You are on page 1of 9

TINAJEROS NATIONAL HIGH SCHOOL

ARALING PANLIPUNAN 10
Third QUARTER

ARALIN 2:
GENDER ROLES SA IBA’T IBANG
BAHAGI NG DAIGDIG
• Gender Role, Sex Role, at Gender Ideology
• Gender Role sa Pilipinas: Noon at Ngayon
• Katayuan ng Iba’t Ibang Kasarian sa Iba’t ibang bansa

Learning Capsule 2
(Week 1 - April 12-16, 2021)

1
Kahulugan ng Gender Role, Sex Role at Gender Ideology

Gender Role
Ang mga gender role ay tumutukoy sa mga gawaing iniuugnay sa babae at lalaki batay sa
nakagisnan natin sa lipunan. Halimbawa, ang pagluluto ay iniuugnay natin sa babae habang ang
pagmamaneho ay iniuugnay natin sa lalaki. Subalit ang parehong gawain ay maaaring gawain ng
babae o lalaki, depende sa kaniyang hilig at kakayahan. Gayundin, may mga propesyong
iniuugnay natin sa babae at lalaki (tulad ng nursing sa babae at engineering sa lalaki) subalit sa
katunayan, parehong maaaring pasukin ng babae at lalaki. Wala itong biyolohikal na batayan at
sa halip ay bunga lamang ng tradisyong nakagisnan sa lipunan.

Ang mga larawan ay nagpapakita ng pangkalahatang konsepto sa gender role

Sex Role
Ang mga sex role ay mga gawaing babae o lalaki lamang ang maaaring gumawa batay sa
kanilang biyolohikal o pisyolohikal na katangian. Halimbawa, ang pagreregla, pagbubuntis,
panganganak, at pagpapasuso ay mga sex role na pambabae lamang. Mahalagang maunawaan
na magkaiba ang mga sex role at mga gender role dahil ang una ay mga gawaing maaari lamang
gawin ng isang partikular na kasarian batay sa kaniyang biyolohiya, samantalang ang huli ay mga
gawaing maaaring gawin ng babae at lalaki. Kadalasang ang diskriminasyong pangkasarian ay
nagmumula sa persepsiyong ang mga gender role ay kapareho lamang ng mga sex role kung
kaya’t nagkakaroon ng limitasyn ang mga indibidwal kung ano ang maaari nilang gawin na
katanggap-tanggap sa lipunan batay sa kanilang seks.

2
Ang mga larawan ay nagpapakita ng pangkalahatang konsepto sa sex role

Gender Ideology (Gender Stereotyping)

Ang gender ideology o ideolohiyang pangkasarian ay tumutukoy sa kalipunan ng mga paniniwala at


pakikitungo hinggil sa angkop na papel ng kababaihan at kalalakihan sa lipunan. Halimbawa ng gender
ideology ang paniniwalang ang lalaki ang kailangang magtrabaho habang ang babae ang kailangang
manatili sa bahay upang mag-alaga ng mga anak. Kadalasang ang gender ideology ang siyang
pinagmumulan ng diskriminasyong pangkasarian sa lipunan dahil nagtataguyod ito ng angkop na papel
para sa kalalakihan at kababaihan, at sinomang tumaliwas sa papel na ito ay itinuturing na hindi tumutupad
sa kaniyang “nakatakdang” papel sa lipunan. Halimbawa nito sa paaralan, matatawag na gender ideology
o gender stereotyping kapag ang pinagwawalis ay mga babae at ang taga ayos ng bangko ay mga lalaki.
Gender stereotyping din na matatawag kapag sinabi nating ang paglalaro ng basketball ay panlalaki at ang
volleyball ay pambabae.

Nagiging malinaw na ang mga partikular na gawain tulad ng pagluluto ay puwede sa anomang kasarian
kung ito ay maagang ipamulat ng mga magulang sa mga anak – babae man o lalaki

3
Mga Salik na Humuhubog sa Gender Ideology (Gender Stereotyping)

Kung gender ideology ang pangunahing pinagmumulan ng diskriminasyong pangkasarian,


mahalagang matukoy natin kung ano ang mga salik na nagbibigay-daan sa pagkabuo ng gender ideology
ng isang indibidwal o isang lipunan. Makatutulong ito upang mapagtuonan ng pansin ang sumusunod na
salik nang sa gayon ay maitaguyod ang pantay na pagtingin sa mga kasarian sa lipunan at maiwasan ang
sexism (hindi matuwid na palagay, diskriminasyon, o pagkiling laban sa isang kasarian, kadalasan ay
kababaihan). Pangunahin sa mga salik na ito ang pamilya, edukasyon, relihiyon, media, at mga kaibigan.

