You are on page 1of 1

Mala-Telepantasya!

Paano kung ang pinakaayaw mong lugar ay bigla nalang magmukhang isang paraiso?
Iyan ang laging laman ng aking isipan noong panahong ayaw na ayaw ko nang pumasok sa eskwela.
Karamihan sa mga estudyante, ang paaralan ang pinakaaway nilang lugar na pinupuntahan. At isa ako
sa kanila.

Ngunit isang araw, tila nagdilang anghel ako. Pagpasok ko palang kasi sa tarangkahan ng aming
eskwelahan, kitang kita ko na ang mga naggagandahang palamuting nakasabit sa bawat sulok ng
paaralan. Imbes na kalawakan ng mga estudyanteng nakauniporme’t nakasuot ng id, mga
naggagandahang mga binibini at mga ginoo ang una kong nasilayan. Mapapatingin ka talaga sa kanan,
kaliwa, at sa buong sulok ng paaralan dahil sa mga magagarang kasuotan ng mga binibining
pangdiyosa ang kagandahan at mga ginoong abot-langit ang kakisigan. Dahil sa mga disenyo at pailaw
sa paligid, nagmistulang palasyo sa isang pelikula ang dating nakakasawa naming paaralan.

Ang una kong hinanap ay ang aking kaibigan, na siyang kapareha ko rin sa sayawan. Nakasuot siya ng
kulay berdeng tuxedo at ako nama’y gown na kulay rosas. ‘Enchanted Forest’ kasi ang tema ng aming
Prom. Nang makita ko nga siya, agad na kaming pumunta sa aming linya, kailangan pa kasing lumakad
ang lahat papunta sa kanilang uupuan bilang panimula ng programa. Matagal din namin ito
pinaghandaan. Ilang araw din ang paghahanap ng aming mga kasuotan at ilang oras kaming umupo
para malagyan ng kolorete ang aming mga mukha.

Kaya’t habang magkakrus ang aming mga kamay na naglalakad, ramdam ko ang kaba ngunit
nangibabaw ang parin saya dahil sa isang araw na walang asignatura. Para kaming napunta sa isang
romantikong pelikula, napapalibutan ng mga bulaklak at kasabay naming naglalakad ang malambot na
indayog ng musika na sinabayan pa ng tilian ng mga estudyante sa aming paligid. Sa gabing iyon, wala
kaming ginawa kundi magsaya, nagsayawan, at kumain kasama ng aming mga kaibigan.

Pagtapos naman ng sayawan, nagsimula ang pagbibigay pagkilala sa mga nagawa ng mga estudyante
sa buong taon. Hindi ko alam ngunit napakaganda parin talagang balik-balikan ang mga mapapait na
araw na ginugol namin sa paggawa ng limpak-limpak na asignatura. Napakagandang balik-balikan ang
mga nagawang alaala at pinagsaluhang memorya na kailanma’y hindi na mawawala sa isipan ng
bawat isa. Para sa akin, ang gabing iyon ay hindi lang Prom, ito ay isang paggunita sa sakripisyo’t
paghihirap ng mga guro’t estudyante.

Kaya’t napakaganda diba? Ang magkaroon man lang ng isang araw na walang iniinda. Yung araw na
sariling kasiyahan mo lang ang iyong priyoridad. Araw na ikaw ay lumalaya sa hirap at pagod na dala
ng buhay.
Ikaw, kailan ang araw na ito?

You might also like