You are on page 1of 40

Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3

Fili 116: Panunuring Pampanitikan


Guro: James Lloyd B.Calunsag

I.Pamagat: “Di Mo Masilip ang Langit” ni Ramaden (Benjamin Pascual)

II.Buod:

May isang lalaking nakapiit sa isang kulungan na nakaranas ng maraming


pagsubok sa buhay, kabiguan at kaapihan sa lipunan. Naikuwento niya sa bagong
kasamahan sa selda ang dahilan kung bakit siya nakulong. Dahil sa isang bagay na
kanyang ginawa, siya ay kinasuhan ng Arson o ang pagsunog ng ospital. Ang lalaki
ay isang kantero o nagmamasa ng semento sa pribadong ospital na kanyang
sinunog. Mayroon siyang asawa na si Luding at nakatira sila sa isang bakanteng lote
sa isang subdibisyon sa Quezon City. Naging mahirap ang kanilang buhay doon
dahil sa isang barung-barong lamang sila nanunuluyan at wala pang kuryente, tubig
lalong-lalo na wala ring kapitbahay na nagmamalasakit sa kanilang mag-asawa.
Kakarampot lamang ang kinikita ng lalaki sa pinagtatrabahuan kaya kapos sila sa
pera. At upang makatipid ay sa gusaling ginagawa siya natutulog kasama ang mga
kapwa niya trabahador ng pribadong ospital. Minsan sa isang linggo lamang siya
umuuwi sa kanyang asawang si Luding na kasama ang ina nito sa kanilang barung-
barong.

Naging masipag na kantero ang lalaki lalo na nang malamang buntis ang
kanyang asawang si Luding sa kanilang magiging panganay na anak. Nagsimula na
silang magplano kung saan manganganak ang kanyang asawa kaya naman nag-
iipon na rin ang lalaki ng pera para sa mga gagastusin. Naging matipid at masinop
siya sa kanyang kinikita kahit pa man ito ay sapat lamang sa kanilang araw-araw na
pangangailangan. Gusto niyang sa ospital na ginagawa nila manganak ang asawa
upang sa gayon ay malapit lamang sa kanila. Sinang-ayunan na lamang siya ni
Luding sa kanyang kagustuhan kahit alam nitong mahal ang bayad sa ospital na
iyon. Nanliliit siya sa kanilang kalagayan tuwing nasisilayan niya ang mga
magagandang tahanan at magagarang sasakyan ng kanilang mga kapitbahay sa
subdibisyon. Ni isa ay walang nagmamalasakit sa kanila at gusto pa silang paalisin
sa kanilang tinitirhan. Nararamdam niya ang pangmamata ng mga kapitbahay na
animo magnanakaw siya sa mga bahay ng mga ito. Dumating ang oras ng
panganganak ni Luding at sa kasamaang palad ay nasa trabaho ang lalaki na
gumagawa ng bahay sa bandang Pasay. Ito ay napakalayo sa kanilang tirahan kaya
nagsumikap na lamang si Luding maglakad hanggang sa may sakayan upang
pumunta ng ospital. Hindi naman niya maasahan ang kanyang ina dahil ito ay may
sakit sa pag-iisip.

Habang sa daan patungong sakayan ay humilab ang tiyan ni Luding na naging


hudyat na malapit na siyang manganak. Dahil sa sakit na kanyang nararamdaman
ay napilitan itong humingi ng tulong sa bahay na malapit sa daan kung saan siya
naroroon. Iyon ay ang malaking bahay ni Mr. Cajucom na isang empleyado ng BIR
at mayroon din itong magarang kotse. Noong una ay nagdahilan ang asawa ni Mr.
Cajucom na ito raw ay kumakain pero mabuti na lamang ay lumabas naman si Mr.
Cajucom at siya ay hinatid sa pribadong ospital. Pero pagdating sa ospital ay
pinaghintay siya nang matagal at pinabayaan siya ng mga nars at doktor dahil isa
lamang siyang mahirap. Huli na nang siya ay asikasuhin ng mga ito kaya namatay
ang bata dahil bumagsak ito sa sahig. Labis ang pagdadalamhati ng mag-asawa sa
nangyari sa kanilang sanggol na babae. Pinagbayad din sila ng ospital kahit
namatayan na sila ng anak dahil sa kapabayaan ng mga ito. Labis na poot at galit
ang naramdaman ng lalaki kaya siya ay naglasing at nawala sa katinuan. Ito ang
nag-udyok sa lalaki na maghiganti sa ospital sa pamamagitan ng pag-ihi sa
pahingahan ng mga nars at doktor. Sinira din niya ang mga gamit sa loob ng silid
hanggang sa sunugin niya ang bahaging iyon ng gusali. Kaya ito ang naging dahilan
ng kanyang pagkakakulong. At dahil sa mga nangyari ay nawalan na siya ng pag-
asa sa buhay kaya natanong niya sa kanyang kasamahan kung may langit pa ba sa
labas ng kulungan. Nawalan na rin siya ng pananalig sa Diyos dahil ayon sa kanya
ay matagal na siyang kinalimutan nito.
III.Kahulugan ng Pamagat
Ang pamagat na “Di Mo Masilip ang Langit” ay nangangahulugan ng kawalang pag-
asa sa buhay isang preso kaya isinalaysay niya ang kanyang mga naranasang
diskriminasyon mula sa mga tao sa kanyang paligid. Ang mga sumusunod ay ang
mga pangyayari kung saan nag-ugat ang lahat ng mga paghihirap nilang mag-
asawa:

1. Ang pagturing ng kanilang mga kapitbahay sa kanila na sila ay magnanakaw sa


bahay ng mga ito sa subdibisyon.
2. Gusto ng mga mayayamang kapitbahay nila na umalis sila sa kanilang tinitirhan
dahil nakakapangit daw ang kanilang barung-barong sa magagandang bahay doon.
3. Ayaw silang pakabitin ng kuryente ng mga taga-subdibisyon at malayo ang
kanilang iniigiban ng tubig.
4. Ang paghingi ng tulong ni Luding kay Mrs. Cajucom dahil siya ay manganganak
na pero nagdahilan itong kumakain pa ang kanyang asawang si Mr. Cajucom.
5. Ang hindi pag-asikaso ng mga nars at doktor kay Luding nang malaman ng mga
ito na siya ay nakisakay lamang kay Mr. Cajucom at sinabi niyang sa pri-ward lang
niya gustong manganak.
6. Pinaghintay siya sa lobi nang matagal at doon na napaanak si Luding saka
lamang siya inasikaso ng mga nars at doktor sa ospital na iyon.
7. Ang pagkamatay ng kanilang sanggol na babae dahil bumagsak ito sa semento at
pinagbayad pa sila sa gamot, pagkain at kuwarto na ginamit ni Luding.
8. Ibinurol nila ang kanilang anak sa kanilang barung-barong na tanging dalawang
kandila lamang ang umiilaw sa kabaong nito.
9. Walang nagmalasakit na kapitbahay at walang dumalaw sa dalawang gabi ng
burol ng kanilang anak.

Sa mga pangyayari sa buhay ng lalaking preso, ito ang nag-udyok sa kanya na


sunugin ang ospital kaya siya nakulong. At dito niya nasabi sa kanyang kasamahan
na wala na silang masilip na langit at walang kasiguraduhan kung may langit pa nga
ba sa labas. Kaya hindi na siya naniniwala sa langit dahil para sa kanya kinalimutan
na siya ng Diyos.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman

1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Ang hindi maayos na pagtrato ng mga


mayayamang kapitbahay sa mag-asawa ay nagpapakita lamang ng hindi pantay na
antas ng pamumuhay. Ang walang pagmamalasakit sa kanilang kalagayan ang
nagpalala ng hinanakit ng lalaking preso. Ang pagpapabaya ng mga nars at doktor
sa ospital kay Luding dahil nalaman nilang ito ay isang mahirap lamang. Hindi rin
sapat ang kinikita ng lalaki sa kanyang pagkakantero kaya nahirapan siyang mag-
ipon sa panganganak ng kanyang asawang si Luding.

2.Kulturang Pilipino- Ang kulturang Pilipino na nakapaloob sa akda ay ang mga


sumusunod:
A. Ang pagkakaroon ng kakaibang pagturing ng mga mayayaman sa mahihirap gaya
na lamang sa nangyari sa mag-asawa.
B. Walang pagmamalasakit at respeto sa kapwa kaya mababa ang pagtingin ng mga
kapitbahay ng mag-asawa sa kanila dahil sa barung-barong lamang sila nakatira.
C. Ang kawalan ng mabuting relasyon sa kapwa dahil malaki ang pagkakaiba ng
antas sa lipunan tulad ng hamak na kantero lamang ang lalaking preso samantalang
ang mayayamang kapitbahay ay mataas ang posisyon sa pamahalaan.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Ano man ang gagawin, makapito itong iisipin”. Sa


kasabihang ito ay dapat mabatid ng pangunahing tauhan na dapat maiging pag-
isipan ang mga gagawin sa buhay upang walang pagsisisihan sa huli. Dahil sa hindi
magandang pangyayari sa buhay ng lalaking preso ay nakagawa siya ng krimen na
naging dahilan ng kanyang pagkakakulong. Hindi rason ang mga problema at
paghihirap sa buhay sa paggawa ng mga hindi mabuting mga gawain. Kaya hindi
tama na ilagay natin sa ating kamay ang batas. Dapat itong idaan sa legal na
proseso dahil ang mga bagay na nasira na ay hindi na maibabalik sa dati.

4.Simbolismong Pilipino- Ang mga simbolismong Pilipino na makikita sa akda ay ang


mga:
1. Ang pagkakaiba ng pagtanggap ng lipunan sa kalagayan ng mga mayayaman at
mahihirap tulad na lamang ng hindi pag-asikaso kay Luding sa pribadong ospital. At
ang sitwasyong ito ay nararanasan din natin hanggang ngayon dahil hindi ka
tatanggapin ng ospital kung wala kang paunang bayad at hindi ka makakalabas
kung hindi mo mababayaran ang iyong mga bayarin.

2. Ang mataas na edukasyon ay isang simbolo ng pagkakaroon nang maayos na


trabaho lalo na kung ikaw ay nagtatrabaho sa gobyerno. May mga sapat at maayos
na benepisyong natatanggap ang mga may matatatas na tungkulin tulad ni Mr.
Cajucom na may magandang bahay at magarang kotse. Kumpara sa kalagayan ng
hamak na kantero lamang gaya ng lalaking preso kaya walang sapat na
pagkakakitaan at pilit na ipinagkakasya ang kita sa kanilang mag-asawa. Dahil dito
hindi sapat ang kanilang naipon sa panganganak ng asawang si Luding.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda

Realismo- Ipinapakita sa akda ang tunay na mga pangyayari sa kasalukuyang


lipunan. Ang mapait na kapalarang naranasan ng mag-asawa sa aspetong
ekonomikal, sosyolohikal at politikal ay may malaking epekto sa pagtingin ng mga
tao sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ito ang naging patunay na hindi pantay ang
prebilihiyong natatanggap ng mga mahihirap kaysa sa mayayaman mula noon
maging sa kasalukuyan. Umiiral pa rin ang diskriminasyon saang lupalop man tayo
ng mundo.

Moralistiko- Masisilayan sa kuwento ang pagsasawalang-bahala ng mga tao sa


pakiusap at paghingi ng mag-asawa ng tulong sa panahon ng kanilang
pangangailangan lalong-lalo na sa panganganak ni Luding. Mas binibigyan ng
importansiya ang mayayaman kaya sila ay inaasikaso at iginagalang ng karamihan.
Dito maaaninag ang hindi makataong pagtrato sa mga dukhang mamamayan. At
makikita ang mga sitwasyong ito sa mga tauhan sa akda.
Sikolohikal- Inilalahad sa kuwento ang pagbabago sa pag-uugali, pananaw at
paniniwala ng lalaking nakulong o ang tauhan sa kuwento. Sapagkat ang kahirapan
at dinanas na pagbabalewala sa kalagayan ng kanyang asawang manganganak ang
nagdala sa kanya sa hindi mabuting gawain na naging sanhi ng kanyang
pagkakakulong. Ito rin ang naging dahilan ng kawalan niya ng tiwala at pananalig sa
Diyos.

Sosyolohikal- Makikita sa mga pangyayari sa kuwento ang ugnayan ng isang tao sa


kanyang kapwa at ang suliraning madalas na nangyayari sa lipunang kanyang
nakamulatan. Ipinapakita ang pagkakaiba ng estado ng pamumuhay ng mga
mayayaman sa mahihirap. Gaya na lamang ng lalaking namulat sa kahirapan at
hindi nakapag-aral sa buhay kaya hindi siya makahanap ng maayos na trabaho.

VI. Implikasyon
A.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Ang dinanas na paghamak sa kalagayan
sa buhay ng lalaki ang naging simula ng kanyang hinanakit sa mga mayayaman at
sa Diyos. Ang hindi pagtulong sa kanila ng mga mayamang kapitbahay ang naging
mitsa ng kanyang hinanakit sa mga ito. Ang kawalan ng sapat na pagkakakitaan ay
isang rason rin ng lalo nilang paghihikahos sa buhay. Dahil sa pagpapabaya ng mga
nars at doktor ay namatay ang anak nila ni Luding kaya niya napagpasyahang sirain
at sunugin ang isang bahagi ng ospital.

B. Kalagayang Panlipunan- Ang kalagayang panlipunan sa binasang akda ay


patuloy na nagdudulot ng hindi magandang resulta sa pakikipagkapwa.
Nakalulungkot isipin ang paglaganap ng hindi pantay na pagtrato sa mahihirap na
nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Dulot ng mapanghusgang lipunan ay
nagkakaroon ng lamat ang relasyon ng bawat isa.

