You are on page 1of 4

“Salamat Po, Diyos Ko”

(Maikling Kuwento)

Katatapos lamang ng rises. Inililigpit ni Tessie ang kanyang


pinagkainan nang makaramdam siya ng pagkahilo. Umuuga ang mga
nakasabit na larawan sa dingding. Nang tumingala siya, ang mga
nakabiting ilaw na fluorescent ay gumagalaw gayong wala namang hangin.
Pati na ang mga bentilador sa kisame ay tila inuugoy rin.

“Lumilindol, mga bata,” sabi ni Gng. Ortiz. “Dali, magkubli kayo sa


ilalim ng desk!”

Tila iisang taong nagkubli ang mga


bata isa ilalim ng kani-kanilang desk. Wala
nang panahon na makabalik pa si Tessie sa
kanyang upuan kaya kumapit na lamang
siya nang mahigpit sa katabing mesa. Si
Gng. Ortiz naman ay hindi na umalis sa may
pinto ng silid.

Nang mga sandaling iyon, naisip ni Tessie na hindi nasayang ang mga
pagsasanay nila tungkol sa dapat gawin kung may lindol. Ilang araw rin
silang nagsanay mula nang mapabalita ang nagbabantang pagputok ng
bulkang Taal. Napangiti pa sa sarili si Tessie dahil hindi nila nalimutan ang
sinanay gayong matagal na nilang ginawa iyon.
Tumigil ang pagyanig. Nag-upuan na sa kanilang desk ang mga bata.

“Natutuwa ako sa mabilis ninyong pagkilos, mga bata. Tiyak na uulit


pa ang paglindol. Huwag na ninyong hintayin pang sabihin ko sa inyo ang
dapat gawin. Saka…magdasal kayo habang hinihintay ninyong huminto ang
pagyanig,” sabi ni Gng. Ortiz.

Bago pa nakaalis sa tabi ng mesa si Tessie, nagsimula na naman ang


pagyanig. Mabilis na nagbalikan sa ilalim ng kanilang desk ang mga
kaklase ni Tessie. Ang guro na malapit sa mesa ay nagkubli sa ilalim nito.
Hindi malaman ni Tessie ang gagawin niya. Palakas nang palakas ang
lindol, gayon din ang pagdarasal ng kanyang mga kaklase. Naglaglagan ang
mga palamuting nakasabit sa dingding. Nang tingalain ni Tessie ang mga
nakabiting ilaw at bentilador, nanlaki ang kanyang mga mata. Malakas na
ang indayog ng mga ito. Dinig na dinig pa niya ang paglangitngit ng
bentilador.

“Diyos ko! Diyos ko!” ang sigaw ni Tessie.


Hindi man lamang siya makakilos gayong kitang-
kita niyang tila lalagpak ang bentilador sa
kanyang ulo. Pumikit na lamang siya, hindi na
niya nalaman ang sumunod na pangyayari.

Nang idilat niya ang kanyang mga mata,


agad niyang sinalat ang kanyang ulo. Gulat na
gulat siya! Wala siyang galos man lang! Tumingin siya sa paligid. Nakahiga
siya sa isang desk at mga nakatinging mukha ng kanyang guro at mga
kaklase ang nakatingin sa kanya. Sa dakong likod ng silid ay naroon ang
bumagsak na bentilador.

2
“Ano ang nangyari?” Bakit wala akong sugat? Nabagsakan ako ng
bentilador sa ulo, hindi ba? Buhay pa ba ako?” sunud-sunod na tanong ng
naguguluhang bata.

Natawa ang mga nakapaligid sa kanya kaya napabangon tuloy siya.

“Hindi ka nabagsakan,” sagot ni Merly na siyang may hawak sa bulak


na ipinaaamoy sa kanya. “Nang sumigaw ka, lumabas sa ilalim ng mesa si
Gng. Ortiz at hinatak ka papalayo sa babagsak na bentilador. Mabuti na
lamang at mabilis siya. Kung nagkataon, dalawa kayong nabagsakan. Nang
huminto ang paglindol, binuhat ka namin at inihiga rito sa desk. Sa tulong
ng gamot na ito, eh, natauhan ka,” patapos ni Merly.

“Wala bang nasaktan sa atin? Nakita kong nagbagsakan ang mga


nakasabit sa dingding,” tanong ni Tessie. “Kataka-taka na ang mga ilaw na
fluorescent ay hindi bumagsak.”

“Awa ng Diyos, naligtas tayong lahat,” sagot ni Gng. Ortiz. “Ipaalala


ninyong ipatatanggal ko na rin ang bentilador na iyon,” sabay turo sa
bentilador sa harapan ng silid. “Baka iyon naman ang bumagsak kapag
muling lumindol.”

3
“Salamat po, Diyos ko, at naligtas kaming lahat,” naibulong ni Tessie.
Nagpasalamat din siya sa kanyang mabait na guro at sa mga kaklaseng
nagmalasakit sa kanya.

Mula sa: Baclagon, Helen R. etal. (1999). Filipino Para sa mga Batang Pilipino 6.
Quezon City, Philippine: Abiva Publishing House.

You might also like