan, limampu’t tatlong taon na ang
nakararaan. Napakatagal nang nangyari subalit sa aki’y parang kahapon lang at
hinding-hindi ko mababaon sa limot. Nakatira ako at ang aking magulang sa
silangang bahagi ng Berlin. Araw-araw ay bumibiyahe ako patungong Kanlurang
Berlin upang pumasok sa aking trabaho. Masaya ako sa aking trabaho dahil marami
akong kaibigan, maganda ang pasahod at higit sa lahat, dito ko nakilala ang aking
kasintahang si Ludwik. Marami kaming plano ni Ludwik at kasama na rito ang
pagpapakasal pagkalipas ng anim na buwan. Sumapit ang gabi ng Agosto 12, 1961.
Tulad ng karamihan sa mga Berliner, natulog ako at umaasang kinabukasan ay

magpapatuloy ang aking buhay. Ni wala sa hinagap kong isang napakahabang


bangungot pala ang nakatakdang mangyari.

Kinabukasan, Agosto 13, 1961, nangyari ang hindi inaasahang biglaang


pagsara ng biyahe ng tren patungong kanlurang Berlin. Sa loob ng magdamag ay
isang bakod na gawa sa alambreng may tinik ang kagyat na itinayo at ipinalibot sa
kabuoan ng Silangang Berlin. Hindi ko matanggap na wala na akong trabaho, mga
kaibigan at ang pinakamamahal kong kasintahan.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaaang Pandaigdig, ang aming bansang Alemanya
o Germany ay nasakop ng Allied Powers. Pinaghatian ng mga ito ang buong bansa
gayundin ang kabisera nitong Berlin. May bahaging napunta sa bawat bansang
kabilang sa Allied Powers tulad ng Estados Unidos ng Amerika, Gran Britanya,
Pransya, at Soviet Union. Noong una’y nagkakasundo ang apat sa paraan ng
pamumuno sa aming bansa subalit hindi rin ito nagtagal dahil sa pagkakaiba sa
paniniwala at pamamahala. Ang Estados Unidos ng Amerika, Gran Britanya, Pransya,
ay pawang nagpatupad ng sistemang demokrasya, samantalang ang sa Soviet Union
ay komunista. Nagkaisa ang tatlong bansa kaya’t mula sa mga bahaging napunta sa
kanila ay nabuo ang Kanlurang Germany na tinatawag ding Federal Republic of
Germany. Ang bahagi namang sinakop ng Soviet Union ay tinawag na Silangang
Germany o German Democratic Republic.
Ang kanlurang Berlin ay namuhay sa demokrasya. Umunlad ang kanilang
ekonomiya, nagkaroon ng maraming trabaho, sumigla ang kalakalan at naging
maganda ang pamumuhay ng mga mamamayan samantala, komunista ang umiral sa
Silangan. Sa halip na tulungan, inangkin ng Soviet Union ang lahat ng
mapapakinabangan at dinala sa kanilang bansa. Naging napakabagal ng pag-unlad at
apektado ang pamumuhay ng mga tao.
Noong 1961, umabot sa dalawa’t kalahating milyong tao ang nag-alsa balutan
at tumakas patungong kanluran. Ikinatakot ng silangan ang bilis ng paglipat ng
kanilang mga mamamayan dahil baka maubusan sila ng magtataguyod sa kanilang
ekonomiya. Naiisip nila ang pagpapatayo ng Berlin Wall upang mahadlangan ang mga
tao sa paglipat sa kabilang bahagi ng bansa.
Dahil sa dagliang pagpapatayo ng bakod na humati sa mga lansangan na nag-
uugnay sa silangan at kanluran na sumikil sa kalayaan ng mga mamamayan, marami
ang nagtangkang tumakas at hindi inalinta ang panganib. Isa ako sa mga sumubok
tumakas upang maipagpatuloy ang dati kong buhay subalit tulad ng maraming iba
pa, nabigo rin ako. Sa pagdaan ng mga taon ay lalo pang pinagtibay at pinataasan