C.Kalagayang Pansarili- Nawalan ng pag-asa ang lalaking preso na lumaban sa


buhay sapagkat namatay ang kanyang sanggol na anak bunsod ng kanilang
kasalatan sa pera. Ang natamasa nilang pagbabalewala at pang-aalipusta ng mga
tao sa kanilang komunidad ay sanhi ng kawalang respeto at walang malasakit ng
lipunang kanilang kinabibilangan. Hindi rin naging makatao ang pagturing sa kanila
ng mga tao sa ospital. Kaya nagtanim siya ng hinanakit sa Panginoon at nakagawa
ng hindi magandang gawain.
Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3
Fili 116: Panunuring Pampanitkan
Guro: G. James Lloyd B. Calunsag
Buod ng mga Maikling Kuwento

I.Pamagat: “Binhi” ni Genoveva Edroza Matute

II. Buod:

Naluluha ang isang lola habang kalong niya ang kanyang apong si Lito. Naging
madamdamin ang paggunita niya sa kanyang kahapon dahil nakatanggap siya ng
isang parangal bilang manunulat ng taon. At nagtaka ang kanyang apong si Lito
kung bakit siya umiyak. Nanumbalik sa kanya ang alaala ng kanyang kahapon, sa
katauhan ni Diding. May isang batang babaeng nagngangalang Diding. Siya ay
siyam na taong gulang na mahilig makinig sa mga kuwento at nobelang binabasa ng
kanyang inang si Nana Mengay sa pahayagan ng Liwayway. Ang pamilya ni Diding
ay isang mahirap lamang dahil ang kanyang Nana Mengay ay isang labandera at
nagtitinda ng mga kakanin at itlog sa tarangkahan ng kanilang tinitirhan na bahay ng
kanyang Tiya. Ang kanyang tatay na si Tata Sinto ay naalis sa trabaho at laging
nagkakasakit kaya ganun na lang ang pagsisikap ng kanyang Nana Mengay sa
paglalabada at pagtitinda. Kapwa din nag-aaral ng pananahi ang mga
nakatatandang kapatid ni Diding. Kaya sa murang edad ni Diding ay tumutulong na
siya sa kanyang Nana Mengay sa paghahanapbuhay. Siya ang nagdadala ng mga
nalabhang mga damit ng kanyang ina gayundin ang pagkuha ng bayad sa labahin
kay Aling Marita. Dahil sa mga kuwento ni Nana Mengay tungkol sa mga prinsesa at
prinsipe ay pinapangarap din iyon ni Diding na maging isang prinsesa. Kalaunan ay
naibigan din niya ang nobelang binabasa ng kanyang Nana Mengay na isinulat ng
isang manunulat na si Arsenio Afan. Ito ay patungkol sa mga mayayaman at
mahihirap, mga haciendero at mga magsasaka na hindi makaahon sa
pagkakautang.

Sa kadahilanang naalis nga sa trabaho ang Tata Sinto ni Diding ay siya na ang
naging katuwang ng kanyang Nana Mengay. Inutusan siya nitong maglako ng itlog
ng pato sa lansangan na ibebenta niya ng singko sentimos ang isa. Ang itlog ng pato
ay ipinapautang ng isang Intsik na si Beho sa halagang apat na sentimos bawat isa.
Naging mabait din ang Intsik sa magkakapatid dahil binibigyan ang Ate, Manang
gayundin si Diding ng libreng lugaw tuwing gabi. At masaya itong ikinikuwento ni
Diding sa kanyang Nana Mengay. Nagsimula nang maglako si Diding ng itlog na
penoy sa lansangan pero nahihiya siyang makita ng kanyang mga kaklase ang
kanyang pagtitinda. Kaya sa daang Requesens niya napagpasyahang magtinda
sapagkat maraming mga tao sa bilyaran na nagbibilyar, nagdodomino, nagsusugal
at nag-iistambay at mayroon rin doong barberya. Nakagaanan ng loob ni Diding ang
babaeng si Aling Edeng na nagtitinda ng mani at mga bungangkahoy. Masaya silang
nagpapalitan ng kuwento ukol sa kalagayan sa buhay ng bawat isa. Pinapayuhan
din siya ni Aling Edeng na maging mabait at matiyaga sa buhay upang guminhawa
ang kanilang pamilya. Magalang naman itong sinasagot ng mabait at masipag na si
Diding.

Naikuwento ni Aling Edeng ang kanyang sariling pagsisikap at sakripisyo sa


buhay upang makapagtapos ang kanyang anak. Pinayuhan din niya si Diding na
magsumikap at manalig sa Panginoon. Sinang-ayunan naman ito ni Diding kahit sa
kanyang musmos na isipan ay may nakikitang malaking pag-asa ng kaginhawaan
balang-araw. Nang sumapit ang tanghalian ay nagpaalam si Aling Edeng ky Diding
na uuwi ito upang mananghalian. Kaya ipinasuyo ng ale ang kanyang paninda kay
Diding at pumayag naman ang batang musmos. At nang makaalis na si Aling Edeng
ay nakaramdam ng gutom si Diding kaya natukso itong kumuha ng panindang mani
ng ale at kumain ng ilang piraso. Pagkatapos makakain ng ilang pirasong mani ay
nakaramdam ng pag-uusig ng budhi si Diding. Noon lamang siya kumuha ng bagay
na hindi niya pag-aari. Pagkaraan ay bumalik na si Aling Edeng na may bitbit na
tinapay na may palaman at inialok ito sa kanya. Nahihiya si Diding na tanggapin ang
bigay ni Aling Edeng dahil nakokonsensiya siya sa kanyang ginawang pagkain sa
paninda nitong mani. Kaya sinabi niya ang totoo sa ale at hindi naman ito nagalit sa
halip ay tumawa si Aling Edeng. Sinabi ni Aling Edeng na ang tinapay ay galing sa
kanyang anak na manunulat. Kaya nagulat si Diding nang malaman na ang anak
pala ni Aling Edeng ay ang nobelistang si Arsenio Afan. At ikinuwento nga ni Diding
na ito ang paborito niyang pakinggan sa mga kuwentong binabasa ng kanyang Nana
Mengay. Kaya nais din niyang maging isang manunulat sa kanyang paglaki.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang pamagat na “Binhi” ay nangangahulugan ng isang pangarap ni Diding na
maging isang sikat na manunulat. Ang pagkahilig ni Diding sa pakikinig at
pagbabasa ng mga kuwento sa panahon ng kanyang kamusmusan ang binhing
itinanim niya sa kanyang puso at isip. Sa kanyang pagsusumikap sa buhay sa kabila
ng kanilang kahirapan ay naabot niya ang pangarap na iyon kaya nakamit niya ang
parangal. Dahil na rin sa mga payo at aral ng kanyang Nana Mengay at ni Aling
Eding ay sumibol ang pangarap ni Diding at nagbunga ng isang pagkilala bilang
manunulat ng taon.

IV. Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman:


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Naihahambing ang kalagayan ni Diding sa
kasalukuyang kalagayan ng mga batang mahihirap na nagsusumikap upang
makapagtapos ng pag-aaral. Sa kabila ng kahirapan ay pursigido si Diding na
makapag-aral upang maabot ang kanyang pangarap na maging tanyag na
manunulat. Kaya dapat na tularan si Diding ng mga kabataan ngayon upang sila ay
magiging matatag at matapang sa mga hamon sa buhay na kanilang haharapin.

2.Kulturang Pilipino- Nakikita ang pagiging matulungin, masipag at masunurin ni


Diding na ilan sa mga katangian nating mga Pilipino. Ang pagiging malapit sa ating
pamilya at pagtulong sa ibang tao ay parte na ng kulturang Pilipino na mababasa
natin sa kuwentong ito. Ang pagmamahal din natin sa mga kuwentong-bayan na
nagpapalawak at nagpapaunlad ng ating kultura ay nakatutulong sa paghubog ng
ating pagkatao bilang tunay na Pilipino. Ang ating pagiging makabayan ay
nasasalamin sa akdang ito.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Kapag may tiyaga, may nilaga” ang katagang ito ay
masasalamin natin sa buhay ni Diding na sa murang edad ay nangarap na maging
manunulat at dahil sa kanyang pagsusumikap at pagiging matiyaga ay naabot niya
ang kanyang minimithi sa buhay. Ang pagiging matulungin niya kay Nana Mengay ay
nagpapatunay na mahal niya ang kanyang pamilya at nangarap siya para sa
kaginhawaan ng kanilang pamumuhay.
4.Simbolismong Pilipino- Ang simbolismong nakapaloob sa kuwento ay ang kuwadro
ng parangal na nangangahulugan ng tagumpay ni Diding sa kanyang pangarap mula
sa kanyang musmos na isip ay nakamit niya ito bilang isang mahusay na manunulat
ng taon. Ang mga aklat na kanyang nabasa ay sumisimbolo ng kanyang katalinuhan
at kagalingan sa pagsusulat ng kuwento at ang naging inspirasyon niya rito ay ang
manunulat na si Arsenio Afan.

V. Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Realismo- Ang pangyayari sa buhay ni Diding ay nararanasan din natin sa totoong
buhay kaya naman nakappulutan ito ng magandang aral. Nagsisilbing inspirasyon
natin ang ating mga mahal sa buhay upang lumaban at abutin ang ating mga
pangarap sa kapakanan ng ating pamilya at sariling mithiin.

Humanismo- Ang karakter ni Diding sa kuwento ay nakikitaan ng talino dahil sa


pagkahilig niyang makinig at magbasa ng mga kuwento at nobela. Kaya pinangarap
niyang maging isang kilalang manunulat.

Feminismo- Kahit babaeng musmos lamang si Diding ay matibay na ang loob nito na
humarap sa mga hamon sa buhay at pursigido siyang maabot ang kanyang gusto.
Ang kasipagan niyang tumulong sa kanyang Nana mengay ay patunay na matatag
na babae si Diding.

Bayograpikal- Naging motibasyon ni Diding ang kahirapan nila sa buhay na maging


matiyaga, masipag at masunurin sa nakatatanda para maabot niya ang kanyang
hangarin na maging isang makata. Ang mga karanasang hinarap ay naging susi ng
kanyang tagumpay.

Kultural- Ang pagtangkilik sa mga akdang sariling atin ay nagpapakita ng pagiging


makabayan upang mapayabong ang ating kultura, tradisyon at paniniwala bilang
isang Pilipino.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Ang kuwento ay nakapupulutan ng isang magandang
inspirasyon lalong-lalo na sa mga kabataan na nakararanas ng hirap at kasalatan sa
buhay. Maging bukas din ang lipunan sa pagtulong sa kapwa upang matupad ang
mga nais ng mga batang kapos sa pera at edukasyon.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Nagbibigay lakas ng loob ang kuwento sa lahat na


maging matatag sa pagharap ng mga problema sa buhay. Ang pagiging positibo sa
pag-iisip ay nakatutulong na umangat ang isang tao.

C.Kalagayang Pansarili- Hinihimok tayo ng kuwentong ito na maging masipag,


matiyaga at mabait. Pagsikaping maging mabuting tao sa lahat ng oras at maging
pursigido sa pangarap.

I.Pamagat: “Pilipina sa Alemania” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod
Isang Pilipina ang napadpad sa bansang Alemania upang makipagsapalaran
dahil sa kahirapan ng buhay sa Pilipinas sa panahon ng Martial Law. Siya ay si
Gemma o may palayaw na Em. Naging utusan siya ng mag-asawang Espanyol na
sina Sir Ludwig at Maam Erica na nakatira sa Munchen, Alemania. Mababa ang
pagtingin ng mga banyagang Kanluran sa mga Pilipinang Silangan. May dalawang
anak ang mag-asawa na sina Maxi at Ric-ric. Ang batang babaeng si Ric-ric ay
naging malapit kay Gemma dahil naaalala ni Gemma ang kapatid nitong bunso sa
kanya. May kasama ding dalawang utusan si Gemma sa bahay na iyon. Sila ay
kapwa mga Espanyol na sina Estrellita at Sol. Natutuwa ang dalawang Espanyol na
utusan kay Gemma kahit pamali-mali ang kanyang pagsasalita ng Espanyol. Nag-
aral naman si Gemma ng 12 yunit na Spanish Language ngunit hindi niya ito
palaging nagagamit noon sa Pilipinas. At sa kanilang pag-uusap ay nasabi niya sa
dalawa na akala niyang ang Pilipinas lamang ang naghihirap at ang bansang
Alemania ay masagana. Kaya nasabi ng dalawang utusan na nagkamali si Gemma
dahil ang bayan nila ay namimilipit sa hirap sanhi ng digmaang sibil.Turismo lamang
daw ang bumubuhay sa kanilang bansa kaya magkakatulad lamang daw sila ng
dinadanas na kahirapan. Pero ang sabi ni Gemma ay mas “champion” daw ang
Pilipinas sa kahirapan kaysa sa Alemania dahil hindi lahat ay nakapag-aral at
maraming batang lansangan, squatters gayundin ang namamasura para lamang
mabuhay. Ang mga iginagapang lamang daw ng mga magulang ang nakakapag-aral
sa Pilipinas.

Dahil sa kabaitan ni Gemma ay naging malapit ang mga anak ng mag-asawang


Espanyol sa kanya lalong-lalo na si Ric-ric. Kinikuwentuhan niya ito ng mga epiko ng
Alemania na naibigan naman ng bata at ikinikuwento rin ito ni Ric-ric sa kanyang
mga magulang. Kaya naman, laking gulat ng mag-asawa kung paano nalaman ni
Ric-ric ang mga kuwentong iyon. Sinabi naman ng bata na si Gemma ang
nagkuwento sa kanya ng mga ito. Napahanga ang mag-asawa dahil mas marami pa
palang alam ang utusan ng mga kuwentong banyaga kaysa sa kanila na mga
purong Espanyol. Mula noon ay naging guro na ng mga batang sina Maxi at Ric-ric
si Gemma kaya nag-iba na ang trato ng mag-asawa sa utusang Pilipina. Tinawagan
naman ni Maam Erica at pinayuhan ang pinsan niyang si May na kumuha ng
kasama sa bahay na Pilipina. Pero laking gulat niya dahil ipinagyabang din ng
pinsan na ang kanilang utusang Pilipina ay nakababasa ng mga gawa ni
Shakespeare. Iniuukol daw kasi ng utusang Pilipina ang paglilibot sa ibat-ibang
museums sa London, Inglatera. Sa puntong iyon ng kanilang pag-uusap ay napalitan
ng mabuti at mataas na pagtingin ang pagkilala nila sa Pilipina. Ang dating pagpuna
ay napalitan ng paghanga at respeto.

