You are on page 1of 9

Ang Pilosopiyang Pilipino ni Leonardo Nieva Mercado, SVD

Talambuhay ni Mercado

Si Reb. P. Leonardo “Lenny” Nueva Mercado S. V. D. ay


kilalang Pilipinong Pilosopo na naging tagapanguna sa
pagsasaayos ng Pilosopiyang Pilipino batay sa kalakhang
kultura ng mga katutubo. Siya ay ipinanganak sa Cebu
noong ika-16 ng Marso 1935. Ang mgamagulang nya ay
kapwa nagtatrabaho sa Medical Field. Panganay siyasa
limang magkakapatid.

Tinapos niya ang pag-aaral ng elemetarya at sekondarya sa


iba’t ibang mga paaralan sa nasabing lungsod. Maraming
mga pangyayari noong panahon ng Hapon ang naging
dahilan kung bakit nagpalipat-lipat ng paaralan si
Mercado. Noong panahong tinatawag na “Japanese
Occupation,” nagsimula siyang mag-aral ng elementarya
sa Santo Rosario, isang parochial school na pinatatakbo
ng mga madre ng Religious of the Virgin Mary (RVM sisters). Naantala ang kaniyang
pag-aaral nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng mga Hapon at ng mga Amerikano.
Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Grade 4 sa Saint
Theresa’s College. Matapos ang isang taon, lumipat naman si Mercado sa Cebu Normal
School.

Nang matapos ang kaniyang sekondarya noong 1952 at matanggap din ang kaniyang
nanay na si Engracia bílang nars sa Philippine Tuberculosis Society sa lungsod ng
Pasay, nagpasya silang lumipat ng Maynila. Sa Mapua Institute of Technology unang
pumasok si Mercado upang mag-aral ng Mechanical Engineering. Iniwan niya ang
pangarap na maging isang inhenyéro upang mag-aral sa Christ the King Seminary
noong 1954; Dito niya nakilala si Ambrocio Manaligod, isang paring SVD mula sa
probinsiya ng Isabela at itinuturing niyang malaking impluwensiya sa kaniyang uri ng
pamimilosopiya.

Si Ambrocio Manaligod ang nagmulat sa “rebolusyonaryong” damdamin at kaisipan


ni Mercado. Sa silid-aralan ni Manaligod, buháy na buháy ang usapan hinggil sa
kalagayan ng mga unibersidad at mga kongregasyon sa Pilipinas na pinamumunuan ng
mga banyagang pari (sa halip na mga Filipino). Sa kaniyang isinulat na may pamagat
na “Why I Started to Write in Filipino Philosophy?”, kuwento ni Mercado: “’Yung mga
kaisipan ni Fr. Manaligod ang gumising sa akin. Isang nasyonalismo sa pamamahala ang
pangarap niya. Mas pinalalim ko ito at binigyan ng pansin ang intelektuwal na nasyonalismo.
Tinatawag natin ito ngayong enkulturasyon”.

Bukod kay Manaligod, isang eksperto sa lingguwistika ang kaniyang nakasalamuha sa


pinasukan niyang renewal course noong 1970 sa isang institusyon ng mga SVD sa
Nemi, Italy. Itinuro sa kaniya ng nasabing eksperto na parating magkakabít ang wika
at isipan. Kumintal ito sa isipan ni Mercado. Sa mga panahon ding ito niya nabása ang
isinulat ni Hajime Nakamura na Ways of Thinking of Eastern People: India, China,
Tibet, Japan (1971). Naliwanagan ang kaniyang isipan na kung kinikilála ang
kaisipang Indiyano, Tsino, Tibetano, at Hapon, hindi naman siguro maláyong
mayroon ding pananaw-sa-mundo ang mga Filipino.

Kayâ, matapos ang nasabing “renewal course,” nagpaalam si Mercado sa kaniyang


superior sa Divine Word University sa Tacloban para mag-aral ng doktorado sa
pilosopiya. Una siyang pumasok sa Unibersidad ng San Carlos sa Cebu, isang
institusyon na pinatatakbo rin ng mga SVD. Sa puntong ito pa lámang ay alam na ni
Mercado ang nais niyang paglaanan ng panahon, at ito ay ang magsulat hinggil sa
pilosopiyang Filipino. Kuwento pa ni Mercado, “Alam ko na sa aking sarili na ang aking
mga babasahín at mga papel ay patungo sa direksiyon ng pilosopiyang Filipino.

