You are on page 1of 7

ANO ANG LAKBAY SANAYSAY?

 Ang lakbay sanaysay ay isang uri ng akademikong sulatin na tumatalakay sa mga natuklasan ng
isang manunulat sa kanyang kinalulugaran o paglalakbay.

 Ang isang lakbay sanaysay ay maaaring nasa anyong Replektibo o Impormatibo. Replektibo ito
kung inilalahad ng manunulat ang kanyang damdamin o mga karanasan tungkol sa kanyang
paglalakbay. Impormatibo naman ito kung naglalahad siya ng mga impormasyon tungkol sa
kanyang paglalakbay gaya na lamang ng kanyang ginastos sa paglalakbay, pamasahe,
magagandang tanawin na maaaring puntahan ng mga mambabasa at iba pa.

 Maaaring nasa anyong Travelogue o di kaya ay Travel Blogging ang isang lakbay sanaysay na
kung saan ay ipinakikita o dinodokumento ang iba’t ibang lugar na binisita o mga karanasan ng
isang manunulat sa kanyang paglalakbay.

 Kasabay ng paglaganap ng social media, lumaganap na rin ang travel blogging. Sa pamamagitan
ng travel blog, nabibigyan rin ng ideya sa posibleng iteneraryo o iskedyul ng pamamasyal sa
bawat araw ng byahe at mga posibleng magiging gasto sa bawat aktibidad. Malaki ang
maitutulong ng mga travel blog para sa mga taong nagpaplano pa lamang ng kanilang bakasyon.

 Ang layunin ng pagsulat tungkol sa isang paglalakbay ay makapagbigay ng malalim na insight at


kakaibang anggulo tungkol sa isang destinasyon. Sa ganitong uri ng pagsulat, kailangang
mahikayat ang mga mambabasa na danasin at bisitahin din ang lugar na iyong isinulat.

MGA PAYO SA EPEKTIBONG PAGSUSULAT NG LAKBAY SANAYSAY


1. Magsaliksik.
Magsaliksik at magbasa nang malalim tungkol sa iyong destinasyon bago dumating sa lugar. Huwag
lamang magpakupot sa mga guidebook, bagkus ay unawain ang kasaysayan, ekonomiya, kultura,
agrikultura, pagkain, relihiyon at mga paniniwala ng isang lugar. Sa pamamagitan nito, mas mauunawaan
mo ang mga kakaibang bahagi ng kultura na praktis at mga konteksto nito habang naglalakbay.
2. Mag-isip nang labas pa sa ordinaryo.
Kadalasang makikita sa mga guidebook ang listahan ng mga hotel, kainan na pwede mong puntahan o
mga aktibidad na pwede mong gawin. Ngunit bilang isang mananaysay, kailangan mong magpakita ng
mas malalim na anggulong hindi basta namamalas ng mata. Kailangan mong magkwento ng karanasan,
humanap ng malalim na kahulugan at mailarawan ang lahat ng ito sa maikling paraan.

3. Maging isang manunulat.


Magkaiba ang manunulat ng paglalakbay sa isang turista. Nasa bakasyon ang isang turista habang may
mas malalim na tungkulin at layunin sa paglalakbay ang isang manunulat para sa epektibong pagsulat,
makabubuti ang pagkuha ng mga larawan at mga tala sa mga bagay na naoobserbahan at naririnig mo.

MGA GABAY SA PAGSULAT NG LAKBAY SANAYSAY


1. Hindi kailangang pumunta sa ibang bansa o malayong lugar upang makahanap ng paksang
isusulat. Kung nasa probinsya ka, maaaring humanap ng isang sakahan o linangan na
nagmamanupaktyur ng gatas o keso. Kung urban, maaari mong maging karanasan ang ingay ng
Maynila sa gabi o kung may mga espesyal na pagdiriwang.

2. Huwag piliting pasyalan ang napakaraming lugar sa iilang araw lamang. Kailangang
malalim at malawak ang pagdanas sa karanasan sa isang lugar upang maging malalim din ang
insight na maaaring ibigay sa sanaysay.