Ilang buwan ang nakalipas ay nagbalitaan ang magpinsang May at Maam Erica.
May ikinuwento si May na pangyayari mula sa London, Inglatera. May isang dugong-
mahal daw na 40 taong gulang ang nagpakasal sa isang Pilipina na 35 taong gulang
na isang propesor sa isang kolehiyo sa London. Tinawag din ni Maam Erica ang
kanyang asawang si Sir Ludwig upang makisali sa kuwentuhan sa telepono. Buong
pananabik na may halong kilig at katatawanan ang pagbabalita ni May sa mag-
asawa na ang babae umano ay naospital pagkatapos ng kanilang honeymoon. Ang
babae daw ay birhen pa pala nang makuha ng dugong-mahal. Parehong nagulat
ang mag-asawa sa ibinalita ni May. Hindi sila makapaniwala na mayroon pa palang
babaeng birhen sa edad na 35. Kaya lubos ang paghanga nila sa babaeng Pilipina
na edukada na at birhen pa. Buong akala kasi ng lahat ng mga banyaga ay mga
taong-gubat daw ang mga tao sa Pilipinas. Hindi nila naiwasang pag-usapan ang
mga pangyayari at mga maling paniniwala nila sa mga Pilipina. Naisip nilang dapat
nang baguhin at iwaksi ang superiority complex ng mga taga- kanluran sa mga taga
silangan. Napagkuwentuhan din nila ang mga hindi magagandang pangyayari sa
kanilang bansa na pinaggagawa ng mga dugong-pula. Nabahala sila sa kinakaharap
ng kanilang reyna ukol sa ipapalit nito sa kanyang trono dahil sa hindi magandang
ehemplo ang mga anak nito. Sa kanilang pag-uusap ay may agam-agam silang
mahirap pala ang may mataas na kapangyarihan sa lipunan kaysa sa karaniwang
nilalang lamang. Sa kabila nito ay umaasa pa rin silang may papalit sa reyna na mas
karapat-dapat.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang “Pilipina sa Alemania” ay isang kuwento tungkol sa isang Pilipinang utusan sa
bansang Alemania. Hindi maganda ang pakikitungo ng kanyang mga among
Espanyol sapagkat mababa ang pagtingin nila sa mga Pilipina. Dahil sa
nakasanayang maling paniniwala ng mga kanlurang banyaga sa mga taga-silangan
ay ganun na lamang ang kanilang pagkagulat sa natuklasan na mas matatalino pala
ang mga Pilipina kaysa sa kanilang mga banyaga.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Naglalarawan ang ating lipunan ng
mapanghusgang kapaligiran na nagpapababa ng ating kumpyansa sa sarili. Madalas
na maikumpara ang ating mga anyo at mga katangian sa mga dayuhan gayundin
ang mga maling impormasyong nakukuha nila galing sa mga balita at pahayagan.
Kaya ang ilang mga pinay ay nahihirapang makahanap ng trabaho.

2.Kulturang Pilipino- Ang kulturang Pilipino sa akdang ito ay ang pagiging


palakaibigan at magiliw sa ibang tao lalo na sa mga banyaga. Mapagmahal din
tayong mga Pilipino kaya madali nating nakukuha ang mga loob ng mga dayuhan
kahit hindi natin sila gaanong kakilala.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Huwag mong hatulan ang isang aklat, sa pamamagitan ng


kanyang pabalat”. Ang kasabihang ito ay maaaninag sa kuwento ni Gemma
sapagkat ang panghuhusga ng mga banyaga sa mga Pilipina at mga maling
paniniwala tungkol sa ating bayan ay nangyayari pa rin hanggang sa ngayon. Kaya
dapat nating ipakita ang ating kakayahan, katalinuhan, masining na kultura at
makulay na kasaysayan para maipagmalaki natin ang mga ito sa mga banyaga.

4.Simbolismong Pilipino- Ang pagiging Pilipina ni Gemma ang isang tunay na


simbolo ng pagiging matatag, matalino at mapagmahal nating mga Pilipino. Inukit
ang ating pagkatao sa kaugaliang itinuro ng ating mga ninuno at mga magulang na
nakaangkla sa ating kulltura at kasaysayan.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Humanismo- Ipinapakita sa akda ang kasipagan, katalinuhan at kabutihan ni
Gemma sa kanyang mga amo sa kabila ng kababaan ng pagtingin sa kanya bilang
Pilipina. Pinatunayan niyang mapagmahal at maalaga ang mga Pilipina.

Realismo- Naging bukas sa madlang lipunan ang magkaibang-antas ng banyaga at


ng Pilipina. Inihahayag ang panliliit ng mga banyaga sa mga utusang Pilipina dahil
ang alam nila ay lahat ng mga Pilipina ay mga mangmang. Kaya iminulat sila ng
akdang ito na kahit salat sa edukasyon ang mga Pilipina ay matalino at mahusay
ang mga ito.

Feminismo- Ang kababaang-loob ni Gemma ay sadyang kahanga-hanga dahil


naipakita niya ang kanyang katapangan kahit hindi maganda ang pakikitungo ng
kanyang mga banyagang amo. Napatunayan din ni Gemma kung gaano katalino
ang mga Pilipina.

Saykolohikal/Sikolohikal- Iminulat ni Gemma ang maling pagkakakilanlan ng mga


banyagang Espanyol sa kaugalian, paniniwala at paninindigan ng mga Pilipino.
Mailap man ang respeto sa unang pagkakataon pero sa huli ay napagwagian ni
Gemma na maiangat ang pagkilala sa pagkatao ng mga Pilipina.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Nararanasan natin sa ating lipunan ang panghuhusga ng
mga dayuhan sa ating kultura at katangian dahil sa pagkakaiba natin sa kanila. Ang
pagkakaroon ng heterogenous na wika ay isa sa mga rason kung bakit mababa ang
pagtingin ng mga banyaga sa atin.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Dahil sa kahirapan ay marami sa ating mga kapwa


Pilipino ang napipilitang mangibang-bansa upang makahanap ng sapat na kita para
matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Ang kasalatan sa edukasyon ang
nagtulak sa mga Pilipina na pumasok bilang katulong o tagapag-alaga ng ibang lahi
kahit ang kapalit nito ay ang malayo sa sariling pamilya.

C.Kalagayang Pansarili – Ang pagsasakripisyo sa sariling kapakanan at kaligayahan


ay nagpapatunay ng pagmamahal natin sa ating pamilya kahit ang kapalit nito ay
ang pangungulila at pangmamata ng ibang tao.

I.Pamagat: “Kuwento ni Mabuti” ni Genoveva Edroza Matute


II.Buod:

Umiikot ang istorya sa isang gurong tinatawag na Mabuti. Hindi man ito ang
kanyang tunay na pangalan, ngunit ito ang naging tawag sa kanya dahil sa hilig
niyang banggitin ang salitang “Mabuti” sa kanyang sinasabi. Nasisiyahan ang klase
ni Mabuti sa kanyang mga kuwento at sa mga itinuturo nito sa kanila. Marami rin
siyang kuwentong mabuti kabilang ang kuwento ng kanyang anak na nais niyang
maging isang doktor. Maraming humahanga kay Mabuti kabilang ang mag-aaral na
si Fe. Bilib siya sa husay sa pagtuturo ng paboritong guro. Ngunit mayroong
natuklasan si Fe tungkol sa gurong si Mabuti.

Isang araw, mayroong problema si Fe. Umiiyak siya noon sa silid-aklatan ng


kanilang paaralan. Mababaw lang naman ang hinaharap niyang problema subalit
sadyang iyakin si Fe. Nadatnan ng gurong si Mabuti ang mag-aaral na si Fe.
Umiiyak ito sa isang sulok ng silid kaya nilapitan siya ng guro upang tanungin kung
ano ang problema nito. Kahit nakaramdam ng hiya ay napanatag ang loob ni Fe na
ipagtapat kay Mabuti ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Maya-maya pa ay naiyak na
rin ang gurong si Mabuti habang nakikinig sa salaysay ng batang si Fe. Nabanggit
ng guro na mabuti na lamang daw ay mayroon siyang kasamang umiyak. Doon
napagtanto ni Fe na maging ang kanyang guro na si Mabuti ay mayroon ding
problemang kinakaharap. Sa kabila pala ng masayahin at masiglang pagtuturo nito
sa klase ay may iniinda din itong suliranin sa buhay.

Sa paglipas ng mga araw ay may natuklasan si Fe tungkol sa kanyang guro na


si Mabuti. Nalaman ni Fe na pangalawang asawa lamang pala ito ng asawang
doktor. Ito pala ang dinadala nitong problema at sanhi ng lihim ding pag-iyak ng guro
sa silid-aklatan. Isang araw ay nabalitaan ni Fe na namatay ang asawang doktor ni
Mabuti. Ibinurol ang asawa ni Mabuti sa ibang bahay kaya nalaman ng lahat na hindi
pala orihinal na asawa ang guro. Hindi niya magawa ang burol sa kanilang bahay
dahil ang orihinal na pamilya nito ang nakapiling sa kanyang huling sandali.
Gayunpaman, ay naging paboritong guro pa rin ni Fe si Mabuti sa mahabang
panahon. Naging idolo pa rin niya ito sa kabila ng istorya nito sa buhay at palaging
inaalala ang mga kuwento gayundin ang mga turo at payo ng gurong si Mabuti.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang pamagat na “Kuwento ni “Mabuti” ay patungkol sa isang ulirang guro na
palaging nagsasabi ng salitang “Mabuti” kaya ito ang naging tawag ng karamihan sa
kanya sa paaralan. Inilalahad sa akdang ito ang kabutihan ni Mabuti sa kanyang
mag-aaral lalo na kay Fe kaya naging idolo siya nito. Inilahad din dito ang kalagayan
ng kanyang buhay pamilya.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Ang pagiging guro ay isang malaking
responsibilidad at tungkulin sa lipunan. Sila ang humuhubog ng pagkatao ng bawat
estudyante na kanilang tinuturuan. Nakasalalay din sa kanila ang paglinang ng
kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral. Hindi lamang isang karaniwang trabaho
ang pagiging guro bagkus sila ang susi sa pagkamit ng mga pangarap ng bawat
indibidwal sa lipunan.
2.Kulturang Pilipino- Ang kulturang napupulot sa akda ay ang pagpapakita ng
malasakit sa kapwa kahit hindi natin sila kaano-ano. Gayundin ang pagiging
mapagmahal sa kapwa at pamilya na handang dumamay sa nangangailangan
maging sa emosyonal man o pinansyal na aspeto kahit may kinakaharap din tayong
personal na suliranin.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Ang ibinabait ng bata, sa matanda nagmula”. Ang


salawikaing ito ay angkop sa mga ulirang gurong masigasig na gumagabay at
nagtuturo sa mga mag-aaral. Dahil ang mga ibinabahagi ng mga guro ay siyang
sandata ng mga kabataan na gumawa ng kabutihan sa kapwa, lumaban sa hamon
ng buhay at maging responsableng mamamayan ng ating bansa. At ang mga aral na
ito ay humuhubog ng isang matatag na indibidwal.

4.Simbolismong Pilipino- Ang katauhan ng pagiging mabait na guro at ina ni Mabuti


ay sumasagisag sa mga Pilipinong may mabuting puso at pakikisalamuha sa kapwa.
Matapang at matatag din ang mga Pilipino sa pagtataguyod ng kanilang mga
pamilya anuman ang mga kinakaharap na mga komplikadong relasyon sa bawat
miyembro ng pamilya.

V.Paraan ng Pagpapahayag

1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda


Realismo- Ang buhay ni Mabuti ay nangyayari din sa totoong buhay. Ang kanyang
pagiging ulirang guro at ina ay nagsisilbing ehemplo sa kanyang mga mag-aaral na
magsumikap sa kanilang pag-aaral. Harapin nang may lakas at tapang ang
problema na dumarating at dadating pa sa hinaharap.

Feminismo- Bilang isang babae ay kakikitaan ng katapangan si Mabuti sa kabila ng


kanyang sitwasyon sa buhay. Nalulungkot man siya dahil hindi sila ang orihinal na
pamilya ng kanyang asawang doktor ay tinanggap niya pa rin ito alang-alang sa
kanyang mahal na anak. Dahil sa katangian niya ay hinangaan siya ng kanyang mga
estudyante kabilang na si Fe.

Bayograpikal- May mga bagay man na hindi mababago ng katotohanan ay pinanatili


pa rin ni Mabuti ang pagiging mabuting tao sa lahat. Malungkot man siya dahil hindi
buo ang kanyang pamilya ngunit masaya pa rin siya dahil may anak at mga mag-
aaral na naniniwala, nagmamahal at umiidolo sa kanya.

Romantisismo- Labis ang pagmamahal at dedikasyon ni Mabuti sa kanyang


propesyon kaya naman mahal na mahal din siya ng kanyang mga estudyante. Ang
pagmamahal din niya sa kanyang anak ay namumukod-tangi.

VI.Implikasyon

A.Kalagayang Panlipunan- Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga guro sa


ating lipunan. Sila ang nagpapalutang sa talino, kasanayan at kaalaman ng mga
mag-aaral upang maging produktibong mamamayan ng bansa. Kaya dapat natin
silang pasalamatan at igalang.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Hindi matatawaran ang dedikasyon ng isang guro


sa kanyang trabaho na luminang ng kaisipan, kaugalian at paniniwala ng bawat
mag-aaral na kanyang tinuturuan. Dapat nating pahalagahan ang kanilang
sakripisyo at pagmamalasakit dahil sila ang nagsisilbi nating ikalawang magulang.

C.Kalagayang Pansarili- Ang pag-aaalay ng malasakit, pag-unawa at pagmamahal


sa iyong trabaho ay isang patunay na matapat kang tao at hindi kailanman
mapapantayan ng salapi. Makakalikom ka rin ng respeto at pagmamahal sa mga tao
sa iyong paligid.

I.Pamagat: “Pinoy sa America” ni Genoveva Edroza Matute


II.Buod

May mag-asawang pinoy na lilisan ng Los Angeles sa America upang umuwi ng


Pilipinas. Nagmamadali silang makauwi dahil kapos na sila sa pera kaya nagpabook
na sila agad ng direct flight patungo ng Maynila. Habang binabagtas nila ang
bangketa ng Los Angeles ay may nakilala silang kapwa pinoy na si Danny,
Alejandrino ang tunay niyang pangalan. Kasama ni Danny ang kababatang si Amby
o Ambrosio na iniwan din ang Tagudin upang mamulot umano ng dolyar sa America.
Magkasabay nilang iniwan ang kani-kaniyang mga kasintahan na sina Elang at
Mimang na pawang taga-Tagudin din. Ngunit nahantong pala sila sa pamumulot ng
mga mansanas sa Amerika. Sa araw ay tagalinis si Danny sa isang gasolinahan
samantalang sa gabi naman ay kasama ang kanyang mga rombo o kagrupo na nag-
iinuman sa bar. At kadalasan kapag lasing ay inihahagis sila ng bartender sa
lansangan ng America o di kaya ay nagtatago kapag may mga pulis na dumarating.
Isa palang makata si Danny noon sa Tagudin. Kadalasan pala silang pumupunta sa
mga dung-aw o umaawit na may panangis sa patay at doon nila nakilala ang mga
balasang o dalaga na sina Elang at Mimang na naging kasintahan nila.

