You are on page 1of 6

Republika ng Pilipinas

Pamantasang Bayan ng Mindanao


Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades
Departamento ng Filipino at Iba Pang Wika
Lungsod ng Marawi

LIT151-Ww
Sanaysay at Talumpati

SANAYSAY

Ipinasa ni:
Sohaila M. Kiram
Ipinasa kay:
Prof. Marjan M. Camama
Paggunita sa Ramadhan
Sohaila M. Kiram

Ang Ramadhan ay ang pinakasagradong buwan ng taon para sa mga Muslim — iniulat na
sinabi ng Propeta Muhammad ‫ﷺ‬, “Kapag nagsimula ang buwan ng Ramadhan, ang mga
pintuan ng langit ay nabuksan at ang mga pintuan ng impiyerno ay isinara at ang mga demonyo
ay nakakadena.” Sa buong buwan ng Ramadhan, ang mga Muslim ay nag-aayuno araw-araw
mula madaling araw hanggang sa paglubog ng araw. Ito ay nilalayong maging panahon ng
espirituwal na disiplina — ng malalim na pagninilay-nilay sa relasyon ng isang tao sa Allah
subhnahu wa ta'ala, dagdag na panalangin, pagtaas ng pagkakawanggawa at pagkabukas-palad,
at matinding pag-aaral ng Quran. Ito ang pinakainaabangan ng mga Muslim taon-taon.

Bilang isang Maranao, ang kultura, tradisyon at paniniwala ay nakabatay sa


pananampalatayang Islam. Ang pag-aayuno ay hindi lamang isang panata kundi isang
mahalagang bahagi ng pananampalataya sa Allah subhanahu wata’ala. Tinatawag ang pag-
aayunong ito bilang Saw’m at kabilang ito sa limang haligi ng Islam. Hindi matatawag na
Muslim o hindi ganap ang pagka-Muslim ng sinumang nag-aangking Muslim ang hindi
pagsasagawa rito. Ramadhan, ang tawag sa buwan ng pag-aayuno, pagsasakripisyo, pagsamba,
paghingi ng kapatawaran, paggunita,at pagsunod sa utos ng Allah subhanahu wata’ala. Ngunit
hindi lahat ay obligado magsagawa ng pag-aayuno tulad ng matatandang walang kakayahan o
mahina ang pangangatawan, mga bataang hindi pa umabot ng pitong taong gulang, mga
nagdadalang tao, babaeng may regla, nagpapasuso ng sanggol at bumibiyahe sa malalayo.

Ilang araw pa bago magsimula ang Ramadhan ay pinag-iisipan ko na kung ano ang
magandang gawin. Kung ako ba ay uuwi sa aming probinsya o mananatili sa dormitoryo sa
pagsalubong sa unang araw ng Ramadhan. Naninibago ako o sadyang hindi na nakakapanibago.
Pangatlong Ramadhan na darating na wala na ang aking pinakamamahal na Umie, pakiramdam
ko wala na akong dapat uwian pa sa probinsya. Nakakapanibago, wala na ang aking
nakasanayang Ramadhan na kasama ang aking pamilya lalo na ang aking Umie. Subalit hindi
nakakapanibagong sasapit ang Ramadhan na malayo sa pamilya. Tumingin ako sa aking paligid.
Pinagmasdan ko ang mga tao. Halos lahat ay abala at nangingibabaw ang ngiti at tuwa ng bawat
imahe ng bawat tao. Ito ay ngiti ng kapayapaang namumutawi sa puso ng bawat Muslim.

Kinabukasan ay napagdesisyunang ko nang umuwi sa probinsya. Pagtapak pa lang ng


aking mga paa palabas ng dormitoryo ay halo-halo ang aking naramdaman. Masaya, malungkot
at pangungulila. Masaya sapagkat masisilayan ko ang aking mahal na Abie at ang aking mga
kapatid. Lungkot dahil babalik ako sa probinsiyang aking sinilangan kung saan maraming
masasayang Ramadhan ang nagdaan na kasama ang aking Umie at ngayo’y tanging kanyang
puntod ang aking nakikita tuwing ako ay umuuwi. Pangungulila sa aking pamilya lalo na sa
aking yumaong Ina sapagkat matagal na rin akong nakikipagsapalaran sa lungsod ng Marawi.

