You are on page 1of 2

MENSAHE

WILHELMINO M. SY-ALVARADO
Pambansang Buwan ng Pamana (National Heritage Month)
1 Mayo 2021

Isang mapagpalang araw po sa ating lahat!


Taimtim pong bumabati at nakikiisa ang inyong lingkod sa pagdiriwang ng
Pambansang Buwan ng Pamana (National Heritage Month) sa Lalawigan ng
Bulacan at sa buong kapuluan.
Sa gitna ng muling pagdaluyong pataas ng mga tinamaan ng Corona Virus
(COVID-19), lubhang napakahalaga pa rin para sa isang bayang iginuhit ng
kasaysayan, katulad ng Lalawigan ng Bulacan, na mabunying tunghayan ang
mga tala ng nakalipas na dumalisay hindi lamang sa katangian ng mga
magigiting na anak na naghandog ng kanilang buhay, bagkus pati na rin sa
kadakilaan ng ating minamahal na lalawigang napapalamutian ng matingkad at
makulay na kultura at tradisyon. Sa pamamagitan ng paggunita sa mga pamana
ng ating lahi at muli nating paglingon sa mga kaganapan ng kahapon, ang landas
patungo sa hinaharap ay ganap na natatanglawan ng maliwanag na sinag. Sa
pahayag nga ng ating Pambansang Bayani, Dr. Jose P. Rizal,
"Upang mahinuha ang tadhana ng isang bayan, nararapat na buklatin ang
aklat na naglalahad ng kanyang kasaysayan,"
Ang pagdiriwang mg Pambansang Buwan ng Pamana nawa ay hindi
lamang maging bulag at hungkag na pagyukod sa mga probisyon ng
Proklamasyon ng Pangulo Blg. 439, Serye ng 2013, bagkus ay isang maging
makabuluhang pagdiriwang na bibigyang pahalaga at pitagan ng bawat
Bulakenyo ng kasalukuyang henerasyon.
Ang matingkad, makulay at mayamang kultura at kasaysayan ng ating
lalawigan ang siyang dahilan kung bakit masikhay na kumikilos ang
Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, upang pag-ibayuhin ang rikit at kinang
ng ating kasaysayan sa lahat ng pagkakataon at imulat ang kamalayan ng ating
mga mamamayan sa ating mayamang kultura, sa kabila ng paglaganap ng
pandemyang COVID-19 na nagtatangkang lukubin sa karamdaman ang ating
inang bayan. Napakapalad po ng Bulacan sa kanyang kandungan naganap ang
mga makasaysayang yugto ng ating kasaysayan gaya na lamang ng
Pagbubukas ng Unang Kongreso ng Malolos noong ika-labinlima ng Septiembre
mil ocho cientos noventa y ocho, kung saan ang mga kinatawan ng sambayanan
ay nagtipon-tipon sa silong ng Simbahan ng Barasoain, isang banal na pook ng
d.f. delos santos, office of the vice governor 1
ating pampulitikang peregrinasyon upang magdaos ng isang Kongresong
Panghimagsikan na nagpabago sa takbo ng kasaysayan hindi lamang ng
dakilang lalawigan ito kundi ng buong sambayanang Pilipino.
Lubos pong naniniwala ang inyong lingkod na, sa tulong ng agham at
teknolohiya ay ganap pa rin nating maipagdiriwang at mapapahalagahan ang
mabunying araw na ito sa pamamagitan ng “virtual celebration” kagaya nito.
Nawa’y sa ganitong kaparaan ay patuloy na manahan sa ating mga puso’t
kaluluwa ang mga natatanging pamana ng ating lahi at ito’y mahantad ng buong
kapurihan at karangalan sa buong daigdig. Sa diwang ito, ay muli po tayong
nagpupugay at bumabati, sa ating mga minamahal na kalalawigan, sa okasyon
ng Pambansang Buwan ng Pamana.
Maraming salamat po.
God bless the Province of Bulacan!

d.f. delos santos, office of the vice governor 2

You might also like