Ngunit napagod ang mga balasang sa paghihintay sa kanilang mga


kasintahang sina Danny at Amby kaya nagsipag-asawa ang mga ito ng mga
magsasakang taga-roon sa Tagudin na nagtatrabaho sa tabako. Inalala ni Danny
ang mga panonood nila ng pelikulang Tagalog sa Tagudin kasama ang kanilang mga
kasintahan ni Amby. Napuna ng mag-asawa ang pait na nararamdaman ni Danny
habang nagkukuwento ito tungkol sa kanilang mga balasang gayundin ang mga
pangyayari sa kanilang mga buhay. Sa kanilang pag-uusap ay natanong naman ni
Danny ang mag-asawang pinoy kung saan nanggaling ang mga ito. Sinagot naman
nila si Danny na sila ay dumalaw sa isang kamag-anak sa Chicago. Ibinahagi naman
ng mag-asawa ang dahilan ng pagpunta sa Chicago ay para sa kapatid ng ina ng
asawang babae. Si Tiyo Leoncio ay matanda na at nagkasakit sa Chicago kaya
sumulat ito sa kanyang pamangkin na siya ay dalawin dahil hindi na ito makakauwi
ng Pilipinas. Kaya labis ang pag-iyak ng babae sa mga alaala ng kanyang ina na
nais nitong makita sana ang kapatid na si Tiyo Leoncio bago ito mamatay pero hindi
na ito natupad pa.

Napansin ng mag-asawang pinoy na iba talaga ang pamumuhay at kaugalian


ng mga tao sa America kaysa sa Pilipinas. Walang pakialam ang mga tao sa
America kung ikaw ay naghihinagpis, nalulungkot at umiiyak. Walang magtatanong
at dadamay sa iyong mga problema kahit sumigaw ka pa sa mga kalye ng Los
Angeles dahil abala ang lahat sa paghahanapbuhay. Hindi gaya sa Pilipinas na
maraming nagmamalasakit kahit hindi mo kakilala ay dadamayan ka at
maghahandog ng tulong. Sinabi ito ng mag-asawa kay Danny ngunit hindi na
umaasa si Danny na makakauwi pa siya ng Pilipinas. Gusto na nitong limutin ang
tinubuang lupa. Ang pangarap nila ni Ambrosio na umuwi sa Tagudin ay nawala na.
Ang kaisa-isang hangad nila na makapasok sana sa US Army bilang kawal ay hindi
natupad. Kaya mula noon ay inilibing na nila sa hukay ang pag-asang makakauwi pa
ng Pilipinas. Habang sa kanilang pag-uusap ay may nagbalita sa mag-asawa na
naroon si Ginoong Centeno. Siya ay isang ilustrado na galing sa Pilipinas na
nakapamistang-bayan sa Tagudin. Ikinuwento niya ang pagdiriwang na naganap
kalakip ang mga parangal na idinaos sa bayan ni Danny. Biglang nag-alala si Danny
at tinanong si Ginoong Centeno kung sinabi ba ng ginoo ang totoong kalagayan nila
sa America. Laking pasasalamat ng rombo ni Danny na sinabi ni Ginoong Centeno
na maganda raw ang kanilang kalagayan at trabaho sa America. Ang
pagsisinungaling ni Ginoong Centeno ay nakapagpagaan ng loob ni Danny. Inihatid
naman ni Danny ang mag-asawang pinoy sa paradahan ng bus patungong airport.
Biglang nalungkot ang mag-asawa dahil wala man lang silang maibigay kay Danny
bago sila umalis. Salat rin sila sa salapi sa pagkakataong iyon pero may kinuha ang
asawang babae sa kanyang bag at nasalat niya ang isang keychain. Inihandog niya
ito kay Danny bilang munting alaala nito sa kababayang maiiwan sa America. Gayon
na lang ang kasiyahan ni Danny sa natanggap na munting regalo ng mag-asawa. At
naantig ang asawang babae sa itinuran ni Danny kaya ito rin ay napaiyak habang
sakay ng bus at kumakaway bilang pamamaalam sa kababayan.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang pamagat na “Pinoy sa America” ay nangangahulugan ng mga karanasan,
sakripisyo at pangungulila ng isang pinoy na nagtatrabaho sa bansang America.
Ang kahirapan na naranasan sa Pilipinas ang nag-udyok sa mga pinoy na ito na
mangibang-bansa. Sa pag-aakalang maiaahon nila ang kanilang pamilya sa
kahirapan ay nakipagsapalaran sila sa America.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Ang pangingibang-bansa ng mga pinoy ay
nagpapaliwanag na hindi sapat ang trabaho at kita na ipinapasahod ng mga
kumpanya sa Pilipinas. Hindi din matatag ang mga programang inilalaan ng
pamahalaan upang matustusan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Naghahanap nang mas mainam na oportunidad at pagkakakitaan ang ating mga
kapwa pinoy kaya napipilitan silang iwan ang mga pamilya at mahal sa buhay sa
Pilipinas.

2.Kulturang Pilipino- Makikita ang kulturang Pilipino ng pagiging malapit, may


pakikisama at pagiging palakaibigan sa mga tao lalong-lalo na sa mga kapwa pinoy
na nakikilala sa ibayong dagat. Ang pagiging mapagmahal sa pamilya at sa ibang
tao ay naglalarawan ng ating kahanga-hangang kulturang nakagisnan. Ang pagiging
matiisin, matatag at matibay ang loob ay mga katangian nating mga Pilipinong higit
na kapuri-puri.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Ang katotohana’y kahit na ibaon, lilitaw pagdating ng


takdang panahon”. Ang kasabihang ito ay nakikita sa katauhan ni Danny na pilit
iwinawaksi at kalimutan ang kultura ng kanyang bayang Tagudin at ang bansang
Pilipinas dahil sa mga karanasan at paghihirap na kanyang pinagdadaanan. Ngunit
siya ay nabigo dahil nadama niya ang pangungulila sa kanyang pamilya nang
makausap niya ang mag-asawang Pilipinong nakilala sa bangketa ng Los Angeles.
Naaninag sa mukha ang kasayahan ni Danny nang nagbigay ng keychain ang
asawang babae. Napaluha sa tuwa si Danny sa natanggap na munting regalo kaya
nabuhay ang pag-asang makakauwi siya sa Pilipinas balang araw.

4.Simbolismong Pilipino-Ang simbolong makikita sa akda ay ang keychain na kung


saan ay sumisimbolo ng mga alaala ni Danny sa kanyang tinubuang-lupa. Alaala ng
mga masasaya at mapapait na kahapon na naging dahilan ng kanyang paglisan
upang maghanap ng magandang pagkakakitaan sa bansang America. Nagunita niya
ang simple, masaya at mahirap na pamumuhay sa Tagudin na nagpamulat sa
kanyang mahirap na kalagayan noon sa Pilipinas. Pero sa kabila ng mga mapapait
na alaalang iyon ay nabuhay ang pag-aasam na muling makabalik sa kanyang
bayan upang makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Humanismo- Si Danny at ang mga pinoy na nakipagsapalaran sa bansang America
ay may mga katangian at kaugaliang Pilipino na kailanman ay hindi mawawala sa
kanilang pagkatao. Dito napapatunayan ang malalim na paghubog sa kaugalian,
paniniwala at tradisyong pinamana ng ating mga ninuno.

Realismo- Hindi na bago sa ating lipunan ang pakikipagsapalaran ng maraming mga


Pilipino sa ibang bansa upang makapagbigay nang maayos na pamumuhay. Ito ay
para sa kani-kanilang mga pamilya gayundin ang pagnanais na makamit ang mga
inaasam na mga pangarap na para sa kanilang mga sarili. Ang paniniwalang
maaabot lamang ang mga ito kung makakapagtrabaho sa ibayong dagat.

Saykolohikal/Sikolohikal- Inalala ni Danny at ng mag-asawang pinoy ang mga


kaugalian at tradisyon ng bansang Pilipinas kaya hindi nila maiwasang ikumpara ang
pagkakaiba ng mga kaugalian at paniniwala na natuklasan nila sa bansang America.
Ngunit sa kasamaang palad ang mga karanasang iyon sa tinubuang lupa ang
humikayat kay Danny na umalis at magtrabaho sa America dahil sa kahirapan at
kasawiang nakamit sa Pilipinas.

Historikal- Masasalamin pa rin sa mga Pilipino ang mga kaugaliang namulatan sa


Pilipinas sa kabila ng pagiging malayo nila sa ating bansa. Dala-dala pa rin ni Danny
ang mga kaugalian at paniniwala bilang Pilipino kahit may mapait na pinagdaanan
sa tinubuang-lupa. Natuklasan din ng mag-asawang pinoy na higit na mas kahanga-
hanga ang kultura ng ating bansa kaysa sa America. Gaya na lamang ng
pagmmalasakit, pagdamay at pagtulong sa kapwa kahit hindi magkamag-anak o
kakikilala lamang. Hindi gaya sa America na walang pakialam ang mga dayuhan sa
iyong nararamdaman at pinagdadaanan.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Malaki ang impluwensiya ng kultura at kasaysayan ng
ating pagiging makabayan. Dinala man tayo ng ating mga pangarap sa ibang mundo
na may nakagisnang ibang kultura at kaugalian, hindi nito matitibag ang ating
matibay na paninindigan at pagkakakilanlan na ipinamana ng ating mga ninuno.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Malayo ang agwat ng pamumuhay sa bansang


Pilipinas kaysa sa bansang America. Di-hamak na mas maunlad at progresibo ang
America sa larangan ng ekonomiya gayundin sa pamahalaan. Ang pamamayagpag
ng dayuhang bansa sa kabuhayan, mga trabaho at pagkakakitaan ang siyang nag-
udyok sa ating mga kababayang pinoy gaya ni Danny na subukan ang kanilang
kapalaran sa dayuhang bayan.
C.Kalagayang Pansarili- Ang pagtitiis at pagsasakripisyo ng sariling kaligayahan
para sa pamilya ay isang kapuri-puring gawain. Sa pagyakap sa sariling
pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagmamahal sa iyong kultura, kaugalian at
paniniwala ay tunay na maipagmalaki kahit mapadpad ka man sa ibang lugar sa
daigdig. Ang pagiging makabayan ay talagang mananaig.

I.Pamagat: “Paghihilom” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod:
Isa siyang anak na bunsong babae. Naging malapit siya sa kanyang Ama sa
panahon ng kanyang kamusmusan. Lumaki siyang naging malambing at
lumalambitin sa leeg ng Ama tuwing uuwi ito sa kanilang tahanan. Paraiso ang turing
niya sa kanilang tahanan dahil may masaya siyang pamilyang kinamulatan. Labis-
labis na pagmamahal ang naramdaman niya sa kanyang Amang mangangalakal.
Bihira kung umuwi ang Ama niya kung kaya palagi siyang nasasabik sa pag-uwi nito
sa kanilang tahanan. Madalas niyang tinatanong ang kanyang tahimik na Ina kung
kailan babalik ang kanyang pinakamamahal na Ama. Palagi nitong sinasabi na kung
naroon na raw sa kanilang tahanan ay umuwi na daw ang kanyang Ama.

Hanggang sa isang araw ay umuwi ang kanyang Ama at siya naman ay galing
sa paaralan. Habang papasok siya sa kanilang tahanan ay narinig niya ang
pagtatalo ng kanyang Ama at Ina. Nadurog ang kanyang puso sa nalaman na may
ibang pamilya pala ang kanyang Ama. May iba na ring bunsong nilalambing ang
mahal niyang haligi ng tahanan. Kaya pala matagal itong umuuwi sa kanila ay dahil
doon pala ito madalas na umuuwi sa bagong pamilya. Mula noon ay naiba na ang
pakikitungo niya sa kanyang Ama. Ang minsang masaya niyang paraiso ay napalitan
ng poot at naging malalim na sugat sa kanyang puso. Ang isang paraiso na napasok
ng isang ahas na sumira sa kanyang mundo lalo na sa kanyang pamilya. Hanggang
ang poot na iyon ay umugat at sumidhi ang kirot sa paglipas ng panahon. Kibuin-dili
niya ang kanyang Ama sa tuwing umuuwi ito sa kanila. Nagtataka na rin ito kung
bakit hindi na siya naglalambing at nagbabalita tungkol sa kanyang pag-aral. At kahit
sa makatapos siya ng pag-aaral ay nakatanim pa rin ang pagkasuklam sa Ama.
Kahit ang kanyang katipan ay nagpapayo na rin sa kanya na dapat na siyang
magpatawad.

Pero dumating ang panahon na namalagi nang matagal ang kanyang Ama sa
kanilang tahanan. Nagkasakit ito kaya dinadalaw at ginagamot ito ng kaibigang
doktor sa kanila. Ipinagtapat naman ng doktor ang malubhang kalagayan ng
kanyang Ama sa kanilang mag-ina. Kaya napagpasyahan nilang dalhin ito sa
pinakamagaling na pagamutan sa payo na rin ng kaibigan nitong doktor. Habang sila
ay nasa pagamutan ay hinahanap daw ng kanyang Ama ang kanyang bunso sabi ng
doktor. Pero sigurado siyang hindi siya ang bunsong hinahanap ng Ama. Kaya
pumayag silang makadalaw ang pangalawang asawa at bunso nito ayon na rin sa
payo ng kaibigang doktor at kahilingan ng kanyang nakaratay na Ama. Hanggang sa
isang araw ay sinabi ng doktor na comatose na ang kanyang Ama at ang hinahanap
pala na bunsong anak ay hindi ang pangalawang bunso kundi siya, ang unang
bunso. Inuusig siya ng kanyang konsensiya dahil hindi man lamang niya
napagbigyan ang huling kahilingan ng kanyang Ama. Kahit sa mga huling sandali
nito ay pinairal niya ang poot at pagkasuklam sa kanyang dibdib. Labis ang kanyang
pagsisisi pero huli na ang lahat dahil namatay na ang kanyang Ama. Pero sa
kanyang pangarap ay nakausap niya ito at humihingi ng kapatawaran sa kanya.
Labis-labis ang kanyang pag-iyak pagkakita niya sa kanyang Ama. Pinunasan ng
kanyang Ama ang kanyang pisngi ng panyolitong nasa mesita na nasa tabi ng
kanyang kama. Mahigpit na nagyakapan ang mag-ama sa pangarap. Hanggang sa
napabalikwas siya nang gising at napagtanto niyang ang panyolito ay basang-basa
ng luha.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang ibig sabihin ng pamagat sa akdang “Paghihilom” ay ang paghingi ng tawad ng
isang amang nagkasala sa kanyang anak na nagtanim ng poot at pagkasuklam.
Dahil sa pagkakaroon ng ibang pamilya ng kanyang ama ay gumuho ang paraiso ng
isang batang bunso na minsang nagmahal ng lubos sa kanyang ama. Sa panaginip
na lamang nagkapatawaran ang mag-ama dahil hindi napatawad ng bunsong anak
ang kanyang tatay sa panahong ito ay nabubuhay pa. Kaya nasa proseso pa lamang
ng pagpapatawad ang bunsong anak kaya ito pinamagatang paghihilom.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Hindi na iba sa ating mga Pilipino ang
pagkakaroon ng isang broken family dahil sa pangangaliwa ng isang ama o di kaya’y
ng isang ina. Kaya lubos na naaapektuhan ang mga anak sa ganitong mga
sitwasyon. Higit na naaapektuhan ang kalusugang mental dahil sa paghihiwalay ng
kanilang mga magulang. Idadagdag pa rito ang pagkakaroon ng kapatid sa labas
kaya naiipon ang pagkamuhi ng mga anak hanggang sa kanilang paglaki. Dahil dito,
nasasaktan, nagrerebelde at nagtatanim ng galit ang mga anak kung kaya hindi
maayos ang kanilang relasyon sa bawat isa.