Habang nakatayo ako ay biglang tumunog ang aking telepono, ang aking Bapa (Tito) pala
ang tumatawag. Sinagot ko naman agad ito at nalaman kong pauwi rin siya sa aming probinsya
at kinuha ko ang pagkakataong iyon na sumabay sa kanya pauwi. Pumayag naman ito.
Nakarating ako kung saan naghihintay ang aking Bapa at sinalubong naman ako para kunin ang
dala-dala kong mga gamit. Sumakay na ako sa kanyang sasakyan. Ang tangi ko lang ginawa ay
tumingin sa kawalan. Nagmumuni-muni. Inaalala ang masasayang Ramadhan na nagdaan na kay
sarap balikan. Kumirot ang aking dibdib sa mga ala-alang bumabalik sa aking isipan. Napailing
lamang ako at sinandal ko ang aking ulo sa upuan ng sasakyan at hindi ko namalayang nakatulog
na pala ako. Nagising ako ng humihinto ang sasakyan ng aking Bapa at senyales na pala itong
dumating na kami sa bahay. Napabuntong hininga lamang ako ng bumaba ako sasakyan.
Pinagmasdan ko ang aming bahay. Napakatahimik na para bang nagluluksa pa rin. Nagpatuloy
na ako sa paglalakad pagpasok ng bahay. Nadatnan ko naman ang aking mga kapatid at
pamangkin. Nakangiti sila sa akin kaya sa pagkakataon na iyon ay parang hinahaplos ang aking
puso sa mga ngiting aking nasilayan. Niyakap nila ako. Pagkatapos iyon ay nagpahinga na muna
ako.

Kinabukasan, sumama ako sa aking Abie na mamalengke para sa paghahanda sa unang


araw ng Ramadhan. Nang makarating kami ni Abie sa padiyan ay abalang-abala halos lahat ng
may paninda sa pagsasaayos, pagpapanday at pagpapatayo ng barong-barong na paglalagyan ng
paninda. Habang naglalakad kami ni Abie ay hindi miaalis sa aking paningin ang mga batang
kasing-edad ko na tumutulong sa kanilang mga magulang sa paghahanda. Nakaramdan ako ng
saya dahil ramdam ko ang katiwasayan ng pamumuhay naming lahat sa kabila ng pinagdadaanan
ng bawat isa.

Magdadapit hapon na nang makauwi kami ni Abie mula sa pamamalengke. Hindi pa man
nakakapasok ng bahay ay narinig namin ang panawagan ng pagdarasal na tinatawag na bang o
adzan. Nang mailagay sa hapag ang mga pinamili ay agad ko naming tinungo ang palikuran na
pagkukunan ng tubig na panghugas ng katawan bago magdasal. Pagkatapos kong maghugas ng
katawan na tinatawag naming pag Abdas ay tumungo na ako sa aking kwarto at nakita kong
lumabas naman ang aking Abie para magdasal sa Masjid. Pagkatapos maghapunan ay muli
kaming nagdasal para sa I’sa: dasal sa gabi. Masaya ako sa ganitong mga oras dahil alam kong
ligtas at panatag ang aking kalooban dahil nandiyan ang aking mga nakakatandang kapatid at ang
aking Abie.