Isang semestre lámang ang inilagi ni Mercado sa Unibersidad ng San Carlos.


Pagkatapos yumao ng itinuturing niyang pangunahing propesor ng pilosopiya sa
nasabing unibersidad, lumipat siya ng Unibersidad ng Santo Tomas upang
ipagpatuloy ang kaniyang doktorado sa pilosopiya. Dito niya naging propesor si
Emerita Quito, na siya ring tumayong kaniyang tagapayo sa isinulat niyang
disertasyon na Elements of Filipino Philosophy, kung saan ginamit niya ang
pinaghalo-halong pamamaraan ng metalinguistic analysis, penomenolohiya, at
comparative oriental philosophy. Natapos niya at nadepensahan ang nasabing
disertasyon noong 1973 at inilathala bílang libro nang sumunod na taon. Masasabing ito
ang pinakaunang literatura pagdating sa usapin ng pilosopiyang Filipino, isinilang ng
pangangailangan ng panahong iyon na hinog na hinog para sa intektuwal na
nasyonalismo (De Leon, 2018, pp. 58-80).

Pumanaw siya noong ika-14 ng Oktubre 2020.


Pasimula

“Mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?” (Elements of Filipino Philosophy, 3).

Ayon kay Mercado, ang sagot sa tanong na ito ay depende kung paano
bibigyang kahulugan ang salita o laranganng Pilosopiya. Sabi ni Mercado, Maaaring
mahati sa tatlo ang panggalingan ng kahulugan ng Pilosopiya. Una, mula kay Aristotle
at ibang mga tradisyunal na sabi “ito ay siyensya na nag-aaral sa mga unang salik at
pinanggagalingan” gamit ang natural na rason o (‘a science that investigates the first
principles and causes” by the light of natural reason). Ikalawa, ay nanggagaling sa mga
existentialists, katulad nina Jean Paul Sarte, Gabriel Marcel, Karl Jaspers, atpb., na hindi
gaanong sang ayon sa depinisyon ng mga tradisyunal sapagkat ang mga pantas na nasa
hanay na ito ay naniniwalang ang pilosopiya ay kaugnay ng ‘existence’ at ang
pinakaprimaryang saklaw nito ay ang tao (Sino ako? Ano ako?) at kabuuan nito mismo.
Ngunit ayon kay Mercado, ang una at pangalawang depinisyon ay nanggagaling sa
mga edukado at elitist ana kung iisipin, ang isang tao ay makakapamilosopiya lamang
kung mayroon siyang sobrang oras pagkatapos magtrabaho para sa ikabubuhay niya.
Kaya ang ikatlong kahulugan na ibinigay niya ay hindi elitista sapagkat ito ay
antropolohikal kung saan ito ay sumasaklaw o nakapukos sa kung paano o ano ang
pananaw o worldview ng isang partikular na grupo ng mga tao at kung saan ito ay ang
rason kung paano mag-isip at gumalaw ang mga tao (Elements of Filipino Philosophy,
3 at 4). Sa punto de bistang ito, ayon kay Mercado, kung mayroon pilosopiya ang bawat
grupo ng tao (na nasa isang lugar), hindi ba ito sumusuonod na mayroon ding
Pilosopiyang Pilipino?

Gayumpaman, maliwanag ang kaibahan ng “tradisyonal na pamimilosopiya” at “di-


tradisyonal na pamimilosopiya” sa pananaw ni Mercado. Sa isang bandá, elitista o
nanggagaling sa namamayaning pilosopikong sistema ang patakaran ng tradisyonal na
pamimilosopiya. Kumbaga, kailangang ipatupad sa partikular na mga bagay at
pagkakataon ang isang unibersal na prinsipyo. Ito ang tinatawag ng iba na
pamimilosopiya mula sa toreng garing (Essays on Filipino Philosophy 187). Sa kabilang
bandá naman, ang di-tradisyonal na pamimilosopiya ay hindi nag-iimbento ng mga
unibersal na prinsipyo na maaaring ipataw sa partikular. Sa halip, layunin nitong
masaliksik, unawain, at maisulat ang pilosopiyang matagal nang kumikilos sa búhay ng
mga tao. Paliwanag ni Mercado: “Ito ay ang pilosopiya ng taong-bayan unang-una sa
lahat, at hindi kung ano ang naisip nina Rizal, Mabini, o ng iba pang mga Filipinong
elitista, maliban na lámang kung ang mga kaisipang ito ay sumasalamin sa punto de
bista ng taong-bayan” (Elements of Filipino Philosophy 4, akin ang salin). Sa madaling
salita, hindi kailangang imbentuhin ayon ni Mercado ang pilosopiyang Pilipino,
sapagkat matagal na itong umiiral sa diwa ng taong bayan.