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
5

ang bakod at sinarhan ang mga lagusang dinaanan ng mga naunang tumakas.
Naging mas lalong imposible ang pagtakas. Kinamuhian ko ang aming pamahalaan sa
pagkontrol na ginawa nila sa buhay ko at sa buhay ng mga Berliner na tulad ko.
Paglipas ng dalawampu’t walong taon, isang pangyayari ang muling
gumulantang sa amin noong Nobyembre 9, 1989. Binuksang muli ang Berlin Wall.
Maraming Berliner ang may takot pa ring lumapit sa mga border upang sumubok
tumawid subalit naglulundag sa tuwa nang payagang sila ng mga guwardiya. Sa
isang saglit nagkagulo ang mga tao. Dala ang martilyo, paet, at kung ano pang
maipampupukpok, tulong-tulong na iginuho ng mga mamamayan ang matibay na
bakod. Pagkatapos ay nagyakapan, naghalikan, nagsayawan, nagsigawan, at
nagbunyi ang lahat sa pangyayaring ipinagbunyi rin ng buong mundo. Ang bawat isa
ay nagnais makakuha ng tipak ng batong sumisimbolo sa kalayang sinikil sa loob ng
dalawampu’t walong taon na ngayo’y nakamtan din sa wakas.
Sa karamihan ng mga taong nagsisigawan, Labis akong nasasabik na
makabalita tungkol kay Ludwik sapagkat isang liham ang patagong naipadala niya sa
isang kinatawan ng pamahalaan mula sa Kanlurang Berlin. Maikli lamang
angnilalaman ng liham na nagsabing “Hihintayin kita”. Hindi ko alam kung
matutupad ba niya ang pangakong ito. Sa paglingon ko sa kulumpon ng mga
nagsisigawang tao ay nakita ko si Ludwik. Tinawag ko nang malakas ang kaniyang
pangalan at nang makita ako’y patakbo siyang lumapit nang luhaan. Wala na kaming
inaksayang panahon at sa loob ng isang buwan ay ikinasal na kami. Ngayo’y
ipinagdiriwang na namin ang ikadalawampu’t limang anibersaryo ng aming pag-iisang
dibdib. Sa pagtatakip-silim ng aking buhay ay hinding-hindi ko malilimutan ang
pinakamalaking hadlang na sumubok sa katatagan namin at ng iba pang Berliner. Isa
na itong madilim na bahagi ng kasaysayang pagmumulan ng aral hindi lamang para
sa mga Alemang tulad ko kundi gayundin ng buong mundo. Ang Kalayaan ng tao’y
isang biyaya, kaya naman sa lahat ng nagtatamasa nito, pakaingatan at huwag
hayaang ito’y mawala.
(Pinagyamang Pluma 10, pahina 260-263 nina Emily V. Marasigan, Mary Grace G. Del Rosario, et al)
Maaari mo ring panoorin sa youtube ang bahagi ng sanaysay na iyong binasa, buksan
lamang ang link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=dg-oQ8iuhLI
Malinaw ba sa iyo ang ating aralin? Ngayon ay isagawa mo na ang mga gawaing
inihanda ko para sa iyo.

Mga Gawain
Panuto: Isagawa ang mga gawain. Ilagay sa sagutang papel ang iyong sagot.
Gawain 1 Pagpapalawak ng Talasalitaan
Ibigay ang kasingkahulugan ng mga salitang nakasalungguhit sa pamamagitan ng
gamit nito sa pangungusap. Isulat ang letra ng tamang sagot.
A. pagpigil B. nag-alisan C. suliranin D. umunlad

E. inapi F. pagtanda G. mahirap H. malilimutan


1. Napakatagal nang nangyari subalit sa aki’y parang kahapon lang at hinding-
hindi ko mababaon sa limot.
2. Wala sa hinagap kong isang napakahabang bangungot pala ang nakatakdang
mangyari.
3. Sumigla ang kalakalan sa mga bahagi ng Alemanyang nagpapatupad ng
demokrasya.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
6