Nakaupo ako sa aming sala habang hawak hawak ang aking cellphone para mag-abang
ng
balita sa facebook dahil sa gabing iyon nakatakda ang moonsighting, ito ay titingnan kong
makikita ang buwan sa gabing iyon. Ang gumagawa ng moonsighting ay mga Ulama, mga taong
malaki ang kaalaman sa Islam. Makalipas ang ilang minute ay maraming nagpost na hindi nakita
ang buwan sa gabing iyon kaya Samporna ang mangyayari. Ito ang tawag kapag hindi nakita ang
buwan sa moonsighting na ang ibigsabihin ay hindi pa magsisimula ang pag-aayuno sa gabing
iyon. Kundi sa susunod pang gabi magsisimula. Binalita ko naman agad ito sa aking Abie at sa
aking mga kapatid kaya natulog na lang kami ng maaga.

Kinabukasan ay naghanda na kami para sa unang araw ng Ramadhan. Nilabas na lahat ng


pinamili ni Abie para sa paghahanda at pagsalabong sa Ramadhan. Bawat isa ay labis na
natutuwa, mga ngiting nakaguhit sa kanilang mga labi ay kakaiba. Kay sarap pagmasdan ang
ganitong pangyayari. Bawat isa ay nagagalak sa pagsalubong sa Ramadhan. Ang nakasanayang
lutuin ng aking mga kapatid ay ang Manok na piyaparan, nilalagyan ng niyog. Kabilang ito sa
tradisyunal na pagkain o paraan ng pagluluto ng mga Maranao ng manok. Nagtulong-tulongan
kaming magkakapatid sa pagluluto at paghahanda. Ito ang nakasanayan naming sa tuwing
Ramadhan na bago sumapit ang oras ng pagkain para mag-ayuno ay nagluluto na kami mga apat
na oras pa. para iinitin lamang ito. Pagkatapos namin sa pagluluto ay nagsagawa kami ng
Salatul Taraweeh, ito ay pagdadarasal na tuwing Ramadhan lang ginagawa. Iba ito sa limang
beses na obligadong pagdadasal naming mga Muslim. Isa ito sa pinakamagandang gawain
tuwing Ramadhan. Maraming pumupunta sa Masjid para magdasal ng Salatul Taraweeh.
Pagkatapos kong magdasal ng Salatul Taraweeh ay nagbasa ako ng qur’an. Maraming paraan
ang maaaring gawin sa paggunita sa Allah at isa na roon ang pagbasa ng qur’an kung saan
nakasulat ang kanyang utos at mga salita. Natapos ang bawat isa sa amin magdasal at
napagdesisyonan naming matulog na dahil gigising pa kami alas dos ng umaga.

Nagising ako sa mainit na dampi ng kamay aking Ate bilang hudyat na ng pagkain.sa
mga sandaling iyon bigla kong naalala ang aking Umie na siya ang gumising sa akin tuwing
Ramadhan noong nabubuhay pa. Biglang pumatak ang aking mga luha sa aking mga mata.
Nanikip ang aking dibdib. Subrang nagungulila na ako sa aking Umie. Pinunasan ko ang aking
mga luha kahit hirap at pilit na iminulat ang mga mata ay masigla akong bumangon. Agad
tinungo ang palikuran at naghilamos. Habang kumakain ay pilit na niyayapos ng antok ang aking
balintataw kahit mabilis ang bawat pagsubo. Kinakailangang bago pa man sumapit ang adzan sa
pagdarasal ng Sub’h, dasal sa madaling araw, ay tapos na kaming kumain. Nangangahulugang
hindi na kami maaari pang kumain at uminom ng anuman hangga’t hindi sumasapit ang adzan sa
pagdarasal ng Maghrib, pagdarasal sa gabi. Sa panahon ng Ramadhan, ang mga Muslim ay
gumigising nang maaga bago ang madaling araw upang kumain ng unang pagkain sa araw, na
dapat tumagal hanggang sa paglubog ng araw. Nangangahulugan ito ng pagkain ng maraming
pagkaing may mataas na protina at pag-inom ng mas maraming tubig hangga’t maaari hanggang
sa madaling araw, pagkatapos nito ay hindi ka na makakain o makakainom ng kahit ano. Natapos
kami kumain ay
hindi na muna kami natulog upang magdasal sa umaga. Pinipigilan ko ang aking antok
habang naghihintay ng adzan. Nang makalipas ang ilang minute ay narinig ko na ang adzan.
Hudyat na hindi na kami pwedeng kumain at uminom. Umupo muna ako at pinakinggan ang
adzan. Sadyang kay sarap pakinggan ang adzan. Pagkatapos nito ay nagsimula na rin ako
magdasal ng Sub’h. habang nagdadasal ako ay hinilingin ko sa Allah na sana ay masaya na ang
aking Umie sa Paraiso na sana ay magkasamasama kami ulit at muli akong bumalik sa aming
higaan at natulog.