Kahalgahan ng Pilosopiyang Pilipino

Pamamaraan ng Pamimilosopiya ni Mercado

1. Metalinguistic Analysis- nagsisimula sa mga aspekto ng wika patungo sa pag-


unawa ng nilalaman nitong konsepto. Sa tulong ng lárang ng lingguwistika,
pinapasok ang masalimuot na nilalaman ng wika na siyang sumasalamin sa
diwa ng mga gumagamit nito. Ito ay isang analysis na lampas pa sa limitasyon
ng wika kaya “meta” linguistic ito kung tawagin.
2. Penomenolohiya ng gawi (Phenomenology of Behavior)- Sa pamamaraang
penomenolohiko ni Mercado, lubos na mahalaga ang pagmamasid at
pakikipamuhay. Mahalaga rin, ayon sa kaniya, ang mga naunang pagaaral
hinggil sa usaping tinatalakay na ginawa ng mga dalubhasa sa ibang lárang
tulad ng antropolohiya, sosyolohiya, sikolohiya, at marami pang iba. Mula sa
mga ito, ang isang penomenologo ay humahanap ng mga padron gamit ang
tinatawag na “pagmumunimuni” (Reflection).
3. Comparative Oriental Philosophy- Dito ipinapalagay ni Mercado na mayroong
pagkakatulad ang pananaw-sa-mundo ng magkakaratig na bansa. Ito ang
tinatawag na analohiya ng “family resemblances” o pagiging magkakamukha ng
mga miyembro ng isang pamilya. Bílang mga Asyano, bagaman bawat bansa ay
mayroong sariling kultura, hindi maipagkakaila na mayroong magkamukhang
aspekto ang mga ito. Kayâ, sa mga puntong hindi malinaw ang kahulugan mula
sa wika at ugaling Filipino (gamit ang metalinguistic analysis at phenomenology
of behavior), maaari namang bumaling at pagmasdan ang padron sa mga
kapamilya nating Asyano.
4. Value Ranking- Ang pamamaraan naman na ito ni Mercado ay nakasandig sa
pilosopiya ni Santo Tomas na nagsabing ang pagtingin natin sa mabuti ay
nakadepende sa ating pagkatao. Kaugnay nito, naniniwala si Mercado na
mayroong aspekto sa ating pagkatao ang naiimpluwensiyahan ng ating pagka-
Filipino. Ibig sabihin, mahihiwatigan din ang ating kultura (samakatwid, maging
ang pilosopiya) sa paraan ng ating pagtingin sa mabuti. Paliwanag ni Mercado,
“Ang paghusga sa mga usaping moral ay nakadepende sa pagtatása-ng-
mahalaga ng taong-bayan.