2.Kulturang Pilipino- Ang kulturang Pilipino sa kuwentong ito ay ang labis na


pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak kaya nailihim niya sa mga ito ang
pagtataksil ng kanilang haligi ng tahanan. Ito rin ang isang kaugalian nating mga
Pilipino na handang magsakripisyo at magtiis alang-alang sa kapakanan ng mga
anak upang maging buo pa rin ang pamilya. Ang ilaw ng tahanan ay handang
maging isang martir upang hindi mawasak ang binuong pamilya kahit ang kapalit
nito’y pagdurusa habang buhay.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat”, ito ay


nagpapaliwanag na kailangan ang pagiging matapat sa pamilya upang maging
maayos ang relasyon sa isat-isa. Ang pagmamahal ng tapat at wagas sa iyong
asawa at mga anak ay magkakaroon ng matagal na pagsasama ng pamilya.
Kailangan din ang taimtim na pananampalataya sa Panginoon upang maging
matibay at matatag ang relasyon ng bawat isa. Maiiwasan din ang pagtataksil na
kadalasang naging sanhi ng pagkawasak ng pamilya.

4.Simbolismong Pilipino- Ang simbolong makikita sa kuwento ay ang paraiso ng


batang bunso na ang ibig sabihin ay ang kanilang kompleto at masayang pamilya na
sama-sama sa isang tahanan. Samantalang ang ahas na tinutukoy ay ang
pagtataksil ng kanyang ama na naging sanhi ng kanyang lihim na pagkasuklam na
nadala niya hanggang sa kanyang paglaki. Ang isa pang simbolo na nakapaloob ay
ang pangarap na ang ibig sabihin ay panaginip dahil nakasama ng batang bunso
ang kanyang ama sa kanyang panaginip at nagkapatawaran sila sa isat-isa.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Realismo- Ang problemang kinakaharap ng pamilya sa kuwento ay tunay na
nangyayari sa ating lipunan. Kung saan ito ay nagiging sanhi ng hindi
pagkakaunawaan at pagkakasira ng relasyon. Ang pagtataksil ng ama ng batang
bunso ang nag-udyok sa kanyang matinding pagkamuhi at paglayo ng kanyang loob
sa ama na hanggang sa pagkamatay nito ay dala niya ang pagsisisi na hindi
napatawad ang amang nagkasala.

Arkitaypal- Ang mga malalalim na simbolo gaya ng paraiso, ahas at pangarapay


nagpapahiwatig ng malawak na imahinasyon ng may-akda. Ang paraiso ay
sumasagisag ng masaya at mapagmahal na pamilya ng batang bunso. Samantalang
ang ahas naman ay tumutukoy sa pagtataksil ng kanyang amang mangangalakal na
na nagresulta sa kanyang matinding galit dito. Ang simbolong pangarap naman ``ay
ang isang panaginip na kung saan nagyakapan at nag-iyakan ang mag-ama

Romantisismo- Sa kabila ng pagtataksil at pagkakaroon ng ibang pamilya ng


kanyang ama ay minahal at pinagsilbihan pa rin ng kanyang tahimik na ina ang
nagkasakit na ama. Ito ay nagpapatunay lamang nang wagas na pagmamahal nito
sa kanyang ama at sa kanilang pamilya.

Moralistiko- Ang pangangaliwa ay isang malaking kasalanan sa mata ng Diyos


maging sa batas ng lipunan. Ito ay nagbubunga ng paghihiwalay ng bawat miyembro
ng pamilya. May malaking kontribusyon din ito sa pagbabago ng pag-uugali,
pananaw at pagkatao ng isang taong nakaranas ng ganitong sitwasyon. Kaya
hanggang may panahong magbago at magpatawad ay kinakailangang gawin upang
makamit ang paghilom ng sugat sa puso at isipan.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Nawawalan ng respeto at pagmamahal ang mga anak sa
mga ama o inang nagtataksil na naging sanhi ng pagkawatak-watak ng kanilang
pamilya. Ang pagrerebelde, paglalayas at paggamit ng mga bawal na gamot ang
kadalasang ginagawa ng mga kabataan sa kasalukuyan upang makalimot sa
kanilang pinagdadaanang dagok sa buhay. Kaya kinakailangan ang tamang
paggabay nga mga magulang sa kanilang mga anak upang maiwasan ang ganitong
mga pangyayari.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Magiging magulo ang pamumuhay ng isang


pamilyang sinira ng pagtataksil. Hindi magiging maganda ang ganti ng kapalaran sa
mga taong sumisira ng kinabukasan ng kanilang asawa at mga anak.

C.Kalagayang Pansarili- Walang maidudulot na mabuti sa pamilya ang pagiging


makasarili. Ang pagsaalang-alang sa sariling kaligayahan ay nagkakaroon ng karma
na unti-unting sumisira sa iyong sariling pagkatao.

Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3


Fili 116: Panunuring Pampanitikan
Guro: G. James Lloyd B. Calunsag
I.Pamagat: “Balik-bayan” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod:

May maglolong nagbabalik-bayan sa Pilipinas, sina Lolo Tacio, Tasing at Dick


na galing sa Chicago. Umuwi sila sa bansa upang magbakasyon sa mga kamag-
anak ng ina ni Tasing sa Albay. Masayang-masaya si Tasing sa pagbabalik niya sa
kanyang Inang Bayan at gusto niya ang klima ng bansa. Samantalang si Dick naman
ay hindi gusto ang mainit na klima ng Pilipinas kaya todo ang pagpapaypay ng
katulong na si Inday sa kanya. Gusto na agad nitong bumalik sa Chicago dahil
nakasanayan na nito ang malamig na klima ng bansang pinanggalingan. Sumakay
sa tren ang maglolo papuntang Albay samantalang ang katulong na si Inday at ang
apo nitong si Dick ay naiwan sa kanyang Uncle Sam sa Maynila. Sina Lolo Tacio at
Tasing ay magbabakasyon sa Albay kung saan nakatira si Nana, ang tiyahin ng
yumaong ina ni Tasing. Naroon din sa Albay ang iba pang mga kamag-anak ni
Tasing kaya sabik na sabik ang bata sa kanilang biyahe. Nakadungaw ito sa bintana
habang pinagmamasdan ang luntiang bukirin na kanilang nadadaanan. Walang
sawang tinatanaw ni Tasing ang mga burol, taniman, mga magsasakang gumagawa
at ang mga kalabaw. Labis-labis ang paghanga ni Tasing sa kanyang mga nakikita
sa paligid. Hindi niya naramdaman ang gutom habang sila ay naglalakbay dahil
busog na busog ang kanyang mga mata sa kanyang mga natatanaw na mga
tanawin. Si Tasing ay apo ni Lolo Tacio sa kanyang bunsong anak na lalaking
namatay kasama ang ina nito sa pakikipaglaban sa sakada sa Negros Occidental.
Ang ina naman ni Dick ang panganay na anak ni Lolo Tacio na nakapag-asawa ng
isang kano kaya ito nakatira sa Chicago.

Habang sa kanilang paglalakbay, patuloy ang pagkukuwento ni Lolo Tacio kay


Tasing tungkol sa mga kaugaliang pinoy na sadyang kahanga-hanga. Ipinagmalaki
din nito sa kanyang apo ang magagandang tanawin ng Albay. Isa na rito ang kaakit-
akit na kagandahan ng Bulkang Mayon na natatangi sa kanyang karilagan. Hindi
maipagkakaila sa mga mata ni Tasing ang pananabik na makita ang bulkang
kinukuwento ni Lolo Tacio. Tanghali na nang makarating ang maglolo sa bahay ng
kamag-anak ni Tasing. Buong galak silang sinalubong ng mga ito nang may
pananabik sa pamamagitan ng yakap at halik sa dalawa. Pinaghanda din sila ng
mga ito ng pananghalian na puro mga pagkaing pinoy. Magiliw silang tinanggap
bilang panauhing nagbalik-bayan sa lupang tinubuan. Wala ding mapaglagyan ang
kasiyahan ni Tasing nang makilala ang mga kamag-anakan ng kanyang yumaong
ina. Namangha siya sa kanyang natuklasang kaugalian ng mga pinoy at naikumpara
niya ito sa kaugalian ng mga kano sa Chicago. Ibang-iba ang pagtanggap ng mga
panauhin ng mga pinoy kaysa sa mga kano. Napansin din ni Tasing na puro bago
ang mga kagamitang ipinapagamit sa kanilang mag-lolo. At dito nagsimula ang
kanyang kagustuhang manatili sa sariling bayan. Ang mabuti at magandang
pakikisama ng mga tao ay ang kaugaliang hindi na maiaalis sa mga pinoy. Kaya
batid ni Lolo Tacio ang kalungkutan ni Tasing kung babalik na sila sa Amerika at ito
rin ang nararamdaman ng matanda. Bakas ang pag-aalinlangan ni Lolo Tasio nang
tanungin si Tasing tungkol sa pagbabalik nila sa Amerika. Batid kasi ni Lolo Tacio na
malulungkot si Tasing.
Lumipas ang mga araw, matiyaga ang paghihintay ni Tasing upang masilayan
ang kabuuan ng Bulkang Mayon. Halos araw-araw niyang tinatanaw sa bintana ang
pagtatago ng bulkan sa mga ulap at hinihintay na makita ang paghawi nito upang
masilayan ang kagandahan ng bulkan. Hanggang isang araw ay nagsabi si Lolo
Tacio na baka hindi na masisilayan ni Tasing ang Bulkang Mayon dahil babalik na
sila sa America. Kaya umilap ang mata ni Tasing at hindi ito nakasagot sa sinabi ng
kanyang Lolo Tacio. Nakita ng matanda ang kalungkutan sa mukha at tinig ni Tasing
na hindi pa nito gustong bumalik sa America. Alam din ni Lolo Tacio na iyon din ang
nais ng kanyang puso, ang manatili sa bayang sinilangan. Pero alam ng matanda na
naghihintay sa kanila sa Maynila ang kanong si Uncle Richard dahil sama-sama
silang babalik sa America. At dumating ang araw na pinakahihintay ni Tasing, sa
gitna ng agahan at pananghalian ay napasigaw si Tasing sa tuwa. Ang tuwa ng
kagalakan ay namutawi sa kanyang mukha dahil nasilayan na rin niya sa wakas ang
hindi maipaliwanag na kagandahan ng Bulkang Mayon. Hindi namalayan ni Tasing
ang pagngilid ng kanyang mga luha habang nagmamasid sa bulkan. Ang lihim na
pagsamba sa walang katulad na karilagan ng Bulkang Mayon ang naghari sa mundo
ni Tasing sa mga oras na iyon. Pinahid ni Nana ang luhang umaagos sa mukha ni
Tasing at nagtatakang tinanong ang bata kung bakit ito umiiyak. Hindi maipaliwanag
ni Tasing ang kanyang nararamdaman. Kaya ipinangako ni LoloTacio na ikukuwento
nito ang tungkol kay Daragang Magayon kung saan nagmula ang pangalang
Bulkang Mayon. Sinabi din ng matanda na aakyat sila sa bulkan kaya lalong naging
masaya si Tasing sa ipinangako ni Lolo Tacio. At tinanong naman ni Tasing kung sa
tuktok ng bulkan sila aakyat pero ang sabi ni Lolo Tacio ay hanggang sa unang
pahingahan lamang. Ayon sa matanda ay wala pang taong nakararating sa tuktok
dahil iyon daw ay katulad ng isang uliran. Ibig sabihin, buhay ang magiging
katumbas sa pag-akyat sa tuktok nito. Lalong namangha si Tasing kahit hindi nito
maintindihan ang sinabi ng matanda. Balang araw din daw ay maiintindihan ni
Tasing ang sinabi ni Lolo Tacio ukol sa isang uliran. Sa pagkukuwentuhan ng
maglolo ay maingat na nagtanong ang matanda kay Tasing na kung matapos nilang
maakyat ang Bulkang Mayon ay nais na ba nitong bumalik sa Maynila upang sabay-
sabay na silang babalik sa America. Naging malungkot si Tasing sa sinabi ni Lolo
Tacio kaya umiwas siya dito ng tingin. Ayaw na niyang bumalik ng America dahil
gusto ni Tasing na manatili sa piling ng kanyang Nana at mga kamag-anakan. At
iyon din pala ang nais ni Lolo Tacio, ang manatili at mamuhay ng simple pero
masaya sa kanyang Inang Bayan. Kaya naman napasigaw na lamang si Tasing sa
kasiyahan sa naging pasya ng kanyang Lolo Tacio na mamalagi na silang dalawa sa
bayang sinilangan. Lubos din ang kagalakan ni Nana na ibinalita sa kanilang kamag-
anakan ang pagpirmi sa bayan ng maglolong balik-bayan.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang kuwentong “Balik-bayan” ay ang pagbabalik sa bayan ng maglolong sina Lolo
Tacio at Tasing para magbakasyon. Ang pagkasabik at paghanga ng dalawa sa
sariling bansa ang nag-udyok sa kanilang manatili sa tinubuang lupa. Ang makulay
na kultura, mayamang kalikasan at kamangha-manghang kaugalian ng mga Pilipino
ang nagpabilib kina Tasing at Lolo Tacio kaya nahikayat silang manatili na lamang sa
kanilang sariling bayan. Dahil dito nanaig ang kanilang pagmamahal sa bansang
Pilipinas at napasyang mamuhay ng payak at payapa.
IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman
1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Nasasalamin ang mabuting pag-uugali ni
Tasing sa kuwento gaya ng pagiging mapagmahal sa kanyang Lolo Tacio, pagiging
masunurin, matulungin sa mga gawain, masayahin at puro ang pagmamahal niya sa
kanyang bayan. Ang pagnanais niyang manatili sa sariling bayan ay tanda ng
kanyang dalisay na pag-ibig sa kanyang Inang Bayan. Ang simpleng pamumuhay ng
mga Pilipino, ang pagsasaka at masaganang turismo ng bansang Pilipinas ay
nagpapagalak sa maglolong Lolo Tacio at Tasing. Kaya napagpasyahan nilang
manirahan at magbalik sa sariling bayan.