Pamilya
Malaki ang papel ng ginagampanan ng pamiya sa paghubog ng ating kamalayang pangkasarian.
Dahil pamilya ang unang institusyong ating kinamulatan, kung ano ang makita natin dito ang siyang
magiging batayan ng ating paniniwala sa kung ano ang nararapat na papel ng kalalakihan at kababaihan.
Halimbawa, kung sa ating pamilya ay malinaw ang hatian ng gender role kung saan ang ama ang
naghahanapbuhay, nagkukumpuni ng mga sirang tubo o bubong, nagmamaneho ng sasakyan, habang ang
ina ang nag-aalaga sa mga anak, nagluluto, naglilinis ng bahay, naglalaba, namamalantsa, tumutulong sa
takdang-aralain ng anak, nagaasikaso sa asawa, naghuhugas ng pinagkainan, maaaring ito ang maging
batayan ng ating pananw hinggil sa mga gender role ng kababaihan at kalalakihan sa lipunan.

Edukasyon
Sa pagtuntong sa paaralan, nakakikita rin tayo ng batayan sa magkakaibang gawain ng lalaki at babae. Sa
bilang ng guro halimbawa, mapapansing mas maraming gurong babae kaysa lalaki, at ang obserbasyong
ito ay maaaring magpaunlad ng kaisipang ang pagtuturo ay isang pambabaeng gawain. Sa asignaturang
Technology and Livelihood Education (TLE), kung ang paaralan ay may magkahiwalay na asignatura para
sa kalalakihan at kababaihan kung saan ang kalalakihan ay kadalasang tinuturuan ng industrial arts habang
ang kababaihan ay tinuturuan ng home economics, maaaring magkaroon tayo ng ideya na may mga gawaing
maaari lamang gampanan ng mga partikular na kasarian, na maaaring humantong sa pagtatakda ng
limitasyon sa sariling hilig at kakayahan.

Relihiyon
Mahalaga rin ang pepel ng relihiyon sa paghubog ng kamalayang pangkasarian, kung kaya’t
mahalagang suriin kung ano ang katayuan ng kababaihan at iba pang kasarian sa iba’t ibang relihiyon.
Mahalagang pansinin ang mga gawaing panrelihiyon na nagpapahiwatig kung paano tinitignan ang
kababaihan sa lipunan. Halimbawa, ang pagtatakip ng katawan at buhoy ng kababaihang Muslim; ang
pagtalon ng biyuda sa funer pyre ng asawang namatay sa tradisyunal na Hinduismo; ang pagbabawal sa
kababaihang maging pari at humawak ng pinakamataas na posisyon sa Katolisismo; at ang paniniwalang
ang babae ay kailangan munang mabuhay muli bilang lalaki (sa pamamagitan ng reinkarnasyon) sa ilang
sekta ng Buddhismo.

Media
Sa kasalukuyang panahon kung saan maagang nalalantad ang mga bata sa media, lalo na sa mass
media at social media, malaki ang nagiging impluwensiya ng nakikita nila sa media sa kanilang kamalayang
pangkasarian. Sa telebisyon, kung napapanood nila halimbawa sa mga teleserye ang mga babae bilang

4
mahina at laging inaapi habang ang mga lalaki ang malakas at tagapagtanggol ng kababaihan, mabubuo sa
kanilang isipan ang ganitong karakterisasyon ng babae at lalaki sa tunay na buhay. Sa mga patalastas sa
telebisyon, kung ang mapapanood nila ay magaganda at seksing babae ang tagaendorso ng mga produkto
katulad ng gulong ng sasakyan, pintura, o bolpen (mga bagay na walang kinalaman sa kanilang pagiging
babae), maaaring mabuo sa isipan ng mga bata na ang kababaihan ay pandekorasyon lamang upang mabili
ang mga produkto. Sa social media, kung ang mababasa, makikita, o mapapanood nila ay mga
pangungusap, larawan, o mga video clip na nagpapahiwatig na ang mga babae ay mas mahina o mas mababa
ang katayuan kaysa sa mga lalaki, gayon din ang mabubuo sa kanilang isipan

