You are on page 1of 5

MGA DAPAT TANDAAN SA PAGSULAT NG

BIONOTE

Ilan sa mahahalagang bagay na dapat tandaan sa pagsulat ng bionote ang


iminungkahi sa artikulong Guidelines in Writing Biographical Notes (sa
http://www. kaowarsom.be). Ito ay kinabibilangan ng sumusunod:

1. Balangkas sa pagsulat.

Bago ka pa man sumulat ng bionote, kailangang maging malinaw sa iyo


ang balangkas na iyong susundin. Tinutukoy ng pagbubuo ng balangkas
ang prayoritisasyon ng mga impormasyong isasama sa bionote. Bagamat
mahalaga ang lahat ng detalyeng iyong isasama, maging estratehiko sa
paglalagay sa mga impormasyong ito. Itanong sa sarili: Ano ang aking
uunahin o ihuhuli? Alin sa mga impormasyon ang kailangang bigyan ng
higit na elaborasyon? Makatutulong ang mga tanong na ito, upang maging
mahusay ang daloy at maging higit na komunikatibo ang iyong bionote.

2. Haba ng bionote.

Kadalasang maikli lamang ang bionote. Binubuo lamang ito ng isa


hanggang tatlong talata, subalit depende sa pangangailangan, nagbabago
ang haba ng isang bionote. Ayon kay Brogan (2014), isang kilalang social
media guru, may tatlong uri ng bionote ayon sa haba nito: micro-Bionote,
maikling bionote, at mahabang bionote. Ipinaliwanag ni Brogan (2014) na
isang magandang halimbawa ng micro-bionote ang isang impormatibong
pangungusap na inuumpisahan sa pangalan, sinusundan ng iyong
ginagawa, at tinatapos sa mga detalye kung paano makokontak ang paksa
ng Bionote. Karaniwang makikita ito sa mga social media bionote o
business card bionote.

Ang maikling bionote sa kabilang banda ay binubuo ng isa hanggang


tatlong talatang paglalahad ng mga impormasyon ukol sa taong
ipinakikilala. Isang halimbawa nito ang bionote ng may-akda sa isang aklat.
Karaniwan din ang ganitong uri sa mga journal at iba pang babasahin.
Samantala, ordinaryo ang isang mahabang bionote sa pagpapakilala sa
isang natatanging panauhin. Ito ay dahil may sapat na oras para sa
pagbasa nito o espasyo para ito ay isulat. Mahalagang maghanda, kung
gayon, ng iba't ibang haba ng sariling bionote upang mayroong
nakahandang kopya na magagamit sa ano mang pagkakataon.
3. Kaangkupan ng nilalaman.

Dapat mong malaman na hindi lahat ng mga natamo at mahahalagang


impormasyon tulad ng propesyonal na trabaho o edukasyon ay kailangan
mong isama sa bionote. Ang bionote ay isinusulat para sa isang tiyak na
tagapakinig o mambabasa sa isang tiyak na pagkakataon. Dahil dito,
mahalagang isiping mabuti ang mga impormasyong kailangang isama sa
iyong bionote.

Unang dapat bigyang-pansin ang pag-alam sa konteksto ng okasyon o


sitwasyon. Kung alam mo kung para saan ang pagsulat ng bionote,
magiging konsiderasyon mo ito sa pagpili ng mga impormasyon o
detalyeng isasama rito.

Halimbawa, kung ang Bionote ay gagamitin sa pagpapakilala sa


tagapagsalita ukol sa tungkulin ng kabataan sa globalisadong komunidad,
mahalaga sigurong bigyang-pansin ang listahan ng mga imbitasyon sa
ipapakilala na may katulad na tema, ang kanyang mga adbokasiya, mga
asosasyong kinabibilangan na nakatutulong sa mga kabataan, mga
aktuwal na serbisyong kinabilangan bilang kabataan, at iba pa. Ang mga
iba pang impormasyong walang kinalaman sa okasyon ay hindi na
kailangan pang isama. Ibig sabihin, isama lamang ang mga detalyeng may
direktang kinalaman sa okasyon at sekondarya na lamang ang iba pang
walang direktang kaugnayan dito. Alamin din kung sino ang makikinig o
magbabasa ng bionote. Sa pamamagitan nito, maibabagay mo ang mga
impormasyon at mga salitang gagamitin sa bionote. Sa larangan ng
audience psychology, kailangang naaayon ang mga salitang gagamitin sa
propayl ng iyong audience. Kung kilala mo sila, maibabagay mo ang
nilalaman at mga salitang gagamitin mo upang mapukaw ang kanilang
interes at makuha ang kanilang pagtitiwala.