4. Napakaraming mamamayan mula sa Silangang Germany ang nag-alsa balutan at


tumakas patungong kanluran.
5. Dahil sa dagliang pagtatayo ng bakod na humati sa mga lansangan nang nag-
uugnay sa silangan at kanluran at sumikil sa kalayaan ng mga mamamayan.
Gawain 2 Pagsagot sa mga Tanong
Sagutin ang mga tanong batay sa tekstong iyong binasa.
1. Anong pangyayari ang sinasariwa ng may-akda na nagbigay daan sa pagpapatayo
ng Berlin Wall
2. Bakit maraming mga Berliner ang nagnais na lumipat sa kanlurang bahagi ng
Germany? Ano ang nagtulak sa mga taong ito upang gawing ang ganitong desisyon?
3. Kung ikaw ay isa sa mga taong nakaranas ng paggiit ng kalayaan, mag-iisip ka rin
bang tumakas? Bakit Oo at bakit Hindi?
4. Paano nakaapekto sa buhay ng mananalaysay at ng mga Berliner ang pagpapatayo
ng Berlin Wall?
5. Ano ang naging kahinatnan ng buhay ng mananalaysay sa binasang akda?
Masasabi mo bang dakila ang uri pag-ibig na nawala at natagpuan sa Berlin Wall.
Gawain 3
A. Paglalahad ng Opinyon o Sariling Pananaw
Balikan ang sanaysay na iyong binasa “Pag-ibig na Nawala at Natagpuan sa Berlin
Wall”. Magbigay ng iyong sariling pananaw o opinyon tungkol sa mga sumusunod na
pahayag.

1. Sa Kahirapang dinanas ng mga mamamayan sa Silangang Germany sa kamay ng


pamahalaang komunista. Marami sa kanilang mamamayan ang nagsitakas upang
makasumpong ng kalayaan mula sa kanlurang bahagi ng Germany.
Ang aking opinyon ay_
2. Maraming ginawa ang pamahalaang komunista upang mapigilan ang pagtakas ng
mga mamamayan patungong kanluran, inatasan ang mga guwardiya na barilin ang
sinumang magtangkang tumakas.
Ang aking opinyon ay
3. Pagkalipas ng dalawampu’t walong taon ang Berlin Wall na nagpahiwalay sa
dalawang bahagi nito ay nabuwag, ang dating magkahiwalay na bansa ay muling
naging isang buong lungsod.
Ang aking opinyon ay
Rubrik sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusumod na puntos:
Mga katangian ng sagot:
➢ Malinaw ang kaisipang inilahad ➢ 5-Taglay ang 3 pamantayan
➢ Mahusay ang pagpapaliwanag ➢ 3-Dalawang pamantayan lamang
➢ Maayos ang pagbuo ng ➢ 1-Isang pamantayan lamang
pangungusap

B. Iugnay sa sariling saloobin o damdamin ang tekstong binasa


Sa loob ng dalawampu’t walong taon ang mga mamamayan ng Silangang Berlin
ay nakulong sa isang sitwasyong bumago ng kanilang pamumuhay. Ang Pagtatayo ng
Berlin Wall sa Silangang Berlin ay sumimbolo sa pagkakakulong ng kanilang mga
pangarap at naging hadlang sa pagtatamasa ng isang mapayapang buhay na puno ng
kalayaan. Sa buhay ng isang kabataang tulad mo ay may mga bagay ring
kumukulong at humahadlang sa iyong paglago bilang isang tao. Ano-ano ang mga
maituturing “Berlin Wall” sa iyong buhay at ano-ano ang magagawa mo upang hindi
ka mahadlangan ng mga ito sa iyong paglago at maging isang mabuting tao?

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
7

Mga Maituturing kong “Berlin Wall” sa Ang magagawa ko upang mawala


buhay ko na humahadlang sa aking paglago ang mga ito sa buhay ko ay……

C. Iugnay ang mga siniping pahayag ng pagpapakahulugan ng kalayaan mula sa


tekstong iyong binasa.
Sa isang malayang bansa, ang pagpapahalaga sa kalayaan ng tao ay isang
bagay na kinikilala ng maraming tao at ipinahahayag sa maraming artikulo, aklat,
magasin, balita, blog at tinalakay rin sa tekstong binasa. Basahin ang mga
sumusunod na pahayag ukol sa kalayaan pagkatapos sagutin ang mga kaugnay na
tanong.