Mga Konsepto at Tema

1. Diwa- Ang diwa ay isang katang-tangi sa kontektstong Pilipino na tumutukoy sa


pagkakaisa at “coherence” na siyang pundasyon ng reyalidad sa kontekstong
Pilipino. SA pamamagitan ng “Diwa” mas mapapalalim natin ang ating
pagkakaintindi sa kultura, kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Idiniin ni Mercado na ang “diwa” ay hindi lamang basta konsepto o teorya,
subalit isa itong paraan ng pamumuhay na humuhubog sa pananaw ng mga
Pilipino.
2. Gawa- Gamit ang pamamaraan ng pagdalumat sa mga kasabihang Filipino,
ipinaliwanag ni Mercado ang dahilan ng kawalang pagkakaiba ng doing at
making sa salitang “gawa.” Para sa kaniya, ang mga kasabihan ay sumasalamin
sa karunungan at pananaw-sa-mundo ng mga Filipino. Kinalap niya ang mga
kasabihang Filipino na makikita sa iba’t ibang wika sa Pilipinas. Isang
halimbawa ang kasabihang “Ang malabis na salita, nakakawala ng gawa”
(Essays on Filipino Philosophy 85). Nilalaman ng kasabihan na mas mahalaga
ang gawa kaysa malabis na salita. Maririnig din ang kasabihang “Ang masama
mong ginawa, babalik din nang kusa.” Masasalamin naman sa kasabihang ito
ang kaugnayan ng gawa at moralidad; kasama na rin ang konsepto ng karma.
Gayundin, ang pilosopiya ng “gawa” ay konektado sa pilosopiya ng kasaysayan
(philosophy of time). Ang kasaysayan (time) ay tinitingnan ng mga Filipino sa
perspektibong “hindi de-linya” (non-linear). Ayon kay Mercado, tinitingnan ng
mga Filipino ang nakaraan at hinaharap bílang bahagi ng kasalukuyan. Ginamit
niyang halimbawa ang kaugalian ng mga Filipino sa pagdiriwang ng Pasko;
inuunahan na ang paparating pa lámang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng
Simbang Gabi, selebrasyon ng bisperas, at marami pang iba. Kumbaga,
ginagawa na sa kasalukuyan ang nasá hinaharap pa lámang (Essays on Filipino
Philosophy 88-89). Ayon kay Mercado, kung ang pananaw sa kasaysayan ay “de-
linya,” ang pagliliwaliw at suweldo ay tinitingnan bílang bunga ng
pagtratrabaho. Hindi magkahalo ang pagtratrabaho (work) at pagliliwaliw
(leisure) sapagkat ang pagliliwaliw ay nasá dulo (hantungan) ng pagtratrabaho.
Subalit, nakita ni Mercado na halos walang ipinagkaiba ang oras ng
pagtratrabaho at oras para sa pagliliwaliw sa pananaw ng mga Filipino.
Paglalarawan ni Mercado: “Halimbawa, hindi purong trabaho ang pagtatanim at pag-
aani, sapagkat kasama dito ang kantahan, inuman, at kainan. Habang inilalatag ng mga
mangingisda ang kanilang mga lambat, nag-iihaw naman ng kanilang mga huli at
uminom ng tuba sa dalampasigan ang ilan sa kanilang mga kasamahan. Makikita rin sa
kabayanan ang nasabing mga halimbawa sa bukid. Isinasabay ng mga tindera sa
palengke ang paglilibang sa tsismis at pakikinig sa radio” (Applied Filipino
Philosophy 35, akin ang salin). Holistiko, ayon kay Mercado, ang pananaw ng
mga Filipino sa “gawa.” Ang ginawa, halimbawa, ng isang tao ay hindi hiwalay
sa kaniyang pagkatao. Ito, ayon sa kaniya, ang dahilan kung bakit sa
pagkakataong napupuna ang resulta ng ating paggawa ay nakararamdam tayo
ng pagpuna sa ating sarili.
3. Loob- Ang salitang Tagalog na “loob” ay inihambing ni Mercado sa salitang
Sebwano na “buot” at salitang Ilokano na “nakem.” Ang mga salitang “loob,”
“buot,” at “nakem,” ayon kay Mercado, ay mayroong nuance na may kaugnayan
sa aspektong intektuwal, bolisyonal, emosyonal, at etikal (Essays on Filipino
Philosophy 167). Kayâ nga ang “loob,” sa konseptong Filipino, ay hindi lámang
aspektong panloob (interior). Kung ang pagbabasehan ay paggamit natin ng
mga salitang tulad ng “kalooban,” “pagbabalik-loob,” “kagandahangloob,”
“pakikipagpalagayang-loob,” “utang na loob,” at marami pang iba, napansin ni
Mercado na ang pananaw ng Filipino sa “loob” ay may malaking kaugnayan sa
konsepto ng “pagkatao.” Ngunit, napansin ni Mercado na ang pananaw ng mga
Filipino sa “utang na loob” ay lampas sa pangkaraniwang konsepto ng
pagkakautang. Ipaliwanag natin ng bahagya ang konseptong ito ni Mercado.
Palasak ang kasabihang “Ang utang na loob ay hindi mababayaran ng salapi.”
Bukod dito, napansin din ni Mercado na may kaugnayan ang konsepto ng utang
na loob sa konsepto ng “hiya.” Sa ugaling Filipino, ang hindi pagtanaw ng utang
na loob ay maituturing na isang kahihiyan. Kapag nasabihan ka, halimbawa, na
walang utang na loob, katumbas nito ang masabihan ng “walanghiya” (Elements
of Filipino Philosophy 65). Ayaw mo namang makilala bílang walang-hiya
sapagkat isa itong bahid sa iyong pagkatao. Samakatwid, napansin ni Mercado
na ang utang na loob ay mayroong kaugnayan sa pangangalaga ng pagkatao
4. Sakop- Sakop ang tawag sa grupo ng mga tao o lugar na nasá ilalim ng
kapangyarihan o awtoridad. Nasasakupan din ng isang punòng-guro ang
sinumang nagtratrabaho sa ilalim ng kaniyang pagsubaybay. Ang sakop ay
maaaring kamag-anak, kasamahan, kaklase, kababayan, kasama sa opisina, at