Kaibigan
Bukod sa pamilya, ang mga kaibigan ang madalas na makasama ng kabataan. Kung gayon, malaki
rin ang papel na ginagampanan ng mga kaibigan sa paghubog ng kamalayang pangkasarian ng isang
indibidwal. Halimbawa, may mga grupo ng magkakaibigang lalaki kung saan may mga bagay na hindi
maaaring gawin, kung hindi ay tatawagin silang bakla at hindi tatanggapin sa grupo. Halimbwa, hindi dapat
umiyak, dindi dapat magpakita ng pagiging emosyonal, o hindi dapat gumagamit ng kulay pink. May mga
grupo naman ng magkakaibigang babae kung saan kailangang ang kasapi ay mahilig gumamit ng make-up,
pagsasayaw lamang ang kailangang salihang aktibidad, o dapat mahaba ang buhok. Kabilang ang ganitong
mga tuntutnin sa mga nagiging batayan ng kung ano ang mga katangiang dapat taglayin ng lalaki at babae.

Gender Bias at Diskriminasyon

Ang gender bias ay ang hindi pantay na pagturing sa iba-ibang kasarian. Sa ating bansa, itinuturing
na mas mataas ang pagturing sa lalaki kaysa sa mga babae at iba pang kasarian. Maraming manipestasyon
ang gender bias na nagpapakita ng diskriminasyon sa bawat kasarian. Isa sa manipestasyon ng gender bias
ay ang multiple burden o patongpatong na gawain na pasan-pasan ng kababaihan. Sa panahon ngayon,
normal na ang pagtatrabaho ng kababaihan. Pagpapakita ito na kayang pantayan ng mga babae ang lalaki
sa usapin ng trabaho. Ngunit, hindi lamang sa opisina natatapos ang trabaho ng kababaihan. Pagdating sa
bahay, ang kababaihan din ang inaasahang mag-aalaga sa mga anak at mag-aasikaso sa mga
pangangailangan sa bahay. Ito ang tinatawag na gender division of labor o pagtatakda ng trabaho ayon sa
kasarian. Dahil sa malaking impluwensiya ng iba’t ibang institusyong panlipunan, naikabit na sa bawat
kasarian ang mga gawain. Itinatakda ng lipunan na ang paglalaba, pag-aaalaga ng bata, pagpa panatiling
maayos ang bahay ay nakaatas sa babae at hindi dapat inaasahan ang lalaki sa katulad na mga gawain.
Manipestasyon din ng gender bias ang stereotyping. Ang stereotyping ay pagkakahon ng isang kasarian sa
isang mga takdang katangian, kakayahan, at tungkulin na nilikha lamang ng lipunan. Hindi nakatutulong
ang stereotyping. Nalilimitahan nito ang bawat tao sa kanilang tunay na kakayahan dahil may nakatakda
nang tungkulin na iniatas ang lipunan sa kaniya. Isang halimbawa nito ay ang mga trabaho na pambabae o
panlalaki. Dahil ikinakahon ang mga trabaho na pambabae lamang o hindi kaya ay panlalaki lamang,
nawawalan ng pagkakataon ang isang babae o hindi kaya ang lalaki na tuklasin ang kanilang tunay na
kakayahan dahil limitado ang kanilang pagpipilian.
Halimbawa rin nito ang mga katangian na nakaatas na pambabae lamang o panlalaki lamang. Ang
pagiging malakas, matapang, agresibo, walang emosyon, at matikas ay mga katangian na kumakahon sa
lalaki. Ang pagiging mahina, emosyonal, pasibo, masunurin, at kimi ay mga katangian na kumakahon sa
mga babae. Kapag ang isang lalaki ay nagpakita ng kahinaan o kaya naman ay naging emosyonal, mag-iiba

5
ang tingin sa kaniya ng lipunan gayundin ang magiging tingin sa babae na nagpakita ng pagiging agresibo.
Dito papasok ang diskriminasyon. Kapag ang mga babae at lalaki ay hindi sumunod sa mga “nakatakda o
inaasahang” katangian, kakayahan, at tungkulin na ibinigay ng lipunan sa kanila, sila ay makararanas ng
diskriminasyon. Ang diskriminasyon ay ang hindi pantay na pagtingin at pagturing sa tao dahil lamang sa
kanilang uri, edad, lahi, etnisidad, at kasarian. Ito ay maaaring sa pamamaraan ng pambu bully, iba’t ibang
anyo ng limitasyon, seksuwal na panliligalig, pang-aabuso, at iba pa. Ang gender bias ay isang
diskriminasyon.