2.Kulturang Pilipino- Talagang makulay, masining at masagana ang kulturang


mayroon tayong mga Pilipino. Gaya na lamang ng labis na pagpapahalaga sa
pamilya, mabuting pakikisama at pagtutulungan sa panahon ng kagipitan. Ilan
lamang ang mga iyan sa kahanga-hangang pag-uugali ng mga pinoy. Ang magiliw
na pagtanggap sa mga bisita, mga yaman ng kalikasang namumukod-tangi at ang
malalim na kasaysayan ng ating pinagmulan ay isang malaking biyaya ng Dakilang
Lumikha sa ating bansa. Ang pagmamano at paggalang sa mga nakatatanda at ang
pagtulong sa kapwa ay isang tatak pinoy na kaugalian.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Huwag tayong maging dayuhan sa sarili nating bayan”. Isa
lamang ito sa mga katagang iniwan sa atin ng ating pambansang bayani na si Dr.
Jose Rizal na nagpapahiwatig na dapat tangkilikin natin ang sariling kultura. Mahalin
natin ang mga gawang pinoy gayundin ang ating mayamang kalikasan. At huwag
ikahiya ang lahing Pilipino. Napapalibutan ang ating bansa ng makukulay, masining
at makasaysayang likas-yaman na sadyang kaibig-ibig maging sa mga mata ng mga
dayuhang sumakop sa atin. Ang pagbabalik-bayan ng maglolo ay lubos na
kakikitaan ng pagmamahal sa bayang sinilangan. Ito ay hindi kailanman mababago
ng panahon saanman sila dinala ng kanilang kapalaran ay ninais pa rin nilang
makabalik sa tunay na pinagmulan.

4.Simbolismong Pilipino- Ang simbolismong makikita sa akda ay ang paglalahad


ukol sa isang Uliran na nagpapaliwanag ng isang pamantayan ng mataas na uri o
katangian. Inihahalintulad ito sa taong nagnanais na maka-akyat sa tuktok ng
Bulkang Mayon. Ang minimithi nitong makalapit at makamasid sa perpektong hugis
ng bulkan ay humihingi ng mabigat na kapait at ito ay ang buhay ng taong gustong
masilayan ang marikit na kabuuan ng Bulkang Mayon.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Realismo- Ang mga pangyayari sa kuwento ay nagpapakita ng pagmamahal ng
maglolo sa kanilang pinagmulang bansa. Kahit nakaranas sila ng magandang buhay
sa America ay pinili pa rin nilang bumalik at manirahan sa sariling bayan. Kahit
payak ang pamumuhay ay maligaya at matatag ang kanilang pagmamahal sa kani-
kanilang pamilya at sa bansang Pilipinas.

Humanismo- Mababasa natin sa kuwento ang magagandang katangian ng mga


Pilipino na maikukumpara natin sa ibang bansa. Ang pakikisama at pakikipagkapwa
ay tanda na ng ating pagiging tunay na Pilipino. Nakikita natin ang kagandahang-
asal ni Tasing tulad ng paggalang niya sa kanyang Lolo Tacio at sa kanyang Nana
na nagpapahiwatig ng lahing pinoy. Ang pagiging masayahin, pala-kuwento at
pagiging magiliw ni Lolo Tacio ay nagpapahiwatig ng kanyang pagiging makabayan.
Dahil ipinagmamalaki niya kay Tasing ang mayamang kultura at kalikasan ng ating
bansa.

Imahismo- Nagamit ang teoryang ito sapagkat inilarawan ni Lolo Tacio ang mga
tanawin, paniniwala at tradisyon ng mga Pilipino. Sa pamamagitang ng paglalarawan
ni Lolo Tacio ay naaaliw at nasasabik si Tasing sa kanyang mga nakikita kaya
gumana rin ang kanyang imahinasyon na lalong napahanga sa kagandahan ng
Inang Pilipinas. Ang kahanga-hangang tanawin ng Bulkang Mayon na kakikitaan ng
karilagan ang nakahikayat kay Tasing na mamuhay ng simple sa kanyang bayan.

Ekstensiyalismo- Ang pagpasya nina Lolo Tacio at Tasing na manatili sa kanilang


bayan ay nagpapahiwatig ng kanilang pagmamahal sa sariling bayan.
Pinahalagahan din nila ang kanilang sariling kaligayahan kaya isang kahanga-hanga
ang paninindigan ng dalawa na mamuhay ng matiwasay sa tinubuang lupa.

Romantisismo- Dalisay at katangi-tangi ang pagmamahal ng maglolong sina


LoloTacio at Tasing sa kanilang bayang sinilangan. Ipinagmalaki nila ang masining,
at makulay na kultura ng ating bansa kung saan naranasan nila ang kaugalian ng
ating lahi. Gayundin ang paghanga nila sa likas na yaman ng ating bansa at ang
mga natatanging kuwento ng kasaysayan ng bawat lugar at tanawin.

Bayograpikal- Ang hindi maipaliwanang na kaligayahan ni Tasing na nagpaluha sa


kanya dahil sa tahimik na pagsaba niya sa karilagan ng Bulkang Mayon at ang mga
magangand kaugaliang namalas niya sa kanyang mga kamag-anakan.

Historikal- Ipinahahayag sa akda ang malawak at malalim na kasaysayan ng


Pilipinas na sadyang katangi-tangi na dapat maipagmalaki natin sa ibang lahi. Ang
mga kuwentong-bayan, alamat, epiko at mga talambuhay ng mga bayani ay mga
halimbawa lamang na isang mayaman at hitik sa kutura ang bawat rehiyon ng ating
bansa.

Kultura- Ibinahagi ang kakaibang kultura, paniniwala at tradisyon ng mga Pilipino na


lumilinang sa kaalaman ng bawat mamamayan ng bansa. Sa pamamagitan ng
paglalarawan at pagkukuwento ni Lolo Tacio kay Tasing tungkol sa kanyang
karanasan at nakamulatan ay nabuhay ang pagnanais ni Tasing na manirahan sa
bayan ng kanyang yumaong ina at makapiling ng matagal si Nana gayundin ang
kanyang mga kamag-anak.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Nakikitaan ng magagandang asal at kaugalian ang mga
Pilipino tulad ng pagiging mapagmahal sa pamilya, pagiging masayahin at ang
mainit na pagtanggap sa mga bisita. Ang paghahandog ng mga pagkain,
pagpapagamit ng mga bagong kasangkapan sa mga panauhin. Ang pagmamano sa
mga nakatatanda, paghalik sa kamay o pisngi at pakikipagkuwentuhan ay mga
kaugaliang pinoy na hanggang sa ngayon ay namamalas pa rin natin. Ang mabuting
pakikisama sa kapwa-tao at pinatutuloy ang mga kamag-anakan sa mga bahay at
ang salu-salo kasama ang pamilya sa hapag-kainan ay mga bagay rin na naging
kaugalian nating mga Pilipino.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Sa larangan ng pagsasaka unang napaunlad ng


mga sinaunang Pilipino ang kanilang kabuhayan na hanggang sa ngayon ay may
mahalagang kontribusyon sa pamumuhay ng ating bansa. Ang mga magagandang
tanawin sa ibat-ibang sulok ng Pilipinas ang nagpapalakas sa turismo at ekonomiya
natin. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga lokal na produkto at pagbili ng sariling
atin ay isang pinakamahalagang hakbang tungo sa kaunlaran ng bawat indibidwal
na nagsusumikap makaahon sa kahirapan. Ang pagbebenta ng sariling produkto sa
ibang bansa ay nakatutulong sa ekonomiya at pagsasabuhay ng ating kulturang
kinagisnan.

C.Kalagayang Pansarili- Ang pagmamahal sa sariling bayan ay nakapagpapatibay


ng relasyon sa ating mga pamilya at lipunan. Ang pagtulong sa mga gawaing-bahay,
pakikinig sa mga payo ng mga nakatatanda, ang pagiging matulungin at masunurin
sa nakatatanda ay nakakatulong na mapaunlad ang sariling pagkatao. Gayundin ang
maayos na pakikisalamuha at pakikisama sa ibang tao ay tanda rin ng isang
pagiging Pilipino na maipagmamalaki mo sa iyong sarili.

Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3


Fili 116: Panunuring Pampanitikan
Guro: G. James Lloyd B. Calunsag

I.Pamagat: “Planeta, Buwan at mga Bituin” ni Elpidio P. Kapulong

II.Buod:

Ang akda ay tungkol kay Cesar, isang karakter na tila sumasailalim sa isang
malalim at masalimuot na guni-guni o panaginip. Dumaan siya sa ibat-ibang yugto
ng pangangarap. Mula sa isang pagiging dakilang mandirigma hanggang sa isang
pagiging magbubukid. Sa kanyang mga guni-guni ay nakikita niya ang kanyang sarili
sa ibat-ibang sitwasyon at panahon. May pangyayaring nakasakay siya sa isang
kalabaw na kaangkas ang babaeng may mahabang buhok at may kayumangging
kulay. Nahulog ang babae sa kalabaw kaya napasigaw si Cesar. Biglang natigil ang
kanyang pagsigaw nang maramdaman niyang may isang matigas na bagay ang
tumama sa kanyang ulo. Kaya sa oras na iyon siya ay nawalan ng ulirat. At sa
kanyang paggising ay nasa isang trono si Cesar at nakaupo. Sa mundong iyon, siya
ay isang maharlikang mandirigma na napalilibutan ng mga kawal. Biglang lumusob
sa kaharian ni Cesar ang mga kalaban niya. Ito ay si Dante na kanyang
makapangyarihang kaaway at may dala ring mga kawal at malalakas na sandata.
Nalilito si Cesar sa kanyang kalagayan at napaisip siya kung siya ba ay nakalimot,
nababaliw o tunay na nasa ibang mundo. At naramdaman niyang ang kanyang
pagkatao sa daigdig na iyon ay walang kaluluwa. Pero nakikita niya pa rin sa paligid
ang mga kawal na nakapalibot sa kanya. Si Cesar ay tila nasa isang lugar na may
mga estatwang kahoy, bronse at marmol.

Sa kanyang pagkabaghan sa kanyang nadarama at nakikita ay bumabagabag


pa rin kay Cesar ang anyo ng isang babaing may mahabang buhok at may
kayumangging kulay. Nainis siya sa kanyang sarili dahil kahit sa kanyang guni-guni
ay naroroon pa rin ang babae. Ang labis na pananabik sa babae ay pinagtakhan niya
dahil hindi niya akalain na mababaliw siya sa isang babaeng minsan ay naging
aliwan lamang niya. At nagunita na naman niya ang isang pangyayaring naging
kaangkas niya ang babaing ito at nakasakay sila sa isang kalabaw. Hindi
maipaliwanag ni Cesar ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Nagtataka siya
kung bakit nag-iiba ang kanyang pagkatao at sitwasyon. May pagkakataong siya ay
naging mandirigmang Romano na may kasuotang pandigma. Ngunit may
pangyayaring ding tila nasa isa siyang palabas na gumaganap bilang isang tauhan.
Hindi maipaliwanag ni Cesar ang mga ibat-ibang pangyayari. Pero isa lang ang
sigurado sa kanya, ang babaeng may mahabang buhok at may kayumangging kulay
ay hindi mawala sa kanyang isipan. Mayroon ding sitwasyon na nakikipaglaban siya
sa kanyang mga kaaway at natamaan na naman ang kanyang ulo ng tabak.
Nagsusumiksik na naman sa kanyang isipan ang pagkatao ng isang magbubukid.
Siya daw ay si Cesar na isang hamak na magbubukid sa kanilang bayan.

Nang muling magising si Cesar ay nasa isang matigas na himlayan siya.


Nakabantay at nakamasid sa kanya ang isang matandang babae. Iyon ang ina ni
Cesar na si Aling Rosa na lubos na tumatangis sa kalagayan ng kanyang anak.
Marami ding nakamasid sa kanya na nagsasabi na siya ay nababaliw. Sa tuwing
siya ay nagigising mula sa kanyang mga guni-guni ay naging marahas ito sa mga
taong nasa paligid niya. Nasasaktan niya ang mga ito kabilang ang kanyang inang
umiiyak na lamang sa ginagawa ng anak. Mayroong balbasing matanda na kasama
ang ina ni Cesar. Tila ito ay isang albularyo na gumagamot sa mga taong
nakakaranas ng mga di-maipaliwanag na mga pangyayari at pagbabago sa kanyang
katauhan at mga ikinikilos. Naroon din ang magandang babaing dumalaw sa kanya
na nalilito rin sa mga nagaganap kay Cesar. At sa puntong iyon ay ginamot na
naman siya ng matandang balbasin. Pumailanlang si Cesar sa itaas nang gamutin
siya ng matanda hanggang siya ay umiinog kasabay ng mga bituin at planeta
kasama ang mga kumeta at ang buwan. Sa kanyang pagmulat ay natauhan na si
Cesar at bumalik na rin ang kanyang alaala. Napabalikwas siya sa kanyang
pagkakahiga at sinugod ng mahigpit na yakap ang babaing dumating. Tinawag ni
Cesar ang pangalan nito. Ang babaing may mahabang buhok at may kayumangging
kulay ay walang iba kundi si Meding. Nag-iyakan sila sa kasiyahan kabilang ang ina
ni Cesar at si Meding, ang babaeng mahalaga kay Cesar.

III.Kahulugan ng Pamagat:

Sa planetang ating ginagalawan, ay may isang buwan at mga bituin na sa tuwing


tinititigan ay may nararamdaman tayong katahimikan sa ating puso’t isipan.
Napakaliit ito kung pagmasadan subalit ang hatid sa atin ay tunay na kaligayahan.
Mga liwanag na kumikislap sa kalangitan na nagbibibgay ng pambihirang
kagandahan ng kalawakan. At sa tuwing ito ay nasisilayan, tila ba bumabalik ang
mga gunita na nagpapaalala ng mga pangyayaring minsan ay hindi natin
maintindihan. Makikita din ang kahalagahan ng planeta, buwan at mga bituin na
nagdadala sa atin sa direksyon patungo sa ating paroroonan. Gaya ni Cesar na
nakaranas ng pagkalito kung siya ba ay nanaginip, nakalimot o nabaliw. Sa kanyang
guni-guni, siya ay naglakbay gamit ang mga tauhang nagbibigay kababalaghan at
kalituhan sa kanyang pagkatao.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Kabuhayan- Ipinapakita sa akda ang kalagayan ni Cesar
mula sa pagiging dakilang mandirigma patungo sa simpleng magbubukid. Iot ay
nagpapahiwatig ng isang transisyon mula sa mataas na estado patungo sa mas
payak na pamumuhay.