“Ang kalayaan ng tao’y biyaya, kaya naman sa lahat ng nagtatamasa nito,


pakaingatan at huwag hayaang itoy mawala.”
-Amelie Bohler sa sanaysay sa Pag-ibig na
Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall”

“Ang Kalayaan ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung


mayroon ka nito, walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at
nilalayon sa buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na
magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo.
http://wagasmalaya.blogspot.com/2011/06/ano-ang-kalayaan.html

“Lahat tayo ay may karapatan upang maipahayag ang ating sariling opinyon o
saloobin, ngunit sa kabila ng ating kalayaan sa pagpapahayag ay kailangan din
nating harapin ang kaakibat na responsibilidad sa likod nito.”
https://www.facebook.com/2184756198409441/photos/kalayaan-sa-pagsasalita-o-
freedom-of-speechlahat-tayo-ay-may-karapatan-upang-mai/2185330835018644/

1. Batay sa nabasa mong siniping pahayag na naglalahad ng tungkol sa kalayaan,


ano ang iyong sariling pakahulugan ng salitang kalayaan?_
2. Ang kalayaan ng tao’y palagiang may kakambal na pananagutan. Paano mo
makakamit ang iyong kalayaan ng hindi ka tumatapak sa kayaan ng iba? Magtala ng
isang halimbawa.
3. Bilang isang bansa at bilang isang lahi, paano natin mapapatunayang tayo nga ay
may tunay na kalayaang tinatamasa?
Rubrik sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusumod na puntos:
Mga katangian ng sagot:
➢ Malinaw ang kaisipang inilahad ➢ 5-Taglay ang 3 pamantayan
➢ Mahusay ang pagpapaliwanag ➢ 3-Dalawang pamantayan lamang
➢ Maayos ang pagbuo ng ➢ 1-Isang pamantayan lamang
pangungusap

Mahusay! Natapos mo ang mga gawaing ibinigay. Patuloy mo pang palawakin


ang iyong kaalaman.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
8

Tandaan

Matapos mong pag-aralan ang sanaysay at naipahayg ang iyong


pananaw mula sa tekstong binasa. Narito ang mga bagay na dapat mong tandaan:

1. Ang sanaysay ay isang panitikang tuluyan na naglalahad ng kuru-kuro,


damdamin, kaisipan, saloobin, reaksiyon at iba pa ng manunulat hinggil sa
isang makabuluhan, mahalaga at napapanahong paksa o isyu.
2. Ang editoryal o pangulong tudling at lathalain ay mga uri ng sanaysay na
pasulat na karaniwang nababasa at nakasulat sa pahayagan.
3. Ang editoryal ay isang mapanuring pagpapakahulugan ng kahalagahan ng
isang napapanahong pangyayari upang magbigay ng kaalaman,
makapagpaniwala o manlibang sa mambabasa.
4. Ang lathalain ay isang sanaysay batay sa tunay na pangyayari na nagtataglay
ng mga pagpapaliwanag, sanligan at impresiyon ng sumulat. Hindi ito kathang-
isip lamang bilang isang karaniwang sanaysay nagtataglay ito ng
madamdamin, personal o mapagpatawang ideya o pananaw. Pangunahing
layunin nito na manlibang kahit na maaari ring magpabatid o makipagtalo.
5. Ang talumpati ay isang sanaysay na binibigkas. Ito ay isang buod ng kaisipan
o opinyon ng isang tao na ipinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa
entablado sa pangkat ng mga tao.
6. Ang layunin ng mga nabanggit na halimbawa ng sanaysay na pasulat at
pabigkas ay makapagbigay ng kaalaman sa mga mambabasa.

Sa paglalapat ng iyong natutuhan, sagutin ang susunod na gawain.