Gender Inequality Index


Mayroon na ring mga pagsasaliksik at datos na kinalap upang sukatin ang agwat ng diskriminasyon sa
pagitan ng kababaihan at kalalakihan. Isa na rito ang Gender Inequality Index (GII) na kabilang sa Human
Development Reports ng United Nations Development Programme. Sinusukat ng GII ang gender inequality
sa pamamagitan ng tatlong aspekto:

1. reproductive health– binubuo ng ratio ng maternal mortality (bilang


ng namamatay sa bawat 100,000 panganganak) at adolescent birth
rate (bilang ng panganganak ng mga babaeng edad 15 hanggang 19);

2. empowerment– binubuo ng dami ng nagsisilbing babae sa isang


parliamento, bilang ng mga manggagawang babae at lalaking nasa
edad 15 pataas, at bilang ng mga babae at lalaking edad 25 pataas na
nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon; at

3. economic status– binubuo rin ng bilang ng mga manggagawang babae


at lalaking nasa edad 15 pataas.

Layon ng GII na sukatin ang distribusyon ng pag-unlad sa pagitan ng mga babae at lalaki sa isang bansa.
Kung mas mataas ang GII ng isang bansa, nangangahulugan na mas malaki ang gender inequality sa pagitan
ng kababaihan at kalalakihan. Dahil sa GII, nagkaroon ng basehan upang malaman kung anong mga bansa
ang dapat pang ituon ang atensiyon sa personal at propesyonal na pag-unlad ng kababaihan nito.

GAWAIN 1. DEFINITION OF TERMS


Ibigay ang kahulugan ng sumusunod na konsepto:

1. Gender Role
2. Sex Role
3. Gender Ideology/Gender Stereotyping
4. Sexism
5. Gender Bias
6. Gender Inequality Index

6
GAWAIN 2. PAGSUSURI SA LIPUNAN
Maghanap ng larawan bilang patunay ng mga nagaganap na Gender Ideology sa lipunang Pilipino. Sa
pangatlong kolum, ipaliwang kung dapat ba itong tanggapin o ipagpatuloy.

Mga Salik na Humuhubog sa Larawan Dapat pa ba itong tanggapin o


Gender Ideology ipagpatuloy? Bakit?
Pamilya

Edukasyon

Relihiyon

Media

Kaibigan

Mga Gender Role sa Lipunang Pilipino: Noon at Ngayon

Upang mas maunawaan ang kaugnayan ng seksuwalidad sa kaayusang panlipunan, mahalagang


maunawaan ang mga gender role na ginampanan ng mga katutubo sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.
Kung babalikan ang sinaunang panahon, masasabing ang pamumunong politikal ay hawak ng kalalakihan
bilang mga datu, raha o sultan. Samantala, ang pamumunong espirituwal naman ay hawak ng kababaihan
bilang mga babaylan (sa Kabisayaan) o katalonan (sa Katagalugan). Magkaibang larangan ang politika
at relihiyon subalit magkaugnay at parehong mahalaga sa lipunan, kung kaya’t masasabing parehong
pinapahalagahan ang kababaihan at kalalakihan sa lipunan. Samantala kung may mga lalaking gustong
maging babaylan, pinapayagan naman sila matapos dumaan sa mga pagsubok. Tinatawag silang bayog, o
lalaking babaylan. Kinakailangang magmistulang babae upang magampanan ang prestihiyosong gawaing
ito, at ayon sa mga salaysay, sila ay nag-aasawa ng kapwa lalaki.
Nagsimulang bumaba ang katayuan ng kababaihan at iba pang kasarian sa lipunan sa simula ng
kolonyalismong Espanyol. Naging ekstensiyon ang Pilipinas ng patriyarkal na lipunang pinaggalingan ng
mga Espanyol, na pinagtibay pang lalo ng mga katuruan ng Simbahan na naglagay sa kababaihan sa
mababang posisyon sa lipunan. Gayon din, itinuturing na kasalanan ang pakikipagpareha sa kaparehong
kasarian dahil sa Bibliya diumano ay babae at lalaki lamang ang nilikha ng Diyos. Nagpatuloy ang ganitong
kaayusan sa panahon ng kolonyalismong Amerikano, subalit nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kaso ng
kababaihang nabigyan ng pagkakataong makapag-aral at magkaroon ng karapatang politikal. Sa panahon
ng okupasyong Hapones, dumanan ng matinding dagok ang mga kababaihang hinalay ng mga sundalong
Hapones. Nakilala sila bilang comfort women. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang
sa kasalukuyan, nagpatuloy ang paninidigan ng kababaihan para sa pagkakapantay- pantay ng kasarian sa
lipunan. Naging maigting ang pakikibaka ng mga kilusang kababaihan lalo na noong dekada 70 hanggang
80 sa pagkatatag ng mga kilusang kababaihan katulad ng MAKIBAKA, PILIPINA, at GABRIELA.
Samantala, itinuturing namang unang organisadong politikal na pagkilos ng pamayanang LGBT ang Gay

7
Pride March noong June 1994 sa Quezon Memorial Circle na inorganisa ng PRO-GAY Philippines
(Progressive Organization of Gays in the Philippines).