3. Ipakita ang kwentong-buhay ng tao sa iyong sanaysay. Malaki ang adbentahe mo kung
nauunawaan mo at nagagamit ang wika ng lokalidad, ngunit kung hindi, maaari kang
makipagkaibigan sa isang lokal na nakakaunawa ng Filipino o Ingles upang lubos mong
maunawaan ang paraan ng pamumuhay sa isang lugar.

4. Huwag magpakupot sa mga normal na atraksyon at pasyalan. Ang simpleng paglalarawan ay


nagbibigay ng mabigat na insight basta’t nasasapol ng isang manunulat ang tamang anggulo.
Huwag piliting isulat ang mga madalas nang makikita sa postcard ng mga turista.

5. Hindi lahat ng paglalakbay ay positibo at puno ng kaligayahan. Kung habang naglalakbay ay


nabiktima ka ng pagnanakaw o panloloko, isulat mo kung ano ang naramdaman mo tungkol dito.

6. Alamin mo ang mga natatanging pagkain na sa lugar lamang na binisita matitikman at


pag-aralang lutuin ito. Maaaring magpaturo sa mga lokal na makikilala sa lugar para sa
layuning ito.

7. Sa halip na mga popular at malalaking katedral, bisitahin ang maliliit na pook-sambahan


ng mga taong hindi gaanong napupuntahan at isulat ang kapayakan ng pananampalataya
rito. Ito ang hindi madalas nababasa sa mga aklat at iba pang babasahin, kung kaya ito ang
magandang maging paksa ng isang Lakbay Sanaysay.
8. Isulat ang karanasan at personal na repleksyon sa paglalakbay. Mahalagang tandaan na ang
isang lakbay-sanaysay ay nakabatay sa iyong sariling karanasan kung gayon, kailangang maging
tapat sa pagsusulat at isulat lamang kung ano ba talaga ang iyong naramdaman o mga naranasan
nang isagawa mo ang iyong paglalakbay.
KAHULUGAN AT HALAGA NG BIONOTE
Nasubukan mo na bang maging isang Host o Emcee sa isang programa sa iyong
paaralan? Kung iyong mapapansin, kapag mayroong mga guest speaker para sa isang
programa na isinasagawa ng iyong paaralan ay kanila itong ipinakikilala muna upang makilala
ng mga taong dumalo sa programa ang tagapagsalita na iyon. Iyon ay isang magandang
halimbawa ng isang Bionote. Narito ang kahulugan ng isang Bionote na lubos na makatutulong
sa iyo upang higit mo pa itong maunawaan.

● Ang isang Bionote ay isang sulating nagbibigay ng mga impormasyon ukol sa isang
indibidwal upang maipakilala siya sa mga tagapakinig o mambabasa o di kaya ay mga
tagapakinig.

Ngayon, bakit ba mahalaga ang isang Bionote? Ano ba ang mga dahilan kung bakit
gumagawa ang isang tao ng Bionote? Narito ang ilang mga dahilan o rason sa paggawa ng
isang Bionote:

✔ Aplikasyon sa Trabaho – Ang Bionote ay maaari mong magamit kapag ikaw ay


maghahanap ng trabaho o nais pumasok sa isang trabaho sa anyo ng paggawa
ng mga resume, bio-date o curriculum vitae.

✔ Paglilimbag ng mga Artikulo – Ito ay madalas mong makikita sa mga unang


pahina ng mga nakalimbag na aklat o artikulo o maaari rin naman itong makita
sa huling bahagi na kung saan, inilalahad dito kung sino ang awtor o manunulat
ng isang aklat at kung ano ang kanyang mga kwalipikasyon.

✔ Pagsasalita sa mga pagtitipon – Kapag nagkakaroon ng mga guest speakers


sa mga programa sa paaralan, bago magsalita ay ipinapakilala muna siya at
iyong pagpapakilala na isinagawa para sa kanya ay isang halimbawa din ng
isang bionote na kung saan binabanggit ang mga kwalipikasyon o kredibilidad ng
isang tagapagsalita sa isang programa o pagtitipon.