2.Kulturang Pilipino- Ang kuwento ay nagpapahiwatig sa kahalagahan ng pagiging


mapagkumbaba at pagtanggap sa pagbabago pati na rin ang kahalagahan ng mga
mahal sa buhay.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Ang lalaking tunay na matapang, hindi natatakot sa pana-


panaan”. Ipinakita ni Cesar ang kanyang tapat at wagas na pag-ibig kay Meding
kahit siya ay nagkaroon ng kalituhan sa kanyang pagkatao sa kanyang guni-guni.
Nakaukit na sa kanyang puso at isipan ang imahe ng babaeng kayumanggi at may
mahabang buhok at iyon ay walang iba kundi si Meding
4.Simbolismong Pilipino- Ang katangiang ipinamalas ni Cesar na maging matapang
at matatag sa kabila ng dinanas na kalituhan sa kanyang pangarap ay nagpapakita
ng tunay na kaugalian ng mga Pilipino. Anumang pagsubok ang kinakaharap ay
naging matibay ang loob niyang lumaban sa buhay.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Simbolismo- Ang may-akda ay gumamit ng mga masining at matalinghagang salita
na sumisimbolo sa katauhan, pagkatao at katangian ng mga karakter partikular ang
karakter ni Cesar. Kinakailangan ang malawak na imahinasyon upang maunawaan
nang mabuti ang bawat pangyayari sa kuwento tulad na lamang ng mga guni-guni ni
Cesar na naglakbay sa ibat-ibang pagkatao. Ang pagkalito niya sa kanyang
katauhan na kung saan siya isang mandirigma at kalauna’y naging isang hamak na
magbubukid.

Romantisismo- Sa kabila ng kalituhan sa kanyang pagkatao ay hindi naalis sa


kanyang isipan at puso ang isang babaeng may mahabang buhok at may
kayumangging kulay. Hindi nawala sa kanyang guni-guni ang katauhan ng babaeng
mahalaga at minahal niya sa kabila ng kanyang nararanasang kababalaghan sa
sarili.

Realismo- Masasalamin ang pagkakaiba ng estado ng mga tao sa lipunan. May mga
taong namumuhay sa isang mataas na antas at makapangyarihan. Sa pangarap ni
Cesar ay naging mandirigmang Romano siya na nakikipaglaban sa kanyang kaaway
na si Dante. Mayroon ding namulat sa simpleng pamumuhay gaya na lamang ng
isang magbubukid na naranasan ni Cesar sa ibang bahagi ng kanyang guni-guni.

Imahismo- Ginamit ng may-akda ang kanyang malawak at masining na imahinasyon


upang magkaroon ng masusing pagsusuri at pag-unawa ang mga mambabasa.
Kahit nakadulot ito ng kalituhan, masasalamin ang hangarin ng may-akda na
mabuksan ang interes ng mga mambabasa sa ibang dimensyon ng mundo. Gaya sa
mga guni-guni ni Cesar na nakarating siya sa daigdig ng mga bituin, kaharian na
puno ng mga hiyas na diamante, may planeta at kometa sa kalawakan.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Ipinapakita sa kuwento ang posibleng pagbabago sa
panlipunang kalagayan ng isang tao. At kung paano ito nakakaapekto sa
pagkakakilanlan sa kanyang sarili gayundin ang ugnayan nito sa ibang tao.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Ang pagbabago sa karakter ni Cesar mula sa


pagiging isang matapang na mandirigma patungo sa pagiging simpleng magbubukid
ay nagpapakita ng pagbabago sa pangkabuhayang estado ng isang tao at paano
naaapektuhan ang kanyang pagkatao.

C.Kalagayang Pansarili- Ang kuwento ay nagpapahiwatig ng kahalagahan ng


personal na paglago at pagtuklas sa tunay na sarili o pagkatao. Ang pagpapalawak
ng iyong kaalaman at paglinang sa sariling pag-unlad ay nakatutulong sa
pagkakaroon ng sariling identidad.

Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3


Fili 116: Panunuring Pampanitikan
Guro: G. James Lloyd B. Calunsag

I.Pamagat: “Tatlong Kuwento” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod:

May isang dalagang manunulat, siya ay si Lita. Nakahiligan niyang magsulat ng


mga kuwentong may malungkot na mga istorya na sadyang ipinagtataka ng mga
nakakabasa nito. Kaya nais niyang sumulat ng masayang kuwento at ang istoryang
iyon ay ang sarili niyang buhay. Bata pa lamang si Lita ay kakikitaan na ito ng
kagandahan na hinahangaan ng marami. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ang
kanyang malungkot, mahirap at masalimuot na buhay kaya pinilit niyang makatakas
sa daigdig na iyon. Naging parte ng kanyang daigdig si Luis, ang una niyang pag-
ibig. Naging mapusok, marubdob at matamis ang kanilang pagmamahalan kaya
naging mapagparaya si Lita kay Luis. Ito ang simula ng unang kuwento ni Lita, isang
marikit, masaya at maluwalhati na kuwento ng kanyang buhay. At ang mapusok na
pag-iibigang iyon ay nagbunga. Kaya naglihi si Lita na sanhi ng kanyang pagsusuka,
pagliban sa trabaho at pagsusungit sa kasintahang si Luis na ipinagtaka ng huli.

Labis ang pagdududa ni Luis sa tinuran ni Lita kaya naghinala ang lalaki na may
ibang kasintahan ito. Nagtalo ang magkasintahan dahil pinaghihinalaan ni Luis ang
boss ni Lita na si Sir Cuenco, ang may-ari ng pahayagan na pinapasukan ni Lita.
Naging mabait ito sa kanya dahil sinusundo at hinahatid siya ni Sir Cuenco sa
kanyang dormitoryo. Nagdadala din ito ng mga inumin, pagkain at prutas sa dalaga
kaya labis ang pagseselos ni Luis dito. Kaya sinabihan ni Lita si Luis na pakasalan
na siya nito upang matigil na ang pagdududa sa kanya. Pero hindi nakapagsalita si
Luis at pagkaraan ay ipinaliwanag nito ang dahilan kay Lita. Ang labis na
pagdarahop ng binata ang dahilan nito kung bakit hindi pa niya mapapakasalan ang
dalaga. Kaya dinamdam ito ni Lita at tinapos niya sa puntong iyon ang kanyang
unang kuwento. Hanggang isang gabi, inihatid na naman siya ni Sir Cuenco sa
kanyang tirahan. Naging masaya ang gabing iyon ni Lita na may kuwentuhan at
inumang naganap kaya naisip niyang magiging masaya na ang kanyang
pangalawang kuwento. Ngunit sa kasamaang-palad ay may binabalak pa lang hindi
maganda si Sir Cuenco kay Lita. Nang inumin ng dalaga ang inihaing inumin ay bigla
siyang nahilo at nawalan ng malay. Ang tanging naalala lamang niya ay ang
pagpapahiga sa kanya ng kanyang amo.

Kinaumagahan na nang napagtanto ni Lita ang nangyari sa kanila ni Sir


Cuenco. Wala na siyang nagawa kundi ang umayon sa agos ng mga pangyayaring
naganap. Hindi alam ni Lita kung ano ang gagawin niya kaya naging sunud-sunuran
na lamang siya sa kanyang amo. Pinatira siya nito sa isang condominium, binigay
ang lahat ng kanyang pangangailangan tulad ng pagkain, mga luho gaya ng
kasuotan at social life. Kahit alam ng lahat na may-asawa si Sir Cuenco ay
tinanggap siya sa kanyang pinapasukang pahayagan at ipinagtaka ito ni Lita.
Walang sawang pinagnanasaan ang kanyang kasariwaan at kagandahan ni Sir
Cuenco. Ayaw nitong may kaagaw ito sa kanya kaya labis itong naging mapusok kay
Lita. Pero inaalala ni Lita ang nasa sinapupunan niya. Tinatanong niya sa kanyang
isipan kung ano ang magiging buhay niya at ang pumipintig sa kanyang
sinapupunan. At sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang kanyang dating
kasintahan. Si Luis ang unang nagpatibok ng kanyang puso at nakita niya ang
isinulat nitong akda. Napansin ni Sir Cuenco ang malungkot na mukha ni Lita.
Pagkaalis ng among kasintahan ay nakaramdam ng pangungulila at pagsisisi si Lita
dahil sa pag-iwan nito kay Luis. Pinagmasdan niya ang mapa ng pulo ng Polillo
Quezon kung saan nakatira ang unang kasintahan. Umagos ang luha sa mata ni Lita
habang inaalala ang mga sandalling kapiling niya si Luis. Kaya inihagis niya ang
plumang binigay sa kanya ni Sir Cuenco at nagpasya siyang hindi na niya isusulat
ang kanyang ikatlong kuwento bagkus ito ay gusto niyang nakaukit sa kanyang puso
at buong pagkatao.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang ibig sabihin ng pamagat sa akdang ito na “Tatlong Kuwento” ay ang tatlong
bahagi ng pagsasalaysay ni Lita sa kanyang karanasan at pinagdaanan sa buhay.
Ang masalimuot niyang kabataan, ang kuwento ng kanyang unang pag-ibig, at ang
ikalawang pag-ibig niya na wala ring kasiguraduhan tulad ng kanyang una. At ang
ikatlong kuwento ng kanyang buhay na ayaw niyang isatitik dahil nais niyang ito ay
maikintal lamang sa kanyang puso at isipan.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Ang pagiging marupok ni Lita ang nagdala
sa kanya sa mga karanasang sumubok sa kanyang pagkatao. Dahil sa kanyang
kamusmusan ay maraming paghihirap sa buhay na napagdaanan si Lita. Kaya
sinikap niyang maging maayos ang kanyang kalagayan at siya ay naging isang
manunulat sa isang pahayagan. Ang kanyang pagiging manunulat ay naging daan
din upang ibahagi niya ang istorya ng kanyang buhay at ito rin ang nagbigay sa
kanya ng maayos na pamumuhay.

2.Kulturang Pilipino- Nasasalamin sa kuwento ang kulturang Pilipino ng pagiging


makata, mahilig sumulat at maglahad ng sariling istorya ng buhay. Ang pagbahagi ng
mga sariling karanasan ni Lita sa pamamagitan ng kanyang pagsusulat ay ginagawa
rin nating mga pinoy. Dahil gusto nating magbigay inspirasyon sa mga tao at
magsilbing aral sa kanila ang kuwento ng ating buhay. Ang pagiging marupok at
mapagmahal ni Lita ay isa rin sa mga katangian ng mga Pilipino pagdating sa
pagpapasya tungkol sa pag-ibig. Ang pagpapakasal ay isa ring tradisyon na
nagpapahiwatig ng biyaya at bendisyon ng Panginoon sa mag-asawa at sa magiging
pamilya nito. Na tulad sa kagustuhan ni Lita na makasal sana sila ni Luis ay hindi
maibigay ng unang kasintahan dahil sa kakapusan nito sa buhay.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Walang mali at walang pangit, ganyan kung mabulag ang
mga taong umiibig”. Sa kasabihang ito maihahalintulad ang buhay pag-ibig ni Lita
dahil sa labis na karupukan at pagnanais ng marangyang buhay ay hindi niya
alintana ang pagiging kabit niya sa buhay ni Sir Cuenco. Ang kapusukan niya ay
nagbunga din ng isang pagkakamali nang makipagrelasyon siya sa taong walang
paninindigan at takot sa responsibilidad tulad ni Luis. Kaya nabulag siya sa
karangyaan na binigay sa kanya ni Sir Cuenco kahit alam niyang ito ay isang
malaking pagkakamali.

4.Simbolismong Pilipino- Ang kasal ang simbolo ng pag-aalay ng magsing-irog sa


kanilang pagsasama na may basbas ng Panginoon. Ito ay nagpapakita ng kanilang
paggalang sa mga utos ng Diyos na nagsisilbing pagtanggap nila sa tungkulin bilang
katoliko. Ang pagiging makata ni Lita ay nagpapatunay ng pag-unlad at paglawak ng
ating panitikan na sumasalamin sa ating kultura, tradisyon at paniniwala na
ipinamana ng ating mga ninuno.

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
Realismo- Ang kuwento ay nagpapakita ng mga kaganapan sa buhay ng tao sa
lipunan gaya ng pakikiapid ni Lita sa ibang lalaki na may asawa. Ang pagiging
mapusok at marupok ni Lita ay nararanasan din ng karamihang kababaihan na labis
magbigay ng kanilang atensyon at pagmamahal sa mga lalaki. Ang pagtalikod din ni
Luis sa kanyang responsibilidad kay Lita dahil sa kanyang kasalatan sa buhay ay
nagpapatunay ng kaduwagan at takot sa mga responsibilidad.

Romantisismo- Dahil sa labis na pagmamahal ni Lita kay Luis ay naipaubaya niya


ang kanyang sarili. Ang pagiging marupok din nito ang nagsadlak sa kanya na
makipagrelasyon sa amo nitong may asawa na si Sir Cuenco.

Moralistiko- Kahit alam ni Lita na mali ang mga desisyon niya sa buhay ay hindi niya
ito naiisip dahil pinapairal niya ang tibok ng kanyang puso. Takot din siyang
makaranas muli ng kahirapan kaya pumatol siya sa kanyang amo. Pilit man niyang
itama ang lahat ay wala na rin sa piling niya ang kanyang unang minahal na lalaki na
si Luis.

Bayograpikal- Naranasan ni Lita ang pinakamasaya niyang buhay sa piling ni Luis


sapagkat naging maalab ang kanilang pag-iibigan. Pero naranasan din niya ang
pagiging malungkot dahil naalala niya ang maliligayang araw ng pagsasama nil ani
Luis. Sa piling naman ng kanyang amo ay naging masaya siya sapagkat naibibigay
nito ang kanyang mga luho at pangangailangan na hindi maibigay ni Luis sa kanya.

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan- Hindi na lingid sa ating lipunan ang sitwasyon ni Lita
dahil karamihan ay kumakapit sa patalim upang mabuhay lamang. Isinasakripisyo
ang dignidad at pagkababae para lamang makuha ang mga luho sa buhay na hindi
iniisip ang mga mangyayari sa kanyang kinabukasan.