4. Antas ng pormalidad ng sulatin.

Tumutukoy ang antas ng pormalidad sa antas ng mga salitang gagamitin


sa bionote. Nakadepende ang pormalidad/ impormalidad ng wikang
gagamitin sa bionote sa mismong audience at sa klima ng mismong
okasyon na paggagamitan nito. Mahalagang isaalang alang ang
pormalidad/impormalidad ng sulatin sapagkat kahit gaano ito kahusay,
kung hindi naikonsidera ang lebel ng sensibilidad ng mga tagapakinig o
mambabasa, hindi ito magiging epektibo sa paghahatid ng mga
impormasyong ukol sa ipinakikilala.
5. Larawan.

Kung kailangan ng larawan para sa bionote, tiyaking malinaw ang


pagkakakuha ng larawan at hanggat maaari ay propesyonal at pormal ang
dating ng paksa ng bionote sa larawan. Iminumungkahing maglagay ng
larawang kuha ng isang propesyonal na potograpo.

C. MGA HAKBANG SA PAGSULAT NG BIONOTE


Paano mo nga ba dapat isulat ang bionote? Sa pagtalakay ni Brogan (2014),
nabanggit nang isang social media guru, at ni Hummel (2014), isa namang
nobelista, inilahad ang iba't ibang hakbang sa pagsulat ng bionote.
Bagamat hindi naman permanente ang mga hakbang na ito, makatutulong
ito sa mga estudyante at manunulat na bago pa lamang sa larangan ng
pagsulat ng bionote. Narito ang mga ipinanukalang hakbang ng dalawang
eksperto para sa pagsulat g bionote (Brogan, 2014; Hummel, 2014):

1. Tiyakin ang layunin.

Tulad nang nabanggit na sa unang pagtalakay, mahalagang malinaw sa iyo


ang layunin kung bakit kailangang isulat ang bionote. Gagabayan ka ng
iyong layunin kung anong mga impormasyon ang mahalagang isama at
mula rito'y matutukoy mo rin ang magandang paraan upang ilahad ang
mga ito. Kapag tiyak ang layunin, matutumbok mo ang mga detalyeng
nararapat na mabasa o marinig ng mga tao at dahil dito mas mapabubuti
mo ang kanilang pagkilala sa paksa ng bionote at mapatataas din nito ang
kanyang kredibilidad bilang isang propesyonal o indibidwal.

2. Pagdesisyonan ang haba ng susulating bionote.

Maykro, maikli o mahaba ba ang isusulat na bionote? Nakadepende rin sa


layunin ang magiging haba ng bionote. Kung tiyak na ang iyong layunin,
matutukoy mo na rin ang dapat na haba ng iyong bionote. Mahalaga rin
ang pagdedesisyon sa haba ng bionote sapagkat kadalasan ay may
kahingian ang mga organisasyong humihingi nito. Halimbawa, kung ito ay
gagamitin sa isang journal, kadalasang itinatadhana na ng editor nito ang
bilang ng salitang gagamitin sa pagsulat ng bionote. Dahil ito sa
limitadong espasyo na mailalaan sa sulating ito. Kung ito naman ay sa
online gaya ng facebook at twitter, kadalasang limitadong bilang lang din
ng karakter ang magagamit. Kung gayon, kailangang matiyak mula sa
gagamit ng bionote kung ano ang kahingiang haba nito.
3. Gamitin ang ikatlong panauhang perspektib.

Ang paggamit ng ikatlong panauhang perspektib o third person


perspective ay makatutulong upang ipakilala nang obhetibo ang paksa ng
blonote. Kahit pa nga personal mong bionote ang iyong isinusulat,
iminumungkahing gamitin ang perspektibong ito dahil nanunyutralays
nito ang tila pagbubuhat ng sariling bangko dahil inilalahad sa bionote ang
mga pinakamahahaagang tagumpay na natamo. Sa social media naman,
ginagamit ang unang panauhan o first person dahil personal na account
ang mga ito at inaasahang ikaw ang nagpapakilala sa iyong sarili at hindi
ang ibang tao.