✔ Pagpapalawak ng Network Propesyunal – talamak na sa panahon ngayon ang


social networking at upang makabingwit ng mga kliyente, nararapat lamang na
maglahad ng impormasyon tungkol sa tagapamahala nito. Isa rin iyong
magandang halimbawa ng isang bionote.
Iyan ang unang bahagi ng pagtalakay sa paksang Bionote, dumako ka naman ngayon
sa mga dapat tandaan sa pagsulat ng isang Bionote. Ang susunod na paksa ay makatutulong
upang ikaw ay makasulat ng isang mahusay at epektibong Bionote. Unawain mo ito nang
mabuti.

MGA DAPAT TANDAAN SA PAGSULAT NG BIONOTE


Hindi basta-basta ang pagsulat ng isang Bionote. Upang makabuo o makasulat ng isang
mahusay at epektibong Bionote, narito ang ilang mga bagay na kailangang mong isaaalang-
alang sa pagsulat nito.

1. Balangkas sa Pagsulat.
- Bago ka pa magsulat, kailangang maging malinaw sa iyo ang balangkas na
iyong susundin. Tinutukoy ng pagbubuo ng balangkas ang prayoritisasyon ng
mga impormasyong isasama mo sa iyong isusulat na Bionote gaya ng kung alin
sa mga impormasyong iyong inilahad ang iyong uunahin at ilalagay sa huli.

2. Haba ng Bionote.
- Kadalasan ang mga Bionote ay maikli lamang. Madalas ito ay binubuo lamang
ng isa hanggang sa tatlong talata ngunit ito ay nakadepende sa
pangangailangan. Narito ang ilang mga uri ng Bionote ayon sa haba na ibinigay
ni Brogan (2014):

▪ Micro-bionote – Ito ang uri ng bionote na naglalaman ng pangalan,


ginagawa ng ginagawan ng Bionote at mga detalye kung paano
makokontak ang pinapaksang tao sa isang Bionote. Halimbawa na
lamang ay mga business card o di kaya social media bionotes.

▪ Maikling bionote – Ito naman ay binubuo ng isa hanggang tatlong talata


na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa isang
taong ipinapakilala. Isang magandang halimbawa nito ang mga bionote
ng may akda sa isang aklat.

▪ Mahabang bionote – Ito naman ang uri ng Bionote na madalas na


ginagamit sa pagpapakilala ng isang natatanging panauhin.

- Napakahalagang tandaan na bilang manunulat ng Bionote, kailangang alamin


mo muna kung para saan ang iyong isusulat na Bionote upang malaman mo
kung anong uri ng Bionote ang iyong isusulat ayon sa haba nito.

3. Kaangkupan ng nilalaman.
- Sa pagsusulat ng isang Bionote, dapat mong malaman na hindi lahat ng mga
natamo at mahahalagang impormasyon tulad ng propesyunal na trabaho o
edukasyon ay kailangan mong isama sa iyong isinusulat na bionote. Mahalagang
isipin mong mabuti kung ano lang ang kailangang isama sa iyong bionote.

- Makatutulong sa iyo kung aalamin mo muna kung para saan ang iyong isusulat
na Bionote dahil dito mo na ibabase kung ano lang ang mga impormasyon na
may kinalaman dun sa dahilan ng paggawa mo ng bionote. Makatutulong din ang
pagkilala sa mga mambabasa o tagapakinig ng iyong bionote dahil magiging
batayan mo ito sa mga salita at impormasyong iyong ilalahad sa iyong bionote.

4. Antas ng Pormalidad
- Tumutukoy ito sa antas ng mga salitang iyong gagamitin sa iyong isusulat na
bionote. Maaaring nakadepende ang pormalidad ng iyong Bionote sa iyong mga
mambabasa o tagapakinig o di kaya sa mismong paggagamitan mo ng iyong
bionote.

5. Larawan
Hindi naman lahat ng Bionote ay kailangan ng larawan. Kung kailangan ng
larawan para sa iyong Bionote, mainam kung ang iyong gagamiting larawan ay
malinaw at pormal.

Ang Portfolio ng mga sulatin ay isang koleksyon ng mga komposisyon o awtput.


Layunin ng isang portfolio na ipakita ang pag-unlad ng kaalaman at kasanayan sa pagsulat ng
isang mag-aaral o manunulat na katulad mo sa loob ng isang termino o taong-aralan. Ang e-
Portfolio ay isang koleksyon ng mga pinakamaganda at pinakamahusay na akademikong
sulatin sa isang asignatura.
Iyan ang maikli ngunit direktang pagpapaliwanag tungkol sa kung ano ang isang
portfolio. Ngayon ay iyo namang pag-aralan ang iba’t ibang bahagi na bumubuo sa isang
Portfolio.