B.Kalagayang Pangkabuhayan- Ang pagiging manunulat ni Lita ay nakatutulong sa


kanyang kumita ng pera upang matugunan ang kanyang pangangailangan at
karangyaan na gusto niyang maranasan. Dahil sa hindi magandang karanasan
noong kabataan ay nagsumikap siya sa buhay dahil ayaw na niyang maulit ang
paghihirap niya noon.

C.Kalagayang Pansarili- Binalewala ni Lita ang pagpapahalaga niya sa kanyang


dignidad at pagkababae dahil lamang sa takot niyang maghirap. Ang tatlong bahagi
ng kanyang kuwento ay nagpapatunay ng masalimuot na pangyayari ng kanyang
buhay pag-ibig. At ang mga pagsubok na pinagdaanan niya sa kanyang
kamusmusan ay may malaking epekto din sa kanyang pagkatao.

Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3


Fili 116: Panunuring Pampanitikan
Guro: James Lloyd B. Calunsag
I.Pamagat: “Katubusan” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod

Ang kuwentong ito ay naglalahad ng pagiging palaban at pagkamakabayan ng


isang kasapi ng samahang Tandang Sora na si Bingbing. Isang matapang na babae
si Bingbing na bumabatikos sa mga mapagsamantalang pinuno ng bayan. Isa
lamang siya sa mga sumusulat ng mga akda sa pahayagan ng Tandang Sora ukol
sa pang-aabuso, pagnanakaw at pagsasamantala ng mga pinuno ng bayan.
Ginagamit ang kanilang kapangyarihan na magnakaw sa kaban ng bayan kaya
ganoon na lamang ang galit ni Bingbing sa mga pinunong sakim sa pera at
kapangyarihan. Ito ang laging pinagtatalunan nila ng kasintahang si Jorge na may
amang pulitiko sa kanilang bayan. Ibig ni Jorge na umalis na si Bingbing sa
samahan na kanyang kinaaaniban. Pero ayaw ni Bingbing dahil gusto niyang
ipagtanggol at ipaglaban ang karapatan ng mga mamamayan. At sa puntong ito ay
magsisimula na ang hindi pagkikibuan ng magkasintahang Jorge at Bingbing. Galit si
Bingbing sa pagwawaldas ng pera ng mga pinuno na napupunta sa pagbabakasyon
sa ibang bansa kasama ang kani-kanilang pamilya at mga tagapag-alaga ng
kanilang mga anak. Hindi niya nagustuhan ang pagsasabi ng paalalang dapat
magtipid ang taumbayan para maisalba ang krisis na dinadanas ng bayan.

Kaya patuloy ang pagtatalo nilang magkasintahan dahil sa usapin ng


kurapsyong binabatikos ng samahang Tandang Sora. Bilang anak ng isang pulitiko
ay makikitang nasa panig ng kanyang ama si Jorge. At hindi ito sinasang-ayunan ni
Bingbing dahil nais niyang ipaglaban at ipagtanggol ang karapatan ng sambayanan.
Ang tapat, maayos at pantay na pamumuno ang hangad ng kanilang samahan na
dapat makamit ng mga mamamayan. At sa tuwing nagtatalo sina Jorge at Bingbing
ay naglalabas ng sama ng loob si Bingbing sa kasamahan nitong peryodistang si
Pando. Siya rin ang tagapayo ng samahang Tandang Sora kung ano ang dapat
ipaalam sa mga mamamayan at ang mga katiwaliang ginagawa ng mga namumuno.
At napagtanto ni Bingbing na hindi si Jorge ang taong para sa kanya dahil sa
pagkakaiba ng kanilang prinsipyo at pananaw sa buhay. Habang patuloy naman ang
panawagan ng pamahalaan ng kanilang bayan na magtipid at magbigay ng
kakarampot na bahagi ng kanilang mga kita, patuloy rin ang mga makapangyarihang
pinuno sa paglustay sa kaban ng bayan. Kaya patuloy ang pagtuligsa ng samahang
Tandang Sora sa mga pulitikong mapagsamantala. Ang matapang nilang
paninindigan na ang mga pinuno ay dapat may katalinuhan, katapatan at pagiging
makabayan.

Ayaw maulit ng samahan ang pagiging tuta sa ibang bansa lalo na ang
pagsakop ng mga dayuhan. At patuloy na umaasa ang Tandang Sora sa kanilang
paniniwala na “Nasa Diyos ang Awa, Nasa Tao ang Gawa”. Ngunit may pananalig pa
rin si Jorge na mahihikayat niya si Bingbing na umalis sa samahan. Dahil alam
niyang walang laban sina Bingbing sa kapangyarihan ng pamahalaan. Nagalit
naman si Bingbing nang insultuhin ni Jorge ang kasamahan at kaibigan nitong si
Pando. Ang sabi ni Jorge ay walang laban si Pando kung kapangyarihan at pinag-
aralan ang pag-uusapan. At tinutulan naman ito ni Bingbing dahil ayon sa kanya,
maraming mga tanyag na tao tulad ni Abraham Lincoln ang hindi nakapag-aral
ngunit matalino at tapat sa bayan. Kaya ipinagmalaki ni Bingbing si Pando na kahit
hindi ito nakatapak sa isang kilalang pamantasan ay matalino at may paninidigan ito
na lumaban para sa bayan sa pamamagitan ng mga sinusulat nitong lathalain. Sa
tulong ng midya ay mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan sa
pananamantala at kurapsyon ng mga namumuno. Handang maghintay ang
samahang Tandang Sora na makamit nila ang katarungan at mga inaasam na pag-
unlad at pagbabago para sa bayan gaano man ito katagal. Dahil ayon sa samahan,
hindi man mabilang ang banaag ng araw, mga patak ng ulan at ang mga biyaya ng
Maykapal ay hindi magigng imposible kung may paninindigang ilaban ang karapatan
hanggang sa katapusan.

III.Kahulugan ng Pamagat:
Ang ibig sabihin ng pamagat na “Katubusan” ay nais ng tauhan na si Bingbing na
tubusin ang mamamayan ng kanyang bayan mula sa paghihirap na dinaranas ng
mga ito. Ang talamak na kurapsyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga
namumuno ay gustong matigil ng samahang Tandang Sora na kinabibilangan ni
Bingbing. Nais nilang matigil at wakasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng
mga sakim na pulitiko. At sa pamamagitan ng mga isinusulat sa pahayagan nina
Bingbing ay mapukaw at mamulat ang mamamayan na ipaglaban ang kanilang
karapatan. Nang sa gayon ay maging maayos na ang sistema ng pamahalaan sa
pagtaguyod ng matatag na ekonomiya na may tapat at mabuting pinuno.

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan- Matapang at palaban na babae si
Bingbing dahil gusto niyang maging maayos ang sistema ng pamahalaan. Partikular
dito ang pamumuno ng mga taong may malasakit sa mga mamamayan na handang
ibigay ang nararapat na tulong ng mga naghihirap sa buhay. Ang pagkakaroon ng
proyekto sa pag-unlad ng mga pamumuhay at ekonomiya ang isinusulong ng
samahan ni Bingbing. Ang pagtulong ni Bingbing sa pamamagitan ng kanyang
pagiging manunulat ay nakatutulong sa mga tao upang mamulat sa katotohanan.

2.Kulturang Pilipino- Ang pagkakaroon ni Bingbing ng mga katangiang pagiging


matapang, palaban at makabayan ay nagpapatunay na isa siyang magiting na
Pilipino. Ang mga pag-aalsang ginagawa ng kanilang samahan ay nangyayari pa rin
hanggang sa kasalukayan dahil sa pakikipaglaban ng mga grupong nagnanais ng
pantay na pagtrato at pagbibigay importansya sa karapatang pantao. Upang sa
gayon ay magkaroon ng pagkakaisa at pagbubuklod ang pamahalaan at ang
mamamayan.

3.Pilosopiyang Pilipino- “Ang may malinis na kalooban ay walang kinatatakutan”.


Napatunayan ang pagiging malinis na puso ni Bingbing sa pagserbisyo sa kanyang
mga kababayan sapagkat ganoon na lamang ang kanyang pagmamahal sa mga ito.
Handa niyang isakripisyo ang kanyang pag-ibig kay Jorge alang-alang lamang sa
kanyang intensyong ipaglaban ang nararapat para sa mga tao. Hindi siya natatakot
sa mga maaaring gawin ng mga pulitiko sa kanilang samahan kahit alam niyang
walang kasiguraduhan ang pakikipagtunggali nila sa mga may kapangyarihan. Buo
ang loob niyang tumulong para sa isang matiwasay na lipunan. At sa ngayon
mayroon pa ring kagaya ni Bingbing na hindi nasisilaw sa pera at kapangyarihan at
mas iniisip ang kapakanan ng lahat.
4.Simbolismong Pilipino-

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan-

B.Kalagayang Pangkabuhayan-

C.Kalagayang Pansarili-
Jenilyn Ramada BSED-Filipino 3
Fili 116: Panunuring Pampanitikan
Guro: G. James Lloyd B. Calunsag

I.Pamagat: “Balik-Tanaw” ni Genoveva Edroza Matute

II.Buod:

May mag-asawang Mary at Peter Fernandez na may isang sundalong anak na


si Carlos. Silang mag-anak ay nakatira na sa America. Masayang-masaya ang mag-
asawa dahil makakauwi na ang kanilang anak na si Carlos matapos makipaglaban
sa Iraq. Isa si Carlos sa mga sundalong Pilipino na nakipaglaban sa mga Iraqi. Kaya
napalitan ng pananabik ang pag-aalala ng mag-asawa sa anak nang mabalitaan
nilang makakapiling na nila itong muli. Inihanda naman ni Mary ang mga sulat ng
mga kabarkada ni Carlos na galing sa Negros Occidental. Ang mga ito ay sina
Bentot, Totong, Nano at ang magkapatid na Esong at Sayong. Sila ay ang mga
kababata ni Carlos na naiwan sa To-ong, Manapla, isang bayan sa Negros. Pitong
taon pa lamang si Carlos nang pumunta silang mag-anak sa America. Pero hindi
nakakalimot na magsulatan ang magkakabarkada sa isat-isa kahit kahig-pusa ang
mga sulat ng mga ito. Nasiyahan si Mary dahil nagkakaroon pa rin ng pagkakataon
ang mga ito na kamustahin ang kanilang anak na abala sa pagiging sundalo ng
America. Sa pagkahilig nilang mag-asawa na magbasa ng mga balita ay palagi
silang bumibili ng mga pahayagan upang makibalita sa kalagayan ng anak na si
Carlos. Dahil dito nabalitaan din nilang may pararangalan na isang sundalong
Pilipino- Americano na namatay sa digmaan. Ginawaran ito ng parangal bilang isang
mamamayang Americano at ito ay gaganapin sa Washington DC.

Sabik ang mag-asawang pumunta sa araw ng parangal dahil malaki ang


paniniwala nila na magiging American citizen si Carlos dahil sa matagumpay na
pakikipaglaban nito sa Iraq. Tatlong sundalong Pilipino ang hahandugan ng parangal
dahil sa kanilang kagitingan at isa sa kanila ay si Carlos Fernandez. Hindi rin naging
madali kay Carlos ang buhay sa America dahil pitong taon pa lang ito nang iwan ang
bayan ng To-ong, Manapla at lumuwas silang mag-anak sa America. Sari-saring
trabaho din ang pinasukan ni Carlos bago maging ganap na sundalo. Siya ay
namasukan bilang gasoline boy, driver, storekeeper, typist at marami pang iba.
Naging matipid din si Carlos sa kanyang kinikita kaya alam ng mag-asawang
nakaipon din ito kahit papaano. Pero ipinagtaka nilang mag-asawa kung bakit hindi
ito kumuha ng eksamin upang maging ganap na American citizen. Sa kabila nito,
panatag silang magiging American citizen din si Carlos dahil sa ginawang
kabayanihan. Mula sa Chicago ay pumunta ang mag-asawang Mary at Peter sa
araw ng parangal ni Carlos sa Washington DC.

Sa araw ng parangal ay nagulat ang mag-asawa nang tumanggi si Carlos sa


parangal na maging isang American citizen at sinabi nito sa kanyang talumpati na
mananatili siyang isang tunay na Pilipino. Sa kabila ng pagkadismaya ay iginalang
nina Mary at Peter ang naging desisyon ng kanilang anak na si Carlos. Umuwi silang
mag-anak ng Chicago nang walang imikan at napansin ng mag-asawa ang pagiging
tahimik ng kanilang anak. At upang mapawi ang tensyon sa pagitan ng mag-anak ay
ipinakita ni Mary ang mga sulat na ipinadala ng mga kabarkada ni Carlos sa kanya.
Kaya kumislap ang mga mata ni Carlos at sabik nitong binasa ang mga sulat ng mga
kababata mula sa Negros Occidental. Ibinalita naman ni Carlos sa kanyang ina ang
mga kuwento ng mga kaibigan sa sulat na nag-asawa na pala ang mga ito maliban
sa magkapatid na Esong at Sayong. Pero si Esong umano ay may kasintahan na
samantalang si Sayong ay dalaga pa rin. Kaya tinukso ng mag-asawa ang kanilang
anak at ito ay hindi nakakibo. At sa pagkakataong iyon ay tinanong ng mag-asawa
kung bakit hindi nito tinanggap ang parangal na iginawad sa kanya upang maging
isang American citizen. Sinagot naman ito ni Carlos na gusto niyang manatiling
tunay na mamamayang Pilipino. Kaya humingi siya ng tawad sa mga magulang dahil
nabigo nito ang kanilang pangarap na maging ganap na American citizen. At
naiintindihan naman ng mag-asawang Mary at Peter ang naging pasya ng kanilang
anak na si Carlos. Iginalang at sinuportahan naman nila ang desisyon ng anak na
umalis sa pagiging sundalo sa kabila ng kanilang pagkagulat sa sinabi nito. Sa
pagkakataong iyon ay nagpasya si Carlos na uuwi siya sa To-ong, Manapla sa
Negros Occidental upang makapiling niya ang kanyang kababatang si Sayong.
Lubos naman ang kasiyahan ng mag-asawa sa sinabi ng anak at natutuwa sila na
sa wakas ay nagbabalak na rin itong magkaroon ng sariling pamilya.

III.Kahulugan ng Pamagat:

IV.Pagpapahalaga Ayon sa Nilalaman


1.Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan-

2.Kulturang Pilipino-

3.Pilosopiyang Pilipino-

4.Simbolismong Pilipino-

V.Paraan ng Pagpapahayag
1.Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda

VI.Implikasyon
A.Kalagayang Panlipunan-

B.Kalagayang Pangkabuhayan-

C.Kalagayang Pansarili-

You might also like