Pag-alam sa Natutuhan
Sumulat ng maikling talata at ipahayag ang iyong pananaw o opinyon
ukol sa isyung nilalaman ng pahayag, maaari mo ring buksan ang link na ito:
http://chronicle14.blogspot.com/2015/01/maging-matatag-sa-hamon-ng-buhay.html.
Gawin sa sagutang papel.
MAGING MATATAG SA HAMON NG BUHAY
Sa aking pagtanaw sa bintana ay aking nakita ang tunay na buhay ng isang
tao. Nasulyapan ko ang pagtangis at pagdadalamhati sa kanilang mga mata. Dahil sa
pangyayaring ito, naitanong ko sa aking sarili, bakit kaya hindi maalis ang pagdanas
ng mga problema at pagsubok sa buhay? Itong mga problema ay ang nagiging dahilan
upang mawalan ng pag-asa at manatili na lamang sa pagkakalugmok ang ilang tao.
Masakit isipin na ang ilan sa atin ay hindi na nagagawang humanap ng paraan upang
malagpasan at makaraos sa pagdurusa.
Lahat ng tao ay nagkakaroon ng problema. Ito ay maaaring problema sa
kalusugan, edukasyon, pagmamahal, pamilya, pera, at iba pa. Hindi natin masasabi
kung kailan ito darating. Minsan ay paggising pa lang, may problema na agad na
hinaharap. Tila ba, ang mga problema at pagsubok ay isang malakas na hampas ng
alon sa isang kastilyong buhangin na kung saan ay ang sumisira sa buhay.
Bagaman, huwag kang sumuko agad at sa halip ay alalahanin palagi ang salitang
MATATAG.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
9

Rubrik sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusumod na puntos:


Mga katangian ng sagot:
➢ Malinaw ang kaisipang inilahad ➢ 5-Taglay ang 3 pamantayan
➢ Mahusay ang pagpapaliwanag ➢ 3-Dalawang pamantayan lamang
➢ Maayos ang paraan ng pagtalakay sa ➢ 1-Isang pamantayan lamang
paksa at pagbuo ng pangungusap

Pangwakas na Pagsusulit
Basahin at unawain ang teksto. Pagkatapos ay sagutin ang mga tanong. Piliin
ang letra ng tamang sagot at isulat sa sagutang papel.

Talumpati Tungkol Sa Kalayaan

Mahalaga para sa isang tao ang kaniyang kalayaan. Sabi nga nila, minsan ka
lamang mabubuhay, kaya naman mahalaga na kaya mong gawin ang lahat ng bagay
na gusto mo.
Ganito rin ang kahalagahan ng kalayaan para sa isang bansa. Kung mayroong
naisin ang bawat indibidwal, mahalagang ginagalang ng pamahalaan ang kanilang
kalayaan.
Ano nga ba ang dulot ng kalayaan sa isang tao? Kung mayroong kalayaan at
kakayahan ang isang nilalang na magawa ang nais niya, dito lumalabas ang kaniyang
naitatagong talento at nabibigyan ng pagkakataong hubugin ito.
Kung ang isang tao ay mahusay sa pagpaparating ng kaniyang damdamin,
dapat ay hayaan ng pamahalaan na makapagsalita ang mga ito upang mas maraming
tao ang makarinig ng kaniyang damdamin na makapagpapabago rin sa pananaw ng
iba.
Kung ang kagalingan ng tao ay makikita sa maayos na pamumuno, dapat ay
hayaan din ng pamahalaan at bigyan ng pagkakataong makapamuno ito sa kaniyang
mga nasasakupan upang makapaghatid ng pagbabago.
Sa pahina ng kasaysayan, minsan nang ipinagkait ng mga dayuhan ang
kasarinlan ng mga mamamayan na ang-ugat sa kabi-kabilang mga gawi ng katiwalian.
Hindi naging pantay ang pagtrato at pang-aabuso ang tanging natamo sa pagkait ng
kalayaan. Ngayong hawak na natin ito, huwag na sana nating hayaan pang igapos
tayong muli at busalan ang mga bibig upang hindi na makalaban pa para sa
ating mga karapatan
https://www.panitikan.com.ph/talumpati-tungkol-sa-kalayaan