4. Simulan sa pangalan.

Bagamat kadalasang binabanggit sa dulo ang pangalan kapag binabasa


lamang ang bionote, kung nasa pasulat na anyo, iminumungkahing ang
pangalan ang unang makikita. May mahalagang dahilan kung bakit
ginagawa ito. Una mayroon na agad katauhan ang ipinakikilala at ikalawa
ay unang mairerehistro sa kamalayan ng mga tao ang pangalan ng
ipinakikilala. Mahalaga ito dahil ang pangalan ang pinakaimportanteng
matandaan ng mga tao bilang isang propesyonal at sinusundan naman ng
mga ginawa at natamo ng paksa.

5. Ilahad ang propesyong kinabibilangan.

Kung ang pagpapakilala ay sa isang komunidad ng mga inhinyero,


mahalagang banggitin na ang ipinakikilala ay kabilang din sa naturang
komunidad; o kung hindi man, kabilang sa isang larangan na may
kaugnayan sa kanila. Halimbawa, kung ikaw ay sumusulat ng aklat sa
arkitektura, mahalagang mabanggit mo na ikaw ay isang arkitekto.
Napatataas nito ang iyong kredibilidad kaya ka nagsusulat ng naturang
aklat sa disiplina. Kung ikaw naman ay tagapagsalita, halimbawa sa total
quality management, importanteng mabanggit na kabilang ka sa
larangang may kinalaman dito. Sa pamamagitan nito, mas maitataas mo
ang antas ng pagtitiwala sa iyo ng mga tao.

6. Isa-isahin ang mahahalagang tagumpay.

Tanging ang mga nakamit at nagawa lamang na may kinalaman sa


audience ang kailangang isama sa iyong bionote. Kung sumusulat ka ng
aklat sa computer science, huwag nang isama pa ang mga bagay na walang
direktang kinalaman dito. Halimbawa, dahil ikaw ay isang advocate ng
anti-graft and corruption practices at naparangalan ka dito, hindi ito
mahalagang detalye ng iyong bionote sa likod ng aklat. Ibig sabihin,
pipiliin mo lamang ang mga impormasyong ibibilang na maaaring
makapagpataas ng antas ng pagkilala sa iyo bilang awtor ng aklat sa
computer science. Hindi naman nangangahulugang walang halaga ang
gawad na iyong natamo, subalit hindi ito esensyal sa pagkakataon. Dahil
nga madalas limitado ang espasyo sa pagsulat ng bionote, krusyal ang
pagdedesisyon sa mga impormasyong ilalagay dito.

7. Idagdag ang ilang di-inaasahang detalye.

Kung mayroong mga delatye ukol sa paksa ng bionote na wala pa sa


kamalayan ng iyong target audience o reader, idagdag ito sa bionote.
Mahalaga na may element of surprise ang pagpapakilala sa iyo. Bagamat
magandang teknik ito upang mapukaw ang interes nila, tiyakin na
maiuugnay ito sa okasyon o pangangailangan ng pagpapakilala sa iyo.
Halimbawa, kapag ang bionote ay sa isang guro ng values education hindi
lamang ang kanyang edukasyon at gawad sa pagtuturo ang mahalaga.
Kapag mayroon siyang mga serbisyong pangkomunidad kahit hindi ukol sa
literasi ay maari niyang isama sa bionate sapagkat ang aktuwal na
pagtulong ay isang uri ng pagtuturo ng pagpapahalaga o values.

8. Isama ang contact information.

Upang mapalawak ang network sa propesyon at upang makonsulta ang


paksa ng bionote ukol sa ekspertis na larangan, makabubuting isama ang
mga impormasyong kung paano posibleng makipag-ugnayan sa kanya
ang mga tao. Kabilang dito ang iyong e-mail, social media account, at
numero ng telepono sa trabaho o personal na numero. Sa ganitong paraan,
napadadali nito ang ugnayan niya sa ibang tao. (Hindi na ito
iminumungkahi ng mga may-akda ng aklat na ito.)

9. Bahasahin at isulat muli ang bionote.

Kapag tapos nang isulat ang bionote basahin mo ito nang malakas. Sa
pagbasa mo nito, makikita mo ang mga dapat pang ayusin, tanggalin man
o dagdagan. Masusuri mo rin kung epektibo ang paglalahad nito. Mula sa
iyong personal na mga puna, muli itong isulat.

You might also like