marami pang iba. Mayroong iba’t ibang mekanismo ng paglikha-ng-sakop ang
mga Filipino. Isang paraan ay ang pagiging malapít sa búhay. Sa pagdaan ng
maraming taon ng pagiging malapít sa isa’t isa, ang mga kapitbahay na hindi
kamag-anak ay tinatawag sa mga terminong pangmagkamag-anak …. Isa pang
mekanismo ay ritwal (compadrazco) tulad ng binyag, kasal, ordinasyon,
investiture o sa mga katulad na pagpapasinaya gaya ng pagpapabendisyon ng
isang bagong bahay (Elements of Filipino Ethics 47, akin ang salin). May
kaugnayan, ayon kay Mercado, ang sosyolohikong konsepto ng “sakop” sa
tinatawag ng mga Filipino na “kapatiran.” Ang salitang “kapatiran” ay nakaugat
sa salitang “kapatid” na ang ibig sabihin ay “iba pang anak ng magulang.” Ayon
kay Mercado, ang pananaw-sa-mundo na tinatawag niyang sakop ay ibang-iba
sa sikolohiya ng mga kanluranin. Ang mga kanluranin (lalong-lalo na ang mga
Amerikano) ay nakasentro sa kapakanan ng indibidwal. Samantálang ang mga
Filipino ay nakasentro sa kapakanan ng kabuoan o ng sakop.
5. Kagandahan- ang pananaw ng mga Filipino sa “kagandahan” ay may malaking
kaugnayan sa “kabutihan.” Ang salitang Tagalog na “ganda” ay halos
kasingkahulugan ng “buti” (good). Makikita ito sa pagbati na “Good morning!”
na katumbas naman ng “Magandang umaga!”; “good news” bílang “magandang
balita”; “good will” bílang “kagandahang-loob” (The Filipino Mind, 88). Dito,
ipinakita ni Mercado ang koneksiyon ng estetika at moralidad sa pananaw ng
mga Filipino. Maging sa kasalungat nitong salita na “pangit,” mababanaag din
ang nasabing koneksiyon. Ang salitang “pangit” ay hindi lámang ginagamit sa
paglalarawan ng pisikal na anyo. Mayroon din itong konotasyon na nakaugnay
sa moralidad. Kayâ nga bukod sa “pangit na mukha,” ginagamit din ang “pangit
mag-isip,” “pangit na ugali,” “pangit na kalooban,” at marami pang iba.
6. Ang Koneksyon ng Wika at Reyalidad- Ayon kay Mercado ang wika ay hindi
lamang isang simpleng instrument para magrepresenta ng reyalidad, bagkus ito
ay isang napakahalagang parte ng mismong reyalidad. Sumasang-ayon si
Mercado na ang kahulugan ng bawat salita sa isang wika ay pabago-bago,
subalit hindi ito nagbabago upang tgugunan ang kultura at kasaysayang
konteksto. Idiiin ni Meracdo na ang Wika ay napakahalaga sa paghubog ng ating
pagkakaintindi sa ating mundo at lugar natin.
7. Pilosopiya ng “Pagka-“- Mulat si Mercado na halos imposible ang ganap na
pagsasalin. Ika nga, ang pagsasalin ay pagtataksil. Maituturing na pagtataksil
ang pagsasalin sapagkat ang bawat wika ay mayroong sariling paraan ng
paggamit na halos imposibleng maisalin. Kayâ, hindi naghahanap si Mercado ng
perpektong katumbas ng salitang “being.” Sa halip, hinahanap niya ang
pinakamabisang salin. Sapagkat kung aasa tayo sa saling kanluranin tila katulad
ito ng pagtatanong ng “Ano ang Mount Fuji ng Pilipinas?” kung saan maaari
naman nating sabihin: “Ano ang Mount Mayon ng Japan?” Sa halip na husgahan
ang salin mula sa ibang kalakaran, ang paghahanap sa katumbas nito ay mas
mainam dulot ng kaibahan ng bawat wika. Kung baga, dapat raw nating tingnan
ang bawat wika mula sa loob.
8. Kalikasan- Pananaw ni Mercado sa mga kanluraning metapisikang ideya. Iginiit
ni Mercado na ang mga teadisyonal na pananaw ng mga taga kanluran sa mga
ideyang “substance”, “cause”, at “essence” ay hindi sapat upang maintindihang
lubusan ang kalikasan ng reyalidad sa kontekstong Pilipino. Binigyang diin ni
Mercado ang koseptong “kalikasan” na tumutukoy sa mga aspeto ng reyalidad
na nakaangkla sa isa’t-isa. Para kay Mercado ang “Kalikasan” ay isang dinamiko
at nagbabagong kosepto na nagpapakita ng komplikado at mayabong na
katotohanan sa ating natural na mundo.
9. Ang Ethics sa kulturang Pilipino- Binigyang diin at importansiya ni Mercado
ang “ethics” sa kontekstong Pilipino. Binigyang diin ni Mercado na ang “ethics”
ay hindi lamang simpleng moral na responsibilidad ng bawat isa, subalit ito ay
isang nakaangklang parte ng sosyal at kultural na estruktura ng ating lipunan na
nagbibigay lalim at nagpapakita kung gaanon ka komplikado ang ating sosyal,
kultural at kasaysayang koteksto. Binighyang diin din ni Mercado ang
importansiya ng hustisya at kabutihang pangkalahatan sa pundasyong etikal sa
ating kulturang Pilipino.
10. Edukasyon- Iginiit ni Mercado na nag edukasyon ay hindi lamang isang
simpleng pagbabahagi at pagpapasa ng kaalaman at kakayahan, bagkus ito ay
isang proseso ng kultural at sosyal na pagbabago. Binigyang diin ni Mercado ang
isang holistikong pamamaraan sa edukasyon na siyang tunay na may halaga sa
ating paniniwala at kultura ng ating pamayanan. Idinagdag din ni Mercado ang
lubhang pangangailangan natin na mas maging kritikal at mas maging
mapagsadiwang pamamaraan ng edukasyon na mas makakapagbigay
inspirasyon sa mga mag-aaral upang masmaging bukas sa mga mas malawak na
diskurso at pagtanggap ng mga mas bagong perspektibo.