Pagkagising ko sa umaga ay medyo wala akong enerhiya. Pinilit kong bumangon sa


aking inihigaan at naghilamos ng mukha ng sa ganun ay magising ng tuluyan ang aking diwa.
Ingat na ingat ako sa mga salitang aking binibitawan at sa aking mga kilos. Sapagkat, maraming
dapat iwasan kapag ang tao ay nag-aayuno. Gaya lamang ng panlilibak, pagsasalita ng mga hindi
kaayaayang mga salita, pakikipag-away at marami pang iba. Kailangan iniiwasan ang mga hindi
magandang ugali at gawain na nakasanayan. Nawawalang ng saysay ang pag-aayuno kapag
nakagawa ng mga bagay na pinagbabawal. Walang gantimpala ang pag-aayuno. Ginugutom mo
lang ang iyon sarili. Kasabay rin nito ay kinakailangan magdasal ng limang beses ang Muslim.
Maliban sa ito ay obligado ay nawawalan ng saysay ang ayuno kung walang Salah.

Sa buong araw ng pag-aayuno, maliban sa pagdarasal ng Duh’r; ang dasal sa tanghali,


As’r; dasal sa hapon ay kinakailangang laging gunitain ang Allah gaya ng paulit-ulit na
pagsambit sa Allahuakbar; dakila ang Allah, Subhanallah; sambahin ang Allah, Alhamdulillah;
ang pasasalamat ay sa Allah, at La Ilaha Illa Allah; walang ibang Diyos na dapat sambahin
maliban sa Allah. Hindi rin dapat kaligtaan ang pagbabasa ng banal na kasulatan ng Allah ang
Qur’an. Ang banal na kasulatang ito ay ibinaba sa pamamagitan ni Anghel Gabriel sa sugo na si
Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Naniniwala kami na ang bawat titik ng
salita na nababasa sa aklat ay katumbas ng sampung mabuting gantimpala. Kaya kinukuha
naming ito na pagkakataon na mabasa lahat ng nakapaloob sa banal na Qur’an. Maliban sa hindi
maaaring pagkain at pag-inom ng anuman ay hindi rin pinapahintulutang magtalik ang mag-
asawa. Ang mga maliit na kasalanan gaya ng pagsisinungaling ay binibgyang pansin din.

Dinadalaw man ng pagkagutom at pagkauhaw ay pilit ko itong nilalabanan. Minsan ay


hinayaan ko na lamang ang aking sarili na dalawin ng antok upang hindi mabatid ang
pagsasakripisyong dinaranas sa buong maghapon. Ramdam ko ang katahimikang bumabalot sa
buong pamayanan dahil sa panatang ginagawa. Walang ingay. Tanging langitngit lamang ng
kawayan at lagaslas ng tubig ang siyang yumayakap sa aking pandinig. Sinyales ng katahimikan
at kapayapaang namumutawi sa aming lugar.