1. Pabalat
Ang pabalat ay tumutukoy sa mismong takip ng portfolio. Ito ang nagsisilbing proteksyon
ng nilalaman ng isang portfolio.
2. Pamagating Pahina
Ito ang bahagi ng Portfolio na kung saan matatagpuan ang pamagat ng iyong ginawang
portfolio na madalas nakalagay sa pinakaunang bahagi o pahina.
3. Prologo
Ang prologo naman ang bahagi ng Portfolio na naglalaman ng pagpapakilala o
introduksyon tungkol sa nilalaman ng iyong Portfolio. Ito ang magbibigay ng ideya sa mga
mambabasa kung ano ang laman ng iyong portfolio at tungkol saan ito.
4. Talaan ng Nilalaman
Ito naman ang bahagi ng portfolio na katatagpuan ng nilalaman ng isang Portfolio.
Madalas na inilalagay dito ang mga pamagat at pahina ng isang partikular na sulatin. Kilala ito
sa ingles bilang “Table of Contents”. Nakatutulong ito sa mga mambabasa upang mabilis na
mahanap ang isang partikular na nilalaman ng isang Portfolio.
5. Mga Sulatin
Dito matatagpuan ang mga sulatin o compilation ng mga sulatin na iyong isinagawa.
6. Epilogo
Ito naman ang bahagi ng portfolio na naglalaman ng mga kongklusyon ng manunulat
tungkol sa kanyang isinagawang Portfolio maging ang kanyang mga karanasan sa paggawa
nito.
7. Bionote
Ito ang huling bahagi ng portfolio na katatagpuan naman ng mga impormasyon tungkol
sa manunulat ng Portfolio.

ANG PAGGAWA NG PORTFOLIO

1. Pamagatan ang iyong Portfolio.

- Mag-isip ng isa o ilang salitang iyong gagamiting pamagat ng iyong portfolio.


Tiyaking ang pamagat na mapipili ay kakatawan sa nilalaman ng iyong Portfolio, sa
iyong karanasan sa pagsulat at maging sa iyong mga natutunan.

2. Gawin ang pamagating pahina.

- Ilagay sa pamagating pahina ang pamagat ng iyong portfolio, ang iyong pangalan at
kinabibilangang pangkat, pangalan ng iyong guro, at araw ng pagpapasa.

3. Isulat ang iyong Prologo.

- Ipaliwanag dito ang napili mong pamagat ng iyong portfolio, kung bakit mo iyon
napili. Ilarawan ang mga nilalaman ng iyong Portfolio. Maaari ring maglahad dito ng
pag-aalay at pasasalamat. Iminumungkahing gamitin sa bahaging ito ang ikatlong
panauhang perspektibo.

4. Gawin ang talaan ng nilalaman.


- Ihanay ang mga sulating iyong ginawa, ang anyo at pamagat ng bawat isa, mula una
hanggang sa huli at tukuyin ang pahinang katatagpuan ng bawat isa.

5. Tipunin ang iyong mga sulatin.

- Ayusin ang mga sulatin ayon sa pagkakasunod-sunod. Isulat muli ang bawat isa o
ienkowd at iprint muli ang mga ito. Tiyaking ang mga pagkakamali ay naiwasto na.

6. Isulat ang iyong Epilogo.

- Sumulat ng isang replektibon talataan. Ilarawan ang iyong mga naging karanasan sa
pagsulat ng mga sulatin at mahahalagang kaalamang iyong natutunan.

7. Isulat ang iyong Bionote.

- Maikli lamang dapat ang iyong isusulat na Bionote. Muli, gamitin dito ang ikatlong
panauhan at kung maaari ay lakipan narin ito ng iyong pormal na larawan.

8. Palamutian ang iyong Portfolio.

- Upang higit na maging kaakit-akit tingnan ang iyong isasagawang portfolio, mainam
na ito ay lagyan mo ng mga palamuti ngunit huwag pasosobrahan.

You might also like