1. Batay sa iyong binasang teksto, ano ang sarili mong pagpapakahulugan ng


kalayaan?
A. Ito’y nagpapatunay na walang mayaman at mahirap, lahat ay pantay
pantay.
B. Ito’y pagpapahayag ng pananaw, saloobin, at opinyon na walang pinag-
aalinlanganan.
C. Ito’y ay isang karapatan at responsibilidad na dapat pangalagaan ng bawat
isa.
D. Ito’y ipinaglalaban at inaalagaan para sa kasalukuyanag henerasyon at
susunod na salinlahi.
2. Ngayong hawak na natin ito, huwag na sana nating hayaan pang igapos tayong
muli at busalan ang mga bibig upang hindi na makalaban pa para sa ating mga
karapatan. Ang kahulugan ng pahayag ay .
A. maging matapang upang makamit ang anomang layunin na susi ng
pagtatagumpay.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo
10

B. ang kalayaan ay ginagamit sa mabuting paraang pinakikinabangan ng lahat


C. gamitin ang kalayaan upang maipahayag ang saloobin na makatutulong sa
pagbabago ng isang suliranin.
D. responsibilidad ng mga taong nagtatamasa ng kalayaang gamitin ito sa
paraang makapagpapabago ng kanilang buhay.
3. Ano ang bunga ng wastong paggamit ng kalayaan sa isang bansa?
A. ang mga mamamayang nagtatamasa nito’y nakapag-aambag ng kanilang
sariling talento na nakatutulong sa pagbabago ng kanilang bansa.
B. ang mga mamamayang nagtatamasa nito’y nakapagpapahayag ng kanilang
sariling saloobin na nakapagpapabago ng pananaw ng iba.
C. ang mga mamamayan nito’y nagiging produktibo sa anumang bagay at
nagagmit nila para umunlad ang kanilang buhay.
D. ang mga mamamayan nito’y nagagawa ang anumang naisin at napapaunlad
ang kanilang pamumuhay.
4. Sa iyong palagay, Bakit kailangang maunawaan ng mga mamamayan ang halaga ng
kalayaan?
A. upang maging responsableng mamamayan ng isang bansa.
B. upang makapag-ambag ng pagbabago sa isang lipunan.
C. upang maunawaan na ito’y karapatan at responsibilidad ng sinuman na
gamitin sa wastong pamamaraan.
D. upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayang nagbibigay ng
inspirasyon sa nakararami.
5. Ano ang nais iparating ng tekstong binasa?
A. maging matapang sa pagpapahayag ng saloobin hinggil sa suliraning
nakikita sa isang bansa.
B. ang kalayaan ay dapat ipagbunyi dahil nakatulong ito upang magawa ng
sinoman ang kaniyang naisin sa buhay.
C. ang kalayaan ay dapat igalang ng mamamayan at ng pamahalaan
D. ang pagpapahayag ng saloobin o pananaw ay may kaakibat na karapatan at
responsibilidad.

Pagninilay
Panoorin ang isang balita mula sa link na
ito:https://www.youtube.com/watch?v=qyrFThsriRo, Pumili ng isang bahagi mula sa video
na pinanood na may kaugnayan sa mga isyung panlipunan na binanggit sa teskstong
“Pag-ibig na Nawala at Natagpuan sa Berlin Wall. Suriin ang mga sumusunod: Gawin sa
sagutang papel.

Paksa Paraan ng Nilalaman ng Kaugnayan sa


Pagbabalita balita tinalakay na sanaysay

Rubriks sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusumod na puntos:


Mga katangian ng sagot:
➢ Kumpleto ang ibinigay na sagot ➢ 5-Taglay ang 3 pamantayan
➢ Mahusay ang pagpapaliwanag ➢ 3-Dalawang pamantayan lamang
➢ Maayos ang pagbuo ng ➢ 1-Isang pamantayan lamang
pangungusap

Binabati kita sa matiyaga mong pagsagot sa mga gawain na inilaan sa araling ito.
Kung mayroong bahagi sa modyul na ito na hindi mo naunawaan mangyaring makipag-
ugnayan sa iyong guro.

Modyul sa Filipino 10
Ikalawang Markahan: Ikapitong Linggo

You might also like