Pagkatapos magdasal ng As’r ay inaanyaya ako ni Abie na sumama sa padiyan. May


kahinaan mang dinaranas ay sumama na rin ako. Muli ko na namang naulinigan ang mga tao na
papunta sa padiyan. Napawi ang aking panghihina nang masilayan ko ang kasiyahang taglay ng
aming lugar. Nadatnan namin ni Abie ang padiyan na halos hindi mahulugan ng karayom sa
dami ng tao. Bata at matanda, babae at lalaki ay abala sa pamimili ng mga ihahanda para sa buka
o iftar. Nakikipagsiksikan si Abie na bumili ng mga sariwang isda gaya ng tilapia, hito, hipon, at
iba pang uri ng isda. Bumili rin si Abie ng mga prutas gaya ng saging, mansanas, pinya,
watermelon at marami pang iba upang gawing fruit salad. Pinabili rin ako ni Abie ng slice
bread at peanut butter, ito ang pinakasikat na isa sa pang iftar tuwing Ramadhan. Tila hindi
kumpleto ang Ramadhan kung wala ang dalawang pares na ito.

Matapos kaming mamili ay umuwi agad kami ni Abie dahil magluluto pa ang aking mga
kapatid ng aming mga pinamili para ihanda sa iftar. Pagdating naming sa bahay ay wala na
akong lakas, nanghihina na ang aking katawan. Napagod ako sa paglalakad at bitbit ang ibang
pinamili ni Abie. Agad naman kinuha ng aking mga kapatid ang mga pinamili namin ni Abie at
sinabing sila na ang bahala magluto at maghanda nito. Napaupo ako sa subrang pagod at nilingon
ko naman si Abie para anyayahin na maupo na rin. Habang nakaupo kami ni Abie ay napag-
usapan namin ang mga masasayang ala-ala na nagaganap kasama si Umie. Nakita ko ang lungkot
at sakit sa mga mata ni Abie. Naramdaman ko ang kanyang pangungulila kay Umie. Pilit kong
ngumiti at humaharap sa kanya at pinagaan ko ang loob niya.

Malapit na ang oras ng iftar, kaya naman pumunta muna ako ng palikuran upang mag
Abdas. Pagkatapos kong mag Abdas ay sakto naman nag adzan na. Kumuha ako ng isang basong
tubig at nagbigkas ng panalangin at uminom ako upang wakasan ang ayuno ko sa araw na iyon.
Nagpapasalamat ako sa Allah dahil nairaos ko ang araw na iyon. Hindi man kumpleto ang aking
pamilya sa Ramadhan ang mahalaga ay nakakasama ko pa rin sila. Nasisilayan ko parin ang mga
ngiti sa kanilang mga labi. Mas pinili kong namnamin ang Ramadhan ng buong pusong
pagtanggap sa kinabukasan. Dahil hindi lahat ng tao ay umaabot sa Ramadhan.

Sa kabila ng hirap ng pag-aayuno sa loob ng isang buwan, karamihan sa mga Muslim


(kabilang ako) ay talagang inaabangan ang Ramadhan at nalulungkot kapag natapos na. Ngunit
para sa akin kung ano talaga ang ibinibigay sa akin ng pag-aayuno ay isang pagkakataon na
magsanay ng pasasalamat. Kapag natanggalan ka ng pribilehiyong kumain ayon sa gusto mo sa
buong araw naaalala mo ang marami sa buong mundo na hindi gaanong pinalad kaysa sa amin at
bigla mong pinahahalagahan ang pinakamaliit na bagay. Kahit ang tubig ay hindi masyadong
nakakatamad at mura. Ito ay nilalayong maging panahon ng espirituwal na disiplina — ng
malalim na pagninilay-nilay sa relasyon ng isang tao sa Allah subhnahu wata’ala, dagdag na
panalangin, pagtaas ng pagkakawanggawa at pagkabukas-palad, at matinding pag-aaral ng
Quran. Huwag natin sayangin ang pagkakataon na ito upang magpabalik loob sa Allah
subhanahu wata'ala at huwag natin hayaan lumipas ang Ramadhan na hindi man lang tayo
napapatawad ng panginoon sa ating mga kasalanan. Laging pakatandaan na hindi natin alam
kung aabutan natin ang mga sumusunod pang buwan ng Ramadhan.

You might also like