GAWAIN 3. GENDER TIMELINE


Ilarawan ang katayuan, tungkulin, o kalagayan ng iba’t ibang kasarian sa lipunan sa magkakaibang
panahon.

Sinaunang Panahon

Panahon ng Espanyol

Panahon ngAmerikano

Panahon ng Hapon

Pagkatapos ng
Ikalawang Digmaang
Pandaigdig hanggang
sa kasalukuyan

8
Katayuan ng Iba’t Ibang Kasarian sa Iba’t Ibang Bansa

Bagama’t masasabing malayo na ang narating ng kababaihan sa kanilang pakikibaka para sa pantay
na karapatan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, hindi pa rin ganap na nawawala ang diskriminasyon at
opresyong pangkasarian sa lipunan. Halimbawa, may mga bansa pa rin sa kanlurang Asya kung saan
pinarurusahan ng pagbato hanggang mamatay ang kababaihang napatunayang nagkasala ng pakikiapid
habang ang kalalakihan ay pinapayagang mag-asawa nang higit sa isa. May mga bansa rin sa rehiyon
kung saan ipinagbabawal pa rin ang pagmamaneho ng babae. Samantala, nakaboto lamang sa unang
pagkakataon ang kababaihan sa Saudi Arabia noong 2015.
Sa kaso ng LGBT, magkakaiba rin ang pagtanggap sa kanila sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Sa
sarbey na isinagawa ng Pew Research Center noong 2013 tungkol sa pagtanggap sa homoseksuwalidad o
pakikipagpareha sa parehong kasarian, lumitaw na mas tanggap ang homoseksuwalidad sa North America,
European Union, at karamihan sa mga bansa sa Latin America. Laganap naman ang hindi pagtanggap dito
sa mga bansang Muslim at Africa, gayon din sa ilang bahagi ng Russia at Asia. LUmabas din sa sarbey na
mataas ang porsiyento ng hindi pagtangap sa homoseksuwalidad sa mga bansang mataas ang antas ng
pagiging relihiyoso. Mas marami ring babae kaysa lalaki ang tumatanggap sa homoseksuwalidad, at mas
maraming bata kaysa sa matanda ang positibong pagtingin dito. Sa nasabing sarbey, lumabas na 73% ng
sinarbey nila sa Pilipinas ay tanggap ang LGBT.
Samantala, ayon naman sa The Guardian, may anim na bansa sa daigdig kung saan itinuturing na
malayo na ang narating ng kampanya para sa karapatan ng mga LGBT. Ang mga ito ay ang sumusunod:

1. Colombia kung saan pinahihintulutan ang same-sex marriage at tinanggal ang


restriksiyon ng mga same-sex couple sa pag-aampon;
2. Jamaica kung saan sinusugan ang anti-sodomy law;
3. Mozambique kung saan hindi na itinuturing na krimen ang homoseksuwalidad;
4. Nepal na noong 2015 ay kasama sa iilang bansa na naglagay ng
pangatlong kasarian (o para sa indeterminate gender) sa pasaporte;
5. Taiwan kung saan maaari nang ipatala ng mga same-sex couple ang kanilang
Pagiging magkapareha sa mga lokal na household registration office sa Taipei; at
6. Vietnam kung saan pinapayagan ang same-sex marriage.

Gayon pa man, may mga bansa pa rin kung saan matindi ang diskriminasyon at opresyon sa LGBT.
May mga bansa kung saan itinuturing na krimen ang homoseksuwalidad at ilan dito ay nagpapataw ng
parusang kamatayan sa mga homoseksuwal. Kabilang dito ang Saudi Arabia, Yemen, Iran, Sudan, at
Mauritania. Pagkakulong naman ang parusa sa mga homoseksuwal sa India, Egypt, Papua New Guinea, at
Algeria, habang may batas laban sa pagpapahayag ng homoseksuwalidad sa Russia.

GAWAIN 4. PAGSULAT NG SANAYSAY


Sumulat ng sanaysay na sasagot sa tanong na: “Dapat bang panatilihin ang kasalukuyang gender
ideology/stereotyping na umiiral sa ating lipunan? Bakit?”.

You might also like