Mga Aklat na Akda ni Mercado sa Larangan ng Pilosopiya

1. Elements of Filipino Philosophy. (1974)


2. Applied Filipino Philosophy. (1977)
3. Elements of Filipino Ethics. (1979)
4. Naging editors sa: Filipino Thought on Man and Society. (1980)
5. Legal Philosophy: Western, Eastern, & Filipino. (1984)
6. Philippine Muslim-Christian Dialogue, co-editor niya si Maxwell Felicilda. (1993)
7. The Filipino Mind. (1994)
8. Essays on Filipino Philosophy. (2005)
9. Explorations in Filipino Philosophy. (2009)
10. Artikulo: “A Philosophy of Filipino Time”, in Solidarity 7: 5 (1972)

Sangunian:

De Leon, E. (2018). Leonardo N. Mercado (1935--): Exploration in the Elements of


Filipino Philosophy Beyond the Traditional Doing of Philosophy in the Philippines.
MALAY 30, Vol. 2. pp. 58-80. University of Santo Tomas.

Mercado, L. (1974). Elements of Filipino Philosophy. Tacloban City: Divine Word


University Publications, 1974. Print.

Mercado, L. (1977). Applied Filipino Philosophy. Tacloban City: Divine Word


University Publications.

Mercado, L. (1980). Elements of Filipino Ethics. Tacloban City: Divine Word University
Publications.

Mercado, L. (1984). Legal Philosophy: Western, Eastern, & Filipino. Tacloban City:
Divine Word University Publications.

Mercado, L. (1994). The Filipino Mind. Washington D.C.: The Council for Research in
Values and Philosophy and Divine Word Publications.

Mercado, L. (2000). Filipino Thought. Manila: Logos Publications, Inc..

Mercado, L. (2005). Essays on Filipino Philosophy. Manila: Logos Publications, Inc..

Mercado, L. (2009). Explorations in Filipino Philosophy. Manila: Logos Publications,


Inc..

Mercado, L. (1983). Research Methods in Philippine Context. Editor. Tacloban City:


Divine Word University Publications.

Mercado, L. (1988). Loob: The Filipino Within. Manila: Logos Publications, Inc..

You might also like